Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Linggo, Abril 16, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Julianna Chapter 8

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 8

BALIK uli sila sa dating gawi. Naturingan ngang magnobyo pero hindi na nagho-holding hands. Lalong hindi pinapayagan ang mga sarili na magkasarilinan nang lubusan.

        Mga dalawang linggo ring nagtiis si Jules.

        Pero sa pangatlong linggo ay kumilos na ito.

        “Sweetheart, pakasal na tayo,” biglang mungkahi ng binata isang hapong nagmemeryenda sila sa Arte’t Kape.

        Nasa mismong coffee shop na sila. Ayaw na ni Jolen sa roof garden.

        “Ano?” sagot ng dalaga. “Nakakagulat ka namang magbiro.”

        “Hindi ako nagbibiro,” pakli ni Jules. “In my condition, I can’t afford to make a joke out of this. Don’t you see how frustrated I am? Ikaw, hindi ka ba nahihirapan sa sitwasyon natin?”

        Napabuntonghininga si Jolen.

        “Jules, hindi lang naman tayo ang ganito,” katwiran niya.

        “Siguro nga,” sabi ng binata. “Pero bakit kailangan nating makiisa sa pagdurusa ng iba? Be honest with me. Hindi ka ba nabibitin sa kalagayan natin? Hindi mo ba naaalala ‘yung namagitan sa atin? Ako, memoryado ko iyon to the last detail. Naaalala ko everyday, several times a day. Nagiging abnormal na nga ako, e. Sa edad kong ito, I’m having wet dreams about you.”

        “Jules!” namumulang saway ni Jolen.

        “Sinasabi ko naman ang totoo,” sagot ng binata. “Nangyayari iyon dahil nire-repress natin ang ating mga sarili.”

        “Jules...” sabi uli ni Jolen.

        Pero bago pa siya makapangatwiran ay sumingit uli ang katipan.

        “Alam ko ang gusto mong mangyari,” sabi nito. “And I respect your beliefs. Kaya nga niyayaya na kitang pakasal.”

        Umiling si Jolen.

        “Ayoko namang magpakasal nang dahil lang doon, ano,” sagot niya.

        “Pero hindi lang naman iyon ang batayan ng ating pagpapakasal,” sagot ni Jules. “Alam mong mahal kita. Akala ko rin mahal mo ako.”

        “Pinagdududahan mo pa ako ngayon,” napipikon nang sabi ng dalaga.

        “Hindi naman,” sagot ni Jules. “Iyon nga mismo ang basis ng pagyayaya ko sa iyo na pakasal, e. If we love each other, then what are we waiting for? Ako, sigurado akong ikaw lang ang gusto kong mapangasawa at maging ina ng aking mga anak. Ikaw, may kailangan ka pa bang patunayan tungkol sa atin?”

        “Come on,” iling ni Jolen. “Kahit na ano pang rationalization ang gawin mo, halata pa ring iisa lang ang main motive mo for asking me to marry you. Kaya puwede ba, take a cold shower and talk to me later. Kapag nahimasmasan ka na.”

        Pagkasabi niyon ay tumayo siya’t lumakad nang papalabas ng coffee shop.

        Tarantang hinabol siya ng binata.

        “Sweetheart naman...” bawi nito.

        “Magta-taxi na lang ako pauwi,” irap niya.

        “Jolen, please,” awat ni Jules na humarang sa daraanan niya. “I’m sorry.”

        “Kasi naman, e,” nakalabing sagot niya.

        “Pasensiya ka na sa akin, o,” ulit pa ni Jules. “Pinapangarap ko lang kasi na maka-holding hands ka man lang. Maakbayan. Mayakap. Pati naman kasi iyon, bawal. May magnobyo ba namang ganoon?”

        “E, di maghanap ka ng ibang nobya,” irap uli ni Jolen, sabay talikod.

        “Sweetheart,” habol na naman ni Jules. “I’ll behave na. I promise. Halika na sa kotse. Ihahatid na kita.”

 

UMABOT pa ng lima’t kalahating buwan ang pagpapakamaginoo ni Jules.

        Naging kampante na nga si Jolen. Medyo lumabnaw na ang mga alaala niya sa naganap sa kanila sa roof garden.

        Hanggang dumating ang ikaanim na buwang anibersaryo nila.

        Nangumbida uli si Jules ng dinner date – na katulad ng huli nilang mga anibersaryo ay sa matao nang kainan. Sa pagkakataong iyon, sa Arte’t Kape nagyaya ang binata.

        “May bago kasing exhibit na gusto kong ipakita sa iyo,” sabi nito. “Iba’t ibang flower arrangements.”

        “Uy, maganda ‘yon,” sagot niya. “Sige, doon na tayo.”

        “Halika na muna sa exhibit bago tayo mag-dinner,” sabi ni Jules pagdating nila sa coffee shop. “Nasa second floor lang naman.”

        “Okay,” sagot ni Jolen.

        Nasa isang function room ang flower exhibit. Dalawang dosenang plorera ng iba’t ibang klase at kombinasyon ng mga bulaklak ang naroroon.

        “Ang gaganda naman,” pabuntunghiningang sabi ng dalaga. “Roses, tulips, mums, daisies, carnations – lahat na yata meron dito. At bawat arrangement, tugmang-tugma sa ginamit na bulaklak. Kung competition ito, mahihirapan akong pumili ng mga mananalo.”

        “I’m glad you like them all,”sabi ni Jules.

        “Kanino bang exhibit ito?” tanong ni Jolen. “Sa isang flower shop o sa mga hobbyist? For sale ba itong mga bulaklak?”

        “Sold na ang lahat ng iyan,” sagot ng binata. “Private kasi itong exhibit na ito, e. Para lang sa iyo. They’re all for you.”

        Napamaang si Jolen sa katipan.

        “Happy sixth month anniversary, Sweetheart,” pagpapatuloy ni Jules. “There are twenty-four vases here – one for every week that we’ve been together.”

        Namasa sa luha ang mga mata ng dalaga.

        Pero hindi pa pala tapos si Jules. May inilabas pa itong kahita. Binuksan.

        Natambad ang isang singsing na may solitaryong brilyante. Hindi maipagkakailang isang engagement ring.

        Kinuha ni Jules ang singsing at inilapit sa  kanya.

        “Jolen, itatanong ko uli, will you marry me?”

        Napakurap si Julianna.

        “Yes, of course, I’ll marry you,” buong puso niyang sagot. “And... thanks for waiting all these months.”

        “Kahit naman mas matagal pang paghihintay, you’re worth waiting for,” sabi ng binata habang kinukuha ang kanyang kamay.

        Isinuot nito ang singsing sa kanyang daliri. Pagkatapos ay hinagkan nito ang kamay na iyon.

        Napasinghap si Jolen.

        Ganoon pa rin pala katindi ang kanyang reaksiyon sa simpleng pagdampi pa lamang ng mga labi ni Jules sa kanyang balat.

        “Pero siguro naman, hindi na natin kailangan pang patagalin ang kasal,” pagpapatuloy ng binata. “Will you marry me as soon as we can arrange it? Papayag ka bang simulan na bukas ang pag-aayos ng lahat ng kailangang ayusin?”

        Tumango si Jolen.

        “Hindi naman ako naghahanap ng magarbong kasalan, e,” sagot niya. “Simple lang ang gusto ko. At kung pupuwede, sa chapel ng Colegio de Sta. Maria.”

        “Saan pa nga ba?” sabi ni Jules. “Doon yata kita unang nakita. Doon ako unang na-in love sa iyo.”

        Nangiti si Jolen. At sa tindi ng kaligayahang nadarama ay saglit siyang nakalimot sa sarili. Napayakap siya sa katipan.

        Gulat na gumanti rin ng yakap si Jules.

        “Finally,” nakangiting sambit nito.

        “Ay,” sabi ni Jolen nang mahimasmasan.

        “Aah... wala munang kakalas,” sabi naman ni Jules. “Ang tagal-tagal kong hinintay ito, e. At saka ikakasal na nga tayo, hindi ba?”

        “Ikakasal pa nga lang, e,” sagot ni Jolen.

        Pero hindi naman siya kumakalas sa mga bisig ng binata.

        “We’re engaged,” sabi ni Jules. “Am I not allowed to kiss my fiancee?”

        “Naku, ha,” kinakabahang sagot ni Jolen.

        “Sige na,” hiling ng katipan. “Anim na buwan na kitang pinapangarap na mahagkan uli, a. Naging well-behaved naman ako, hindi ba?”

        “Malapit na nga tayong ikasal,” katwiran ng dalaga. “Kaunting paghihintay na lang.”

        Tumaas ang kilay ni Jules.

        “Ang ibig mong sabihin, doon pa lang kita mahahagkan sa mismong kasal natin?” tanong nito. “Sige ka, baka sa tindi ng pananabik ko sa iyo, maging torrid ‘yung kiss natin sa simbahan. Baka maeskandalo ang buong kongregasyon ng Colegio de Sta. Maria.”

        “You wouldn’t dare!” pakli ni Jolen.

        “Alam mo namang hindi ako tradisyunal na tao,” hamon ni Jules. “At sa pagkakataong iyon, may hawak na akong lisensiya para hagkan ka in anyway I want. Makikipagsapalaran ka ba? Hindi mo alam kung gaano katindi itong naipon kong pananabik sa iyo. Kailan mo gustong mapatunayan – ngayon in private o sa harap ng lahat ng tao sa kasal natin?”

        “Jules, ha?” nakalabing sagot ng dalaga. “Ayoko ng ganyang biro. Kinakabahan ako.”

        Nangiti ang binata.

        “Pagbigyan mo na kasi ako ng isang kiss... please,” parang pagmamakaawa nito. “Don’t worry. Alam ko namang irresistible ako sa iyo. Kaya kapag nakalimot ka sa sarili mo, ako na ang bahalang umawat sa iyo.”

        “Ano ‘ka mo?” namimilog ang mga matang sagot ni Jolen. “Ang yabang mo, ha!”

        At tinangka na niyang kumawala mula sa pagkakayakap nito.

        Sa halip naman na pakawalan siya’y lalo pang humigpit ang kabig ng mga bisig ng binata.

        “Jules!” kunwa’y pataray na sabi ni Jolen.

        Pero sinalubong siya ng katipan ng tingin na hindi na nakikipagbiruan. Ipinapahayag ng mga mata nito ang pagmamahal, pananabik at pagsusumamo.

        Natunaw agad ang puso ni Jolen.

        At hindi rin niya naitago ang pagpapahayag ng kanyang mga mata ng ganap na pagsuko sa sariling damdamin.

        “I miss us like this,” bulong ni Jules bago kusang nagsalubong ang kanilang mga labi.

        Nadama niya agad ang pananabik na kaytagal kinimkim ng katipan. Kahit pilit pa rin nitong nirerendahan ang sarili ay mas mapang-angkin na ang mga halik nito kaysa dati.

        Muling nasaling ang puso ni Jolen. Bumigay din nang ganap ang kanyang mga labi.

        At nang magkusa ang mga iyon na bumuka, hindi na nagbantulot si Jules. Pinakawalan na nito ang tinitimping damdamin. Nilukob ang kanyang bibig. Sinuyo at tinuruang makipaglaro.

        Agad na bumangong muli sa katauhan ni Julianna ang pamilyar na mga sensasyon. Kaybilis na sumagitsit ng kanyang kamalayan. Kaybilis na narating ang langit na minsan na niyang nasilip.

        Ganoong-ganoon uli ang kanyang naranasan. Ang pagbulusok ng kakaibang tensiyon. Ang di mailarawang kasiyahan. Ang panggigipuspos at pangangatal.

        “I love you, sweetheart,” bulong ni Jules nang manlupaypay siya sa mga bisig nito.

        Pulang-pula na naman ang mukha ni Jolen. Hindi pa rin niya magawang iangat ang paningin. Nanatili siyang nakasubsob sa balikat ng katipan.

        “Hayan ka na naman,” masuyong sabi ni Jules habang hinahaplos siya sa buhok. “Pati ba naman sa akin, nahihiya ka pa? Hindi mo ba alam kung gaano tayo kasuwerte? Ang sabi sa mga nabasa ko, iyong ibang babae, hirap na hirap na marating ang narating mo. Some even fake it just to please the egos of their partners. Samantalang tayo, I only have to kiss you and you’re there. Don’t you know how that makes me feel? Para bang ako na ang pinakamagaling na lalaki sa buong mundo. Thanks to you.”

        Hindi pa rin kumikibo si Jolen.

        Isa pa ngayon lang uli siya nahimlay sa mga bisig ni Jules – at ang sarap nga pala ng pakiramdam. Para ngang ayaw na niyang umalis doon.

        Hinahaplos nito ang kanyang buhok. Ang kanyang likod. Ang kanyang braso.

        Napabuntonghininga ang dalaga.

        Sinimulan uli siyang hagkan ni Jules sa may sentido.

        “Jules...” daing ni Jolen.

        Pero hindi naman sa paraang nang-aawat.

        Dapat nga sigurong makasanayan na niya ang nagaganap sa tuwing hinahagkan siya ng kanyang mahal.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento