FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 9
KAHIT
simpleng kasalan lang ang napagkasunduan nina Jolen at Jules, nalaman nilang
aabot pa rin nang isang buwan ang lahat ng paghahanda.
Dahil nakatakda rin naman talagang magdaos
ng pormal na inauguration ng Arte’t Kape sa loob ng dalawang linggo, nagpasya
silang doon na rin ianunsiyo sa mga kaibigan ang kanilang pagpapakasal.
Kumpleto siyempre nang gabing iyon ang
kanilang mag-anak. Bitbit nga nina Lyon at Gwen pati si Gwyneth.
Palibhasa’y anim na buwan na ang bata,
pumayag na rin si King na magkaroon ito ng yaya. Iyon ang kasama ni Gwyneth sa
silid ni Jules sa pension house. May baon ang mga ito na ilang bote ng gatas ni
Gwen.
Punung-puno ng tao ang Arte’t Kape mula
sa coffee shop hanggang roof garden. Puno rin kasi ng iba’t ibang proyekto ang
mga function rooms sa ikalawang palapag. Ang pangatlong palapag nama’y naging
sentro uli ng jamming ng iba’t ibang mga banda.
Kilalang-kilala na si Jolen ng halos
lahat ng naroroon. Kumportable na rin siya sa pagtulong kay Jules sa
pag-aasikaso sa mga panauhin.
Siyempre pa, natural ding nakatulong ang
mag-asawang Lyon at Gwen sa pag-iistima sa mga dati na nitong kaibigan.
Maging si King at sina Jim at Fe ay
masayang nakihalubilo sa mas nakababatang mga bisita.
Walang dudang matagumpay nga ang Arte’t
Kape. Mabilis itong naging parang institusyon sa lugar na iyon na kung saan
kabi-kabila na rin naman ang mga art gallery at coffee shop. May sarili raw
kasing identity ang konsepto ni Jules. At may sarili na rin itong sirkulo ng
mga tapat na kaibigan.
Kaya naman sa halip na maging simbolo ng
pagsisimula pa lamang ng Arte’t Kape ang pormal na inauguration na ginanap, mas
naging selebrasyon pa iyon ng maaga nitong tagumpay.
Alas-dose na ng hatinggabi ay nasa
kainitan pa ang kasayahan. Kahit saang bahagi ng Arte’t Kape ay nagkakaingay.
“Jolen, si Jules?” tanong ng isang
bisita.
“Nandoon yata sa may entrance,” sagot
niya.
Nilingon pa niya ang kinaroroonan ng
katipan para maituro ito sa nagtatanong.
Husto namang may babaing papasok sa
coffee shop.
Malakas ang dating nito. Iyong tipong
ang lahat ay mapapalingon.
Matangkad. Sexy. Maganda. Na lalo pang
naging kaakit-akit sa modernong estilo ng maikling buhok, ekspertong make-up at
kasuotang naglalantad sa perpekto nitong katawan – itim na pares ng bandeau top
(parang isang dangkal lang na telang ipinaikot sa dibdib) at low-waist capri
pants. Itim na four-inch-high stilletos.
Kitang-kita ni Jolen na dumiretso ang
babae sa kinaroroonan ni Jules. At agad itong yumakap sa kanyang katipan.
Napatda si Julianna.
Lalo pa nang ituloy ng babae ang yakap
sa halik – at hindi lang sa pisngi kundi sa labi ni Jules.
Nanlamig ang kanyang buong katawan. Para
siyang naging estatwang nililok sa yelo.
Narinig pa niya ang bulalas ng ilang
panauhin mula sa kanyang likuran.
“Si Natasha!”
“She’s as gorgeous as ever!”
“Wala pa ring sinasanto.”
Gusto na ni Jolen na maglaho mula sa
kanyang kinatatayuan. Sa kung anong dahilan ay siya ang napapahiya sa
nagaganap. Para bang siya pa ang hindi dapat kasali sa eksena.
Pero gustuhin man niyang umalis ay hindi
naman niya magawa. Hindi na nga siya makagalaw. Ni hindi niya mailihis ang
kanyang paningin mula sa dalawa.
Nakita naman niyang si Jules ang mabilis
na pumutol sa halik na iyon. Agad itong kumalas mula sa pagkakayakap ni
Natasha.
Nakita rin niyang nagpalinga-linga si
Jules na parang may hinahanap. Hanggang sa mamataan siya.
Itinuro siya nito kay Natasha.
Nginitian naman siya ng babae. Ni walang
pingas sa pag-uumapaw nitong kumpiyansa.
Sabay pang humakbang ang dalawa patungo
sa kanya.
“Oh, no!” hiyaw ng damdamin ni Julianna.
Gusto na talaga niyang tumalilis. Hindi niya kaya ito.
Kaso, hindi siya pinakinggan ng kanyang
katawan. Hindi kumilos ang kanyang mga paa.
Unang nakarating sa tabi niya si Jules.
Nakangiting umakbay pa ito sa kanya.
“Jolen, Sweetheart, this is Natasha.
Natasha Gomez.”
Binalingan nito ang babaing kasunod na
lumapit sa kanila.
“Natasha, this is my fiancee, Julianna –
whom I will be marrying in two weeks.”
“So you’re the lucky girl,” nakangising
sabi ni Natasha. “I hope you realize what you’re getting into. You’ll be in for
a wild ride, my dear. Jules here is a tiger. But don’t worry. He can be tamed.
If you need any pointers, you can ask me any time. Right, Jules, babe?”
At binuntutan pa nito ng malutong na
halakhak ang maanghang na patutsadang iyon.
“I don’t think she’ll be needing any
help, thank you,” sagot ni Jules na malamig ang ngiti.
“Kunsabagay, kanya-kanyang style din
‘yan,” pakli ni Natasha. “Well, I’ll leave you two lovebirds alone for a while.
But I’m sure I’ll be seeing you around... soon.”
At nakangisi pa rin itong humakbang nang
palayo – hindi para umalis kundi para makihalubilo pa sa mga naroroon.
Nakalayo na ang modelo ay hindi pa nagsasalita
man lang si Jolen.
“I’m sorry about that,” bulong ni Jules
habang pinipisil siya sa balikat. “I didn’t even know she was in town. Ewan
kung sino ang nagyaya sa kanya rito. I definitely didn’t invite her.”
Hindi sumagot si Jolen. Nagkibit-balikat
lang.
Lumapit sa kanila sina Lyon at Gwen.
“Nakita namin iyon,” nanggigigil na sabi
ni Gwen. “Hindi lang kami makalapit agad dahil sa dami ng tao. Sayang,
gustung-gusto ko pa namang siyang supalpalin. Napaka-tactless pala ng babaing
iyon. Naturingan ngang socialite pero asal-hayop.”
“Dati na namang ganoon iyon, e,” sagot
ni Lyon. “She gets away with it dahil maraming natatakot bumangga sa kanya.
Nai-intimidate. O kaya naman, masyadong well-bred ang iba para patulan siya.”
“Kaya nga wala akong anumang binitiwang salita
tungkol sa nakaraan namin, e,” sabi ni Jules. “Ayoko nang gumawa ng anumang
magsisimula ng gulo. Akala ko, plantsado na iyong naging paghihiwalay namin. A
clean break. Hindi ko alam kung bakit ganyan pa siya.”
“Naiinggit lang iyan dahil ikakasal ka na
and you’re very obviously in love with Jolen,” sabi ni Gwen.
“E-excuse me...” singit ni Julianna.
Hindi halos marinig ang kanyang tinig.
“Saan ka pupunta, sweetheart?” tanong ni
Jules.
“Diyan lang...” sagot niya, sabay
talikod.
Hindi bumitiw si Jules sa pagkakaakbay
sa kanya. Sumunod lang ito sa kanyang bawat pagkilos.
“Ako na lang,” sabi ni Jolen. “Kukunin
ko lang ang bag ko at pupunta ako sa ladies’ room.”
“Sige, hihintayin kita sa labas ng
ladies’ room,” sagot ng katipan.
“Kukunin ko muna ang bag ko sa office,”
sabi niya.
“Ako na ang kukuha,” sabi ni Jules.
“Hintayin mo muna ako rito.”
Pero nang tumalikod ang binata ay
tumalilis na si Jolen.
Tuluy-tuloy siya sa kusina. Lumabas sa
back door. Halos patakbong tumawid sa kabilang eskinita patungo sa kabilang
kalye.
Wala siyang pakialam kahit wala siyang
dalang bag. Walang pera.
Pinara niya ang unang taxi na dumaan.
Mabuti na lang at marami pa ring taxi sa Malate kahit sa ganoong oras.
Umuwi siya sa Paco. Sa bahay na siya
kumuha ng pera na pambayad sa taxi.
“Bakit nag-iisa ka, Ate?” pagtataka ng
katulong nilang si Diday. “Bakit ka naka-taxi?”
“Mamaya pa sila uuwi, e,” maikling sagot
niya. “Sige, papanhik na ako.”
At nagkulong na siya sa kanyang silid.
At umiyak nang umiyak.
Pagkaraan ng ilang minuto ay heto na ang
kanyang Kuya Lyon. Kinakalampag ang pinto ng kanyang kuwarto.
“Julianna! Julianna, ano ba’ng drama
iyan!”
Hindi siya kumibo.
Narinig niyang inaawat ito ni Gwen.
“Pero mali naman siya, e,” malakas ang
boses na giit ng Kuya niya. “Alam niyang inauguration iyon, gagawa siya ng
drama. Kita mo, hinid tuloy malaman ni Jules ang gagawin. Alangan namang iiwan
nung tao ang sarili niyang event. At saka walang kasalanan si Jules.
Kalinaw-linaw no’ng pangyayari.”
“Lyon, ano ba!” malakas na rin ang boses
na saway ni Gwen. “Tama na!”
Narinig niyang ang mag-asawa naman ang
nagkasagutan, na inawat naman ng Daddy nila.
Lumayo ang mga tinig.
Mga sampung minuto ring natahimik ang
bahay. Pero walang anu-ano’y may kumakatok na naman sa pinto ng silid ni Jolen.
“Jolen... sweetheart...”
Boses ni Jules.
Lalong napaiyak si Jolen. Pero isinubsob
niya sa unan ang kanyang mukha.
“Mag-usap naman tayo, o,” pakiusap ng
binata. “Please.”
Hindi siya sumagot. Umiyak na lang siya
nang umiyak.
Paano naman kasi siya haharap kay Jules,
paano siyang makikipag-usap dito, samantalang ni hindi niya maipaliwanag sa
kanyang sarili ang kanyang nadarama?
Basta ang alam niya’y parang
ginugutay-gutay ang kanyang puso. Masakit. Masyadong masakit.
At para siyang nanliliit. Parang gusto niyang
maglaho.
Para bang sa isang kisapmata lang ay
nagunaw ang kanyang napakagandang mundo.
“Jolen...” tawag ni Jules. “Jolen...
please...”
Itinakip niya ang isa pang unan sa
kanyang tainga. Ayaw niyang marinig ang
tinig ng katipan. Ayaw niyang maawa rito. Abala pa siya sa pagkaawa sa kanyang
sarili.
Hanggang sa nakatulog na lang siya sa
kaiiyak.
MASAKIT
ang ulo ni Jolen nang magising siya. Masakit pati mga kasu-kasuan niya. Paano,
bukod sa nakatulog siyang umiiyak ay nakatulog pa siya nang nakadapa, na hindi
naman niya nakasanayan.
Tumingin siya sa relo. Alas-kuwatro na
pala ng madaling-araw.
Napansin niyang ni hindi pa nga pala
siya nakapagpalit ng damit. Sapatos lang ang nagawa niyang hubarin kanina.
Tumuloy siya sa sariling banyo ng kanyang
silid. Naghubad siya. Nag-shower nang mainit.
Bahagya na siyang naginhawahan nang
magsuot siya ng malinis na pantulog at robang seda.
Nagroba siya dahil naisip niyang manaog
sa kusina para magtimpla ng mainit na tsokolateng may gatas. Bakasakaling makatulong
iyon para maampat ang pangangasim ng kanyang sikmura.
Pagbukas niya ng pinto ng kanyang silid,
laking gulat niya nang kumalabog pabagsak sa sahig si Jules.
“Jules!” sigaw ni Jolen.
Napaluhod siya sa tabi ng binata,
nag-aalala sa pagkakatama ng ulo nito sa sahig, na mabuti na lamang at yari sa
kahoy.
Halata namang nagulantang ding si Jules.
Agad itong napaupo, sapo ang likod ng ulo.
“A-ano’ng ginagawa mo riyan?” tanong ni
Jolen.
“Nakatulog pala ako,” sagot ng binata. “Hinihintay
kita.”
“Magmula pa kanina?” sabi ni Jolen.
“Oo naman,” sagot ni Jules. “Makakaalis
ba ako nang ganoon lang? Hindi kita maiiwan nang may galit sa akin.”
“H-hindi naman ako galit sa iyo, e,”
sabi ni Jolen.
Tumayo na siya. Paiwas.
Tumayo rin si Jules.
“Hindi raw, e namumugto ang mga mata
mo,” sagot nito. “At ayaw mo akong kausapin kanina.”
“Jules... s-siguro... h-hindi ko kayang
ituloy ang... ang kasal...” nangangatal ang boses na pahayag ni Julianna.
“Jolen!” sagot ng binata. “Bakit? Kung
dahil lang kanina, I’m so sorry. Pero hindi ko talaga alam na darating doon si
Natasha. I swear. She’s no longer a part of my life. Matagal na iyon. Tapos na
iyon.”
“Hindi naman kita pinararatangan ng kung
ano pa man,” paglilinaw ni Jolen. “Hindi naman iyon ang problema, e.”
“Then what is it?” tanong ni Jules.
“K-kahit kasi tapos na kayo, hindi ko
maalis sa isip ko ang nakita ko kanina,” pagtatapat niya. “M-masakit, e.”
“I’m glad you saw everything,”
mahinahong sagot ni Jules. “Nakita mong niyakap niya ako. Hinalikan niya ako.
Tumingin ka ba nang mabuti? Nakita mo ba ang reaksiyon ko? Wala. Wala akong
reaksiyon kundi ang lumayo sa kanya. Kumalas sa kanya. Because she doesn’t
affect me, Jolen. She doesn’t mean anything to me at all. Kahit na ano pa ang
gawin niya sa harap ko, o sa akin, hindi maikukumpara sa simpleng pagdampi lang
ng mga labi ko sa mga labi mo. Because I love you.”
Napahikbi na si Julianna.
“Sweetheart...” sabi ni Jules habang
niyayakap siya. “Please don’t cry. Ayokong nasasaktan ka. Ayokong umiiyak ka.”
“Ang ganda-ganda pala niya,” hikbi pa
rin niya habang nakasubsob sa dibdib ng katipan.
“Oo, maganda siya,” sang-ayon ni Jules.
“Sexy pa. Pero marami ring mas maganda at mas sexy pa sa kanya. And it doesn’t
really matter. Hindi naman sila ang mahal ko, e. Ikaw ang mahal ko. Tabihan ka
man ng lahat ng pinakamaganda at pinaka-sexy na babae sa buong mundo, ikaw pa
rin ang choice ko. Ikaw lang.”
Yumakap na ang mga bisig niya sa beywang
ng katipan.
“Pero... pero paano kung hindi ako
marunong...” hikbi na naman ni Jolen.
Hindi naman niya maituloy ang kanyang
ibig sabihin.
Mabuti na lang at mabilis na makaunawa
si Jules. At natawa lang ito.
“Hindi mo dapat ikahiya iyon,” sagot ng
binata. “Iyong hindi ka pa marunong. That’s the most exciting part. Iyong
sasabayan kita sa lahat ng iyong matutuklasan at matututunan. So far, nasa step
one pa nga lang tayo ng basic lesson, earthshaking na. Paano pa kaya ang mga
susunod?”
“Jules...” pahikbi pa ring pagtatapat ni
Jolen. “Natatakot ako. Nai-insecure...”
Humigpit ang pagkakayakap sa kanya ng
katipan.
“Don’t ever doubt how very special you
are, or how much I love you,” sabi nito habang hinahagkan siya sa may tainga.
“Parehong hindi mo kayang sukatin ang mga iyon.”
NANG
manaog sina Gwen at Lyon nang alas-siyete ng umaga – magkabati na pagkatapos ng
sandaling argumento noong nakaraang gabi – ay nakita nila sina Jolen at Jules
na magkatabing natutulog sa sopa sa salas.
Nakaupo si Jules nang nakapatong ang mga
paa sa center table. Nakaunan naman si Jolen sa kandungan ng katipan.
“Bakit dito pa sa salas nagtiyaga ang
mga ito?” pagtataka ni Lyon. “Makikipagbati rin naman pala itong si Juliana,
hindi pa pinatulog nang maayos sa kuwarto niya si Jules.”
“Itinutulad mo naman sa iyo si Jolen,
e,” sagot ni Gwen. “Alam mo namang napaka-conservative niyang kapatid mo.”
“Shhh!” sabi ni Daddy King. “Hayaan
ninyo silang matulog.”
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento