Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Sabado, Abril 15, 2023

Abakada ng Pag-ibig: IRENE Chapter 8

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 8

DALA nila ang jeep na si Ronnie raw mismo ang nag-assemble. Si Lorraine ang nagmamaneho.

        “Alam mo bang puntahan ang farm ng mga Amores?” tanong ni Irene.

        “Oo naman,” sagot ni Lorraine. “Nadadaanan iyon papunta sa kabilang bayan. Medyo malayo na nga lang mula rito sa poblacion.”

        “Bakit wala silang bahay sa poblacion?” tanong ni Irene.

        “Ewan ko,” sagot ni Lorraine. “Sa pagkakaalam ko naman, marami silang lupa sa sentro.”

        “Nagulat ako sa lakas ng personalidad ni Ding Amores,” sabi ni Irene.

        “Graduate ng UP Los BaƱos iyon, e,” pagkukuwento ni Lorraine. “Agriculture.”

        “Ganoon?” nakataas ang kilay na sambit ni Irene. “Ang layo naman niyon dito. May kurso namang ganoon sa kolehiyo rito, hindi ba?”

        Nagkibit-balikat si Lorraine.

        “Gusto sigurong makakuha ng mga pinakabagong ideas sa agri-business,” sagot nito. “At ganoon nga naman ang nangyari. Magmula nang bumalik dito iyang si Ding, malaki ang ipinagbago at iniunlad ng farm nila.”

        “Sino ang ka-batch niya?” tanong ni Irene. “Si Kuya Ronnie?”

        “Hindi,” iling ni Lorraine. “Matanda pa siya nang isang taon kay Kuya Ronnie. Nauna siya nang one year sa school, e. That means twenty eight na siya ngayon.”

        Naisip ni Irene, limang taon pala ang itinanda sa kanya ni Ding.
        “Di matagal na pala siyang nagma-manage nitong farm nila,” sabi niya. “Mga seven to eight years na.”

        “Mm-hmm,” tango ni Lorraine.

        “E ang parents at mga kapatid niya?” tanong pa ng dalaga.

        “Kamamatay lang ng father niya mga three years ago yata,” sagot ni Lorraine. “Iyong mother nila, matagal nang namatay. Hindi ko na inabot iyon, e. Ang mga kapatid naman niya, dalawang babae. Mas matatanda at pareho nang may-asawa. Wala rito. Balita ko, nasa abroad yata iyong panganay at nasa Maynila naman iyong pangalawa.”

        “So nag-iisa na lang itong si Ding na Amores dito sa Paraiso?” sabi ni Irene. “Mabuti’t up-to-date ka sa balita tungkol sa kanila.”

        Natawa si Lorraine.

        “Si Daddy at sina Kuya kasi, e,” sagot nito. “Galit na galit nga sa mga Amores pero interesado namang palagi na malaman kung ano na ang nagaganap sa pamilyang iyan. Isa pa, ka-batch ni Kuya Rodie sa school ang panganay nina Ding na si Patchit. Hindi nga lang sila nagpapansinan.”

        “Mabuti na lang at babae iyong Amores na naka-batch niya,” sabi ni Irene. “Kung hindi, baka nagkabanggaan na talaga sila.”

        “Ewan ko rin,” sagot ni Lorraine. “Sa naoobserbahan ko kasi dito kay Ding Amores, hindi pikon. Mabuti nga’t hindi pinapatulan sina Kuya.”

        “Sabi nga ni Lola Fe,” pakli ni Irene. “At saka napansin ko rin iyon noong isang araw – noong napagkamalan namin ang isa’t isa. Nag-apologize siya agad kay Lolo Ado kahit ang sama na ng tingin ni Lolo sa kanya.”

        Isang pilyang ngiti ang sumungaw sa mga labi ni Lorraine.

        “Gentleman siya, ano?” sabi nito. “Guwapo pa. Type mo ba?”

        “H-ha?” gulat na sagot ni Irene. “N-naku, ha? Baka ikaw diyan.”

        Tumawa si Lorraine.

        “Iyong matanda pa kay Kuya Ronnie?” sabi nito. “No way. At least, kayo, mas magkalapit ng edad. At saka madali kayong nag-click, hindi ba? Nagkakuwentuhan na agad kayo kahapon.”

        “Para iyon lang,” pagkikibit-balikat ni Irene.

        “Ay, kung ako, hindi ko kaya ‘yon,”sabi ni Lorraine. “Ito ngang pagpunta natin sa kanila, hindi ko magagawa kung hindi  ganitong sasamahan lang kita. Matagal akong mag-warm up sa bago ko pa lang na kakilala, e. Lalo pa kung lalaki. Nasanay kasi ako na ang mga kahalubilo kong lalaki ay iyong sa pamilya lang o kaya nama’y iyong mga nakaklase ko magmula pa sa kinder.”

        Nangiti si Irene.

        “Akala ko, sheltered na iyong buhay ko sa Manila,” sabi niya. “Nag-aral kasi ako sa exclusive girl’s school mula elementary hanggang college. Pero mas sheltered ka pa rin pala kahit coed ang school n’yo rito. Ako kasi, kahit paano, natuto ring humarap sa mga estranghero.”

        “Kung sabagay, hindi ko naman kasi kailangang matutunan iyan dito,” sabi ni Lorraine. “Wala naman akong balak na umalis ng Paraiso, e.”

        “Bakit, may boyfriend ka na ba dito?” nakangiting tanong ni Irene.

        “Ay, wala pa,” iling ni Lorraine. “Ewan ko ba. Wala pa akong mapili sa mga nanliligaw sa akin. Palibhasa pare-pareho ko silang kilalang-kilala na mula pagkabata, parang pantay-pantay lang ang affection ko sa kanila. Walang nakalalamang. Siguro, bahala na kung sino ang magtiyagang maghintay sa aking pagdedesisyon.”

        Naisip agad ni Irene, ganoon lang ba ang pagpili ng lalaking mamahalin? Pero siyempre, hindi naman niya puwedeng panghimasukan ang personal na desisyon ni Lorraine. Hindi na lang siya kumibo.

        “Ito na ang papasok sa property ng mga Amores,” sabi ni Lorraine habang papaliko sa isang daang sumasanga mula sa binabagtas nilang highway kanina. “Dito nagsisimula ang kanilang property line.”

        “Wala man lang bakod, gate o kahit welcome arch?” pagtataka ni Irene.

        “Ganito lang talaga ito magmula pa noon,” sagot ni Lorraine. “Kung hindi mo nga alam kung gaano kalawak ang property na ito, iisipin mong small time lang. Simple lang talaga sila, e.”

        “Diretso na ba sa bahay nila ang daang ito?” tanong ni Irene.

        “Actually, iyan ang hindi ko na alam,” amin ni Lorraine. “Ngayon pa lang ako makakapasok dito, e. Magtanung-tanong na lang tayo.”

        Hindi naman pala mahirap hanapin ang bahay ng mga Amores. Sa unang napagtanungan pa lang nila’y naibigay na agad sa kanila ang tamang direksiyon.

        Antigong bahay na rin ang kanilang dinatnan. Halos wala namang ipinagkaiba sa bahay ng mga Castillo.

        Paghimpil pa lang ng jeep nila sa bakuran sa harap ng bahay ay lumabas na agad si Ding. Nakabadha sa mukha nito ang pagkagulat.

        “Irene?” parang hindi makapaniwalang sabi ng binata.

        “Hi!” sagot niyang nakangiti kahit nanlalamig ang kanyang mga kamay sa nerbiyos.

        “Kasama ko si Lorraine,” dugtong niya habang papaibis. “Anak ni Lolo Ado. Tita ko na mas bata pa sa akin.”

        Nakaibis na rin si Lorraine at nakaikot sa jeep para tumayo sa tabi niya.

        “Lorraine, si Ding Amores,” pagpapakilala ni Irene sa binata.

        “H-hello,” nahihiya pang sabi ni Lorraine.

        “Kilala na kita,” nakangiting sagot ni Ding. “I’m sure, kilala mo na rin ako. But it’s a pleasure to be formally introduced at last.”

        Pagkatapos ay bumaling ang binata kay Irene.

        “Napakagandang sorpresa naman nito,” sabi ng binata.

        “Napag-utusan lang kami,” sagot agad niya. “May ipinahahatid na imbitasyon si Lola Fe.”

        Inabot niya ang sobre.

        Nakataas ang magkabilang kilay ni Ding habang tinatanggap iyon.

        “Para iyan sa seventy-first birthday bash ni Lola Fe,” paliwanag ni Irene. “Iyan ang dahilan kaya umuwi kami rito. Gusto niyang dito mag-celebrate. She also decided that she wants to end this family feud once and for all. Kaya kinukumbida ka niya. Kung nandito pa sana pati mga kapatid mo, lahat kayo.”

        Natigilan si Ding.

        “Na-shock ka ba?” nakangiting tanong ni Irene.

        “Parang ganoon,” amin ng binata. “Kasi naman, dumating ka lang dito sa Paraiso, ang dami nang nangyari.”

        Namula si Irene.

        At pagsulyap niya kay Lorraine, nakita niyang nakangiti rin ito nang makahulugan sa kanya. Gusto na tuloy niya itong kurutin sa tagiliran.

        “Sana makapunta ka,” sabi niya para pagtakpan ang pagkailang.

        “Of course,” sagot ni Ding. “How can I refuse? It’s a great honor, lalo pa dahil kayo ang naghatid nitong imbitasyon.”

        Hindi napigil ni Irene ang matawa.

        “Iyan nga ang inaasahan ni Lola Fe kaya kaming dalawa ang inutusan, e,” amin niya.

        “Pero kailangang pagbigyan din ninyo ang imbitasyon ko,” ganti ni Ding.

        “Ha?” sabi ni Irene.

        “Ipapasyal ko kayo sa farm,” paanyaya ng binata. “Pagkatapos, babalik tayo rito sa bahay at ipagluluto ko kayo ng lunch.”

        Lalong nagulat si Irene.

        “Ipagluluto mo kami? Tama ba ang narinig ko?” sabi niya.

        Tumango si Ding.

        “Dapat lang,” sagot nito. “Very special guests ko kayo, e.”

        “Sige,” biglang sagot ni Lorraine.

        Napatingin dito si Irene. Nakataas ang kilay.

        Nakangiti naman nang pilyang-pilya si Lorraine. Parang nanunukso sa kanya.

        Gusto sanang isumbat dito ni Irene na, “Akala ko ba, mas conservative ka sa akin?” Pero mamaya na. Hindi na rin kasi niya maatrasan ang tinanguan nitong kompromiso.

        “Iwan na ninyo dito ang jeep n’yo,” sabi ni Ding. “Doon tayo sa sasakyan ko.”

        Buong umaga silang nag-ikot sa lupain ng mga Amores.

        “Ang lawak pala nito,” sabi ni Irene.

        “Madrama rin ang kuwento ng lupang ito,” sabi ni Ding.

        “O?”sagot ni Irene. “Mukhang madrama nga yata ang lahat dito sa Paraiso. Sige nga, ikuwento mo.”

        “Alam na ng lahat na ipinamana ito ni Don Genaro Carreon sa Lolo Carding ko,” sabi ni Ding. “Ang malaking misteryo ay kung saan ito nakuha ni Don Genaro. Bigla na lang kasing sumulpot dito sa Paraiso si Don Genaro at ang asawa niyang si Donya Carlota. Kaya nga hindi sila natanggap ng mga tagarito. Kita ninyo, hindi sila nagtayo ng bahay sa poblacion.”

        “Iyon nga mismo ang ipinagtataka ko kanina,” sabi ni Irene.

        “They were always treated as outsiders,” paliwanag ni Ding. “Basta na lang daw kasi dumating dito at nagpakita ng mga papeles na nag-aangkin sa malawak na lupaing ito. Hindi na naalis ang pagdududa ng lahat sa kanilang pagkatao.”

        “Bakit nga ba bigla na lang sumulpot dito?” tanong ni Irene. “Saan sila nanggaling? Bakit hindi alam ng mga tagarito kung sino ang nagmamay-ari ng mga lupang ito?”

        “Pagmamay-ari ng mga prayle ang mga lupang ito noong panahon ng mga Kastila,” sagot ni Ding. “Eventually, ibinigay na parang gantimpala sa isang mestisong heneral. Anak sa labas ng heneral na iyon si Don Genaro. At dahil nasa liblib na lugar ang lupaing ito at hindi na pinag-interesan ng mga legal na anak ng heneral, ito ang ipinamana kay Don Genaro. Nang makapag-asawa siya ay pinabaunan siya ng malaking halaga para dito na sila manirahan na mag-asawa.”

        “Hindi na sila nagkaanak, di ba?” sabi ni Lorraine.

        “Sakitin kasi si Donya Carlota,” sagot ni Ding. “Batambata pa nga nang mamatay. Kaya tuloy naging sugarol at lasenggo si Don Genaro. Kakatwa namang laging sinusuwerte. Nananalo.”

        “Malas naman ang Lolo Pablo Del Cielo namin kaya naipatalo ang mga ari-arian,” sabi ni Irene. “Kung bakit kasi itinaya pati mga ari-arian ng pamilya, e.”

        “Naawa raw si Don Genaro kay Lolo Carding noong masawi siya sa pag-ibig,” sabi ni Ding. “Kasama na rin doon ang pagtanaw sa loyalty ni Lolo kaya ipinamana sa kanya ang lupaing ito.”

        “Kasama rin daw ng lolo mo sa pagtatrabaho dito noon ang lola mo?” sabi ni Irene.

        Tumango si Ding.

        “Anak si Lola Paz ng dating mayordoma nina Don Genaro,” pagkukuwento pa rin nito. “Sixteen years  younger siya kay Lolo Carding. At alam niya ang kuwento ni Lolo Carding at ng Lola Irenea ninyo kahit na five years old pa lang siya nang mamatay ang lola ninyo. Siguro na-impress siya sa kung gaano minahal ni Lolo Carding pati alaala ng lola ninyo kaya na-in love siya kay Lolo Carding. Nakita naman iyon ni Don Genaro kaya nag-play cupid ang matanda bago namatay. By that time, kailangan na rin ni Lolo Carding ng makakasama sa buhay. I’d like to think he also learned to love his wife even if not as much as his first love.”

        “Oo naman siguro,” sang-ayon ni Irene. “Iba naman kasi ang kaso nila kaysa sa nangyari kina Lola Irenea at Lolo Dolfo.”

        “Iisa na nga  lang ang naging anak nila,” sabi ni Ding. “Si Papang. Arcadia Amores Jr.”

        “Halos magkaedad daw yata sila ni Lolo Ado,” sabi ni Irene.

        “Magkasunod nga lang daw sila ng taon sa school,” tango ni Ding. “Matanda lang nang isang taon ang lolo mo.”

        “Mabuti na lang hindi sila naging magkaklase,” sabi ni Irene.

        “Oo nga,” sagot ni Lorraine. “May pagka-war freak si Daddy, e.”

        Nangiti si Ding.

        “Hindi pa naman umabot sa ganoon kagrabe ang cold war sa pagitan ng mga pamilya natin,” sabi ng binata. “Hanggang masasamang tingin lang. At saka mahigpit na ipinagbilin daw ni Lolo Carding kay Papang na hindi kami dapat makipag-away o manggulo sa mga Castillo. Respetuhin daw namin ang pamilya ng Lola Irenea ninyo.”

        “Matindi rin talaga ang Lolo Carding mo, ano?” sabi ni Irene. “Nakakabilib. Hindi nakakapagtakang ma-in love sa kanya si Lola Irenea at pati na rin ang Lola Paz mo.”

        “Bilin din daw ni Lolo Carding kay Papang na kailangang sundin niya ang ganoong klase ng pagpapahalaga at pagmamahal sa babaing kanyang iibigin,” salaysay ni Ding. “Kaya nga siguro umabot si Papang sa edad na thirty-five bago nag-asawa. Naniguro siya. Hinintay niya ang babaing talagang makakapagpa-in love sa kanya. Huli kasing ipinanganak si Mamang, e. Seventeen years younger naman siya kay Papang. Hinintay pa ni Papang na magdalaga siya. Eighteen nga lang siya nang ikasal sila.”

        “Ow?” sabi ni Irene.

        “Unfortunately, she died after giving birth to me,” malungkot na dagdag ng binata.

        “I-ikaw rin?” sambit ni Irene. “Pareho pala tayo.”

        “Nabalitaan ko nga ang kuwento mo,” sabi ni Ding. “Oo nga, pareho tayo.”

        “Pero mas masuwerte ka pa rin,” sabi ni Irene. “Mas normal ang kinalakhan mo. Sabi ni Lorraine, tatlo kayong magkakapatid. At kasama ninyo ang father ninyo.”

        “Up to his death three years ago, siya ang mentor ko,” sagot ni Ding. “Ako kasi talaga ang  hinubog niya na mag-takeover dito sa farm. Hindi raw kasi siya nakasisiguro kung mananatili nga ba rito sina Ate Patchit at Ate Marie kapag nag-asawa na sila. Na nagkatotoo nga. Nag-migrate sa States sina Ate Patchit. Manila-based naman sina Ate Marie. Pero ako, dito na talaga.”

        “Nag-UPLB ka raw,” sabi ni Irene. “Tsismis sa akin nitong si Lorraine.”

        “Sinuwerte akong matanggap doon kaya sinamantala na namin,” sagot ni Ding. “Mahirap dahil napakalayo. Sem-break, Christmas break at summer lang ako nakakauwi rito noon. Pero nakayanan ko rin. Sabi kasi ni Papang, malaking tulong sa pagpapalakad nitong farm ang mga matututunan ko sa UPLB.Tiyagaan lang.”

        “Nagamit mo naman talaga ‘yon dito, di ba?” sabi ni Irene.

        Tumango si Ding.

        “Doon ko natutunan ‘yung ipinakita ko sa inyo na organic farming techniques dito,” sagot ng binata. “Noong simula, maraming ayaw maniwala na pupuwedeng mag-farming nang walang chemical fertilizers at pesticides. Hindi raw ako magtatagal sa ganoong sistema. Pero heto, napatunayan naming kayang gawin iyon kahit sa ganito kalaking farm. Napangangalagaan ang lupa at kapaligiran. Safe sa mga nagtatrabaho rito. Safe din ang produkto para sa consumers. Tugmang-tugma sa tumataas na health consciousness ng publiko.”

        “Dapat pala ganyan din ang gawin namin,” biglang singit ni Lorraine.

        “Willing naman akong magturo ng ganitong techniques,” sagot ni Ding. “In fact, gustung-gusto ko ngang ipalaganap ito kaya marami na akong nakumbinseng mag-shift sa ganitong sistema dito sa Paraiso.”

        “Kausapin natin sina Mommy at Tita Fe, Irene,” sabi ni Lorraine. “Kailangang makumbinse nila sina Daddy, Kuya Rodie at Kuya Ronnie na gawing organic na rin ang farm natin.”

        “Dapat nga,” sang-ayon ni Irene.

        “Bakasakaling maging simula na itong birthday celebration ni Lola Fe para masimulan ang pag-uusap tungkol sa bagay na iyan,” mungkahi ni Ding.

        “Gawin nating target iyan,” sabi ni Irene.

        Saka niya napansin na nakabalik na pala sila sa bakuran ng bahay ni Ding.

        “O, tena kayo sa itaas,” sabi ng binata pagkatapos maihimpil ang sasakyan. “Ipagluluto ko na kayo ng lunch.”

        “Seryoso ka talaga, ha?” sagot ni Irene. “Marunong kang magluto?”

        “Hindi ako mapapahiya sa inyo,” nakangiting pagmamalaki ni Ding.

        Sa kusina sila nito dinala.

        “Naku, very modern naman pala ang kitchen mo rito,” humahangang sabi ni Irene.

        Sa kabila kasi ng pagka-antigo ng bahay ay kumpleto ang kusina nito sa mga gamit na tulad ng electric oven, microwave oven, tabletop stove, blender, food processor at juicer bukod pa sa two-door na refrigerator at freezer.

        “Hilig ko talaga ang kusina, e,” sagot ni Ding. “In fact, puwede nga sigurong tawaging bisyo ko na ito. Kahit malayo ako sa mga gourmet restaurants sa Manila, dito ko naman nailuluto ang mga recipes na nababasa ko sa gourmet magazines at napapanood sa mga cooking show sa cable TV. Madalas din akong mag-innovate ng sarili kong recipes.”

        “Alam mo, matutuwa sa iyo ang Lola Fe ko,” sabi ni Irene. “Dapat pala isinama namin siya ngayon.”

        “Okay lang kaya kung bumisita ako sa inyo one of these days, even before her birthday?” tanong ni Ding. “Magpapakilala ako sa kanila. Magdadala rin ako ng luto ko – para naman matuwa sila sa akin.”

        “Parang bribe, ha?” nakangiting sagot ni Irene. “Puwede naman, siyempre. Huwag kang mag-alala, sina Lola Fe at Lola Lorena ang bahala kina Lolo Ado, Kuya Rodie at Kuya Ronnie.”

        “Maganda nga siguro kung makilala ka nila bago pa no’ng partly,” sang-ayon ni Lorraine. “Mas makakapag-usap-usap. Magulo na kasi doon sa party, e. Marami na masyadong tao. At siguradong magiging center of attention ang presence mo roon.”

        “O sige, bukas na bukas din, dadalaw ako sa inyo,” pangako ni Ding. “Pero ngayon, maupo muna kayo riyan habang inihahanda ko ang ating soup, salad and pasta. Mga thirty minutes lang ito.”

        “Talaga, ha?” nakataas ang kilay na hamon ni Irene.

        Pero tama nga si Ding. Sa loob lang ng kalahating oras ay naihain na nito sa harapan nila ang mainit na vegetable chowder, fresh vegetable salad with oil-and-vinegar dressing at fettuccine with pesto sauce. Panay pa ang kuwento nito habang naghahanda ng pagkain.

        “Very efficient ka nga pala sa kusina,” sabi ni Irene nang nakaupo na rin si Ding sa tabi nila ni Lorraine. “Ako, payag lang akong magluto kung mayroon akong assistants na tagahiwa at tagaligpit ng mga ginamit kong utensils. Ikaw, may sistema. Kasabay na ng pagluluto mo ang pagliligpit. Parang ang dali.”

        “Either masuwerte ang mapapangasawa mo dahil maipagluluto mo siya, o malas dahil mataas nang masyado ang standards mo sa kusina,” sabi naman ni Lorraine.

        “Aba, hindi ko naman paghahanapan ng kung anu-ano ang mapapangasawa ko,” sagot agad ni Ding. “Mana ako kay Lolo Carding, e. Pag ako nagmahal, bigay-todo. Okey lang na pagsilbihan ko siya hanggang sa kusina.”

        “Naks, ha,” sabi ni Lorraine. “Napakasuwerte naman ng babaing iyon.”

        Biglang bumaling si Ding kay Irene.

        “O, tikman mo nga kung papasa na sa iyo ang luto ko,” sabi ng binata.

        “H-ha?” sagot niya.

        “Kumain na tayo bago lumamig itong soup,” dagdag ni Ding. “Then give your verdict.”

        “S-sige nga,” sabi niya.

        Masarap naman pala talagang magluto ang binata.

        “Puwede ka ngang maging gourmet chef,” amin ni Irene. “This is really good. Para tayong nasa sosyal na restaurant.”

        “I agree,” tango ni Lorraine.

        “So puwede ko kayong maanyayahan uling kumain dito?” nakangiting tanong ni Ding.

        “Naku, baka hindi na kami payagan,” sagot agad ni Irene.

        “Malamang nga,” tango rin ni Lorraine. “Para naman kasing hindi mo alam dito sa atin. That’s just not done. Hindi maganda ang dating ng ganoon sa mga tao.”

        “Okey,” sabi ni Ding. “Di ako na nga lang ang dadalaw sa inyo.”

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento