FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 7
SA
eroplano, tinanong ni Lyon si Gwen.
“Hindi ka ba natatakot sa magiging
reaksiyon ng pamilya mo sa pagdikit mo sa akin?”
Napabuntonghininga ang dalaga.
“Sawang-sawa na ako sa mga restriksiyon
nila,” sagot niya. “Akala lang kasi ng iba, nagagawa ko ang lahat ng gusto ko.
Nakukuha ko ang lahat ng hangarin ko. But that’s a lie. Ang totoo niyon,
nakakakilos lang ako sa loob ng kuwadrang itinakda nila para sa akin. I’m just
like a thoroughbred horse, trained from birth for display. Magmula nang
magkaisip ako, wala na silang ipinagmalaki kundi kagandahan ko. Iyon lang ang
mahalaga.
“Hindi ako puwedeng maglilikot, baka
madapa, masugatan at magkapeklat. Hindi puwedeng mainitan ng araw, baka umitim
at gumaspang ang balat. Sa school, kahit maganda naman ang grades ko, hindi ko
magawang maging valedictorian na gaya ng mga kuya ko dahil pag-uwi ko ng bahay
ay tutuloy pa ako sa piano lessons, singing lessons, ballet lessons, poise and
personality lessons, speech lessons, painting lessons. Iyon daw ang bagay na
pagkakaabalahan ng babae. Iyon daw ang kakailanganin ko sa aking paglaki.
“Kaya hayun, pagka-graduate nina Kuya,
diretso na sila sa pamamahala ng business. Ako naman, heto, wala pa ring patutunguhan
kundi panay sosyalan. Walang maaasahan hanggang sa pagtanda kundi ang matawag
na isang socialite.
“Siguro, panahon na para sirain ko ang
kuwadrang kinapapalooban ko. Para palayain ko ang sarili ko. I want to run
free. Tulad mo.”
Natawa si Lyon. Mapait na pagtawa.
“Magkaibang-magkaiba tayo,” sagot nito.
“Sa kaso ko, I had no choice. Nawasak na ang kuwadra. Nasunog na ang buong
rantso o hacienda o kung ano man iyon. Wala na akong sisilungan. Wala na akong
pupuntahan.”
Bakas na bakas ang malalim na paghihinanakit
sa tinig nito.
Nagsisi tuloy si Gwen sa hindi
sinasadyang pagkakasaling niya sa sugat sa puso nito.
“P-Pero naiinggit pa rin ako sa kalayaan
mo,” giit niya. “Wala kang sinusunod na mga dapat o hindi dapat. Gumagawa ka ng
sarili mong daan.”
“Wala nga lang ding patutunguhan,” sagot
ni Lyon.
Kumunot ang noo ni Gwen.
“Why are you putting yourself down?”
tanong niya. “Hindi ba’t ginusto mo iyang ginagawa mo? Hindi ka ba masaya?”
Nagkibit-balikat ang binata.
“Hindi ko na inaanalisa iyon,” sagot nito.
“I’m alive. I’m surviving. Tama na ‘yon.”
Nabahala si Gwen.
Hindi niya gustong nakikitang ganoon si
Lyon. Hindi masaya. May kulang.
Gusto niya itong damayan. Tulungan. Pero
paano?
Wala pa siyang karapatang panghimasukan
ang buhay nito. Wala naman silang permanenteng relasyon.
Napabuntonghininga ang dalaga.
NAGHIWALAY
sila sa airport.
“Puwede naman kitang ihatid sa
pupuntahan mong pension house sa Malate,” ulit ni Gwen sa alok na binanggit na
niya kanina sa eroplano. “Nandiyan naman ang sundo kong kotse.”
“Huwag na sabi, e,” iling ni Lyon.
“Nasa iyo naman ang address at phone number doon. Nasa akin din ang address at
phone number mo. Mag-settle down ka muna sa inyo, then call me.”
“Okay,” sagot ng dalaga.
Pero naisip niya, isa na naman iyong
palatandaan ng pagdistansiya ni Lyon. Muli nitong nilalagyan ng hangganan ang
kanilang ugnayan.
Wala siyang magagawa. May kasabihan nga
– beggars can’t be choosers. Siya lang itong humihiling ng oras at atensiyon ni
Lyon kaya’t siya ang kailangang makibagay.
Driver lang ang sumundo kay Gwen – ang
katiwala na nilang si Mang Damian. Nasa trabaho siyempre ang Daddy niya’t mga
kapatid. May garden show daw namang dinaluhan ang kanyang Mommy.
Maghapong mag-isa ang dalaga sa bahay. Mga
kawaksi lang ang kasama.
At lalong tumingkad sa kanyang pandama
kung gaano kahungkag at kalungkot ang dati niyang buhay.
Pero tiniis niyang maghintay hanggang
alas sais ng gabi bago tawagan si Lyon. Hinayaan muna niyang magkaroon ito ng
ilang oras ng kalayaan.
“O, kumusta ka na riyan?” tanong nito.
“Heto, nag-iisa,” sagot niya. “Wala
pareho sina Mommy at Daddy. Pero hindi naman sila ang nami-miss ko. Ikaw. I
miss you already.”
Tumawa si Lyon.
“So come on over,” sagot nito. “What are
you waiting for?”
Hindi na nga nito kinailangang
magdalawang salita pa. Nagbihis na agad si Gwen.
Dahil wala pa ang kanyang mga magulang,
nagbilin na lang siya sa kanilang mayordoma.
“Manang Paring, pakisabing nag-night out
ako. Gagabihin ako ng uwi. O baka umagahin pa.”
Sanay naman ang mga magulang niya sa
kanyang night life sa Maynila. Hindi na magugulat ang mga ito. Iisipin lang
marahil na miss na miss na niyang makasama uli ang mga dating kaibigan.
“Wala ka bang jet lag?” pagtataka ng
matandang babae. “Kadarating mo lang galing sa biyahe, a.”
“Gising na gising nga ho ako, e,” sagot
niya.
Hindi na lang niya idinugtong na nasanay
na kasi ang katawan niya nang mga nakaraang araw na wala sa oras ang tulog.
Gising nang halos buong magdamag. Maghapon pa ring nakababad sa kama.
“Mag-isa kang aalis?” pag-aalala ng mayordoma.
“Wala kang isasamang driver at bodygard? Hindi ba’t pinasasamahan ka noon ni
Sir sa bodyguard?”
Naaalala kasi nito ang tangkang
pagkidnap sa kanya bago pumunta sa Estados Unidos.
Kataka-takang wala ngayong nadaramang takot
si Gwen. Samantalang noon ay numero uno siyang naging nerbiyosa dahil sa
pangyayari.
Kahit ipinaalala sa kanya ng mayordoma
ang naganap noon, hindi niya ito mapagtuunan ng gaanong pansin. Na kay Lyon
lang ang kanyang buong atensiyon.
“Wala na naman ho akong bodyguard ngayon,
hindi ba?” sagot ng dalaga. “Wala na si Jake. Kung si Mang Damian naman ang
isasama ko, baka siya pa ang kailangan kong ipagtanggol kung sakali. Ang
payat-payat niyon, e. Huwag na kayong mag-alala, kararating ko lang naman at
unexpected ang pag-uwi kong ito. Wala pang mga nakakaalam na narito na uli ako
sa Maynila. Imposibleng napagplanuhan na uli ako ng mga kidnappers diyan sa
tabi-tabi.”
“Mag-iingat ka,” bilin na lang ng
matanda.
SIMPLE
lang ang pension house na tinutuluyan ni Lyon sa Malate, pero malinis at maayos
naman. Sa ibaba nito ay may bar na kilalang tambayan ng mga artist sa iba’t
ibang larangan.
Sa bar sila nagkita ni Lyon.
“Hang-out ko na ito noon pang nasa
college ako,” pagkukuwento ng binata habang naghahapunan sila doon din.
“Kabarkada ko kasi sa La Salle ang anak ng may-ari nito, si Jules. In fact,
noong umalis ako sa amin, dito ako sa kanila nagtrabaho. Dito rin ako tumira.
Tumutugtog ako ng ilang set sa gabi. Tumutulong din sa pag-PR sa customers.
Pati nga sa pagsi-serve at paglilinis after closing.”
“Kailan ‘yon?” tanong ni Gwen.
“Right after graduation,” sagot naman ng
binata. “Hindi na ako nagmartsa sa graduation ceremonies. Gastos lang iyon, e. Noong
mga panahong iyon, ang mas inasikaso ko ay ang pagbukod.”
“Ano’ng course mo no’ng college?” tanong
niya. “Ako, pinakuha ng A.B. Humanities. Hindi ko naman napakinabangan.”
“Business Management graduate ako,”
sagot ni Lyon, kasabay ng mapaklang pagtawa. “Can you believe that?”
“Bakit naman hindi?” sagot niya.
“Hindi ko rin naman napapakinabangan,
tulad ng sabi mo,” sabi nito.
“And why not?” pagtataka ni Gwen.
“Madaling magkatrabaho ang isang Business Management major. Halos kahit saan,
magagamit iyon.”
“Not if you’re the son of the notorious
King Llamanzares,” mapait na pakli ni Lyon.
Natahimik si Gwen.
“What a legacy,” pagpapatuloy ng binata.
“Maliit pa lang ako, sa elementary sa La Salle, tinutukso na ako ng iba dahil
driver lang daw dati ang Daddy ko. Nakikipagsuntukan ako noon para ipagtanggol
siya. Wala namang dapat ikahiya ang isang driver na nag-aral at nagtagumpay,
hindi ba? Sabihin nang tinulungan siya ng pamilya ni Mommy para umasenso,
kasama pa rin doon ang sariling pagsisikap niya. Iyon ang akala ko noong
tatanga-tanga pa ako.
“Pero nang lumaon, nasupalpal na ako ng
katotohanan. Na ang ama ko pala ay isang no good bum. Pinag-aral na nga.
Binigyan ng lahat ng oportunidad sa buhay. Pero ano ang ginawa niya? Winaldas
ang pera ng pamilya. Nagumon sa sugal. Nambabae. Pinabayaan ang negosyong
minana namin hanggang sa ma-bankrupt. Hanggang sa mamatay si Mommy.”
Biglang tumigil sa pagsasalita ang
binata. Lumagok ng beer.
Nagkabikig naman sa lalamunan si Gwen.
Mangiyak-ngiyak na siya.
Mayamaya’y nagpatuloy sa pagsasalaysay
si Lyon.
“Sana hindi na lang nila ako inilagay sa
La Salle. Sana sa ibang eskuwela na lang – doon sa hindi kilala ang pamilya
namin. Ang hirap kasi niyong alam kong pinag-uusapan kami ng lahat.
Pinagtatawanan o kinaaawaan. Lalo na noong mamatay si Mommy at kinasama na niya
sa bahay ang babae niya.
“Mabuti sana kung kumuha siya ng
matinong babae. Mas maiintindihan ko pa siguro kung idinahilan niyang kailangan
niya ng babaing simple lang, nagmula sa hirap na tulad niya, na mas higit na
makakaunawa sa kanya. Pero hindi naman ganoon ang nangyari. Iyong babae niya, mataray
at dominante. Hawak siya sa leeg. Sugarol ding tulad niya. Bente kuwatro oras
ang mahjong sa bahay.
“Nakakarindi. Pasang-awa na nga lang ang
pagka-graduate ko sa college. Kaya umalis agad ako ng bahay. Mabuti na lang, dinamayan
ako ni Jules.
“Dito na lang naman ako puwedeng
magtrabaho. Walang malaking kompanyang tatanggap sa anak ni King Llamanzares.
Kilalang-kilala siya sa business circles. Ang kapalpakan niya. Ang mga
kalokohan niya. Tingin nila sa akin, ganoon din.
“Dito, mas at home ako. Dito ko nakilala
ang mga jetsetters na naghahanap ng gimik sa Manila. Sawa na sa Makati.
“Noong una, nagulat ako sa advances ng
mga babaing may asawa. Later on, naisip ko, why not? Tutal naman, wala naman
akong balak mag-asawa. Wala akong balak na magpamilya.”
“Bakit naman?” singit ni Gwen.
“Para ano?” sagot ni Lyon. “Para sirain
ko rin ang buhay ng magiging anak ko? Sarili ko ngang buhay, hindi ko madala
nang maayos, e. Isa pa, ayokong maging tulad ni Daddy. Na-in love daw siya nang
todo kay Mommy kaya pumayag siyang pakasal kahit alam niyang tatawagin siyang
linta na kumakapit lang sa yaman ng mga Alejo. He was never able to adjust.
Naging alipin siya ng pag-ibig niya sa kanyang asawa. Eventually, nasira rin
ang pag-ibig na iyon. Ibang pag-ibig naman ang umalipin sa kanya. Iyong sa
kinakasama niya ngayon. Peste talaga sa buhay ang pag-ibig na iyan.”
Gustong igiit ni Gwen na hindi naman
kailangang maging ganoon, pero nakita niyang hindi pa handa ang binata na
tanggapin ang mga salitang iyon.
Nakinig na lang siya.
“Mabuti na iyong babaing may-asawa,”
sabi pa ni Lyon. “Iyong wala ring balak na kumalas sa asawa. Gusto nila ng
company ko, sige. Basta ba enjoy rin ako sa company nila. Iyon lang naman ang
hinihingi kong kapalit – ang maaliw rin ako nang sandali. Mapuno ang mga araw
ko kahit paano. Mutual enjoyment. Mababaw kaya harmless. Walang emotional ties.
Walang nakataya.”
“Pero nabansagan kang gigolo,” sabi ni
Gwen. “May pangit na konotasyon.”
“Na bayaran,” pagtatapos ni Lyon. “Parang
call boy.”
Hindi sumagot si Gwen.
“I don’t care,” sagot nito. “I know what
I am. Hindi ako ganoon. Hindi ako tumatanggap ng pera o kahit na anong regalo.
May pera naman akong sarili, e. Nagkaroon ng sapat na foresight ang Lolo’t Lola
ko para paglaanan ako ng trust fund na hindi maaaring galawin ni Daddy. Hindi
nga kalakihan dahil akala nila backup lang iyon sa kikitain ko rin dapat sa
mamanahing family business kung hindi nabankrupt. Pero sapat na ang kinikita ng
pondong iyon para ikabuhay ko for a lifetime, basta’t hindi ko wawaldasin. So,
okey na sa akin ang ganitong buhay. Wala na akong pakialam sa iniisip at
sinasabi ng iba.”
“Thanks for making me an exception to
your rule,” sabi ni Gwen. “Kahit na alam kong napilitan ka lang. Huwag kang
mag-alala. I respect your stand. I know we can’t be together forever. Kaya nga
ninanamnam ko ang bawat sandali sa piling mo. At hindi kita tatalian sa leeg...”
Tumigil siyang sandali at ngumiti.
Pilyang ngiti.
“Hmmm, sa ibang parte ng katawan pa
siguro,” pabulong na dugtong niya. “And only when we’re in bed.”
Napahalakhak si Lyon. Napailing.
Pagkatapos, kinabig siya nito sa batok.
At doon mismo sa bar ay siniil siya ng halik sa mga labi.
KINABUKASAN
na ng umaga nakauwi si Gwen, pagkatapos ng magdamag sa kuwarto ni Lyon.
Hindi siya nag-aalala dahil madalas na
niyang ginagawa iyon, noon pa. Sanay na ang mga magulang niya sa mga all-night
parties na dinadaluhan niya. Maging sa disco-hopping nilang magbabarkada na
nagtatapos sa almusal sa alinmang five-star hotel.
Kaya naman nagulat siya nang datnang
naghihintay sa kanya sa salas sina Greg at Nedy, parehong hindi maipinta ang
mukha.
“Saan ka galing?” galit na bungad ng
kanyang ama.
Dahil sa tono nito ay hindi na niya
nagawang humalik sa dalawa.
“Nag-night out,” sagot niya. “Hindi ba
sinabi ni Manang Paring? I waited for both of you the whole afternoon, pero
hindi kayo dumating. I was restless so I went out. Dati ko na namang ginagawa
iyon, hindi ba? What’s wrong with that?”
“Iyong kasama mo kagabi – that’s what’s
wrong!” nang-aakusang sigaw ni Greg.
“You were with Lyon Llamanzares,” dagdag
ni Nedy. “Isang kilalang gigolo. How could you? Hindi ka na nangilabot?”
Gulat na gulat si Gwen.
Paanong nalaman ng mga magulang niya ang
tungkol kay Lyon?
“Akala mo hindi namin malalaman, ano?” sabi
ni Greg. “Ilang amiga ng mommy mo ang nakakita sa inyo sa Malate kagabi. They
were scandalized kaya tinawagan agad kami. Nakakahiya!”
“And you were seen going up to his
room!” nanghihilakbot na sabi ni Nedy. “Santamaria!”
“Dad, Mom, hindi naman siya tulad ng
sinasabi nila,” pagtatanggol niya sa binata.
“Alam ko kung anong klaseng tao siya,”
sagot ni Greg. “Kung anong klaseng pamilya
ang pinagmulan niya. Hindi namin matatanggap na makaugnay ng pamilya
Garchitorena ang tulad nila. Hindi namin siya matatanggap bilang manugang. You
know our standards. Maliit ka pa’y ipinamulat na namin sa iyo iyan!”
Tumawa nang mapakla si Gwen. Pikon na
pikon na siya.
“Who said anything about marriage?” sabi
niya. “This is the Nineties. Just because I’m sleeping with a guy doesn’t
necessarily mean I have to marry him.”
“Gwen!” hindi makapaniwalang sambit ni
Nedy.
Shocked na shocked ang matrona. Namumutla
na nga ito na parang hihimatayin.
Pulang-pula naman sa galit si Greg.
“I won’t allow that kind of behavior,”
nanggagalaiting pahayag nito. “Mabuti pa siguro, hindi ka na lang umuwi rito.
You should have stayed abroad.”
Nang-inis pang lalo si Gwen.
“Sana nga,” sagot niya. “Actually,
that’s where I met him. Magkasama na nga kami roon, e. Isinama ko lang siya
rito dahil pinauwi ninyo ako.”
“So you’d rather be with him?” sabi ni
Greg. “Sige. Gawin mo. Pero hindi habang nasa poder kita. Kung makikisama ka sa
lalaking iyon, humiwalay ka sa pamilyang ito. Hindi ko mapapayagang madawit ang
pangalang Garchitorena sa ganyang eskandalo. Huwag na huwag kang tutuntong sa
pamamahay na ito hangga’t hindi ka natatauhan sa kahibangang iyan. Hangga’t
hindi mo ganap na napuputol ang kaugnayan mo sa lalaking iyan.”
“Oh, no,” iling ni Nedy. “Gwen, makinig
ka sa Daddy mo. Please. Just promise us you won’t see him again.”
“I can’t do that, Mommy,” matatag na
sagot ng dalaga. “Pero masunurin naman ako, e. Kaya aalis na lang ako.
Pagkasabi iyon ay tumalikod na siya’t
pumanhik para mag-empake ng damit.
KITANG-KITA
niya ang parang pag-panic na bumadha sa mukha ni Lyon nang babain siya sa lobby
ng pension house at masulyapan ang dala niyang malaking maleta.
“Don’t worry, hindi kita yayayaing
magtanan,” kunwari’y pabirong salubong niya rito.
“Ano’ng nangyari?” tanong ng binata.
Halatang bagong gising ito. Naka-sando
at shorts lang. Naka-tsinelas. Gulo ang buhok. Namumungay ang mga mata.
Paano naman kasi, pinagod niya ito nang
magdamag. Nakatulog lang ito kaninang pag-alis niya.
“May mga amiga si Mommy na nakakita sa
atin kagabi,” pagkukuwento niya. “Nagsumbong. Siyempre, eksaherado ang tungkol
sa iyo.”
“Kaya nag-away kayo ng parents mo,”
dugtong ni Lyon. “Sana hindi mo na pinatulan.”
“Puwede ba namang hindi?” sagot niya.
“Ang sabi ni Daddy, kung ipagpapatuloy ko ang pakikitungo sa iyo, huwag na
akong manatili sa bahay na iyon.”
“Nasaling ang pride mo kaya
nakipagtikisan ka,” sabi ni Lyon. “Okay lang. Bukas, balikan mo. Kayang-kaya mo
namang lambingin iyon. Mag-apologize ka. Sabihin mong itinapon mo na ako sa basura.
Patatawarin ka agad niyon.”
Umiling siya.
“I don’t intend to do that,” sagot niya.
“Gusto kong patunayan sa kanila at sa sarili ko na kaya ko nang tumayong
mag-isa. This could just be the opportunity I have long been waiting for.”
“Baka nabibigla ka,” paalala ni Lyon.
“Huwag kang mag-alala, hindi ka
makokompromiso sa desisyon kong ito,” sabi ni Gwen. “Hindi ko ipipilit ang
sarili ko sa iyo. In fact, nandito lang ako dahil wala akong ibang maisip na
gusto kong hingahan ng sama ng loob. At magpapatulong ako sa iyo na makahanap
ng mauupahang lugar. I don’t want to crowd you. May pera rin naman akong
sarili. Kaya kong umupa ng sarili kong tirahan.
Nangiti si Lyon.
“Tumataray ang ale,” pabirong sabi nito.
“Halika nga muna sa itaas. You can stay with me for the meantime. Masarap ka
namang kasama, e. Makakatipid pa tayo. Huwag mong ipagmalaki sa akin ang pera
mo. Tipirin mo iyan kung may balak kang makipagtikisan nang pangmatagalan sa
pamilya mo.”
At binitbit na nito ang kanyang maleta.
Kukurap-kurap na sumunod na lamang si
Gwen patungo sa elevator.
Hindi niya akalaing yayayain siya ni
Lyon na pumisan dito. Kahit pa may kakabit na “for the meantime,” ang paanyayang
iyon.
“KAKAYANIN
mo bang mapagtiyagaan itong kuwarto ko?” tanong ni Lyon habang inilalagak sa
sulok ang kanyang maleta.
“Ano sa palagay mo?” nakangiting sagot
ni Gwen. “Wasn’t I deliriously happy last night?”
Nilapitan siya’t niyakap ng binata.
“Paano kung hindi ka na nagdedeliryo?”
pabirong tanong nito.
“Di siguruhin mong lagi akong nagdedeliryo,”
pilyang sagot niya.
Tumawa si Lyon.
“Hinahamon mo ako, ha?” sabi nito. “But
seriously, kapag narito ka, kailangang matuto ka ring kumain ng mga kinakain
ko.”
“Hmm, I can go on a diet and just nibble
on you all day,” paglalambing niya.
At sinimulan na nga niyang gawin iyon sa
punong tainga ng binata.
“I love that,” sabi ni Lyon. “Pero
kailangan mo pa rin ang real food. At itutuloy natin ang iyong grand adventure.
I’ll show you a whole new lifestyle. Isipin mo na lang na isang mahabang field
trip ito. Or exposure trip.”
“Sure,” sagot ni Gwen. “Lead on. Alam mo
namang ini-enjoy ko ang lahat ng itinuturo mo sa akin. But for now, iba muna
ang gusto kong i-expose at i-explore...”
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento