FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 8
PARANG
itinuloy lang nina Gwen at Lyon sa pension house ang nasimulan na nila sa St.
Francois.
Walang nagbago. Bawat sandali ay sabik
na sabik pa rin sila sa isa’t isa.
Hindi nagkapanahon ang dalaga para
problemahin ang pagkakagalit nila ng mga magulang niya. Nakasentro lamang ang
kanyang mundo kay Lyon.
Pero hindi na lamang sila nagkukulong sa
silid. Ipinapasyal din siya ni Lyon sa Malate. Sa mga lugar na hindi pa niya
napupuntahan sa buong buhay niya.
Nag-aalmusal sila sa gotohan.
Nanananghalian sa karinderya. Naghahapunan ng barbecue o balut na binili sa
tabing-daan.
Bago iyon ay pinagsabihan muna siya ng
binata.
“Ang dami mong suot na alahas. Pati
iyang relo mo, masyadong mamahalin. Delikadong isinusuot mo iyan sa kalye. At
nakita ko nang buksan mo ang iyong jewelry case. Ang dami mong dalang valuables.
Delikadong naiiwan ang mga iyon sa kuwarto. Mabuti pa, ilagak mo muna ang lahat
ng iyan sa safety deposit box sa bangko.”
“Oo nga, ano?” sang-ayon ni Gwen.
Isa nga iyon sa mga unang inasikaso
nila. Nag-iwan lang siya ng suot na pinakasimple niyang relo at hikaw na
perlas.
Isinunod na rin niya ang kanyang bihis
at ayos.
Hindi na siya nagmi-make-up. Nakasanayan
na naman niya iyon noong nasa isla pa sila.
At ang isinusuot na lamang niya ay mga
pinakasimple niyang damit. Madalas ay jeans o walking shorts at fitted t-shirt o
blusa. Kung magbestida man siya ay iyong casual lamang. Kung hindi siya
naka-sandalyas ay naka-flat shoes.
Naipakilala siya ni Lyon sa mga kaibigan
nitong tumatambay sa bar nina Jules. Kaiba sa mga dati niyang kasirkulo ang mga
ito. Mga simpleng tao lang. Mga musikero, pintor, manunulat. Pero mas masarap
palang kausap. Mas makabuluhan ang mga pinag-uusapan. Mas maloloko rin. Walang
pakundangan. Walang kaplastikan.
Katulad noon, kaybilis na nagdaan ang
isang linggo. Pero ngayo’y walang kailangang pagmadalian si Gwen.
Naghihintay lang siya ng senyales mula
kay Lyon. Kung kailan ito magsasawa o mababagot sa kanilang pagsasama. O kung
kailan mababalisa’t maghahanap uli ng kalayaan.
Hangga’t walang ipinapahayag o
ipinararamdam ang binata, sasamantalahin na niya ang bawat sandaling magkasama
sila.
Linggo ng umaga, magkatabi sila sa kama.
Galing na sila sa maagang pag-aalmusal sa gotohan sa kanto. Nakabalik na sila
sa kuwarto.
Nakaupo si Lyon at nakasandal sa
headboard, nagbabasa ng diyaryo. Nakadapa naman si Gwen sa may paanan ng kama,
nanonood ng TV.
Programang pambata ang nakatuwaan niyang
panoorin. Kids and Teens ang pamagat.
Naaliw ang dalaga sa estilo ng programa
na kung saan mga batang lalaki’t babae na mula pito hanggang labimpitong taong
gulang ang tumatayo bilang mga reporter at nag-uulat ng tungkol sa iba’t ibang
mga paksa.
“Tingnan mo sila, Lyon,” sabi niya. “Nakakabilib.
Nakakainggit. Sana, nagkaroon din ako ng ganyang pagkakataon noong araw – ‘yung
ma-involve sa mga gawaing malaman at makabuluhan. Mas nagamit ko pa siguro ang
ganyang skills sa paglaki ko.”
Naengganyong makipanood na rin ang
binata. Binitiwan na muna ang diyaryo.
Recycling ang paksa na tinatalakay ng
tatlong batang reporter, dalawang babae’t isang lalaki. May pinuntahang komunidad
ang mga ito sa Cagayan De Oro na kung saan umiikot ang kabuhayan ng mga tao sa
paglikha ng mga bagay-bagay mula sa ni-recyle na basura. May mga pamaypay,
sumbrero, kuwintas, pencil case at iba pang gift items na naibebenta at napagkakakitaan.
Kasama ang buo-buong mga pamilya sa paggawa, mula bata hanggang Lolo’t Lola.
“Ang galing,” namamanghang sambit ni
Gwen. “Akala ko pa naman, panay junk lang ang puwedeng makuha sa basura. Mga
scrap metal, ganoon.”
“Ibang klase rin ang komunidad na iyan,
ano?” sabi ni Lyon. “Pwede silang tularan ng iba pang depressed communities.”
“Alam mo, puwedeng-puwede iyang gawin
dito sa Metro Manila,” sabi ni Gwen. “Kung tutuusin, mas maraming basura rito,
hindi ba?”
“Right,” tango ni Lyon. “Kailangan lang
siguro na may manguna. May mag-introduce sa bawat komunidad ng konseptong iyan
at may mamuno. Kakailanganin din nila ng training mula sa wastong pag-classify
ng basura hanggang sa mismong paggawa ng mga produkto mula sa recycled
materials.”
Biglang napatayo si Gwen. Nagniningning
ang mga mata. Excited.
“Puwede kong gawin iyan,” pahayag niya.
Napatingin sa kanya si Lyon.
“Ang alin?” tanong nito.
“Iyang sinasabi mo,” sagot ng dalaga.
“Puwede kong gawing project iyan. Siguro, kailangang hanapin ko muna ang
government agency na involved sa bagay na iyan – maaaring Department of Social
Welfare o Department of Environment and Natural Resources o Metro Manila
Commission o mga local governments, or all of the above. Kung alin man sa
kanila ang may koneksiyon sa recycling program na ganyan. Makikipag-coordinate
ako sa kanila. Magboboluntaryo ako ng oras at serbisyo. Kahit hindi na nila ako
suwelduhan.”
Nangiti si Lyon.
“Lulusong ka sa urban poor communities?”
tanong nito. “Kaya mo?”
“Why not?” pahumindig na sagot niya.
“Noong nag-aaral pa ako, lagi kong gustong sumama sa mga outreach programs ng
eskuwelahan. Lagi namang ayaw akong payagan nina Daddy. Ngayon, wala nang makakapigil
sa akin.”
“Ano namang serbisyo ang iboboluntaryo
mo roon?” tanong ng binata.
“Kung kinakailangang magpa-train muna
ako para maging trainor naman sa paggawa ng mga crafts na ganyan, gagawin ko,”
sagot ni Gwen. “Puwede rin namang mag-supervise na lang ako ng mga trainors na
dati nang marunong niyan. Kahit na anong abot ng kakayanan ko, gagawin ko. At least,
may mapagkakaabalahan akong makabuluhan. Magkakaroon ng meaning ang existence
ko. Makakatulong ako nang konkreto sa kapwa.”
Nakatitig lang sa kanya si Lyon.
“Bakit?” tanong ni Gwen. “Sa tingin mo
ba, naloloka na ako? Sa tingin mo, hindi ko kayang gawin?”
“Of course not,” sagot ng binata.
“Nagugulat lang ako sa iyo. And I’ve never seen you like this before. Ang ganda-ganda
mo palang lalo kapag enthusiastic sa isang project. Buhay na buhay ka.”
Tumawa si Gwen.
“Buhay na buhay ngang bigla ang feeling
ko,” amin niya. “Suddenly, I feel I can be useful.”
At naupo siya sa tabi ni Lyon.
“Lunes bukas,” sabi niya. “Magsisimula
na akong tumawag sa mga government offices para magtanung-tanong.”
“Sige,” tango ng binata, sabay hatak
nang payakap sa kanya. “In the meantime, sasamantalahin ko na muna iyang
enthusiasm mo.”
“Lagi naman akong enthusiastic sa iyo,
a,” pabungisngis na sagot niya habang yumayakap din kay Lyon.
SA
unang tawag pa lang ni Gwen sa City Hall ng Maynila, naikonekta na agad siya sa
isang proyektong halos katulad ng napanood niya sa TV. Nagkataong personal na
kakilala ng napagtanungan niya ang mismong namumuno sa Kabuhayan sa Basura
Project. Ibinigay sa kanya ang numero ng telepono nito.
Biyudang retiradong guro sa pampublikong
paaralan si Mrs. Esmeralda Garcia. Naging barangay captain ito nang tatlong
magkakasunod na taon sa isang bahagi ng Paco. Sa ikaapat na taon ay nagpasya
itong huwag nang tumakbo dahil may mahusay namang mga kagawad na maaaring
gumanap sa tungkuling iyon. Ang napili nitong pagtuunan na lamang ng atensiyon
ay ang proyektong Kabuhayan sa Basura.
Noong isang taon lang kasi nalaman ni
Mrs. Garcia ang tungkol sa mga pilot project na tulad ng sa Cagayan De Oro.
Naging interesado agad ang noo’y barangay captain dahil malaki ang maitutulong
ng ganoong proyekto sa mga naghihirap na komunidad na sakop nito. Nang
mapag-alaman ang mga detalye ng proyekto at kung gaano kalaking trabaho ang
kakailanganin sa pagpapasimula niyon, nagpasya nga itong doon na lang
magkonsentra sa mga susunod na taon. Alam palibhasa nitong mas nangangailangan
ng tulong ang mga naghihirap nitong kabaranggay.
Halos nagsisimula pa lang kung ganoon
ang Kabuhayan sa Basura sa Baranggay Sto. NiƱo sa Paco.
“Tamang-tama ang tawag mo, iha,”
tuwang-tuwang sabi ni Mrs. Garcia kay Gwen sa telepono. “Talagang
nangangailangan pa kami ng additional volunteers. Why don’t you come on over para
maipaliwanag kong mabuti sa iyo ang project?”
Ibinigay nito ang address ng tinitirhan.
“Sige ho, darating ako riyan ngayong hapon,
after lunch,” pangako ng dalaga.
Hindi siya makapaniwalang ganoon niya
kadaling matatagpuan ang kanyang hinahanap. Akala nya’y kakailanganin pa niyang
magtawag sa maraming mga ahensiya ng pamahalaan.
“Parang talagang itinakda ito para sa
akin, ano?” sabi niya kay Lyon. “Everything’s falling into place so easily.”
“Marunong ka bang pumunta sa address na
‘yan?” tanong ng binata.
“Madali na siguro itong mahanap ng taxi
driver,” sagot niya.
Napailing si Lyon.
“Lagi ka na lang bang magta-taxi?” sabi
nito. “Aba’y mauubos agad ang pera mo niyan. Isang sakay lang naman ng dyip
mula rito ang address na iyan. Maglalakad ka nga lang ng mga isang bloke
papasok mula sa jeepney stop. Kailangang matutunan mo nang mag-commute lalo na
kung determinado kang ma-involve sa ganyang community project. Hindi bagay sa
isang volunteer ang pasosyal-sosyal.”
Napakunot-noo si Gwen.
“E... hindi ako sanay sumakay ng dyip,”
amin niya. “Nakakalito. Nakakanerbiyos. Malay ko kung aling dyip ang sasakyan
ko at kung saan ako papara. Baka lalo lang akong magkaligaw-ligaw.”
“Madali lang namang matutunan at
makasanayan iyon,” sabi ni Lyon. “Kung gusto mo, sasamahan kita hanggang
masanay ka.”
Lumiwanag ang mukha ng dalaga.
“Talaga?” tuwang-tuwang sabi niya.
“Gagawin mo iyon? Naku, thank you, Lyon. I really appreciate it.”
At niyakap niya nang mahigpit ang
binata. Pinupog pa niya ito ng halik sa pisngi.
Natawa na naman ito.
“Kung lagi bang may ganyang suhol,
talagang mawiwili nga ako,” biro ni Lyon.
MAGILIW
na matrona si Mrs. Garcia. Sisenta’y singko anyos. Masigla’t maliksi itong
kumilos at magsalita. Punung-puno ng enerhiya.
“May core group na ako ng mga
taga-community na handang magpa-train bilang trainors sa paggawa ng crafts mula
sa recycled materials,” pagkukuwento nito kina Gwen at Lyon. “May mga kasamahan
naman akong retired public school teachers na nag-volunteer na mag-train sa
kanila. So we’re all set in that area. Ang mas kailangan ko ngayon ay volunteers
na tutulong sa akin sa over-all supervision at coordination.
“Pero bago pa man kami
makapagsimula, kailangan muna ng fund-raising. May mga bibilhin pa rin kasing
materials para makabuo ng crafts. Kailangan ng mga glue gun at glue stick,
halimbawa. At saka kailangan pa ng dagdag na pambili ng materyales para sa itinatayong
training center. Kubol lang naman para may masilungan pero kailangang may
secure na imbakan ng gamit.”
“Mga magkano ho ang kakailanganing
pondo?” tanong ni Gwen.
“Siguro’y mga ten to twenty thousand,
maluwag-luwag na for starters,” sagot ng matrona. “Kapag naman gumulong na ang
project at nakapagbenta na ng mga produkto, magiging self-supporting na ito.
Doon na sa tubo manggagaling ang susunod na pangkapital.”
“Naku, kayang-kaya kong i-raise ang
pondong iyon,” sabi ni Gwen.
Hindi na niya sinabing siya na mismo ang
magbibigay ng halagang iyon mula sa kanyang personal na pera.
“Very good,” tuwang-tuwang tango ni Mrs.
Garcia. “Makakapagpabilis iyan sa ating start-up.”
“Ano pa ho kaya ang puwede kong
itulong?” tanong ng dalaga.
“Well, like I said, kailangan ko ng
volunteer supervisor-coordinator,” ulit ng matanda. “All around na trabaho
iyon.”
“Sige ho,” tango agad ni Gwen. “Puwede
kong gawin iyon.”
“Tena sa community at nang maipakilala
na kita sa core group natin,” sabi ni Mrs. Garcia. “Walking distance lang naman
mula rito sa bahay ang area nila.”
SA
kauna-unahang pagkakataon sa buong buhay niya ay nakapasok si Gwen sa looban ng
isang naghihirap na komunidad.
Dati ay nadadaanan lang ng kotse niya
ang mga ganoong lugar. Napapansin lang niya dahil sa mga batang nagtatakbuhan
sa kalye na madalas niyang ikanerbiyos sa pagmamaneho.
Maayos ang komunidad na napili ni Mrs.
Garcia. Oo nga’t naghihikahos ang mga nakatira roon. Yari sa mga tagpi-tagping
lumang yero, kahoy at karton ang mga barung-barong. Kupas na kupas na ang mga
suot ng mga bata’t matanda. Pero halata ring may pagmamalasakit ang lahat sa
kanilang kapaligiran. Walang nagkalat na basura. Ang maputik na mga eskinita’y
tinambakan ng bato para madaling madaanan. Ang mga tabi ng bahay ay may mga
halamang nakatanim sa maliliit na lata. Ang mga bata’t matanda ay malinis sa
katawan.
“Mommy Es!” sigaw ng mga bata pagkakita
kay Mrs. Garcia. “Mommy Es!”
“Hi!” masayang kaway naman ng matrona sa
mga ito.
“Sikat na sikat pala kayo rito,” pansin
ni Gwen.
Natawa si Mrs. Garcia.
“Ganyan ang tawag sa akin sa buong
baranggay,” sabi nito. “Parang naging nanay-nanayan na kasi ako ng lahat.”
“Di Mommy Es na rin pala ang itatawag
namin sa inyo,” pasya ni Gwen.
“Dapat lang,” sagot ng matrona. “Lalo
pa’t magiging isa ka na sa mga anak ko.”
Nang marinig ang isinisigaw ng mga bata
ay kusa nang naglabasan mula sa kani-kanilang mga bahay ang mga kababaihan.
“Mommy Es, nadalaw kayo?” tanong ng mga
ito.
Nagkumpulan ang karamihan sa paligid ng
matrona. Panay naman ang sulyap ng mga ito kina Gwen at Lyon. May pagtataka.
“Ipapakilala ko sa inyo si Gwen at ang
kaibigan niyang si Lyon,” paliwanag ni Esmeralda Garcia. “Nag-volunteer kasi si
Gwen na tumulong sa project natin. Siya ang magiging kanang-kamay ko.”
Nagkagulo na kay Gwen ang mga babae.
Tuwang-tuwa.
“Pagpapasensiyahan na muna ninyo ako
kung hindi ko agad makakabisa ang mga pangalan ninyo, ha?” pagpapatiuna na ng
dalaga matapos ang mahabang pagpapakilanlanan. “Ipaalala na lang ninyo sa akin
palagi.”
“Okay lang iyon,” sagot ng isa sa mga
nanay. “Ganyan din si Mommy Es noon, e. Naiintindihan naman namin. Sangkatutak
kaming kailangan n’yong matandaan ang pangalan. Aba, ako man, matataranta sa
ganoon.”
“Ang ganda naman ng magiging assistant
ni Mommy Es,” sabi ng isang lola. “Para kaming magkakaroon ng lider na
artista.”
“Ito rin bang si Pogi, makakasama natin,
Mommy Es?” tanong ng isang may pagka-agresibong dalaga.
Natatawang napasulyap si Gwen kay Lyon.
Natawa lang din ang binata.
“Aba, ewan ko sa kanya,” sagot naman ng matrona.
“Ano, Lyon?”
“Huwag kayong mag-alala, lagi ko namang
sasamahan si Gwen,” sagot ng binata. “Makakatulong din ako sa inyo, kahit
paano.”
“Ay, sayang, magsyota pala sila,” sabi
ng agresibong dalaga. “Bagay nga. Pareho kayong artistahin, e. Malamang,
magkatuluyan kayo.”
Si Gwen naman ang biglang pinamulahan ng
mukha. At hindi na siya makatingin kay Lyon.
“Saan nga pala gagawin ang training
sessions at ang mismong project?” pag-iiba niya sa usapan.
“May inihanda na silang lugar,” sagot ni
Mommy Es. “Inuunti-unti na nga ang mga kalalakihan ang paggawa ng kubol. Naaantala
lang pag kinakapos ng pambili ng materyales. Halikayo roon.”
MARTES,
nag-withdraw ng dalawampung libong piso si Gwen at inihatid na nila ni Lyon ang
pera kay Mommy Es.
“Puwede nang ipambili ng materyales ang
bahagi nito,” sabi ng matrona. “May iniwan sa aking listahan ang mga
co-teachers ko. Puwede ba kayong mamili na rin sa Divisoria?”
Napatingin si Gwen kay Lyon.
Hindi pa siya nakakatuntong man lamang
sa Divisoria. Hindi niya alam kung paanong pumunta roon at kung paano ang mga
pasikut-sikot sa lugar na iyon. Dati na niyang naririnig na delikado sa
Divisoria dahil maraming mga mandurukot na nambibiktima ng mga mamimiling
mukhang hindi sanay sa lugar.
Napapailing na natatawang sumagot ang
binata.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento