Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Sabado, Abril 1, 2023

Abakada ng Pag-ibig: HIYAS Chapter 5

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 5

PABORITO ni Hiyas ang magsuot ng puti. Lalo kasing pinatitingkad ng kulay na iyon ang kayumanggi niyang kutis – bagay na ipinagmamalaki niya lalo na sa States.

        Ang isinuot niya para sa lakad nila ni GM ay puting bestida na estilong baby doll. Sleeveless ito at may scoop neckline na pinaliligiran ng puting cotton eyelet lace. Ganoon ding lace ang nakapalamuti sa ilalim ng dibdib. Mula roon ay sumusunod na ang tabas nito sa hubog ng kanyang katawan hanggang sa laylayang umaabot lamang sa kalagitnaan ng kanyang mga hita.

        Puti rin ang kanyang platform slides at shoulder bag na sinliit ng kanyang wallet.

        Simple’t maliliit na silver hoops ang kanyang hikaw. Wala na siyang iba pang alahas liban sa relong ladies’ Swatch Irony.

        Ang pabango niya ay ang preskung-preskong Banana Republic W.

        Katulad ng dati ay nakalugay ang kanyang mahaba at alun-along buhok. Wala siyang make-up.

        Nagniningning ang kanyang mga mata sa antisipasyon. Mamula-mula ang kanyang mga pisngi’t mga labi.

        At kitang-kita sa ngiti ni Hiyas ang kanyang kasiyahan nang salubungin si GM sa lobby ng hostel.

 

HUMUGOT ng napakalalim na buntonghininga ang binata.

        Ito na yata ang pinakamahirap na pagsubok na pinagdaanan niya. At ewan kung makakapasa ba siya. Ngayon pa lang ay gusto na niyang pagtapatan ng pag-ibig ang napakagandang diyosang kanyang kaharap. Gusto na niyang lumuhod sa harap nito, kunin ang mga kamay nito para hagkan bago ito hatakin, yakapin at siilin ng halik.

        Larawan ng kainosentehan si Hiyas. Pero bakit sa kabila niyon, ang tingin niya sa suot nito ay kamisong pantulog?

        Kung ngayong nasa kalagitnaan sila ng maingay na lobby ng UP hostel ay ganito na ang nadarama niya, paano pa kaya kapag nagkasarilinan sila sa isang romantic dinner?

        Biglang nagpasya si GM. Hindi niya dapat dalhin si Hiyas sa espesyal na pribadong restawran sa Antipolo kung saan sana nila masosolo ang rooftop garden sa gabing ito.

        Kung bakit naman kasi natukso siya na ireserba ang lugar na iyon. At kung bakit nagpadala pa siya sa bugso ng damdaming ipagpasikat sa dalaga ang kanyang antique top-down sports car na pulang-pula.

        Act your age, George, saway ng binata sa sarili.

        Pero hindi pa rin niya nagawang pigilin ang sarili na ngumiti nang maliwanag kay Hiyas.

        At hindi niya naawat ang mga salitang kusang binigkas ng kanyang mga labi.

        “You look beautiful!”

 

“THANK you,” namumula ang mga pisnging sagot ni Hiyas. “You look gorgeous, too.”

        Natawa si GM.

        “Tena na nga,” sabi nito.

        “Wow!” sambit ng dalaga nang makita ang kotseng dala ng ka-date. “Ngayon lang ako makakasakay sa ganito. Sa mga car posters ko lang ito nakikita, a.”

        “Hindi ko rin ito madalas gamitin,” amin ni GM. “I just couldn’t resist using it tonight. Para kasing bagay na bagay sa iyo. Young and carefree.”

        “Oh?” sagot ni Hiyas. “Ako naman, ang tingin ko sa kotseng ito’y mas tugma sa personality mo – a sophisticated man of the world.”

        Pagsakay nila, nagtanong pa muna ang binata.

        “Would you prefer the top up like this or down? Baka kasi magulo ng hangin ang buhok mo. Baka rin ayaw mong makalanghap ng polluted air.”

        “Puwede ba?” natatawang sagot ni Hiyas. “Ngayon nga lang ako makakasakay sa sports car na topdown, e. Lubusin na natin ang experience. Hindi naman naka-hairspray ang buhok ko. At sanay na ako sa smog ng Chicago para manibago sa pollution dito.  I-topdown mo na, please!”

        “As you wish,” pagbibigay ni GM.

        Maikli lang naman ang ibiniyahe nila dahil nagpasya ang binata na sa Katips sila maghahapunan – isang popular na kainan sa Katipunan Avenue patungong Libis.

        Matao ang lugar na iyon. Laging puno ng mga estudyante at young professionals. Kaya nga iyon ang pinagbalingan ni GM.

        Pero kahit sa maikling biyahe pa lamang na iyon ay kapwa na sila nag-enjoy.

        Tawa kasi nang tawa si Hiyas.

        “Ang sarap pala ng feeling ng nakasakay sa ganitong kotse,” sabi niya habang nasa daan sila. “Para akong character sa pelikula. At saka pinagtitinginan tayo, o. Akala siguro nila kung sino tayong mga celebrity.”

        “O baka sinasabi nilang para tayong mga sira ulo,” natatawa ring sagot ni GM. “Alam mo naman dito – mas class ang tingin sa sasakyang heavily-tinted ang mga bintana at may pagkalamig-lamig na aircon. Tayo naman, sadyang nagpapaka-expose sa mausok na kapaligiran.”

        “Basta ba nag-e-enjoy tayo, e,” pagkikibit-balikat ng dalaga.

        Masaya naman talaga siya. Kung tutuusin, kahit pa siguro anong klase ng sasakyan ang dala ni GM, o kahit pa nag-jeep lang sila, hindi mababawasan ni katiting ang kanyang kasiyahan. Mismong ang binata kasi ang nakapagpapaligaya sa kanya sa mga sandaling iyon.

        “Nice place,” sabi niya pagpasok nila sa Katips.

        Simple lang ang lugar pero masaya dahil sa dami ng tao.

        “Laging buhay na buhay ang lugar na ito,” sagot ni GM. “Puntahan ito ng mga estudyante at graduates ng UP, Ateneo, at Miriam College. Pati na rin mga residents ng mga nakapaligid na subdivisions. Masarap din kasi ang pagkain.”

        “Parang masarap ngang lahat ang nasa menu,” sabi ni Hiyas nang pumipili na sila ng oorderin. “Pero naiintriga ako rito sa pasta with taba ng talangka sauce. Susubukan ko ito.”

        “Pag nagustuhan mo, pababaunan kita ng maraming lata ng taba ng talangka pag-uwi mo sa Chicaco,” pangako ni GM. “Masarap din iyang isama sa omelette o gawing topping sa mainit na kanin.”

        “Parang marunong kang magluto,” pagtataka ni Hiyas.

        “Konti lang,” sagot ng binata. “At saka mga inimbento ko lang na mga recipes. Napagkakatuwaan kong gawin sa bahay kung weekends na wala akong lakad.”

        “Ay, ganyan din ako,” tango ni Hiyas. “Diyan nga naiinis sa akin si Mommy, e. Pag iyong traditional dishes – Pinoy man o continental – napapalpak ko. Pinag-eeksperimentuhan ko kasi. Lagi akong may dinadagdag, binabawas o talagang binabago. Mas type ko talaga ‘yung mga personalized na recipes.”

        “Mas masarap kasing kainin kapag sarili mong concoction, hindi ba?” sabi ni GM. “Tugmang-tugma sa sarili mong panlasa.”

        “At lahat ng mga paborito mong ingredients, naisasama mo pa,” dugtong ni Hiyas.

        “Exactly,” sang-ayon ni GM.

        Tawanan sila.

        Pagkatapos, napansin nila ang waiter na kanina pa naghihintay ng kanilang order.

        “Ay, umorder na tayo,” sabi ni Hiyas.

 

KAYRAMI nilang napag-usapan. Hindi akalain ni GM na magkakatugma nang ganoon ang kanilang mga personalidad.

        Buong akala niya’y kakailanganin niyang makibagay kay Hiyas dahil sa laki ng agwat ng kanilang edad. Inihanda na niya ang kanyang sarili na “magpaka-bagets.” Na awatin ang sarili sa masyadong pagpapakaseryoso o pagpapalalim ng usapan.

        Pero hindi pala niya kailangang gawin ang alin man doon. Oo nga’t mas madalas silang nagkakabiruan at nagkakatawanan ni Hiyas sa mga simple’t mabababaw lang na mga usapin. Pero maging sa mga usaping iyon ay tunay siyang nasisiyahan. Gumagaan ang loob niya. Nawawalan siya ng mga inhibisyon.

        Sa kabilang banda, napupunta rin naman ang kanilang pag-uusap sa mga seryosong bagay. Sa pagpupundar niya ng kanyang kompanya at sa mga pangarap niya para sa Millennium Advertising. Nagulat siya sa kung paanong sinasang-ayunan ni Hiyas ang lahat ng kanyang mga ideya. Kung paano itong nae-excite sa kanyang mga plano.

        Seryoso rin ang pagkukuwento ni Hiyas tungkol sa naging mga karanasan nito sa pagdadalaga sa Amerika. Kung paanong may hinahanap ito roon na dito lang natagpuan sa muling pagbabalikbayan.

        “Alam mo, naiinggit ako sa iyo,” sabi pa ng dalaga. “At least, nasa edad ka na noong magpunta sa States ang pamilya mo. Napanindigan mo ang pasya mong mag-stay rito. At napatunayan mong tama ang ginawa mong desisyon. Ako, wala akong choice, e.”

        “Gusto mo ba talagang dumito na lang?” tanong ni GM.

        “Sana,” sagot ni Hiyas. “Nabigyan mo nga ako ng ideya diyan sa pagkukuwento mo tungkol sa iyong advertising agency. Dati ko na kasing hilig ang creative arts – pagsusulat, photography, designing. Baka nga iyan na ang pasukan kong field sa college. At dito ko gustong magtrabaho. Mas maraming challenges dito na angkop sa aking mga sariling ideya.”

        “Then, go for it,” udyok ni GM. “Siguro naman, kapag naka-graduate ka na sa college, nasa edad ka na rin para makapagdesisyon kung saan mo gustong magtrabaho. Papayagan ka na nina Tito Lando at Tita Puri by that time.”

        “Will you hire me?” nakangiting tanong ni Hiyas.

        “Aba, siyempre naman,” sagot ni GM. “At hindi lang dahil sa relasyon ng mga pamilya natin, ha? I’m actually really impressed with you. I’m sure, marami kang maibubugang creative ideas sa advertising field.”

        “Thanks for the vote of confidence,” sabi ng dalaga. “Lalo akong nai-inspire.”

        Habang lumalalim ang gabi, lalo ring tumitindi ang kagustuhan ni GM na ituloy ang naunsiyaming balak na dalhin si Hiyas sa napakagandang pook sa Antipolo.

        Kailangang maipakita niya sa dalaga ang makapigil-hiningang tanawin mula sa pribadong roof garden na iyon. Kailangang magkaroon siya ng alaala na magkasama sila sa espesyal na lugar na iyon.

        “Excuse me for a moment, please,” sabi niya nang hindi na mapigil ang sarili.

        “Sure,” sagot ng dalaga.

        Tumuloy si GM sa men’s room at doon ginamit ang kanyang cellphone. Tinawagan niya ang nireserbang pribadong restawran.

        “Of course, I’ll pay for the whole dinner kahit hindi na-avail,” paliwanag niya. “Pero darating kami for coffee and dessert.”

        Mayamaya lang ay pabalik na siya sa mesa. Patungo roon ay sinenyasan na niya ang waiter para sa kanilang bill.

        “We’re leaving?” tanong ni Hiyas.

        “May pupuntahan pa tayo,” maliksing sagot niya. “I’m sure you’ll like it even more.”

        “May surprise ka pa palang nakahanda, ha?” sabi ni Hiyas nang nasa kotse na uli sila.

        “Bear with me,” sagot ni GM. “You won’t be sorry. Wala ka namang curfew sa hostel, ano?”

        “Thank God, wala,” tumatawang sagot ng dalaga.

        Tinalunton nila ang patungong Antipolo. Dahil alas-nuwebe’y medya na ng gabi, wala nang traffic. Hindi na rin mausok ang daan.

        “Uy,” talagang nasulit ko ang pagsakay sa topdown mo, a,” tuwa-tuwang sabi ni Hiyas habang inililipad ng hangin ang mahaba nitong buhok.

        “Ngayon ko lang din na-enjoy nang husto ang kotseng ito,” sagot ni GM. “Iyong ibang babae kasi, ayaw na ayaw na naka-topdown ito. Hindi rin naman masaya kung mag-isa lang ako.”

        “Siguro, panay sophisticates naman kasi ang mga babaing nakakasama mo,” sabi ni Hiyas.

        “You’re a refreshing change,” sagot ng binata.

        Nilabian siya ng kasama.

        “Pabling ka, ano?” parang pang-aakusa nito. “Kaya siguro hindi ka pa nag-aasawa. Ang dami-dami mo sigurong girlfriends.”

        “Hindi, ha?” maagap na sagot ni GM. “At huwag na huwag mong sasabihin iyan sa Mommy ko. Naku, panay na nga ang pangungulit niyon sa akin na mag-asawa na para magkaapo na raw sila. Paano naman ako mag-aasawa samantalang wala naman akong girlfriend?”

        “Paano, panay ka-affair lang siguro ang meron ka,” nakalabi pa ring sumbat ni Hiyas.

        “Hindi rin,” tanggi ni GM.

        “Maniwala ako sa iyo,” sagot ng dalaga.

        Natatawang nailing na lang ang binata.

        “O, heto na tayo,” sabi niya dahil papasok na sila sa bakuran ng Starlight Cafe.

        “Ano ito, bahay mo?” tanong ni Hiyas.

        Hindi nga naman kasi mukhang restawran ang lugar. Mukha talaga itong pribadong bahay at bakuran na may napakagandang halamanan.

        “Hindi,” iling ni GM. “Iyong malaking bahay na iyon sa likod, doon nakatira ang may-ari nito. Pero itong bahay na ito sa harap, isang private restaurant. Pribado dahil hindi naman ito nag-a-advertise. Nakikilala lang by word of mouth. Kaya rin pili ang clientele nito.”

        “Naku, ha,” sabi ni Hiyas. “Exclusive pala ito.”

        “Parang ganoon na nga,” tango ni GM.  “At saka by reservation lang ang tanggap nila dito. Puwedeng malakihang parties, puwede ring pandalawahan lang.”

        “Ibig mong sabihin, solo natin iyang restaurant ngayong gabi?” namimilog ang mga matang sabi ni Hiyas.

        “Hindi iyan,” sagot ng binata. “Ang ipinareserba ko ay iyong pinakamaganda at pinaka-espesyal na bahagi ng lugar na ito. Ang roof garden. It’s a sight to behold.”

        “Talaga?” sabi ni Hiyas. “Pero tapos na tayong mag-dinner, a.”

        “Dito naman tayo magkakape at dessert,” sagot ni GM. “Under the stars and overlooking the rest of the city.”

        “Ay, exciting,” sabi ng dalaga. “Tayo na. Gusto ko nang makita.”

        Sinalubong sila ng dalawang unipormadong waiters sa pinto ng restaurant. Nakita nilang may ilang mesang okupado sa loob.

        “I’m George Milan,” pagpapakilala ng binata sa sarili. “We reserved the roof garden.”

        “This way, please,” sabi ng isa sa mga waiter.

        Isang winding staircase ang inakyat nina Hiyas at GM.

        Pagdating sa itaas, biglang tumigil ang dalaga. Inikot nito ng tingin ang paligid.

        Walang bubong ang roof garden. Langit na maliwanag sa nagkikislapang mga bituin ang tangi nilang bubong.

        Wala ring ilaw ang roof garden liban sa ilang mga sulo na nasa paligid. Pero sapat na ang sinag ng buwan at mga bituin para mabigyan ng romantikong liwanag ang kapaligiran.

        Punung-puno ng mga namumulaklak na halaman ang paligid. May sari-saring klase ng orchids. May naglalakihang birds of paradise. May iba’t ibang kulay ang anthurium, calla lily, chrysanthemum at carnation.

        Sa pagitan ng mga halaman, may nagkalat na mga mesang pandalawahan at pang-apatan.

        Mula sa kahit na aling mesa ay kitang-kita pa rin ang view ng malayong lunsod – nagkikislapang mga ilaw na waring nakikipagkumpitensiya sa mga bituin.

        “It’s like paradise,” sambit ni Hiyas.

        “Coffee and dessert are in the gazebo, sir,” baling ng waiter kay GM. “Please call us through the intercom if there’s anything you need.”

        “Thank you,” tango ni GM.

        At iniwan na sila ng waiter.

        Napataas ang kilay ni Hiyas.

        “See that gazebo?” paliwanag ni GM na itinuturo ang isang maliit na kiosk sa isang gilid ng roof garden. “Nakahain na roon ang dessert buffet. Nakahanda na rin ang coffee percolator with one of the best brews in town. We can serve ourselves. Kung may kailangan naman tayo, may intercom doon na diretso sa head waiter. That way, we can have our privacy and still avail of their services at any time.”

        “How convenient,” sabi ni Hiyas na parang biglang tinabangan sa sitwasyon. “Siguro, dito mo dinadala ang iyong women, ano?”

        “Pangalawang punta ko pa lang dito,” paliwanag niya. “Iyong una, noong makumbida ako sa isang panggabing kasalan. Dito mismo ginawa ang ceremony at pati na rin ang reception. But that was almost a year ago. Hindi na ako nakabalik although hindi na rin naalis sa isip ko ang kagandahan ng lugar. Kaya nga hindi ko natiis na hindi ipakita sa iyo.”

        Tinitigan siya ni Hiyas nang saglit. Para bang inaarok ang katotohanan sa kanyang mga salita.

        Pagkatapos ay ngumiti ito. Pagkaliwa-liwanag at pagkatamis-tamis na ngiti.

        “Thank you,” simpleng sabi nito. “Thank you for taking me here.”

        At sulit na ang lahat kay GM, makita lang ang kasiyahang nagniningning sa mukha ng dalaga.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento