Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Sabado, Abril 15, 2023

Abakada ng Pag-ibig: IRENE Chapter 9

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 9

TALAGANG pinaghandaan nina Lola Fe at Lola Lorena ang pagdalaw ni Ding Amores sa bahay ng mga Castillo.

        Ganoon na lang ang pagkausap ng dalawang babae kina Lolo Ado, Rodie at Ronnie. Napapayag naman ang tatlong lalaki na maging maginoo sa pagtanggap sa binata.

        Dumating si Ding na may dalang malaking relyenong pabo na pinalamanan ng ginisang ubod ng niyog at giniling na baboy. Nakaupo sa isang bilao ng seafood paella.

        Tuwang-tuwa nga sina Lola Fe at Lola Lorena sa binata. Hindi pumayag ang mga ito na magpatawag nang “Ma’am” o Mrs. Gracioso at Mrs. Castillo.

        “Lola Fe at Lola Lorena na lang, iho,” sabi ni Lola Fe.

        At hindi pumayag ang dalawa na hindi ito makasalo sa hapunan ng pamilya.

        Napilitan na talaga sina Lolo Ado, Rodie at Ronnie na makipag-usap nang matino kay Ding.

        “Balita ko, maganda ang takbo ng organic farm mo,” sabi ni Lolo Ado habang kumakain na sila.

        “Okey naman ho,” sagot ni Ding. “Noong first few years namin, marami pa kaming naging problema. Nitong nakaraang limang taon, smooth sailing na. Nagkaroon na kami ng kumpiyansang i-share ang technology sa ibang mga farm. Hindi na kami mapapahiya.”

        “Natulungan mo nga raw sina Caloy Ortega ng Ortega Farms,” sabi ni Ronnie. “Organic na ang buong operations nila ngayon.”

        “Kung tutuusin kasi, kulang pa ang pinagsamang produkto namin para tumugon sa pangangailangan ng market sa organic products,” sagot ni Ding. “Napipilitan tuloy ang mga tao na bumili ng mga imported na organic food na mas mahal.”

        “Sa tingin mo ba, kaya naming mag-organic?” tanong ni Rodie. “Kahit sa flower farm ni Lorraine?”

        “Kayang-kaya,” tango ni Ding. “And I’m willing to help you through the transition if you decide to transform your farm. Ang dream ko nga, maging organic farms ang lahat dito sa Paraiso. May ganoong communities sa California na talaga namang sinasadya ng mga buyers.”

        “Aba, maganda ‘yon,” sabi ni Lola Fe. “Nakakatuwa naman na puwede na palang pagsabayin ngayon ang pangangalaga sa environment, kalusugan ng farm workers at kalusugan ng consumers. And it makes good business sense na rin pala.”

        “Sige, pare, pag-usapan natin ‘yan,” sabi ni Rodie.

        Nagkasulyapan sina Irene at Lorraine. Parang hindi makapaniwalang napaayon nila ang mga lalaki sa proyektong maghapon nila kaninang ipinaliwanag.

        “Oo, anytime,” tango naman agad ni Ding. “Kung gusto ninyo, ipapasyal ko kayo sa farm namin at sa mga Ortega. Pagkatapos niyon, tingnan natin kung ano ang mga possible changes na gagawin sa operations ninyo. Sabihin lang ninyo kung kailan. Kahit bukas mismo, okey sa akin.”

        “Ano, Dad? Ronnie?” tanong ni Rodie.

        “Call ako,” tango ni Ronnie.

        “Sige, sasama ako bukas,” tango rin ni Lolo Ado.

        Napakurap si Irene. Ganoon lang ba kadali iyon?

        Kaydulas na ng naging daloy ng usapan pagkatapos niyon. Halos dinomina na nga ng mga lalaki ang pakikipag-usap kay Ding.

        Nang saglit na pumunta ang mga babae sa kusina para kunin ang kape at mga minatamis, nagbulungan sila.

        “Parang ang bilis namang nag-turn around sina Lolo Ado,” parang pagdududa ni Irene. “Akala ko ba, galit na galit sila sa mga Amores? Noong isang araw lang, ang init-init nila kay Ding.”

        “Na-realize na rin ni Ado na mali sila all these years,” sagot ni Lola Fe. “Parang nakasanayan na lang kasi ang attitude nila noon. Pero ngayong nanindigan na tayo laban doon, bumigay na rin sila.”

        “Nakakagulat lang na bumigay din sila agad tungkol sa organic farming,” sabi naman ni Lorraine. “I was expecting more resistance to the idea.”

        “Ako naman, naiintindihan ko itong nangyayari,” nakangiting sagot ni Lola Lorena. “Iyan kasing mga lalaki natin, hindi sanay sa small talk o polite conversation lang lalo na kapag ganitong may pinagmulang tensiyon. Mas kumportable sila kapag business ang pinag-uusapan. At kung sa business, kaya nilang makipag-alliance kahit kanino. Kahit pa sa taong dati nilang itinuturing na kalaban. Kaya hayan, dinala nila agad sa business ang usapan. Wala naman silang talo dahil na-realize din siguro nila na makakapagpaunlad din talaga sa farm natin ang organic farming methods ni Ding.”

        “Kilalang-kilala mo nga ang iyong mag-aama,” tango ni Lola Fe.

        Hindi man lang nagkasarilinan sina Irene at Ding nang gabing iyon. Hanggang sa magpaalam ang binata nang mga alas-diyes ng gabi ay kaharap nito ang buong pamilya at halos panay na ang mga lalaki pa rin ang ka-diskusyon nito.

        “Hay, salamat naman at naayos na rin iyon,” sabi ni Lola Fe nang makaalis na si Ding. “Ang gaan-gaan na ng loob ko ngayon.”

        Nakangiti si Irene. Pero ang ipinagtataka niya’y mabigat naman ang loob niya. Parang may kulang.

        Naayos na nga ang relasyon ni Ding Amores sa pamilya Castillo. Pero nangibabaw pa rin sa kanya ang pagkabigo na hindi man lang sila nakapag-usap nang silang dalawa lamang.

 

MATAMLAY si Irene buong araw kinabukasan. Alam niyang naroon ang kanyang Lolo Ado, Kuya Rodie at Kuya Ronnie kina Ding. Inggit na inggit siya sa mga ito.

        Nagulat siya nang umuwi ang tatlo kinagabihan nang kasama uli si Ding.

        “Dito maghahapunan si Ding,” pahayag ni Lolo Ado.

        “Aba, good,” tuwang-tuwang sagot ni Lola Lorena.

        “Marami pa kaming pag-uusapan, e,” sabi ni Rodie.

        Bumagsak na naman ang loob ni Irene.

        Ganito na lang ba ang mangyayari palagi? Panay business talk na lang ang mamamagitan sa kanyang Lolo, mga Kuya at kay Ding?”

        Pero nang mapatingin siya sa binata, nahuli niyang nakatitig ito sa kanya. At nginitian siya nito nang pagkatamis-tamis.

        Lumukso ang puso ni Irene.

        Habang naghahapunan, napag-usapan ang lakad ng mga lalaki kinabukasan. Si Ding naman ang ipapasyal sa farm ng mga Castillo.

        “Sumama na kayo ni Lorraine, Irene,” biglang anyaya ni Ding.

        “Oo nga,” salo naman agad ni Lorraine. “Hindi pa nga pala natin naipapasyal si Irene sa farm.”

        “Sige, di sumama kayong dalawa,” sagot ni Ronnie.

        “At dito na uli kayong lahat maghapunan, ha?” sabi ni Lola Fe. “Kasama ka, Ding.” 

        “Naku, oho,” nakangiting sagot ng binata. “Alisto ako diyan. Nakakawiling maghapunan dito. Masarap na ang pagkain, masarap pa ang kuwentuhan.”

 

ISANG linggo rin silang ganoon. Parang hindi matapus-tapos ang mga lakad ni Ding na kasama sina Lolo Ado, Rodie at Ronnie. Lagi namang pinasasama ng binata sina Irene at Lorraine. At sa gabi, umuuwi sila sa hapunang inihanda nina Lola Fe at Lola Lorena.

        Sa isang banda’y natutuwa si Irene dahil araw-araw niyang nakikita’t nakasama si Ding. Pero bitin. Hanggang pakinig lang siya sa boses nito. Hanggang sulyapan at ngitian lang sila.

        Pilit na nga niyang kinakalimutan ang napanaginipan niya noong unang gabi pa lang niya sa Paraiso. Pero para ngang tukso na laging bumabalik ang mga eksenang iyon sa kanyang alaala. Para pa ngang lalong lumilinaw sa katagalan.

        Paano namang hindi siya maaapektuhan sa tuwing magkikita sila ni Ding?

        Biglang nag-iba ang lahat sa pangalawang linggo nina  Irene sa Paraiso.

        Basta’t isang gabi, pagkatapos ng hapunan, sa halip na magtipun-tipon ang lahat sa salas na tulad ng nakagawian na nila’y isa-isang nagpaalam sina Lolo Ado, Lola Lorena, Lola Fe, Rodie, Ronnie at Lorraine. Masakit daw ang ulo ni Lola Fe kaya magpapahinga na.

        Masakit daw ang likod ni Lolo Ado kaya magpapahilot sa asawa.

        May hahabulin daw na TV show si Lorraine sa kuwarto nito.

        May lakad naman daw sina Rodie at Ronnie.

        “Naiwan na tayo,” sabi ni Irene. “Pasensiya ka na, ha?”

        “Mas okey nga ito, e,” sagot ni Ding. “Finally, magkakausap din tayo nang solo natin. Ayaw mo ba niyon?”

        Namula si Irene. Ano ba ang maisasagot niya roon?

        Mabuti na lang, may follow-up question si Ding.

        “Hindi mo ba nami-miss ang trabaho mo?” tanong nito. “Sa travel agency ka raw nagtatrabaho. Exciting iyon. Maraming trips.”

        “Naku, hindi,” iling agad ni Irene. “I mean, hindi ko nami-miss iyon at hindi naman ako nagta-travel. Hindi ko hilig iyon. Kaya nga hindi ako nakikipag-agawan sa mga travelling slots sa opisina.”

        “E bakit sa ganoong trabaho ka pumasok?” pagtataka ni Ding.

        Nagkibit-balikat siya.

        “Nagkataon lang na iyon ang unang tumanggap sa akin,” sagot niya. “Actually, kung may pangkapital lang ako, mas gugustuhin ko ang magkaroon ng maliit na business na gaya ni Lorraine. Iyong nasa bahay lang o malapit lang sa bahay.”

        “Pero Manila-based pa rin,” sabi ni Ding. “Hindi ka siguro magtatagal sa lugar na ganito.”

        “Why not?” sagot ni Irene. “Mula noong dumating ako rito, hindi ko nga na-miss ang Manila. Pero pagbalik ko doon, sigurado akong marami akong mami-miss na mula rito – fresh air, greenery, pati na rin ang mga sariwang pagkain.”

        “Iyon lang?” tanong ni Ding. “Kami, hindi mo mami-miss?”

        Natawa si Irene.

        “Siyempre, numero uno ko kayong mami-miss,” sagot niya. “Lahat kayo rito.”

        “Pati ako?” paniguro ni Ding.

        Namula na naman ang dalaga.

        “Oo naman,” sagot niya.

        Humugot ng malalim na buntonghininga si Ding.

        “May pangangahasan ako,” sabi nito pagkaraka. “Manliligaw ako sa iyo. Pwede ba?”

        “Ha?” gulat na sagot ni Irene.

        Nabigla talaga siya. Hindi niya akalaing basta na lang iyon sasabihin ni Ding nang ganoon.

        “Bakit ka nagulat?” pagtataka naman ng binata. “May magagalit ba? May boyfriend ka na ba?”

        “W-wala,” sagot niya.

        “Sabi nga ni Lola Fe, e,” pakli naman ni Ding. “Kinabahan lang tuloy ako na baka may hindi siya alam.”

        “Paano naman ninyong napag-usapan iyon ni Lola Fe?” gulat na namang tanong ni Irene.

        “Nagpaalam kasi ako sa kanila,” sagot ni Ding. “Kina Lola Fe, Lolo Ado, Lola Lorena, Rodie, Ronnie at Lorraine. Nagpaalam ako na liligawan kita.”

        “Ano?” hindi makapaniwalang bulalas ni Irene.

        “I just wanted to prove my sincerity to them,” paliwanag ni Ding. “Mali ba ‘yon? Pasensiya ka na. First time kong gagawin ito, e - ang manligaw.”

        “Ows?” hindi uli makapaniwalang sabi ng dalaga.

        “Sinunod ko kasi ang payo ni Papang,” paliwanag pa ni Ding. “Ayokong manligaw hangga’t hindi talaga ako in-love. Kaya nga inabot ako ng edad beinte-otso nang wala pang nililigawan. Pagkatapos, dumating ka. Tinamaan agad ako. At heto, biglang-bigla, I’m in love.”

        Napatanga si Irene.

        Ito na ‘yung hinihintay niyang marinig, hindi ba? Pero bakit ganito? Parang hindi ganito ang inaasahan niyang eksena.

        “Don’t worry, hindi kita mamadaliin,” pagpapatuloy ni Ding. “I just wanted to state my intentions clearly. Pero alam ko namang kailangan pa nating makilala nang mas mabuti ang isa’t isa. Lalo na sa panig mo. You need to get to know me better. Kaya nga humingi ako ng permiso na madalaw ka rito gabi-gabi. Pumayag naman sila.”

        “Kaya ba sila isa-isang nawala?” tanong ni Irene. “Nakakahiya naman.”

        Bumagsak ang mukha ni Ding.

        “Ayaw mo?” tanong nito.

        “No, hindi naman sa ganoon,” agap ni Irene. “H-hindi lang din ako sanay sa ganito.”

        Tumayo siya’t naglakad-lakad.

        “Parang... parang nakakailang kasi,” pagpapatuloy niya. “Siguro dahil dito sa setting. Lumang bahay. Pagkatapos, pormal na aakyat ka ng ligaw. Parang... ewan ko.”

        Ang hindi niya masabi ay ang salitang “corny”. Nakokornihan siya sa estilo ni Ding. Hindi siya nae-excite.

        “Maging mas informal na lang tayo,” biglang naisip niyang sabihin. “Huwag ganitong parang de numero. Halika, doon tayo sa balkonahe magkuwentuhan.”

        Inunahan na niya ito sa paglabas. Sumunod naman agad si Ding.

        Naupo si Irene sa pandalawahang bangkong kawayan. Hinintay niyang tabihan siya ng binata.

        Pero naupo si Ding sa kaharap niyang upuan.

        “May ihihingi nga pala ako ng apology sa iyo,” sabi nito. “Natatandaan mo ba nung nagkita tayo sa may palayan?”

        “Oo,” sagot niya. “What about that?”

        “Naging medyo presko yata ako noon, e,” sabi ni Ding. “Ewan ko ba. I don’t know what came over me. Noon lang tayo nagkakilala pero masyado na agad akong naging familiar sa iyo. I’m not usually like that. Hindi sana sumama ang first impression mo sa akin.”

        “H-hindi naman,” sagot ni Irene na nakakunot-noo.

        Gusto niyang sabihin – presko na ba iyon? Bakit bigla naman yatang kumambiyo ang lalaking ito sa pagiging ultra-conservative?

        “Pareho lang naman ‘yon noong puntahan ka namin ni Lorraine, hindi ba?” dagdag pa niya.

        “Pero may chaperone ka kasi noong kasama mo si Lorraine,” sagot ni Ding. “Iyong sa dampa, nag-iisa ka. I should have been more careful.”

        Kamuntik nang umikot nang paitaas ang mga mata ni Irene.

        “Nag-iingat ako, Irene,” parang pagpapaliwanag ni Ding. “Bago pa lang kasi akong natanggap ng pamilya mo. I don’t want anything to go wrong. Masyadong mahalaga sa akin ang lahat ng may kaugnayan sa iyo. I don’t want anything to ruin my chances.”

        Seryosong-seryoso ang binata.

        Naantig naman ang damdamin ni Irene.

        “Naiintindihan ko naman, e,” sagot niya sa malambot nang tinig. “Pero relax ka lang. Don’t worry too much. Kuwentuhan mo na lang kaya ako.”

        “What about?” tanong ni Ding na halatang pilit nang nagre-relax.

        “Kahit na ano,” sagot niya. “Iyong childhood mo. Growing up. Iyong college years mo sa Los BaƱos. Ang buhay mo ngayon.”

        Nagkuwento si Ding. Sinimulan nito sa pagkabata.

        Nag-enjoy naman si Irene sa pakikinig.

        “Masaya pala ang kabataan mo,” sabi niya pagkaraan ng halos isang oras. “Masarap ngang maging bata sa lugar na ito. Hindi ko naranasan ang maglaro sa ganito kalalawak na open spaces noong maliit pa ako, e. Kahit nga ngayon, ini-enjoy ko pa rin talaga ang surroundings na ganito.”

        Tumayo siya’t dumako sa may barandilya ng balkonahe.

        “Ang sarap tumira rito sa Paraiso,” sabi niya habang nauupo sa barandilya.

        Hindi pa man niya nailalatag ang kanyang buong bigat sa pagkakaupo ay bigla na lang siyang kinabig ni Ding sa beywang.

        Napasinghap si Irene nang mapayakap siya sa mga balikat ng binata. Halos magdikit na kanilang mga mukha.

        “Huwag kang uupo diyan,” ngatal ang boses na sabi ni Ding. “Lumang-luma na ang bahay na ito. Baka bumigay iyan. It’s not safe.”

        Hindi makasagot si Irene. Kahit rumehistro sa isip niya ang sinabi nito ay nanatili siyang nakatitig lang sa mga mata ni Ding.

        Halos magsanib na ang kanilang mga hininga. At magkalapat na magkalapat ang kanilang mga katawan.

        Hinihintay na lamang niyang maglapat ang kanilang mga labi.

        Pero maingat siyang ibinaba ni Ding. Itinayong muli sa kanyang mga paa.

        “I think I better go,” sabi nito. “Ipagpaalam mo na lang ako sa kanila.”

        Napalunok si Irene.

        “S-sige,” sabi na lang niya. “Good night.”
        Hindi tuloy niya maintindihan ang kanyang mga nadarama pagpasok niya sa kuwarto.

        Pero hinihintay pala siya nina Lola Fe at Yaya Belen.

        “Uuuy!” tuwang-tuwang salubong pa sa kanya ng kanyang lola. “Umuwi na ba ang suitor mo?”

        “Lola naman,” namumulang sagot ni Irene. “Ang corny n’yo. Ang corny n’yong lahat. Lalo na si Ding.”

        “Mm-hmm, kinikilig ka rin naman, e,” sagot nito.

        “Ay, ewan ko sa inyo,” sabi niyang kinukuha ang kanyang roba. “Maliligo muna ako.”

        At tumakas siyang muli palabas ng kuwarto.

        Nang mapag-isa naman sa banyo ay umamin din si Irene sa kanyang sarili. Sa kabila ng lahat ng kakornihan nang gabing iyon ay kinikilig nga rin siya.

        In love daw sa kanya si Ding.

        Napabuntonghininga ang dalaga.

        “In love din naman ako sa iyo,” sagot niya. “Kahit ang style mo, bulok.”

        At napahagikhik siya habang yakap-yakap ang sarili sa matinding kagalakan.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento