Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Biyernes, Marso 31, 2023

Abakada ng Pag-ibig: GWEN Chapter 9

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 9

NAG-ENJOY si Gwen sa Divisoria.

        Bago pa nila mabili ang mga dapat nilang bilhin, nagyaya siya kay Lyon na maglibot nang maglibot sa iba pang mga kalye roon.

        “Nakakatuwa nga pala rito,” aliw na aliw na sabi ng dalaga. “Lahat ng klase ng bilihin, mayroon. At murang-mura pa.”

        “Hindi ka ba naiinitan?” pagtataka ni Lyon. “Hindi ito mall. Walang bubong at hindi naka-aircon.”

        “Presko naman itong suot ko,” sagot ni Gwen. “At saka para lang tayong namamasyal sa mga flea market sa Mexico. Ganito rin naman kainit doon. At ganitung-ganito rin ang mga tindahan. Bakit ba kung abroad, class ang tingin sa pamimili sa mga flea market? Pero dito sa atin, minamaliit ang pamimili sa Divisoria.”

        “Huwag ako ang tanungin mo,” natatawang sabi ng binata. “Kayo lang namang mga socialite ang nababaduyang mamili sa Divisoria. Kaming mga ordinaryong tao, matagal nang suki dito.”

        “Oy, excuse me, hindi na po ako socialite, ano?” pairap na pahayag ni Gwen. “Community volunteer na yata ako ngayon.”

        “Oo nga pala,” nakangiting sang-ayon ni Lyon. “Sorry na.”

 

KUNG saan-saan pa napakiusapan ni Mommy Es si Gwen na pumunta nang mga sumunod na araw. Sa ilalim ng tulay ng Quiapo, sa Manila City Hall, sa tanggapan ng TLRC.

        Lagi namang sinasamahan ni Lyon ang dalaga.

        Unti-unti na ring nasanay si Gwen sa pagsakay sa dyip at bus.

        “Hay naku, salamat naman at makakapirmi na rin ako bukas sa community,” sabi ng dalaga nang matapos ang mga lakad na iyon. “Magsi-sit in muna ako sa training.”

        “Maghapon ka ba roon?” tanong ni Lyon.

        Tumango si Gwen.

        “Doon na rin daw tayo mag-lunch, sabi ni Mommy Es,” sagot niya. “Nagkakanya-kanyang baon ang mga participants pero sagot na raw nila tayo.”

        “Pass muna ako,” sabi ng binata. “Ihahatid lang kita roon sa umaga at susunduin sa hapon. May pupuntahan lang ako.”

        Saglit na natigilan si Gwen pero agad ding tumango.

        “Sure,” sagot niya.

        Pero tumimo sa isip niya na hindi binabanggit ni Lyon kung saan ang lakad nito. At kumirot ang kanyang puso.

        Kung bakit naman kasi hinayaan niya ang kanyang sarili nitong mga nakaraang araw na masanay at mawili sa atensiyon at pag-aasikaso ni Lyon. Nakalimutan niyang hindi nga pala niya dapat asahang lagi silang ganoon.

        May sariling buhay pa rin si Lyon. At hindi pa siya nito binibigyan ng karapatang maging ganap na bahagi ng buhay na iyon.

 

NAGKAROON ng panibagong routine ang mga araw nina Gwen at Lyon.

        Napansin ng dalaga na minsan lang naman sa bawat linggo umaalis ang binata para sa sarili nitong lakad. At lagi namang itinataon nito ang mga lakad na iyon sa mga araw na nananatili lang siya sa komunidad. Hinahatid at sinusundo pa rin siya nito roon sa mga araw na iyon.

        Mas madalas na sumasama sa kanya si Lyon. Kahit tuloy hindi naman ito pormal na nagboluntaryo sa proyekto ay parang laging kasama na rin ito roon.

        Natoka silang dalawa sa pag-iikot sa ibang bahagi ng Baranggay Sto Niño para magpaliwanag sa mga residente ang wastong paghihiwalay ng mga basura. May lalagyang para sa mga buong bote at lata. May lalagyan para sa mga tuyong papel at karton. May lalagyan para sa mga delikadong basura tulad ng mga basag na bote o salamin, blade, karayom at iba pa. Iba naman ang para sa mga tinatawag na biodegradable waste o iyong basura na maaaring gawing compost. Kabilang dito ang mga pinaglinisan ng isda, pinagbalatan ng mga prutas at gulay, at maging mga tira-tirang pagkain.

        May mga grupu-grupo na ng mga kabataang taga-komunidad na naatasang mangolekta ng mga basurang iyon. Para magkaroon ng incentive ang mga residente na sumunod sa patakaran, bibigyan sila ng mga bata ng mga kaukulang tiket para sa bawat hakot ng basurang hiwa-hiwalay sa wastong paraan. Ang mga tiket na iyon ay maaari nilang maipagpalit sa pera pagdating ng panahong gumugulong na ang pagbebenta ng mga produktong nagmula sa basura. Bale babayaran ang mga residente sa mga recycled materials na maiaambag nila sa proyekto.

        Malaking bagay ang hitsura’t personalidad nina Gwen at Lyon sa pagbabahay-bahay nila na pagpapaliwanag. Madali silang mapagkakatiwalaan at makagiliwan ng mga residente. Madali rin tuloy na natatanggap ng mga ito ang kanilang ipinaliliwanag.

        “Para kasi kayong mga artista, e,” sabi ni Mommy Es.

        May dagdag pang naitulong si Lyon sa proyekto.

        Habang pinag-uusapan sa isang pulong ang tungkol sa kung paanong ibebenta ang mga produktong matatapos ng komunidad, maraming naiambag na ideya ang binata palibhasa’y tapos ito ng kursong Business Management.

        “Magaling ka pala sa business, a,” sabi nga ni Gwen nang makauwi sila.

        Nagkibit-balikat si Lyon.

        “Simpleng negosyo lang naman kasi iyon,” sagot nito. “Small-scale lang. Kahit na sinong business graduate, kayang-kayang i-set up iyon.”

        “Well, maraming malalaking negosyong nagsimula lang din sa maliit,” katwiran ng dalaga. “Ang ibig kong sabihin, puwedeng-puwede mo ring gawin iyon.”

        Tumawa lang si Lyon.

 

INIABOT na ng isang buwan si Gwen sa piling ni Lyon.

        “Lyon, mag-aambag ako sa bayad dito sa pension house at sa pagkain natin,” sabi niya.

        “Huwag na,” iling ng binata. “Pareho lang naman ang bayad ko rito sa kuwarto, mag-isa man ako o kasama kita. At saka mahina ka namang kumain. Hindi ako namumulubi sa pagpapakain sa iyo.”

        “Sigurado ka?” sabi ng dalaga. “Para kasing abuso na ako sa iyo, e.”

        “Kulang pa nga ito sa ginawa mong pagmamalasakit sa akin sa St. Francois,” sagot ni Lyon.

        Matutuwa na sana si Gwen kung hindi naipaalala sa kanya ng binata na tumatanaw lang ito ng utang na loob.

 

KUNG tutuusin, maligaya naman si Gwen.

        Natagpuan niya sa pagboboluntaryo sa komunidad ang matagal nang hinahanap na direksiyon at fulfillment. Napatunayan niyang may kakayanan din siyang maging produktibo at makapag-ambag sa lipunan.

        Sa pagsasama naman nila ni Lyon, habang tumatagal ay lalo silang nahuhumaling sa isa’t isa. Sa halip na lumamig ay lalo pang umiinit ang kanilang mga pagniniig.

        Sa parte ni Gwen, alam niyang iyon ay dahil natanggap na niya sa kanyang sarili na umiibig siya kay Lyon. At sa bawat araw na magkasama sila’y lalo pang lumalalim ang pag-ibig na iyon.

        Pero tanggap pa rin niyang wala siyang maaasahang panghabambuhay na commitment mula sa binata. Darating at darating ang araw ng kanilang paghihiwalay.

        Iyon lang ang batik sa kaligayahan ng dalaga.

 

SA loob ng siyam na buwan ay umani na ng panimulang tagumpay ang Kabuhayan sa Basura Project ng Baranggay Sto. Niño.

        Sa ikaanim na buwan pa lamang ay nakapaglagay na ito ng mga produkto sa iba’t ibang malalaking department store. On consignment basis nga lamang. Babayaran lang kapag may naibenta na.

        Pagkaraan ng tatlong buwan ay nakasingil na ang proyekto. Maganda ang benta ng mga produkto. Nagustuhan ng publiko.

        “Para tayong nanganay,” sabi ni Mommy Es. “Pero tuluy-tuloy na ito.”

        Tuwang-tuwa si Gwen.

        Hindi niya akalaing mahahalinhan ang tuwang iyon ng kabaligtaran kinagabihan.

 

NAGHAHANDA na sila para matulog nang muling buksan ni Lyon ang pag-uusap tungkol sa proyekto.

        “You’ve done it, Gwen,” sabi nito. “Napatunayan mo na ang gusto mo. Mahalagang bahagi ka ng project sa Sto. Niño, at nagtagumpay iyon.”

        “Sa tulong mo,” sagot ng dalaga. “Mahalagang bahagi ka rin naman ng project, a.”

        “Hindi ko sinadya pero nag-enjoy rin ako,” amin ni Lyon. “Tama ka nga pala. Nakapagpapaligaya pala ang ganoon – iyong may magawa kang makabuluhan at konkretong nakakatulong sa kapwa, lalo na sa mga mas nangangailangan. Na-realize ko tuloy na wala pala akong karapatan na magalit at ma-depress sa naging kapalaran ko sa buhay, dahil marami pang mas grabe ang naging kapalaran kaysa sa akin. At sila, patuloy na nagsusumikap na makibaka sa buhay. Hindi umuurong o sumusuko. I was a fool. Kayrami kong sinayang na panahon sa buhay ko. Sa walang direksiyong pamumuhay.”

        “Pareho lang naman tayo,” paalala ni Gwen. “Pero ang mahalaga ay kung ano ang patutunguhan natin mula rito.”

        “Binigyan mo ako ng direksiyon,” sabi ng binata. “Alam ko na ngayon ang patutunguhan ko. Ang gusto kong gawin sa buhay ko. Ipagpapatuloy ko ang pagtulong sa Sto. Niño at sa iba pang proyektong katulad niyon.”

        Ngumiti si Gwen.

        “I’m glad,” sagot niya. “Di magkakasama pala tayo palagi sa gawain.”

        “Pero ngayong napatunayan mo na ang gusto mong patunayan, puwede ka nang bumalik sa inyo,” biglang sabi ni Lyon. “I’m sure, kikilalanin ng pamilya mo ang iyong accomplishments. Makukuha mo na rin ang respeto nila. At maipaglalaban mo na ang patuloy na involvement mo sa ganitong mga projects. Baka mas makapag-solicit ka pa ng suporta para sa mga komunidad kung naroon ka na uli sa inyo.”

        Parang sinabuyan ng tubig-yelo ang puso ni Gwen.

        Heto na. Heto na ang sandaling kinatatakutan niya.

        Noon pa’y inihanda na niya ang kanyang sarili para rito. Bakit ngayo’y hindi pa rin pala siya handa? Nakakabigla pa rin. Ang sakit-sakit pa rin.

        “Pinauuwi mo na ako?” sabi niya sa nanghihina at nangangatal na tinig. “Kunsabagay, napatagal na nang husto ang pakikipisan ko sa iyo. Ang dami ko na ngang nahiling na tulong mula sa iyo. Sobra-sobra na. At huwag kang mag-alala, natatandaan ko pa ang ipinangako ko sa iyo noon. No strings. And I’m keeping my word. Malayang-malaya ka pa rin, Lyon.”

        Umiling ang binata.

        “Hindi ako,” sagot nito. “Ikaw. Ikaw ang binibigyan ko ng kalayaan.”

        “Oo nga pala,” agad na sang-ayon ni Gwen. “Ako ang nakikipisan sa iyo. Kuwarto mo ito. Ako ang dapat umalis.”

        Umiling uli ang binata. Parang may ikakatwiran pa.

        Pero mabilis itong nilapitan ni Gwen. Pinigil niya ng hintuturo ang bibig ni Lyon, habang ang isa pa niyang kamay ay yumayakap sa beywang nito.

        “But for tonight, make love to me again, Lyon,” hiling niya. “Make love to me like you’ve never done before.”

 

LAGI namang pinagbibigyan ni Lyon ang bawat kahilingan ni Gwen. At hindi na siya nagdalawang-salita nang gabing iyon. Kakaiba nga ang init at igting na ipinadama sa kanya ng kaniig.

        Si Gwen man ay walang ipinagkait. Ibinuhos na niya sa mga huling oras na iyon ang kanyang buong pagmamahal sa binata.

        Alam niyang si Lyon na ang pinakahihintay-hintay niyang “one great love of her life.” Wala nang iba pa.

        Nagpapasalamat siya’t nakilala niya ito at nakasama nang kahit panandalian lamang. Ang mga pinagsaluhan nilang maliligayang sandali ay habambuhay na niyang iingatan sa kanyang alaala.

        Sayang at hindi siya magawang ibigin din ni Lyon. Sayang at hindi naging si Lyon ang pinapangarap niyang magmamahal sa kanya’t makakasama niya nang habambuhay bilang kabiyak at pinakamatalik na kaibigan.

        Wala na sigurong ganoon kakumpletong kaligayahan. Sobra nang hilingin pa niya iyon sa kapalaran.

        Sa kaigtingan ng kanilang pagtatalik, nang tumigil si Lyon na tulad nang dati para maglagay ng proteksiyon, pinigil ni Gwen ang kamay nito.

        “Not this time, please,” pakiusap niya. “This time, I want nothing between us. I want to feel you. I want you to feel me. Completely.”

        Napatingin sa kanya ang binata.

        “Pero baka...” simula nito.

        “Iyon pa nga sana ang hihilingin ko sa iyo,” parang pagsusumamo ni Gwen. “Bago tayo  maghiwalay, puwede bang mag-iwan ka ng bahagi mo sa akin? May I have your baby? Our baby?”

        “A-ano?” gulat na gulat na sambit ni Lyon.

        “Wala kang dapat ipag-alala,” mabilis na pahabol ni Gwen. “Wala kang kailangang panagutan sa akin o sa kanya. I”ll take full responsibility. Hindi kami magiging sagabal sa kalayaan mo. Pero kung gusto mo siyang dalawin, papayag ako. Lahat ng kondisyong gusto mo, papayag ako. I just want a child. And I want you to be the father of my child. Ikararangal ko kung mahahandugan mo ako ng anak, Lyon. Will you trust me enough for that?”

        Natigilan si Lyon. Napatitig sa kanya nang matagal.

        Pagkuwa’y kinabig siya nito at hinagkan. Marahas. Malalim.

        Ganoon din ang naging pag-angkin nito sa kanya. Parang biglang nawalan ng kontrol sa sarili ang binata. Nagwala.

        At nang maramdaman ni Gwen ang pagbaha ng mainit na binhi sa kanyang sinapupunan, nadama rin niya ang kasiguruhang sa mismong sandaling iyon ay nabuo ang kanilang anak.

 

“I LOVE YOU, Lyon,” pahayag ni Gwen sa mismong sandali ng kanilang kaganapan. “I love you so much.”

        “Gwen...” puno naman ng paghihirap na daing ng binata.

        Na para bang nais pa siyang awatin sa kanyang ipinahahayag. Sa kanyang nadarama.

        Maging nang bumagsak na ito nang padapa sa kanya ay umuungol pa rin si Lyon. Parang nagpuprotesta.

        Hinaplos naman ito ni Gwen. Sa buhok. Sa batok. Sa likod.

        “Shh,” pag-aalo niya rito. “It’s all right. Wala ka nang dapat sabihin pa. Gusto ko lang namang ipaalam sa iyo ang nararamdaman ko. Hindi ako naghahanap ng katapat. Ng sukli. Trusting me with your baby is all I ask of you. And I will love him or her as much as I love you.

        Pero siya itong nang-aalo ay siya rin namang pinangingiliran ng luha.

        Nag-angat ng mukha si Lyon. Itinukod ang mga siko sa higaan sa magkabila niya.

        At nang makita nito ang luhaan niyang mukha ay nakapagbitiw ng mariing pagmumura ang binata. Pagkatapos ay pinahiran ng mga daliri ang kanyang pisngi.

        “Wala ito,” iling ni Gwen. “Emotional lang ako. Huwag kang mag-alala sa akin.”

        “Don’t cry,” parang maiiyak na ring sabi ni Lyon. “Please don’t cry. I don’t want to make you cry.”

        “I’m okay,” pilit ni Gwen.

        “Bakit kasi ako pa?” naguguluhang tanong ni Lyon. “Alam mo naman kung ano ako, hindi ba? Kung sino ako.”

        “Alam ko,” sagot niya. “Higit ngayon kaysa noon. You’re the man I love. A very misunderstood man whom I completely understand. A good man. Sensitibo kaya nasaktan nang malalim sa dinaanang buhay. Nalito. Naligaw. Pero may pusong makatao. Maunawain. Mapag-aruga. A most lovable man.”

        “Hindi ko akalain...” iling ng binata. “Not in my wildest dreams did I think you would fall in love with me.”

        “Noon pa,” sabi ni Gwen.

        Mas lalong nagpakailing-iling si Lyon.

        “Iba iyon,” giit nito. “That was just physical attraction. At ang akala ko, kapag pinagbigyan kita, you’d get over me. Na kapag lumipas na ang init, makikita mong hindi ako ang tipo ng lalaki na gusto mong makaugnay.”

        “Ganoon pala ang akala mo sa akin,” may pagtatampong sabi ng dalaga.

        “Dahil ganoon lang din ang attraction ko sa iyo noon,” sagot ni Lyon. “Purely physical. Pero matindi. Kaya kahit may patakaran akong umiwas sa dalaga, hindi kita natanggihan. Sinabi ko na lang sa sarili ko na malamang ay sabay naman tayong magkakasawaan. Pero hindi nangyaring nagsawa ako sa iyo. Kabaligtaran nga. I can’t have enough of you. Habang tumatagal, lalo akong nagugumon sa iyo. Para kang tubig o pagkain na hinahanap ng katawan ko. Na ikamamatay ko kung ipagkakait sa akin.

        “So I thought it was just lust,” amin ni Lyon. “Pero hindi lang iyon. Dahil habang tumatagal ang pagsasama natin, nakilala rin kita. The real you. At napatunayan ko kung ano ka talaga. Kung sino ka talaga. Maibabalik ko sa iyo ang mga sinabi mo kanina. You’re a good girl. Sensitibo kaya nasaktan nang malalim sa pagwawalambahala ng pamilya. Nalito rin. Naligaw. Pero may pusong makatao. Maunawain. Mapag-aruga. A most lovable woman. The woman I love.”

        Namilog ang mga mata ni Gwen. Hindi siya makapaniwala sa mga huling salitang kanyang narinig.

        Pero naroon pa rin ang katotohanang pinauuwi na siya ni Lyon sa kanila.

        Masarap na masakit tanggapin. Mahal din pala siya ng lalaking kanyang pinakamamahal. Pero hindi pa rin sila puwedeng magsama nang pangmatagalan.

        “Naiintindihan ko,” tango niya. “Thank you for loving me. And because I love you so much, I’m letting you go. Nauunawaan kong hindi ka magiging maligaya kung hindi ka malaya.”

        Umiling si Lyon.

        “Hindi na mahalaga sa akin ang kalayaan,” sagot nito. “Hindi iyon ang ikaliligaya ko. Kahit naman noong malaya ako, hindi ako naging maligaya. Sa iyo lang ako lumigaya. Sa piling mo.”

        “P-pero bakit mo ako itinataboy?” pagtataka ni Gwen.

        “Ang sabi ko nga kanina, ikaw ang pinalalaya ko,” ulit nito. “Ang ibig kong sabihin niyon ay pinalalaya kita sa makasarili kong pag-ibig. Mas makabubuti sa iyong umuwi na sa pamilya mo. Because I don’t deserve you, Gwen. Wala akong maipagmamalaki sa iyo. Hindi kita mabibigyan ng magandang buhay na tulad ng nakasanayan mo.”

        “Hindi ko kailangan ang ganoong buhay,” sagot ng dalaga. “Ni hindi ko na nga hinahanap. Ikaw ang kailangan ko.”

        “Can you imagine a lifetime with me?” tanong ni Lyon. “Kanina, humiling ka sa akin ng anak. Sabi mo handa kang itaguyod siya nang mag-isa. Hindi ako kasama sa scenario.”

        “Iyon na nga lang ang hiniling ko kasi akala ko ayaw mo na sa akin,” pahayag ni Gwen. “Pero kung sasamahan mo kami, I’ll be the happiest woman on earth.”

        “Matatanggap mo bang maging isang Llamanzares?” tanong pa rin ni Lyon. “With all the negative implications of that family name?”

        “Is that a marriage proposal, Mr. Llamanzares?” nakangiting tanong ni Gwen.

        Tumango si Lyon.

        “Kung matatanggap mo ako sa kabila ng lahat,” sagot nito.

        “Noon pa kita tinanggap nang buung-buo sa puso ko, Lyon,” madamdaming pahayag ni Gwen. “Kaya ibinigay ko na ang lahat sa iyo kahit pa walang kasiguruhan ang ating kinabukasan. Kahit panandalian lang.”

        “Then marry me, Gwen,” sabi ng binata. “Be my wife and the mother of our children. Ipinapangako ko, hindi ka magsisisi. I will love you with all of my being till the end of my days. Gagawin ko ang lahat para maging karapat-dapat sa iyo at sa mga magiging anak natin.”

        Muling bumaha ang mga luha ng dalaga. Mga luha na ng kaligayahan.

        “Yes, love,” tango niya. “I’d be honored to be your wife. To be the mother of our children.”

        Pagkatapos, may naalala siya.

        “Palagay ko nga, narito na ang ating panganay,” pahabol ni Gwen. “Kakaiba iyong naramdaman ko kanina, e.”

        Nagliyab na muli ang init sa mga mata ni Lyon.

        “Ganoon ba?” sabi nito. “Pero baka sakaling makahabol pa tayo ng kambal.”

        At sa mismong sandaling iyon ay pinagsanib nitong muli ang kanilang mga katawan.

        “Lyon...!” singhap ni Gwen.

        Ang itinugon nito sa kanya ay maalab na halik na kasabay ng muling pagragasa ng isa na namang delubyo.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento