Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Biyernes, Marso 31, 2023

Abakada ng Pag-ibig: GWEN Chapter 4

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 4

HINDI lumabas ng silid si Gwen hangga’t hindi niya naramdamang nakabalik na sina Darla mula sa yate.

        Alas-nuwebe na ng umaga nagsibalik ang mga ito.  Sa yate na palibhasa natulog at nag-almusal ang grupo.

        Gutom na gutom na nga si Gwen nang lumabas ng kuwarto.

        Pero kinatok muna niya ang pinsan.

        “Samahan naman ninyo akong mag-breakfast,” paglalambing niya rito.

        “Sige, ba,” listo namang sagot ni Darla. “Pero tayong dalawa na lang. Tulog na tulog si Pete, e. Pinuyat ko kasi kagabi.”

        At humagikhik ito.

        Napabuntonghininga naman si Gwen.

        Lahat ba ng taong kasama niya sa bahay na iyon ay maligaya? Siya lang ang hindi.

        May almusal na nakahain sa komedor kahit nakakain na sa yate ang karamihan sa mga panauhin ng villa.

        Kumain si Gwen. Nagkape na lang uli si Darla.

        Doon sila inabutan ng natatarantang si Geraldine. Hangos itong pumanaog mula sa pangalawang palapag ng bahay. Nakaroba lang. Gulo pa ang buhok at mukhang ni hindi nakapaghilamos man lamang.

        “Oh my God!” parang wala sa sariling usal nito. “Oh my God!”

        Sabay na napatayo ang magpinsan.

        Saglit na nakalimutan ni Gwen ang pagka-asiwa niya sa babae. Para kasing may masamang nangyari rito.

        “Bakit, Geraldine? What’s wrong?” tanong ni Darla.

        “Nakatanggap ako ng tawag mula sa clubhouse,” parang natutulalang pagkukuwento nito. “Bawal daw na umalis sa isla. Nobody will be allowed to leave.”

        “Bakit?” kinakabahang tanong ni Gwen. “May... may epidemic bang nag-breakout bigla? Ano?”

        Umiling si Geraldine.

        “Si Kyle...,” nangangatal ang tinig na sagot nito. “Natagpuang patay si Kyle kaninang umaga. Pinukpok ng kung ano sa ulo.”

        “Ha?” halos sabay na bulalas ng magpinsan.

        Saka lamang napaupo si Geraldine sa isa sa mga silyang nakapaikot sa mesang kainan.

        “Paanong nangyari iyon?” tanong ni Darla.

        “Hindi pa nga malaman,” iling ni Geraldine. “Magkakaroon nga raw ng imbestigasyon.”

        “Si Tom?” tanong ni Gwen.

        “Iyon pa nga, e,” sagot ni Geraldine. “Natagpuan daw si Kyle sa library. Natagpuan naman si Tom sa kuwarto nila. Unconscious din. Na-airlift na siya sa ospital sa Miami. He’s okay na raw pero in shock pa yata kaya hindi pa makausap nang matino.”

        “Ibig sabihin, pinasok sila ng kung sino,” hula ni Darla. “Napagnakawan daw ba? Wala man lang nagising sa kanilang mga katulong sa bahay?”

        “Nasa likod ng villa ang staff quarters, tulad dito,” sagot ng medyo kalmado nang si Geraldine. “At saka parang wala naman daw nawawala. Of course, hindi pa talaga masisiguro iyon hangga’t hindi naku-confirm ni Tom. Malay natin kung may nawawalang pera, jewelry o iba pang valuables na hindi naman mahahalata ng hindi mismong may-ari.”

        “Pero ganoon ba kadaling makakapasok ang mga masasamang-loob sa islang ito?” tanong ni Gwen. “Mahigpit ang security rito, hindi ba? There’s no way in except by helicopter or by sea. Iyong helicopter, imposibleng makababa nang hindi napapansin. Sa dagat naman, masinsin ang boat patrol.”

        Tumango si Geraldine.

        “Exactly,” sagot nito. “Kaya nga siguro ipinagbabawal na may umalis sa isla magmula ngayon. Naniniwala ang authorities na narito pa ang kriminal. Na posibleng kakilala rin nina Kyle at Tom ang may kagagawan niyon. Paano nga namang makakapasok sa villa nila ang intruder samantalang wala namang signs ng break-in.”

        “Nakakatakot naman,” sabi ni Darla. “Ibig sabihin, posibleng kakilala rin natin ang kriminal?”

        “Ang sabihin mo, lahat tayong narito sa isla, suspects,” sagot ni Gwen. “Ano ba naman ito?”

 

NASIRA na ang araw na iyon para sa lahat.

        Nang malaman ng iba pang mga panauhin ni Geraldine ang tungkol sa pangyayari, wala na silang ginawa kundi pag-usapan iyon. May kanya-kanyang mga haka-haka ang bawat isa.

        Nawalan na sila ng gana na magsaya. Kahit magpunta man lang sa beach. Basta’t nagkukumpulan na lamang sila sa salas o sa terasa o sa komedor ng villa. O kaya nama’y nagkukulong sa kanya-kanyang silid.

        Si Gwen, mas madalas na nasa silid kung hindi rin lang nakadikit kina Darla at Pete. Naiilang pa rin siya kina Geraldine at Lyon.

        Kanina, noong unang nagbalita sa kanila ni Darla ang babae, nagawa niyang isaisantabi nang sandali ang mga naganap nang nagdaang gabi at umaga. Mas mahalaga naman kasi nang di-hamak ang kanilang pinag-usapan.

        Pero pagkatapos niyon, nang mahimasmasan na siya, muling bumangon sa dibdib ng dalaga ang mga nakakabalisang emosyon. Muling siyang nangilag kay Geraldine. Pero kay Lyon, iba naman ang dahilan ng kanyang pag-iwas. Dahil hanggang sa mga sandaling iyon ay naroon pa rin sa kaibuturan ng pagkatao niya ang kakaibang init. Ang paghahangad sa binata.

        Naguguluhan pa si Gwen. Nalilito. Kaya mas ginusto pa niyang mapag-isa. Magtago.

        Kinahapunan, may dumating na sorpresa – si Bolton Boyer, ang asawa ni Geraldine.

        Nasa komedor na muli ang grupo nang biglang bumulaga sa pinto ang matandang lalaki. Kasunod ang mga bodyguard.

        “Bolton!” gulat na gulat na bulalas ng misis nito.

        At agad na pasimpleng lumayo kay Lyon ang babae. Sumalubong ng yakap at halik sa asawa.

        “Darling, I wasn’t expecting you,” sabi pa ni Geraldine. “I’m so glad you’re here. A dreadful thing has happened.”

        “I know,” tango ni Bolton. “And that’s exactly why I’m here. Do you realize that you’re a murder suspect?”

        “Isn’t that ridiculous?” natatawang sagot ni Geraldine.

        “But this is no laughing matter, my dear,” seryosong pakli ng matanda. “Our lawyers are coming over to clear this up. I can’t afford this kind of publicity. The Boyer name is at stake, you know.”

        “Of course, darling,” parang maamong tupa na tango ng babae.

        Kasunod niyon, ipinakilala nito sa asawa ang mga panauhin.

        Napansin ni Gwen, ibang-iba pala si Geraldine kapag kasama si Bolton. Bigla itong umaastang ulirang maybahay.

        Tama nga ang sabi ni Darla. Kapit-tuko si Geraldine sa mayamang asawa. Hindi ito gagawa ng anumang bagay na makakasira sa kanilang pagsasama.

        Kaya nga siguro pinatulan ito ni Lyon. Sigurado nga namang hindi nito iiwan ang asawa para kumapit nang pangmatagalan sa binata. Hindi manganganib ang kalayaang pinakamamahal ng tinaguriang gigolo.

        Bago pa man makapagpahinga si Bolton Boyer ay may dumating pa uli na hindi inaasahan sa villa.

        “Inspector Claude Dubois, Madame,” pagpapakilala nito kay Geraldine.

        May kasama pang dalawang pulis ang inspektor.

        Naroon daw ang mga ito para magtanung-tanong sa kanilang lahat ng tungkol sa kanilang mga kinaroroonan kagabi hanggang kaninang umaga.

        Ipinatawag sa salas maging ang mga kawaksi ng mga Boyer. Ang mga ito rin ang unang tinanong.

        Magkakasama pala sa iisang malaking silid na parang dormitoryo ang mga babaing kawaksi. Ganoon din ang mga lalaki. Nakatulong iyon para mapatunayan ng mga ito na kumpleto silang natulog magmula alas-diyes ng gabi. Kumpleto ring gumising nang sabay-sabay nang alas-kuwatro y medya ng umaga.

        Nang ang mga panauhin naman ni Geraldine ang tinanong, napatunayan nina Darla, Pete, Summer, Johnny, Baronessa Zaida at Baron Karl na sa yate nagpalipas ng gabi ang mga ito, kasama ang crew.

        “So, the only ones left here last night were you, Mrs. Boyer, and your guests, Miss Gwen Garchitorena and Mr. Lyon Llamanzares?” tanong ni Inspector Dubois.

        Tumango si Geraldine.

        “I was not feeling well,” sabi pa nito. “I went straight to my room, took my migraine medication, and fell asleep immediately.”

        Napakurap si Gwen sa narinig na kasinungalingan.

        Sinulyapan niya si Darla pero wala siyang nakitang anumang reaksiyon sa mukha ng kanyang pinsan.

        Isa-isa niyang tiningnan ang iba pa nilang mga kasama pero pawang blangko ang mga mukha ng mga ito.

        Nainis si Gwen.

        Oo nga pala, naisip niya. Narito nga pala si Bolton Boyer. At kahit alam naman nito ang mga kalokohan ng asawa, may patakaran ito na hindi dapat mabunyag ang kalokohang iyon sa madla. Kaya kailangang magsinungaling si Geraldine sa awtoridad.

        “And you, Miss Garchitorena,” biglang baling sa kanya ng inspektor. “What did you do last night?”

        “I went straight to bed, too,” sagot ni Gwen.

        “So that leaves Mr. Llamanzares here,” sabi ni Claude Dubois. “I have received some information that you, sir, are known as a gigolo. And that the victim, Kyle Bylos, had in the past days shown some interest in you. Did you have any relationship with Kyle?”

        Hayagan ang pang-uusig sa pananalita ng inspektor.

        At agad na napikon si Gwen.

        Bakit naman kasi ganoon? Bakit pinapalabas na agad na may kinalaman si Lyon sa pagkamatay ni Kyle? Dahil lang ba may reputasyon ito bilang isang gigolo? Dahil lang nagkataong may crush dito si Kyle?

        Pero nakasisiguro siyang inosente sa krimeng iyon ang binata. Buong magdamag itong kaulayaw ni Geraldine. Dinig na dinig niya hanggang madaling araw. Nakita pa niya ang dalawa kaninang maagang-maaga sa balkonahe. Nakasisiguro siyang hindi nagkaroon ng pagkakataon si Lyon na makatakas nang kahit sandali mula sa babae.

        Ngayong pinagbibintangan na si Lyon bilang mamamatay-tao, siguro nama’y aamin na si Geraldine na magkasama ang mga ito nang buong magdamag.

        Hinintay ni Gwen na magsalita ang babae. Pero nanatiling tahimik si Geraldine. Humawak pa ito sa braso ng asawa na parang naghahanap ng kakampi.

        Muling umikot ang tingin ni Gwen sa mga kasama. Wala bang magsasalita ni isa sa kanila?

        Pero oo nga pala, nagpunta sa yate ang mga ito. Ang maaari lang nilang mapatunayan ay magkasama sina Geraldine at Lyon nang iwan nila sa salas.

        Siya lang ang puwedeng magpatunay na magkasama nga ang dalawa nang magdamag.

        Magsasalita na sana si Gwen nang pukulin siya ng matalim na tingin ni Geraldine.

        Natigilan siya.

        Napatingin siya kay Lyon.

        Bakit ayaw nitong ipagtanggol ang sarili? Bakit nananatili itong nakangiti lang na parang nang-iinis pa sa inspektor. Hindi ba nito naiisip na lalo lang iyong makakapagpalala sa sitwasyon?

        “Please answer my questions, Mr. Llamanzares,” sabi nga ni Inspector Dubois. “Or would you want a lawyer present?”

        Lalong umigting ang pang-aakusa sa tinig nito.

        Biglang nagsalita si Gwen.

        “He was with me,” bulalas niya. “He was with me the whole night, until this morning.”

        Napatingin sa kanya ang lahat.

        Pero ang nakasalubong niya ng tingin ay si Lyon. Mukha lang itong cool na cool na nakangiti pa rin pero kitang-kita niya ang pagkagulat sa mga mata nito.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento