FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 7
DALAWANG
malalaking maleta lang ang dala ni Hiyas mula sa Chicago. Nadagdagan lang iyon
ng isang balikbayan box ng mga souvenirs na nakolekta niya sa sinalihang tour.
Kaya naman hindi na nila kailangan pa ng makakatulong sa kanyang paglipat mula
sa UP hostel patungo sa condo unit ni GM. At iyong Toyota Corolla na lamang
nito ang ginamit nila.
“Finally!” pahayag ng dalaga nang
papaalis na ang kotse sa bakuran ng hostel. “Masisimulan ko na rin ang sarili
kong buhay. You’ve set me free, alam mo ba ‘yon?”
Sinulyapan siya ng kasamang nagmamaneho.
“Hindi ba ako dapat kabahan sa sinasabi
mong iyan?” tanong nito. “Remember, ako naman ang malalagot kina Tita Puri at
Tito Lando kapag napahamak ka.”
“Paano naman ako mapapahamak kung nasa
poder mo ako?” tiwalang sagot ni Hiyas.
Pakiramdam kasi niya, anuman ang maganap
sa kanya magmula ngayon ay tama lang. Magkasama na sila ni GM. Iyon lang ang
kailangan niya.
Napabuntonghinga naman si GM.
“Kung
alam mo lang,” gusto na sana nitong sabihin, “ikaw mismo ang nagsubo sa sarili mo sa bingit ng kapahamakan. Isang hakbang
lang at kapwa tayo mahuhulog sa bangin ng tukso.”
Pero hindi pa rin maiwasan ng binata na
mahawa sa kasiyahang ipinamamalas ni Hiyas.
Napakalakas ng positibong enerhiyang
umaapaw mula sa kaibuturan ng kanyang pagkatao. Pakanta-kanta pa siya kasabay
ng tugtog sa radyo. Inspiradung-inspirado.
Nangiti na rin uli si GM.
Maligayang-maligaya rin naman ito sa
kabila ng pagkabahala. Nakakalasing nga kung tutuusin ang sitwasyong
kinapapalooban nila ngayon.
“NAKU,
dalagang-dalaga ka na, Hiyas. At ang ganda-ganda mong lalo ngayon,” gigil na
pahayag ni Manang Thelma matapos ang mahigpit nilang yakapan nang magkita.
“Kayo naman, ni hindi tumanda,” sagot ni
Hiyas. “Pareho pa rin kayo noong huli kong natatandaan.”
“Ay, nawiwili kasi ako sa pag-aalaga ng
apo at sa pag-aasikaso dito kay GM,” sagot ng limampu’t limang taong gulang na
babae.
“Ang ayus-ayos nga ho nitong bahay,”
sabi ni Hiyas habang palinga-linga sa condo unit. “Hindi halata na lalaki ang
nakatira rito.”
“Naku, ganito nga lang ito dahil kay
Manang Thelma,” sagot ni GM. “Itanong mo sa kanya kung gaano ako kakalat, lalo
na kapag may art project ako sa studio. Mabuti nga’t napagtiyagaan niya ako,
e.”
“Sus, ang liit lang naman nitong unit mo
para sinupin ko,” pagwawalang-bahala ng katiwala. “At saka nag-iisa ka lang
naman na inaasikaso ko. Mabuti nga ngayon at narito na itong si Cutie Pie.”
At napahagikhik ito sa paggamit sa
dating taguri sa kinagigiliwang bata.
“Matagal ko nang hindi naririnig na
tinatawag ako ng ganoon, a,” nakangiting sabi ni Hiyas. “Pero huwag ninyo akong
ituturing na bisita dito, ho, Aling Thelma? Hindi lang bakasyon ang pagtira ko
rito. Kaya asahan ninyong matutulungan ko kayo kahit paano. Nasanay na ho ako
sa States na kanya-kanya kami ng mga gawaing-bahay.”
Kumumpas ang kamay ng matanda.
“Huwag mo nang intindihin itong mga
gawaing-bahay,” sagot nito. “Asikasuhin mo na lang ang pag-aaral mo. Dito ka
raw magkokolehiyo sabi nitong Kuya GM mo.”
Tumaas agad ang kilay ni Hiyas.
“Dito nga ho,” sagot niya. “Pero ayoko nga
siyang tawaging Kuya GM. Hindi bagay. Lalong nadidiin ang edad niya.”
At napabungisngis siya.
“E idiniin mo pa ngang lalo, e,” kunwa’y
napipikang sabad ni GM.
Lalong lumakas ang tawa ni Hiyas.
Nakitawa na rin si Manang Thelma.
“Pilya ka pa ring bata ka,” sabi nito.
“Kaya tuloy laging napipikon sa iyo si GM noong araw.”
“Natatandaan ko nga,” sagot ng dalaga.
“Ang sungit-sungit mo noon sa akin, GM. Bakit nga ba?”
“Paano, you were a spoiled brat,” pakli
ng tinanong.
“Ang alam ko lang noon, kahit na ano’ng
gawin ko, nakukyutan ang lahat – liban sa iyo. Kaya kontrabida ang tingin ko sa
iyo noon,” pahayag ni Hiyas.
“Kasi, apple of the eye ka sa inyo at sa
bahay namin,” sagot ni GM. “Kinukunsinti ka ng lahat ng tao, kasama na itong si
Manang Thelma. Ako naman noon, hindi tinatalaban ng mga pa-cute mo. Nanggigigil
ako sa iyo noon – pero sa inis.”
“Hindi
tulad ngayon,” dagdag nito sa sarili.
“Siguro naman, hindi na kayo
magkakapikunan ngayon, ano?” parang pagbabala ni Manang Thelma na kay GM nakatingin.
“Dalaga na itong si Hiyas. Hindi na batang paslit.”
“Alam ko ho,” nangingiting sagot ng
binata. “Obvious na obvious naman, e.”
“Huwag kayong mag-alala, Manang,” sagot
naman ni Hiyas. “Magkasundung-magkasundo na kami ngayon. Kaya nga puwede na kaming
magsama sa bahay, e.”
Biglang napalunok si GM.
“A... ipapasok ko na sa guest room itong
mga gamit mo, ha,” sabi nito sa dalaga.
“Ay, sige, tayo na sa kuwarto,”
entusiyastikong tango naman niya.
“Pasensiya ka na’t hindi kalakihan itong
guest room,” sabi ni GM pagdating nila roon. “Ang ginawa ko kasi, iyong isang
buong unit ang hinati ko para gawing bedroom ko at studio-library. Ito namang
pangalawang unit, dito ko pinagkasya itong guest room at saka living room,
dining room, kitchen at pati na rin laundry room at utility room. Kita mo nga,
naging isang open space na lang tuloy na sama-sama ang living room, dining area
at kitchenette.”
“Tama lang iyon para sa needs mo,”
sang-ayon ni Hiyas. “Patingin nga ng studio-library at kuwarto mo.”
“H-ha?” sagot ni GM.
Pero lumalakad na ang dalaga palabas ng
silid.
“Dito ba?” tanong niyang patungo sa
bahagi ng condominium unit na hindi pa niya napapasok.
Studio-library ang una niyang
napuntahan.
“Nandito ang mga libro ko at iba pang
work materials,” paliwanag ni GM na napilitang bumuntot sa kanya. “Dito rin ako
nagtatrabaho kapag mayroon akong take-home work o kaya may naiisipang personal
art project.”
“Gawa mo ba ang lahat ng ito?” manghang
tanong ng dalaga.
Ang tinutukoy niya ay ang mga painting,
collage, sculpture at litratong naka-display sa iba’t ibang bahagi ng silid.
“Mga hobbies ko lang,” sagot ni GM.
“Hindi naman ako professional artist. Gusto ko lang na ineeksperimentuhan ang
bawat medium para masubukan kung ano kaya ang maibubuga ko sa bawat larangan.
Para rin alam ko ang nararamdaman ng mga estudyante ko kapag lumilikha sila.”
“Ang galing mo sigurong teacher, ano?”
sabi ni Hiyas.
Nailing si GM.
“Maraming mga mas magagaling,” sagot
nito. “Ang maipagmamalaki ko lang ay iyong aking rapport sa aking mga estudyante.
Sinisiguro kong maayos ang relasyon ko sa kanila para nae-enjoy nila ang
pag-aaral. Through the years, mas natuto akong makibagay sa kabataan.”
“Kaya rin mas nagkakasundo na tayo
ngayon,” sabi ng dalaga.
“Siguro nga,” amin ni GM. “Kaedad mo lang
ang mga estudyante ko, e.”
“Pero
bakit hindi naman ako naa-attract sa kanila na tulad ng kung paano ako
naa-attract sa iyo?” tanong nito sa sarili.
Tumuloy si Hiyas sa katabing silid na
nakakonekta sa library sa pamamagitan ng isang sliding door.
“Ito naman ang bedroom mo,”
napakanatural lang na pahayag niya.
Pero kaybilis ng pintig ng kanyang pulso
pagpasok niya sa espesyal na lugar na iyon.
Agad na tumuon ang kanyang mga mata sa
kama. Sa hinihigaan ni GM gabi-gabi.
“Napakasuwerteng higaan,” sabi niya sa
sarili. “Gabi-gabing kaniig ang lalaking mahal ko.”
Hindi pa rin siya makapaniwalang narito
na siya ngayon – para tumira rito sa mismong bahay ni GM. Para matulog sa silid
na kanugnog lang nitong kay GM.
Pero nang maramdaman niyang nasa likuran
na niya ang binata, agad na binalingan ni Hiyas ang mga gamit pang-ehersisyo na
katabi ng kama.
“Kumpleto ka pala sa fitness equipment
dito,” sabi niya. “May treadmill na pang-cardio workout. May free weights din
at bench.”
“Para kahit hindi ako makapunta sa gym,
puwede akong mag-workout dito,” sagot ni GM.
“Puwede rin ba akong makigamit sa mga
ito?” inosenteng tanong ni Hiyas.
“D-dito?” sagot ni GM. “E... s-sure.
Pero kung maganda rin lang ang panahon at nagigising ako nang maaga, mas
masarap pa ring mag-jogging sa labas tulad ng ginagawa natin sa campus. May
jogging path naman sa garden sa ibaba nitong building, e. At wala pang usok
mula sa mga sasakyan kung maagang-maaga pa. Kung gusto mo, sabay pa rin tayong
mag-jogging sa ibaba tuwing umaga.”
“Ay, mas masarap nga iyon,” tango ni
Hiyas.
Para namang nakahinga nang maluwag si
GM.
“Kaya lang, kung maulan, makikigamit pa
rin ako nitong equipment mo, ha?” dagdag ng dalaga. “Puwede pa rin naman tayong
magsabay. Dito ako sa treadmill habang nagbubuhat ka ng weights.”
Nangiti lang si GM.
Hindi lang nito maisagot na, “Baka kapusin
ako ng hininga kung magsasabay tayong dalawa sa pag-eehersisyo dito sa kuwarto
ko.”
NAGING
napakaligaya ng mga sumunod na araw, linggo at buwan para kay Hiyas.
Kunsabagay, mababaw lang naman ang
kaligayahan niya. Iyon mismong kasama niya si GM sa bahay ay sapat na. Iyong
ito ang unang mukhang kanyang nasisilayan paglabas niya ng kuwarto sa umaga at
huling mukhang kanyang nangingitian bago siya pumasok ng kuwarto sa gabi.
Iyong naipagluluto niya ito
paminsan-minsan ng kanyang mga experimental recipes na agahan at hapunan.
Naghahalili lang naman sila. Kung minsan ay si GM naman ang nagluluto ng sarili
nitong mga inimbentong putahe na ipinagpaparangalan sa kanya.
Sa pananghalian ay madalas na wala sila
sa bahay. Sa umaga pa lang, pagkatapos nilang mag-jogging nang sabay sa ibaba
ng condominium, maligo at magbihis (nang hindi na magkasabay – sayang!), ay
inihahatid siya ng binata sa kung saan siya nakatakdang pumunta para sa araw na
iyon.
Sa UP campus lang naman palagi ang lakad
niya, para lakarin ang kanyang pagpasok doon sa susunod na semestre.
Nang makapasa siya sa exam, pinayagan na
rin siyang mag-sit in sa ilang piling klase kahit habang hindi pa siya pormal
na estudyante ng pamantasan. Ituring na lamang daw nila iyon na parang
extension ng kanyang sinalihang exposure program. Umiikot palibhasa sa paksang
Philippine Studies ang kanyang mga klaseng inuupuan.
Sa hapon, sinusundo siya ni GM sa
campus. Ganoon sila, may klase man doon ang binata sa araw na iyon o wala.
“Huwag mo na kasi akong ihatid at
sunduin kung wala kang schedule na klase,” sabi ni Hiyas noong una. “Masyadong
out of the way ang campus samantalang hayan lang ang opisina mo. Masyadong
malaking abala sa iyo. Puwede naman akong mag-commute.”
“Hindi mo ba alam kung gaano kahirap mag-commute
sa mga panahong ito?” sagot ng binata. “Hindi naman katulad sa States ang
public transportation system natin. Dito, makikipag-unahan at kung minsan ay
makikipagbalyahan ka pa sa ibang mga pasahero sa pagsakay tuwing rush hours. At
kung sabay-sabay ang dating ng mga bus sa bus stop, pasahero pa ang naghahabol
sa mga bus sa pagpara nila kahit sa kalagitnaan ng kalye. Isa pa, ang layo ng
lalakarin mo mula rito sa condo hanggang bus stop. Hindi mo alam ang sinasabi
mo.”
“E di magta-taxi ako,” sagot niya.
“Magkano lang naman ‘yon? Kung converted from dollars, mura lang.”
“Delikado,” iling ni GM. “Nag-iisa ka,
batambata at maganda. Halata pang well-off ka. Mahirap na. Maraming krimeng nangyayari
sa paligid. Hindi rin ako mapapakali. Mas panatag pa ang loob ko kung ganito.
Bakit, naiinip ka bang maghintay nang matagal sa campus hanggang sa paglabas ko
ng office? Sabi ko naman sa iyo, tawagan mo lang ako kung ready ka nang umuwi
at susunduin kita kahit na anong oras. Wala naman akong boss na kailangang
pagpaalaman kung lalabas ako ng opisina kahit office hours.”
“Hindi naman ako naiinip doon,” sagot ni
Hiyas. “Enjoy nga akong magbabad sa library, e. Ang dami kong nadidiskubreng
reading materials. Ang iniisip ko lang, paano naman ‘yung trabaho mo? Dati, ang
sabi mo, nakababad ka sa office. Palagi ka pa ngang nag-o-overtime. Paano na
iyong mga projects mo kung nakakaabala ako sa oras mo?”
“Kung talagang hindi ko puwedeng iwan –
gaya siguro kung may kaharap akong kliyente – ipasusundo kita kay Mang
Narcing,” sabi ni GM. “Trusted driver and messenger ko iyon sa opisina. Hayaan
mo, one of these days, isasama ko siya para makilala mo.”
Ganoon nga ang ginawa ng binata. Isinama
si Mang Narcing at ipinakilala sa kanya isang hapong sinusundo siya nito sa
campus. Nakagaanan naman niya agad ng loob ang mahiyaing matanda.
Pero may pasubali pa rin si GM.
“Si Mang Narcing lang naman ang susundo
sa iyo kung talagang hindi ko na maiiwasan,” pahayag nito. “Otherwise, you
can’t get rid of me that easily. Ako ang bodyguard mo, remember?”
Kinilig naman nang husto si Hiyas sa
sinabi ng binata.
Kung Sabado’t Linggo, isinasama siya
nito sa pamamasyal sa kung saan-saan. Nagmistula silang mga bata sa Enchanted Kingdom.
Ganoon din sa Splash Island. Namili ng kabute, gulay at prutas pagkatapos
mag-golf sa Tagaytay. Kapag may magandang pelikulang palabas, nanonood sila ng
sine sa alinman sa tatlong naglalakihang mall sa Ortigas. Kung lumang pelikula
naman ang gusto nilang panoorin, humihiram sila at pinapanood na lamang nila
iyon sa big screen ni GM sa bahay.
Kumportableng-kumportable si Hiyas.
Madalas nga niyang pinapantasya na mag-asawa na sila. Nababagay pala sila
talaga sa isa’t isa. Hindi sila nauubusan ng mapag-uusapan, seryoso man o
kalokohan. Nagkakasundo sila sa mga lugar na gustong puntahan at mga bagay na
gustong gawin. Pati sa pagkain ay magkatulad sila sa panlasa.
Hindi siya nag-aalala kahit hindi pa
nagbabanggit si GM ng anuman tungkol sa pag-ibig. Saloob-loob niya, hirap
marahil itong magsalita ng tungkol sa bagay na iyon. Kaya nga siguro ito umabot
sa ganitong edad na binata pa ay dahil nga hindi sanay manligaw.
Hindi bale. Sapat na sa kanya ang lahat
ng mga ipinakikita ni GM na pag-aasikaso’t pag-aalala sa kanyang kapakanan.
Wala naman itong ibang pinagkakaabalahan sa araw-araw kundi hindi ang kanyang
kasiyahan. Ano pa nga ba ang ibig ipakahulugan niyon?
Siya naman, hindi niya kayang pangunahan
si GM. Kahit nagdalaga siya sa States, hindi pa rin niya natutunan ang maging
agresibo sa lalaki. Gusto pa rin niyang hintaying siya ang pormal na ligawan.
Hindi naman ibig sabihin niyon na hindi
na niya maipapakita’t maipadarama kay GM ang kanyang tunay na damdamin. Sa
bawat sandaling magkasama sila sa araw-araw, lagi niyang inuulan ang binata ng
kanyang pagkalinga sa iba’t ibang paraan – gaya ng pagpansin kapag basa na ito
ng pawis at pagpapaalalang magbihis para hindi ito magkasakit. Mismong ang
bawat ngiti niya’t bawat pagdako ng kanyang mga mata sa kinaroroonan ni GM ay
may hatid na malalim na mensahe ng pag-ibig.
Darating din sila sa puntong hindi na
nila mapipigil ang tahasang pagpapahayag ng kanilang mga damdamin sa isa’t isa
– iyon ang pinananaligan ni Hiyas. Hindi nga lang niya alam kung kailan magaganap ang kapana-panabik na pangyayaring
iyon.
Hindi niya akalaing makikialam pa ang La
NiƱa sa bahaging iyon ng buhay nila.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento