Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Sabado, Abril 15, 2023

Abakada ng Pag-ibig: IRENE Chapter 1

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

Abakadang Pag-ibig: Alexandra

Abakada ng Pag-ibig: Bianca

Abakada ng Pag-ibig: Catlyn 

Abakada ng Pag-Ibig: Desiree 

Abakada ng Pag-ibig: Elaine

Abakada ng Pag-ibig: Francesca

Abakada ng Pag-ibig: Gwen

Abakada ng Pag-ibig: Hiyas

 

ABAKADA NG PAG-IBIG: Irene

by Maia Jose

 




Copyright Maria Teresa C. San Diego

All Rights Reserved

Published in print by Valentine Romances

Books for Pleasure, Inc.

First printing 1999

ISBN: 971-502-935-3 

TEASER:

        Nagtataka si Irene kung bakit napakapamilyar sa kanya ng maraming bagay sa Paraiso gayong noon pa lang siya nakatuntong sa bayan ng kanyang yumaong ina.

        Hindi rin niya maunawaan kung bakit napakatindi ng nadarama niyang atraksiyon kay Ding – isang estrangherong kabilang pa naman sa pamilyang kalaban daw ng kanilang angkan. Hindi yata normal ‘yong ni hindi pa man sila nakakapag-usap ay nakaniig na niya ito sa kanyang panaginip.

        Hindi alam ni Irene na sandaang taon nang nakatakda ang pag-uwi niyang iyon sa Paraiso. At doon naghihintay ang kaganapan ng isang naantalang pag-ibig sa piling ng kanyang soulmate na si Ding.

CHAPTER 1 

“YAYA Belen, si Lola?” tanong ni Irene.

        Kapapasok lang ng 23 taong gulang na dalaga sa kanilang bahay mula sa pagpapa-manicure at pedicure sa kalapit na salon.

        “Nasa kuwarto pa,” sagot ng mahigit kuwarenta anyos nilang katiwala. “Tulog pa yata, e.”

        “Alas singko na, a,” pag-aalala ni Irene. “Napatagal yata ang afternoon siesta niya. Baka mahirapan naman siyang makatulog niyan mamayang gabi. Teka nga’t gigisingin ko.”

        Tumuloy  na ang dalaga sa pangalawang silid ng kanilang bungalow. Kasunod lang iyon ng kuwarto niyang nakabungad sa komedor.

        May pangatlo pang kuwarto ang bungalow, iyong tinutulugan ni Yaya Belen at ng katulong na si Imelda. Sa kusina naman iyon nakabungad.

        Kumatok si Irene nang mahina sa pinto ng silid ni Lola Fe.

        “Lola...” marahan niyang tawag.

        Kung gising ang matanda ay maririnig na siya nito. Ganoon naman ang lagi niyang pagkatok at pagtawag dito. Pero sa pagkakataong iyon ay walang sumagot ng “Tuloy, anak” mula sa loob ng kuwarto.

        Binuksan na ni Irene ang pinto. Lagi naman iyong hindi nakakandado.

        At nahintakutan siya sa kanyang nabungaran.

        Nakahiga pa nga si Lola Fe at tulog. Pero balisa ito’t pabiling-biling ang ulo habang umuungol nang halos walang tunog.

        Napatakbo si Irene sa tabi ng matanda.

        “Lola... Lola Fe...” dahan-dahan at malambing pa rin niyang tawag habang hinihimas-himas ang impo sa noo at sa mga braso.

        Sa kabila ng kanyang pagkataranta ay ayaw naman niyang biglain ito sa pagkakagising. Baka makasama pang lalo iyon sa matanda.

        “Lola... wake up na... Lola...” tuluy-tuloy na sabi ni Irene.

        Hindi naman nagtagal at dumilat na ang matanda.

        “Irene,” humihingal na sambit nito. “Naku, Irene...”

        “O, relax ka muna, Lola,” sagot ng dalagang nagawa nang ngumiti. “Nandito lang ako.”

        Nakahinga na siya nang maluwag sa pagkagising ng impo. Kailangan na lang niya itong kalmahin.

        “Napanaginipan ko ang papa’t mama ko,” pagkukuwento ng matanda. “Pero hindi magandang panaginip.”

        “Baka nakatulog ka lang nang busog,” pagbibiro ni Irene para mapagaan ang sitwasyon.

        Umiling si Lola Fe. Seryoso pa rin.

        “Pangatlong beses na akong nananaginip nang ganito ang tema,” sabi nito. “Pero ito ang pinakamalinaw. Sa palagay ko, kailangan ko nang sundin ang mensahe.”

        “Mensahe?” kunot-noong ulit ni Irene.

        “Nakita ko kasi ang Paraiso,” paliwanag ni Lola Fe.

        “Paraiso?” nababahala na namang tanong ni Irene.

        “Iyong bayan ng Paraiso,” paglilinaw ng matanda.

        “Aaah,” tango ni Irene. “Yung hometown ninyo ni Mommy.”

        “Dalawampu’t isang taon na akong hindi nakakauwi roon,” sabi ni Lola Fe. “Magmula noong mamatay si Mama.”

        “Bakit naman kaya bigla mong napanaginipan ang lugar na iyon ngayon, Lola?” pagtataka ng apo. “Ni hindi mo nga naikukuwento sa akin ang Paraiso. All the while ba, nami-miss mo ang lugar na iyon?”

        “Ang lugar at ang pamilya natin,” sagot ng matanda. “Naroon pa ang pinsang-buo kong si Ado, ang asawa niyang si Lorena  at ang mga anak nila. Bukod sa iyo, sila na lang ang pinakamalapit kong kapamilya.

        “Oo nga pala,” sabi ni Irene. “Palibhasa nga kasi hindi natin sila napag-uusapan, nawala na tuloy sa isip ko. Bakit nga ba hindi mo man lang nababanggit sa akin na nami-miss mo pala sila?”

        “Pilit ko ngang iniaalis sa isip ko, e,” paliwanag ni Lola Fe. “Kaya hindi ko na sana gustong pag-usapan pa. Kaya nga hindi ko na rin sinabi sa iyo iyong unang dalawa kong mga panaginip. Pero iba na ito ngayon.”

        “Bakit, Lola?” pag-aalala pa rin ni Irene.

        “Pare-pareho ang tema ng tatlo kong panaginip – pinauuwi ako sa Paraiso,” pagpapatuloy ng matanda. “Pero itong huli, mismong sina Papa’t Mama na ang tumatawag sa akin. Umuwi raw tayo. Mahalagang-mahalaga raw na umuwi tayo. Isama raw kita.”

        “Pati ako?” gulat na sabi ni Irene.

        “Malinaw ang sinabi ni Mama sa panaginip ko kanina – ‘Umuwi kayo, Maria Fe. Iuwi mo sa Paraiso si Maria Irenea’ Tango naman nang tango si Papa,” salaysay ng impo.

        Natigilan si Irene. Muling magkasalubong ang kilay.

        “Baka naman nagi-guilty ka lang, Lola, dahil hindi mo ako naiuwi sa Paraiso noong buhay pa ang Mama mo – si Lola Esper,” sabi niya pagkaraka. “Hindi kaya nagmumula lang sa iyong subconscious ang mga panaginip na ‘yan?”

        “Mahina ang katawan mo mula nang ipanganak ka kaya’t hindi ka talaga puwedeng ibiyahe nang hanggang Paraiso,” paliwanag ni Lola Fe. “Wala akong guilt feelings sa bagay na iyon dahil linggu-linggo naman kaming nagsusulatan ni Mama nang mga panahong iyon. Sina Ado at Lorena na nga lang ang nagbabasa sa kanya ng mga sulat ko at idinidikta naman niya sa kanila ang mga itutugon sa akin. Mahina na kasi ang paningin niya noon. Pero siya na mismo ang nagsabing huwag kitang ibiyahe nang ganoon kalayo dahil hikain ka pa noon. Kaya nga noong mamatay siya, hindi na rin kita isinama pauwi kahit two years old ka na. Hindi pa rin kakayanin ng katawan mo ang biyahe. Ibinilin muna kita kina Robert at Laila.”

        “So, kung hindi iyan guilt feelings, maaari ngang talagang nami-miss mo lang ngayon ang Paraiso at ang family mo,” sabi ni Irene. “Bakit naman kasi hindi man lang tayo nagbakasyon doon noon pa? Na-outgrow ko naman iyong hika ko, a. Simula noong nasa high school na ako, malakas na ang katawan ko.”

        Napabuntonghininga ang matanda.

        “Iniiwasan ko talagang iuwi ka sa Paraiso,” amin na nito. “Mahabang kuwento iyon pero ihahayag ko nang buung-buo sa iyo kapag naroon na tayo.”

        “Uuwi tayo, Lola?” gulat na tanong ni Irene.

        “As soon as possible,” tango ni Lola Fe. “Gusto kong doon mag-birthday next month. Makakakuha ka naman ng leave sa opisina, hindi ba?”

        “Oo naman,” sagot ni Irene. “In fact, puwede kong pag-isahin ang 15-day leave na hindi ko nagamit last year at ‘yung 15 days ko pa this year. Puwede tayong magbakasyon-grande nang isang buwan.”

 

SI Bobby ang unang tinawagan ni Irene para pagkuwentuhan ng tungkol sa pangyayari.

        “Pagbibigyan ko na ang ungot ni Lola, Kuya,” pagtatapos niya sa kanyang sanaysay. “Iuuwi ko siya sa Paraiso.”

        “Tama ang desisyon mo,” sang-ayon ng kanyang half-brother. “Mabuti ngang makapagbiyahe kayo hangga’t malakas pa ang katawan ni Lola Fe. At her age, turning 71, it’s surprising how fit and energetic she still is.”

        “Pero ninerbiyos din ako sa mga pinagsasabi niya kanina,” pagtatapat ni Irene. “Sabihin ba namang nakita raw niya ang Paraiso at tinatawag na siyang umuwi sa Paraiso. Akala ko tuloy kung anong Paraiso ang tinutukoy niya.”

        Natawa si Bobby.

        “Oo nga, ano?” sagot nito. “Palibhasa’y hindi mo kabisado ang hometown nila. Kailangan mo rin namang mapuntahan ang Paraisong iyan. Bahagi iyan ng pagtuklas mo sa iyong roots.”

        “Iyan nga rin ang naisip ko, e,” sabi ni Irene. “Gusto ko ring makita ang hometown nina Lola at Mommy. Imagine, doon daw talaga namuhay ang pamilya nila mula pa sa mga kanunununuan. Matandang-matandang bayan na raw kasi ang Paraiso. Panahon pa ng mga Kastila. Iyon ngang ancestral home na uuwian namin, bahay pa raw ng lola ni Lola Fe. Exciting, ano?”

        “Uy, parang set pala ng period film ‘yang Paraiso na ‘yan,” sagot ni Bobby. “Parang Vigan siguro.”

        “Ang pagkakaiba lang, malamig daw sa Paraiso,” sabi ni Irene. “Mataas kasi ang lugar. Nasa bundok. Parang Tagaytay at Baguio. Pero hindi pa nadidiskubre ng mga turista.”

        “Dramatic nga, ano?” palatak ni Bobby. “Sige nga, i-report mo sa akin kung magandang gawing location ng pelikula ang lugar na ‘yan. Bakasakaling makagawa kami ni Ate Francesca mo ng isang period romance na Paraiso ang setting. Kahit iyon mismong pangalan ng bayan, maganda na ring pangtitulo ng pelikula.”

        “Hayaan mo, kukunan ko ng maraming panoramic shots ang magagandang spots doon for your reference,” pangako ni Irene. “Magagamit ko na rin to its fullest potential iyong camera na iniregalo n’yo ni Ate Francesca sa akin.”

        “Bagay talaga ang camera na iyon para sa magagandang lokasyon,” sabi ni Bobby. “Kaya nga namin naisipang bigyan ka niyon noong pumasok ka sa travel agency, e. Pero kung bakit naman kasi hanggang ngayon ay hindi ka pa nakakapag-travel.”

        “Dalawang taon pa lang naman ako sa agency, Kuya,” pagdadahilan ni Irene. “Maraming mga mas senior sa akin na laging nakakakuha ng mga travelling slots.”

        “Ang sabihin mo, hindi talaga maganda ang palakad diyan sa napasukan mong kompanya,” reklamo ni Bobby. “Sa loob ng dalawang taon, dapat ay nabigyan  ka na ng pagkakataon na makapag-travel kahit sa Asia man lang. Ganoon sa ibang travel agencies. Hindi tama na panay mga senior agents lang ang lumalabas, Naku, lumipat ka na kasi ng trabaho. Sinabi ko na sa iyo, ihahanap kita ng ibang mapapasukan.”

        Tumawa si Irene.

        “Kuya, relax ka lang,” sagot niya. “Ako rin naman ang hindi gaanong interesado na makipag-agawan ng travelling slots sa opisina, e. Nag-aalala kasi akong iwan si Lola. At least, ngayon, sabay kaming magbabakasyon. At mahabang bakasyon pa.”

        “Kung sabagay,” sabi ni Bobby. “O, di kailan ang lakad n’yo?”

        “Two weeks from now,” sabi ni Irene. “Aayusin ko pa ang leave ko sa opisina, e. Tamang-tama lang iyon para sakop ng bakasyon namin ang birthday ni Lola next month. Doon daw niya gustong mag-celebrate – sa Paraiso.”

        “Isasama ba ninyo si Yaya Belen?” tanong ni Bobby.

        “Siyempre naman,” sagot ng dalaga. “Pero si Imelda, pagbabakasyunin ko na muna sa Leyte, with pay. Pakitingnan-tingnan na lang itong bahay, ha, Kuya? Ipagbibilin ko rin naman sa mga kapitbahay at sa baranggay.”

        “Kung gusto mo, patatauhan ko na muna iyang bahay ninyo,” sabi ni Bobby. “Diyan ko muna patitirahin ang pamilya ng driver naming si Jong, tutal ilang bloke lang naman iyan mula rito sa amin. At saka wala kang aalalahanin dahil baby pa ang anak nila. Hindi pa naglilikot iyon.”

        “Ay, sige, mas mabuti nga siguro ‘yang idea mo,” sang-ayon ni Irene. “Mas mapapanatag ang loob ko sa pag-iwan dito sa bahay. Sabihin mo sa kanila, Kuya, sagot ko na ang lahat ng gastos nila dito. Mag-iiwan ako ng para sa pagkain nila, groceries at bayad sa tubig at kuryente.”

        “No problem,” sagot ni Bobby.

 

BUO na ang loob ni Irene matapos niyang makausap ang kanyang Kuya Bobby. Hanggang ngayon, pangalawa sa kanyang Lola Fe ay pinakamalapit sa kanyang puso ang kanyang kapatid.

        Magtatatlong taon pa nga lang mula nang malaman niya ang katotohanang magkapatid pala sila sa ama. Magmula noong nagkaisip siya’y ipinakilala lang ito sa kanya bilang kinakapatid – anak ng kanyang ninang na tinatawag niyang Mama Laila at ng asawa nitong tinatawag niyang Papa Robert.

        Nagkataong hindi masyadong matanong na bata si Irene. Nagtiwala lang siya agad sa lahat ng mga sinabi sa kanya mula pagkabata.

        Ang nakamulatan na niyang nag-aaruga sa kanya ay si Lola Fe. Biyuda ito at kaisa-isang anak daw nito ang ina niyang si Cari na sa kasamaang palad ay namatay sa pagluluwal sa kanya.

        Mga anim na taong gulang na si Irene nang itanong niya kay Lola Fe kung sino at nasaan ang kanyang daddy. Sabi ni Lola Fe, hindi nito alam. Hindi naman daw naipagtapat ni Cari bago ito namatay. Tinanggap ni Irene ang sagot na iyon. Wala na siyang mommy. Hindi na mahirap tanggapin na wala rin siyang daddy. Tutal, may lola naman siyang lubos na nagmamahal sa kanya.

        Noong nasa grade four na siya, nabasa niya ang kanyang birth certificate at nakumpirmang ang nakasulat nga sa espasyong para sa pangalan ng kanyang ama ay “unknown”.

        Bukod kay Lola Fe, ang isa pang nakasama na rin niya sa buhay mula nang magkamalay siya ay si Yaya Belen. Papalit-palit naman ang kanilang mga naging katulong. May mga driver pa nga sila hanggang noong nakakuha na siya ng sariling driver’s license.

        Ang laging kaugnay at kabalikat nila sa buhay ay ang mag-anak na Bauzon – ang mag-asawang Robert at Laila at ang anak ng mga itong si Bobby na matanda lang sa kanya nang ilang taon.

        Ninang niya sa binyag at kumpil si Laila. Hindi naman niya naitanong kung paanong nakilala ito ng kanyang Lola Fe gayong sikat na sikat na mga artista sina Laila at Robert Bauzon. Basta tinanggap na lang din niya ang pagiging bahagi ng mga ito ng kanilang buhay.

        Ang alam lang niya, lagi niyang kakampi ang kanyang Kuya Bobby sa lahat ng pagkakataon. Parang magkapatid na talaga ang turingan nila mula’t sapul.

        Sa kasamaang-palad, noong sumikat na rin si Bobby bilang artista ay binigyan ng mga reporter ng masamang kulay ang pagkakita sa kanilang dalawa na magkasama sa kung saan-saan. Natsismis na siya raw ang tunay na girlfriend ni Bobby Bauzon at hindi ang ka-loveteam nito na si Francesca Fortuna.

        Gusto niya sana itong ipagtanggol. Gusto niyang ipahayag sa madla na wala silang malisyosong relasyon dahil kinakapatid niya ito. Pero pinigil siya ni Bobby. Pinagbawalang magbitiw ng kahit na anong salita.

        Saka na lang niya nalaman ang dahilan nito. Kasal na sa huwes sina Bobby at Francesca nang ihayag sa kanya ang katotohanan. Si Bobby na rin mismo ang nag-udyok kina Robert at Laila para magtapat sa kanya at pagkatapos, sa buong mundo.

        Anak din pala siya ni Robert Bauzon. Kapatid pala niya sa ama ang kanyang Kuya Bobby.

        Hindi raw ito magawang ipahayag noon nina Robert at Laila sa takot na masira ang image ng dalawa sa showbiz bilang ulirang mag-asawa.

        Sa panahon palang sikat na sikat ang dalawa, sandaling nagumon sa drugs si Robert kasama ng batambatang bold starlet na si Cari Gracioso.

        Iisang pelikula lang naman ang nagawa ni Cari. Naging bit player ito sa isa sa mga pelikula nina Robert at Laila, at doon nga nakilala ang sikat na aktor. Matindi ang crush ni Cari kay Robert kaya’t nagawa nitong akitin ang lalaki. Nang magkaroon ng lihim na relasyon ang dalawa ay ibinahay na ni Robert ang starlet at doon sabay na nalulong ang mga ito sa bawal na gamot.

        Ni hindi umabot nang isang taon ang relasyon ng dalawa. Nabuntis kasi agad si Cari. At dahil mga kapwa na addict, pareho pa ring high ang mga ito maging nang abutin na ng panganganak ang babae sa bahay na inuupahan nila.

        Masuwerte lang daw na binalikan ng kahit kaunting katinuan ang isip ni Robert nang makitang lumabas na ang duguang bata. Nagawa nitong tawagan ang tanging numerong kabisado nito – ang numero ng sariling tahanan.

        Agad namang dumulog si Laila sa tawag ng asawa. Sa kabila ng lahat ay isinugod nito ang tatlo – si Cari, ang bata at pati si Robert – sa isang pribadong clinic sa tulong ng personal driver at mga katulong.

        Sa klinika na binawian ng buhay ang 21 gulang pa lamang na si Cari dahil sa mga komplikasyon sa panganganak na kaugnay ng drugs. Mabuti na lang at hindi nadamay ang bata. Si Robert naman ay pumayag na mapasailalim sa pribado at lihim na rehabilitasyon.

        Sa mga gamit ni Cari, natagpuan nina Laila ang address ni Lola Fe sa Paraiso kaya’t napasabihan ang pamilya ng tungkol sa trahedya. Agad namang lumuwas ang noo’y 48 taong gulang pa lamang na si Fe.

        Magmula nga noon ay si Fe na ang umaruga sa sariling apo. Hindi rin naman nagkulang sa pagsuporta ang mag-asawang Robert at Laila.

        Nagkasundong muli ang mag-asawa – ayon sa mga ito’y tumibay pang lalo ang kanilang pagsasama – at ibinigay ang lahat ng pangangailangan ng batang bininyagan sa pangalang Maria Irenea Gracioso.

        Si Lola Fe ang pumili ng pangalan ni Irene. Hiniling naman nina Robert at Laila na ipaglihim ang tunay na kaugnayan niya kay Robert dahil nga sa maaaring maging epekto niyon sa pag-aartista ng mga ito.

        Liban doon ay wala nang ibang ipinagkait ang mga Bauzon kay Irene. Pinalaki sila ni Bobby na para na ring magkapatid kahit magkahiwalay ng tirahan. Lingid sa kanyang kaalama’y bigay nina Robert at Laila ang maayos na bungalow na tinitirhan nilang maglola sa isang pribadong subdibisyon sa ParaƱaque, at maging ang pondo na naka-invest sa banko na siyang pinagkukunan nila ng ikabubuhay.

        Abut-abot ang paghingi ng tawad ng kanyang Papa Robert at Mama Laila matapos maipagtapat kay Irene ang lahat. Pero nabigla man ang dalaga sa katotohanan ay wala naman siyang nadamang anumang galit o kahit paghihinanakit sa kanyang puso. Siguro’y dahil lumaki siyang hindi naman naghahanap at hindi nakadarama ng anumang kawalan sa kanyang buhay. Napunuan ng mapagmahal niyang Lola Fe ang lahat. At wala rin naman siyang naranasan mula sa mga Bauzon kundi pagmamalasakit at pagmamahal.

        Madali niyang naunawaan ang naging kalagayan nina Robert at Laila. Hanga pa nga siya sa katatagan ng kanyang Mama Laila sa harap ng mga nagdaang pangyayari, at sa mabilis na pagbangon ng kanyang Papa Robert mula sa minsang pagkadapa.

        A, oo nga pala – hindi na Papa Robert. Simpleng Papa na lang. Hindi na rin Mama Laila. Simpleng Mama na lang. Kung puwede raw, ituring na niyang pangalawang ina si Laila. Tatanggi ba naman siya sa ganoong kahilingan? Hindi nga ba’t naging parang pangalawang ina na nga niya ang kanyang ninang mula’t sapul?

        Legal siyang idineklarang anak ni Robert Bauzon. Legal ding pinalitan ang kanyang pangalan – idinugtong na ang apelyidong Bauzon.

        Magmula noon ay lalo pang nabigkis ang kanilang pamilya. Nadagdagan pa nga sila, hindi lang ng isa kundi dalawa – ang napakaganda at napakabait niyang hipag na si Francesca at ang napakaguwapo niyang pamangking si Roberto Franco o Rock na isa’t kalahating taong gulang na.

        Magmula rin noon ay naipakilala na sa kanya ang iba pang mga kamag-anakan sa bahagi ni Robert – na mainit naman siyang tinanggap. Ang mas nakakatuwa pa’y maging sa mga kamag-anakan ni Laila ay itinuring na rin siyang kapamilya.

        Masasabi ngang nakilala na ni Irene nang ganap ang kanyang mga ugat sa pamilya Bauzon.

        Pero kung hindi dahil sa panaginip ni Lola Fe ay hindi pa mararamdaman ng dalaga na may kakulangan pa nga pala sa pagkakakilala niya sa pamilya ng kanyang yumaong ina. Mula’t sapul ay si Lola Fe lang ang kanyang tanging nakilala.

        Panahon na nga para makilala niya ang kanyang pamilya sa Paraiso.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento