Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Sabado, Abril 15, 2023

Abakada ng Pag-ibig: IRENE Chapter 2

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 2

TAKOT pa si Irene na magmaneho nang sampung oras sa rutang hindi niya kabisado patungo sa lugar na hindi pa niya nararating kailanman. Nag-bus na lamang sila nina Lola Fe at Yaya Belen patungong Paraiso.

        Aircon ang bus na kanilang sinakyan. May toilet pa at may palabas na pelikula. Sabi nga ni Yaya Belen, “parang eroplano!”

        Sampung oras ang biyahe, sa direksiyong patungong Aparri. Maayos naman ang daan at napakaganda ng tanawing nadaraanan.

        Tatluhan ang kanilang kinuhang upuan. Nasa tabi ng bintana si Irene. Nasa gitna si Lola Fe. Nasa tabi naman ng center aisle si Yaya Belen.

        “Ngayon lang ako bibiyahe patungo sa direksiyong ito,” sabi ng katiwalang taga-Quezon.

        “Ako rin naman, e,” sagot ni Irene. “Actually, ngayon pa lang talaga ako malalayo sa Metro Manila. Pinakamalayo ko na yatang biyahe iyong papunta sa beach sa Ternate, Cavite kapag summer. Kahit Baguio, hindi ko pa napupuntahan.”

        “Mabuti naman at ang una mong biyahe ay pauwi sa Paraiso,” sabi naman ni Lola Fe. “Siguro nga, panahon na para maikuwento ko sa iyo ang lahat ng tungkol sa pamilya natin sa Paraiso.”

        “Sige nga, Lola,” sagot ng dalaga. “Wala ka pang naikukuwentong masyado sa akin, kahit tungkol kina Mommy at Lolo Amon.”

        “Sisimulan ko sa akin,” pagbibigay ni Lola Fe. “Alam mo nang Maria Esperanza ang pangalan ng Mama ko at si Bienvenido Moral naman ang Papa ko – ang iyong Lola Esper at Lolo Bien.”

        Tumango si Irene.

        “Pareho silang taal na taga-Paraiso,” pagpapatuloy ni Lola Fe. “Teacher sa elementarya si Mama. Biyahero naman si Papa – trader ng kung anu-anong dry goods na kinukuha niya rito sa Maynila para ibenta sa bayan. Minana pa niya ang negosyong iyon mula sa kanyang mga magulang.”

        Napataas ang kilay ni Irene.

        “Uso na rin pala ang biyahero noong araw,” sabi niya. “Maynila nga lang ang pinagkukunan ng goods sa halip na abroad.”

        “Bihira kasi talaga ang lumalabas mula sa Paraiso, liban sa mga negosyanteng biyahero,” paliwanag ni Lola Fe. “Bale sila na ang pinaka-link ng bayan sa Maynila.”

        “Kaya siguro hindi ka na nagkaroon ng kapatid, ano, Lola?” panunukso ni Irene. “Palaging nasa biyahe si Lolo.”

        Nangiti lang ang matanda.

        “Kami rin naman ng Lolo Amon mo, iisa ang naging anak kahit na laging magkasama,” sagot nito. “Pareho kaming nagtatrabaho noon sa eskuwelahan sa Paraiso. Principal siya ng high school department. Teacher ako.”

        Ang asawa nitong si Ramon Gracioso ang tinutukoy nitong ama ng kaisa-isang anak.

        “Bakit nga pala ganoon, Lola?” tanong ni Irene. “Bakit iisa ang anak ninyo? Hindi naman uso ang family planning noong araw, hindi ba?”

        Nagkibit-balikat ang matanda.

        “Ewan ko,” sagot nito. “Basta’t minsan lang ako pinalad na magdalantao. Pareho ni Mama. Tulad din ng naging kapalaran ni Cari.”

        Natigilan si Irene.

        Gusto sana niyang sabihing iba naman ang kaso ng kanyang ina. Namatay ito kaya’t hindi na muling nagkaroon ng pagkakataong magkaanak pa. Pero hindi na lang siya kumibo ng tungkol sa bagay na iyon.

        “Paanong napunta sa Maynila si Mommy, Lola?” tanong na lang niya. “May mga biyahero pa ba sa pamilya noon?”

        Umiling si Lola Fe.

        “Kaisa-isang lalaki si Papa sa pamilya nila at lalaki lang ang pinapayagang maging biyahero kaya wala nang ibang biyahero sa pamilya liban sa kanya,” sagot nito. “At hindi na rin inabot ni Cari si Papa. Dalaga pa ako nang magkasakit sa baga ang Lolo Bien mo, na ikinamatay niya within a year.”

        “Bakit parang maagang namamatay ang mga lalaki sa pamilya natin?” tanong ni Irene. “Si Lolo Amon din, bata pa nang atakihin sa puso, hindi ba?”

        “Forty-one lang siya noon,” tango ni Lola Fe. “Fourteen pa lang si Cari at nasa second year high school. Kaya nga siguro walang takot si Caridad na maglayas noong maka-graduate sa high school. Naging mahina akong impluwensiya sa buhay niya.”

        “Lola...” parang pagtanggi ni Irene.

        Umiling si Lola Fe.

        “It’s okay, anak,” sabi nito. “Natanggap ko na ang katotohanang ito. Naging malambot ako kay Cari magmula noong dadalawa na lang kami sa buhay. Noong mga panahong nagpapakita na siya ng pagkabalisa at pagkabagot sa pananatili sa Paraiso, wala akong nagawa. Kahit nga noong maglayas siya at sumama sa mga kaklase patungong Maynila, ipinagdasal ko na lang na maabot niya ang kanyang mga pangarap na gustong makamtan sa lunsod. Ni hindi ko nagawang magalit kahit nagkadurug-durog na ang puso ko sa sama ng loob at pag-aalala.”

        “Kung lumayas siya right after high school, sixteen pa lang siya noon,” parang hindi makapaniwalang sabi ni Irene.

        Tumango si Lola Fe.

        “Limang taon siyang nawala,” sagot nito. “Sumusulat siya paminsan-minsan. Usually, card lang pag Pasko o birthday ko. Walang return address. Basta maayos daw ang kalagayan niya. May trabaho raw siyang maganda. Huwag daw akong mag-alala. Pag-uwi raw niya ay maipapakita niya kung gaano na siya umasenso.”

        “Pero ang totoo...?” tanong ni Irene.

        Huminga muna nang malalim si Lola Fe bago sumagot.

        “Nalaman ko lang ang ilang bahagi ng buhay niya sa pamamagitan ni Robert. Pero ang alam lang din ni Robert ay hanggang isang taon bago ka ipanganak – magmula lang noong magkakilala sila. Before  that, walang nakakaalam kung saan siya napadpad. Wala na akong nakilalang nakasama niya. Hindi na rin kumontak pa sa Paraiso ang mga kasamahan niyang naglayas noong araw.

        “Ang sabi ni Robert, na-discover si Cari ng talent scout ng isang producer habang nagmo-model sa bold na fashion show. Nagandahan sa kanya kaya inalok siya na mag-artista. Bit-player lang at bold roles din. Pumayag naman daw agad. At saka noon pang mga panahong iyon, hooked na raw sa drugs ang Mommy mo. Wala na talagang pakialam sa buhay.

        “First movie niya iyong nakasama niya sina Robert at Laila. Sadya raw na inakit niya si Robert. Matagal na raw kasi siyang fan ni Robert Bauzon. Naniniwala ako roon kasi wala namang record si Robert na babaero. Before that, faithful siya kay Laila kahit napapaligiran ng temtasyon. Pero sa Mommy mo, natangay si Robert. Nahatak na rin pati sa drugs. Alam mo na ang nangyari pagkatapos niyon. Ang ipinagpapasalamat ko lang sa Diyos ay hindi ka naapektuhan ng mga ginamit niyang drugs habang nagbubuntis.”

        “Sayang,” iling ni Irene. “Hindi ko man lang siya nakilala. At hindi man lang siya nagkaroon ng pagkakataon na magbagong-buhay.”

        “Hanggang ngayon, masakit pa rin sa akin ang nangyari sa Mommy mo,” amin ni Lola Fe. “Kaya nga ibinuhos ko na lang sa iyo ang natitira ko pang panahon dito sa mundo. Sa iyo ako bumabawi, anak. Ikaw na lang ang pinakamahalaga sa akin.”

        “Ikaw rin ang pinakamahalaga sa akin, Lola,” masuyong sagot ni Irene. “Pero hindi ko naman ipagkakait sa iyo ang mga kamag-anak natin sa Paraiso. Alam ko namang dahil wala ka ring kapatid, very close ka sa mga first cousins mo roon.”

        “Tatlo lang kaming magpipinsan,” sagot ni Lola Fe. “Sa parte iyon ni Mama. Ang dalawa kasing kapatid na babae ni Papa ay parehong namatay na matatandang dalaga kaya wala akong first cousins sa parte niya.”

        “Ay, how sad naman,” sabi ni Irene. “Kakaunti lang pala ang clan natin.”

        “Dadalawa lang din na magkapatid sina Mama,” paliwanag pa ni Lola Fe. “Siya – ang Lola Esper mo – at si Randolfo – ang iyong Lolo Andoy. Anak sila nina Irenea at Rodolfo Castillo – sina Lola Irenea at Lolo Dolfo. Kay Lola Irenea ka ipinangalan.”

        Umilaw ang mga mata ni Irene.

        “Wow! Ipinangalan ako sa lola ng lola ko,” sabi niya. “That sounds romantic. At bahay nila ni Lolo Dolfo ang pupuntahan natin, ganoon ba?”

        Tumango si Lola Fe.

        “Namatay si Lola Irenea sa panganganak kay Mama,” patuloy na pagkukuwento nito. “Namatay naman si Lolo Dolfo noong binata’t dalaga pa lang sina Mama at Tiyo Andoy. Kaya napagkasunduan nilang doon na rin sa bahay na iyon magsama-sama kahit nang makapag-asawa na silang magkapatid.”

        “Kaya doon ka rin sa bahay na iyon lumaki, Lola,” sapantaha ni Irene.

        “Kasama ng mga pinsan kong sina Padre Simon at Ado,” tango ng matanda.

        “Padre Simon?” pagtataka ni Irene.

        “Namatay na siya bago ka pa ipinanganak,” paliwanag ni Lola Fe. “Missionary priest siya na assign sa Mindanao. Pero minsang bumibiyahe siya, lumubog ang barkong sinasakyan niya. Forty-two lang siya noon.”

        “Matanda siya sa iyo, Lola?” tanong ni Irene.

        “Dalawang taon lang,” sagot ni Lola Fe. “Si Ado naman, mas bata sa akin nang dalawang taon. Para nga kaming magkakapatid. Noong mamatay si Padre Simon, dadalawa na lang kami ni Ado.”

        “Nagsama-sama na rin kayo sa bahay na iyon kahit noong nakapag-asawa na kayo ni Lolo Ado,” hula ni Irene.

        “Ganoon na nga,” sagot ni Lola Fe. “Kasundung-kasundo ko naman ang asawa ni Ado na si Lorena palibhasa teacher din siya. Malaking tulong sila sa akin lalo na nang maagang mamatay ang Lolo Amon mo.”

        “So ngayon, ang naiwan na lang sa lumang bahay ay si Lolo Ado at si Lola Lorena,” sabi ni Irene.

        Muling tumango ang matanda.

        “Kasama ang tatlong anak nila – sina Rodie, Ronnie at Lorraine,” sagot nito. “Mga tiyo at tiya mo sila, kung tutuusin. Pero mas bata pa sa iyo nang dalawang taon si Lorraine. Sina Ronnie at Rodie naman, kakaunti lang ang itinanda sa iyo. Mga apat na taon lang yata si Ronnie noong  ipinanganak ka. Si Rodie naman, mga grade three noon. Matanda na kasi si Ado nang mag-asawa. Thirty-six na. Ako naman, twenty-six lang nang nag-asawa. Pagkatapos, maaga ring nagkaanak ang anak kong si Cari. Kaya hayan, nagpang-abot na kayo ng mga tito at tita mo.”

        “Parang magpipinsan lang pala kami,” natutuwang sabi ni Irene. “Mabuti naman at may mga kaedad pa rin ako sa pamilya.”

        “Hindi ko pa nga nakikita itong bunsong si Lorraine,” pagkukuwento ni Lola Fe. “Ipinagbubuntis pa siya ni Lorena nang mamatay si Mama. Kabuwanan na nga yata ni Lorena noon, e. Pero hindi ko na inabot ang panganganak niya. Bumalik na agad ako sa Maynila.”

        “Ngayon lang nabuo sa isip ko ang ating family tree,” sabi ni Irene. “Pagdating natin sa Paraiso, isusulat ko ang lahat ng ito. Maganda iyong may dokumento, hindi ba? Para siguradong hindi ko makalimutan at maipasa ko rin sa mga magiging anak ko.”

        “Marami ka pang malalaman sa Paraiso,” sagot ni Lola Fe. “Simula pa lang ito ng napakahabang salaysayin. Pero paunti-unti lang nating tatalakayin.”

        “Oo nga, Lola,” sang-ayon ni Irene. “Baka hindi ko kayang ma-absorb ang lahat kung ibibigay mo sa akin nang isang buhos lang. Mas gusto ko yatang namnamin ang bawat detalye ng ating family history.”

        “O, sige, iidlip na muna ako, anak,” paalam ng matanda.

        “Naku, napagod ka sa kakukuwento,” sagot ni Irene. “Sige lang, Lola. Isandal mo ang ulo mo sa balikat ko.”

        Habang naiidlip ang impo, binalikan ni Irene sa isip ang mga ikinuwento nito. Inilarawan na niya sa sarili kung paanong iguguhit ang kanilang family tree.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento