FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 10
BAGO sumikat
ang araw ay dinala na si Gabriel sa suite. Groggy pa rin ang binata.
Naiiyak na naman si Krizha nang makita
niya ito sa ganoong ayos. May makapal na benda sa dibdib. Sinasalinan ng dugo.
Nakasuwero.
Pag-alis ng mga nurse at attendants ay
hinaplus-haplos niya si Gabriel sa buhok. Nanginginig ang kanyang mga kamay.
Kakatwang sa dinami-dami ng mga
pagkakataong nagkakasarilinan sila sa kanilang kamalayan ay ngayon lang talaga
sila nagkalapit nang ganito sa realidad. Nakakatakot isipin na kamuntik pang
agawin sa kanila ang pagkakataong ito.
Ngayon lang niya magagawang aktuwal na
haplusin ang buhok ni Gabriel. Ang pisngi nito.
Umungol ang binata. Nakapikit pa rin.
“It’s all right, Gabriel,” masuyong
bulong ni Krizha. “Just rest. I’m here. Hindi ako aalis dito sa tabi mo.”
At hinagkan niya ito sa noo.
Dahan-dahang dumilat ang binata.
“Krizh?” mahinang usal nito.
“Ako nga,” nakangiting sagot niya kahit
nangingilid ang luha. “In the flesh.”
“I love you...” pahayag ni Gabriel.
Nagsikip ang dibdib ni Krizha sa emosyon.
“I love you, too,” pahikbing sagot niya.
Muli niyang hinagkan ang binata. Marahang dampi pa rin. Pero sa mga labi na.
Nangiti si Gabriel. At muling nakatulog.
Alas-otso ng umaga ay tinawagan ni Krizh
ang opisina. Humingi siya ng emergency leave.
Pagkatapos
ay tinawagan niya si Manang Susan. Bahala na raw itong kumontak sa grupo at sa
departamento ni Gabriel sa UP. Ikukuha nito ng sick leave ang binata.
Hihilingin din nito sa mga kasamahan na isuspinde muna ang kanilang pagpupulong
sa Frisco hanggang sa ganap na gumaling si Gabriel.
Bago magtanghali ay nagising na nang
lubusan si Gabriel. Nagtaas agad ito ng kilay sa mga nakakabit na isinasaling
dugo at suwero.
“Kailangan pa ba ang mga ito?” tanong ng
binata.
“Maraming nawala sa iyong dugo,” paliwanag
ni Krizha. “Kailangan ng pamalit.”
“Itong suwero, puwede na sigurong
ipaalis,” hirit pa ni Gabriel. “Puwede naman akong kumain nang normal at uminom
ng nararapat na liquids.”
“Itatanong natin sa mga doktor,” sagot
ng dalaga.
Bumaling sa kanya si Gabriel.
“Kagabi ka pa rito,” pag-aalala ng
binata. “Pagod na pagod ka na. Magpahinga ka naman. Umuwi ka na. Okay na ako.”
“Natulog naman ako dito sa daybed na
katabi ng kama mo,” sagot ni Krizha. “I’m fine. Ayaw mo bang nandito ako?”
Nangiti si Gabriel.
“Gusto ko, siyempre,” sagot nito. “I’m
sorry kung masungit ako. I just feel so helpless. Hindi ako sanay na ganito.”
“Hindi ka naman helpless,” sabi ni
Krizha habang nauupo sa tabi nito sa kama. “Kaya nga nandito ako, e. I’ll do
anything for you.”
“Anything?” mas malapad na ang ngiting
ulit ng binata. “Katulad ng naaalala kong kiss kagabi?”
Natawa si Krizha.
“Akala ko, masyado kang groggy para
maalala mo pa iyon,” sabi niya.
“A... I can never be too groggy to
forget such a kiss,” iling ni Gabriel. “Pero para mas maging memorable, baka
naman puwedeng maulit?”
“Hmm... sige,” sagot ng dalaga.
Maingat siyang yumuko para muling
dampian ng halik ang mga labi ni Gabriel.
Tumaas ang isang bisig nito at sa kabila
ng nakakabit na suwero ay kinabig siyang mas papalapit. Kasabay niyon ay inangkin
nang ganap ng mga labi ni Gabriel ang mga labi niya.
Noon lang nahagkan si Krizha nang
ganoon. Punung-puno ng suyo at pag-ibig. Maalab pero kaytamis. Ang inihahatid
na mensahe’y nanunuot hanggang sa kaibuturan ng kanyang puso.
Kusang tumugon hindi lamang ang kanya
ring mga labi kundi ang buo niyang pagkatao. Nagpapahayag din ng pagsuyo,
pananabik at pag-ibig.
Parang may malakas pero napakapinong
kuryenteng nagbigkis sa kanilang dalawa. Nakakabuhay sa bawat bahagi ng kanilang
kalamnan. Nakapanghihina rin.
Maya-maya’y pinangiliran na uli siya ng
mga luha. Mga luhang natikman ni Gabriel.
Tumigil ang binata. Nag-aalala.
“Bakit?” pabulong na tanong nito habang
pinapalis ng mga daliri ang mga luha mula sa kanyang pisngi.
“I’m just so happy,” hikbi ni Krizha.
“Ako rin,” sabi ni Gabriel.
TATLONG araw
lang namalagi si Gabriel sa ospital. Hindi na ito mapigil sa pag-uwi.
Sa loob ng tatlong araw na iyon ay hindi
umuwi si Krizha sa kanyang townhouse ni minsan. Nagkataong may tiyangge sa
bakuran ng ospital kaya’t nakapamili siya roon ng kanyang mga personal na
pangangailangan – mga panloob, ilang leggings at t-shirt, tuwalya, toothbrush
at mga toiletries na tulad ng sabon, shampoo at toothpaste.
Naibili rin niya si Gabriel ng ilang panloob,
shorts, t-shirt, tuwalya at pang-ahit.
“Bakit ba hindi ka na lang umuwi muna?”
pilit ng binata sa kanya noong pangalawang araw nito sa ospital. “Bakit namili
ka pa ng gamit sa ibaba? Sigurado namang hindi ganyan ang regular brands na
ginagamit mo.”
“Kaysa naman iiwan kita,” sagot ni
Krizha. “Ayoko ngang umalis. Mabuti nga’t may available na ganito sa ibaba.
Puwede na ito sa akin. Kita mo, may bihisan ka pang pauwi. Alangan naman kasi
na isuot mo ‘yong marumi at duguan mong damit.”
“Pagtitiyagaan mong magsuot ng ganyan
para lang masamahan mo ako?” maemosyong sabi ni Gabriel.
Tinabihan ito ni Krisha ng upo sa kama.
“Sanay rin naman ako sa simpleng buhay,”
sagot niya. “Nanggaling din ako sa wala. At kahit nagpapasalamat ako sa mga natanggap
kong materyal na biyaya, I know what’s more important to me. Ikaw lang.”
Ginagap ni Gabriel ang kanyang mga
palad.
“Pag-uwi ko, pakakasal tayo,” pahayag ng
binata. “That’s not a proposal. That’s a vow.”
Kaya tuloy minadali na nito ang pag-uwi.
“Gabriel, baka hindi mo pa kaya,”
pag-aalala ni Krizha.
“Kung iyon ngang nanganganak nang
caesarian, nakakauwi sa pangatlong araw, ako pa?” sagot ni Gabriel. “Lalo lang
akong manghihina dito sa ospital, e. Kailangan ko na ng preskong hangin. Gusto
ko nang magkaroon ng privacy.”
“Privacy?” ulit ni Krizha. “Kaya pala
pinauuwi mo na ako. Nagsasawa ka na sa presence ko.”
Pero nakangiti naman siya nang sabihin
iyon.
“Mali,” iling ni Gabriel. “Gusto ko nang
magkaroon tayong dalawa ng privacy. Ayaw mo naman kasing mag-lock ng pinto dito,
e. Kaya tuloy laging bitin ‘yung kiss ko. Hindi pa kita mayakap nang mabuti
dahil dito sa mga nakakabit na kung anu-ano sa katawan ko.”
“Luku-luko!” tumatawang sagot ni Krizha.
“Huwag mo akong tatakutin at baka hindi kita samahan sa Frisco. Sige ka, walang
mag-aasikaso sa iyo roon.”
“Alam ko namang hindi mo ako matitiis,
e,” sabi ng binata. “Love mo yata ako.”
Nang ma-discharge si Gabriel nang Sabado
ng hapon, si Krizha muna ang nagbayad sa ospital.
“Bibigyan kita ng tseke pagdating sa
bahay,” pangako ni Gabriel.
“Saka na iyon,” sagot niya.
Pero mapilit ang binata.
Ang hindi nito naipilit ay ang
kagustuhan nitong magdaan muna sila sa townhouse niya bago magtuloy sa Frisco.
“Kumuha ka man lang muna ng mga gamit mo,”
sabi ni Gabriel.
“Masyado ka nang matatagtag,” katwiran
naman ni Krizha. “Wala na naman akong kailangang kunin sa bahay. Tama na itong
mga napamili ko. Malalabhan ko naman sa washing machine mo ang mga nagamit ko
nang damit.
“Talagang pagtitiyagaan mo na ang mga
iyan?” hindi makapaniwalang sabi ng binata.
“Hanggang sa maka-recover ka nang
husto,” sagot niya.
At dahil kotse niya ang kanilang
ginagamit at siya pa ang nagmamaneho, siyempre ay nasunod si Krizha.
Nakakalakad na nang mahusay si Gabriel kaya’t
napagtulungan nila ang kakaunting mga damit na ipapasok sa bahay.
Pagdating sa may pinto, bumaling ang
binata kay Krizha.
“Pangarap ko pa naman na buhatin ka sa
pagpasok sa bahay natin,” sabi nito.
Nangiti siya.
“That’s a sweet thought,” sabi niya. “Pero
paano iyang sugat mo? At saka ginagawa naman ‘yon sa araw ng kasal, hindi ba?”
Kinabig siya ni Gabriel sa beywang.
Niyakap.
“Pakakasal tayo nang legal,” pangako
nito. “Bukas, kahit dahan-dahan lang, puwede na tayong pumunta sa city hall para
mag-file ng mga papeles. Pagkatapos ng lahat ng iyon, pag malakas-lakas na ako,
pakakasal naman tayo sa kahit na anong simbahan na mapipili mo. Siyempre,
magkakaroon din tayo ng isang ecumenical celebration dito na kasama ang buong
grupo. Ihahayag natin ang ating pag-iisang-dibdib sa lahat ng posibleng paraan
at pagseselebra. Pero ngayon, tayong dalawa lang muna. Magpapakasal tayo sa
pamamagitan ng pag-aalay ng ating mga sarili sa isa’t isa.”
“Gabriel...” may pag-aatubiling sagot ni
Krizha. “Paano kung...”
Pinigil ng hintuturo ng binata ang
kanyang mga labi.
“Burahin mo na sa isip mo ang ideyang
frigid ka,” masuyong sabi nito. “You were never like that. You were just
waiting for the right time with the right person. At ito na iyon.”
Para patunayan ang mga salitang iyon ay inangkin
na muli ni Gabriel ang kanyang mga labi. Ipinadama na naman sa kanya ang
kakayahan nitong gisingin ang bawat himaymay ng kanyang kalamnan kasabay ng
pagbangon ng kanyang damdamin.
Akala niya’y hindi na matatapos ang
halik na ‘yon. Parang ayaw na siyang bitiwan ni Gabriel.
Pero pagkaraan ng hindi niya malamang
panahon ay hinila na siya nito papasok ng bahay. Mabilis na ikinandadong muli
ng binata ang pinto bago naman siya hinila patungo sa silid-tulugan.
Katulad ng kabuuan ng bahay ay
simpleng-simple ang silid ni Gabriel. Nakalatag sa sahig ang kutson nitong
nasasapnan ng kobrekamang katsa.
Nang maipinid ang pinto ng silid ay
hinarap siya ng katipan. Kinuha nito ang kanyang dalawang palad at pinisil.
Tinitigan ang kanyang mga mata.
“Simula sa mga sandaling ito, at sa habampanahon,
iniaalay ko sa iyo nang buung-buo, Krizha, ang aking pagkatao,” pahayag ni
Gabriel. “Kaisa mo ako, karugtong ng walang hanggang buhay, sa mundong ito at sa lahat ng ating
patutunguhan. Tinatanggap mo ba ang aking alay?”
Tumango ang dalaga. Nagsisikip ang
dibdib sa kaligayahan.
“Tinatanggap ko nang buong puso,”
namamaos ang tinig na sagot niya. “At iniaalay ko rin sa iyo, Gabriel, nang
buung-buo ang aking pagkatao – na sa tulong mo ay muling nakabangon mula sa
pagkakadapa. Kaisa mo ako mula sa sandaling ito at sa habampanahon, karugtong
ng walang hanggang buhay, sa mundong ito at sa lahat ng ating patutunguhan –
kung mamarapatin mong tanggapin ang aking alay.”
“Tinatanggap ko’t buong-pusong
pinagpapasalamatan,” tugon ni Gabriel.
Kapwa hilam na sa luha ang kanilang mga
mata nang muling magsalubong ang kanilang mga labi.
Hindi alam ni Krizha kung paano siya
natuto pero magmula noon ay nagkaroon na ng napakanatural na daloy ang kanilang
mga kilos. Habang hindi naglalayo ang kanilang magkalingkis na mga katawan ay
unti-unti nilang nahubdan ang isa’t isa. Unti-unti silang nakarating at
nakababa sa kutson.
Muli’t muling pinatunayan sa kanya ni
Gabriel ang pahayag nitong hindi siya kailanman nawalan ng kakayahang makadama
ng kasiyahang sensuwal. Pinatunayan nitong mula sa dulo ng kanyang mga daliri
hanggang sa kanyang talampakan ay isa siyang napakasensitibong nilalang na
sadyang naghihintay lang ng masuyong haplos ng kamay nito’t maiinit na dampi ng
mga labi nito.
Hindi mailarawan ni Krizha ang mga
sensasyong sunud-sunod na nagsabog ng mga estrelya sa kanyang kamalayan. Hindi
na nga niya alam kung nasaan sila. Para na lamang silang nakalutang sa kawalan.
Ang tanging nadarama niya ay ang kakaibang milagrong iginagawad ng mga labi at
daliri ni Gabriel sa kanyang katawan.
Ang pinakarurok ay nang magtagpo ang mga
labi nito’t daliri sa pinakatago at pinakasensitibong lihim na sugpungan ng
kanyang mga hita. Hindi niya akalaing kaya niyang makadama ng ganoon katinding
sensasyon. Patindi nang patindi.
“Gabriel...” daing niya.
Parang hindi na niya kaya. Pero ayaw
siyang pakawalan ng mga labi ng katipan. May ipinangako pa itong patutunguhan.
Hanggang sa maramdaman ni Krizha na
parang may bibigay sa kanyang kaibuturan.
“Gabriel...” habol ang hiningang tawag
niya.
Tuloy pa rin ito. Inihatid siya hanggang
sa kanyang kaganapan.
Isang impit na hiyaw ang kumawala sa mga
labi ni Krizha kasabay ng kaysarap na pagkayanig ng kanyang buong katauhan.
Pakiramdam niya’y nilindol pati ang mismong sangkalawakan.
Nang mahimasmasan siya’y katabi na niya
si Gabriel. Nakatunghay sa kanya. Malamlam ang mga mata.
“I love you, Krizh,” pahayag nitong
muli.
“And I love you so much,” sagot niya sa
nangangatal pang tinig.
Nakangiting bumangon si Krizha. Marahang
ibinuwal naman niya ang nagtatakang katipan.
Nang mahiga ito ay tinunghayan niya.
“My turn,” bulong niya bago dahan-dahang
pumuwesto nang paupo sa may kandungan ni Gabriel. Nakaharap pa rin sa katipan.
Gumuhit ang magkahalong pagkagulat at
tuwa sa mukha nito.
“Pilya ka,” sabi ni Gabriel. “Sigurado
ka bang alam mo iyang ginagawa mo?”
“Gagabayan mo naman ako, di ba?” sagot
niya.
Magkahinang pa ang kanilang mga mata
nang simulan nilang pagtulungan ang ganap na pag-iisa ng kanilang mga katawan.
Walang anumang pag-aatubili si Krizha.
Wala nang kinatatakutan. Kilala na niya ang kanyang sarili. Siya ang babaing
umiibig sa lalaking ito. At dahil sa kanilang pag-ibig, walang imposible. Sa
mga sandaling ito, iyon lang ang mahalaga. Iyon lang ang kanilang reyalidad.
Ang kanilang kaligayahan.
WAKAS
Basahin ang kwento ng pag-ibig
ng kaibigan ni Krizha sa
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento