Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Sabado, Abril 15, 2023

Abakada ng Pag-ibig: IRENE Chapter 5

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 5

BAGO matulog nang gabing iyon ay naging mas magulo pa ang isip ni Irene.

        Ano nga kaya ang kahulugan ng mga huling salita ni Lola Irenea? Paano niya tutubusin ang sinabi nitong “lahat ng kapighatian?” Magagawa pa bang tubusin uli ang dinanas nitong pagdurusa sandaang taon na ang nakararaan?

        At bakit siya pa ang napiling gawing manunubos? Wala naman siyang kamalay-malay sa mga pangyayaring iyon. It’s unfair. Nananahimik na siya sa Maynila pagkatapos ng maraming gusot sa kanyang buhay, pagkatapos ay heto’t ipapasa pa sa kanya ang problema ng kanyang mga ninuno?

        Gusto niyang sumbatan ang kanyang Lola Irenea. Sana’y ipinakipaglaban mo ang iyong pag-ibig. Sana’y pinanindigan mo si Carding.

        Hindi na niya napansin nang siya’y tuluyang nakatulog. At nagsimulang managinip...

 

NAGISNAN ni Irene ang kanyang sarili na nakasuot ng baro’t saya at patalilis na lumalabas ng bahay. Hindi iyong bahay na kinaroroonan nang siya’y makatulog. Ibang bahay. Bahay ng mga magulang ni Irenea.

        Malalim na ang gabi. Napakadilim ng paligid. Ni wala nang nakasinding gasera sa mga bahay-bahay.

        “Neneng...” narinig niyang paanas na tawag.

        Nilingon niya ang pinagmulan niyon.

        “Carding...” nakangiti niyang tugon.

        Sa sandaling iyon ay natuklasan ni Irene – siya ay si Irenea, na kung tawagin pala ni Carding ay Neneng.

        Lumapit ang binata. At sa aninag na mula lang sa tanglaw ng mga tala ay nakilala niya ito. Si Carding at si Ding ay iisa.

        Naka-kamisa tsino ang binata. Ganoong-ganoon din ang pangangatawan – matangkad, malapad ang mga balikat, matipuno. Sunog sa araw ang balat. Matiim kung makatitig ang mga mata.

        “Tayo na,” sabi nito.

        Magkahawak-kamay silang tumakbo nang patago sa mga anino. Patungo sa dati na nilang tagpuan.

        Parang sa isang kisapmata lang ay naroon na sila. Isang ilang na dampa sa gitna ng palayan. Natatabingan ng isang malagong kulumpon ng kawayan.

        Sa kung anong dahila’y alam niyang dati na rin silang nagkakayakap nang tulad ng pagkakayakap nila sa isa’t isa ngayon. Kayhigpit. Parang ayaw nang magbitiw sa isa’t isa kailanman.

        “Kailangan ko nang ipagtapat kay Mama ang lahat tungkol sa atin,” pahayag niya sa katipan habang nakahimlay ang kanyang pisngi sa dibdib nito. “Gusto na nilang itakda ang petsa ng kasal. Hindi na dapat makarating pa roon ang kanilang pag-uusap.”

        “Siguradong aayawan nila ako,” sagot ni Carding. “At hihigpitan ka na. Baka hindi na tayo magkaroon ng pagkakataong magkita.”

        “Makikiusap ako kay Mama,” sabi niya. “Kailangang maunawaan niya ako. Tayo. Ang ating pag-ibig.”

        “Paano kung hindi?” pakli ni Carding. “Kampanero lang ako na anak pa ng kapatas ni Genaro Carreon – ang taong kanilang kalaban. Tututol sila sa pagkatao ko, sa kahirapan ko, pati na rin sa kaugnayan ko sa kanilang kaaway. Noon pa natin alam ito.”

        “Carding, ikaw lang ang maaari kong ibigin,” parang panaghoy niya.

        “At alam mo ring nag-iisa kang iniibig ko’t iibigin,” sagot ng binata na lalo pang humigpit ang pagkakayakap sa kanya.

        “Ano man ang mangyari, iyo pa rin ako,” pangako niya.

        Bigla siyang inilayo ni Carding. Tiningnan nang may bahid ng panunumbat.

        “Iniisip mo nang maaari nga tayong paghiwalayin,” sabi nito. “Itatakas na lang kita. Lumayo na lang tayo.”

        “Huwag!” tanggi niya. “Ikamamatay ni Papa. Alam mong mahina ang kanyang puso. Hindi ko kayang maging sanhi ng kanyang kapahamakan.”

        “Ikamamatay ko rin kung mawala ka sa akin,” pahayag ni Carding. “Mas mabuti pang kitlin ko na ang sarili kong buhay.”

        “Huwag, Carding!” iyak niya. “Maawa ka sa akin. Kailangan kita. Kailangang malaman kong narito ka pa rin kahit hindi na nila tayo payagang magkita. Iyon na lamang ang magbibigay sa akin ng lakas. Ng buhay.”

        “Neneng...” hikbi na rin ni Carding habang hinahagkan siya sa buhok, sa noo, sa pisngi.

        Itinaas niya ang kanyang mukha para salubungin ng kanyang mga labi ang mga labi ng katipan.

        Kilalang-kilala na nila ang mga labi ng isa’t isa. Makailang beses na silang nagsalo sa ganito kaiinit na mga halik.

        Pero ngayo’y hindi na sila masiyahan sa halik lamang. Ngayo’y nagliliyab ang kanilang mga damdamin. Ang pag-ibig na kaytagal na nilang tinitimpi ay nagpupumiglas na’t naghahanap ng kaganapan.

        Kumalas ang mga labi ni Irenea.

        “Carding...” bulalas niya, “ikaw ang tunay na kabiyak ng aking puso, ngayon at magpakailanman. Kaya’t sa gabing ito, angkinin mo nang ganap ang aking pag-ibig. Sa iyo ko lang ito nais na ialay bago pa maagaw ng iba.”

Napatda ang binata.

        “Alam mo ba ang sinasabi mo?” manghang tanong nito.

        Determinado siyang tumango.

        “Kung ito man ang maging huli nating pagtatagpo, lubusin na natin ang ating pag-ibig,” sagot niya. “Selyuhan natin sa paraang hindi na maaaring mabawi  sa atin ninuman.”

        Nangangatal ang mga palad ni Carding nang bihaging muli ang kanyang mukha.

        “Mahal ko...” madamdamin pahayag nito bago muling inangkin sa mas mapusok nang halik ang kanyang mga labi.

        Kakaiba ang pakiramdam ni Irene. Bakit ganoon? Alam niyang siya pa rin si Irene. Pero sa mga sandaling iyon ay siya rin si Irenea. At ang lahat ng mga emosyon nito, ang lahat ng nadarama nitong sensasyon ay nadarama rin niya. Parang totoong-totoo. Parang ngayon mismo nagaganap sa kanya.

        Ang paglalakbay ng mga labi ni Carding pababa sa kanyang leeg. Paikot sa kanyang punong tainga. Ang nakakakiliti at nakapanlalambot na kuryenteng hatid ng mga halik nito. Ng mainit nitong hininga na parang humahaplos din sa kanyang balat.

        Hindi na niya namalayan kung paanong tinanggal ng katipan nang isa-isa ang kanyang kasuotan. Ang nararamdaman lang niya ay ang bawat daan ng mga kamay nito sa kanyang dibdib, sa kanyang beywang, sa kanyang balakang. Sa simula’y kasabay ng pagbagsak ng mga piraso ng kanyang damit. Bandang huli’y nadama na niya ang mismong mga palad nito sa sensitibo niyang balat.

        Napadaing siya nang sapuhin ng mga palad ni Carding ang magkabila niyang dibdib. Lalo pa nang haplusin ng mga hinlalaki nito ang magkabilang dunggot na waring kusang nagpiprisinta ng kanilang mga sarili.

        Yumuko si Carding at inangkin ang nagpiprisintang mga bubot. Bawat isa. Papalit-palit.

        Halos mawala na sa kanyang sarili si Irene.

        “Carding...” taghoy niya.

        Nakasabunot na pala ng isa niyang kamay sa malago nitong buhok. Ang kabila nama’y nakapangunyapit sa maskulado nitong balikat.

        Nakayakap naman ang isang braso ng binata sa kanyang beywang, na para siyang binibihag. Ang kabila ay nakakabig sa kanyang likod para mas lalong mailiyad ang kanyang dibdib.

        Nanlalambot na nang husto ang kanyang mga tuhod at siguro’y napansin iyon ni Carding kung kaya’t unti-unti siya nitong iniatras hanggang maisandal siya sa poste ng dampa.

        Pagkatapos ay umusad ang mga labi nitong pababa.

        May bahid ng pagtutol ang ungol ni Irene. Ayaw pa niyang matigil ang napakasarap na mga sensasyong kanyang nadama.

        Pero may iba pa palang magaganap. Kasabay ng paggapang ng mga labi ni Carding pababa sa kanyang sikmura ay inalis nito ang brasong nakakabig sa kanyang likod. Lumipat ang kamay na iyon sa kanyang balakang. Humaplos. Gumapang patungo sa kanyang harapan. At sinapo ang sugpungan ng kanyang mga hita.

        Napa-Ay! si Irene. Sabay singhap.

        Nakaluhod na si Carding sa kanyang harapan. Nagpang-abot ang mga labi’t daliri nito. Hinahawan ng mga daliri ang daraanan ng mga labi. Hanggang sa makadama si Irene ng mga sensasyong hindi niya akalaing kaya niyang madama.

        Sa poste na siya nangunyapit. Dalawang kamay sa kanyang ulunan. Hindi niya malaman kung iuurong o isusulong ang kanyang balakang. Kakaunti  lang naman ang kaya niyang ikilos dahil mas mahigpit pa ang pagkakalingkis ng braso ni Carding sa kanyang balakang.

        Sunud-sunod ang kanyang mga daing. Na para na ngang mga hikbi. Nagmamakaawa siya nang hindi naman niya alam kung ano ang kanyang hinihiling.

        Habang  tumitindi ang kanyang mga reaksiyon, para namang nananadya si Carding. Isinentro nito ang atensiyon sa pinakasensitibong bahagi ng pinakatagu-tago niyang kaselanan. Hinagkan, sinuyo, sinimsim na tulad ng ginawa nito sa mga dunggot ng kanyang dibdib.

        Sumambulat na parang bulkan ang kung ano mula sa kaibuturan ng pagkatao ni Irene. Purong sensasyon. Purong kaligayahan. Parang isang nakasisilaw na liwanag na sumagitsit sa gitna ng kadiliman, sumabog at yumanig sa kanyang mundo.

        “Carding...” taghoy niya.

        Nakatingkayad na ang kanyang mga paang bahagyang magkahiwalay. Halos pigain ng kanyang mga kamay ang pinangungunyapitang poste. At ang buo niyang katawan ay nakaliyad na parang isang pag-aalay.

        Niyakap siya ng dawalang bisig ni Carding. At habang unti-unting humuhupa ang kanyang deliryo ay dahan-dahan din siya nitong inihiga sa katabi nilang papag.

        Magakahinang pa rin ang kanilang paningin nang tumayo ang kanyang katipan at mag-alis ng kasuotan.

        Hindi na nangimi si Irene na hagurin ng tingin ang nagngangalit nitong pagkalalaki. Sa puso niya’y ito na ang tunay niyang asawa. Ang tangi niyang kabiyak.

        Humiga si Carding at yumakap sa kanya. Natural namang tinanggap ni Irene ang katipan sa pagitan ng kanyang nag-aanyayang mga hita.

        “Mahal na mahal kita...” bulong ni Carding sa tinig na namamaos sa emosyon.

        “At mahal na mahal din kita,” buong pusong sagot ni Irene. “Mamahalin kita magpakailanman...”

        Naramdaman niya ang pagsanib ng kanilang mga katawan. Kaydulas, hanggang sa mahadlangan ng balakid.

        Nag-alinlangan si Carding. Nag-alala sa kanya.

        Pero si Irene na ang kumapit nang mahigpit sa balikat nito at humiling.

        “Angkinin mo ako, mahal...” bulong niya. “Ngayong gabi, bigyan mo ng kaganapan ang ating pag-ibig.”

        Sinagot ni Carding ng mainit na halik ang kanyang mga labi, kasabay ng isang makapangyarihang tulos.

        Hapdi. Init. Nag-uumapaw na kagalakan. Lahat ng iyon ay sabay-sabay na nadama ni Irene.

        Ganito pala. Ganito pala ang maging kaisa ang lalaking iyong pinakamamahal. Ang maging ganap na babae na tunay na kabiyak ng pinakaiibig na lalaki. Dalawa na pinag-isa.

        Pero saglit lang siyang nakapag-isip nang ganoon. Doon lamang sa mismong saglit ng kanilang ganap na pagsasanib, kung kailan parang tumigil pati pag-inog ng mundo. Pagkatapos ay unti-unti, dahan-dahang kumilos na muli si Carding. Maindayog. May ritmo. At sa bawat mumunting kilos nito ay may muling nabubuhay sa pakiramdam ni Irene. Iyon uling nadama niya kanina. Iyong kakaibang sensasyon na ngayo’y nagsisimula na namang mag-ipon ng puwersa.

        Iyon na naman? Alam na niya ang kanyang mararanasan kung kaya’t lalo pang nadagdagan ang antisipasyon ng dalaga. Gayunpama’y hindi niya inaasahan na mas mawawalan pa siya ng kontrol sa sarili. Na habang palakas nang palakas at pabilis nang pabilis ang mga pagtulos na kanyang tinatanggap ay wala na siyang namamalayang iba kundi sagad sa kaluluwang kasiyahan.

        At nang muli niyang maabot ang sukdulan, kusang dumaloy ang mainit na luha mula sa kanyang mga mata. Kasabay niyon ay parang tumagas na rin ang lahat ng kaligayahan mula sa kanyang pagkababae.

        Una’t huli niyang pakikipagtalik nang may pag-ibig. Una’t huli niyang kaligayahan. Kay Carding lamang...

 

NAGISING si Irene. Pinagpapawisan siya. Nangangatal ang buong katawan. Buhay na buhay ang bawat hibla ng kanyang kalamnan. Napakasensitibo ng kanyang balat. At sa sugpungan ng kanyang mga hita ay may kakaibang pakiramdam... para bang totoong-totoo na katatapos lang na maganap sa kanya ang lahat ng kanyang napanaginipan.

        Bigla siyang napaupo sa kama.

        Ano itong nangyari sa kanya?

        Panaginip lang iyon, pilit niyang isinasagot sa kanyang sarili. Epekto lang ng mga kuwento ng kanyang Lola Fe. Gawa-gawa lang ng kanyang imahinasyon batay sa kanyang mga nalaman tungkol kay Lola Irenea at sa Carding Amores na iyon.

        Pero bakit ganoon katotoo sa kanyang pakiramdam? Wala pa naman siyang karanasan sa pakikipagtalik. Ni hindi pa nga siya nagkaka-boyfriend. At maging sa kanyang pagbabasa o pagpanood ng mga pelikulang may mga ganoong eksena ay hindi pa nangyari kailanman na naantig nang ganoon katindi ang kanyang damdamin.

        Ganoon ba talaga ang pakiramdam ng pakikipagtalik? Kahit ba sa panaginip ay maaring makadama ng kaganapan?

        Ang nakakailang pa ay mukha’t katawan ni Ding Amores ang kanyang nakita sa pagkatao ni Carding Amores. Parang ang nakatalik niya kani-kanina lang ay ‘yung binatang hindi pa nga niya pormal na kakilala.

        May lohika naman iyon, sagot ng kanyang rasyunal na kaisipan. Sinabi na sa kanya nina Lola Fe na si Ding Amores ay apo ni Carding Amores. At dahil wala naman siyang ideya sa tunay na itsura ng orihinal na Arcadio Amores, si Ding ang ginamit ng kanyang imahinasyon bilang modelo para sa lolo nitong si Carding.

        At dahil na rin siguro sa mga misteryosong salitang iniwan ni Lola Irenea patungkol sa kanya kung kaya nag-iilusyon siya ngayon na siya ay maaaring reincarnation ng sarili niyang ninuno.

        Imahinasyon lang, sabi ni Irene sa sarili. O posible nga bang totoo?

        Nakadama na ng takot ang dalaga. Umuwi na lang kaya siya sa Maynila? Baka magka-nervous breakdown pa siya sa mga kakatwang nagaganap sa kanya sa bayang ito.

        Sa kabilang banda’y alam niyang hindi rin siya matatahimik kailanman hangga’t hindi niya nalilinawan ang lahat ng ito. Mas mabuti pa sigurong harapin na niya ang kanyang mga kinatatakutan. Malamang naman ay may matinong paliwanag para sa mga nagaganap. Masyado lang siyang nagiging emosyonal kaya hindi pa niya makita iyon.

        Kahit malakas pa rin ang kaba sa dibdib ay muling nahiga si Irene. Pumikit. Pipilitin na lang niyang makatulog uli. Sana naman ay huwag na siyang managinip. At bukas, mag-iimbestiga pa siya tungkol sa kanyang Lola Irenea.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento