FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 9
NOBENTA’Y
NUWEBE porsiyento ng pagkatao ni GM ay umaalma. Gustong makawala sa kanyang
pagpipigil. Gustong sumunod kay Hiyas para ituloy at tapusin ang kanilang
sinimulan.
Gahibla na lang ang natitira sa kanyang kontrol
pero nagawa pa rin ng binata na magkulong sa sariling kuwarto. Itinuloy niya sa
banyo ang nag-iinit niyang katawan. Itinapat sa malamig na tubig ng dutsa.
Masakit ang tama ng malayelong tubig sa
katawang nilalagnat sa pananabik. Minumura ni GM ang sarili habang tinitiis ang
lahat.
NAKAHIGA
naman si Hiyas. Pakiramdam niya’y nakahiga na siya sa alapaap. Kakaiba ang
ngiting nasa kanyang mga labi. Ngiti ng kaganapan.
Oo nga’t hindi pa nangyari sa kanila ang
lahat-lahat. Pero kung iyon pa nga lang ay ganoon na ang hatid na kaligayahan sa kanya,
paano pa kaya kapag nagtalik na sila nang ganap?
Nabigo man siya kanina sa inaasahan
niyang pagtuloy ni GM sa kanyang silid ay hindi niya ipinagtatampo iyon.
Nauunawaan niya ang katipan.
Katipan. Ganoon na ngayon si GM sa
kanyang puso. Wala nang ibang maaaring ipakahulugan sa namagitan sa kanila
kanina.
At alam niyang umurong lang si GM dahil
iyon ang dapat.
Bukas, alam niyang sisimulan na ng
binata ang pormal na panliligaw sa kanya. Magtatapat na ito ng pag-ibig.
Isasatinig na ang lahat ng naipadama nito sa kanya kanina.
Kapag nasa ayos na ang lahat, kapag
pormal nang nailatag ang kanilang relasyon, wala nang magiging balakid sa lubos
nilang pagpapahayag sa isa’t isa ng kanilang mga damdamin. Sa salita at sa
gawa.
Nakatulog si Hiyas nang nakangiti pa
rin. Umaasa.
SABADO
kinabukasan. Wala uling klase. Pero maaga pa ring gumising si Hiyas para sa
kanilang regular na jogging session dahil tumigil na ang ulan. Mas lalo pa siyang
ganado ngayon.
Papalabas pa lang siya ng kuwarto,
nalanghap na niya ang pamilyar na amoy ng brewed cofee mula sa percolator. May
kasabay na masarap na amoy na nakakagutom.
“Ano na naman iyang bagong recipe mo?”
tanong niya kahit hindi pa namamataan si GM.
Walang sumagot.
Takang tumuloy si Hiyas sa paglabas sa
may kusina. Walang tao roon. May sulat lang na iniwan ang binata sa ibabaw ng
mesang kainan.
Hiyas,
I had to go out to attend to something very important.
Cancelled muna ang jogging natin. Basa pa’t madulas ang jogging path sa ibaba.
At saka umuulan pa rin nang panakanaka. Mag-treadmill ka na lang kung gusto mo.
There’s coffee in percolator. Ipinagluto na rin kita ng risotto – nasa wok sa
ibabaw ng stove. I won’t be long.
GM
Tumaas ang kilay ng dalaga. Ano naman
kaya ang biglaang inasikaso ng mahal niya? May duda siyang sorpresa iyon para
sa kanya.
Napaka-thoughtful talaga ni GM. Bago
umalis ay ipinaghanda pa siya ng agahan.
Binuksan niya ang takip ng wok. Lalong
umalingasaw ang masarap na amoy ng risotto ng binata – parang fried rice na
iniluto sa olive oil, maraming bawang at kamatis, ground chicken, mushrooms,
olives, paminta at basil leaves.
Naramdaman ni Hiyas na gutom na gutom na
siya. Panay tinapay nga lang pala ang kinain nila kahapon sa pananghalian at
hapunan. Agad siyang kumuha ng pinggang mapagsasalinan ng risotto.
BANDANG
alas-nuwebe, tumawag si Manang Thelma.
“Hiyas, hindi pa rin ako makakapunta
riyan ngayon,” sabi nito. “Kanina kasi iyong check-up nitong apo ko sa
pediatrician. Binakunahan. Ang sabi ng doktor, malamang ay lagnatin daw ito
mamaya. May sinat na nga ngayon, e. Ayoko munang iwan silang mag-ama. Baka
mataranta iyong tatay, hindi malaman ang gagawin.”
“Naku, sige lang ho, Manang,” sagot agad
ng dalaga. “Asikasuhin ninyo iyang bata. Kayang-kaya na namin dito. Kung
kinakailangang samahan ninyo sila nang ilang araw, walang problema. Balitaan
n’yo lang kami.”
ALAS-ONSE,
nakapaglinis na ng bahay si Hiyas. Nakapag-ehersisyo na siya sa treadmill ni
GM. Nakapaligo na’t nakapagbihis – iyong pinakaseksi niyang gym shorts at
bulaklaking tank top.
Nakasalang na sa oven ang kanilang
pananghalian – isang buong manok na tinimplahan niya ng asin, paminta, bawang
at basil leaves bago pinalamnan ng
risotto na gawa ni GM. Kung may lechon paella, siya nama’y may sariling
bersiyon ng litsong manok risotto.
Narinig niyang bumukas ang pinto ng
bahay.
Entusiyastikong lumapit ang dalaga para
salubungin si GM.
Maliwanag ang kanyang ngiti pagbungad
nito.
“Hi,” sabi niya. “Lunch is almost ready.
My turn. Hindi raw makakarating si Manang Thelma, e. Nilalagnat iyong apo.”
Mabilis ang kanyang pagsasalita –
panakip ng kanyang kaba.
Alanganin naman ang ngiting isinukli sa
kanya ni GM.
“May... may kasama ako,” sabi nito.
Tumuloy ito ng pasok sa salas para
makasunod ang kasama.
Tumambad sa may pinto si Krizha.
“Hello,” nakangiting bati nito kay
Hiyas.
Kulang na lang ay mapanganga siya sa pagkabigla.
Ibang klaseng babae ang kasama ni GM.
Hindi niya malaman kung ihahambing niya ito sa Spice Girls o sa mga Baywatch
beauties. Pagkaganda-ganda, matangkad at halos di kapani-paniwala ang kurba ng
katawan.
Kanina’y napakaseksi na ng pakiramdam ni
Hiyas sa kanyang kakapiranggot na kasuotan. Pero nang makaharap ang babae,
pakiramdam niya ay bigla siyang nagmukhang nene.
Talbog siya sa suot nitong unitard na
itim – na walang ikinaiba sa one piece swimsuit liban sa ibabang parang gym
shorts. Bakat na bakat sa dibdib nito na wala itong suot na panloob – at hindi
na nito kailangan ng anumang pangsuporta sa bahaging iyon. Hapit na hapit din
ang unitard sa balingkinitan nitong beywang, patag na puson at mabilog na
balakang. Ang malulusog nitong mga hita ay tama lang ang proporsiyon sa
mahahaba at makinis nitong mga binti.
At sa ganoong get-up ay hindi man lang
rubber shoes ang itinerno nito. Sa halip, ang nakasuot sa mga paa ng babae ay
platform sandals na Skechers na apat na pulgada yata ang taas.
Sino ang babaing ito?
“Hiyas, si Krizha,” tamang-tama namang
pagpapakilala dito ni GM. “My executive vice president.”
“My?” ulit ni Hiyas sa sarili. “My
executive vice president?”
“Krizha, si Hiyas,” pagpapatuloy ng
binata. “Siya ang ikinukuwento ko sa iyo.”
“Ikinukuwento?” ulit pa rin ng isip ni
Hiyas. “At ano naman ang ikinukuwento mo sa babaing ito tungkol sa akin?”
“We finally meet,” nakangiti pa ring
sabi ni Krizha. “GM has told me so much about you.”
“Talaga?” matabang na sagot ni Hiyas.
“Upo ka, Krizh,” sabi ni GM.
At nanguna pa ang binata sa pag-upo sa
salas.
Napansin ni Hiyas ang sobrang pagiging
kumportable ng dalawa sa isa’t isa at hindi niya iyon nagustuhan.
“May proposal kami sa iyo, e,” sabi pa
ni GM na nakangiti na naman nang alanganin sa kanya. “Naikuwento ko kay Krizha
ang mga plano mo. E mas malapit sa UP ang townhouse niya. Sa Sikatuna Village siya
nakatira. At bakante ang isang bedroom niya. Puwede ka roon. Mas magiging
convenient para sa iyo, di ba?”
Napatigagal si Hiyas.
Nagpalipat-lipat ang kanyang tingin sa
dalawa.
Nanatiling alanganin ang ngiti ni GM.
Parang guilty na hindi niya mawari.
Kampante naman si Krizha. Parang pinapakiramdaman
lang siya.
Sa simula’y parang hindi makuha ni Hiyas
ang nagaganap. Parang gustong mablanko ng utak niya. Sinasagasaan ng mga
emosyon niyang rumaragasa.
Pero unti-unti rin niyang naunawaan ang
sinasabi ni GM.
Gusto nitong lumipat siya ng tirahan.
Pinalilipat siya sa bahay ng Krizha na ito. Samakatuwid, pinaaalis na siya
rito.
Parang nanlaki ang kanyang ulo. Umakyat
na yata roon ang lahat ng dugo niya sa katawan. Halos magdilim ang kanyang
paningin.
Hindi na siya makapagsalita. Bumubulwak
na ang mga luha sa kanyang mga mata. Hagulgol na ang nais kumawala mula sa
kanyang dibdib.
Mabilis na tumalikod si Hiyas. Tumalilis
nang patungo sa kanyang silid.
“Hiyas!” narinig niyang tawag ni GM.
Pero siniguro niyang nakakandado ang pinto
bago siya nagkulong pa uli sa banyo. Doon, bakasakaling maitago ng makakapal na
dingding ang kanyang mga hagulgol.
GUSTO
nang mamatay ni Hiyas.
Ang liit-liit na ng tingin niya sa
kanyang sarili.
Para pala siyang tanga na nagpapantasya
ng kung anu-ano. Hanggang sa umabot ang lahat sa mga pangyayari kagabi.
Kung susuriin, siya nga lang pala ang
nagsimula ng lahat. Tinukso niya si GM. Bumigay lang ito.
Kaya pala nang magkailaw uli ay para
itong nahimasmasan. At agad na lumayo sa kanya.
Sino nga naman siya para ipagpalit nito
sa Krizha na iyon? Wala siyang binatbat.
Isang executive vice president ng
kompanya ni GM. Ibig sabihin, magaling. Kasing-kalibre ng binata.
E siya? Isang high school graduate.
Ano’ng ipagmamalaki niya? Iyong mga librong nabasa niya na tulad ng mga
binabasa ni GM sa free time nito? Sapat na ba iyon?
Neneng-nene siguro ang tingin ni GM sa
isang disinuwebe anyos na tulad niya. Lalo na’t kung ikukumpara sa isang mature
woman na tulad ni Krizha.
Kahit sa pisikal na kaanyuan na lamang,
nakakahiya na siya. Kumbaga sa bulaklak, bubot pa lang siya. Iyong isa ay ganap
nang namumukadkad.
Mahal na mahal siguro ni GM si Krizha.
Kaya agad itong tumakbo sa babae kaninang umaga. Para mangumpisal. Para humingi
ng tulong. Para malayo sa kanyang panunukso.
Ang sakit naman. Ang sakit-sakit.
“I
HATE to say this, but I told you so,” sabi ni Krizha kay GM.
“Krizh, please,” hirap ang loob na iling
ng binata.
“Ang tigas naman kasi ng ulo mo,”
pagpapatuloy ni Krizha. “Kanina ko pa ipinapaliwanag sa iyo na lalo mo lang
pasasamain ang sitwasyon sa gimik mong ito. Kahit na sinong babae ang nasa
kalagayan ni Hiyas ay talagang magwawala sa ginagawa mo. And to top it all, ako
pa ang napili mong dalhin dito. E alam mo naman ang reaksiyon sa akin ng mga
kapwa ko babae.”
“Iyon na nga, e,” sagot ni GM. “Baka
sakaling magselos siya sa iyo at lumabnaw ang sobrang atraksiyon sa pagitan
namin. Kailangang maiwasan na ang nangyari kagabi. Muntik na, e.”
“Pero mali ang diskarte mo,” giit ni
Krizha. “Sinasaktan mo lang ang damdamin niya. Why not be honest with her?
Ipaliwanag mo kung bakit nag-aalala ka na ituloy ang relasyon ninyo.”
“Nataranta ako sa nangyari sa amin, e,”
amin ni GM. “Basta ang iniisip ko lang, kailangang mailayo ko siya sa akin. Mailayo
ko siya sa tukso.”
“Kahit paiyakin mo siya in the process?”
tanong ni Krizha.
“Ayokong saktan siya,” iling ni GM.
“Shit, what did I do?”
“You fell in love,” nakangiting sagot ni
Krizha. “Kaya lang, natataranta ka nga. Nabubulilyaso tuloy ang lahat. Aalis na
ako. Ayusin mo iyan. Huwag ka na kasing gumimik ng kung anu-ano. Kausapin mo
siya. Umamin ka. Sabihin mong binulabog mo ako kaninang alas-sais ng umaga para
kaladkarin patungo rito. I’m giving you permission to tell her kung bakit
imposibleng magkarelasyon tayo. Make sure you tell her the truth dahil kung
hindi, ako mismo ang kakausap sa kanya. Ayokong maging kontrabida sa buhay
ninyo. And I want both of you to end up living happily ever after.”
(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento