Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Sabado, Abril 1, 2023

Abakada ng Pag-ibig: HIYAS Chapter 6

 FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 6 

ALA-UNA na ng madaling-araw nang maihatid ni GM si Hiyas sa hostel.

        “Hindi ka kaya mahirapang gumising para sa schedule mo bukas?” pag-aalala ng binata.

        “Sus, hindi naman,” sagot niya. “Baka ikaw nga riyan ang mahirapan sa pagpasok sa office.”

        “A, nakakalimutan mong sarili kong opisina iyon. I can come in late if I want to,” pangangatwiran ni GM.

        “Pero akala ko ba, madalas na ikaw pa ang nauunang dumating sa office,” paalala naman ni Hiyas.

        “Not if I have somewhere else to go,” sagot ni GM. “Gaya na lang bukas. Balak kong hatdan ka ng fruits for breakfast. Kailangan mo ‘yon. At sabi mo nga, hindi ka pa nakakatikim ng mangosteen at rambutan magmula noong dumating ka.”

        “Alas-sais ng umaga ang breakfast sa hostel,” sabi ni Hiyas. “Saan ka makakabili ng mangosteen at rambutan sa ganoong oras?”

        “May madadaanan akong 24-hour fruit stand kahit ngayong pag-uwi ko,” paliwanag ng binata. “Ibibili na kita.”

        “Di ilang oras na lang ang tulog mo niyan,” sabi ni Hiyas. “Nakakahiya naman sa iyo.”

        “Ako na’ng bahala roon,” sagot ni GM. “Bakit, ano’ng palagay mo sa akin? Matanda? Aba, kaya pa rin kitang sabayan sa energy level, baka akala mo.

        Natawa si Hiyas.

        “Okay, okay,” sagot niya. “Huwag kang pikon. Wala naman akong sinasabing matanda ka na a. Hindi ko naman ipinagdidiinang eleven years ang tanda mo sa akin.”

        At lalo siyang napabungisngis.

        “Aba, hinahamon mo na ako niyan, a,” kunwa’y napipikon namang sabi ni GM.”

        “Hindi, hindi,” natatawa pa ring agap ng dalaga na nakataas ang dalawang palad.

        Pagkatapos, itinuloy niya sa mas seryosong tinig.

        “Actually, ang akala ko noon, ultra-conservative ka, corny at killjoy – just because you’re thirty. I never thought you’d be such fun to be with.”

        “Ang akala ko naman, isa kang mababaw at maarteng spoiled brat – just because you’re nineteen,” sagot ni GM. “I never thought we’d have so much in common and that I’d enjoy myself thoroughly being with you.”

        Saglit silang nagkatitigan lang.

        Sa mga sandaling iyon, nasiguro ni Hiyas sa kanyang sarili na si GM na nga ang lalaking pinakahihintay niya sa buhay.

        At may namumuo na ring hinala sa kanyang dibdib na magkatugma ang kanilang nadarama.

        Pero unang nagbawi ng tingin ang binata.

        “O, sige, matulog ka na,” sabi nito. “I’ll see you at breakfast.”

        “Sige,” nakangiting sagot niya. “Drive safely.”

 

MAHIGIT isang linggo na lang.

        Parang litanyang nagpapabalik-balik sa isip ni GM ang mga salitang iyon habang nagmamaneho siya pauwi. Habang bumibili siya ng prutas. Habang nakahiga na siya sa sariling kama.

        Mahigit isang linggo na lang at uuwi na si Hiyas sa Chicago. Mahigit isang linggo na lang at magkakahiwalay na silang muli.

        Kung noon ay naging konsolasyon niya ang katotohanang iyon, ngayo’y para iyong napakalaking banta sa kanyang kaligayahan. Sa kanyang katinuan.

        Sino ba ang mag-aakalang mababaliw siya nang ganito sa isang disinuwebe anyos na dalaga. Na sa loob lang ng ilang oras nilang pagsasama ay mahuhulog nang ganap ang kanyang loob kay Hiyas?

        Hindi lang pala kasi ang pisikal nitong kagandahan ang kaakit-akit. Maging ang kabuuang personalidad at pag-uugali ng dalaga ay kahanga-hanga.

        Nababalanse sa pagkatao ni Hiyas ang kapreskuhan at kainosentehan ng kabataan at ang natural na sensuwalidad at lawak at lalim ng pag-iisip at pandama ng isang mature woman.

        Pero may mga nakilala na rin naman siyang magagandang babae na kahit sa murang edad ay matalino at malalim ang pag-iisip. Isa na roon ang modelo ng Millennium Advertising na si Alexandra. Bakit hindi naman siya naakit dito na tulad ng nadarama niya ngayon kay Hiyas?

        Walang mahagilap na kasagutan si GM.

        Siguro totoo ang kasabihan na ang bawat tao ay may nakatakdang katapat. Isang nilalang na natatangi dahil sa hindi maipaliwanag na dahilan ay sadyang pinipili ng puso.

        Wala pa siyang nakikilalang babae na nakapagpatibok sa kanyang puso nang tulad ni Hiyas. At alam niyang wala na siyang matatagpuan pang katulad nito.

        Pero mahigit isang linggo lang pala niya itong makakasama.

        At limitadung-limitado pa ang maaari niyang maipakita rito sa tunay niyang nadarama.

        Sa laki ng agwat ng mga edad nila, mahirap na magsimula ng anumang seryosong relasyon sa pagitan nila. Kahit pa nga nararamdaman niyang nahuhulog na rin ang loob ni Hiyas sa kanya.

        Oo nga’t maaaring nakasisiguro na siya sa sarili niyang damdamin. Pero iyon ay dahil napakarami na niyang karanasang mapagbabatayan. Maihahambing na niya si Hiyas sa lahat ng mga babaing nakilala niya sa buong buhay niya. At ito lang talaga ang naiiba.

        Pero paano naman sa panig ng dalaga? Limitado pa ang mga naging karanasan nito. Iilan pa lang ba ang nakilala nitong lalaki? Paano silang makasisiguro na anumang madama nito sa kanya sa kasalukuyan ay panghabampanahon na nga? Paano kung bukas-makalawa ay may matagpuan si Hiyas na lalaki na mas makakatugma nito sa lahat ng bagay? Lalo pa kung ang makilala nito’y kaedad lang nito.

        Hindi naman sa nai-insecure si GM. Mas nagmamalasakit siya sa kapakanan ni Hiyas. Ayaw niyang itali ito sa isang seryosong relasyon nang ganito kaaga.

        Sayang. Kung naging magkaedad lang sana sila.

        Kunsabagay, maaari naman siyang maghintay. Magbakasakali na sa pagdaan ng mga taon at mga karanasan ay siya pa rin ang manatili sa puso ng dalaga.

        Isang hibang na pag-asam ng isang nababaliw na yata sa pag-ibig.

        Kahit na. Hindi naman masamang umasa.

        Samantala, sa kasalukuyan, pagkakasyahin na lamang niya ang mahigit isang linggo para makapag-ipon ng mga alaala ng mga sandaling magkasama sila ni Hiyas. Sisimutin niya ang bawat pagkakataon na maaari niya itong makapiling.

        Nag-inat si GM sa pagkakahiga. Kailangan na niyang matulog. Kailangan niyang mag-ipon ng lakas para maging preskung-presko siya sa paggising niya mamaya.

        Muli niyang sinulyapan ang kanyang alarm clock. Sinigurong naka-set iyon sa tamang oras.

        At nangingiting pumikit na ang binata.

 

PAKANTA-KANTA pa si Hiyas habang nagbibihis. Magaang na magaan ang kanyang pakiramdam pagpanaog niya sa cafeteria.

        Alam niyang anumang sandali ay darating na si GM.

        Ang binata ang huling laman ng kanyang isip bago siya nakatulog kagabi. Ito rin ang kanyang napanaginipan sa magdamag. At siyempre pa, ito ang una niyang naisip paggising niya kanina.

        Paano namang hindi? Napakaganda ng naganap sa date nila kagabi. Hind niya akalaing ganoon pala karomantiko si GM.

        Iyon na lang pagpili nito ng kotseng gagamitin nila sadya pang iniayon sa kanya. At talaga namang kakaibang karanasan ang sumakay sa antigong topdown sports car.

        Lalo naman iyong roof garden na pinagdalhan sa kanya ng binata pagkatapos nilang maghapunan. Inireserba pa pala iyon para lang sa kanilang dalawa. Talagang pinaghandaan.

        At ano ‘yung sinabi ni GM? Siya pa lang daw ang naisasama nito sa lugar na iyon.

        Hindi na siguro kalabisang isipin niyang may espesyal na pagtingin sa kanya ang binata. Hindi na masasabing pag-iilusyon niya lang.

        Kagabi ngang nakasandal sila nang paharap sa isang gilid ng roof garden at nakatunghay sa mga ilaw ng lunsod, naramdaman niyang nakatitig sa kanya ang katabi. Nang lingunin naman niya ito ay mabilis na nagbawi ng tingin.

        Medyo bumigay si GM noong bago ito nagpaalam sa bungad ng hostel kagabi. Saglit na lumaban ng pakikipagtitigan sa kanya. Pero una ring sumuko.

        Nakakakilig iyon para kay Hiyas.

        Nakakatunaw ng puso iyong pakiramdam na natotorpe yata sa kanya ang isang tatlumpung taong gulang na top executive. Isang man of the world.

        Lalo lang tuloy itong napapamahal sa kanya.

        Ang sweet pa man din ni GM. Biruin mong madaling araw na sila naghiwalay ay pupuntahan na agad siya ngayong umaga?

        Nagulat si Hiyas pagpasok niya sa cafeteria ng hostel.

        Naroon na si GM. Nakaupo. Nakatutok ang mga mata sa pintong papasukan niya. Nakangiti.

        Nakapatong sa mesa ang isang basket ng mga prutas na ipinangako nito.

        “Ang aga mo,” sabi ni Hiyas paglapit sa binata. “Naunahan mo pa ako.”

        “Mahirap nang makantiyawan mo na mabagal nang kumilos ang matanda, e,” biro ni GM.

        “Sus, aminado na naman ako na mas fit ka pa nga kaysa sa ‘kin,” sagot niya. “Ang sabi mo nga, araw-araw kang nagwo-work-out. May treadmill na, may weights pa. Ako nga, walang regular exercise routine. Naaalala ko lang na mag-abdominal crunches kapag talagang naninikip na ang pants ko. Matakaw pa naman ako.”

        “Kung gusto mo, at kung kaya mong gumising nang alas-singko ng umaga, sabay tayong mag-jogging dito sa campus,” anyaya ni GM. “At least, kapag nakapag-start-up ka nang ganoon dito, mas madali mo nang maitutuloy ang routine pagbalik mo sa Chicago. Safe naman yata na mag-jog sa paligid n’yo doon sa umaga, hindi ba?”

        “Sige,” tango agad ni Hiyas. “Actually, marami ngang regular joggers doon sa umaga, e. Bakasakaling maituluy-tuloy ko na. Kaya lang, pagtiyaan mo ang pace ko.”

        “Okey lang ‘yon,” sabi ni GM. “Basta simulan natin sa kaya mo. Masama naman kung bibiglain mo ang katawan mo. O, paano, shall we start tomorrow?”

        “Game!” sagot ng dalaga.

 

SA loob ng natitirang siyam na araw bago matapos ang tour ni Hiyas, naging magkasama nga sila ni GM sa pag-eehersisyo tuwing umaga. Tuloy na rin iyon sa sabay na pag-aalmusal.

        Lagi pa ring may dalang mga prutas ang binata.

        Sa gabi naman, bago umuwi sa condominium ay dumadaan pa rin uli si GM sa hostel kahit sa mga araw na wala itong klase sa campus. Sabay uli silang naghahapunan, kung hindi sa cafeteria ng hostel ay sa aliman sa mga kainan sa kahabaan ng Katipunan.

        Ang ipinagtataka ni Hiyas ay kung paanong hindi sila nauubusan ng mapag-uusapan. At kung bakit habang napapadalas ang kanilang mga pagkikita ay parang lalo pa nilang ayaw nang maghiwalay.

        Tatlong araw bago matapos ang tour, nagpasya ang dalaga.

        Tinawagan niya si Marina.

        “Tita, magpapatulong sana ako sa inyo,” sabi niya rito.

        “Of course,” sagot agad ng matrona. “Anything, dear.”

        “Gusto ko kasi sanang dito na mag-enroll sa college,” paliwanag niya. “Tutal naman, nandito si GM. Hindi ako mag-iisa. And we’ve been getting along so well. Kaya lang, baka hindi ako payagan nina Mommy.”

        “Hmm, nagpapaabogado ka sa akin?” natatawang sabi ni Marina. “Well, I can’t promise you anything but I’ll certainly try. Kakausapin ko siya. Pero ipaliwanag mo muna sa akin kung bakit diyan mo gustong mag-college samantalang ang iba namang mga estudyante riyan ay nagpapakahirap na makapasok sa American universities.”

        “Compatible din naman ang standards ng magagaling na universities dito sa mga universities diyan, Tita,” sagot ni Hiyas. “Ang maganda pa rito, I feel that I belong. Mas tugma sa pagkatao ko ang buong kapaligiran at pati ang context ng mga natututunan ko. I feel like a whole person. Samantalang diyan, even after all these years, I still feel like an outsider. Pati tuloy iyong mga pinag-aaralan ko sa school, parang malayo sa sarili kong reyalidad.”

        “Kunsabagay, may nababanggit din sa akin si Gina na parang ganyan,” sang-ayon ni Marina. “Lalo pa nga’t mas matanda sila ni Mutya sa iyo noong lumipat dito. Kahit ngayon, sa trabaho niya, naninimbang pa rin siya. Ang sabi nga sa amin, may posibilidad pa rin na gustuhin niyang magbalik-Pilipinas one of these days – kapag siguro talagang hindi na niya ma-take ang kalagayan dito. Kami naman ng tito mo, susunod lang kung saan niya gusto. Siya rin naman noon ang may gustong pumunta rito sa States, e.”

        “Paano, nandiyan si Ate,” sagot ni Hiyas. “Hindi yata tumigil si Ate Mutya ng pangungumbinse kay Ate Gina sa mga sulat na sumunod kayo sa amin diyan. Ang totoo, dahil din iyon sa wala siyang matagpuan diyan na best friend na tulad ni Ate Gina. Sina Mommy at Daddy naman, siyempre, masayang-masaya rin na sumunod kayo ni Tito Gerry diyan sa Chicago.”

        “Nagkahatakan,” sabi ni Marina. “Ngayon naman, baka kapag nasimulan mo ay magkahatakan na rin sa pag-uwi riyan. Well, I don’t see anything wrong with that. Basta kami, masaya kung saan kayo masaya.”

        “Payagan kaya ako, Tita?” tanong ni Hiyas. “Ano sa palagay ninyo ang chances ko?”

        “Ipapaliwanag ko kina Puri ang damdamin mo, iha,” sagot ni Marina. “I’m sure they’ll understand. Ang kuwestiyon na lang ay iyong malalayo ka sa kanila. Hindi naman sila makakauwi riyan nang ora-orada dahil sa business na nai-set-up ninyo rito. Hindi maiiwan ng Mommy mo ang catering niya lalo pa’t one year in advance na ang mga naka-book niyang okasyon.”

        “Nandito naman si GM, Tita,” paalala uli ni Hiyas. “He’s taking very good care of me.”

        “Iyan nga ang sasabihin ko kina Puri at Lando,” sagot ni Marina. “Let’s hope we can convince them.”

“MAY sorpresa ako sa iyo,” bungad ni Hiyas kay GM kinabukasan ng umaga.

        “Talaga?” nakangiting sagot ng binata. “Ano naman kaya iyon?”

        “Hindi na ako aalis,” excited na bulalas ni Hiyas. “Hindi na ako babalik sa Chicago. Pinayagan ako nina Mommy na dito sa Manila mag-college. Kukuha na ako ng entrance exam dito sa university.”

        Namilog ang mga mata ni GM.

        “Really?” sambit nito. “Wow! Napakagandang sorpresa naman niyan. Kailan pa nangyari iyan?”

        “Kagabi lang kami nag-usap nina Mommy at Daddy,” pagkukuwento ng dalaga. “Pero before that, tinawagan ko muna si Tita Marina para maging advance party ko. Siya ang unang  kumausap kina Mommy. Ni-relay niya sa kanila ang lahat ng mga feelings ko tungkol sa States at tungkol dito sa Pilipinas. Ang husay ngang mag-abogada ng Mama mo. Napapayag niya sina Mommy at Daddy.”

        “Kita mo na, maiintindihan ka naman kung naipapaliwanag lang nang mabuti ang side mo,” sabi ni GM.

        Nangiti si Hiyas.

        “At dahil nandito ka,” dagdag niya.

        “Ako?” nagtatakang sabi ng binata.

        Tumango siya.

        “Pinayagan nila akong mag-stay dito dahil narito ka,” paliwanag niya. “At dahil nag-offer ang Mama mo na doon ako tumira sa guest room ng condo unit mo.”

        “ANO?” namimilog ang mga matang sambit ni GM.

 

“ANG saya-saya ko nga, e,” tuwang-tuwang pagpapatuloy ni Hiyas. “Imagine, magkakasama tayo. Talagang hulog ka ng langit sa akin. You’re my knight in shining armor.”

        Napalunok si GM.

        Tuwang-tuwa nga siyang hindi na pala aalis ang dalaga. Na mananatili ito sa Maynila sa mahabang panahon – at posibleng permanente na. Hindi na sila magkakalayo.

        Pero iyong magsasama sila sa ilalim ng iisang bubong?

        Biglang parang kaysikip ng kanyang condominium unit kahit pa ipina-extend na niya iyon. Paano niya maiiwasan ang tukso sa loob ng iilang metro kuwadradong espasyo?

        Kung susundin niya ang kanyang konsensiya, alam ni GM na dapat siyang tumanggi.

        Pero paano niyang bibiguin si Hiyas?

        Ang sabi nga nito, nakasalalay ang pagpayag nina Puri at Lando sa pagtira ng dalaga sa kanyang poder. Kung tatanggihan niya ito ay baka bigla na rin lang itong pauwiin sa Chicago. Kawawa naman si Hiyas pag nagkataon.

        At ang totoo’y hindi na rin niya kayang malayo ito sa kanya ngayong nakakita na sila ng pagkakataong magkasama nang mas matagal.

        “Para kang hindi pa rin makapaniwala, a,” pansin ni Hiyas sa kanya. “You look dazed.”

        “A... oo... nakakagulat naman kasi talaga, e,” parang naaalimpungatang sagot niya. “Inihahanda ko na kasi ang sarili ko sa pag-alis mo. May naka-ready na ngang balde na babaunin ko sa airport, e.”

        “Balde?” kunot-noong tanong ni Hiyas.

        “Para sa luha ko,” sagot niya.

        At idinaan niya sa tawa ang kanyang pagkabalisa.

        “Corny mo!” bungisngis ni Hiyas. “Tayo na ngang mag-jogging. Mauubusan na tayo ng oras dito.”

        Nauna na ang dalaga.

        Sumunod si GM. Pero hindi pa man sila nakapagsisimulang tumakbo ay kung bakit pinagpapawisan na siya nang malapot.

 

DATI ay nagtutuloy na si GM sa opisina mula sa UP campus. May banyo at dressing room naman kasi ang kanyang pribadong silid doon. May sapat din siyang mga damit na bihisan at personal na gamit doon.

        Pero nang umagang iyon, nagbalik ang binata sa kanyang condo unit.

        Inabutan na niya roon si Manang Thelma. Naglilinis.

        “O, bumalik ka?” gulat na sabi nito. “May nakalimutan ka ba?”

        “Magkakaroon ho tayo ng bisita rito,” paliwanag niya sa matanda. “Naaalala n’yo pa ba iyong bunso ng mga Deltierro – si Hiyas? Titira ho muna rito sa guest room. Kung puwede sana, pakihanda na lang ninyo ang kuwarto para sa kanya.

        “Si Hiyas?” tuwang-tuwang sambit ng matanda. “Ay, si Cutie Pie. Siyempre naman, hindi ko makakalimutan ang batang iyon. Kailan siya darating?”

        “Narito na ho siya sa Maynila, dalawang buwan na,” sagot ni GM. “May sinalihan lang siyang tour kaya doon muna siya tumigil sa UP campus. Sa makalawa naman siya lilipat dito. Tapos na ho kasi ang tour niya, e.”

        “Magbabakasyon lang ba siya rito?” tanong ni Manang Thelma. “Gaano katagal?”

        “Dito raw ho magkokolehiyo kaya magtatagal,” sabi ng binata.

        “Ay, naku, nakakatuwa naman,” parang natatarantang sambit ng matanda. “Miss ko na rin ang batang iyon, a. Ang ganda-ganda kasi at ang sweet pa.”

        “Kaya nga ho itatanong ko sana sa inyo kung wala kayong ibang kompromiso sa mga araw na off kayo rito. Dahil kung wala, pakikiusapan ko sana kayong mag-Monday to Saturday na rito,” pahayag ni GM.

        “Walang problema kung sa araw lang,” sagot ni Manang Thelma. “Puwede ako mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-tres ng hapon, tulad ng schedule ko ngayon. Hindi nga lang talaga ako puwede sa gabi. Alam mo naman kasi ‘yong alaga kong apo – iyong anak ng panganay kong maagang nabiyudo. Katabi ko iyon sa pagtulog, e. Hindi ko puwedeng iiwan. Iyong tatay niya kasi, security guard na panggabi. Sa araw lang siya puwedeng alagaan.”

        “O-okay lang ho iyon,” napipilitang sabi niya. “At least, kasama namin kayo sa araw.”

        “At bahala na sa gabi,” dagdag niya sa kanyang sarili.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento