FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 7
ANG
unang reaksiyon ng isip ni Irene ay ang tumalilis. Tumakas. Hindi niya yata
kayang humarap kay Ding Amores. Lalo pa dahil sa napanaginipan niya kagabi.
Pero sa paglingon pa lamang niya ay
nagtama na ang kanilang paningin. At hindi umaalis ang pagkakatitig ng binata sa
kanya. Siya nama’y parang naging bihag ng titig na iyon. Parang napasailalim ng
kung anong kapangyarihan mula sa mga mata ni Ding. Hindi siya makatalikod.
Hindi makaatras. Ni hindi makakilos o makapagbawi ng paningin.
Hanggang sa nasa mismong harapan na niya
ang binata.
“Hello again,” sabi nito.
Iyon pa rin ang malamig at baritonong
boses nito. Suwabeng-suwabe sa pandinig.
“Hi,” sagot ni Irene.
“Sorry sa nangyari kahapon,” sabi ng
binata. “Akala ko lang talaga...”
“Ako rin naman,” sabad ni Irene. “Napagkamalan
din kita. Sorry rin. At sorry sa naging reaksiyon ng Lolo ko. Pasensiya ka na.”
Noon lang bahagyang napangiti ang
binata.
“Sanay na ako sa mga Castillo,” sagot
nito. “Pero Castillo ka rin, hindi ba? Bakit iba ka yata?”
“Hindi naman kasi ako lumaki dito,”
paliwanag niya. “Lumaki ako sa Manila. Nagbabakasyon lang kami ni Lola Fe dito.
Magpinsan sina Lola Fe at Lolo Ado.”
“Apo ka rin nina Irenea at Dolfo
Castillo,” sabi ng binata.
Tumango siya.
“Alam mo ba ang kuwento nila at ng Lolo
Carding ko?” tanong ng binata. “Si Arcadio Amores ang lolo ko. Arcadio Amores
the third naman ako. Ding ang tawag sa akin.”
Muling tumango si Irene.
“Nasabi nga sa akin kahapon kung sino
ka,” sagot niya. “Ako naman si Irene. Ipinangalan kay Lola Irenea. At, oo, alam
ko ang kuwento. Kahapon lang din ikinuwento sa akin.”
“Mabuti at hindi ka galit sa mga
Amores,” sabi ni Ding.
“Sa tingin ko nga, ang Lolo mo pa ang
may dahilang magalit sa Lolo Dolfo namin,” katwiran ni Irene. “Pero matagal na
‘yon. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pang umabot sa panahong ito
ang anumang alitan na dahil doon.”
“Iba sa bayang ito,” sagot ni Ding.
“Maraming bagay ang pinananatiling buhay hanggang ngayon. Tulad na lang nitong
dampa sa palayan. Napansin kong pinagmamasdan mo ito kanina.”
Iminuwestra ni Ding ang dampa.
Bumaling doon ang tingin ni Irene.
“Ahm... nagtaka lang ako,” pagdadahilan
niya. “Parang... parang nakakapagtaka kasi na makakita ng ganitong palayan sa
gitna ng poblacion.”
“Noong araw kasi, ang mismong poblacion
ay iyon lamang simbahan at malalaking bahay na katabi niyon – kasama ang bahay
ng mga Castillo at Del Cielo,” paliwanag naman ni Ding. “Itong bahaging ito,
talagang palayan na. Inabot na lang ito ng pag-unlad sa paglipas ng panahon.”
“Pero bakit naiwan pa rin dito ang
palayang ito?” tanong ni Irene.
“Ibinilin daw talaga ng Lolo Carding na
panatilihing ganito ito,” sagot ni Ding. “Minimintina namin ang palayan at ang
mismong dampa. At araw-araw ay dinadalhan ng bulaklak.”
Noon lang napansin ni Irene ang mga
bulaklak na hawak ni Ding. Kanina kasi ay napatuon lang ang kanyang atensiyon
sa mismong mukha nito.
“Dinadalhan ng bulaklak?” pagtataka pa
rin niya.
“Hindi kasi noon makapag-alay ng
bulaklak si Lolo Carding sa puntod ng Lola Irenea mo,” paliwanag pa rin ni Ding.
“Magagalit ang Lolo Dolfo mo. Kaya dito na lang daw inaalayan ni Lolo Carding
ng mga bulaklak ang Lola mo. Dito kasi sila noon nagtatagpo – noong bago ikasal
ang Lola mo sa Lolo mo.”
Nayanig si Irene. Kumpirmado na naman
ang kanyang napanaginipan.
“P-pero bakit buung-buo pa ang dampa?”
tanong niya. “O reconstructed na ba ‘yan?”
“Iyan pa rin ang orihinal,” sagot ni
Ding. “Iyong nipa lang ang pinapalitan kapag nabubulok na. Halika, tingnan mo
sa loob.”
“H-ha?” nangangambang sagot ni Irene.
“Ayaw mo bang makita ang pinagtatagpuan
nila noon?” sabi ng binata. “Kunsabagay, maiintindihan ko kung ayaw mo. Lolo mo
rin si Dolfo Castillo.”
“G-gusto kong makita,” bawi ni Irene.
“Mag-iingat ka lang sa paglalakad.
Maputik,” sabi ni Ding.
At bago nakaiwas ang dalaga ay nahawakan
na siya nito sa braso para alalayan sa paglalakad. Makitid at maputik nga naman
kasi ang nakahawing daan sa pagitan ng mga pilapil.
Pero hindi sa lupa nakatuon ang
atensiyon ni Irene. Ang buong pandama niya’y nakasentro sa kamay ng binata na
nakahawak sa kanyang braso.
Kay-init ng kamay ni Ding. Pakiramdam
niya’y may hatid iyong kuryente na tumatakbo mula sa kanyang braso patungo sa
kanyang buong katawan. Para siyang napapaso na nakikiliti na hindi niya
maunawaan.
Lalo pa dahil bumabalik na naman sa kanyang
isipan ang eksena sa kanyang panaginip kung saan patakbong binabagtas nila ni
Carding ang mismong daan ding iyon na patungo sa dampa.
Nang makapasok sila sa payak na silid ay
nagparang mas masikip iyon kay Irene kaysa sa nasa kanyang panaginip. Kagabi
kasi ay kay luwang ng espasyong iyon para sa kanila ni Carding. Ngayon nama’y
nangingilag siya kay Ding.
At naroon pa rin pala pati ang papag.
“Orihinal pa rin ang papag na iyan,”
biglang sabi ni Ding.
“H-ha?” napakurap na sagot ni Irene.
Pulang-pula siya. Hiyang-hiya na nahuli
siyang nakatitig sa higaan.
At kung alam lang ni Ding ang mga
alaalang sumasagi sa kanyang isipan. Iyong nakahiga siya sa papag na iyon sa
mga bisig ni Carding – na walang ipinagkaiba kay Ding.
“Talagang matibay itong mga kahoy na
ginamit dito,” dagdag pa ni Ding. “Materyales puwertes.”
Pagtingin niya rito’y nakahawak ang
binata sa mismong poste na pinagsandalan sa kanya ni Carding sa kanyang
panaginip.
Nakahawak ang binata sa gawing itaas ng
poste. Iyon mismong lugar na kinapitan ng dalawang kamay niya habang...
Agad na nagbawi ng tingin si Irene.
Kaybilis na ng pintig ng kanyang pulso.
Pati ang kanyang paghinga ay pabilis nang pabilis. Hindi niya mapigil.
“E-excuse me...” sabi niya bago mabilis
na lumabas ng dampa.
Maagap naman siyang sinundan ni Ding.
“Bakit?” tanong nito.
“Wala,” iling niya nang makalabas na.
Huminga siya nang malalim.
“Naapektuhan ka ba ng dampa?” tanong pa
ng binata.
Bigla siyang napatingin dito. Nananantiya.
May alam ba si Ding tungkol sa nagaganap sa kanya?
Pero wala siyang mabasa sa mukha nito.
Sa halip, parang ito pa nga ang nais makaalam sa mga itinatago niyang sekreto.
Ganoon katiim kung makatitig ang binata.
Umiwas na muli si Irene.
“Baka hinahanap na ako sa amin,” sabi
niya. “Ang sabi ko, pauwi na ako, e.”
“Puwede kitang ihatid,” alok ni Ding.
“No, thanks,” tanggi niya. “Baka
ma-misinterpret ka na naman ng Lolo ko. Mahirap na.”
“Oo nga pala,” sabi ni Ding.
“Thanks for showing me this place, anyway,”
sabi na lang ni Irene.
“May bahagi ka rin naman dito, e,” sagot
ng binata.
Napatda si Irene.
“A-ano?” sabi niya.
Kitang-kita ang biglang pagkabalisa sa
kanyang mukha.
“Dahil Lola mo at Lolo ko ang nagtagpo
dito noon, hindi ba?” paliwanag ni Ding.
“Aaah...” tango niya.
At agad na siyang nagpaalam nang pinal.
“Sige, aalis na ako.”
Hindi pa rin naman siya nakatakas sa
puntong iyon dahil inihatid siya ng binata pabalik sa kalye. At hinawakan siya
nitong muli sa braso habang nilalakad nila ang makitid at maputik na daan sa
pagitan ng mga pilapil.
Parang torture kay Irene ang pagtawid
nila sa maikling distansiyang iyon. Conscious na conscious siya. Takot na takot
na baka makaramdam si Ding sa tunay niyang nadarama.
“Mag-iingat ka,” bilin ng binata
pagbitiw nito sa braso niya.
Nasa kalye na sila.
“Salamat,” sagot niya. “Ikaw rin.”
TAMA
nga ang sinabi ni Lorraine. Imposible nga yatang mawala sa loob ng poblacion ng
Paraiso. Dahil kahit parang wala siya sa kanyang sarili habang naglalakad ay
natagpuan na lamang ni Irene ang kanyang sarili na nasa tapat na ng bahay nila.
Paakyat siya sa malapad na hagdan ng
bahay nang maulinigan niya ang boses ni Lola Fe.
“Bilang pinakamatandang miyembro ng
pamilyang ito, I feel that it is my duty and my obligation to end this
senseless feud once and for all.”
Malakas at may katigasan ang boses ng
matanda. Natigilan tuloy si Irene.
“Gagawin kong instrumento ang aking
birthday celebration para tapusin ang kalokohang ito,” pagpapatuloy ni Lola Fe.
“Wala naman talaga kayong dapat na ikagalit sa mga Amores. Sa isyu nina Lola
Irenea, kung tutuusin ay si Lolo Dolfo pa at ang mga magulang ni Lola Irenea
ang may atraso kay Carding Amores. Si Lola Irenea nga mismo ay inapi nila.
Maging sa mga sumunod na henerasyon, hindi nagkaroon ng anumang atraso sa
pamilya natin ang sinuman sa mga Amores. Hindi nga nila pinapatulan ang mga
panlalait ninyo. Nakakahiya tuloy tayo. Naturingan pa namang pamilya tayo ng
mga teachers at educators.”
“Yes!” gustong isigaw ni Irene. “Sige,
Lola. Ganyan nga.”
Pero siyempre, sa sarili niya lang sinabi
iyon.
“Minana mo lang mula kay Tiyo Andoy
iyang galit mo,” sabi pa ni Lola Fe na halatang si Lolo Ado ang kinakausap.
“Minana naman ni Tiyo Andoy iyon mula kay Lolo Dolfo. At ikaw, ipinamana mo pa sa
mga anak mong lalaki. Mabuti na lang at hindi naimpluwensiyahan si Lorraine.”
“Oo nga,” tahimik na sagot uli ni Irene.
“Mas may sense kasi ang mga babae sa pamilyang ito. Nagmana kay Lola Irenea.
Samantalang iyong mga lalaki, nagmana yatang lahat kay Lolo Dolfo.”
“Kung hindi mo kayang kausapin at
pagpaliwanagan sina Rodie at Ronnie, ako ang kakausap sa kanila,” dagdag ni
Lola Fe. “Matatanda na sila pero pare-pareho kayong mag-aama na
nagpapaka-childish pa rin sa ginagawa ninyong iyan.”
Kamuntik nang matawa si Irene. Nasasabon
pa rin pala ng lola niya ang mas nakababata nitong pinsan.
“Matagal ko na ngang pinagsasabihan
iyang si Ado, Ate,” biglang sabad ni Lola Lorena. “Matigas talaga ang ulo.
Ginagatungan pa pati sina Rodie at Ronnie.”
“Oo na. Sige na. You’ve both made your
point,” sagot na ni Lolo Ado.
“So tanggap mo na ring mali ang ginagawa
ninyo?” tanong ni Lola Fe. “Itutuloy ko na ang balak ko?”
“Bahala kayo,” sagot ni Lolo Ado.
“Nagkakaisa na kayong mga babae, e. May magagawa ba kami? Outnumbered na kami ngayon.”
“Hindi naman numbers game ito,” katwiran
ni Lola Fe. “Nagkataong tama kami at mali kayo.”
“Okay, okay,” sagot ni Lolo Ado. “Sige
na’t hinihintay na siguro ako ni Mayor. Kailangan ko nang lumakad.”
Nang marinig iyon ni Irene ay nataranta
siya. Baka mahuli pa siyang nanunubok sa may hagdan. Bigla niyang itinuloy ang
pagpanhik. Sinadya niyang pag-ingayin ang kanyang mga yabag. Para bang
kadarating lang niya.
Nakasalubong niya sa itaas ng hagdan si
Lolo Ado. Nagmano siya rito.
“Kaawaan ka ng Diyos, iha,” parang wala
sa sariling sagot nito bago nagmamadaling nanaog.
Nagtatawanan sina Lola Fe at Lola Lorena
nang datnan ni Irene sa salas.
“O, bakit andito ka na uli?” pagtataka
ni Lola Lorena nang makita siya.
“May biglaang order na kinailangang asikasuhin
ni Lorraine, e,” sagot niya. “Naglakad-lakad na lang ako bago umuwi.”
“May ibabalita kami sa iyo,” sabi ng kanyang
Lola Fe.
At ikinuwento nito ang tungkol sa
naganap na usapang narinig na ni Irene. Pero siyempre, nagkunwari na lang ang
dalaga na hindi pa niya alam iyon.
“I agree with you a hundred percent,
Lola,” sabi niya pagkatapos. “Hindi dapat pinatatagal ang mga ganyang family
feud. Walang ibubungang maganda para sa lahat.”
“Malaki ang magagawa nito sa ikapapanatag
ng loob natin,” dugtong ni Lola Fe. “Kinakabahan pa rin kasi ako doon sa
bersong ikaw ang tutubos sa lahat ng kapighatian. Baka ‘kako pupuwede namang sa
paraang ito na natin matubos ang kung ano man ‘yon.”
“Oo nga,” tango ni Lola Lorena. “Parang
lilinisin na natin ang lahat. Buburahin ang mabibigat na karma.”
“Mabuti naman at pumayag si Lolo Ado,”
sabi ni Irene. “At mapapapayag din kaya sina Kuya Rodie at Kuya Ronnie?”
“Aba, ngayong may back-up na ako ni Ate
Fe, hindi na sila pupuwede sa akin,” sagot ni Lola Lorena.
“Ihahanda na namin ngayong hapon ang mga
invitations,” sabi ni Lola Fe. “Irene, mas mabuti siguro kung kayo ni Lorraine
ang mag-approach kay Ding Amores para maghatid ng imbitasyon. Magpakilala kayo.
Hindi niya kayo matatanggihan.”
“Na-meet ko na siya, Lola,” sagot ni
Irene. “Ngayun-ngayon lang, habang naglalakad akong pauwi. Nadaanan ko kasi
iyong palayang nasa gitna ng poblacion. Napatigil ako. Nagkataon namang papunta
siya roon. Kanila pala ‘yon. Nag-apologize nga kami sa isa’t isa dahil sa
nangyari kahapon. Mabait naman siya. Bale nagkakilala na kami.”
“Aba, good,” sabi ni Lola Fe. “Tingnan
mo nga naman ang pagkakataon.”
“Iyon palang dampa sa gitna ng palayang
iyon ang dating tagpuan nina Lola Irenea at Carding Amores,” pagkukuwento niya.
“Alam na ba ninyo iyon?”
Sabay na umiling ang dalawang matandang
babae.
“Kaya nga raw ipinagbilin ni Carding
Amores na i-preserve na parang shrine ang lugar na iyon,” pagpapatuloy ni
Irene. “Doon daw ito noon nag-aalay ng bulaklak magmula nang mamatay si Lola
Irenea. Hanggang ngayon, ipinagpapatuloy pa rin ni Ding ang tradisyong iyon
araw-araw.”
“Talaga?” manghang sambit ni Lola Fe.
“Kaya pala hindi binabago ang lugar na iyon.”
“Wow!” iling naman ni Lola Lorena.
“So, paano, di mas madali na ninyong
mapupuntahan ni Lorraine bukas si Ding Amores?” sabi ni Lola Fe. “Magkaibigan
na pala kayo, e.”
“S-sige,” sagot ni Irene.
Kahit kinakabahan siya nang
katakut-takot.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento