Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Sabado, Abril 1, 2023

Abakada ng Pag-ibig: HIYAS Chapter 8

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 8 

SIGNAL number three sa Metro Manila. Walang klase hanggang kolehiyo. Sinuspinde na rin ni GM pati ang pagbubukas ng opisina ng Millennium Advertising. Alas-singko pa lang ng umaga ay kinontak na niya ang bawat empleyado sa pamamagitan ng beeper na ibinigay ng kumpanya sa bawat isa.

        Hindi na rin dumating si Manang Thelma. Noon pa’y mahigpit nang ipinagbilin dito ng binata na huwag papasok kahit nasa signal number one lang ang bagyo sa Kamaynilaan. Kahit nga walang bagyo, kapag napakalakas ng ulan ay hindi na rin ito pinapapasok ni GM. Kinagagalitan pa ito kapag pilit na dumarating sa condominium.

        Nagising si Hiyas na bumubuhos ang ulan at humuhuni ang malakas na hangin. Nagmamadaling nagsuot lang siya ng makapal na roba bago lumabas ng silid.

        Inabutan niyang nanonood na si GM ng programang “Alas Singko Y Medya” sa TV. Naroon pa rin sina Julius Babao at Tintin Bersola sa kabila ng bagyo.

        Mukhang nakapaligo na si GM. Basa pa ang buhok nito at nakabihis na ng karaniwan nitong pambahay na walking shorts at t-shirts na walang kuwelyo. May hawak na rin itong umuusok pang tasa ng kape.

        “Good morning,” nakangiting pagbati nito sa kanya kahit bahagyang nakataas ang mga kilay.

        Nagtataka marahil ito sa ayos niya. Hindi kasi siya dating lumalabas ng kuwarto sa umaga nang hindi pa man lang nakapaghihilamos o nakapagbibihis.

        “Good ba naman itong umagang ito?” sagot ni Hiyas. “Nakakatakot na itong hangin at ulan, a. Ano na bang nangyayari?”

        Ang nakatulugan kasi niya kagabi ay ang balitang signal number two na ang nakataas sa Metro Manila. Pero hindi pa naman kalakasan ang ulan noon.

        Natawa lang ang binata.

        “Nakalimutan mo na kung paanong bumagyo dito sa Pilipinas, ano?” sagot nito. “Akala ko ba, tinatawag ding Windy City ang Chicago? Hindi ba kayo nakakaranas nang ganito roon?”

        “Hindi naman ganito katindi,” iling niya. “Ito, parang itutumba na ang building, e.”

        “Don’t worry, we’re safe here,” kalmadong sabi ni GM. “Normal pa ito para sa signal number three. There’s nothing to worry about. Nakakaawa nga lang iyong mga kababayan natin na nakatira sa mga lugar na binabaha. Iyon nga ang mino-monitor ko rito sa TV.”

        “May mga lugar na bang binabaha?” tanong niya. “Naaalala ko nga iyan. Iyong mga nakikita ko noon sa TV na hanggang tuhod ang tubig sa mga kalye.”

        “Mas grabe ngayon,” sagot ni GM. “May mga lugar na hanggang bubong na ng bahay ang tubig. Ang hirap nga lang, may mga residente sa mga lugar na iyon na hindi agad nakalikas  noong nagsisimula pa lang na tumaas ang tubig. Kinakailangan sila ngayong i-rescue ng mga sundalo na naka-amphibian vehicles. Baka mayamaya lang, ipapakita uli ang footage ng mga rescue operations.”

        “Ganoon?” kunot-noong sambit ni Hiyas. “Teka, mag-aayos lang ako sandali bago ako makipanood diyan.”

        Dali-dali siyang bumalik sa kuwarto. Nag-hot shower nang mabilis. Nagsepilyo. Nagbihis ng pambahay. Pagkatapos, lumabas siya agad sa salas. Parang ninenerbiyos siyang magtagal nang hindi nakatabi kay GM.

        Nagluluto ang binata paglabas niya. Kita pa rin naman ang TV mula sa kinaroroonan ng tabletop stove.

        “May coffee sa percolator,” sabi nito sa kanya. “Matatapos na itong arroz caldo. Ginamit ko iyong mga leftovers natin kagabi. Hinimay ko’t iginisa sa bawang, sibuyas at luya iyong natirang roast chicken. Pagkatapos, sinabawan ko’t sinamahan no’ng tirang kanin. Mabuti na lang, may nakita akong green onions sa vegetable compartment. Iyong natira sa ginamit natin sa sotanghon no’ng isang araw.”

        Kumuha si Hiyas ng kape.

        “Natatakot ka pa ba?” tanong ni GM.

        Umiling siya. Pero mayamaya lang ay tumango na rin.

        “Hindi na nga ako sanay,” amin niya. “At saka hindi naman kasi ganito kataas iyong bahay namin noon. Kaya siguro hindi rin ganito ang dating sa akin ng mga bagyo noong araw.”

        “Kunsabagay, iba nga ang lakas ng hangin kapag ganitong nasa high-rise building,” tango ni GM. “Pero like I said earlier, we’re perfectly safe here. Noong bumili ako ng unit dito, inimbestigahan ko muna hindi lang ang kompanyang nagpatayo nito kundi pati building contractor at architect. Lahat sila, matitino at may mga reputasyong pinangangalagaan. Siniguro nilang may sapat na safeguards ito sa bagyo at lindol. May sapat ding safety measures para sa sunog.”

        Ngumiti si Hiyas.

        “Okay,” sagot niya. “Sinabi mo, e. Basta huwag kang lalayo sa akin, ha?”

        Natawa ang binata.

        “Sa liit nitong tinitirhan natin, malalayo pa ba naman ako sa iyo?” sabi nito.

        Hindi nagtagal at nag-aalmusal na sila sa bilog na pang-apatang mesang kainan na katabi lang din ng sala set. Nakaharap pa rin sila pareho sa TV.

        “Ay, kawawa naman ang mga bata,” sabi ni Hiyas nang muling ipakita ang mga rescue operations. “Para namang nakakawalang-ganang kumain. Tingnan mo, nangangatog na sila sa ginaw. Hindi pa rin nakakakain ang mga iyan.”

        “At least, nasaklolohan na sila,” sagot ni GM. “May naghihintay na sa kanilang mainit na pagkain sa mga patutunguhan nilang evacuation centers. Ikaw, ituloy mo iyang pagkain mo. Hindi naman makakatulong sa kanila kung gugutumin mo ang sarili mo. Kung gusto mo talaga silang tulungan, maraming paraan.”

        “Paano?” interesadong tanong ng dalaga.

        “Maraming institusyon na nangangalap ng kontribusyon – in cash or in kind – para sa mga biktima ng mga kalamidad,” sagot ng kaharap. “Isa na ang mga TV stations. Nariyan din ang simbahan at mga civic organizations. Kahit nga iyong mga walang mai-donate na ekstrang pera o goods, puwede namang mag-volunteer ng kanilang serbisyo sa pag-repack at pag-distribute ng relief goods.”

        “Gusto kong mag-donate,” sabi agad ni Hiyas.

        “Sasamahan kita as soon as it’s safe to go out,” sagot ni GM. “Pero baka bukas na iyon. Sabay na tayo roon sa lagi kong pinagdadalhan ng aking kontribusyon. Maaasahan sila. Talagang nakakarating nang buung-buo sa mga nangangailangan ang lahat donations.”

        “Nagbibigay ka rin pala nang regular,” pansin ng dalaga. “I’m not surprised.”

        “Sinusunod ko lang din ang dikta ng kalooban ko,” paliwanag ni GM. “Tulad ng naging instinctive reaction mo kanina – ang tumulong. Ganoon naman siguro ang mararamdaman ng kahit na sinong may malasakit sa kapwa. Nagkataong biniyayaan tayo ng kakayahang magbahagi ng tulong na materyal. Sa opisina naman, tumatanggap kami ng mga assignments na tulad ng pagdidisenyo ng mga posters para sa mga charity drive. Libre na ang serbisyo namin doon. And it makes the staff feel good.”

        “Oo nga,” tango ni Hiyas. “Giving feels good. Parang nilagyan na agad ng built-in na incentive ang pagtulong sa kapwa.”

        “Para hindi tayo madala at lalo pang maengganyong ipagpatuloy ang pagtulong,” sabi ni GM. “Nabasa ko nga na kung susuriin daw, makikitang paikot talaga ang lahat ng bagay sa universe. Katulad niyan, kapag may nangangailangan, dapat lang na magbigay ang may maibibigay. Kapag ang nagbigay naman ang nangailangan, may darating din na tulong  mula sa kung saan. Kung minsan, parang hindi ganoon ang nangyayari. Magtataka tayo kung bakit hindi natutugunan ang ating mga pangangailangan. Pero sa mga pagkakataong iyon, maaaring hindi lang natin alam na mas kailangan pala nating mapagdaanan ang kakulangang iyon para rin sa ikauunlad ng ating pagkatao.”

        “Ang ‘Celestine Prophecy’ ba ang tinutukoy mong libro?” tanong ni Hiyas.

        “At ang mga kasunod pa niyon na isinulat din ni James Redfield,” sagot ni GM. “Nabasa mo na rin ba ang mga iyon?”

        “Lahat,” sabi ni Hiyas. “At hindi lang iyon. Marami rin akong binabasang libro na umiikot sa mga paksang ganoon. Iyong nag-uugnay at nagtatahi sa mga katotohanang matatagpuan sa lahat ng mga relihiyon at paniniwala sa mundo. Iyong mga universal truths na kung tutuusin ay dapat na maging batayan ng pagkakaisa at kapayapaan ng sangkatauhan.”

        Napatitig sa kanya si GM.

        “Ganyan na ba ang binabasa sa high school sa States?” pagtataka nito. “Lately ko lang nadiskubre ang ‘Celestine Prophecy’, a.”

        Natawa si Hiyas.

        “Hindi ko iyon nabasa bilang schoolwork,” sagot niya. “Mahilig lang talaga kasi akong magbasa on my own. Magastos nga ako sa libro, e. Tambay-bookstore ako. Member pa ako ng ilang mail-order book clubs. Mabuti na lang, walang reklamo sina Daddy basta libro ang pinagkakagastusan ko.”

        “Pareho tayo,” sabi ni GM. “Kahanay ng pagkain at inumin ang libro para sa akin.”

        “Nakikita naman sa koleksiyon mo sa library, e,” sang-ayon ni Hiyas.

        “Kung gusto mo nga palang basahin ang mga libro kong kahanay ng subject matter ng ‘Celestine Prophecy’, ilalabas ko sila mamaya,” sabi ni GM. “Nasa kuwarto ko kasi ang mga iyon kaya hindi mo nakikita sa library.”

        “Sige, titingnan ko kung alin doon ang pareho na nating nabasa at kung alin ang hindi ko pa nadidiskubre,” tango ng dalaga.

        Sa maghapon ngang iyon, sa pagitan ng pag-monitor sa kalagayan ng panahon at paligid sa TV, naging abala ang dalawa sa pagdidiskusyon ng tungkol sa naturang mga librong inilabas ni GM.

        Ilan lang sa mga iyon ang hindi pa nababasa ni Hiyas. Mayroon din naman siyang mga nabasa na hindi pa nababasa ng binata. Nagpalitan na lamang sila ng kaalaman.

        “Ililista ko nga iyang titles at authors na sinasabi mo,” sabi ni GM. “Hahanapin ko sa bookstore. Kung wala pa ang mga iyan dito, puwede namang ipaorder sa kanila.”

        Sa sarap ng pagdidikusyon nila, kinatamaran na nilang magluto ng pananghalian at hapunan. Nag-sandwich na lamang sila ng toasted whole wheat bread, cold cuts at salad vegetables. Sinabayan nila iyon ng mainit na tsokolate. Tuloy pa rin ang pag-uusap.

        Hanggang sa inabot na si Hiyas ng paghihikab.

        “O, nabo-bore ka na yata sa akin,” kantiyaw ni GM.

        “Hindi, ha,” sagot ng dalaga.

        Tumingin siya sa kanyang relo.

        “Kaya naman pala, e,” gulat na sabi niya. “It’s almost twelve. Inabot na tayo ng maghahatinggabi.”

        “Really?” gulat ding sabi ni GM. “Parang katatapos lang nating mag-dinner, hindi ba?”

        “Alas-nuwebe pa po tayo nag-sandwich dinner,” paalala ni Hiyas. “Halos three hours ago na ‘yon.”

        “Ang bilis ng oras,” iling ng binata. “Ang sarap kasi ng pag-uusap natin, e. Pero inaantok ka na. Magpahinga na tayo.”

        Nauna na itong tumayo.

        Napilitang sumunod si Hiyas.

        “O, sige, to be continued na lang ang ating philosophical discussions, ha?” sabi niya. “Good night.”

        “Good night,” sagot ni GM.

        Iniwan na ito ni Hiyas sa salas pagpasok niya sa kanyang silid.

        Sayang. Kahit inaantok na siya, gusto pa sana niyang ituloy ang kanilang pag-uusap. Matitiis niya ang antok, makasama lang nang mas matagal pa ang binata.

        Ang sarap talaga nitong kasama. Ang sarap kausap. Alam niya, nakasisiguro na siya, natagpuan na nga niya ang kanyang soulmate.

        Nakangiti si Hiyas habang nasa ilalim ng mainit na shower. Dahil nakapag-shampoo na siya kaninang umaga, hindi na niya binasa ang kanyang buhok. Itinaas na lamang niya ito sa pamamagitan ng butterfly clip at binalot ng shower cap.

        Matapos maligo at tuyuin ang sarili, isinuot na niya ang karaniwan niyang pantulog na magkaternong malambot na puting cotton sando at bikini panty. Pagkatapos, inilugay na niyang muli ang kanyang buhok at sinuklay.

        Handang-handa na siyang mahiga. Patungo na siya sa patayan ng ilaw nang bigla itong kusang namatay na lamang.

        Napatili si Hiyas.

        Labis-labis ang kanyang pagkagulat. Dati kasi, kahit nagpapatay naman talaga siya ng ilaw bago mahiga ay may pumapasok pa ring kaunting liwanag mula sa bintana – magkasamang sinag ng buwan at repleksiyon ng mga security lights sa labas ng gusali. Pero ngayon, kasabay ng pagkamatay ng ilaw sa silid ang pagkamatay rin ng lahat ng mga ilaw sa labas. At dahil napakadilim ng langit, walang kahit kaunting liwanag na nagmumula sa buwan o mga bituin. Wala tuloy siyang maaninag man lang.

        Sinabayan pa ng nakakatakot na buhos ng ulan at huni ng hangin ang pusikit na kadiliman.

        “Hiyas! Hiyas, are you all right?” narinig niyang tawag ni GM, kasabay ng sunud-sunod nitong pagkatok sa kanyang silid.

        Tinakbo ng dalaga ang direksiyong pinagmumulan ng tunog ng mga katok. Agad niyang binuksan ang naka-lock na pinto. At tuluy-tuloy na siya sa mga bisig ni GM.

        “GM!” nakuha na lang niyang sabihin bago isinubsob ang kanyang mukha sa dibdib nito.

        “It’s all right,” sabi naman nito habang yakap-yakap siya’t hinahaplos sa buhok at sa likod. “Brownout lang ito. We’re safe.”

        “Huwag mo akong iiwan,” hibik pa rin niya.

        “I’m here,” sagot ng binata. “’Andito lang ako. Hindi kita iiwan.”

        Unti-unting kumalma si Hiyas.

        Unti-unti rin niyang namalayan ang kanilang sitwasyon.

        Walang pang-itaas si GM. Nakalapat ang kanyang mukha sa hubad nitong dibdib. Nakadikit ang kanyang mga labi sa mismong tabi ng kanang puyo ng dibdib ng binata.

        Nakayakap ang kanyang mga bisig sa hubad nitong bewang. Nakalapat ang kanyang mga palad sa hubad nitong likod.

        Sa itaas na bahagi ng kanyang mga hita ay may nararamdaman siyang malambot na telang cotton. Nakasuot marahil ng boxer shorts na pantulog si GM.

        Pero ang mga hita niya ay nakadikit sa mga balahibuhin nitong hita.

        Sa mismong saglit na iyon ng kanyang pagkamalay sa kanilang sitwasyon, mabilis na kumalat sa buong pagkatao ni Hiyas ang mala-kuryenteng init.

        Maging ang mga bahagi ng katawan niyang nasasapnan ng manipis na tela ay biglang naging napakasensitibo hanggang sa magmistula na ring hubad.

        May naramdaman siyang gumalaw at nagbago sa sugpungan ng kanyang mga hita.

        Pero bago pa man niya masiguro kung ano iyon ay bigla siyang pinangko ni GM.

        “Maupo na lang kaya tayo sa sala,” sabi nito sa kakaibang tinig – parang kinakapos sa paghinga.

        Lumipat ang mga bisig ni Hiyas, kumapit sa leeg ng binata.

        Sa ilang hakbang lang ay narating nito ang isa sa mga upuan. Pero pang-isahan lang pala iyon. Pag-upo tuloy ng binata ay nanatili siya sa kandungan nito.

        “Oops,” sabi ni GM. “Hindi pa pala ito ang sofa.”

        “Okey na ito,” sagot niyang hindi bumibitiw sa pagkakayakap sa leeg nito.

        “H-hindi ka ba hirap?” tanong ni GM.

        Umiling siya habang lalong nagsusumiksik sa dibdib nito.

        Napabuntonghininga ang binata.

        At lalo pang naramdaman ni Hiyas ang paghuhumindig nito sa bahaging nauupuan niya.

        Nagtangkang mag-iba ng posisyon si GM. Parang nais itago ang pruweba ng kasalukuyang damdamin nito.

        Iginalaw naman ni Hiyas ang kanyang mga labi. Idinaan nang halos padaplis lang sa mismong puyo ng dibdib ng binata.

        Napasinghap ito. Napahigpit ang pagkakahawak ng mga kamay sa kanyang balikat at hita.

        Hindi napigil ni Hiyas ang sarili. Hinagkan niya ang puyong iyon. Kinanti ng dulo ng kanyang dila.

        “Hiyas!” daing ni GM.

        Nakadama ang dalaga ng kakaibang kapangyarihan. Uulitin pa sana niya ang kanyang ginawa.

        Pero umakyat ang isang kamay ni GM mula sa pagkakahawak sa kanyang hita. Hinuli siya nito sa ilalim ng baba at itinaas ang kanyang mukha. At waring pinarusahan nito ang mapangahas niyang mga labi sa isang maalab at mapang-angking halik.

        Kaparusahan nga ba iyon? Kung gayo’y bakit sabik na sabik pa si Hiyas na magparaya’t tumugon?

        Ngayon lang siya nahagkan sa mga labi. Kaytagal niya itong hinintay. At hindi siya nagsisising hinintay niyang ang unang makagawad sa kanya ng mga ganitong halik ay ang lalaking pinakamamahal niya.

        Kaybilis niyang natutong makipagtagisan sa kaniig. Lumaban nang patas.

        Pero napasinghap si Hiyas nang maramdaman niya ang isang kamay ni GM na dumapo sa kanyang dibdib. Bumaba na pala ito mula sa kanyang balikat nang di niya namamalayan.

        Dahan-dahan itong humaplos. Paikut-ikot. Paliit nang paliit ang pag-ikot. Hanggang sa matumbok nito ang nagngangalit nang puyo.

        Napadaing si Hiyas nang pisilin nito ng hintuturo’t hinlalaki ang napakasensitibong bahaging iyon. May napakasarap kasing sensasyong gumuguhit mula roon hanggang sa pinakabuod ng kanyang pagkababae.

        Para namang naunawaan ni GM ang dahilan ng kanyang pagdaing dahil itinuluy-tuloy pa nito ang ginagawa. Bumaba na rin ang isa pa nitong kamay mula sa kanyang baba para gawaran din ng parehong atensiyon ang kabilang bahagi ng kanyang dibdib.

        Hindi na nga naman kailangan pang bihagin ang mukha ni Hiyas. Kusa na siyang nangungunyapit nang mahigpit sa leeg ng binata para lalo pang magpang-abot ang kanilang mga labi.

        Puwede palang pagsabayin ang paghalik at pagdaing.

        Lalo na nang itaas ni GM ang kanyang suot at wala nang nakapamagitang anuman sa mga kamay nito at dibdib niya.

        Pero kumalas din ang binata sa kanyang mga labi.

        “I want to taste more of you,” bulong nito.

        Umigting ang sensuwal na pakiramdam ni Hiyas.

        Yumuko ang binata at hinagkan ang bawat puyo na katulad ng kung paano siya nito hinagkan sa mga labi.

        Napaliyad si Hiyas. Napalakas ang daing.

        Pati ang kanyang mga binti ay hindi na mapakali. May nais siyang ipitin sa kaibuturan ng kanyang pagkababae.

        Pero bumaba pang lalo ang isang kamay ni GM at humarang sa pagitan ng kanyang mga hita. Humaplos. Pumisil.

        Napaigtad na si Hiyas. May pagkagulat ang daing.

        Tuloy pa rin ang panunuyo ng mga labi ni GM sa kanyang dibdib. Unti-unti namang nanaliksik ang mga daliri nito sa loob ng kanyang panloob. Hanggang sa maramdaman na lamang ni Hiyas na natumbok na ng binata ang puno’t dulo ng mga sensasyong kanyang ikinababaliw – nagmumula sa mga puyo ng kanyang dibdib na bihag ng mga labi nito at nagtatapos sa pinakasensitibong bahagi ng kanyang kaselanan na hipo ng mga daliri nito.

        Nagkabuhul-buhol ang kanyang hininga. Wala nang patid ang kanyang mga daing.

        Patindi nang patindi ang mga sensasyong kanyang nadarama. Parang may hinahabol. May kailangang marating. Malapit na. Malapit na.

        At hayun na nga.

        Naabot niya ang sukdulan. Ang rurok ng mga sensasyong hindi niya mailarawan. Hindi lang nakalalasing o nakababaliw. Higit pa sa anumang karanasan. Walang kahalintulad. Ganoon pala.

        Nang humupa ang lahat, natagpuan pa rin ni Hiyas ang kanyang sarili na nasa mahigpit na pagkakayakap ni GM. Pero nasa hita niya’t balikat na muli ang mga kamay nito, at naibalik na pala nito sa dating ayos ang kanyang kasuotan.

        At sa mismong saglit na iyon ay muling bumukas ang ilaw. Nagtama ang kanilang paningin.

        Hindi naman lumiwanag nang ganap sa salas. Patay na kasi ang ilaw doon nang mag-brownout. Nagmumula na lamang ang liwanag sa mga security lights na nasa labas ng bintana, at sa mga kuwarto nilang nangakabukas ang mga pinto.

        Pero sapat na ang liwanag na iyon  para biglang mabago ang sitwasyon nina Hiyas at GM.

        Pareho silang natauhan. Nahiya. Nailang.

        “Gumana na rin ang generator ng building,” sabi ng binata. “Natagalan lang. Pero hindi na ulit tayo mamatayan ng ilaw. Makakatulog ka na nang mahimbing.”

        Pagkasabi niyon ay tumayo na ito, pangko pa rin siya. At sa ilang hakbang lang uli ay nadala na siya nito sa may pinto ng kanyang silid.

        Akala ni Hiyas ay ipapasok siya nito roon at ihihiga sa kama. Inaasahan niyang magtatabi na sila hanggang umaga. Pero ibinaba siya ni GM nang patayo sa tabi ng pinto.

        Napilitang tumayo si Hiyas sa sarili niyang mga paa. Bahagya pang nangangatog ang kanyang mga tuhod.

        Tinitigan siya nang saglit ng binata. Parang may gustong sabihin na hindi naman masabi. Pagkatapos, hinaplos lang siya nito sa buhok bago maingat na itinulak papasok sa kanyang silid.

        “Magpahinga ka na,” sabi nito. “Good night.”

        “G-good night,” napilitang isagot ni Hiyas.

        Si GM na rin ang humatak sa kanyang pinto nang pasara. Parang hadlang sa pagitan nila.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento