FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
Abakada
ng Pag-ibig: Francesca
ABAKADA NG PAG-IBIG: Hiyas
by Maia
Jose
Copyright Maria Teresa
C. San Diego
All Rights Reserved
Published in print by Valentine
Romances
Books for Pleasure,
Inc.
First printing 1998
ISBN: 971-502-909-4
TEASER:
Sa edad na 30, subsob sa trabaho at
kumportable sa malayang buhay-binata si GM. Kaya naman ganoon na lang ang pagkainis
nito nang maatasang ‘mag-babysit’ sa balikbayang family friend – ang 19 taong
gulang na si Hiyas.
Ayaw na ayaw rin naman ng dalaga na
magkaroon ng tagapagbantay. Lalo pa’t isang itinuturing niyang matandang binata.
Pero magkakagulatan sina GM at Hiyas.
Dahil dalagang-dalaga na at napakaganda
ng dating makulit na batang natatandaan ni GM. At hindi makapaniwala si Hiyas
na ang guwapo’t makisig na binatang nakapagpapabilis sa kanyang pulso ay ang inaasahan
niyang dadatnang matanda.
CHAPTER 1
ALAS-OTSO
ng gabi sa Maynila, alas-siyete ng umaga sa Chicago.
Tumunog ang telepono sa condominium unit
ni GM sa Ortigas Center.
Kalalabas lang ng binata mula sa banyo.
Basa pa siya’t walang anumang saplot nang damputin ang cordless phone mula sa
sidetable ng kama. Ang kabilang kamay niya’y may hawak na tuwalyang
ipinangtutuyo ng buhok.
“Hello. GM here,” sabi niya.
Sa pamilya man, sa mga kaibigan o sa
trabaho, kilala ang binata bilang simpleng GM. Hango ang palayaw na iyon sa
buong pangalan niyang George Marron Milan, na hango naman sa pangalan ng amang
si Geronimo o Gerry at inang si Marina.
Si Marina ang agad na nabosesan ng anak
sa kabilang linya. Tumatawag ito mula pa sa Chicago.
“’Ma!” masayang sambit ng binata. “Good
to hear from you.”
At parang naku-conscious na itinapi agad
niya sa beywang ang hawak na tuwalya. Para bang makikita siya ng ina mula sa
ibayong dagat.
“Mabuti naman at nasa bahay ka na,” sabi
ni Marina. “Nagbabakasakali nga lang ako.”
“Maaga akong umuwi ngayon mula sa
opisina,” sagot ni GM. “Tumuloy lang muna ako nang sandali sa gym para
mag-unwind at makapagpa-deep massage. Ilang gabi rin kasi naming pinaglamayan
iyong presentation na dinala namin sa kliyente kanina. Mukha namang ma-a-approve.
Malalaman namin bukas.”
“You work too hard, iho,” saway ni
Marina. “Kailangan bang kasama ka pa sa paglalamay sa trabaho? My goodness, you
own that company.”
“Precisely, ‘Ma,” paliwanag ni GM. “Kaya
kailangan kong magpakita ng magandang
halimbawa sa mga tao ko. I believe in leadership by example. I have to show
them the right work ethic, attitude and drive. Kung ako mismo na may-ari ng
kompanya ay papatay-patay, how can I expect them to give their best?”
“Hay naku, kaya tuloy hanggang ngayon ay
hindi mo pa kami mabigyan ng apo,” parang pagtatampo ng matanda.
Tumawa lang ang binata.
“Lumang tugtugin na ‘yan, ‘Ma,” sagot
niya. “Ano’ng bago? What’s up? Kumusta na kayo?”
“Okey naman kami ng Papa’t kapatid mo,”
sabi ni Marina. “In fact, kababalik lang namin from a week-long trip to New
York, kasama ang mga Deltierro. Dinalaw namin si Mutya. Hayun, nagpaiwan pa nga
roon si Gina. Next week na uuwi rito ang kapatid mong iyon.”
“Ganoon ba?” sagot ni GM. “Hayaan lang
ninyo siya. Si Mutya naman pala ang kasama, e.”
Alam niyang hanggang ngayon ay pinakamatalik
na mga kaibigan pa rin nina Gerry at Marina Milan ang mag-asawang Lando at Puri
Deltierro na dati nilang kapitbahay sa Greenhills.
Lilimang taong gulang pa lamang si GM at
ipinagbubuntis naman ni Marina ang kaisa-isang kapatid niyang si Gina nang
lumipat sa katabi nilang bahay ang mga Deltierro.
Buntis din noon si Puri sa panganay ng
mga ito na si Mutya. Kaya nga lumaking matalik na magkaibigan sina Gina at
Mutya.
Nagkaroon pa ng pangalawang anak sina
Lando at Puri – si Hiyas, na anim na taong mas bata kay Mutya.
Walang kaedad si GM sa pamilyang iyon
kaya hindi siya gaanong naging malapit sa mga Deltierro.
Anim na taon na ang nakararaan mula nang
magpunta sa Estados Unidos ang pamilya Deltierro para doon na manirahan.
Pinaupahan na lamang ang bahay ng mga ito sa Greenhills.
Pagkaraan lang ng dalawang taon ay
sumunod naman ang pamilya Milan – liban kay GM. Pinaupahan na rin ang bahay
nila sa Greenhills.
Lumipat naman sa condominium unit ang binata.
Maging sa Chicago ay magkapitbahay pa
rin ang mga Milan at mga Deltierro. Doon din kasi naghanap ng bahay sina Marina
kung saan nakabili ng bahay sina Puri.
Naging magkaklase rin uli sina Gina at
Mutya sa Northwestern University. Nagkahiwalay lang ang dalawa nang
maka-graduate at magkatrabaho si Mutya sa New York. Sa Chicago naman nagtrabaho
si Gina.
“Mabuti at nag-enjoy kayo sa New York,”
sabi ni GM sa ina. “Nanood ba kayo ng play sa Broadway?”
“Of course,” sagot ni Marina.
“Palalampasin ba namin iyon gayong nasa Big Apple na rin lang kami?”
“Ganyan nga,” pabirong sabi ng binata.
“Maglibang kayo para hindi na ninyo ako hinahanapan ng kung anu-ano.”
Iyong iniuungot ng ina na apo ang
tinutukoy niya.
“Malapit na nga akong mawalan ng pag-asa
sa iyo,” sagot ni Marina. “Baka maunahan ka pa ni Gina.”
“Di mabuti,” sabi naman ni GM. “That
will take the pressure off me.”
“Pero may iba akong ire-request ngayon
sa iyo,” habol ng ina. “This time, hindi ka na tatanggi.”
“What about?” medyo kinakabahang tanong
ng binata.
Ano naman kasing klase ng “request” iyon?
May kabuntot agad na “This time, hindi ka na tatanggi.
“Tungkol kay Hiyas,” sagot ni Marina.
“Kaga-graduate lang niya sa high school. Ang hininging regalo kina Puri ay iyong
pagsama sa isang youth tour para sa Filipino-Americans. Parang exposure and immersion
trip daw ito diyan sa Maynila. They’ll be staying for two months.”
“Kabagu-bago pa lang naman ng mga
Deltierro diyan sa States, a,” sabi ni GM. “Six years pa lang. Ganoon ba
kabilis na-Americanize ang batang iyan at kailangan na niya uli ng exposure
trip dito?”
“Well, thirteen years old lang si Hiyas
noong pumunta sila rito,” paalala ni Marina. “Nineteen na siya ngayon. Iba nga
lang ang school system dito at kinailangan pa niyang mag catch up noon kaya
katatapos pa lang niya ng high school. At siyempre, dahil dito siya nagdalaga,
nag-iba rin ang kanyang personalidad. Very American na siya to some extent.
Pero Pilipinong-Pilipino naman ang parenting style nina Puri kaya Pinay pa rin
sina Hiyas at Mutya in many ways.”
“So why does she need this trip?” tanong
ni GM.
“For a lot of reasons,” sagot ni Marina.
“Maaaring gusto lang din niyang makita uli ang Maynila after six years. See it
through more grown-up eyes this time. Alam mo namang hindi na sila uli
nakapagbakasyon diyan magmula noon. Wala na palibhasa silang babalikang
kamag-anak diyan. Narito nang lahat. O baka rin gusto lang ni Hiyas na
magka-adventure. Masaya siyempre itong ganitong trip na panay magkaka-edad
silang magkakasama. Anyway, it will be a very educational trip for her. Very
enriching.”
“So, ano’ng koneksiyon nito sa akin?” tanong
ng binata.
“I want you to take care of her while
she’s there,” sagot ng ina.
“Ako?” bulalas ni GM. “Akala ko ba,
group tour iyan? Hindi ba, package deal ang ganyan? Everything should be taken
care of.”
“Oo nga,” sagot ng ina. “Pero siyempre,
mas panatag ang loob namin dito kung alam naming sinusubaybayan mo siya riyan.
Maraming puwedeng mangyari, e. Unexpected things. Alam mo na. So keep in close
touch with her. Make sure she’s all right all the time. Give her any assistance
she might need. Be there for her ‘round the clock. Isipin mo na lang na si Gina
siya. Everything you would do for your own sister, you should do for her. Nothing
less.”
“Whew!” iling ni GM. “Kailan ba darating
ang batang iyan?”
“Next week,” sagot ni Marina. “They’ll
be staying at the UP Hostel. Isa kasi sa mga sponsors ng programa ang
University. Convenient nga iyon sa iyo, hindi ba? Before or after your classes,
you can drop by and see her.”
“Sigurado namang hindi ko siya aabutan
sa hostel,” pangangatwiran ng binata. “Kung exposure at immersion trip ang
sinalihan niya, I expect they would be going all over Metro Manila. Dapat nga,
pati sa mga probinsiya. Hindi pipirmi ang mga iyon sa hostel.”
“Basta, get in touch with her,” giit ni
Marina. “You’ll be responsible for her well-being. Tandaan mo iyan.”
“Okay, okay,” sagot ni GM. “I’ll do it.”
Marami pa silang napagkuwentuhan bago
natapos ang kanilang pag-uusap. Pero hindi na naalis sa isip ng binata ang
napasok na kompromiso. At bago sila nagpaalamang mag-ina ay muling ipinaalala
ni Marina sa kanya ang bago niyang obligasyon.
“Take care of Hiyas, okay, son?”
Habang ibinababa ang awditibo ay
napapailing si GM.
Ang bigat ng hiniling sa kanya ng
kanyang mama. Wala siyang tiyaga na mag-babysit sa isang teenager. Pero
makakatanggi ba siya?
Kahit paano nama’y naaalala pa niya si
Hiyas. Ito noon ang baby ng dalawang pamilya. Mula’t sapul ay tabachingching na
ito na maganda. Listang-lista pa. Napanggigilan tuloy maging ng mama’t papa
niya.
Noong umalis ang mga Deltierro ay trese
anyos lang daw si Hiyas, ayon sa mama niya. Ang naaalala lang ni GM ay kahawig
ito ng batang babaeng nag-a-advertise ng hotdog sa TV. Si “again, again,
again...” Parang kayumangging bersiyon ni Chantal Umali si Hiyas noong mga
panahong iyon.
Maging ngayong sinasabi ng mama niyang
disinuwebe anyos na ito ay bata pa rin ang turing ni GM sa bunso ng mga
Deltierro. Paano namang hindi ay labing-isang taon ang tanda niya rito? Kung
hanggang ngayong beinte-singko anyos na sina Gina at Mutya ay baby sisters pa
rin ang turing niya sa dalawa, paano pa kaya si Hiyas?
At ngayon, kung kailan nasanay na siya
sa pamumuhay nang mag-isa rito sa Maynila ay saka naman siya biglang padadalhan
ng bata na kailangan niyang i-babysit. Nakakainis.
Apat na taon na siyang nag-iisa.
Noong una, noong sabay-sabay na umalis
ang kanyang mga magulang at kaisa-isang kapatid para manirahan sa Estados
Unidos, lungkot na lungkot siya.
Isinasama naman talaga siya ng mga ito.
Siya ang umaayaw. Paano’y naitatag na niya noon ang kanyang dream project – ang
Millennium Advertising. Hindi niya iyon puwedeng iwan.
Kahit noong estudyante pa lang siya ng
Fine Arts sa UP, binubuo na niya sa kanyang isip ang Millennium Advertising.
Kung paanong magiging kaiba ito sa mga tradisyunal na advertising agencies. Magiging
unconventional. Abante sa lahat ng bagay. Mapanlikha. Walang mga ideyang
de-kahon.
Nang makapagtapos ay nagtrabaho muna siya
nang sandali sa ibang advertising agency. Kumuha ng karanasan. Nagtatag ng mga
contact.
Pagkaraan ng tatlong taon ay handa na si
GM na itayo ang sariling kompanya. Ang pondo ay nagmula sa perang minana niya
sa yumaong Lolo’t Lola.
Kasabay ng pagtatatag ng Millennium
Advertising ay nagturo siya sa College of Fine Arts at College of Mass
Communications sa UP. Iyon ang kanyang paraan para manatiling nakatutok sa
pulso ng mga bagong-sibol na talento sa larangan ng sining, paglikha at
komunikasyon. At para rin may direkta siyang mapagkukunan ng mga bagong recruit
para sa kanyang kompanya. “The best and the brightest” ang kanyang gustong
makasama.
Ngayo’y isa na nga sa pinaka-abanteng
advertising agencies sa bansa ang Millennium Advertising. Gayunpama’y sadya
niyang pinanatiling maliit lang ang kompanya. Naniniwala kasi siyang mas
mapapanatili rin nila ang kalidad ng kanilang trabaho sa ganoon.
At patuloy pa ring nagtuturo sa
pamantasan si GM.
Nakasanayan na niya ang kanyang
partikular na lifestyle.
Nakatira siya sa condominium sa Ortigas
Center na maaaring lakarin mula sa Hexagon Towers kung saan naroon ang
tanggapan ng kanyang kompanya.
Dalawang residential units sa iisang
palapag ang binili niya sa condominium. Ipina-renovate niya ang mga iyon para
mapag-isa. Nasisikipan kasi siya sa isang unit lang. Gusto niyang magkaroon ng
maluwang na silid-tulugan na maaari niyang paglagyan ng kanyang mga fitness
equipment, isang guest room at isang library na maaari rin niyang gamitin
bilang art studio.
Mag-isa siyang nakatira roon. Mayroon
lang siyang katulong na dumarating nang tatlong araw sa bawat linggo para
maglinis, maglaba’t mamalantsa. Binigyan na niya ng sariling susi si Manang
Thelma para makalabas-pasok sa unit kahit wala siya roon. Panatag ang loob niya
palighasa’y dati naman nila itong katiwala sa bahay nila sa Greenhills.
Hindi na siya nalulungkot sa pag-iisa
niya ngayon.
Minsan lang niyang nadalaw ang mga
magulang at kapatid sa Estados Unidos – dalawang taon na ang nakakaraan. Kung
tutuusin, masasabing siya pa nga ang dinalaw ng mga ito sa pagkakataong iyon.
May dinaluhan kasi siyang international
advertising conference sa San Francisco. Tinawagan niya sina Marina at sinabing
hindi na niya magagawang pumunta pa sa Chicago mula roon dahil kailangan niyang
umuwi agad sa Manila pagkatapos ng komperensiya. May naghihintay na project na
minamadali ng kliyente. Tuloy, sina Marina, Gerry at Gina na lamang ang lumipad
sa San Francisco para makasama siya nang kahit sandali.
Magmula noo’y nagkakasya na lang siya sa
mga regular na pagtawag ng tatlo sa telepono. Ang pananabik niya sa mga ito ay
napupunuan na ng kanyang obsesyon sa pagpapaunlad sa kanyang kompanya.
Hindi naman pera ang habol ni GM sa
pagpupursige niyang maging pangunahing advertising agency ng bansa ang
Millennium Advertising. Ipinanganak na siyang may-kaya at para sa binata’y
instrumento lang ang pera para maipatupad ang tunay niyang hangarin – ang
mabigyan ang mga propesyunal na kabataang Pilipino ng pagkakataon para higit
pang mapaunlad ang kanilang pagkamalikhain at iba pang kakayahan sa larangan ng
advertising.
Naniniwala si GM na world class ang
galing ng Pilipino. Ang pangarap niya’y gawing pang-international ang serbisyo
ng Millennium Advertising, kasabay ng mga multinational advertising agencies.
Ayon sa kanya, kung nagagawa ng mga
advertising agencies sa Singapore at Japan na makakuha ng international clientele
at makapaglabas ng ads sa iba’t ibang bansa sa First World, kaya rin iyong
gawin ng isang lokal na Pilipinong advertising agency.
Kaisa niya sa paniniwala’t hangaring ito
ang buong staff ng Millennium Advertising.
Pero ang pinakamalapit sa kanya ngayon
ay si Krizha – ang kanilang executive vice president.
Naalala ni GM, kailangan nga pala niyang
tawagan ang dalaga. Agad niyang dinampot uli ang telepono.
“Hi, Krizh,” sabi niya nang sumagot na
ang dalaga.
“O, GM, how did it go?” tanong agad
nito.
Ang presentation niya kanina sa kliyente
ang tinutukoy ni Krizha.
“I think they were impressed,” sagot
niya. “Siyempre, hindi pa nagbitiw ng commitment. Pag-uusapan daw muna. Pero
nangako silang magbababa ng desisyon bukas. They’ll call us.”
“Well, we did our best,” sabi ng dalaga.
“Palagay ko, maaaprubahan iyon. Kinabahan lang ako nang kaunti noong hindi ka
agad tumawag. Akala ko tuloy, na-disapprove ang project at nagpapakalunod ka na
sa frustration in some bar – at hindi mo ako isinama.”
“Sorry kung nag-worry ka,” agad na salo
ni GM. “Tumuloy kasi ako sa gym. Then nagpa-shiatsu. Pag-uwi ko naman dito,
kalalabas ko pa lang sa banyo nang tumawag si Mama. Kabababa ko nga lang ng
telepono nang maalala kong tatawagan nga pala kita.”
“So, ngayong nakatawag at nakapagkuwento
ka na, puwede na akong matulog nang mahimbing,” sagot ni Krizha.
Tumawa si GM.
“You do that,” sabi niya. “Pareho tayong
kulang na kulang sa tulog. We deserve to rest.
“Okay, good night,” paalam ng dalaga.
“Good night, Krizh,” sagot ng binata.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento