FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
Abakada ng Pag-ibig: Francesca
ABAKADA NG PAG-IBIG: Gwen
by Maia
Jose
Copyright Maria Teresa
C. San Diego
All Rights Reserved
Published in print by Valentine
Romances
Books for Pleasure,
Inc.
First printing 1998
ISBN: 971-502-899-3
TEASER:
Si Gwen Garchitorena – prinsesa. Napakagandang
heredera. Sosyal na miyembro ng international jetset.
Si Lyon Llamanzares – tinaguriang gigolo.
Mula sa na-bankrupt na angkan. Hinahangad ng mayayamang matrona ang mala-Adonis
na mukha’t katawan. Ayaw ng commitment kaya’t umiiwas sa mga separada, biyuda’t
dalaga.
Paano nangyari na ang prinsesa ay nabaliw sa isang itinuturing na gigolo? At pangangahasan ni Gwen ang lahat, isusuko ang lahat, makapiling lang si Lyon – kahit walang kasiguruhan ang bukas.
CHAPTER 1
ALAS-DIYES
ng umaga sa New York City. Lumabas mula sa kanyang silid si Gwen. Naka-lounging
robe, tuluy-tuloy siya pababa sa main floor ng apartment loft ng pinsan niyang
si Darla sa Greenwich Village.
Kahit bagong gising, wala pang make-up
at ni hindi pa nakakapagsuklay, kitang-kita ang likas na kagandahan ni Gwen.
Mas maganda pa nga yata siya kapag ganoong walang anumang nakapahid sa mukha.
Nawawala ang supladang dating na dala ng sopistikadang make-up. Lumalabas ang
pagiging maamo ng kanyang mukha.
Nakaupo na si Darla sa harap ng hapag-kainan.
Nagkakape na ang maganda ring dalaga.
“Good morning,” nakangiting pagbati nito
sa papalapit na pinsan.
“’Morning,” matamlay na sagot ni Gwen
habang humihila ng sariling mauupuan.
“Hindi yata masaya ang gising mo,”
pansin ni Darla.
“Nakakatamad bumangon, e,” sagot niya.
“Ayoko pa nga sanang tumayo. Kaya lang, I need my morning coffee.”
Para namang on cue, lumapit mula sa
kusina ang mayordoma ni Darla na si Nacing, na yaya na nito mula pa pagkabata.
May dalang umuusok na tasa ng brewed coffee ang mahigit singkuwenta anyos na
matandang dalaga. Inilapag nito ang tasa sa harap ni Gwen.
“Thanks, Manang Nacing,” sabi ng dalaga.
“Ipag-iinit kita ng croissant?” alok ng
mayordoma.
Umiling si Gwen.
“Mabigat sa tiyan,” sagot niya. “Okay na
sa akin itong fruits.”
Itinuro niya ang mga mansanas, ubas at
kahel na nakalagay sa isang mababaw na basket sa gitna ng mesa.
“Sige,” sabi ni Nacing bago bumalik sa
kusina.
“Napuyat ka lang kagabi kaya ka
nanlalata,” sabi ni Darla sa pinsang-buo. “Another all-night ball. Next time,
tanggihan na natin ang imbitasyon ni Mommy. Puro matatanda naman ang mga dumadalo
sa mga charity ball na ganoon.”
“Sinabi mo,” sang-ayon ni Gwen. “Pero
kahit pa nga hindi charity ball, e. Sawang-sawa na rin ako sa mga parties natin
sa Broadway, sa kung saan-saan. I want a change of atmosphere.”
“Oh, then I think I’ve got something
that might interest you,” sabi ni Darla. “Natatandaan mo ba iyong Pinay na
ipinakilala ko sa iyo kagabi – si Geraldine Boyer?”
“Of course,” sagot ni Gwen. “How could I
forget? Ang ganda-ganda niya, only twenty-nine, and she’s married to that old man.
Aba, six years lang ang tanda niya sa akin. Four years lang ang tanda niya sa
iyo. Pero iyong asawa niya, parang matanda pa kay Daddy.”
“Loka, mas mayaman pa nang di-hamak sa Daddy
mo at kay Uncle Harry ko si Bolton Boyer,” sagot ni Darla. “So what if he’s
sixty eight? Just think of what Geraldine will inherit. At saka makikita mo,
she can still enjoy her life. And we’re about to join her.”
“Join her?” pagtataka ni Gwen.
“Nabanggit niya sa akin kagabi na
papunta siya sa kanyang vacation villa sa Carribean next week,” pagkukuwento ni
Darla. “And, as always, inulit niya ang open invitation niya sa amin ni Pete na
sumama roon. Isama ka rin daw namin. All we have to do is confirm if we’re going.
O, ano, shall we go? Alam mo namang isang tawag ko lang kay Pete, he’ll drop
everything to come with us.”
“Ganoon ka ba ka-close kay Geraldine?”
tanong ni Gwen.
Natawa si Darla.
“Not really,” sagot nito. “But we’ll be
doing her a favor by going. Alam mo kasi, laging nagyayaya iyang babaing iyan
ng mga kakilala na maisasama sa kanyang vacation houses all over the world.
Para nga naman hindi masyadong obvious na kasama sa grupong iyon ang kanyang
current flavor of the month. You know...”
Naintindihan agad ni Gwen ang
ipinahihiwatig ng pinsan.
“Iyon pala ang sinasabi mong she can
still enjoy life,” mapaklang sagot niya. “Mabuti’t hindi siya nahuhuli ng asawa
niya.”
“Aba, nagkalat din naman ang mistresses
ni Bolton Boyer,” sabi ni Darla. “Ang number one rule lang nito kay Geraldine,
she has to be very discreet. Huwag ibabalandra sa madla – which means the
media. At huwag na huwag sa harap ni Bolton.”
“So, magsisilbi tayo bilang props niya,
ganoon ba?” tanong ni Gwen.
“We don’t have to do anything except be
there and enjoy ourselves,” paliwanag ni Darla. “At nasa isang very exclusive
island resort ang villa ng mga Boyer. It’s called St. Francois. Another
playground of the rich and famous. Fabulous ang beach doon at ang ganda-ganda
ng dagat.”
“Okay,” pagkikibit-balikat ni Gwen.
“Miss na miss ko na nga ang beach. Pati na rin ang hanging presko na walang
smog. That would be a welcome change. Sige, tawagan mo ang sweetheart mo para
mai-confirm mo na kay Geraldine na sasama tayo.”
MAHIGIT
isang taon nang nakikipisan si Gwen sa pinsan niyang si Darla sa New York City.
Pinapunta siya roon ng kanyang mga magulang matapos pagtangkaang kidnapin sa
Pilipinas.
Ang pamilya kasi ni Gwen – ang mga
Garchitorena – ay isa sa pinakamayayaman sa Pilipinas. Sila ang may-ari ng
Garchitorena Industries, isang group of companies na gumagawa ng mga home
appliances at industrial machinery.
Bunso ang dalaga sa tatlong
magkakapatid, at nag-iisang babae.
Ang kanyang Kuya George at Kuya Gary ay
may kanya-kanya nang mga pamilya at tumutulong sa kanilang amang si Greg sa
pangangasiwa ng negosyo.
Si Gwen naman, mula’t sapul, ay hinubog
nang sumunod sa yapak ng inang si Nedy na isang socialite.
Pareho sila ng pinsan niyang si Darla.
Paano’y katulad din ni Nedy ang ina ni
Darla na si Diana, na bunsong kapatid naman ni Greg Garchitorena.
Pilipino rin ang ama ni Darla kaya
lumaki ang dalaga sa Pilipinas. Pero nagkahiwalay ang mga magulang nito.
Isinama ang dalaga ng ina sa Estados Unidos nang mapangasawa ni Diana ang Amerikanong
multi-millionaire na si Harry Dossett.
Palibhasa’y walang anak si Harry, sunod
din nito ang layaw ni Darla.
May mansiyon sina Harry at Diana sa New
York pero humiling si Darla na magkaroon ng sariling pad. Ibinili naman ito ng
amain ng loft sa Greenwich Village.
Ang lugar na iyon ang sentro ng mga
creative people ng New York – mga designers, artists, musicians. Ang mga
naglalakihang lumang warehouses sa lugar na iyon ay nausong i-convert sa mga
tinatawag na apartment loft – maluluwang na tirahang halos walang mga dibisyon
at minimalist ang decor. Sa madaling sabi, halos walang laman. Panay malalawak
na espasyo lang. Ang iilan namang accent pieces ay siguradong mamahalin kahit
simpleng-simple kung titingnan.
Masasabing ang magkaroon ng apartment
loft sa Greenwich Village ay isa sa mga pinaka-prestihiyosong status symbol ng
mga young creative professionals sa New York.
At kahit hindi naman isang propesyunal
si Darla kundi socialite na walang pinagkakaabalahan kundi sosyalan, isa ito sa
mga pinakakilalang residente ng lugar na iyon.
Sa kaso ni Darla, hindi lang isang
apartment loft ang binili ni Harry kundi isang buong tatlong palapag na gusali.
Nasa unang palapag ang garahe para sa
sportscar ng dalaga at van na ginagamit ni Manang Nacing sa pamimili.
Naroon din ang service kitchen, laundry
area at ang apartment ni Manang Nacing.
Kasama ng matandang dalaga sa quarters
ang dalawa nitong pamangkin – sina Fe at Lingling – na siya naman nitong
katulong sa lahat ng gawain sa loft. Sadyang kinuha ang mga ito mula sa Maynila
para makasama nina Darla at Nacing sa New York.
Ang pangalawa’t pangatlong palapag ng
gusali ay pinag-isa. Kaytaas tuloy ng kisame ng espasyong mahigit anim na raang
metro kuwadrado ang luwang. Naroon ang mismong apartment ni Darla.
Sa magkabilang dulo ng apartment, may
makikitid na hagdang paakyat sa dalawang parihabang mezzanine-type na
silid-tulugan na may kanya-kanyang banyo.
Nasa ilalim ng kuwartong natoka kay Gwen
ang bukas na kusina – na ginagamit lang naman sa paggawa ng kape, juice at iba
pang light snacks. Ang totohanang paghahanda ng pagkain ay ginagawa sa service
kitchen sa ibaba.
Nasa ilalim naman ng kuwarto ni Darla
ang powder room.
Ang bilugang mesang kainan ay parang
islang nakalutang sa isang bahagi ng malawak na espasyo. Ganoon din ang tatlong
sopa na nagkorte namang bukas na parisukat sa kabilang bahagi ng apartment.
Nakaharap ang mga iyon sa dingding na kung saan may built-in TV at stereo
system.
“Puwedeng mag-ballroom dancing dito sa
apartment mo, a,” sabi nga ni Gwen nang una siyang makarating sa loft ng
pinsan. “Puwede pa nga yatang magpalaro ng soccer.”
“Hindi malayo iyang iniisip mo,”
tumatawang sagot ni Darla. “Doon sa loft ni Pete, may basketball court siya sa
isang bahagi ng salas. At talagang nagpapraktis siya roon, ha? Hindi
pangdekorasyon lang.”
Si Pete Murray, ang kasalukuyang boyfriend
ni Darla, ay Fil-American. Pilipina ang ina at Amerikano ang ama. Ipinanganak
at lumaki sa Estados Unidos. Pero siniguro ng ina nito na matutong mag-Pilipino
ang magkakapatid. Panay Pilipina ang mga nakalakhang yaya ng mga ito.
Pintor si Pete. Hindi ito gaanong sikat
pero hindi rin naman nito kailangang ikabuhay ang pagbebenta ng mga obra.
Heredero rin kasi itong ang tanging kailangang gawin ay tumawag nang regular sa
stock broker para i-monitor ang milyun-milyong dolyar na naka-invest sa walang kalugi-luging
blue chip stocks.
Kung prinsesa ang naging buhay ni Gwen
Garchitorena sa Pilipinas, hindi siya nanibago sa dinatnan niyang buhay nina
Darla sa New York.
Noong simula, naaliw siya sa pagsasarili
nila ni Darla. Ang kalayaang iyon ang wala sa kanya sa Maynila. Nakapisan pa
rin kasi siya roon sa mga magulang.
Pero nang lumaon, napatunayan ni Gwen na
wala rin naman pala halos pagkakaiba ang kalagayan nilang magpinsan – liban sa
napapatulog nito sa apartment ang nobyong si Pete anumang oras nito naisin.
Kunsabagay, hindi naman naiinggit si
Gwen.
Wala pa siyang boyfriend pero hindi
dahil pinagbabawalan siya ng pamilya. Ang tanging bilin lang nina Greg at Nedy
ay piliin niya nang mabuti ang lalaking kanyang makakarelasyon. Dapat daw ay
karapatdapat ang kanyang maging boyfriend at mapapangasawa.
Alam na ni Gwen ang kahulugan niyon. Na
ang lalaking karapat-dapat na mapangasawa ay iyon siyempreng hindi nalalayo ang
mga kuwalipikasyon sa kanyang ama at mga kuya. Galing sa buena familia.
Matalino. Magaling sa paghawak ng negosyo.
Ang dami-daming nanliligaw sa kanya sa
Maynila, at maging dito sa New York. Pero isa man sa kanila ay walang matipuhan
si Gwen na sa tingin niya ay puwede niyang makasama nang habambuhay. O kahit
man lang sana iyong puwede niyang pangahasang isugal ang kanyang sarili sa
pakikipagrelasyon.
May iba pa kasing hinahanap si Gwen
bukod sa mga kuwalipikasyong itinakda ng kanyang pamilya.
Naghahanap siya ng lalaki na makakapagpaibig
sa kanya nang todo-todo. Iyong tipo ng pag-ibig na puwede niyang isugal ang
kanyang sarii nang walang pasubali. Iyong kahit masaktan siya sa huli, kahit
magkahiwalay sila sa huli, ay sulit.
Sa isang tulad ni Gwen Garchitorena na
sanay nang nakakamtan ang lahat ng magustuhan, ganoon katinding pag-ibig lang
ang maaaring makaantig ng damdamin.
Iyon ang kanyang hinihintay. Ang tinatawag niya sa kanyang sarili na “my
one great love.”
At hindi siya naiingit kay Darla dahil
ang tingin naman niya rito ay hindi gaanong in love sa katipan. Ganoon din si
Pete sa pinsan niya. Hindi seryoso ang dalawa sa relasyong iyon. Nag-e-enjoy
lang nang pansamantala.
Ang kaso, nakadarama na ng pagkainip si
Gwen para sa kanyang sarili.
Sa Maynila pa lang, nagsimula na itong
nadarama niyang pagkabalisa. Bored na bored na siya sa walang katapusang
pagpunta sa gym, sa salon, sa mall, sa mga party. Pare-pareho lang naman ang
mga taong kanyang nakakasama. Pare-pareho lang din ang pinag-uusapan.
Akala niya, mapapawi ang kanyang
pagkabagot sa New York. Pero sa simula lang pala exciting ang lifestyle ni
Darla. Noong bago pa lang sa kanya ang lahat. Ngayong mahigit isang taon na
siyang narito, napapansin na niyang iyon at iyon din ang kanilang ginagawa. Iyon
at iyon din ang mga taong kanilang nakakasama.
Tinatanong niya ang kanyang sarili, ano
pa ba ang gusto ko? Ano pa ba ang hinahanap ko?
Ang pinakamadaling sagot ay iyon, ang
kanyang pinakahihintay-hintay na pag-ibig. Iyon na lang ang hindi pa niya nararanasan.
Pero para matagpuan niya ang lalaking
kanyang hinahanap, kailangang makihalubilo siya sa mas maraming tao. Kailangang
may mga makilala siyang bago.
At bakasakaling mangyari iyon sa pagbabakasyon nila ni Darla sa isla ng St. Francois sa Caribbean.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
(Link
sa listahan ng iba pang mga nobela.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento