FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 2
BUONG
akala ng lahat ay magnobyo sina GM at Krizha.
Bagay na bagay naman kasi sila. Kung ang
binata ay guwapo, makisig, matalino at sopistikado, ang dalaga nama’y
napakaganda, napakaseksi, matalino rin at sopistikada.
Kung si GM ay kilala sa kanyang
pagka-unconventional, higit pa roon si Krizha.
Kung manamit ito ay kakaiba. Hindi lang
daring kundi sadyang provocative. Parang laging nanghahamon ng lalaki.
Kung hindi malalim ang ukab ng damit sa
harapan ay backless naman. Kung hindi micro-mini ay hanggang balakang naman ang
slit ng damit sa gilid.
Malakas lang talaga ang personalidad
nito’t kayang-kayang dalhin ang ganoong image nang hindi nagmumukhang cheap. Sa
halip, lalo pa ngang nagiging para itong supermodel na hinahangaan ng mga
lalaki pero hindi maabot.
Sa lakas din ng personalidad ni GM,
inakala ng lahat na siya lang ang may kakayahang magdala kay Krizha.
Noong isang taon lang sila nagkakilala.
Si Krizha ang unang lumapit kay GM.
Nagulat ang binata nang tawagan siya ng
nababalitaan na niyang magaling na senior vice president ng isa sa mga
pinakamalalaking multinational advertising agencies sa bansa. Humingi ito ng
appointment, pero sa labas ng opisina at beyond office hours. Confidential daw
kasi ang kanilang pag-uusapan.
Naintriga si GM at agad na pumayag.
Nagkita sila nang gabing iyon.
Inanyayahan niyang mag-dinner ang dalaga sa isang mamahaling restaurant sa El
Pueblo sa Ortigas.
“That would be fine,” sagot ni Krizha sa
telepono. “Kahit makita tayong magkasama, we can make it look like we’re on a
date. Wala bang magagalit?”
“I’m unattached,” nangingiti sa sariling
pahayag ni GM.
At dahil ayaw niyang padaig sa
pagka-agresibo ng kausap, idinugtong din niya ang sariling katanungan.
“How about you?”
“Oh, happily unattached,” humahalakhak
na sagot ng dalaga.
Hindi ito nagpasundo sa kanya. Magkita
na lang daw sila sa kainan sa takdang oras na napag-usapan.
Doon pa lang ay may palatandaan na si GM
sa personalidad ni Krizha Coronel. Pero namilog pa rin ang kanyang mga mata
nang dumating ito sa Chateu 1771.
Matangkad si Krizha. Parang modelo ang
height pero hindi ang katawan. Hindi ito payat. Voluptous ang salitang
makapaglalarawan sa kaseksihan nito.
Marami naman sigurong mga babaing
kasingtangkad ni Krizha at may ganoon ding mga vital statistics, pero iba pa
rin talaga ito sa karamihan. Iba dahil nagagawa nitong patingkarin pang lalo
ang mga katangiang iyon hanggang sa maging larger-than-life. Parang artista.
Parang si Marilyn Monroe.
Katulad nang gabing iyon. Ang suot
nito’y simpleng itim na sedang mini na may makikitid na spaghetti straps. Ang
kaibahan nga lang ay malalim ang cleavage nitong nakalantad sa harap at
hanggang beywang naman ang nakalantad sa likod. At pagkaikli-ikli na nga ng
damit ay may slit pa ito sa magkabilang gilid.
Mabibilog din ang mga hita ng dalaga. At
maganda ang hubog ng mga binti na walang nakasaping stockings. Bakit pa nga ba
nito tatakpan ang pagkaputi-puti at pagkakinis-kinis na balat na flawless? Lalo
pa nga iyong lumutang sa itim na kulay ng damit nito’t mataas na stilleto
slingback sandals.
Mabibilog rin ang mga braso ng dalaga na
nagtatapos sa pagkalalambot na mga kamay na may malakandilang mga daliri. Ang
mahahaba nitong mga kuko ay naka-French manicure – clear polish na may platinum
tips.
At kung kaakit-akit tingnan sa mga hita
nito’t braso ang makinis kutis, paano pa kaya sa mga balikat nito’t dibdib?
Ganoon din sa leeg nito’t mukhang may klasikong kagandahan.
Itim na itim ang makakapal, mahaba at
kulot na mga pilikmata ni Krizha. Ganoon din ang buhok nitong hindi kinulayan
at laging parang magulo ang ayos, nakalugay man o nakataas.
Nang gabing iyon ay nakataas sa isang
maluwang na pagkakapusod ang buhok ng dalaga, pero maraming mga hiblang
naglalaglagan sa magkabila ng mukha nito. Para bang kababangon lang nito mula
sa pakikipag-ulayaw.
Nakangiti si Krizha Coronel habang
papalapit sa mesa ni GM. Punung-puno ng kumpiyansa sa paglalakad. Alam na alam
na lahat ng mga mata sa restawran ay nakatutok dito.
Tumayo si GM para batiin ang dalaga.
“Miss Krizha Coronel?” paniniguro niya.
“Yes,” tango. “And you’re Mr. George
Milan, I presume.”
“At your service,” sagot niyang
naglalahad ng kamay. “I’m very pleased to meet you.”
“Call me Krizha,” sabi nitong
nakikipagkamay. “And I’ll call you, GM.”
“Deal,” sagot ng binata.
Nakaupo na sila ay tuliro pa rin si GM
sa kakaibang kariktan ng kaharap.
“Naintriga ka ba sa tawag ko?” nakangiti
pa ring tanong ng dalaga.
“I must admit, oo,” sagot niya. “We’ve
never met but I’ve heard about you. Maliit lang naman ang advertising circle. I
know you’re one of the best ad executives in town.”
“I should be saying that about you,”
pakli ng dalaga. “No. Let me change that. Ang totoo, ayon sa aking research,
you’re currently the best.”
Natatawang napailing si GM.
“Hindi naman,” tanggi niya. “That’s an
exaggeration.”
“No, it’s not,” giit ni Krizha. “You’re
the youngest top man in the business. You’re also the most innovative. The most
creative. The most unconventional. Sa advertising, that’s what counts.”
“Nakakalasing ka namang pumuri,” sabi ng
binata.
“Totoong lahat ang sinabi ko,” sagot ni
Krizha. “Pero baka nga akalain mong nagpapalapad ako ng papel kapag narinig mo
ang susunod kong sasabihin. I’m here to ask you for a job. I’d like to join
your company, Millennium Advertising.”
Napamaang si GM.
“Bakit?” tanong niya nang mahimasmasan.
“Senior vice-president ka na sa kompanya ninyo, a.”
Nagkibit-balikat ang dalaga.
“Senior vice-president nga,” sagot nito.
“Pero sawang-sawa na ako sa pagkakonserbatibo ng kompanyang iyon. Lagi na lang
silang natatakot na sumugal sa mga hindi pa tried and tested na ideya.
Nakakabobo na.”
Nagsalubong ang mga kilay ng binata.
“Sa posisyon mo, wala ka bang authority
para magpatupad ng innovations?” tanong niya.
“Are you kidding?” sagot ni Krizha. “I
always try to do that pero lagi naman akong outvoted. I’m not the only senior
vice-president there, you know. Tatlo kami. At puro sila konserbatibo. Mas lalo
pa ang aming presidente. Sabi nila, iyon daw mismo ang trademark ng kompanya.
Iyon daw ang dahilan kaya kami pinupuntahan ng kliyente. Reliable daw kami. Sa
opinyon ko naman, boring na kami. Tingnan mo ang mga ads ng sabong panlaba.
Lahat ng brands, pare-pareho ang dating. Ganoon din sa bath soaps. Kung ano ang
thrust ng isa, gaya-gaya na ang lahat. Pati mga models na kinukuha, iisa ang
tipo. They all look the same. They all act the same. Parang mga clone.”
Natawa si GM. Ganoong-ganoon din kasi
ang pintas niya sa karamihan sa mga napapanood na ads sa TV.
“Alam kong hindi pa mainstream ang mga
hawak ninyong accounts sa Millennium,”
pagpapatuloy ni Krizha. “Hindi pa iyong mga laundry and bath soaps and toothpastes.
Pero malalaki na rin ang accounts n’yo. Tulad na lang ng New Haven Spa chain.
At iyong Destiny Insurance. At saka iyong sa Philippine Republic Bank.
Impressed ako sa mga ad campaigns ninyong iyon. Bago ang approach. At hindi
nakakainsulto sa viewers. I’d like to be a part of the team that did those
campaigns. That is, kung papasa ako.”
Napailing si GM.
“I’m speechless,” amin niya. Hindi ko
inaasahan ito.”
“Hindi naman kita pinasasagot ngayon,”
sabi ng dalaga. “Parang suntok sa buwan nga lang itong ginawa kong ito. Actually,
I haven’t even resigned from my job yet. Hindi ako nagsasabi sa kanila na may
ganito akong balak. Sigurista rin ako, e. I wanted to test the waters first.
Get your initial reaction. Of course, I’ll be sending you my complete resume
later. Pati na rin ang portfolio ng mga projects na ginawa with my active
participation.”
Kumumpas ang kamay ng binata.
“Alam ko na ang kalibre mo sa trabaho,”
sagot niya. “You don’t have to prove anything to me. Kaya nga nagugulat ako na
gusto mong maging bahagi ng Millennium. Hindi ako makapaniwala. Baka nga ang
dapat pang mangyari ay makita mo muna ang buong set-up namin. Ikaw ang magtantiya
kung sa palagay mo ay gugustuhin mo talagang lumipat sa amin. Maliit lang kami.
We do things differently. Simple lang. Baka manibago ka.”
“That’s exactly what I’m looking for,”
sabi ni Krizha. “Iyong walang gaanong red tape. Iyong mas madaling kausapin ang
mga tao. Iyong lahat sa kompanya, may boses, may kontribusyon. Dynamic ang
interaction. And that’s what I’ve been hearing about Millennium.”
Nangiti si GM.
“Ganoon nga kami,” sagot niya. “Why
don’t you drop by the office one of these days and see us at work? Pag-usapan
natin where you can fit in.”
Naging napakabilis na ng mga pangyayari
pagkatapos noon. Hindi nagtagal at naging executive vice president na ng
Millennium Advertising si Krizha Coronel.
Dati ay walang ganoong posisyon sa
Millennium. Mula kay GM ay diretso na sa mga ispesipikong trabaho na tulad ng
art director, artists, photographers, copywriters, public relations manager,
public relations staff, personnel officer, administrative manager at
administrative staff. Kung ano lang ang talagang kailangan ay iyon lang ang
mayroon.
Pero pinulong ni GM ang buong staff at
lahat sila’y nagkaisa na malaki ang maibibigay na kontribusyon ni Krizha
Coronel sa kompanya. At hindi lang iisang ispesipikong trabaho ang magagawa ng
dalaga. Malawak ang karanasan nito at maalam sa halos lahat ng bahagi ng
kompanya. Sa staff na mismo nanggaling ang suhestiyon na gumawa ng bagong puwesto
para sa bago nilang makakasama – iyong katapat din ng iiwanan nitong puwesto sa
dating ad agency.
Iyon ang kainaman sa grupong tulad ng
binuo ni GM sa Millennium Advertising. Ang lahat ay nagkakaunawaan dahil ang
lahat ay pinakikinggan. Tuloy, walang mga intrigahan. Walang inggitan. Tiwala
ang bawat isa na basta’t ibinibigay niya ang lahat ng kanyang makakaya ay
siguradong matatanggap din niya ang kaukulang pagkilala at benepisyo. Kaya
naman ganoon din ang ginawa nilang pagtanggap kay Krizha.
Wala namang nagsisi sa kanila. Agad na
naging mahalagang bahagi ng team ang dalaga. Tugmang-tugma ang personalidad
nito sa makulay at halu-halong mga personalidad sa Millennium. Ganoon din sa
estilo ng trabaho.
Si GM, higit sa lahat, ang nakadama sa
kahalagahan ng dalaga sa kompanya. Naging kanang-kamay niya ito sa lahat ng
bagay.
Nanatili ang matinding atraksiyon niya
sa dalaga. Bagay na laging lumilikha ng kakaibang tensiyon sa pagitan nila.
Paano naman kasi niyang maiiwasang
makita ang kaseksihan nito gayong araw-araw ay laging kakarampot ang suot ng
dalaga?
Lagi tuloy naliligaw ang kanyang mga
mata – sa dibdib nito, sa mga hita, sa mga binti. Lagi rin naman siyang
nahuhuli ni Krizha. Natatawa lang naman ito.
Bakit nga naman ito magagalit
samantalang kusa naman nitong idinidispley ang mga kariktang iyon?
Pero may nangyari na naging kritikal na
bahagi ng kanilang relasyon sa isa’t isa.
May minamadali rin silang tapusin nang
araw na iyon kaya kahit linggo ay nag-overtime ang isang grupo ng staff sa
opisina. Kasama siyempre sina GM at Krizha.
Alas-sais na ng gabi nang matapos sila.
Tulad ng dati, niyaya ni GM ang lahat para maghapunan sa labas. Ganoon ang
ginagawa ng binata sa tuwing nag-o-overtime sila. Sagot ng kompanya ang
pagkain.
Nang mag-uuwian na, nilapitan ni Krizha
si GM.
“May I offer you dessert and coffee at
my place?” nakangiting anyaya nito.
Tatanggi ba naman ang binata?
“Sure,” alistong sagot niya.
Ang dating sa kanya ng alok na iyon ay
higit pa sa “dessert and coffee.”
At hindi siya nagkamali.
Pagkatapos magsalo sa black forest cake
at brewed coffee, nagsayaw sila ni Krizha sa saliw ng mellow jazz music.
Sinimulan ni GM na hagkan ang dalaga.
Hindi ito tumanggi.
Itinuloy niya. Hindi pa rin ito pumalag.
Pero mayamaya ay may napansin na si GM. Hindi
nga umaayaw si Krizha pero hindi rin tumutugon. Napakalamig nito. Para siyang
humahalik sa estatwa.
Natigilan ang binata. Bahagyang kumalas
bago nagtanong.
“Krizh? What’s wrong?”
“Wala,” iling ng dalagang bahagyang
nakangiti. “Nothing’s wrong. I-ituloy mo...”
Umiling si GM.
“I can’t,” sagot niya. “Kung ayaw mo,
bakit ko pa itutuloy?”
“H-hindi naman sa ayaw ko, e,” sabi ng
dalaga. “G-ganito lang talaga ako, GM.”
Hinatak ito ng binata nang paupo sa
sofa.
“Mag-usap nga muna tayo,” sabi niya.
Biglang nag-iba si Krizha. Mula sa
pagiging agresibo ay parang bata itong sumunod sa kanya.
“Now tell me what this is all about,”
marahang tanong ni GM nang nakaupo na sila nang magkatabi. “I’m sorry kung
naging padalus-dalos ako sa aking interpretasyon sa mga pangyayari. Akala ko
kasi, doon patungo ang lahat ng ito. But now, it’s obvious na hindi magkapareho
ang nararamdaman natin.”
“I’m sorry,” mangiyak-ngiyak na sabi ni
Krizha. “A-akala ko rin kasi, kaya ko. Or, at least, na okey lang sa iyo kahit
ganoon. Kahit... kahit ikaw lang.”
“Anong kahit ako lang?” tanong ni GM.
“Kahit ikaw lang ang turned on,” sagot
ng dalaga. “Hindi ba, usually, hindi naman importante sa lalaki kung gusto rin
ng babae? Basta pumapayag ang babae, okey na.”
“That’s bullshit,” galit na bulalas ni
GM. “Of course not. Hindi okay sa akin iyon. At napakaliit ng tingin ko sa
lalaking ganoon ang point of view. Isa pa, bakit ka naman papayag kung ayaw mo?
Anong klaseng set-up ito?”
“GM... please...” awat ni Krizha.
Unti-unting huminahon ang binata.
“Hindi kita maintindihan,” iling niyang
isinusuklay ang mga daliri ng isang kamay sa buhok. “You invited me here.
Bakit? Para ano?”
“Inaamin ko, para dito,” sagot ni
Krizha.
“But it’s obvious that I don’t turn you
on,” parang panunumbat ng binata.
“H-hindi mo kasalanan ‘yon,’ sagot ni
Krizha. “I mean, there’s nothing wrong with you. Ako ang may diprensiya. Kahit
kaninong lalaki, hindi ako maka-respond. I’m... I’m frigid.”
Napamaang si GM.
“I don’t believe this,” iling niya
kapagdaka.
“Napatunayan mo na, hindi ba?” paalala
ni Krizha. “And you’re a very desirable man. Kahit na sinong babae, madadala sa
ganoong halik. Lalo na sa ganitong sitwasyon. Sa ganitong surroundings, with
dim lights and seductive music in the background...”
Muling natigilan ang binata.
Totoo ang mga sinabi ni Krizha. Hindi
siya mayabang pero alam niyang malakas ang appeal niya sa mga babae. At ni minsan,
wala pang babaing hindi tumugon sa kanya. Ngayon pa lang.
Tumingin siya kay Krizha.
Pagkaganda-gandang babae. Ubod ng sexy.
Pero napatunayan nga niyang malamig pa ito sa yelo. Ni hindi nagbago ang tempo
ng paghinga nito sa ginawa niyang paghalik sa mga labi nito. Nakarating na siya
hanggang leeg ay wala pa rin itong anumang reaksiyon.
Hindi man kapani-paniwala ay totoo nga
ang sinabi ni Krizha.
At sa sandaling iyon ay ganap na naglaho
ang lahat ng pagnanasa ni GM sa dalaga. Hindi pala siya maaakit sa isang
babaing walang kakayahang tumugon sa kanya.
“Pero kung alam mo nang frigid ka, bakit
mo pa ako dinala rito?” pagtataka ng binata. “At inamin mo pa kanina na ito rin
mismo ang pakay mo.”
“Noong hindi mo pa alam na frigid ako,
you wanted me, right?” sagot ni Krizha. “And I like you, GM. Hanga ako sa iyo
sa lahat ng bagay. I want to keep you as a friend. So, naisip ko, why not?
Hindi rin lang ako maa-attract sa kahit kaninong lalaki, bakit hindi kita
pagbigyan? Ang alam ko nga kasi, okay lang sa mga lalaki kahit frigid ang
babae. Enjoy pa rin kayo. I was willing to let you use my body. Wala naman sa
akin iyon, e. I was willing to get into a relationship with you. At least, I
can enjoy all the other parts of the relationship, except for the sex.”
Nagpakailing-iling si GM.
“Wow, ibang klase ka rin, ano?” sabi
niya.
“May tensiyon na sa pagitan natin, e,”
paalalang muli ni Krizha. “Sooner or later, maapektuhan na ang pakikitungo
natin sa isa’t isa. Ayokong mangyari iyon. Kaya ginawa ko ito.”
“Okay, I think I understand now,” tango
na rin ni GM. “Pero, Krizh, hindi ako ang tipo ng lalaki na puwedeng manggamit
lang ng babae. No way. Hindi ako ganoon. If my partner doesn’t enjoy it, I
can’t enjoy it either. Kailangang pareho kaming ready and willing at may mutual
satisfaction. That’s the point of the whole thing, hindi ba?”
“Well, hindi ko alam na may mga lalaking
katulad mo,” sagot ni Krizha.
Napakunot-noo ang binata.
“I’m sorry kung napakasama ng naging
karanasan mo sa ibang lalaki,” sabi niya.
Nagkibit-balikat si Krizha.
“Let’s not talk about that,” sagot nito.
Kinuha ni GM ang isang kamay ng dalaga.
“Krizh, I still want to be your friend,”
pahayag niya. “I admit, talagang attracted ako sa iyo noon. Sino ba namang
lalaki ang hindi? Everytime I saw you, I got turned on. Pero sa nangyaring ito,
biglang nagbago iyon. Siguro, natauhan din ang ego ko. Hindi pala lahat ng
babae, kaya kong i-seduce. So now, puwede na tayong maging tunay na
magkaibigan. Wala nang tensiyon. Now I can look at you and not get turned on.”
Natawa si Krizha.
“That’s a relief,” sagot nito.
“Ikaw naman kasi, e,” sabi ni GM.
“Parang nananadya ka naman kasi. Kung manamit ka, parang gusto mong i-seduce
ang lahat ng lalaki sa mundo.”
Biglang nag-iba ang mukha ng dalaga.
Tumigas ang ekspresyon nito.
“Maybe that’s true,” sagot ni Krizha.
“Maybe I want them to suffer. Maghangad sila sa hindi nila kailanman
makakamtan. Kasi, hindi ba, ganoon naman ang tingin ng karamihan sa mga lalaki
sa aming mga babae? Sex objects. So I’m giving them what they think they want.
But the big joke is that I’m frigid. No man can satisfy me. Hindi ba malaking
insulto iyon sa kalalakihan?”
Sumeryoso si GM.
“May problema ka ba, Krizh?”
nag-aalalang tanong niya. “Is there anything I can do to help you? Sa tingin
ko, malalim ang pinagmulan ng mga sinabi mong iyon, e.”
“Don’t worry, matagal na iyon,”
nakangiting sagot ng dalaga. “I can handle it. Siguro nga, masasabi nating
itong ganitong attitude at ayos ko ang aking paraan para i-handle ang aking mga
pinagdaanan. So I’m okay now.”
“Huwag mo lang sanang lalahatin ang mga
lalaki,” paalala ni GM. “Katulad ngayon. At least, napatunayan mong may mga
lalaki ring katulad ko. And I want to be your friend.”
“Siguro nga, deep inside, I was hoping
na ganito ang mangyayari sa atin,” amin ni Krizha. “Siguro, may kutob na akong
iba ka. Kaya nga ginusto kong mapalapit sa iyo, whatever the cost. Your
friendship means so much to me. Lalung-lalo na ngayon.”
Doon nabuo ang isang pagkakaibigang
kakaiba sa lahat.
“Ikaw lang ang nakakaalam sa kalagayan
ko,” pagtatapat ni Krizha. “I’d like to keep it that way.”
“Of course,” sagot ni GM. “I never talk
about my women friends anyway.”
“Pero iisipin ng karamihan na may
namamagitan sa atin,” sabi ng dalaga. “Ako, wala akong pakialam. Pero baka
masira ang diskarte mo sa ibang babae.”
“Don’t worry about me,” sagot ni GM. “Dati
nang kung anu-ano ang mga tsismis tungkol sa akin. Ganoon talaga kapag umaabot
sa edad at posisyon ko na walang steady girlfriend. It’s either nababansagang
babaero o bakla.”
Tawanan sila.
Magmula noon, kahit diretsahan silang
tinatanong kung may ugnayan nga ba sila, idinadaan na lang nila sa tawa.
“We have no commitment to each other,”
isasagot nina GM at Krizha, “but we enjoy each other’s company... immensely.”
Na siya namang totoo – hindi nga lang sa
paraang iniisip ng mga malisyoso.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento