Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Linggo, Abril 16, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Julianna Chapter 6

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 6 

ALAS-SINGKO na ng hapon nakauwi ng bahay si Julianna.

        At dinatnan niyang naghihintay sa kanya si Jules. Kausap si Lyon sa salas.

        Pagkakita sa kanya ay agad na tumayo ang binata. Sabay dampot sa isang makapal na bungkos ng long-stemmed baby pink roses.

        Tumayo rin si Lyon.

        “May bisita ka,” nakangiting sabi ng Kuya niya – may kislap ng kapilyuhan sa mga mata – bago sila iniwan.

        “Hi, Jules,” sabi ni Jolen sa bisita.

        Kunwa’y napakakaswal niya – kahit ang totoo’y kinabahan na siya agad pagkakita pa lang sa binata. At lalo na sa dala nitong mga bulaklak.

        Iniabot ni Jules sa kanya ang mga rosas.

        “These are for you,” sabi nito. “Pasasalamat sa pagsuporta mo sa akin kagabi.”

        “Hindi mo na ako kailangang pasalamatan pa ng ganito,” sagot niya habang tinatanggap ang mga bulaklak.

        Sa totoo lang ay kilig na kilig na siya.

        “Last night was very special,” pagpapatuloy ni Jules. “You know why.”

        “Why?” tanong din siyempre niya.

        Iminuwestra nito ang kahong nakapatong sa center table sa salas. Kahon na may pangalan ng isang kilalang bakeshop. Kahon ng cake.

        “Buksan mo,” sabi ng binata. “This is also for you.”

        “Hindi ko naman birthday, a,” nakangiti pang sabi niya habang tumatalima.

        Pero napalis ang kanyang ngiti pagkabukas niya sa kahon. Nahalinhan ng malalim na pamumula ng kanyang mga pisngi.

        Cake nga kasi ang laman ng kahon. Pero hindi lang simpleng cake. Sa malalaking letra ay nakasulat doon ang mga salitang “I love you!”

        Hindi niya magawang ibalik ang kanyang paningin kay Jules.

        “I love you, Jolen,” pahayag ng binatang nakalapit na pala sa kanyang tabi.

        Nang hindi pa rin siya kumibo o tuminag man lamang ay maingat siya nitong hinawakan sa siko at inalalayang makaupo.

        “I think you need to sit down,” sabi ni Jules.

        Itinutok naman niya ang paningin sa bungkos ng mga rosas sa kanyang kandungan.

        “You don’t have to say anything,” pagpapatuloy ng binata. “Gusto ko lang namang i-declare ang nararamdaman ko. Ipahayag ang aking intentions.”

        Bumuntonghininga si Jules.

        “Alam kong may alam ka tungkol sa aking nakaraang mga relasyon,” sabi nito. “But I want you to know something more – I was never in love with any of them. Iyong isa, umabot nga sa parang obsession – alam ni Lyon iyon. But it wasn’t love. Akala ko lang, iyon na iyon. But there was always something missing.

“Nalaman ko lang kung ano iyon noong makilala kita. Suddenly, everything was crystal clear. The way I feel about you is so different. Hindi ko nga alam noong umpisa kung paano kong iha-handle. Kaya matagal kong itinago. Pinag-aralan. Ayoko kasing magkamali uli na tulad noon. Pero habang tumatagal, lalong tumitindi, e. At lalong lumilinaw.

“Hindi ko na kayang magkunwaring simpleng kaibigan lang ang turing ko sa iyo. Lalong hindi younger sister – kahit best buddy ko ang kuya mo. Jolen, I’m in love with you. At kahit na hindi ko maipagmamalaking maiharap sa iyo nang walang bahid ang buo kong pagkatao, I can sincerely offer you my heart – and my very first love.”

        Napalunok si Jolen.

        Nangangatal ang kanyang buong katawan. Pakiramdam niya’y lumulutang siya sa ere.

        Pero hindi pa rin talaga niya malaman ang sasabihin.

        Sinalo na naman siya ni Jules.

        “Somehow, I feel something between us,” sabi nito. “From my side, I can assure you it’s love. From your side, ikaw lang ang nakakaalam. Pag-aralan mo kung ano nga ba ito. Take your time. Maghihintay ako. Tatanggapin ko kung ano man ang mapagpasiyahan mo.”

        Muling napalunok si Jolen.

        “O-okay,” sagot niya. “Pag-aaralan ko.”

        “Hindi mo na ba talaga ako titingnan man lang?” nakangiting tanong ni Jules.

        Lalong lumalim ang pamumula ng dalaga. Pero napangiti na rin siya. At napasulyap sa katabi.

        “Nakaka-conscious ka kasi, e,” sagot niya.

        Natawa si Jules.

        “Akala mo, ikaw lang ang nako-conscious?” sabi nito. “If you only know what you do to me. Sa edad kong ito, para uli akong teenager na natotorpe. Imagine, it took me all these months para magtapat sa iyo samantalang noon pa lang sa kasal nina Lyon, tinamaan na ako. Bullseye pa.”

        Parang sasabog na sa kaligayahan ang puso ni Julianna. Bawat katagang bitiwan ni Jules ay may hatid na panibagong tuwa. Hindi nga halos niya mapaniwalaan ang kanyang mga naririnig.

        “Alam ko na,” dagdag pa ng binata. “Para hindi na tayo ma-conscious, pagsaluhan na kaya natin itong cake. Tawagin mo uli si Lyon, pati na sina Gwen at Daddy King.”

        Napakurap ang dalaga.

        “Ahm... hihiwain ko na muna itong cake, ha?” sagot niya pagkaraan ng saglit na patlang.

        Muling natawa si Jules.

        “Nahihiya kang mabasa nila ang nakasulat diyan?” sabi nito. “Okay lang. Pero alam na rin naman nila, e. Nagpaalam na ako kay Lyon kaninang umaga.”

        “Nagpaalam ka kay Kuya?” nakataas ang kilay na uli ni Jolen.

        “Oo naman,” sagot ni Jules. “Kailangan. Kung hindi, baka blackeye ang inabot ko roon.”

        “Sobra ka naman,” sabi ni Jolen.

        “Of course, hindi naman gagawin ni Lyon ang ganoon,” amin na rin ni Jules. “Nagpaalam ako as a gesture of courtesy and sincerity. Kakaiba kasi ang sitwasyon natin, hindi ba? Magkaibigan kami. Kapatid ka niya. At alam ko kung gaano siya ka-protective sa iyo. I wanted him to know my intentions. Ipinaaalam ko rin sa kanya na anuman ang maging pasya mo, hindi iyon makakaapekto sa friendship namin.”

        Natigilan si Jolen.

        May mga agam-agan pa rin pala si Jules sa kalalabasan ng iniluluhog nito sa kanya. Hindi pa naman pala siya bistadung-bistado.

        Nakangiting tumayo na ang dalaga.

        “Teka, kukuha lang ako ng panghiwa at pang-serve ng cake,” sabi niya. “Ilalagay ko na rin muna sa vase itong roses.”

        May panibagong kumpiyansa ang kanyang masisiglang hakbang patungo sa kusina.

 

BIGAY-TODO ang panliligaw ni Jules kay Jolen.

        Hatid-sundo siya nito sa eskuwela. Madalas ay inaabot na ito ng hapunan sa bahay nila sa pakikipagkuwentuhan lang sa kanya.

        “Hindi ka ba kailangan sa Arte’t Kape?” tanong niya rito.

        “Late evening naman dumarating ang karamihan ng mga tao roon, e,” sagot nito. “At priority kita siyempre.”

        Hayun na naman ang mga salitang iyon na laging nakapagpapataba ng puso niya.

        Kapag Sabado’t Linggo naman, inaanyayahan siya ni Jules na sumama sa Arte’t Kape, lalo na kapag may mga espesyal na performances doon.

        Tuwing linggo ng umaga, sinasamahan siya nito na magsimba sa chapel ng Colegio de Sta. Maria.

        Nagulat pa si Jolen nang unang magboluntaryo ang binata ng pagsama sa kanya.

        “Akala ko ba, naiiba ang paniniwala mo kaysa sa tradisyunal?” tanong niya.

        “Maaaring may mga pagkakaiba nga,” sagot ni Jules. “Pero sa akin, ang anumang relihiyon at paniniwala na nakasentro sa kabutihan ay kaisa ko pa rin sa esensiya. Hindi na bale ang mga pagkakaiba. Sa kahit na anong simbahan ay maaari kong madama ang presence ng Diyos. Ang kahit na anong sacred ritual na pinahahalagahan ang Kanyang pag-ibig ay nirerespeto ko. That’s why I enter every church and place of worship with deep reverence.”

        Sa pagsamang iyon ni Jules sa pagsisimba ng dalaga ay naipakilala itong muli ni Jolen kay Monique.

        Madali namang nagkahulihan ng loob ang dalawa. Magmula noo’y madalas na nilang naisasama si Monique sa Arte’t Kape.

        Nang binyagan si Gwyneth, hindi na parang mga estranghero sa isa’t isa ang magkatuwang na ninang at ninong ng bata.

        Sa paglipas ng mga araw, lumalim din ang pagkakakilala nina Jolen at Jules sa isa’t isa. Naging higit na kumportable sila sa piling ng isa’t isa.

        Liban sa isang antas.

        Habang tumatagal kasi, napansin ni Jolen na tumitindi rin nang tumitindi ang kanilang pisikal na atraksiyon sa isa’t isa.

        Iniingatan na nga tuloy niyang hindi sila magkasarilinan sa gabi. Iniiwasan niya ang tukso na kamuntik na niyang hindi matanggihan noong una silang magkasama – noong soft opening ng Arte’t Kape.

        Sa tuwing may pupuntahan sila ngayon na gabi ang iskedyul, lagi nang isinasama ni Jolen si Monique. At doon na niya ito pinatutulog sa bahay nila pagkatapos. Kapag kasi inihatid muna nila sa dorm ang kanyang kaibigan, magkakasarilinan pa rin sila ni Jules sa paghahatid nito sa kanya. At iyon ang delikado.

        Baka bumigay siya sa kanyang pantasyang mayakap at mahagkan si Jules.

        Kahit nga sa liwanag ng araw ay pabigla-biglang sumusulpot pa rin sa pagitan nila ang kakaibang tensiyong sensuwal.

        Napapansin na nga niyang nag-ingat na rin tuloy ang binata maging sa paghawak lang sa kayang siko o braso. Kung minsan kasi ay para silang bigla na lamang nakukuryente sa ganoon kasimpleng pagkakadikit sa isa’t isa. Kapwa sila napapapitlag, pinangangapusan ng hininga.

        Sa ganoong mga pangyayari ay pareho naman silang nahihiyang umamin sa nagaganap. Pasimple nila itong binabalewala. Patay-malisya na lang. Kahit na kapwa nayanig ang kanilang buong pagkatao.

        Napatunayan ni Julianna na imposible nga palang maging simpleng magkaibigan lang ang isang babae’t isang lalaking may malakas na atraksiyon sa isa’t isa. Aabot sila sa puntong hindi na maaaring magtama ang kanilang paningin nang hindi sila kapwa parang sinisilaban.

        Hindi na rin marahil nakayanan ni Jules ang ganoong tensiyon.

        Tatlong buwan mula nang magtapat ito ay nagtanong na ang binata.

        Naghanap naman muna ito ng magandang tiyempo. Isang hapon, nang sunduin siya mula sa eskuwela ay nagyaya ito.

        “Puwede ba tayong mag-snacks muna?”

        “Alanganing oras na, a,” sagot niya. “Five-thirty na. Malapit na ang hapunan.”

        “E, di merienda cena o kahit early dinner na nga,” pakli ng binata. “Itawag na lang natin kina Daddy King para hindi sila mag-alala.”

        Nag-isip nang mabilis si Jolen. Kunsabagay, hindi naman sila masyadong gagabihin.

        “Sige,” tango niya. “Pero huwag tayong magtatagal, ha? May klase bukas.”

        Laking pagtataka niya nang sa Manila Hotel siya dinala ni Jules.

        “Bakit dito?” tanong niya. “Birthday mo ba? Hindi ako nakaayos. Nakakahiya.”

        “Mas maganda ka naman kaysa sa lahat ng babaing makakasabay natin diyan, kahit nakauniporme ka,” sagot ng binata. “At saka hindi kailangang may okasyon para tayo kumain dito.”

        Nagpilit pa rin si Jolen na sa coffee shop na lang sila magtuloy sa halip na sa pormal pang mga kainan ng hotel.

        “Kilalang masarap ang bibingka ng Cafe Ilang-Ilang,” sabi niya. “Nandito na rin lang tayo, sasamantalahin ko na.”

        “Sige, iyon na rin ang oorderin ko,” sang-ayon ni Jules.

        Nagtaka naman si Jolen kung bakit parang wala sa pagkain ang atensiyon ng binata nang nakahain na ang kanilang mga bibingka. Nauna pa nga siyang nakatapos kumain.

        “Wala ka naman yatang appetite, e,” pansin niya. “Akala ko ba nagugutom ka?”

        “Actually, gusto ko lang na magkausap tayo nang medyo may privacy,” amin na ni Jules.

        “Tungkol saan?” tanong niya kahit parang alam na niya ang isasagot nito.

        “Tungkol sa ating dalawa,” sagot nga ng binata. “I know it may be too soon to ask – lalo pa dahil sinabi ko noon na handa akong maghintay sa iyong pasya. Hindi ko kasi akalain na aabot ako sa ganito, e. Ewan ko kung napapansin mo na rin. I think I’m going crazy over you. I think of you all day and night. Kapag hindi tayo magkasama, miss na miss kita. I daydream about you all the time. Kapag magkasama naman tayo, hindi ako mapakali. Bawat sabihin mo, bawat sulyap mo sa akin, pinipilit kong basahin, hanapan ng kahulugan. Natatakot na nga akong hawakan ka man lang sa siko o braso dahil baka mapansin mong nagiging possessive na ang paghawak ko sa iyo – samantalang wala naman akong karapatan.”

        Napailing si Jules.

        “We can’t go on like this, Jolen,” sabi nito. “I’m sorry, but I’m not strong enough. Kung hanggang kaibigan lang ang kaya mong ituring sa akin, then let me know right now. Because that would mean that I can’t go on seeing you. Kakailanganin kong lumayo muna. I have to do something drastic to tame these very intense feelings I have for you.”

Napayuko ang dalaga.

        Alam na alam niya kung ano ang nadarama ni Jules – dahil ganoong-ganoon din naman ang kanyang nadarama. Ang pagkakalamang nga lang niya ay alam na niyang mahal siya ng binata.

        Hindi nga marahil makatarungan na patagalin pa niya ang mga agam-agam ng kanyang mahal. Bakit ba niya gugustuhing patuloy itong mahirapan?

        “Y-you don’t have to go, Jules,” sabi niyang hindi pa rin makatingin sa binata.

        Saglit na katahimikan.

        “What are you trying to say?” tanong ni Jules pagkaraka. “Look at me, Jolen. Please. Nakataya ang buhay ko rito.”

        Dahan-dahang nagtaas siya ng tingin kahit pulang-pula ang kanyang mukha.

        Sa sandaling nagtama ang kanilang paningin ay hindi na niya nagawang umiwas pa. Nagtatanong ang mga mata ni Jules. Wala namang maitago ang kanyang mga mata.

        Unti-unting nangiti ang binata. Palapad nang palapad.

        Napapangiti na rin si Julianna. Hindi niya mapigil.

        “Is this official?” tanong ni Jules.

        Nagkibit-balikat siya.

        “Ano? Anong hindi mo alam?” pangungulit ng binata.

        “Oo na nga, e,” natatawang sagot niya.

        “Napipilitan ka lang yata,” kunwa’y patampong sabi ni Jules. “Baka sabihin mo, nang-e-emotional blackmail ako.”

        Lalong natawa si Jolen.

        “Hindi,” iling niya.

        “O, sige nga, prove it,” hamon ni Jules.

        Bigla nitong hinuli ang kamay niya. Pinisil.

        “I love you,” sabi nitong nakatitig sa kanyang mga mata.

        “Jules...” sagot niyang umiiwas ng tingin.

        “Aah... madaya,” sabi ng binata. “Kailangan kong marinig iyon para maniwala ako.”

        “Naman, e,” sagot niyang hindi pa rin sinasalubong ang tingin ng katipan.

        Biglang hinuli ng binata ang isa pa niyang kamay. At sa isang iglap ay nakaluhod na ito sa isang tuhod sa kanyang paanan.

        “Jules!” pasaway na singhap ni Jolen.

        Napatingin tuloy siya nang diretso sa binata.

        “I love you,” seryosong pahayag ni Jules.

        Pagkatapos ay magkasabay nitong idinikit sa mga labi ang kanyang mga kamay. Masuyong hinagkan.

        Napabuntonghininga si Jolen.

        “I love you,” sagot niyang pabulong pero puno ng damdamin.

        “Aay! Ang sweet!” narinig niyang impit na tili ng isang waitress.

        Saka muling nahimasmasan si Julianna.

        “Jules, pinapanood na tayo ng mga tao,” sabi niya sa katipan.

        Nakangiti namang nilingon pa ng binata ang tumili habang papaupong muli sa puwesto. Nag-thumbs-up sign pa ito.

        Napabungisngis naman ang nanonood ngang grupo ng mga waitress at maging mga waiter.

        “Jules, tara na,” pulang-pula namang yaya ni Jolen. “Nakakahiya.”

        Sumenyas si Jules para sa kanilang bill. Mabilis itong dinala sa kanila.

        “Para sa inyong lahat ang sukli,” sabi ni Jules habang nagbibigay ng sobra-sobrang halaga sa waiter. “My way of thanking all of you – dahil dito natupad ang aking greatest dream. She finally said she loves me.”

        “Congratulations, Sir,” nakangiting sabi ng waiter. “Best wishes, Ma’am.

        Hindi makasagot si Jolen. Nakangiti nang alanganin. Hiyang-hiya pa rin.

        Habang papaalis sila ay hawak na ni Jules ang kamay niya.

        Nakangiti sa kanila ang buong staff habang nagpapasalamat. Nakayuko naman ang dalaga.

        Nang makalabas sila ng lobby ay sinumbatan niya si Jules.

        “Ikaw talaga, masyado ka.”

        “Bakit, masama bang ipagmalaki kita sa buong mundo?” nakangiting sagot ng binata. “Kahit dito sa lobby, gagawin ko ‘yon. Kahit saan.”

        “Naku, huwag na. Please,” pakiusap ni Jolen.        

“I’m just so happy,” sabi ni Jules.

        “A-ako rin naman, e,” amin niya.

        Nang nasa kotse na sila, may naisip ang binata.

        “Mag-uwi tayo ng espesyal na hapunan para mapagsaluhan sa bahay. Kailangan, siyempre, may kasabay na celebration ang ating announcement.”

        “Bahala ka,” sagot niya. “Basta... ikaw ang bahalang magsabi sa kanila, ha? Nahihiya talaga ako, e.”

        Tumawag si Jules sa Arte’t Kape. Kinausap ang head chef.

        “Magpa-deliver ka kina Lyon ng pangsampung tao na halabos na sugpo’t alimango, inihaw na bangus, adobong hito, litsong manok, fresh corn soup at sari-saring enselada.”

        “Ang dami naman,” sabi ni Jolen pagkatapos. “Sobra-sobra iyon.”

        “Kung pupuwede nga lang na ipahakot ko sa inyo ang buong kusina ng cafe, gagawin ko,” sagot ni Jules.

        “Hmm, nagpapalakas ka lang kina Daddy at Kuya,” kantiyaw ni Jolen.

        “Hindi, a,” tanggi ni Jules. “Ngayon pa ba ako magpapalakas sa kanila kung kailan alam ko nang mas malakas ako sa iyo?”

        “Mm-hmm...” sagot niyang pairap kunwari.

        Pero hinuli ng hintuturo ni Jules ang kanyang baba. Maingat na iniharap siya rito.

        Bago nakapalag si Julianna ay papalapit na ang bibig ni Jules sa bibig niya. Napapikit na lamang ang dalaga.

        Kaytamis ng unang pagdampi ng mga labi sa mga labi. Ng unang pagbitiw sa kapwa pigil na hininga.

        Nakakatangay. Nakakabuhay ng apoy na laging naroroon sa pagitan nila.

        Kaya sa unang dampi pa lamang ay naalarma na si Julianna. Sa simula pa lang ng paglatay ng apoy sa kanyang mga ugat ay napapitlag na siya.

        “Jules,” sabi niyang iniiwas ang mga labi, sabay lapat ng dalawang palad sa mga balikat ng binata.

        Malinaw na malinaw ang kanyang pag-atras.

        Mabilis namang umatras din si Jules. Naghahabol din ng hininga.

        Kinakabahang sinulyapan ni Jolen ang katipan. Nag-aalala siyang baka minasama ang kanyang pagtanggi.

        Pero ngumiti sa kanya ang binata.

        “Nakakagulat, ano?” sabi nito. “I’m sorry kung nabigla ka. Hindi ko rin akalain na gano’n katindi. It was just a touch of our lips. And then... fireworks!”

        Lumalim ang pamumula ni Jolen.

        “Umuwi na tayo,” sagot niya.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento