FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 4
“ANO’NG
ginawa ng Amores na iyon, Papa?” pagalit na tanong ni Rodie nang makarating ang
grupo sa van.
“Wala,” si Lola Lorena na ang maagap na
sumagot. “Wala namang ginawa ‘yung tao. Napagkamalan lang siya ni Irene na
kakilala. It was just an honest mistake, that’s all.”
“Akala rin niya, kilala niya ako,”
dagdag pa ni Irene.
“Aba, he should know better,” sagot ni
Ronnie. “Baka naman akala niya e, makakaisa siya sa atin.”
“Kuya...” sabad ni Lorraine. “Wala
namang isyu, e. Huwag ka na ngang gumawa ng gulo.”
“Kakalat-kalat kasi ‘yang Amores na
‘yan,” mainit ang ulo na sabi ni Lolo Ado. “Kahit kailan, kontrabida ang mga
iyan.”
“Tayo na sa bahay, Ado,” agad namang
singit ni Lola Fe. “Walang kabagay-bagay, e.”
Sa daan, pawang nakasimangot pa rin ang
mga lalaki sa pamilya. Masaya namang nagkukuwentuhan sina Lola Fe at Lola Lorena
– halatang pilit na pinagagaan ang sitwasyon.
Panay ang sulyap ni Lorraine kay Irene.
Nakaguhit ang pagkabagabag sa mukha nito.
Siya naman, lalong naguguluhan.
Kung kanina sa bus, natuwa lang siya na
malamang ipinangalan siya sa lola ng kanyang lola, ngayo’y malalim nang
pagkaintriga ang kanyang nadarama.
May kaugnayan ba ang kanyang pagiging
kapangalan ni Lola Irenea sa pangyayaring naganap sa kanya kanina?
May kaugnayan din kaya sa lahat ng ito
ang mga kakaibang pangitaing naranasan niya kaninang papasok pa lang siya sa
bayang ito?
May misteryo ba siyang dapat tuklasin
dito sa Paraiso? O baka naman over-acting lang ang kanyang imahinasyon?
Humimpil ang van sa harap ng isang
malaki at lumang-luma nang bahay na bato. Pag-ibis ni Irene ay napagmasdan niya
ang kabuuan niyon.
At agad siyang nilukob ng malalim na
kalungkutan, kasabay ng pakiramdam na kilala niya ang bahay na iyon.
Pero bakit ganoon? Paano niyang
makikilala ang isang bahay na ngayon lang niya nakita?
“Ay, ang ganda-gandang bahay,” manghang
sabi ni Yaya Belen. “Antigo.”
Napansin ni irene na seryoso siyang
pinagmamasdan ng kanyang Lola Fe.
Pinilit niya ang sarili na ngitian ito.
“Maganda nga ang bahay ninyo, Lola,”
sabi niya.
Hindi niya idinugtong na hindi niya
maunawaan kung bakit sa kabila ng kagandahan ng bahay ay mabigat ang dating
nito sa kanyang puso.
“Tena kayo sa itaas,” anyaya ni Lola
Lorena.
Pagpasok sa maluwang na bulwagan na
siyang salas ng bahay, unang natambad sa paningin ni Irene ang napakalaking
nakaguhit na larawan ng isang lalaki at isang babae na kapwa
nakadamit-pangkasal. Muli siyang napatigagal sa pagkakatitig sa larawan. Lalo
na sa mukha ng babaing naroon.
“Naku, kamukhang-kamukha mo, Irene!”
malakas na bulalas ni Yaya Belen. “Parang ikaw ang nasa painting na ‘yan.”
Napatingin si Irene kay Lola Fe. Parang
humihingi ng saklolo.
“Si Lola Irenea at si Lolo Dolfo,”
simpleng paliwanag ng matandang babae.
“B-bakit hindi mo nabanggit sa akin na
magkamukhang-magkamukha pala kami?” tanong ni Irene.
“Hindi pa ako sigurado hangga’t hindi
kayo nagkakaharap ng painting na ‘yan,” sagot ng impo. “Baka ‘ka ko
nag-i-imagine lang ako. At saka lately ko lang din naman napansin na kamukha mo
siya – nitong dalagang-dalaga ka na.”
Muli niyang pinagmasdan ang kanyang ninunong
katukayo’t kamukha. Hindi ito nakangiti sa larawan. Pormal at seryoso ang mukha
nito. At sa mga mata nito’y bakas ang malalim na kalungkutan – katulad na
katulad ng kanyang nadama sa pagkakita sa bahay na ito.
Naalala niya ang ikinuwento ni Lorraine.
Napakalungkot pala ng naging buhay ng kanilang Lola Irenea. Nakasuot pangkasal
nga’t katabi ang asawa pero iba naman ang tunay na iniibig at hinahanap-hanap.
Napakasakit siguro ng ganoong sitwasyon.
“Ate Fe, baka gusto na ninyong
magpahinga sa kuwarto,” sabi ni Lolo Ado na parang ibig siyang ilayo sa
larawan.
“Sige nga,” sagot naman ni Lola Fe.
“Tayo na, Irene.”
Iisang silid ang pagsasama-samahan
nilang tatlong bisita. May dalawang kama sa kuwarto – parehong four-poster bed
na may mga kubrekamang ginantsilyo. Sa tabi naman ng dinding ay may iniladlad
na teheras na may kutsong kapok para kay Yaya Belen. Maayos din ang kubrekama
nitong puting-puti.
Naroon na ang kanilang mga bagahe. Nangakahilera
sa tabi ng mga naglalakihang antigong aparador.
Hinila agad ni Yaya Belen ang sariling
travelling bag.
“Dito na lang ito sa ilalim ng kama,”
sabi ng katiwala.
Pagkatapos ay sinimulan na nitong ilipat
ang mga gamit ni Lola Fe mula sa maleta patungo sa isa sa mga aparador na
naroon.
Sumunod sa kanilang silid si Lorraine.
“Okey ba kayo rito, Tita Fe?” tanong
nito.
“Siyempre naman, iha,” sagot ng matanda.
“Dating kuwarto ko yata ito.”
“Ito rin ang dating kuwarto nina Lola
Esper, hindi ba?” sabi ni Lorraine.
Tumango si Lola Fe.
“Ito rin ba ang kuwarto ni Lola Irenea?”
kinakabahang tanong ni Irene.
“Hindi,” iling ni Lola Fe. “Walang
gumamit sa kuwarto nila ni Lolo Dolfo mula nang mamatay si Lolo Dolfo.
Napagkasunduan nina Mama at Tiyo Andoy na gawing taguan ng mahahalagang bagay
ang silid na iyon. Naroon ang ating mga heirloom pieces na hindi madalas ginagamit.
Pati na rin ang mga personal na gamit ng bawat miyembro ng pamilya na pumanaw
na.”
“May mga gamit doon si Lola Irenea?”
interesadong tanong ni Irene.
“Marami,” sagot ni Lola Fe. “Hayaan
ninyo at titingnan natin mamayang gabi, pagkatapos ng hapunan. Marami akong
ikukuwento sa inyo.”
“Naku, sige nga, Tita Fe,” sabik na
sagot ni Lorraine. “Ikinuwento na ni Mama sa akin ang lahat ng alam niya, pero
limitado lang din iyon, e. Si Papa naman kasi, ayaw na ayaw na pinag-uusapan
sina Lola Irenea at Lolo Dolfo.”
MAAYOS
naman na nairaos ang unang hapunan nila sa Paraiso. Hindi na muling binanggit
ang tungkol sa pangyayaring kasangkot si Ding Amores. Sa halip ay nagkuwento
sina Lola Fe at Irene ng tungkol sa naging buhay ng dalaga sa Maynila, kasama
na ang naganap na pagbubunyag ng katotohanan ng mga Bauzon.
Nabasa na ng mga taga-Paraiso ang
tungkol doon pero sa diyaryo lang at sa sulat ni Lola Fe. Marami pang naidagdag
na detalye ang maglola.
Pagkatapos ng hapunan, niyaya na ni Lola
Fe sina Irene at Lorraine sa dating kuwarto nina Lola Irenea at Lolo Dolfo.
“Magkukuwento lang ako sa mga bata,”
pahayag nito.
“Puwede ba akong sumama?” interesadong
tanong ni Lola Lorena.
“Aba, siyempre naman,” sagot ni Lola Fe.
Hindi na kumibo si Lolo Ado. Basta’t
pumasok na lamang ito sa sariling kuwarto.
Nawala na lang din sina Rodie at Ronnie.
Halos pigil ang hininga ni Irene nang
buksan ni Lola Fe ang misteryosong silid. Habang pumapasok nama’y hinihintay
niyang makadama ng pamilyar na mga sensasyon.
Hindi niya inaasahang claustrophobia ang
kanyang madarama sa loob ng kuwartong iyon. Para siyang biglang nakulong sa
isang pagkasikip-sikip na lugar gayong malaki naman ang silid at maayos na
nakapaloob sa mga aparador ang mga gamit na nakatago roon.
“H-hindi ba parang nakaka-suffocate
dito?” hindi natiis na ibulalas ni Irene nang maisara na ang pinto sa kanilang
likuran.
“Teka’t bubuksan ko ang mga bintana at
bentilador,” sagot ni Lorraine.
Katulad ng sa iba pang mga bahagi ng
bahay na iyon, naroon pa ang mga sinaunang klaseng malalapad na mga bintanang
kapis, pero sa likod ng mga iyon ay mayroon ding dagdag na aluminyong screen na
pangharang sa lamok at rehas na maborloloy na para naman sa seguridad. Nang
mabuksan ang bintanang kapis ay lagus-lagusan na sa screen ang preskong hangin.
Nadagdagan pa ang kapreskuhan sa silid
nang paandarin ang stand fan na nasa isang sulok.
Ang ipinagtaka ni Irene ay hindi pa rin
maalis-alis ang kanyang claustrophobia. Para siyang ginigipit o sinasakal sa
silid na iyon. Gayunpama’y napilitan siyang makiumpok sa mga babaing nagsiupo
na sa gilid ng malapad na kama na nasa gitna ng silid.
Si Lola Fe ay may binuksang baul. Mula
roon ay may inilabas itong isang lumang-lumang bibliya at isang rosaryo.
“Ito ang bibliya at rosaryo ni Lola
Irenea,” sabi ng matanda. “Ipinamana ito sa bawat anak na babae kaya nakarating
sa akin, at sana ay kay Caridad. Noon kasi ay sa linya lang namin nagkakaroon
ng anak na babae. Pero ngayon, dalawa na kayo, Irene, Lorraine. Kaya sa iyo
itong rosaryo, Lorraine. Sa iyo naman itong bible, Irene.”
Hindi makapagsalita ang dalawang dalaga
habang tinatanggap ang mga pamana.
“Sa iyo ko ibinigay ang bibliya dahil
may direkta iyang kinalaman sa iyo, Irene,” paliwanag pa ng matanda. “Buksan mo
ang pinakahuling pahina niyan.”
Maingat na sumunod ang dalaga.
Nakatunghay rin sina Lola Lorena at Lorraine.
Nakita nilang may nakasulat doon.
“Sulat ba niya ito?” tanong ni Irene.
“Hindi,” iling ni Lola Fe. “Sulat ‘yan ng
pinakamatalik niyang kaibigan – si Amparo.”
Dahil lumang-luma na ang papel at tinta
at makaluma pa ang estilo ng sulat-kamay, nahirapan si Irene na basahin ang
parang tulang nasa huling pahina ng bibliya.
“A-ano’ng kinalaman nito sa akin, Lola?”
tanong niya.
Nagmuwestra si Lola Fe na isara na muna
niya ang bibliya.
“Simulan natin sa simula...” sabi nito.
“Kaisa-isang anak si Irenea Del Cielo nina Pablo at Soledad Del Cielo. May-kaya
sila. May malalawak na lupain. Pero sugarol si Pablo at naipatalo niya kay Don
Genaro Carreon ang lahat ng kanyang mga ari-arian. Ang puwede lang makatubos sa
mga iyon ay ang matalik niyang kaibigang si Rodrigo Castillo, na may anak
namang binatang si Rodolfo. Matagal nang nanliligaw kay Irenea itong si
Rodolfo. Sa madaling salita, ipinagkasundo ng dalawang ama sina Irenea at Dolfo
bilang pagtanaw na rin ni Pablo ng utang na loob sa kaibigang si Rodrigo.”
“Ipinambayad-utang si Lola Irenea,”
sambit ni Irene.
“Pero may boyfriend na noon si Lola
Irenea,” paalala ni Lorraine. “Secret nga lang.”
Tumango si Lola Fe.
“Kababata ni Irenea si Arcadio Amores,”
pagpapatuloy nito. “Pero hindi mayaman ang mga Amores. Kapatas lang ng mayamang
si Genaro Carreon ang tatay ni Carding. Kampanero naman sa simbahan ang binata.
Alam na alam ni Irenea na hindi siya papayagang makipagrelasyon sa tulad ni
Carding kaya’t pinanatili nilang lihim ang kanilang pagkakaunawaan.”
“Paano nilang nagawa iyon?” pagtataka ni
Irene. “Hindi ba, closely guarded ang mga dalaga noong araw?”
“Tinulungan sila ng best friend ni
Irenea na si Amparo at ng yaya niyang si Goyeng,” sagot ni Lola Fe. “Si Goyeng
kasi ang tumatayo na ring chaperone ni Irenea kapag lumalabas ng bahay.
Pinapayagan naman siya kapag ang paalam ay makikipagkita kay Amparo. Kahit nga
kasi sa pagpapa-tutor, magkasabay silang magkaibigan.”
“Pagpapa-tutor?” tanong ni Irene.
“Ganoon ang system of education sa mga
babaing anak-mayaman noong araw,” paliwanag ng matanda. “Mga lalaki lang ang
pumapasok sa eskuwela. Ang mga babae, pinupuntahan ng mga maestro sa kanilang
mga bahay at doon tinuturuan ng pagbabasa, pagsusulat, pagkukuwenta, pagtugtog
ng piano at pagkanta. Kung minsan, kasama pa ang pagguhit at pagpipinta.
“Parang home study,” sabi ni Lola
Lorena.
“Kina Amparo tinuturuan ang
magkaibigan,” pagpapatuloy ni Lola Fe. “Sinasamahan lang si Irenea ni Goyeng.”
“Kaya pala may mga pagkakataon para
makasingit ng pakikipagkita kay Carding,” sabi ni Lorraine.
“Paanong nalaman ni Lolo Dolfo ang
tungkol kay Carding?” tanong ni Irene.
“Noong itinakda ang kasal nina Irenea at
Dolfo, nagmakaawa si Irenea sa kanyang ina,” pagkukuwento ni Lola Fe.
“Ipinagtapat niyang may iba siyang mahal – si Carding nga. Siyempre, hindi
pumayag ang kanyang mga magulang. Pilit pa rin siyang ipinakasal kay Dolfo.”
“Bakit hindi na lang nagtanan sina Lola
Irenea at Carding?” tanong ni Lorraine. “Kunsabagay, kung ginawa nila iyon,
wala tayong lahat ngayon.”
“May sakit daw kasi sa puso ang ama ni
Irenea na si Pablo kaya hindi ito magawang suwayin ng anak,” sagot ni Lola Fe.
“At saka alam naman ninyo noong araw. Ang salita ng magulang ay parang utos ng
hari na hindi mababali.”
“Ano’ng nangyari kay Carding?” tanong ni Irene.
“Hindi nag-asawa agad si Carding,” sagot
ni Lola Fe. “Nang mamatay ang tatay nito, naging kapatas na rin si Carding ni
Don Genaro Carreon. At nang mamatay ang matandang biyudo, sa kanya ipinamana
ang lahat ng ari-arian. Wala kasing anak si Carreon. Ang tanging hiling lang
daw nito ay pakasalan ni Carding ang naging huling tagapag-alaga nitong si Paz
para dalawa silang maging tagapagmana. Matanda na rin nang panahong iyon si
Carding – lampas singkuwenta na. Iyon namang Paz, lampas treinta na. Mabuti
nga’t nagkaanak pa sila – iyong tatay nung lalaking nakasalubong natin kanina.
Arcadio rin ang ipinangalan. Arcadio Amores Jr., na Kadyo naman ang palayaw.”
“Sino’ng nagkuwento nito sa iyo, Lola?”
tanong ni Irene.
“Si Mama,” sagot ni Lola Fe. “Kilala
niya ang orihinal na si Carding, e. Inabutan ko pa nga rin. Tatlong taon na raw
ako nang magpakasal ito kay Paz. Namatay ito noong taong ipinanganak ko si Cari.
Mahigit seventy na siguro si Carding noon. Iyong anak na si Kadyo, bata lang sa
akin nang tatlong taon sa eskuwela.”
“Di inabutan n’yo rin si Lola Irenea?”
tanong ni Irene.
Umiling ang matanda.
“Hindi,” sagot nito. “Namatay si Lola Irenea
mga ilang oras lang pagkapanganak niya kay Mama. Nanghina na lang daw at parang
nawalan na ng lakas na ipakipaglaban ang sariling buhay.”
“Severe depression siguro,” sabi ni
Lorraine.
“Naging malungkot kasi talaga ang buhay niya
sa piling ni Lolo Dolfo,” paliwanag ni Lola Fe. “Hindi niya natutunang mahalin
ang kanyang asawa kahit pa dalawa ang kanilang naging anak. Siguro, kaya nga siya nakunan sa una nilang
baby. Pangalawa na lang actually si Tiyo Andoy at pangatlo na si Mama. Sa loob
ng tatlong taon nilang pagsasama,
nakakulong lang sa bahay na ito si Lola Irenea. Madalas daw ay sa silid lang na
ito. Ni hindi puwedeng dumungaw sa bintana. Nakakalabas lang ng bahay kapag
nagsisimba kung Linggo, kasama ni Lolo Dolfo. Nakaka-depress talaga ang ganoong
buhay.”
“Kaya rin naman nagalit nang husto si
Lolo Dolfo kay Carding,” sapantaha ni Lorraine. “Alam kasi ni Dolfo na si
Carding lang talaga ang mahal ni Lola Irenea.”
“Kaya rin minana ng mga anak na lalaki
ng mga Castillo ang galit sa mga Amores,” dagdag ni Lola Lorena. “Naku,
hanggang ngayon, pinepersonal pa ni Ado at maging nina Rodie at Ronnie ang
galit kay Ding Amores.”
Unti-unti nang lumilinaw kay Irene ang
lahat.
“Mabalik tayo sa bibliyang iyan,” sabi
ni Lola Fe. “Iyong sinabi ko kanina na may direktang kinalaman sa iyo ang
nakasulat diyan.”
“Oo nga pala, Lola,” sagot ni Irene.
“Paano naman akong naisama riyan?”
“Noong mga huling oras ni Lola Irenea,
nagbilin siya kina Amparo at Goyeng – na isinulat naman ni Amparo sa bibliyang
iyan,” paliwanag ni Lola Fe.
“Itong nakasulat dito ang huling habilin
ni Lola Irenea?” parang kinikilabutang ulit ni Irene.
Muli niyang binuksan ang bibliya sa
pinakahuling pahina. Pilit niyang inaaninag ang nakasulat doon.
“Memoryado ko ‘yan,” sabi ni Lola Fe.
Itinuro nito ang bawat salita habang
binibigkas.
“Ikaw ang aking Esperanza, ang aking Pag-asa.
Mag-aanak ka ng babae na siyang magpapatuloy sa aking Pananalig. At mag-aanak
siya ng babae dahil sa aking walang hanggang Pag-ibig. Pero mula sa pagdurusa
ay iluluwal ang aking kapangalan na siyang tutubos sa lahat ng kapighatian.”
“Ano raw?” sabi ni Lorraine. “Masyado
namang matalinghaga iyan.”
“Iyong unang sentence, ipinalagay nina
Amparo at Goyeng na patungkol sa baby ni Lola Irenea,” sabi ni Lola Fe. “Sa
bata kasi siya nakatunghay habang sinasabi niya iyon. Kaya nga Maria Esperanza
ang ipinangalan sa bata.”
“Ikaw ang aking Esperanza, ang aking
Pag-asa,” ulit ni Irene.
Nababasa na niya ngayon ang nakasulat sa
bibliya.
“Mag-aanak ka ng babae na siyang
magpapatuloy sa aking Pananalig,” dagdag pa niya.”Kaya ba Maria Fe ang
ipinangalan sa iyo ni Lola Esper? Fe means faith, di ba? Pananalig.”
“Exactly,” tango ni Lola Fe.
“At mag-aanak siya ng babae dahil sa
aking walang hanggang Pag-ibig,” basa pa
ni Irene. “Ikaw, Lola Fe, iyong sinasabing mag-aanak ng babae dahil sa walang
hanggang pag-ibig ni Lola Irenea. Kaya pinangalangan mo si Mommy ng Caridad.
“Caridad means charity or love in the
bible sense,” paliwanag ni Lola Fe. “Faith, hope, and charity, remember? Fe, Esperanza,
Caridad. And the greatest of these is charity or love.”
Nakibasa na rin si Lorraine.
“Pero mula sa pagdurusa ay iluluwal ang
aking kapangalan na siyang tutubos sa lahat ng kapighatian,” pagtatapos nito sa
berso. “Ang kapangalan ni Lola Irenea ay si Irene, ganoon ba, Tita?”
“Na ipinanganak nga mula sa pagdurusa,”
sagot ni Lola Fe. “Mula sa pagdurusa ko. Mula sa pagdurusa ni Cari sa
pagkagumon sa drugs. At ang pinakaugat din ay ang pagdurusa ni Lola Irenea.”
“Nakakapanindig-balahibo naman,” sabi ni
Lola Lorena. “Ngayon ko lang nalaman ang tungkol sa kasulatang iyan. Alam ba
nina Ado ang tungkol diyan?”
Umiling si Lola Fe.
“Alam noon ni Tiyo Andoy,” sagot nito.
“Alam nilang dalawa ni Mama dahil naging yaya nilang dalawa si Goyeng. Pero
ipinagwalang-bahala ito ni Tiyo Andoy. Kaya nga siguro hindi na binanggit sa
mga naging anak niya. Palibhasa kasi parang pagpapatunay sa pag-ibig ni Lola
Irenea kay Carding ang mga nakasulat dito. Ang pagpapatuloy ng kanyang pag-asa,
pananalig at pag-ibig. At sa hulihan, ang pagtubos sa lahat ng kapighatian.”
“Ano naman kaya ang ibig niyang sabihin
doon, Lola?” tanong ni Irene. “Kung ako nga iyong kapangalan niyang iniluwal
mula sa pagdurusa, paano ko naman tutubusin ang lahat ng kapighatian?”
“I have a theory,” sagot ni Lola Fe.
“Hindi nga ba’t ikaw ang nagbigay sa akin ng panibagong kaigayahan sa buhay?
Parang tinubos mo ang lahat ng kapighatian ko sa iyong ina.”
“Oo nga, ano?” sabi ni Lola Lorena.
“Everything came true.”
“Sana nga ganoon na iyon,” pabuntonghiningang
sabi ni Lola Fe. “Actually, I was hoping na iyon na nga iyon at wala nang iba.
Kaya nga mas ginusto kong doon na lumaki itong si Irene sa Maynila at huwag
nang magkaroon pa ng kaugnayan dito sa Paraiso.”
“Bakit, Lola?” kinakabahang tanong ni
Irene. “Ano ang kinatatakutan mo?”
“Wala naman,” iling ng matanda. “Hindi
ko alam. Nothing concrete. It’s just that these things seem to be beyond our
control and total understanding. Baka mayroon pang nakatakdang maganap na hindi
natin alam. Lalo pa nitong nanaginip ako nang magkakasunod na pawang nagpapauwi
sa ating dalawa dito sa Paraiso.”
“At pagdating na pagdating ninyo dito ay
nagkatagpo agad si Irene na kapangalan ni Lola Irenea at si Ding na kapangalan
ni Carding Amores,” dugtong ni Lorraine.
“Maalala ko nga pala, may sinabi pa raw
si Lola Irenea na hindi na isinulat ni Amparo,” pahabol ni Lola Fe. “Ipinasabi
raw kay Carding – ‘Hanggang sa muling pagkikita, mahal. Babalik ako.’”
Nagkatinginan ang apat na babae,
kinikilabutan.
“Ipagdasal na lang natin ang lahat,”
sabi ni Lola Fe pagkaraka. “Ipagdasal natin na ang anumang magaganap ay iyong
naaayon lamang sa itinakda ng langit.”
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento