Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Sabado, Abril 15, 2023

Abakada ng Pag-ibig: IRENE Chapter 3

 FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 3 

ALAS-SAIS y medya ng umaga nang umalis sila ng Maynila. Kalahating oras na humimpil ang bus sa tabi ng isang restaurant dakong pananghalian. Alas-singko ng hapon ay papasok na sila sa arkong nagbabandila ng pangalang “Paraiso”.

        “Ang ganda!” sabi ni Irene.

        Napapalamutian kasi ng buhay na halaman ang arkong sementado. Mga gumagapang na halamang berdeng-berde ang nakapaikot sa mga letrang pininturahan naman ng pulang-pula.

        Pero ang ipinagtaka ng dalaga ay ang kasunod na ideyang pumasok sa kanyang isip na awtomatikong binigkas ng kanyang bibig.

        “Bago itong arkong ito, ano?”

        Napatingin sa kanya si Lola Fe.

        “Nakamulatan ko na ang arkong ito,” sagot ng matandang nakakunot ang noo. “Dalaga pa raw si Mama nang itayo ito. Bago iyon, kawayan pa lang ang arko rito.”

        “Oo nga naman, Irene, mukha ngang antigung-antigo na ang arko,” sabi ni Yaya Belen. “Ano ka ba naman?”

        Hindi rin talaga maintindihan ni Irene kung saan nagmula ang ideya niyang iyon.

        “Nagkamali lang yata ang dila ko,” pagtatakip na lang niya. “Antigo nga ang ibig kong sabihin.”

        Hindi na kumibo si Lola Fe pero napansin ni Irene na parang nabahala ito sa kanyang “pagkakamali”.

        Sinubok na lang niyang libangin ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagpanood sa mga tanawin sa Paraiso. At doon niya muling naramdaman ang pangingilabot.

        Hindi niya maintindihan kung bakit parang kilalang-kilala niya ang mga tanawing kanyang nakikita. Ang makukulay na bulaklaking halamang ligaw na nagkalat sa gilid ng daan. Ang mga matingkad na fire trees.

        Iyong lumang-lumang bahay na bato na iyon. Parang nakikita niyang may sayawan sa maluwang na salas ng bahay na iyon – pero isang sinaunang sayawan. Iyong panahon pa ng Kastila.

        At iyong tore na iyon ng kampana ng simbahan – bakit ganoon na kaluma ‘yon? Parang nakikita niya sa kanyang isip na bago pa iyon at napakalinis.

        Maging ang simbahan – bakit sira na ang bato sa ilang bahagi? At may mga nabago. May mga nadagdag yata. Hindi iyon ganoon noon.

        Pinanindiganng balahibo si Irene. Bakit ganito? Bakit para siyang may mga nakikita sa kanyang guni-guni? Bakit sa pakiramdam niya’y para iyong mga malinaw na alaala?

        Hindi pa siya kailanman nakakatuntong sa bayang ito. Mismong si Lola Fe na nga ang nagsabi – kahit bilang sanggol ay hindi siya nadala rito. Kaya imposibleng may maalala siya tungkol sa Paraiso.

        Isa pa’y ang mga larawang nasa kanyang guni-guni ay hindi mga larawan ng kanyang panahon. Panahon pa ng Kastila ang mga iyon.

        Mismong sa daang binabagtas nila ngayon ay parang may naaalala siyang mga karosang hila ng mga kabayo. At ang mga babaing nakasakay sa mga karosang iyon ay nangakasuot ng baro’t saya.

        Ipinilig ni Irene ang kanyang ulo. Masyado yata siyang naapektuhan ng nasabi ng kanyang Kuya Bobby na magandang maging setting ng isang period film ang Paraiso.

        Oo nga. Baka iyon na nga iyon. Lalo pa dahil kapapanood lang niya ng pelikulang Jose Rizal ni Marilou Diaz Abaya. Napakagaling ng production design ng pelikulang iyon. Napakagaling din ng mga artista. Ma-in-love-in-love nga siya kay Jose Rizal sa katauhan ni Cesar Montano. Kaya siguro dumikit nang husto sa kanyang isip ang mga eksenang panahon pa ng Kastila.

        At sa ganitong lugar na sadyang malayo sa kabihasnan at napakaganda ng natural na kapaligiran, hindi malayong gumana nang husto ang kanyang imahinasyon. Ini-imagine na tuloy niya ang kanyang sarili na nabalik sa panahong iyon. O nagmula sa panahong iyon.

        Nagugulo na uli ang isip ni Irene kaya ibinaba niya ang kanyang mukha sa dalawang palad.

        “Irene, bakit?” nag-aalalang tanong ni Lola Fe.

        “W-wala, Lola,” sagot ng dalagang agad ding nagtaas ng paningin. “Medyo nahilo lang ako. Sa haba siguro ng biyahe.”

        “Parating na tayo sa terminal,” sabi ng matanda. “Sandali na lang ito.”

        “Okey na ako, Lola,” sabi niya. “Lumipas din naman agad, e.”

        “Kung sino pa ang pinakabata, ikaw pa ang nahilo,” kantiyaw ni Yaya Belen. “Aba’y mas matibay pa pala kami ni Lola Fe kaysa sa iyo, Irene.”

        “Oo nga yata, Yaya,” pagpapatianod na rin ng dalaga.

        Pumasok na ang bus sa terminal.

        “Hayaan ninyong mauna sa pag-ibis ang ibang pasahero,” sabi ni Lola Fe sa dalawang kasama. “Huwag tayong makipagsiksikan sa pagbaba.”

        Ganoon nga ang ginawa nila kaya silang tatlo ang pinakahuling umibis mula sa bus.

        Naghihintay na sa kanila ang isang grupo – mag-asawang matanda, dalawang lalaki at isang dalaga. Hindi na kinailangang hulaan ni Irene na ang mga iyon na ang kanyang Lolo Ado, Lola Lorena, at ang mga tiyuhin at tiya niyang sina Rodie, Ronnie at Lorraine.

        Agad ngang sinalubong ng mag-asawang matanda si Lola Fe.

        “Ate Fe,” sabi ng matandang lalaki.

        “Ado!” tuwang-tuwa namang sambit ni Lola Fe. “Naku, wala ka nang buhok.”

        At tumawa nang tumawa ang matandang babae. Maligayang-maligaya.

        “Ang Ate talaga,” nakangiti namang sagot ni Lolo Ado. “Akala mo, hindi siya tumatanda.”

        “Maganda pa rin naman kasi si Ate, kahit after twenty years,” sabi naman ni Lola Lorena.

        “Ay, naku, kakampi pa rin kita hanggang ngayon, Lorena,” sabi ni Lola Fe na niyayakap ang asawa ng pinsan. “Pero ikaw nga itong hindi tumatanda. Napaghahalata tuloy lalo na sampung taon ang agwat ninyo nitong si Ado.”

        “Puti na rin ang buhok ko, Ate,” paalala ni Lola Lorena. “Fifty-nine na ako. Malapit na nga akong mag-retire sa pagtuturo.”

        “At seventy-one naman ako next month,” parang pagmamalaki pa ni Lola Fe. “Pasalamat tayo na heto’t malusog at masigla pa rin tayong tatlo nang muling magkita-kita.”

        “I agree, Ate, I agree,” tango ni Lolo Ado. “Teka, ito ba si Irene?”

        Bumaling ang pansin ng matandang lalaki sa kanya.

        Ngumiti si Irene.

        “Good afternoon po,” sabi niya bago kinuha ang kamay nito para magmano. “Mano po, Lolo Ado.”

        “Kaawaan ka ng Diyos, anak.”

        Nagmano rin siya kay Lola Lorena.

        “Kaawaan ka ng Diyos,” sabi rin ng matandang babae.

        “Ito na nga si Irene,” sabi ni Lola Fe. “Irene, heto naman ang iyong Tito Rodie, Tito Ronnie at Tita Lorraine.”

        “Tita Fe naman!” reklamo agad ni Rodie. “Kuya Rodie na lang.”

        “Oo nga po,” sang-ayon ni Ronnie. “Kuya Ronnie na lang din.”

        “At ako po, Lorraine na lang,” pahabol ng dalaga.

        Muling humalakhak nang pagkalutung-lutong si Lola Fe.

        “Sinusubukan ko lang kayo,” sagot nito. “Talaga namang halos kaedad lang ninyo itong si Irene. She’s only twenty-three.”

        “O, e, twenty-one lang po ako,” parang pagpoprotesta pa rin ni Lorraine.

        “Matanda pa nga pala ako sa iyo,” nakangiting sabi ni Irene sa kanyang “tiyahin”.

        Napuna niya agad na napakaganda nito. Kung siya ay tinagurian nang mestisa, mas lalo pa ito. Bumagay pang lalo ang buhok nitong kulay buhok ng mais. Mas light-colored pa kaysa sa kanyang buhok na natural na brown.

        “Itong sina Rodie at Ronnie and talagang mas matatanda,” kantiyaw ni Lorraine sa mga kapatid. “Thirty-two na si Rodie. Twenty-seven naman si Ronnie. Mga matatandang binata na.”

        “Sus, hindi pa matanda ‘yon,” salo ni Irene. “Mas tama sigurong tawagin silang very eligible bachelors.”

        “A, magkakasundo tayo, Irene,” tumatawang sagot ni Rodie.

        “Oo nga,” nakangiting tango naman ni Ronnie. “I like you, Irene.”

        “Finally, may makakasama na rin akong girl,” nakangiti ring sabi ni Lorraine. “Sana, noon ka pa bumisita rito.”

        “Oo nga, e,” sang-ayon ni Irene.

        “Nasa tiyan pa kita noong huling umuwi rito ang iyong Tita Fe, Lorraine,” paliwanag ni Lorena. “Hindi na siya nakabalik kaya hindi na niya naisama dito si Irene.”

        “Kaya ngayon pa lang tayo nagkita, iha,” dugtong ni Lola Fe. “Ang ganda-ganda mo pala, Lorraine. Mabuti na lang, nagmana ka sa Mama mo.”

        Napabungisngis si Lorraine.

        “Mapagbiro ka pa rin, Tita Fe, tulad ng natatandaan ko,” sabi ni Rodie. “Ikaw ang madalas kong kalaro noon ng sungka kaya na-miss kita noong tumira ka sa Maynila.”

        “Ganoon ba?” nakangiting sabi ni Lola Fe.

        “Kaya minadali ako ni Kuya na lumaki, para may makalaro siyang iba,” sabi naman ni Ronnie. “Hindi pa ako nag-aaral sa eskuwela, tinuruan na akong maglaro ng sungka.”

        “Kaya naman naging magaling ka sa Math,” sagot ni Rodie. “Mental math pa. Paano, nandadaya ka noon at binibilang mo sa tingin ang mga sigay.”

        Aliw na aliw si Irene sa pagmamasid at pakikinig sa masayang biruan ng mag-anak. Gulat din siya sa biglang pag-iiba ng personalidad ng kanyang Lola Fe. Ngayon lang niya ito narinig na humahalakhak nang ganoon kalutong at makipagbiruan nang ganoon kagaan. May itinatago rin palang mababaw na kaligayahan ang kanyang lola.

        Sa maikling sandaling nakasama nila ang pamilyang taga-Paraiso, naramdaman agad ni Irene ang malalim na kaugnayan ng kanyang Lola Fe sa mga taong ito. Naging malinaw agad sa kanya kung gaano kaganda ang iniwang buhay ng kanyang lola sa bayang ito para lang masamahan siya sa Maynila.

        Buong akala niya ay kilalang-kilala na niya ang kanyang Lola Fe. Hindi pa pala. Tulad ng nabanggit na nito sa kanya, kayrami pa niyang matututunan dito sa Paraiso.

        Mayamaya ay ipinakilala ni Lola Fe sa grupo si Yaya Belen. Malugod namang binati ito ng lahat.

        “O, tayo na sa bahay,” sabi ni Lolo Ado pagkatapos. “Makapagpahinga na kayo’t maaga kong ipinahahanda ang hapunan.”

        “Kukunin lang namin ang mga bagahe nila para maikarga sa likod ng van, ‘Pa,”  sabi ni Rodie. “Sumakay na kayo.”

        Tinungo na ni Lolo Ado ang kinaroroonan ng van. Sumunod silang lahat.

        Naglalakad sila sa tapat ng isang tindahan ng mga pataba nang may makaagaw sa pansin ni Irene.

        Ewan kung bakit napatingin siya uli sa nakatalikod na lalaking iyon. Matangkad. Malapad ang balikat. Matipuno ang pangangatawan sa suot na puting t-shirt na walang kuwelyo at pantalong maong.

        May sumikdo sa puso ni Irene. Tuwa. Para bang may nakita siyang taong kaytagal na niyang pinananabikan. Isang taong kaytagal na niyang hinihintay.

        Natigil siya sa paglalakad.

        Sa mismong saglit na iyon ay lumingon ang lalaki na para bang tumutugon sa isang tawag.

        Nagtama ang kanilang paningin.

        Sabay silang nangiti. Malapad. Tigib ng tuwa’t pagkagulat.

        Sabay rin silang humakbang nang pasalubong sa isa’t isa.

        “Irene!” tawag ni Lolo Ado.

        Malakas ang boses ng matandang lalaki. Hindi lang tumatawag. Mas pumipigil. Sumasaway.   

Napahinto si Irene. Nilingon niya ang matandang lalaki.

        “Tayo na, Irene,” pormal nitong utos.

        Nalito ang dalaga.  Bakit siya pinipigil ng kanyang lolo?

        Muli niyang hinarap ang lalaking nakatawag ng kanyang pansin. Gusto niyang ipakilala ito sa kanyang pamilya. Biruin mong dito pa sila muling magkita?

        Pero pagharap ni Irene ay nagulat siya sa kanyang nakaharap. Hindi niya kilala ang lalaking ito. Isang ganap na estranghero.

        Nakatingin sa kanya ang lalaki nang bahagyang nakakunot ang noo. Parang naguguluhan din sa pangyayari.

        Namula nang husto ang dalaga. Nataranta.

        Unti-unti siyang umatras. Kumakabog ang dibdib. Paatras siya nang paatras hanggang makabalik sa piling ng kanyang pamilya.

        “A... I’m sorry,” nagkakandautal na sabi niya sa mga kasama. “A... akala ko kasi... akala ko, kilala ko siya...”

        Nakita niyang matalim ang titig ni Lolo Ado sa lalaki.

        “N-nagkamali lang po ako, Lolo,” paliwanag ni Irene. “Napagkamalan lang namin ang isa’t isa.”

        “I’m sorry...” sabi rin ng lalaki na kay Lolo Ado na nakatingin. “Akala ko rin kilala ko siya...”

        Mababa ang boses nito. Malamig sa pandinig. Suwabe.

        Hindi ito sinagot ng matandang lalaki. Sa halip ay bumalik ito sa sariling pamilya.

        “Tayo na,” pormal na utos nito.

        Lumakad na muli ang lahat patungo sa van na nakahimpil sa di-kalayuan.

        Nakatungo si Irene habang naglalakad. Hiyang-hiya pa rin.

        Sino ba sa akala niya ang lalaking iyon? Ngayong inaanalisa niya ang pangyayari ay wala naman siyang maisip na lalaking kakilala na maaaring ipagkamali sa lalaking iyon. Lalo pa’t ganoon na lang ang nadama niyang excitement kanina. Para bang gusto na niya itong sugurin ng yakap.

        Aba’y wala naman siyang kakilalang lalaki na maaari niyang gawan ng ganoon. Mismong ang Kuya Bobby niya ay hindi naman niya nami-miss nang ganoon katindi.

        At bakit parang ganoon din ang unang reaksiyon ng lalaki sa kanya? Noong unang magtama ang kanilang mga paningin, kitang-kita rin niya ang pagkagulat, malalim na tuwa’t pananabik nito.

        Kung hindi siya naawat ng tawag ng kanyang Lolo Ado, malamang ay nag-abot nga sila ng lalaking iyon ng yakap.

        Mabuti na lang pala at naawat siya. Diyos ko, kung nagkataon... mas malaking kahihiyan!

        Sino naman kaya siya sa akala ng lalaking iyon? Sino kaya ang babaing pinananabikan ng lalaking iyon nang ganoon na lang?

        Masuwerteng babae, naisip niya. Masarap pala ang pakiramdam ng pinananabikan nang gano’n – kahit napagkamalan lang. Paano pa kaya kung totoo na?

        Sayang. Wala pa kasi siyang boyfriend kaya hindi pa niya nararanasan ang ganoon.

        Muling bumalik ang kanyang alaala sa estrangherong iyon. Guwapo pala. At ang lakas ng personalidad. Kung nagkakilala na sila noon ay siguradong hindi niya iyon makakalimutan – at hindi maipagkakamali sa kung sino lang.

        Naisip niya, ganoon ang tipo ng lalaki na gusto niyang maging boyfriend. Iyon ay kung hitsura lang ang pag-uusapan. Hindi naman kasi niya kilala ang ugali ng lalaking iyon – kung matalino ba iyon at may sense of humor. Kung makakasundo ba niya.

        Sino kaya ang estrangherong iyon?

        “Si Ding Amores ‘yon,” pabulong na sabi ni Lorraine sa kanya.

        Napakislot si Irene. Para kasing nabasa ni Lorraine ang katanungan sa kanyang isip.

        Lalo pang dumikit sa kanya ang batambatang tiyahin.

        “Iyong lalaki sa tindahan,” paliwanag nito, “si Ding Amores ‘yon. Arcadio Amores III. At sa lahat naman ng lalaki sa Paraiso, kung bakit iyon pa ang napagkamalan mong kakilala. Na-high blood tuloy si Papa. Paano, ilang henerasyon nang magkaaway ang pamilya Castillo at pamilya Amores.”

        “Castillo?” kunot-noong ulit ni Irene.

        “Castillo,” ulit din ni Lorraine. “Kami. Tayo. Castillo ka rin. Nag-iba-iba lang ang mga apelyido ninyo dahil panay babae ang linya ninyo sa pamilya – mula kay Lola Esper, kay Tita Fe, kay Ate Cari at hanggang sa iyo.”

        “Oo nga pala,” sagot ni Irene. “Pasensiya ka na sa akin, ha? Ngayon ko lang kasi nalaman ang tungkol sa ating family tree. Kanina lang ikinuwento sa akin ni Lola Fe, sa biyahe.”

        “So hindi mo pa pala alam ang tungkol sa ating family feud,” sabi ni Lorraine. “May sarili tayong version ng Romeo and Juliet, alam mo ba? Iyon nga lang, baligtad ang kuwento. Nagsimula sa hindi pagkakatuluyan nina Romeo at Juliet. Iyon ang dahilan ng feud.”

        Naintriga agad si Irene.

        “Ibig mong sabihin, parang pamilyang Montague at Capulet sa Romeo and Juliet ang mga Castillo at Amores?” sabi niya.

        “In a way,” sagot ni Lorraine. “Iyong Lola Irenea kasi natin, may kasintahan noong dalaga pa siya – si Arcadio Amores na lolo naman ni Ding. Kaso, pilit na ipinakasal si Lola Irenea kay Lolo Dolfo. Ang sabi ni Mama, nakamatayan na lang daw ni Lola Irenea na ang true love pa rin niya ay si Carding Amores kahit naging tapat na maybahay siya kay Lolo Dolfo. Dahil doon, galit na galit si Lolo Dolfo kay Carding Amores. Through the years, nanatili na ang galit ng mga lalaki sa pamilya natin sa mga Amores. Lalo pa siguro dahil panay Arcadio Amores din ang pangalan ng bawat henerasyon nila.”

        Pagkatapos ng mahabang pagkukuwento, biglang natigilan si Lorraine. Napatingin kay Irene nang namimilog ang mga mata.

        “Teka...” sabi nito pagkaraka. “Irenea ka rin, hindi ba?”

        Tumango siya.

        “Ipinangalan ako kay Lola Irenea,” sagot niya. “Dinagdagan lang ng Maria.”

        “At ipinangalan naman si Ding sa kanyang Lolo Arcadio,” dugtong ni Lorraine. “Hindi kaya iyon ang dahilan kung kaya...”

        Nakuha agad ni Irene ang ibig nitong sabihin.         “Lorraine...” parang pang-aawat niya sa kausap. “Huwag mong sabihing...”

        Umiling ang babae. Parang natatakot ding ituloy ang iniisip.

        “Hindi,” sabi nito. “Coincidence lang iyon. Huwag mo nang isipin. Tayo na.”

        At binilisan nito ang paglakad patungo sa van.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento