Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Abril 19, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Krizha Chapter 2

 FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

 CHAPTER 2

 

NATATAWA si Krizha sa kanyang ginagawa.

        Heto siya, naturingang woman of the Nineties, naghahanap ng bahay ng isang faith healer.

        Hindi naman talaga siya seryoso sa lakad na ito. Naintriga lang siya sa mga sinabi ni Susan kahapon.

        Kay Susan nga mismo ay nagulat na siya. Hindi niya inaasahan mula sa isang simpleng masahista ang ganoon karaming kaalaman.

        Aromatherapy oils ang ginamit nito sa pagmasahe sa kanya. Pinaghalong lavender at geranium oils daw ang inilagay nito sa base oil na langis ng niyog. At ito raw mismo ang nagluto ng langis ng niyog kaya siguradong bago iyon at hindi panis.

        Makakapagpa-relax daw sa kanya ang lavender oil. Panlunas naman sa pananakit ng kalamnan ang geranium oil, bukod sa pampaganda ng kutis at pantaboy sa mga insekto.

        Kunsabagay, naginhawahan nga siya. Kung dahil lang iyon sa galing ni Susan sa pagmamasahe o may tulong din ang bisa ng mga aromatherapy oils ay hindi na mahalaga kay Krizha. Mas mabango naman nang di hamak ang mga iyon kaysa Oil of Wintergreen.

        May inirekomenda pa sa kanya si Susan. Bumili raw siya ng lavender oil, geranium oil at grapefruit oil. Marami na raw mabibilhan ng genuine na aromatherapy oils sa mga mall. Kapag sumasakit ang ulo niya, magpahid daw siya ng lavender oil sa kanyang sentido. Kapag nananakit ang kanyang katawan, magbabad siya sa kanyang bathtub sa mainit na tubig na hinaluan ng geranium oil. At kapag nanlalata naman siya, maglagay siya ng grapefruit oil sa panyo na maaari niyang amuy-amuyin. Nakakapagbigay-sigla raw iyon.

        Nabili na niya ang mga ito kanina. Dumaan muna siya sa mall at doon na rin nananghalian bago niya hinanap ang address ng Gabriel na inirekomenda rin ni Susan.

        Ngayo’y heto na nga siya sa Frisco, sa kalyeng kinaroroonan ng hinahanap niyang bahay.

        Ang katwiran ni Krizha, parang katuwaan lang itong ginagawa niya. Bakasakaling makabuti. Sisiguruhin naman niyang hindi siya susuong sa anumang maaaring makasama sa kanya.

        Tutal naman, sinubok na niya ang magpatingin sa doktor. Tatlong espesyalista na ang kanyang kinunsulta. Ipinailalim siya sa kung anu-anong mga test. Wala naman daw siyang sakit. Karaniwang migraine lang daw.

        Binigyan siya ng pain killer para sa sakit ng ulo at pananakit ng kalamnan. Binigyan ng vitamins para sa panlalata. Pero dumadalas na ang kanyang mga atake. At nitong mga nakaraang mga linggo ay hindi na epektibo ang mga pain killer. Dumodoble na nga siya kung minsan sa pag-inom, at natatakot na rin siyang ma-overdose.

        Kung walang magawa para sa kanya ang mga doktor, bakit hindi niya subukin itong Gabriel na ito?

        Namataan ni Krizha ang tarangkahang may nakasulat na numero siyete. Malaki ang sakop nitong lote. Sa tantiya niya’y mga tatlong daang metro kuwadrado.

        Bungalow ang bahay na nasa gawing likuran na ng lote. Katamtaman lang ang laki. Nag-iwan ng maaliwalas na espasyo sa harap at sa magkabilang gilid.

        May mayayabong na puno sa bakuran – sa likod-bahay at sa dalawang gilid. Mga mabababang halaman naman ang nakatabi sa bakod na rehas. May makapal na carabao grass na nakasapin sa kabuuan ng bakuran.

        Napataas ang kilay ni Krizha. Ang dating impresyon niya ay madalas na nagmumula sa mahirap na pamumuhay ang mga taong nagiging faith healer. Gumanda kaya ang kabuhayan ng Gabriel na ito dahil sa panggagamot? Tanda ba iyon na sadyang mahusay ito o senyales na kinokomersiyo nito ang panggagamot?

        Nagtatalo pa ang loob ng dalaga habang nakaupo siya sa kotse sa tapat ng tarangkahang iyon. Bababa ba siya? Sayang naman kung aalis siya. Narito na siya, e.

        Hindi pa siya nakakapagpasya nang may lumabas mula sa bahay. Lalaki.

        Matangkad ito. Matipuno ang pangangatawan. Imposibleng hindi niya mapansin iyon dahil wala itong suot na pang-itaas. Nakapantalon lang na parang padyamang puti.

        Hindi maalis ang tingin ni Krizha sa lalaki. Para siyang nabatobalani.

        Para namang nadama ng lalaki ang init ng kanyang tingin. Dahan-dahan itong nagbaling ng tingin sa kanyang direksiyon. Sinalubong ang kanyang titig. At ngumiti.

        Nabigla si Krizha.

        Guwapo ito. Lalaking-lalaki ang dating pero maamo ang mukha. Nakakabighani.

        Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakadama si Krizha ng kakaibang pagkailang sa isang lalaki. Parang gusto na tuloy niyang paandarin ang kotse. Parang gusto niyang tumakas.

        Naglalakad na ang lalaki patungo sa tarangkahan. Nakatitig pa rin sa kanya. Nakangiti pa rin.

        Hindi niya magawang umalis. Pinatay na lang niya ang makina at umibis na siya sa sasakyan.

        Katulad ng nakasanayan na niyang taktika, uunahan niya ang lalaking ito. Ganoon lang naman ‘yon, e. Unahan sa pagporma. Unahan sa kung sino ang makagigitla kanino.

        At wala pang lalaking hindi nagitla sa kanya oras na matunghayan ang kanyang kabuuan.

        Sayang nga lang at sinadya niyang medyo pasimplehin ang kanyang bihis ngayong umaga. Parang pagbibigay-galang sana sa Gabriel na kanyang sasadyain. Pangit naman kasi kung pati ang matandang faith healer ay mataranta sa kanya.

        Nag-shorts na lang siya at tank top. Oo nga’t maikling-maikli ang kanyang shorts na maong, pero pinili niya  iyong wala namang punit sa gawing balakang. Naka-spaghetti straps nga ang kanyang tank top, pero pinili rin naman niya iyong halos umaabot sa ibabaw ng kanyang shorts. Kung hindi siya kumikilos ay hindi naman kita ang kanyang sikmura.     

        “Good afternoon!” masiglang bati ni Krizha, nakangiti na rin. “Ni-refer ako ni Manang Susan kay Mang Gabriel. Nandito ba siya?”

        Nakalimutan niyang hindi siya dapat maging masyadong makilos para hindi tumaas ang kanyang pang-itaas. Nililipad ng hangin ang kanyang buhok kaya isinuklay niya rito ang kanyang mga daliri. Lumitaw ang patag at makinis niyang tiyan.

        Kunsabagay, habol ng isip ni Krizha, hindi naman ang matandang faith healer ang kaharap niya kundi isang matangkad at makisig na lalaki na parang nais ding akitin ang kanyang paghanga. Aba’y didispley-displey ba naman nang walang suot na pang-itaas. Aaah hindi siya dapat pahuli sa panghahamon.

        Medyo iniliyad pa niya ang kanyang dibdib.

        Binuksan ng lalaki ang tarangkahan. Nginitian siya nang maliwanag.

        “Ako si Gabriel,” sagot nito. “Tuloy ka.”

        Natameme ang dalaga.

        “Mas mabuti siguro kung i-lock mo muna ang kotse mo bago natin iwan dito sa labas,” pagpapatuloy ni Gabriel. “Malaking temtasyon din iyan.”

        Unti-unting nakabawi si Krizha.

        “Ang hinahanap kong Gabriel ay ‘yung nanggagamot,” paliwanag niya.

        Tumango ang lalaki.

        “Ako nga ang tinutukoy ni Manang Susan,” sagot nito. “Mahirap bang paniwalaan? Pasensiya ka na sa ayos ko. Katatapos ko lang kasing mag-meditate. Ginagawa ko iyon sa tanghaling tapat.”

        Si Krizha naman ang piping napatango na lamang.

        “Sa loob na tayo mag-usap,” sabi ni Gabriel.

        Huli na para umatras pa siya. Ano naman kasi ang idadahilan niya? Hindi niya puwedeng ipagtapat na bigla siyang kinabahan nang malamang sa lalaking ito pala niya ipasusuri ang kanyang katawan.

        “Sige,” nagawa na lang niyang isagot bago bumaling sa kotse.

        Ini-lock muna niya ang sasakyan bago sumabay kay Gabriel sa pagpasok sa bakuran.

        “Ako nga pala si Krizha,” pagpapakilala niya habang naglalakad sila. “Krizha Coronel.”

        Bahagi iyon ng pagtatangka niyang maibalik ang kanyang buung-buong kumpiyansa sa sarili. Parang ipinapaalala na rin niya sa kanyang sarili kung sino siya. At parang pagpapatunay na wala siyang kinatatakutan, naglahad siya ng kamay.

        Ginagap iyon ng binata. Mahigpit. Mainit ang palad nito.

        “Gabriel Celestial ang buo kong pangalan,” sagot nito.

        Agad namang binitiwan ni Gabriel ang kamay niya pero parang naiwan sa palad ni Krizha ang kakaibang init.

        “Maganda itong lugar ninyo,” sabi niya para na lang maitago ang kanyang pagkaasiwa.

        “Dito ako lumaki,” sagot ni Gabriel. “Pundar ng parents ko ito. Nasa States na sila ngayon, pati mga kapatid ko, kaya sa akin naiwan itong bahay.”

        May-kaya nga, naisip ni Krizha. Bakit kaya nauwi sa pagiging faith healer?

        “Wala kang balak sumunod sa States?” tanong pa niya.

        Umiling ang binata.

        “Dito ang trabaho ko,” sagot nito.

        “Full time ka ba sa panggagamot?” tanong pa rin ng dalaga. “O may iba ka ring trabaho?”

        “Marami akong ginagawa – pero lahat ay umiikot sa iisang pilosopiya,” sagot ni Gabriel. “Nagtuturo ako ng meditation, yoga, taichi, qigong at reflexology. Nagtatanim ako’t nagtitinda ng medicinal herbs. Nanggagamot ako sa pamamagitan ng art therapy, guided meditation, sound therapy, color therapy, crystals, reflexology, acupuncture at herbal medicine. Nagsusulat din ako. May nai-publish na akong dalawang libro. Isa tungkol sa wastong paggamit ng Philippine herbs at isang reflexology manual for beginners. Aside from that, nagtuturo ako sa UP.”

        “May kurso na ba ng meditation sa UP?” gulat na tanong ng dalaga.

        “Itinuturo ko rin iyon pero bilang bahagi lang ng ilang courses on Psychology,” sagot ni Gabriel. “Interesado ang mga estudyante na matutong mag-meditate – whether undergraduate students o iyong mga nasa masteral o PhD levels na.”

        Napakurap si Krizha.

        “Nagtuturo ka sa masteral at PhD levels?” tanong niya.

        “May doctorate degree ako in Psychology,” sagot ni Gabriel. “Full professor na ako at may mga hawak na klase sa undergraduate level at sa masteral and PhD levels din.”

        Ayaw man niya’y hindi napigil ni Krizha ang sarili na ma-impress sa lalaki. Mas mataas pa pala nang di hamak ang naabot nitong edukasyon kaysa sa kanya.

        May kailangan pa siyang malaman.

        “Kasama mo ang pamilya mo rito?” tanong niya.

        “Pamilya?” ulit ni Gabriel. “A... you mean... hindi, wala pa akong sariling pamilya. Nag-iisa ako rito.”

        Binata nga, naisip ni Krizha. Hindi siya nagkamali sa una niyang pagtantiya.

        “Upo ka muna,” sabi ni Gabriel nang makapasok na sila  sa salas.

        Maaliwalas ang loob ng bahay. Malinis na malinis. Walang mga kurtina kaya’t preskung-presko. Walang gaanong muwebles.

        May malapad na banig na nakalatag sa sahig. Sa gitna ay may mababang mesang parihaba na mukhang antigo. Napapaligiran iyon ng mga throw pillow na nakabalot sa katsa.

        “May kukunin lang ako,” sabi ni Gabriel bago siya iniwan.

        Naupo si Krizha sa banig, sa isang throw pillow. Inusyoso niya ang mga nakapatong sa mesa. Iba’t ibang kulay ng mga kandila sa kani-kanyang lalagyan. Iba’t ibang kulay ng mga crystals na iba’t iba rin ang hugis.

        Sandali lang at heto na uli ang binata. May dalang tray na may babasaging tea pot at maliit na tasa.

        “Chamomile tea,” sabi nito. “Subukan mo.”

        Inilatag nito ang tray sa mesa sa tapat niya. Sinalinan pa ng herbal tea ang tasa bago iniabot sa kanya.

        “Thank you,” sabi ni Krizha.

        “Magbibihis lang ako,” paalam uli ni Gabriel.   “Okay,” sagot niya.

        Nang maiwan siya ay iginala naman ni Krizha ang kanyang paningin sa kabuuan ng silid. Nakikiramdam.

        Tahimik ang paligid liban sa mahinang lagaslas ng tubig. Hinanap niya ang pinagmumulan niyon. Isang maliiit na tabletop fountain pala, nakapatong sa isang mala-pedestal na kahoy sa isang sulok ng salas.

        May mga halaman sa paso na nakaayos sa ibang mga sulok ng salas. Mukhang lanai tuloy ang silid.

        Wala siyang marinig na mga taong kumikilos sa loob ng bahay. Mukhang wala ngang ibang kasambahay ang binata. Samakatwid, dadalawa lang sila ni Gabriel na narito ngayon.

        Pinakiramdaman ni Krizha ang kanyang sarili. Panatag naman ang loob niya sa lugar na ito. Wala siyang nadaramang panganib.

        Kung tutuusin, may dapat sana siyang ikabahala dahil ang inaasahan niyang daratnan ay isang matandang faith healer. Ang natagpuan niya’y isang binatang napakakisig na mas mukha pang martial arts expert o kaya nama’y body builder.

        Pero wala siyang madamang anumang panganib o masamang intensiyon mula kay Gabriel. Ang tanging nababasa niya sa mga mata nito, sa maamong ngiti at sa maingat na pagkilos ay isang malalim na kapanatagan at kabutihang-loob.

        Hindi nga marahil nakapagtatakang ito na nga ang manggagamot na tinutukoy ni Manang Susan.

        Hindi man natatakot si Krizha ay naaasiwa naman siya. Hindi siya sanay sa ganitong klase ng lalaki.

        Ibang klase si Gabriel.

        Hindi niya ito nakitaan  ng anumang interes sa kanyang katawan o pisikal na anyo. Laging diretso ang tingin nito sa kanyang mga mata. Parang hindi nga napapansin ang kanyang kasuotan.

        Ano kaya ito, gay? O, baka naman impotent. Lalaking walang kakayahang makipagtalik. Kaya siguro walang interes sa kanyang hitsura.

        Kahit pa nga ganoon, nakakailang pa rin kay Krizha ang sitwasyon. Nasanay kasi siya na ang pinakamabisa niyang pananggalang at armas laban sa sinumang lalaki ay ang kanya mismong pang-akit. Kapag nataranta na ang mga lalaki sa kanya, siya na ang in control sa sitwasyon. Pero kung ganitong walang epekto sa lalaking ito ang kanyang alindog, aba’y para siyang biglang nawalan ng balanse.

        Lalo tuloy siyang naiintriga sa Gabriel na ito. At parang nahahamon. Hindi ba talaga ito naaakit sa kanyang kagandahan?

        Humigop si Krizha ng mainit na tsaa. Parang pampalubag-loob.

        Pagbalik ng binata ay may suot na itong t-shirt na puti na walang kuwelyo. Iyon pa rin ang pantalon. Pero natakpan man ang kahubdan nito’y hindi naman nabawasan ang kakisigan.

Bakit ba hindi niya magawang hindi rin pansinin ang pisikal na anyo ng binatang ito?

        Naupo si Gabriel sa tapat niya.

        Itinuon ni Krizha ang kanyang tingin sa mga mata nito – para sana makalimutan niya ang kakisigan ng binata. Pero mas nakabibighani pa pala ang mga mata nitong waring nangungusap.

        Pakiramdam ni Krizha ay binabasa ni Gabriel ang lahat ng nilalaman ng kanyang puso’t isipan. Naku, mabibisto siya.

        Awtomatiko ang kanyang reaksiyon. Panic.

        “Relax,” sabi ni Gabriel.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento