FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 6
INILAHAD
ni Lola Fe ang kanyang balak habang nag-aalmusal ang buong pamilya kinabukasan.
“Gusto kong i-celebrate nang engrande
ang aking birthday. Gusto kong magdaos ng isang thanksgiving party para sa pag-abot
ko sa edad na 71. At the same time, parang reunion na rin sa lahat ng mga
dating kaibigan, hindi ba?”
“Why not?” sagot agad ni Lolo Ado.
“Matagal na ring hindi nakakapag-party dito sa bahay.”
“Ay, masaya iyan, Ate,” tango ni Lola
Lorena. “Siguradong matutuwa ang lahat ng mga dati mong co-teachers.”
“Kailan ang birthday ninyo, Tita?”
tanong ni Lorraine.
“Next month na,” si Irene ang sumagot.
“Sa a-kinse.”
“That’s two weeks from now,” sabi ni
Rodie. “Tamang-tama lang para makapagprepara tayo nang mabuti. Ilalaan ko na sa
party ang isang hango ng prawns mula sa prawn farm natin. Pati na rin ang mga
bangus.”
“Maglalaan naman ako ng baka para sa
roasted calf,” dagdag ni Ronnie.
“Ako ang bahala sa decorations,” pagboboluntaryo
ni Lorraine. “Gagawin nating mas maganda pa kaysa sa wedding receptions ang
floral decor dito sa bahay.”
“Naku, talagang magaling mag-decorate
itong si Lorraine, Ate,” pagmamalaki ni Lola Lorena. “Bukod sa pagbebenta niya
ng mga fresh flowers sa mga biyaherong nagdadala ng mga iyon sa Maynila,
kinukuha rin siyang mag-decorate sa mga kasalan at iba pang malalaking handaan
dito sa Paraiso at sa mga kalapit nating bayan.”
“Aba’y di para pala akong magde-debut
nito,” biro ni Lola Fe.
Tawanan silang lahat.
“Paano, magpapa-imprenta ba tayo ng
invitations, Ate?” tanong ni Lolo Ado. “May kumpare akong nag-iimprenta.”
“Hindi na,” iling ni Lola Fe. “May dala
akong special paper at mga envelopes. Balak ko talagang magpadala ng personal
notes of invitation, the old fashioned way. Iyong ako mismo ang susulat at pipirma.”
“Tutulungan kitang maghanda ng
invitations, Ate,” sabi ni Lola Lorena. “Pag-usapan na rin natin ang menu at
iba pang arrangements. Tatlong araw naman ang kinuha kong leave sa eskuwela.”
“Good,” nakangiting sagot ni Lola Fe.
“Parang pagod na pagod pa nga ako sa biyahe namin kahapon kaya dito na nga lang
muna tayo sa bahay mag-usap, Lorena.”
“Isasama ko si Irene sa flower shop,”
pahayag ni Lorraine. “Pagkatapos, ipapasyal ko siya sa bayan.”
“Talaga?” tuwang-tuwang sabi ni Irene.
“Sige.”
“Bahala na muna kayong dalawang babae,
ha?” sabad ni Rodie. “Kailangang-kailangan lang kami ni Ronnie ngayong araw sa
farm. Hindi muna namin kayo masasamahan sa pamamasyal.”
“Ako naman, may appointment kay Mayor sa
munisipyo tungkol doon sa nilalakad kong pagpapaayos ng daan patungong Baryo
Abel,” sabi ni Lolo Ado.
“Huwag na kayong mag-alala sa amin,”
sagot ni Lorraine. “Ako’ng bahala kay Irene.”
NILALAKAD
lang daw ni Lorraine mula bahay hanggang flower shop. Mga apat na maiikling
bloke lang naman daw iyon.
“Masarap nga palang maglakad dito dahil
malamig ang simoy ng hangin kahit mataas ang araw,” pansin ni Irene habang
naglalakad na sila. “At saka walang polusyon. Wala kang masasagap na usok mula
sa mga sasakyan. Hindi tulad sa Maynila.”
“Iyon nga ang madalas kong marinig na
reklamo sa TV,” sagot ni Lorraine. “Sobra na raw ang polusyon doon sa inyo.”
“Hindi ka pa ba nakakaluwas sa Maynila?”
gulat na tanong ni Irene.
“Never,” iling ni Lorraine. “Dito lang
ako sa Paraiso mula noong maliit pa ako. Dito na rin ako nag-aral ng B.S.E.Ed.
na tulad ni Mommy. Kumpleto na rin naman ang Colegio del Paraiso. Marami nang ino-offer
na courses. Iyon nga lang, after graduation, sa halip na magturo ay mas ginusto
kong magtayo ng flower shop. Idea ko rin kasi na magtanim ng flowers doon sa
isang bahagi ng farm. Mahilig talaga ako sa mga bulaklak.”
“Hindi ka man lang naging curious na
kahit pumasyal sa Maynila?” parang hindi pa rin makapaniwalang tanong ni Irene.
“Nakikita ko naman ang Maynila sa TV at
mga pelikulang Pilipino, e,” sagot ni Lorraine. “Tulad ng nakikita ko rin ang
iba’t ibang bahagi ng US at ibang bansa sa mga foreign films na napapanood
namin sa sinehan dito at sa mga tapes, laser discs at lately, sa VCD.”
“May VCD na dito?” gulat na namang sabi
ni Irene.
Natawa si Lorraine.
“Kumpleto na kami rito,” sagot nito.
“Kaya nga hindi na kailangang lumuwas pa sa Metro Manila.”
“Pero iba pa rin doon,” katwiran ni
Irene. ‘Yung mga mall, halimbawa.”
“Hindi namin hinahanap-hanap ‘yon dahil
siguro hindi naman namin nakagisnan,” sagot ni Lorraine. “Iyon namang mga
bilihin, dinadala na rin dito ng mga biyahero. Simple nga lang ang mga tindahan
dito. Ang mahalaga, anuman ang kailangan namin, mayroon sila. Kung wala naman,
maioorder nila sa Maynila.”
Napatango si Irene.
“Hayun na ang shop, o,” turo ni Lorraine
pagliko nila sa isang kanto.
Hindi namalayan ni Irene na napatigil siya
sa paglalakad. Nakamaang.
Ang nakita kasi niya sa dakong itinuro
ni Lorraine ay ang bahay na pinagmulan niya sa kanyang panaginip kagabi. Iyong
bahay ng mga magulang ni Lola Irenea.
“Irene, bakit?” nag-aalalang tanong ni
Lorraine.
Nang marinig iyon ay biglang naglaho sa
isang kisapmata ang pangitain ni Irene. At sa kinatatayuan ng bahay ay nakita
niya ang isang sementadong gusali na may dalawang palapag.
Iba’t ibang commercial establishments
ang naroon. May tindahan ng tela. May tindahan ng sapatos. May tindahan ng
damit. May video rental shop. May bookstore. Pero nasa pinakagitna ang Las
Flores Del Cielo – ang flower shop ni Lorraine.
“Bakit, Irene?” ulit ni Lorraine.
“What’s wrong?”
“W-wala,” iling niya. “N-nagulat lang
ako. Ang laki pala ng building na kinaroroonan ng flower shop mo.”
“Building natin ‘yan,” sagot ni
Lorraine. “Galing pa ang lupang iyan sa mga magulang ni Lola Irenea. Kaya nga
sa kanila ko ipinangalan ang flower shop. Sa mga Del Cielo.”
“D-diyan ba nakatayo ang bahay ng mga
magulang ni Lola Irenea noong araw?” tanong ni Irene.
“Diyan nga,” sagot ni Lorraine. “Kaya lang,
noong mamatay daw si Lola Irenea at mamatay na rin ang parents niya, naiwan na
lang na nakatiwangwang ang bahay diyan. Bandang huli, nagkasira-sira na. Hindi
ko na nga inabutan ‘yon, e. Kusang nag-disintegrate na raw noong panahon pa
nina Daddy. Nitong nasa college na ako, umutang siya sa banko para maipatayo
ang building na ‘yan. Bale self-liquidating naman ang amortization dahil
pinarerentahan natin ang mga units. May share kayo ni Lola Fe diyan.
Ipinapadala sa inyo buwan-buwan.”
Tumango si Irene.
“Nabanggit nga niya sa akin noon na may
tinatanggap kami buwan-buwan mula sa lahat ng ari-arian at negosyo ng pamilya
rito sa Paraiso,” sabi niya. “Hindi lang niya idinetalye.”
“Marami tayong property at marami kaming
mga ginagawang negosyo pero hindi naman kalakihan ang kinikita,” paliwanag ni
Lorraine. “Gaano lang ba ang kinikita ng flower shop, prawn farm, bangus pond
at hindi naman kalakihang fruit orchard? Bale nakaluluwag lang. Hindi tulad ng
kinikita ng mga Amores – talagang big time. Napakalawak kasi ng ipinamanang
lupain ni Don Genaro Carreon kay Carding Amores. Iyon pa nga yata ang isang
ipinagsisintir ng mga lalaki sa pamilya natin. Lumabas na mas mayaman pa ang
mga Amores kaysa sa mga Castillo. Hindi nila matanggap iyon.”
“Parang divine justice, ano?” bulalas ni
Irene.
“Parang gano’n na nga,” sang-ayon ni
Lorraine. “Pero hanggang ngayon ay minamaliit pa rin nina Daddy at nina Kuya
ang mga Amores. Langaw lang daw na nakatuntong sa kalabaw kaya yumaman.”
Napabuntonghininga si Irene.
“Tayo na sa flower shop,” anyaya ni
Lorraine. “Bakit ba dito tayo sa daan nagkukuwentuhan?”
Muli silang naglakad.
Kakaibang lalo ang naging pakiramdam ni
Irene pagtuntong pa lamang niya sa sidewalk ng Castillo Building. Para siyang
nahilo. Parang saglit na gumewang ang kanyang mundo. Napahawak nga siyang bigla
kay Lorraine.
“O?” gulat na sabi ng dalaga. “Bakit na
naman?”
“M-muntik lang akong matisod,”
pagdadahilan ni Irene. “Okey na ako. Sorry, ha?”
“Ingat ka,” sabi ni Lorraine. “Halika na
nga sa loob at nang makaupo ka.”
Dalawang babae ang inabutan nila sa loob
ng flower shop. Mukhang mga dalaga pa rin.
“Ate Lorraine,” salubong agad ng isa sa
mga ito. “May tawag kanina si Mang Fabian. Rush order daw na five hundred long
stemmed white roses, dagdag pa sa dati niyang kinukuha. Dadaanan niya ngayong
bagong mananghalian para ibiyahe sa Maynila.”
“Ano?” halatang natataranta na agad na
sagot ni Lorraine. “Kaya ba natin iyan?”
“Hindi pa nga sigurado, Ate,” sagot ng
isa pang babae. “Nakahalo na kasi ang white roses sa mga bundles na nakatoka sa
iba’t ibang buyers. Puwede nating i-pull out ang lahat ng puti para
pagsama-samahin. Saka lang natin malalaman kung aabot nga ba sa five hundred.”
“E di simulan na,” sabi ni Lorraine.
“Hinihintay nga lang namin ang go signal
mo, Ate,” sagot ng unang babae.
Bumaling si Lorraine kay Irene.
“Naku, sorry, Irene,” sabi nito.
“Biglaan ito. Hindi ko akalain. Mukhang matatali ako rito.”
“Baka makatulong ako,” alok niya.
“Hindi, okey na kami,”sagot ni Lorraine.
“Oo nga pala, ito ang aking mga assistants dito – sina Lyn at Beng.”
Binalingan nito ang dalawang dalaga.
“Si Irene, pinsan kong taga-Maynila.
Nagbabakasyon dito,” paliwanag nito.
Kinindatan ni Lorraine si Irene
pagkasabi ng “pinsan”. Naunawaan naman niya. Matagal na paliwanagan pa kung
sasabihin nitong bale pamangkin siya nito. Mas simpleng sabihin na lamang na
magpinsan sila.
“Hi, Ate,” sabi ni Lyn.
“Welcome sa Paraiso, Ate,” sabi naman ni
Beng.
“Thank you,” sagot niya. “Tulungan ko na
kaya kayo?”
“Naku, hindi puwede, Ate,” iling ni Lyn.
“Magkakasugat-sugat ang kamay mo kung hindi ka sanay sa pag-sort out ng mga
roses.”
“Ganoon ba?” sagot niya. “Kunsabagay,
baka nga rin magkalamug-lamog sa mga kamay ko ang mga bulaklak ninyo dahil
hindi nga ako sanay.”
“Pasensiya ka na, Irene,” parang hiyang-hiyang
sabi ni Lorraine. “Napurnada tuloy ang lakad natin. Mamayang pagkapananghalian
na lang siguro.”
“Okay lang,” nakangiting sagot niya. “No
problem. Mas mahalagang asikasuhin mo iyang order na iyan. Business iyan, e.
Ako naman, pupuwedeng maglakad-lakad muna dito sa paligid. Uuwi na lang ako for
lunch. Kung gusto mo, sa bahay na tayo magkita.”
“Sige,” tango ni Lorraine. “Safe naman
dito, e. At sa liit nitong poblacion, hindi ka maliligaw. Makakauwi at
makakauwi ka sa bahay.”
TANDANG-TANDA
pa niya ang direksiyong tinahak nila ni Carding mula sa bahay sa kanyang
panaginip. At kahit parang napaka-surreal ng kanyang ginagawa’y hindi napigil
ni Irene ang sarili na sundan ang rutang iyon.
Ibang-iba ang kanyang nakikita sa paligid
dahil bukod sa umagang-umaga ngayon ay marami nang mga bagong bahay at gusali
sa tabi ng daan. Gayunpama’y parang may nagdidikta sa dalaga kung saan siya
patungo.
Hindi nga nagtagal at sa pagitan ng mga
gusali ay may nakita siyang malawak na puwang. Kataka-taka pero may parang nakalimutang
lupaing nanatili pa ring taniman ng palay sa loob ng poblacion.
Napamaang na naman si Irene. Dahil
naroon, sa gitna ng palayan, ang mismong dampa na tinungo nila ni Carding sa
kanyang panaginip.
Ipinilig niya ang kanyang ulo. Kinusot
ang kanyang mga mata. Pero hindi nga pangitaing tulad ng naganap sa kanya
kanina ang kaharap niya ngayon.
Totoong narito ang palayan. Totoong narito
ang dampa. Ito nga ba ang nasa kanyang panaginip? Bakit buo pa ang dampa? Iyon
ngang bahay ng mga Del Cielo ay noon pa raw kusang nagkasira-sira.
Hindi pa nga niya maipaliwanag kung
paanong nakita niya sa kanyang panaginip kagabi at sa pangitain kanina ang
isang bahay na matagal nang nasira. Heto’t may bago na namang misteryong hindi
niya maipaliwanag.
At parang hindi pa sapat ang lahat ng
iyon dahil may narinig siyang sasakyan na tumigil sa kanyang likuran. At
paglingon ni Irene, ang nakita niyang umibis mula roon at lumalakad nang
papalapit sa kanya ay walang iba kundi si Ding Amores.
(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento