Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Linggo, Abril 16, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Julianna Chapter 2

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 2 

IDIDIKIT na lamang ni Julianna ang tasa ng mainit na kape sa kanyang mga labi nang mapasulyap siya sa may pinto ng coffee shop ng ospital. At bigla niyang nailapag na muli ang tasa sa platito. Medyo padaskol pa. Nanginig kasi nang bahagya ang kanyang kamay.

        Paano ba nama’y nakita niyang paparating si Jules.

        Ang bilis namang makabalita ng taong ito, sabi niya sa sarili. Pagkatapos ay naisip niyang marahil ay ang Kuya Lyon niya mismo ang nagbalita sa pinakamatalik nitong kaibigan ng tungkol sa panganganak ni Gwen. Ganoon kalapit sa isa’t isa ang mag-best friend.

        Dapat nga sana’y nasanay na siya kay Jules. Magmula noong ikasal ang kanyang Kuya Lyon kay Gwen at magsama-sama sila ng kanilang Daddy sa bahay ay lagi nang naroroon sa kanila ang binata. Pati  nga sa negosyo ng mag-asawang Gwen at Lyon ay nakisangkot na rin ito.

        Kung bakit naman hindi talaga niya magawang ituring na kapamilya si Jules. Noong una pa lang niya itong makita – noong kasal ng kanyang Kuya – ay kakaiba na agad ang kanyang naging reaksiyon sa binata.

        Oo na, aaminin na niya. Nagka-crush siya agad kay Jules.

        Sa kauna-unahang pagkakataon sa buong buhay niya ay nakadama siya ng ganoon katinding atraksiyon sa isang lalaki. Kung kailan pa naman hindi na siya teenager. Magtatapos na nga siya noon sa college.

        At ngayo’y isa na siyang propesyunal. Isang pre-school teacher sa Colegio de Sta. Maria. Na parang may schoolgirl crush sa best friend pa man din ng kanyang Kuya.

        Nahihiya sa sarili si Jolen.

        Nahihiya siya sa mga nadarama niya para kay Jules.

        Ang alam niya’y hindi dapat nakadarama ang isang matinong dalaga ng ganoong klase ng atraksiyon sa isang lalaki. Parang... parang masyadong makamundo. Parang... parang makasalanan.

        Hindi naman niya maipagtapat kahit kanino. Kahit kay Mother Superior. Lalung-lalo nang hindi sa kanyang father confessor. Ni hindi man lang sa best friend niyang si Monique.

        Nakakahiyang ipagtapat na nang una niyang makita si Jules ay may misteryosong init na gumapang sa kanyang buong katawan.

        Na sa tuwing magtatama ang kanilang paningin ay para siyang napapaso. Para siyang magliliyab.

        Literal na bumibilis ang pintig ng kanyang puso. Kinakapos siya ng hininga.

        Kapag naman hindi nakatingin sa kanya ang binata ay hindi niya mapigil ang sarili na magnakaw ng tingin. At hindi lang basta tingin.

        Hangga’t may pagkakataon ay sabik na hinahagod niya ng tingin ang buo nitong katawan. Na para bang ngayon lang siya nakakita ng lalaki.

        Kakaiba sa kanyang paningin ang pagkakahapit ng t-shirt o polo sa mga balikat at likod ni Jules. Ang pagkakahapit ng pantalon sa pang-upo at mga hita ng binata.

        Parang ibang-iba sa karamihan ang mga braso nitong balbon. Ang mga kamay nitong malinis at makinis pero lalaking-lalaki ang dating.

        Nang pumasyal ito sa bahay nila nang naka-walking shorts ay lihim siyang napasinghap sa balbon nitong mga binti na tamang-tama lang ang hugis at proporsiyon.

        Interesado siya maging sa mga paa nitong nakalantad noon sa suot na sandalyas.

        Bihira niyang mapagnakawan ng tingin ang mukha ni Jules. Takot na takot kasi siyang mahuli nito. Pero sa iilang pagkakataon, at sa masusi niyang pagtitig sa mga litrato nito sa kasal ng kanyang kuya, ay lagi niyang napagtutuunan ng pansin ang mga mata nito’t mga labi.

        Malamlam ang mga mata ni Jules. Kulay-rosas ang mga labi na ang hugis ay maaaring mas maganda pa sa mga labi ng ibang babae.

        Sa kabuuan nga’y maaaring sabihing malambot ang dating ng mukha ni Jules. Boyish. Maamo. Pero malayong matawag na feminine o effeminate ang dating ni Jules. Lalaking-lalaki ito. At may kapilyuhan pa nga ang dating.

        Hindi lang pilyo, paalala ni Jolen sa sarili. Sa pagkakaalam niya’y talagang bohemyo si Jules Hermosa.

        Best friend ba naman ito ng kanyang Kuya Lyon.

        Kanino nga ba natuto ng kalokohan ang kanyang kuya? Hindi nga ba’t sa pagtira kina Jules? Sa pagbababad nito sa bar ng Casa Hermosa.

        Tingin ni Julianna sa pension house na iyon sa pusod ng Malate ay pugad ng bohemian lifestyle. Hang-out ng mga taong walang moralidad. Hindi sumusunod sa mga tradisyon at kumbensiyon ng lipunan. Ganoon ang tingin niya sa mayayamang jetsetters at mga artist. Mga walang direksiyon sa buhay.

        Mabuti na lang at nagbago na ang kanyang Kuya Lyon.

        Pero ayon sa pagkakaalam niya’y nag-e-expand pa ng business itong si Jules. Isa na namang bohemian hang-out ang bubuksan.

        Kaya nga takot na takot siya sa nadarama niyang atraksiyon kay Jules Hermosa.

        Ano ba itong nangyayari sa kanya? Magkaka-crush din lang siya, bakit sa isa pang lalaking tulad ni Jules?

        Kaya rin ganoon na lang ang ginagawa niyang pag-iwas sa binata. Hangga’t maaari ay hindi siya naglalagi sa bahay. Parati nga kasing naroon si Jules. At kapag natitiyempong magkatagpo sila, agad siyang gumagawa ng paraan para makatakas.

        Napakahirap gawin. Paano’y sarili niya mismo ang kailangan niyang kalabanin. Ang totoo’y hinahanap-hanap niya talaga si Jules.

        At ngayo’y heto na naman ang loko. Ngingiti-ngiti pa. Nanlalamig tuloy ang kanyang mga palad at talampakan. Nag-iinit naman ang ibang bahagi ng kanyang katawan.

        “Hi!” masiglang bati ni Jules paglapit sa mesa niya.

        “H-hi!” sagot ni Jolen.

        Nagawa niyang ngumiti, kahit paano.

        Tumingin si Jules sa mga kasamahan niya sa mesa, nakangiti rin.

        Saka lang naalala ni Jolen na kasama nga pala niya ang dalawang nakatatandang kapatid na lalaki ni Gwen at ang mga misis ng mga ito.

        “Ahm... oo nga pala... si Jules, best friend ni Kuya Lyon – siya ‘yung best man noon sa wedding, remember?” pagpapakilala niya uli sa binata.

        Pagkatapos ay inisa-isa naman niya ang kanyang mga kasama.

        “Si Ate Maricar, si Ate Karen, si Kuya George at si Kuya Gary – brothers ni Gwen and their wives.”

        “Natatandaan ko,” tango ni Jules. “Congratulations to everybody on your new niece.”     

“Thanks,” si George ang sumagot, ang panganay sa magkakapatid. “Join us.”

        Nakaakbay ito sa asawang si Karen kaya obvious kung sino ang magkapareha.

        “Paano mong nabalitaan?” tanong ni Gary.

        “Nagpadala ng message si Lyon kaninang mga past five ng umaga,” sagot ni Jules habang papaupo sa tabi ni Jolen. “Susugod na nga sana ako rito kung hindi lang ipinaalala sa akin ni Mama na may visiting hours ang mga ospital. Kaya heto, hinintay ko na munang mag-nine o’clock bago ako pumarito. Kaso, hinarang naman ako sa information. Ayaw akong papanhikin dahil may tatlong bisita pa raw sa itaas. Mabuti’t pumayag na makausap ko sa phone si Lyon. Ang mga lolo’t lola pala ang naroon ngayon. Pinapunta na lang muna ako dito sa inyo.”

        “Kami ni Gary, kaninang madaling-araw pa narito, e,” natatawang pagkukuwento ni George. “Nang itawag ni Jolen kina Mommy na pupunta na sila rito sa ospital, kinalampag na rin kami ng matatanda. Sugod na rin kami dito for moral support. Hindi na nga lang muna namin isinama itong sina Karen at Maricar dahil maiiwan naman ang mga bulilit namin sa bahay nang alanganing oras.”

        “Anim kaming naghihintay sa waiting area kanina habang nasa delivery room sina Gwen at Lyon,” natatawa ring dugtong ni Gary. “Sina Mommy’t Daddy, ako at si Kuya George at si Daddy King at si Jolen.”

        “You mean, hindi pa kayo umuuwi niyan?” tanong ni Jules.

        “Nakauwi na,” pagtatama ni George. “Noong makapanganak si Gwen, itinaboy na kami ng mga nurse. Hindi puwedeng magsiksikan sa kuwartong pagdadalhan sa mag-ina, e. Rooming in na kasi ang sistema ngayon. Hindi na sa nursery inilalagi ang bata. Kasama na ng mother sa kuwarto. Siyempre, hindi nga dapat na ma-expose ang baby sa maraming tao. Ganoon din naman noong nanganak itong sina Karen at Maricar.”

        “Bumalik na rin lang kami in time for visiting hours,” dagdag ni Gary, “isinama na namin itong mga misis. Kaso, dahil nagkasabay-sabay pa rin kaming lahat, kailangang by batches lang ang pagpanhik. Tatlu-tatlo lang daw. Hayun, nauna na muna ang mga excited na mga lolo’t lola.”

        “Kayo na ni Jolen ang sumunod, Jules,” sabi ni George. “Mamaya na kami.”

        Kampante na sanang nakikinig lang si Julianna dahil nasasalo na ng magkapatid ang pag-iistima kay Jules. Pero nang marinig ang panukala ni George ay muli nanaman siyang nabahala. Magsasabay sila ni Jules sa pagpanhik?

        “Naku, hindi,” iling ni Jules. “Siyempre, kayong immediate family muna. I can wait.”

        “Okay lang ‘yon,” sabad ni Karen. “Kami naman ni Maricar, kailan lang nanganay. We already know what to expect. Pati itong mga asawa namin. Kayo ni Jolen itong mga siguradong mas excited sa pangyayaring ito. Unang pamangkin ito ni Jolen. At ikaw, I’m sure you can’t wait to see your best friend’s first baby – lalo pa’t binata ka pa.”

        “O-ho-ho! Oh, boy! Brace yourself, pare,” tumatawang paalala ni Gary. “Ibang-iba ang feeling kapag nakita mo na ang baby. Baka bigla mong maisipang mag-asawa na rin.”

        Nangiti si Jules.

        “Baka nga,” sagot nito.

        “Baka nga?” ulit ng isip ni Jolens. Bakit, may girlfriend na ba uli ang kumag na ito? Sa pagkakaalam niya’y katatapos lang ng huli nitong relasyon – iyong sa ramp model na nag-abroad. May bago na naman kaya? At pinag-iisipan na ni Jules na pakasalan?

        Parang kinurot ang puso ng dalaga. Hindi lang kurot. Parang piniga. Siya mismo’y nagulat sa tindi ng nadama niyang sakit.

        “O, heto na pala sina Mommy, e,” biglang sabi ni Karen.

        Papalapit na nga sa mesa nila sina Nedy at Greg Garchitorena at King Llamanzares.

        “Good morning ho,” sabi ni Jules na tumayo mula sa kinauupuan.

        Nginitian ito ng mag-asawang Garchitorena.

        “’Andito ka na pala, iho,” sabi naman ni King. “Balae, natatandaan n’yo ba si Jules? Siya ‘yung best man sa kasal nina Gwen.”

        “Of course,” tango ni Nedy.

        “Maaga kang nakabalita, iho,” pansin ni Greg.

        “Naku, iyan ang unang tinawagan ni Lyon, pihado,” sagot ni King.

        “Oo nga ho,” natatawang sabi ni Jules. “Kanina pang past five ng umaga.”

        “O, kayo naman ang pumanhik,” sabi ni King. “Mamaya na uli kami.”

        “Jules, mauna na kayo ni Jolen,” ulit ni George. “Magpapakuwento na muna kami rito sa excited na mga Lolo’t Lola.”

 

ILANG na ilang si Julianna habang papanhik sila ni Jules sa fourth floor. Naglalaban sa kanyang damdamin ang dating excitement sa piling ng binata at ang bagong pakiramdam ng pagdududa’t paninibugho.

        Bakit ganito? Tanong niya sa kanyang sarili. Ni hindi naman niya kaanu-ano ang lalaking ito. Wala silang anumang relasyon. Pero bakit ganito na lang katindi kung makaapekto ito sa kanyang buong pagkatao?

        “Ano’ng oras nagsimulang mag-labor si Gwen?” tanong ng binata.

        “Aah... mga ala-una yata ‘yon,” sagot niya.

        “E di tulog na tulog na kayong lahat noon?” sabi ni Jules. “Siguro, nataranta kayong lahat, ano?”

        Nangiti si Jolen.

        “Ganoon na nga,” sagot niya. “Si Gwen pa nga yata ang pinakakalmado sa aming lahat, e.”

        “Nakakatawa siguro ang hitsura ni Lyon kanina,” natatawang sabi ni Jules. “I can just imagine. Pero kunsabagay, if I were in his place, I’m sure matataranta rin ako.”

        May sumikdo na naman sa puso ni Jolen.

        Kaybilis na sumagi sa kanyang isipan ang ideyang kaysarap sigurong maging dahilan ng pagkataranta ni Jules. Pero masakit namang isipin na maaaring ibang babae ang ini-imagine nito sa ganoong sitwasyon.

        “How does it feel?” biglang tanong ng binata.

        “H-ha?” gulat na sagot niya.

        “How does it feels to be an aunt?” paglilinaw ni Jules. “May tatawag na sa iyo ng Tita. Lumalaki na ang pamilya ninyo.”

        Napangiti uli si Jolen. Iyon lang pala ang ibig sabihin ng katabi.

        “Exciting nga, e,” sagot niya. “May aalagaan at tuturuan na ako sa bahay.”

        “Napakasuwerteng bata,” sabi ni Jules. “Nursery school teacher ang Tita. Expert sa child development. Siguradong made-develop mo ang lahat ng kanyang potentials to the fullest. At masosolo ka niya at mga magiging kapatid niya hangga’t wala ka pang sarili mong babies.”

        Namula si Jolen.

        “Matagal na matagal pa iyon,” sagot niya.

        “Bakit naman?” tanong ni Jules. “Professional ka na. I’m sure, hindi ka na pagbabawalan nina Lyon at Daddy King na magka-boyfriend at mag-asawa. Baka nga may boyfriend ka na. Sa ganda mong iyan.”

        Lumalim ang pamumula ng dalaga.

        “Wala,” iling niya.

        At dahil siya mismo’y umiiwas ng tingin, hindi niya nakita ang pag-iilaw ng mga mata ni Jules sa kanyang itinuran.

        “O, heto na pala ang isang pares ng mga ninong at ninang,” bungad sa kanila ni Gwen pagbukas na pagbukas pa lang nila ng pinto ng silid.

        Hangos naman si Lyon na sumalubong sa kanila.

        “Isuot muna ninyo itong mga hospital gorwns na ito,” sabi ng bagong ama. “Doctor’s orders. Para raw sa protection ni Gwyneth.”

        “Uy, may pangalan na pala si Baby,” sabi ni Jolen. “Kapangalan ni Gywneth Paltrow.”

        Mabilis nilang naisuot ang mga hospital gowns na malutong pa sa almirol. Pagkatapos ay isinama na sila ni Lyon sa magkatabing kama ni Gwen at kuna ng sanggol.

        Gising ang bata. At nang lumapit sila’y parang kinikilala nang mabuti ang kanilang mga mukha.

        “Hi, Gwyneth,” sabi ni Jolen. “Ang ganda-ganda mo naman. I’m your Tita Jolen.”

        “And I’m your Tito Jules,” dugtong ng binatang katabi niya.

        “Baka gusto mo siyang kargahin, Jolen,” sabi ni Gwen.

        “Puwede na ba?” may pag-aalalang tanong niya.

        “Oo,” tango ni Gwen. “Galing ka naman sa bahay at hindi sa galaan, hindi ba? At saka naka-hospital gown ka pa.”

        “Sige nga,” excited na sabi niya.

        Maingat niyang kinuha si Gwyneth at kinarga.

        “Marunong ka, a,” gulat na pansin ni Jules.

        Nangiti lang si Jolen.

        “Matagal kasi iyang nag-practicum sa mga orphanage,” paliwanag ni Lyon. “Madalas siyang ma-assign sa abandoned babies at toddlers.”

        “Mahilig talaga sa bata si Jolen,” dagdag pa ni Gwen.

        “Masuwerte nga itong si Gwyneth sa kanyang Tita,” sabi ni Jules.

        Nagsisimula na uling ma-conscious ang dalaga.

        “Hindi ako magtatagal, ha, Gwen?” biglang baling niya sa hipag. “Talagang kukumustahin ko lang kayong mag-ina, e. May klase pa kasi ako. At saka naghihintay pa ng turn nila sina Kuya George at Kuya Gary. Kasama pa naman sina Ate Karen at Ate Maricar.”

        “Oo nga pala,” sang-ayon ni Jules. “Nakakahiya nga pala at pinauna pa ako sa pagpanhik dito samantalang sila itong immediate members of the family.”

        “Sus, wala ‘yon,” iling ni Gwen. “Sanay na kasi ang mga iyon sa ganitong okasyon. Six months ago lang nanganak si Ate Maricar sa panganay nila. Si Ate Karen naman, nakakadalawang magkasunod na. Hindi na masyadong excited ang mga iyon.”

        “E ikaw, kumusta ka na?” tanong ni Jules. “Hindi ka ba nahirapan?”

        “Hindi,” nakangiting sagot ni Gwen. “Ang bilis nga ng labor ko, e. Nakarating kami rito ng mga one-thirty. Hindi pa masyadong masakit noon. Mga pasado alas-dos na tumindi ang sakit. Naaalala ko pa na tumingin ako sa wallclock sa delivery room. Within one hour, nanganak na ako. Successful ang Lamaze method namin. Magaling itong coach ko.”

        “Pero kung alam mo lang – ako ang napapangiwi sa tuwing dadaing ka ng contraction,” pagtatapat ni Lyon. “Ga-mais nga ang pawis ko kahit ang ginaw-ginaw sa delivery room.”

        “Hoy, huwag mo namang takutin itong si Jolen,” saway ni Gwen. “Baka matakot na itong mag-asawa at manganak.”

        “Naku, wala pa sa isip ko iyon,” namumulang tanggi ng dalaga.

        “Kailangan lang naman na makakuha siya ng asawa’t Lamaze coach na kasinggaling ko, hindi ba?” biro ni Lyon. “Iyon bang kahit ninenerbiyos na nang husto, hindi halata. Hindi ba, Jules?”

        Nangiti lang din ang binata.

        “O, paano, tutuloy na muna ako, ha?” biglang paalam na ni Jolen habang ibinababang muli si Gwyneth. “Babalik na lang ako mamayang hapon o mamayang gabi. Pero uuwi muna ako sa bahay after school para makapaligo’t makapagbihis. Baka kung ano pang germs ang madala ko rito galing sa labas, e.”

        “Huwag ka nang mag-abala kung magiging hectic ang schedule mo,” sagot ni Gwen. “Tutal naman, baka payagan na kaming umuwi bukas ng hapon. Normal naman ang delivery ko, e. Nakakatayo na nga ako nang mag-isa papuntang banyo.”

        “Ang bilis naman,” sabi ni Jolen. “Bilib talaga ako sa iyo, Gwen.”

        “Kakayanin mo rin ito,” biro ng bagong panganak. “Makikita mo.”

        Lalong namula si Jolen.

        “Sige, mauuna na ako, ha?” paalam uli niya. “Bye, Gwyneth. See you later, Gwen, Kuya, tatawag na lang ako mamaya para makipag-coordinate.”

        “Sabay na tayo,” sabi ni Jules. “Ihahatid na kita sa school.”   

        Natigilan si Jolen.

        “Oo nga, sumabay ka na kay Jules,” sang-ayon ni Lyon. “Samantalahin mo na habang may makakapaghatid sa iyo. Ang alam ko, hindi pa uuwi si Daddy, e. Magbababad pa dito iyong mga Lolo’t Lola.”

        “Sanay naman akong mag-commute, e,” natatarantang tanggi ng dalaga. “Out of the way pa ang school.”

        “E, ano? Wala naman akong lakad ngayon,” giit ni Jules. “Parang pasyal ko na rin iyon.”

        Kung tatanggi pa si Jolen ay mapaghahalata nang hindi siya kumportable kay Jules.

        “Sige, bahala ka,” sabi na lang niya.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento