Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Linggo, Abril 16, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Julianna Chapter 4

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 4 

ALAS-KUWATRO. Bihis na si Julianna.

        Alas-sais ang simula ng affair. Cocktails.

        Alas-singko dapat aalis ng bahay ang magkapatid. Kahit malapit lang ang Malate ay ayaw raw ni Lyon na mahuli sila. Mas mabuti nang maaga silang naroroon para makaalalay kay Jules.

        Hindi rin siya nakatanggi sa kanyang Kuya Lyon.

        Tulad ng inaasahan, hindi nga makakasama si Gwen sa soft opening ng Arte’t Kape. Hindi naman mahirap maunawaan iyon. Kailangan pa nitong manatili sa tabi ni Gwyneth.

        Ayaw ring sumama ni Daddy King. Umiiwas pa rin ang matanda sa mga okasyong maaaring matukso itong tumikim uli ng alak.

        “Ikaw na lang ang puwedeng sumama sa akin, Jolen,” sabi ni Lyon. “Huwag naman nating i-disappoint si Jules.”

        Kaya heto, bihis na siya.

        Nahirapan pa nga siyang pumili ng isusuot. Ayaw kasi niyang magmukhang masyadong konserbatibo. Baka naman masyado siyang maiba sa karamihan ng mga tao roon.

        Para safe, nagsuot siya ng itim. Pares na sedang itim – malambot na pantalon at blusang sleeveless at round-necked. Itim na high-heeled mules. Itim na envelope bag. Plain pearl earrings. Walang kuwintas o pulseras o singsing. Simpleng dress watch na Tissot.

        Nakalugay ang kanyang lampas-balikat na buhok. Natural lang ang kanyang make-up.

        Classic elegance. Hindi masasabing napakakonserbatibo. Hindi rin mapaparatangang nagpapa-sexy.

        Hindi niya malaman ang kanyang nadarama. Sa isang banda’y naroon pa rin ang pangambang isinatinig niya noon kay Monique. Sa kabilang banda’y hindi niya maitatangging naroon din ang pananabik. Pananabik na makita at mapasok ang mundo ni Jules. Makilala nang mas mabuti ang binata. Malinawan ang para sa kanya’y misteryo ng pagka-bohemyo nito.

        Kahit hindi niya ito sinasang-ayunan. Kahit labag ito sa lahat ng kanyang pansariling mga “dapat”.

        Ikinakatwiran niya sa kanyang sarili na kailangang mapatunayan niya ang hangganan ng pagka-bohemyo ni Jules para lalo niyang mapangatawanan ang pag-iwas sa binata. Para masiguro niyang hindi nga niya ito dapat gustuhin.

        Mahalagang mabuo niya sa kanyang sarili kung bakit hindi niya dapat gustuhin si Jules – lalo pa ngayong nagdududa siyang maaaring may girlfriend na ito uli.

        Habang maaga’y dapat na talaga niyang burahin ang kanyang nakakatawang ilusyon. Hindi sila bagay at ni hindi nga siya magugustuhan ni Jules. Napakalayo naman kasi niya sa mga type nitong babae – katulad na lamang ng ramp model na iyon.

        Siguro naman, ngayong gabi ay matatapos na – once and for all – ang kanyang “problema.”

        Kaso, kalahating oras bago sila lumakad ni Lyon ay lumapit si Gwen. Masakit daw ang dibdib nito. Naninigas. Bahagya nga itong nilalagnat.

        “Dalhin natin sa doktor,” sabi ni Jolen. “Magbibihis na ako.”

        Magbibihis ng panlakad na ordinaryo ang ibig niyang sabihin.

        “Hindi na,” iling ni Gwen. “Tinuruan na ko ni Doktora kung ano ang gagawin sakaling mangyari ito. Normal possibility talaga ito kapag naggagatas ang ina. Kailangan lang i-pump at lagyan ng warm compress.”

        “Are you sure?” pag-aalala pa ni Jolen.

        “Naturuan na nga kami ni Doktora ng tungkol dito,” segunda ni Lyon. “Pero kailangan kong alalayan si Gwen, Jolen. Ikaw na lang ang mag-represent sa akin sa Arte’t Kape.”

        “Ha?!” sambit ng dalaga.

        Kinuha na agad ni Lyon ang cellphone nito at sinimulang tawagan si Jules.

        “Ako mismo ang magpapaliwanag kay Jules,” sabi pa nito.

        “P-pero Kuya...” sabi ni Jolen.

        Huli na. Kausap na ni Lyon ang kaibigan.

        Ipinaliwanag nito ang nagaganap kay Gwen.

        “Pero tutuloy si Jolen, pare...” paniniguro nito.

        Nanlupaypay ang dalaga.

        “Are you sure?” narinig niyang dagdag ni Lyon. “May panahon ka pa ba?... Okay... Sige... Bahala ka... Bye!”

        “Kailangan ko ba talagang pumunta?” hirit pa rin ni Jolen.

        “Si Jules na nga mismo ang susundo sa iyo rito, e,” sagot ni Lyon. “Paalis na raw siya roon.”

        “Ha?” natatarantang sabi uli ng dalaga.

 

KABADUNG-KABADO si Jules. Hindi dahil sa pagbubukas ng Arte’t Kape. Wala siyang kakaba-kaba sa pagiging hit ng kanyang pet project. Alam niyang noon pa ito hinihintay ng mga kaibigan at kakilala niyang mga manunulat at iba pang mga alagad ng sining.

        Ang ikinakakaba ni Jules ay ang pagsundo niya kay Julianna. At ang kaalamang makakasama niya ito – para na ring makaka-date – ngayong gabi, nang walang chaperone.

        Para siyang teenager na sa kauna-unahang pagkakataon ay magdadala ng date sa prom.

        Ma-impress kaya si Julianna sa Arte’t Kape? Ma-appreciate kaya nito ang pagkamalikhain ng kanyang konsepto?

        Pero ang mas mahalaga – mag-enjoy kaya ang dalaga sa piling niya? Hindi kaya ito ma-bore o mapreskuhan sa kanya?

        Ibang-iba si Jolen sa lahat ng mga babaing nakilala niya. Hindi niya kabisado ang timplang gusto nito. Noon ngang huli silang magkasama – noong ihatid niya ito sa eskuwela – ay ilang beses siyang nagkamali sa kanyang pananalita. Ilang beses niyang napansin na naging kakaiba ang reaksiyon nito sa kanyang mga sinabi. Hindi naman niya maintindihan kung bakit.

        Bahala na. Basta magpakatotoo na lang siya. Gagawin niya ang lahat ng inaakala niyang tama at nararapat. At hindi siya magpapanggap ng kung ano pa man.

        Hindi akalain ni Jules na hindi na pala niya kailangang planuhing magpakatotoo. Dahil nang makita niya si Jolen nang gabing iyon ay wala na siyang ibang nagawa kundi ang mapatulala. Hindi niya maitago ang kanyang natural na reaksiyon.

        Hindi na siya makapag-isip. Hindi na siya makapagsalita. Basta’t napatitig na lamang siya sa napakagandang dalagang kaharap niya.

        Ibang-iba naman kasi ang hitsura ni Jolen sa suot nitong pormal na itim na pants suit. Ibang-iba sa hitsura nito kapag nakauniporme na pang-eskuwela. Lalo namang ibang-iba sa hitsura nito noong nakasuot ng napaka-sweet na gown sa kasal nina Lyon.

        Ganap na babae ang tingin niya ngayong gabi kay Julianna. Babaing nasa bungad ng kaganapan. Parang rosas na bagung-bago pa lamang na namumukadkad. Parang manggang umabot na sa tamang-tamang pagkahinog sa puno – namimintog, humahalimuyak at nangangako ng tamis at linamnam sa sinumang pipitas.

        “O, para kang naengkanto, a,” kantiyaw ni Lyon sa kaibigan.

        “H-ha?” nagulantang na sagot ni Jules. “A... e...”

        Si Daddy King ang tumatawang sumagip sa kanya.

        “Nagulat ka sa dalaga ko, ano?” sabi ng matanda. “Bihira iyang magbihis nang ganyan, e. Hindi naman kasi mahilig maglalabas sa gabi. Hindi iyan sanay sa night life. Aalalayan mo lang, ha, Jules?”

        “Siyempre naman ho,” sagot agad niya.

        Napansin niyang hindi na mapakali si Jolen. Pulang-pula na ito at parang nako-conscious nang husto.

        “Don’t worry, Jolen,” sabi tuloy niya sa dalaga. “Hindi ako lalayo sa tabi mo. Mahirap na, e. The way you look tonight, kailangan ng man-to-man guarding. Wala pa naman doon ang Kuya at Daddy mo.”

        “Tama na nga kayo,” pairap na sagot ni Julianna.

        “Oo nga, Jules,” natatawang sabi ni Lyon. “Mabuti pang lumakad na kayo bago pa mapikon nang husto itong dalaga natin. Baka biglang magbago ng isip. Ayaw na nga niyang tumuloy kanina nang malamang hindi ako makakasama, e.”

        “Bakit naman?” tanong ni Jules. “Andito naman ako, a.”

        “Kaya nga tayo na, e,” sagot ni Jolen na parang lalo pang napahiya sa inilahad ng kapatid.

        Mabilis na nga itong nanguna sa pagpunta sa may pinto.

        “Sige, Dad, Lyon, tutuloy na kami,” napilitang paalam ni Jules.

        Parang noon lang din naalala ni Julianna na magpaalam sa sariling ama’t kapatid.

        “Bye, Dad,” sabi nito. “Bye, Kuya.”

        At tuluy-tuloy na itong lumabas ng bahay.

        Kakaba-kaba namang humabol si Jules.

        Patay, sabi niya sa sarili. Na-bad trip na yata nang husto ang mahal niya. Paano kaya siya makakabawi?

        Nagkaroon siya ng pagkakataon nang kinailangan niyang pagbuksan ng pinto ng kotse ang dalaga.

        Bago ganap na buksan ang pinto ay binalingan niya ito.

        “I don’t want to make you feel uncomfortable, pero kailangang sabihin ko ito. I just have to express it,” pahayag ni Jules. “You really look... very beautiful... tonight.”

        Nagbaba ng paningin si Jolen.

        “Thank you,” halos pabulong na sagot nito.

        Parang titiklop sa hiya.

        Hinayaan na niya itong makasakay.

        Pero nang makapasok na rin ng kotse si Jules ay may pahabol pala na tanong si Jolen.

        “Hindi kaya magtampo ang girlfriend mo sa pagsundo mo sa akin at sa pangako mo kina Kuya na ihahatid mo ako pauwi? Baka naman maging isyu pa ito. Nakakahiya.”

        “Girlfriend?” gulat na ulit ng binata. “Wala naman akong girlfriend, a.”

        “W-wala ba?” sagot ni Jolen. “Sorry.”

        At tumahimik na ito. Nakatingin sa labas ng bintana ng sasakyan.

        Nagkabuhul-buhol naman nang husto ang isip at damdamin ni Jules.

        Bakit kaya siya tinanong nang ganoon ni Jolen? Hindi kaya dahil gusto lang nitong malaman kung may girlfriend na siya o wala pa? Kung available pa siya? Bakit, interesado rin ba ito sa kanya?

        Gusto na niyang matuwa.

        Puwede na nga kaya siyang umasa?

 

NAGDIRIWANG din ang puso ni Julianna.

        Wala raw girlfriend si Jules! Walang girlfriend!

        At tinawag pa siyang “very beautiful.” Napatulala pa nga sa kanya kanina.

        At makakasama niya ito nang buong gabi. Hindi raw siya lalayuan. “Man-to-man guarding” daw ang gagawin.

        Pero pagkaraan ng ilang minuto, si Jolen din naman ang sumaway sa sarili.

        E ano ngayon kung walang girlfriend si Jules? E ano kung nagandahan ito sa kanya ngayong gabi? Hindi pa naman pruweba iyon na may gusto ito sa kanya.

        At kung magkagusto man – ano ngayon? May balak ba siyang makipagmabutihan sa isang bohemyong tulad ni Jules?

        Muling nangibabaw ang pagiging manang ni Jolen.

        Ano ba itong ginagawa niya? Bakit ba siya pumayag na sumama nang mag-isa sa lalaking ito? At bakit ba niya natanung-tanong kay Jules ang tungkol sa pagkakaroon nito ng girlfriend? Baka kung ano na tuloy ang iniisip nito ngayon tungkol sa kanya.

        Baka mahalata nitong namimingwit lang siya ng impormasyon. Baka maramdaman ng binata na may crush siya rito.

        Nag-init at nanlamig si Jolen. Sabay. Nag-init at namula ang kanyang mukha habang nanlamig naman ang kanyang mga palad at talampakan. Pigil na pigil niya ang sarili na huwag mag-alumpihit sa kanyang kinauupuan.

        Mabuti na lang at muling nagsimulang makipagkuwentuhan si Jules – na iba na ang pinapaksa.

        “Karamihan sa mga darating ngayon, kakilala ni Lyon na nakilala na rin ni Gwen,” sabi nito. “Siguradong matutuwa silang makilala ka.”

        “Madi-disappoint sila na wala sina Kuya,” sagot niya. “Sayang.”

        “Kapag naman ibinalita nating nanganak na si Gwen, magkakagulo ang mga iyon,” sabi ni Jules. “Makikita mo.”

        “Sila ba iyong mga kasa-kasama ni Kuya abroad?” nag-aalalang tanong niya.

        “Iyon ba ang ikinaiilang mo?” ganting tanong ni Jules. “Hindi kita masisisi. Ilag din ako sa crowd na iyon. Pero huwag kang mag-alala, wala sila ngayon. Bihira na silang mapadaan dito these days. Panay locals itong makakasama natin ngayong gabi. Ito ‘yung mga dati pa naming kasama – magmula noong mga estudyante pa kami ni Lyon. Mga ka-jamming namin. Lumaki na nga nang lumaki ang sirkulo. Nadagdagan na nang nadagdagan ng mga bagong kaibigan. Karamihan, nasa linya ng arts. Music, creative writing, theater, photography, film, painting, sculpture at iba pa.”

        Bahagyang lumuwag ang diddib ni Julianna.

        Pero may karugtong pa pala ang sinabi ni Jules.

        “Iyon namang kabilang crowd ng kuya mo – iyong mga jetsetters – they’re not really that bad.”

        Napatingin si Jolen sa binata nang nakataas ang kilay – reaksiyong hindi niya sinasadyang maipakita.

        Natawa si Jules.

        “Okay, may ilan nga sa kanila na talagang mahirap masakyan ang pagkatao,” amin na rin nito. “Pero hindi naman lahat. Marami sa mga iyon, misguided lang. Nalilito. Naguguluhan pa sa sarili. Para ring si Lyon noon. Kaya nga siguro siya na-attract na sumama sa kanila, e. At least, kahit paano, nahanap din naman niya ang kanyang sarili eventually. Natagpuan pa nila ni Gwen ang isa’t isa. So all’s well that ends well, hindi ba?”

        Hindi sumagot si Jolen. Hindi siya kumbinsido.

        Mabuti na nga lang at nagkatagpo ang kanyang Kuya Lyon at si Gwen. Mabuti na nga lang at napatino ng dalawa ang isa’t isa. Paano kung hindi? Paano kung habambuhay nang nasabit ang mga ito sa grupong iyon na wala nang ginawa kundi ang magpapalit-palit ng kaulayaw at magpasarap sa iba’t ibang bahagi ng mundo?

        Hindi yata talaga niya matatanggap na may naging mabuting kontribusyon ang grupong iyon sa buhay ng kanyang Kuya Lyon.

        “Don’t worry about that crowd,” sabi ni Jules. “Buhay nila iyon. Choice nila. I’m sure, anuman ang mangyari, may matututunan din sila sa bandang huli.”

        “It may be too late for them,” hindi niya napigil na maisagot.

        “It’s never too late,” salungat ni Jules. “Kahit sa kabilang buhay na magkaroon ng realization ang isang kaluluwa, may malaking kabuluhan pa rin iyon sa kanyang personal na pag-unlad. At walang paltos na magkakaroon ng self-realization ang bawat kaluluwa pagdating sa kabila.”

        Gulat na gulat si Jolen.

        Hinding-hindi niya akalaing makakarinig siya ng mga salitang may kabuluhang ispiritwal mula kay Jules Hermosa.

        Hindi tuloy niya napansing napatitig siya rito nang namimilog ang mga mata.

        “O,  bakit?” natatawang tanong ng binata. “Hindi ka ba naniniwala sa afterlife?”

        “O-of course, naniniwala,” sagot niya.

        “Of course,” ulit ni Jules. “Ikaw pa? So don’t worry about those people. Each one of us has our own path in this life and after.”
        “Ang ibig mo bang sabihin, bahala na ang Diyos sa kanila?” tanong ni Jolen. “Na pagbabayaran din nila ang lahat ng kanilang mga kasalanan?”

        Umiling ang binata.

        “I’m sorry but I don’t see God that way,” sagot nito. “Ang pagkakakilala ko sa Diyos, hindi nagpaparusa. Hindi naniningil. The God I know is not a vengeful God. The God I know is a God of perfect love. Unconditional love.”

        “Hindi nagpaparusa sa mga makasalanan?” gulat uling tanong ni Jolen. “Paano ‘yon?”

        “Sa paniniwala ko, ginawa ng Diyos na perpekto ang ating mga kaluluwa. In fact, I believe that our souls are a part of God. Bahagi Niya mismo na ipinamahagi Niya sa ating lahat. Nagkakaroon lang tayo ng imperfection sa ating katawang lupa at sa ating mga iniisip at ginagawa sa lupa dahil nakakalimot tayo na tayong lahat ay iisa’t konektado sa Kanya,” paliwanag ni Jules. “Nakakalimutan nating pag-isahin ang ating katawan at kaisipan sa atin mismong kaluluwa. We forget the true nature of our true soul. Pero sa oras ng ating kamatayan, sa pagbabalik ng ating kaluluwa sa Kanya, muling naglilinaw ang lahat. Iyong tinatawag na life review. Doon binabalikan ng kaluluwa ang katatapos lang na buhay hanggang sa kaliit-liitang detalye. Doon niya natututunan ang lahat ng kailangan niyang matutunan. Ang mga realizations sa mga pagkakamaling nagawa.”

        “At pagkatapos?” tanong pa rin ni Jolen.

        “Iyon na mismo ang kaparusahan – ang realization ng mga nagawang kamalian. At iyon din ang reward,” sagot ni Jules. “Ang pagkatuto. Once a soul recognizes all its mistakes, all necessary lessons are learned. Bakit pa kailangan ang ibang kaparusahan? The perfect soul knows only perfect love – kaya sa estadong iyon ay mararanasan niya ang walang hanggang pagsisisi sa kanyang mga pagkakamali, sa kanyang paglihis sa daan ng pag-ibig. Pero sa isang iglap din nama’y papawiin ng walang hanggang kapatawaran at pag-ibig ng Diyos ang kanyang pagdurusa. That’s heaven. And in God’s immeasurable, limitless love, everyone goes to heaven. Isn’t that just perfect?”

        Natigilan si Julianna. Napatanga.

        Ibang-iba ang tinuran ni Jules kaysa sa pinaniniwalaan niyang langit, purgatoryo at impiyerno.

        Pero sa kabilang banda, parang... parang tama rin namang sabihing ang Diyos nga’y may walang hanggang pag-ibig at pagpapatawad.

        Sumulyap sa kanya si Jules.

        “Mahirap bang tanggapin ang mga sinabi ko?” tanong nito. “Masyado bang far out?”

        “E-ewan ko,” amin ni Jolen. “Parang... parang maganda ang point mo. Pero... sa palagay ko, pag-aaralan ko pa itong mabuti.”

        Tumango ang binata.

        “Ganyan din ako,” sagot nito. “Kapag may bagong ideya, kailangan talagang pag-aralan nang mabuti. Busisiin. Usisain. Analisahin. Gamitan ng isip at pandama. Hindi iyong basta na lang ibabasura o kaya nama’y lulunukin nang buung-buo.”

        “Nakakatakot kang kausap,” iling ni Jolen.

        “Dahil nahahamon ang mga dati mong paniniwala?” nakangiting tanong ni Jules. “Huwag kang matakot. Hayaan mong kumprontahin ng mga baong ideya ang iyong mga pinaniniwalaan at pinaninindigang ideya. In fact, kailangan mo iyon sa pana-panahon. Doon mo mapapatunayan kung totoo pa ba sa iyo ang iyong mga pinanghahawakang paniniwala’t paninindigan. If they can stand up to the challenge, well and good. Nasa tama ka pa rin. But if your old beliefs and principles crumble against new ideas, you have to have the courage to face the truth.”

        “Nagbabago ba ang katotohanan?” hamon naman ni Jolen.

        “Ang tanging katotohanan ay ang walang hanggang pagbabago’t pag-unlad,” sagot ni Jules. “Nothing is permanent except the process of change.”

        “Pati ang Diyos, nagbabago?” panghuhuli ng dalaga.

        Nangiti si Jules.

        “Nagbabago ang konsepto natin sa Kanya,” sagot nito. “Sa kasaysayan ng mundo, sinamba na Siya bilang araw, bilang mga diyos sa Olympus, bilang mga anito. Tinawag sa iba’t ibang pangalan sa iba’t ibang relihiyon. Tinawag na Ama. Ngayon, sa paglawak ng pananaw ng marami, we realize that God has no gender. Walang kasarian ang Diyos. Hindi Siya lalaki o babae. Or God is both male and female... and more. Maaari Siyang ituring na Ama at Ina. Maaari rin siyang ituring na Enerhiya. Hindi nga ba’t ang lahat ng bagay sa mundo – maging ang hangin – ay napatunayan na ng siyensiya na mga iba’t ibang pagkakabuo lang ng enerhiya? Sa paniniwala ko’y ito na mismo ang Enerhiya ng Diyos. Nasa bawat himaymay ng ating laman, kaisipan, damdamin at kaluluwa. Nasa bawat halaman o maging sa mismong lupa, bato, araw, buwan, tala at kalawakan. Pero gaano man natin pakaisipin, hindi pa rin masasakop ng ating mga konsepto ang kabuuan ng katotohanan ng Diyos. Kaya patuloy na magbabago’t uunlad ang ating mga konsepto. Walang katapusan – dahil wala ring hangganan ang katotohanan ng Diyos.”

        Nakatanga na naman si Jolen.

        “Ano sa palagay mo?” tanong ni Jules.

        Umiling ang dalaga.

        “Nalulula ako sa mga sinasabi mo,” amin niya.

        “Mahirap tanggapin?” tanong uli ng binata.

        “Hindi nga, e,” sagot ni Jolen. “Mas nakakatakot dahil parang ang dulas ng dating ng mga ideya mo kahit na salungat sa karamihan ng mga paniniwala ko.”

        “Huwag kang matakot – hindi kita balak na i-brainwash,” natatawang sabi ni Jules. “Just think about these things. You may come up with your own conclusions.”

        “Sa palagay ko nga, hindi na ako matatahimik hangga’t hindi ko nase-settle sa aking sarili ang mga usaping ito,” pahayag ng dalaga. “Punung-puno na ng mga katanungan ang isip ko. Para mong hinalukay ang nananahimik kong belief system.”

        “O sige, I’ll give you a break,” sabi ni Jules. “Baka naman masyado ka nang ma-freak out sa akin. Ewan ko ba kung bakit naibulalas ko sa iyo ang lahat ng iyon. I don’t just go around preaching to people, you know. Mga personal beliefs ko lang iyan. Pasensiya ka na kung napuruhan ka. I guess I just got carried away. Huwag ka sanang madadala na makipag-usap sa akin. I assure you, I’m not always like this.”

        Natawa na rin si Jolen.

        “Oo na,” sagot niya.

        “Magpakababaw naman muna tayo,” sabi ni Jules. “O, what’s your favorite color.”

        “Ano?” nalilitong tanong niya.

        “Mga tanong naman munang pang-slumbook para walang komplikasyon,” kunwa’y seryosong paliwanag ni Jules. “Katulad ng: Define love. Define crush. Who is your crush? Have you ever been in love? With whom?”

        “Ay, ano ba ‘yan?” tumatawang sagot ni Jolen. “Ayoko niyan.”

        Pero iba ang isinasagot ng puso niya.

        Dahil sa mga sandaling iyon ay lalo niyang nasiguro na hindi lang pala mababaw na pisikal na atraksiyon ang kanyang nadarama para sa lalaking ito. At sa kabila ng mapanganib nitong mga ideya na nanghahamon sa mismong buod ng kanyang pagkatao ay lalo pang nagkaugat at yumabong ang pagtingin niya kay Jules.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento