Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Sabado, Abril 1, 2023

Abakada ng Pag-ibig: HIYAS Chapter 3

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 3

HINDI halos makapaniwala si Hiyas. Narito na nga siya sa Pilipinas. At nag-iisa.

        Sa tanang buhay ng dalaga, ngayon lang siya nalayo nang ganito sa kanyang pamilya. Ang sarap pala ng pakiramdam ng malaya.

        Mahal na mahal ni Hiyas ang kanyang mga magulang at Ate Mutya. Alam din niyang mahal na mahal siya ng mga ito. Wala naman silang problema sa bagay na iyon.

        Pero ang isang disinuwebe anyos na dalaga, lalo pa’t nagdalaga sa Estados Unidos, ay talagang naghahanap ng kalayaan.

        Kalayaang hindi yata maunawaan nina Puri at Lando Deltierro – ang kanyang mga magulang.

        Oo nga’t nauunawaan siya ng kanyang Ate Mutya. Pero wala rin naman itong magawa. Katulad niya’y kinailangan din nitong sumunod sa mga patakaran ng mga magulang hanggang sa makapagtapos. Nang maganap na iyon ay ora-orada itong lumipad mula Chicago patungong New York. Doon ang pinili nitong pasukang trabaho at alam ni Hiyas ang pangunahing dahilan – para makalaya.

        Samantalang siya, katatapos pa lang sa high school. At kung tulad ni Mutya ay sa Chicago rin siya magkokolehiyo at apat na taong kurso ang kanyang pipiliin, ang ibig sabihin ay apat na taon pa rin siyang mapapasailalim sa mahigpit na mga patakaran ng kanyang mga magulang.

        Sino ba namang disinuwebe anyos na dalaga sa States ang hindi maaaring makipag-date nang walang chaperone sa hindi kakilala ng kanyang mga magulang? At kahit na kakilala na nina Puri at Lando ang binatang kanyang makakasama sa lakad, kung mag-usisa ang mga ito sa kanilang pupuntahan ay daig pa ang mga imbestigador. Pag-uwi naman niya ng bahay pagkatapos, ni hindi siya mahingian ng good night kiss ng kanyang ka-date dahil siguradong papahinto pa lang ang sasakyan sa harap ng tarangkahan nila ay bubukas na ang pinto ng bahay at bubulaga ang nakangiti niyang mga magulang.

        Punding-pundi na talaga si Hiyas.

        Ang laging idinadahilan sa kanya nina Puri at Lando ay Filipino customs. Iba raw ang pamantayan ng mga Pilipino sa buhay. Iyon ang kailangan nilang sundin.

        Pero hindi naniniwala si Hiyas na ganoon pa rin kakonserbatibo ang lahat ng mga Pilipino. Malaki na rin naman siya nang umalis sila ng Maynila. Nakapagtapos na siya noon ng grade six. At alam na niya noon ang nagaganap sa paligid. Makabago na ang Maynila. Kahit noon pa.

        Sobra lang talaga ang kanyang mga magulang.

        Dapat ay alam nilang hindi naman siya ang tipo ng babae na magwawala kapag hindi nirerendahan. Hindi naman niya balak na tumulad sa iba niyang kaklaseng Amerikana na kabi-kabila na ang mga boyfriend at kung anu-ano na ang pinaggagagawa. May mga kaibigan din naman siyang Amerikana na matitino at hindi ganoon.

        Gusto lang ni Hiyas ng kaunting kalayaan para ma-enjoy ang kanyang pagiging teenager.

        Suntok sa buwan nga ang ginawa niyang pagpapaalam para sa tour na ito.  Hindi niya akalaing papayagan siya.

        Huli na nang malaman niya kung bakit siya pinayagan. May kakabit palang kondisyon. May inaasahan palang chaperone ang kanyang mga magulang pagdating niya sa Manila. Si GM – iyong kapitbahay nila noon sa Greenhills.

        Inis na inis si Hiyas nang sabihin sa kanya ng Mommy niya ang tungkol kay GM.

        “Make sure to call him as soon as you get there. Call him right after you call us, okay?” mahigpit na bilin nito.

        Kay GM daw siya magpapaalam sa mga lakad niyang labas sa schedule ng tour group. Si GM daw ang bahala sa kanya.

        Pinayagan nga siyang maglakbay nang mag-isa pero hanggang eroplano lang pala ang kalayaang iyon. Pagdating pala sa dulo ay may nag-aabang na sa kanya na babysitter.

        Naaalala pa ni Hiyas ang GM na iyon.

        Kahit noong maliit na maliit pa siya, mga tatlong taong gulang siguro, binatilyo na ito at antipatiko na sa kanya.

        Naalala niyang pinagkakaguluhan na ng lahat ang kanyang kakyutan ay balewala pa rin siya sa supladong ito.

        Noong minsan ngang nakatuwaan niyang paglaruan ang basketball ni GM noong naroon sila sa bahay ng mga Milan, tinangka agad nitong bawiin sa kanya ang bola. Siyempre, umiyak siya. Siyempre rin, inawat ng kanyang Tita Marina at Tito Gerry ang anak at pinagsabihang pagbigyan muna siya. Sumunod naman ang binatilyo. Pero habang ibinabalik nito sa kanya ang bola ay pinandilatan siya nito at pinagsabihan ng “You’re a spoiled brat!”

        Magmula noon ay naging ilag na siya kay GM kahit gaano man siya kalapit sa kanyang Tita Marina, Tito Gerry at Ate Gina.

        Hindi naman mahirap iwasan ang binata. Bihira itong sumasama sa pamilya Milan kapag pumupunta ang mga ito sa kanila. Kapag sila naman ang nasa bahay ng mga Milan, madalas ay wala ito roon.

        Noong umalis sila ng Pilipinas, tanda niya ay may sarili nang kompanya si GM. Kaya ang impresyon niya ay matanda na talaga ito. Labing-isang taon ba naman ang itinanda sa kanya.

        Pero hanggang ngayon daw ay binata pa rin ito kahit treinta anyos na. Aba, matandang binata na pala. Naku, pihadong lalong naging masungit. Baka mas grabe pa ang pagkakonserbatibo kaysa sa Mommy at Daddy niya.

        Pikon na pikon talaga si Hiyas sa sitwasyon.

        Pagdating na pagdating nga ng grupo nila sa hostel sa UP campus, may inianunsiyo agad ang receptionist.

        “Message for Miss Deltierro.”

        Tumawag daw ang isang Mr. George Milan. Nagpapa-return call. Iniwan ang numero ng telepono.

        Napaismid si Hiyas. Para namang hindi nito alam na ibinigay na sa kanya ng Mommy niya ang lahat ng  mga numero ng mga telepono nito – sa bahay, sa opisina, sa cellphone. Alam din niya ang kumpletong address ng tinitirhan nito.

        Pero wala siyang balak na tawagan ang lalaking iyon.

        Ang hindi niya puwedeng iwasang tawagan ay ang mga magulang niya. Kabilin-bilinan ng mga ito na tumawag siya pagdating na pagdating niya sa hostel. Kailangang malaman ng mga ito na nakarating siya roon nang maluwalhati.

        Pagkatapos maiayos ang kanyang mga gamit sa kuwarto ay nagbihis lang si Hiyas bago bumaba para tumawag nang long distance.

        “Hi, Mom. I’m here. Safe and sound,” sabi niya sa telepono.

        Maraming itinatanong si Puri. Inalam ang tungkol sa biyahe. Inalam ang klase ng dinatnan niyang tirahan.

        “Everything’s okay, Mom,” sagot ng dalaga.

        “Call GM,” pinakahuling bilin ni Puri.

        Hindi pala talaga niya malulusutan iyon.

        Nakasimangot si Hiyas habang idina-dial ang pager ng binata. Pager ang tinatawagan niya dahil ayaw pa rin niya itong kausapin. Mag-iiwan lang siya ng mensahe.

        “Message from Hiyas Deltierro. I have arrived safely. However, I have a horrible case of jet lag. I think I’ll sleep it off for the next twelve hours. Thank you.”

        Nakangiti na siya pagkatapos. Alam niyang hindi siya tatawagan ni GM habang siya’y natutulog.

        “Hey, Hiyas,” tawag ng isang kasama niya sa grupo. “Wanna come with us? We’re gonna check out the nearest Subway and Baskin Robbins outlet at Katipunan.”

        “Count me in!” masiglang sagot ng dalaga bago patakbong sumunod sa grupo.

 

NASA opisina si GM nang matanggap niya ang mensahe sa kanyang pager.

        Dumating na pala ang batang iyon, sabi niya sa sarili. Mabuti naman at hindi pa pala niya kailangang puntahan o kausapin man lamang. Bukas na niya ito kukumustahin. Nakalibre siya nang isang araw. Nakahinga siya nang maluwag.

        Pero kinagabihan, tumawag uli sa kanya si Marina.

        “Nariyan na raw si Hiyas. Nagkita na ba kayo?”

        “Hindi pa, ‘Ma,” kampanteng sagot niya. “Grabe raw ang jet lag no’ng bata kaya matutulog muna for the next twelve hours.”

        “Mabuti naman at nagkausap na kayo kahit sa telepono man lang muna,” sabi ni Marina.

        Hindi na itinama ni GM ang impresyon nito.

        Gayunpaman, nakonsensiya rin siya. Ipinangako niya sa sarili na kinabukasan ay talagang tatawagan uli si Hiyas.

 

NAPAGKASUNDUAN nina Hiyas at Puri na para makatipid ay sa e-mail na lang regular na magpapadala ng mensahe ang dalaga, na sabay na maipapadala kina Puri sa Chicago at kay Mutya sa New York.

        Nalaman nila mula sa mga organizers ng tour na marami na ring mga internet cafe sa Maynila na kung saan maaari siyang makapagpadala ng e-mail sa mga magulang at kapatid. Maaari rin siyang kumuha roon ng sariling mailbox para tumanggap naman ng e-mail mula kina Puri at Mutya. Mayroon nga raw mga ganoong establisimyento na malapit lang sa UP Campus.

        Kaya naman pagkatapos nilang mag-city tour sa unang araw na iyon ay niyaya ni Hiyas ang ilang kasamahan sa pinakamalapit na internet cafe doon uli sa Katipunan. Agad namang sumama ang kanyang mga kagrupo na gusto ring mag-e-mail sa kanilang mga pamilya at kaibigan sa States.

        Sa kanyang mensahe, ikinuwento ni Hiyas sa mga magulang at kapatid ang mga naganap sa araw na iyon.

        “I think our facilitator wanted to give us culture shock. Sinadya nila na ang unang pagdalhan sa amin ay isang urban poor community. Of course na-shock ang mga kasama ko. Ako lang yata ang hindi. Paano, alam ko na iyon. Dati na akong na-expose sa ganoon. Mabuti na lang pala, pinayagan ninyo ako noong mag-outreach program kami sa ganoong depressed community noong grade six pa ako rito. Nakakapanibago nga lang uli ngayon, lalo na after all those years in the States na wala akong nakikitang ganoong klase ng kahirapan.

        “Iba pa rin pala talaga ang level of poverty dito kaysa diyan. Iyong tinatawag na poor sa States ay maaari pa ring tawaging middle class kung ikukumpara rito. Dito, kapag sinabing pinakamahirap, talagang sagad-sagarang walang-wala. Halos nakapagtataka kung paano sila nakaka-survive. Naaawa ako sa kanila pero humahanga rin. Hindi ko kaya ang ginagawa nilang struggle for survival.

        “Pagkatapos, pinag-lunch kami sa sidewalk. You can just imagine the group’s reaction to barbecued chicken heads, chicken feet, etcetera. We survived on regular pork barbecue, though. But right after we came back to the hostel, everyone rushed to the cafeteria for some more food. Ginutom kami. And right now. I’m munching on a burger.

        “Mom, Dad, thank you so much for allowing me to experience all these again. Unang araw pa lang, ang dami ko nang nakuha sa trip na ito. And there’s so much more to come.

        “By the way, I got in touch with GM last night.”

        Tinapos ni Hiyas ang mensahe nang hindi nililinaw kung paano niyang kinontak si GM. Sinadya niya iyon. Sigurado kasing mapapagalitan siya ni Puri kapag nalamang iniwasan niyang makausap ang binata.

        Wala pa rin naman siyang balak na kausapin si GM. Sa katunayan, nag-iwan pa siya ng instruksiyon sa reception desk ng hostel na anumang tawag para sa kanya ay hindi niya tatanggapin. Kahit naroon siya ay ipinasasabi niyang nasa meeting siya o nasa labas. Mag-iwan na lang ng mensahe ang tumatawag.

        Hindi na siya nagtaka nang may madatnan uling mensahe pagbalik sa hostel. Tumawag na naman daw si GM.

        “Welcome back to Manila. I hope you’re over the jet lag now. Please call me anytime if you need anything.”

        Nagkibit-balikat lang ang dalaga. Wala naman siyang kailangan kay GM kaya hindi na niya ito kailangan pang tawagan.

 

DALAWANG buwan ang exposure and immersion trip ni Hiyas sa Pilipinas. At bawat araw na nagdaraan ay punung-puno ng iba’t ibang makukulay na mga karanasan para sa dalaga.

        Lahat ng bahagi ng kulturang Pilipino ay ipinatikim sa grupo nila. At kahit hindi siya katulad ng mga kagrupo na pawang mga Pilipinong ipinanganak at lumaki sa Estados Unidos, nanibago pa rin siya sa maraming bagay. Iba pa rin pala kapag malayo sa sariling bayan nang matagal na panahon. Iba na ang paningin niya ngayon sa mga bagay-bagay kung ikukumpara sa naging paningin niya noong siya’y batambata pa.

        Pagkatapos silang dalhin sa depressed area, dinala naman sila sa mga pinakamalalaking shopping mall sa Ortigas Center at sa mga five star hotels sa Makati. Hindi mahuhuli ang mga lugar na iyon sa mga mall at hotel sa Estados Unidos. Lalo lang tuloy tumingkad para sa kanila kung gaano kamiserable ang buhay ng mga pinakamahihirap na mamamayan sa lunsod.

        Dinala sila sa mga disco at music lounge. Pinapanood ng mga pelikulang Pilipino – may drama, may action at may comedy. Pinaupo sa gallery ng isang noontime show at isang panggabing public affairs talk show sa telebisyon. Pinapanood ng PBA game sa Cuneta Astrodome.

        Namalengke sila sa Divisoria. Nag-shopping sa Tutuban. Namili ng souvenirs sa ilalim ng tulay ng Quiapo. Nagsimba sa Baclaran.

        Nakipagkumperensiya sila sa mga estudyanteng mula sa mga eksklusibong  paaralan. Sumunod ay mga estudyanteng mula sa mga public school naman ang nakahalubilo nila.

        Dinala sila sa Batasang Pambansa para mag-obserba sa isang sesyon ng kongreso at sa Old  Congress Building para mag-obserba sa isang sesyon ng senado.

        Nag-beach sila sa Batangas. Natulala sa mga obra ng mga pintor at eskultor sa Angono. Nagpista sa masasarap na sariwang lamang-dagat sa paligid ng Laguna de Bay.

        Nagitla sila sa epekto ng lahar sa Pampanga at Zambales. Humanga sa mga hinabing tela at basket sa Baguio. Nalula sa kagandahan ng mga rice terraces sa Banaue.

        “Mga pasilip lang ang mga ito,” sabi ng kanilang mga facilitator. “Kulang ang dalawang buwan para madama ninyo nang ganap ang pagiging Pilipino. Sana, ang mga karanasang ito ay magsilbing pampagana para gustuhin ninyong bumalik at manatili rito nang mas matagal.”

        Nag-e-enjoy si Hiyas. Kakatwang kung kailan pa siya isa nang balikbayan ay saka pa niya naranasan ang lahat ng ito. Noong dito pa sila nakatira ay Greenhills at Makati lang ang iniikutan niya. At dahil bata pa nga siya noon, limitado ang mga lugar na pinagdadalhan sa kanya ng mga magulang.

        Ngayon, sa kabila ng ilang nakapanlulumong katotohanang kanyang nakita, lalong napamahal sa kanya ang sariling bayan. Dito pala niya matatagpuan ang isang bagay na hinahanap-hanap niya sa Estados Unidos – ang pakiramdam na siya ay tunay na kaisa at bahagi ng lipunan.

        Pero may isang bagay na hindi niya natagpuan. Akala kasi niya, sa trip na ito ay may makikilala na siyang lalaking makakapagpatibok sa kanyang puso. Kahit man lang sana para sa isang maikling summer romance.

        Sa pagdadalaga kasi ni Hiyas sa Estados Unidos, wala pa siyang naging boyfriend. Wala pa siyang nakilalang lalaki na talagang gustung-gusto niya.

        Oo nga’t nagkaroon na siya ng crush – pero hanggang doon lang. Kapag nakikilala na niya nang mas mabuti ang mga ito ay napapatunayan niya palagi na hindi naman niya gustong maging boyfriend ang sinuman sa kanyang mga crush.

        Naisip tuloy niya na baka ang hinahanap pa rin niya ay Pilipino.

        May mga kaibigan din naman siyang Pilipino sa States. Pero Amerikanung-amerikano na rin ang mga ito. Tulad na lang ng mga kasama niya ngayon sa grupo. Parang wala nang bago.

        Nagbabakasakali siyang sa Maynila makatagpo ng lalaking  kanyang magugustuhan. Iyong Pilipinong laking-Pilipinas. Baka iyon ang kanyang hinahanap.

        Bakasakaling magka-boyfriend na rin siya. Lalo pa’t wala ang kanyang mga bantay.

        Pero nabigo si Hiyas. Kahi marami siyang nakilalang mga lalaki sa trip, at marami rin sa mga ito ang nagpakita ng interes sa kanya, wala pa rin siyang natipuhan.

        Marami naman sa kanila ang mga guwapo. Mababait. Masasayang kasama. Matatalinong kausap. Pero hindi pa rin naging sapat iyon para maakit siya nang husto.

        Iba kasi ang pamantayan ni Hiyas sa sarili para siya magka-boyfriend. Palibahasa’y ipinagbabawal pa ito sa kanya ng mga magulang, kailangang talagang in-love na in love siya sa lalaki para niya magawang suwayin ang pagbabawal na iyon.

        Sa isang banda ay pabor sa kanya na hindi pa niya nadarama ang pangangailangang suwayin ang kanyang Mommy at Daddy. Kahit paano’y nakakatakot din naman para sa kanya ang gawin ang bagay na hindi niya nakasanayang gawin sa kanyang paglaki.

        Sa kabilang banda’y inip na inip siyang makaranas ng kung paano ang ma-in love at magka-boyfriend. Ayon sa kanyang mga nababasa at naririnig sa mga kaibigan, wala nang mas sasarap pa sa karanasang iyon.

        Ang nakakainis lang, matatapos yata ang dalawang buwan niyang tour nang walang nangyayaring ganoon kay Hiyas.

        Hindi niya akalaing magbabago ang lahat sa unang pagkikita nila ni GM.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento