FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 3
“NABABASA mo
rin ba ang aura ko?” tanong ni Krizha.
Tumango ang binata. Seryoso ang mukha.
Wala siyang
makitang anumang malisya o pagsasamantala sa mga mata nito. Naisip ni Krizha,
iba ang nababasa ni Gabriel. Hindi ang kanyang atraksiyon sa binata kundi ang
ang problemang nakita rin ni Manang Susan kahapon. Mabuti na lang.
“Hindi mo gusto ang nakikita mo?” tanong
niya. “Masama ba ang lagay ko?”
“Naiintindihan ko kung bakit ka
pinapunta ni Manang Susan sa akin,” sagot ni Gabriel.
“Kaya mo raw gamutin ang hindi niya
kaya,” sabi niya.
“Kaya rin niya,” sagot ng binata. “Hindi
pa lang sapat ang kanyang tiwala. Kung tutuusin, kaya mo ring gamutin ang iyong
sarili. Kailangan mo lang ng gabay.”
Nagtaas ng kilay.
“Ako?” sabi niya. “May potential akong
maging healer?”
“Lahat ng tao, may kakayahang maging
healer,” sagot ni Gabriel.
“E, bakit ang dami pa ring
nagkakasakit?” hamon ni Krizha. “Bakit ako, nagdurusa sa migraine at kung anu-anong
pahirap sa katawan?”
“May dahilan ang lahat ng iyan,” sagot
ng binata. “At ikaw rin mismo ang tutuklas sa iyong sarili. Gagabayan kita.”
“Ganoon ba ang ginagawa mo?” sabi ni
Krizha. “Ganoon ang ginagawa mo kay Manang Susan? Ikaw ang nagturo sa kanya ng
reflexology?”
“Hindi lang siya,” sagot ni Gabriel.
“Marami pa. Kahit na sinong handang matuto, tinutulungan ko. At hindi lang
reflexology. Ibinabahagi ko sa kanila ang lahat ng nalalaman ko. Sa ganoon,
makapanggagamot sila sa kanilang mga sarili at sa iba pa.”
“Di siguro, laging napakahaba ng pila ng
mga tao sa labas,” sabi ng dalaga. “Ganoon ang nangyayari kapag napabalita ang
isang healer, hindi ba? Rest day mo lang ba ngayon?”
“Iba sa kaso ko,” sagot ni Gabriel. “Hindi
kasi ako tulad ng ibang healer na instant kung manggamot at wala nang kailangan
pang gawin ang pasyente. Dito sa akin, mas marami pa ang kailangang gawin ng
pasyente kaysa sa ginagawa ko. Mas malaking effort ang dapat ibigay ng mismong
may katawan. Maraming kailangang pag-aralan. Pangunahin na roon ang mismong
pagtuklas at pag-unawa sa sarili – at sa mga dapat baguhin sa sarili. Hindi
handa ang karamihan sa ganoon. Kaya nga iilan lang ang mga tulad ni Manang
Susan na nagtitiyaga. Hanggang ngayon nga, nag-aaral pa rin siya.”
“Kung napakahabang pag-aaral pala ang
kailangan, kailan ko pa magagamot ang sarili ko?” tanong ni Krizha.
“Hindi naman lahat ng pinag-aaralan ni
Manang Susan ay kailangan mong matutunan para ka makapagsimula sa pagpapagaling,”
paliwanag ni Gabriel. “Magtutuon lang muna tayo ng pansin sa self-examination.
Kikilalanin mo nang mas malalim ang iyong sarili. Ikaw ang tutuklas sa mga
bagay na pilit mong itinatago maging sa iyong sarili. Ito ang mga lihim na ugat
ng iyong mga pisikal na sakit. Nagsisimula ang lahat sa ating mga emosyon at
kaisipan. Kapag nagtagal ay nag-uugat na sa ating pisikal na katauhan.”
“Babaguhin ko lang ang aking pag-iisip
at rerendahan ang aking emosyon, gagaling na ako?” tanong ni Krizha.
“Doon pa lang tayo magsisimula,” sagot
ni Gabriel. “Pero hindi simple at hindi madali ang mismong pagpapatupad nito.
Hindi kasi sapat ang mababaw na pagbabago. Kailangang magmula sa kaibuturan ng
iyong pagkatao. At magagawa mo lang iyon matapos mabusisi ang lahat ng iyong
mga lihim na kaisipan at damdamin. Matapos maresolba ang lahat ng iyong mga
pansariling krisis. Matapos mapalaya ang lahat ng iyong mga hinanakit at
mapatawad pati na rin ang iyong sarili.”
“Inaasahan mong ikukumpisal ko sa iyo
ang buo kong pagkatao?” napapantastikuhang sabi ni Krisha.
At hindi man niya itinuloy ay malinaw na
malinaw na ang kasunod na mga salitang nasa kanyang isipan ay “No way!”
“Hindi sa akin,” iling ni Gabriel. “Sa
iyong sarili.”
“Paano?” may pagdududa pa ring tanong
niya.
“Ituturo ko sa iyo,” sagot ng binata. “Pero
gusto ko munang i-scan nang mas detalyado ang iyong aura. Puwede ba?”
“Paano mo gagawin ‘yon?” tanong ni
Krizha.
“Tatayo ka lang,” sagot ni Gabriel.
“Papasadahan ko lang ng palad ko ang iyong aura.”
Napataas ang kilay ni Krizha.
“Just your aura,” sabi ni Gabriel.
Tumayo siya. Sumunod ito.
“Huwag kang gagalaw,” sabi ni Gabriel.
Itinapat nito ang dalawang palad sa
harap ng kanyang dibdib. Mga anim na pulgada ang layo sa mismong katawan niya.
Kumunot ang noo ng dalaga. Huwag
magkakamali ang lalaking ito at gagamitan niya ng napag-aralan niyang
taekwondo. Mabilis, mataas at malakas yata siyang sumipa.
Noong nasa college pa siya’y talagang
naglaan siya ng pera para mag-aral ng
self-defense. Taekwondo ang kanyang napili. Ngayo’y kayang-kaya na niyang
ipagtanggol ang sarili sa sinumang magtatangkang sumalbahe sa kanya.
Pero hindi na lumapit pa ang mga kamay
ni Gabriel. Bagkus ay pumikit ang binata. At unti-unting gumalaw ang mga kamay
nito sa ere. Para ngang kinakapa ang isang di-nakikitang ekstensiyon ng kanyang
katawan mula ulo hanggang paa. Sunod na sunod sa korte ng kanyang katawan
gayong hindi naman ito nagdidilat ng mga mata.
Ang kakatwa’y may nadama si Krisha na
kakaibang init na gumagapang sa kanyang katawan. Sumusunod sa bawat galaw ng
mga kamay ni Gabriel.
Bawat bahagi ng katawan niyang matapatan
ng mga palad nito’y parang hinahaplos din ng init na iyon.
At walang hindi dinaanan ng mga palad ni
Gabriel. Bawat pulgada, bawat kurba’y tinapatan nito. Lumakad pa nga ang binata
nang paikot sa kanya, nakapikit pa rin.
Hindi na maintindihan ni Krizha ang
kanyang nadarama.
Nakakailang ang init na iyon. May
binubuhay na kung ano sa kanyang damdamin. Parang gusto tuloy niyang iwasan.
Takasan.
Sa kabilang banda’y gusto rin niyang
namnamin. Bagong karanasan kasi. At kaysarap.
Nakapikit naman si Gabriel, hindi ba?
Hindi naman nito nakikita kung gaano niya ninanamnam ang kanyang nadarama.
At malayo naman ito sa kanya. Ni
kalingkingan niya’y hindi nasasaling.
Hindi kumilos si Krizha.
Bumalik si Gabriel sa harap niya at
dumilat.
“Magagawa mong palayain ang sarili mo,
Krizha,” sabi nito. “In fact, nakakaramdam ka ng sakit ng ulo, sakit ng katawan
at panghihina dahil umaalma ka na rin mismo sa mga restriksiyon na ikaw rin ang
nagpataw sa iyong sarili. Kapag nagawa mong lumaya mula sa mga negatibong
emosyon at kaisipan, maaalpasan mo na rin ang iyong mga sakit.”
“Ibig mong sabihin, bawal ang mga
negatibong emosyon at kaisipan?” sagot niya. “Bawal na akong magalit o mag-isip
nang masama? Kailangan kong maging santa? Imposible iyon!”
Nangiti si Gabriel.
“Ang lahat ng mga emosyon ay natural,”
sagot nito. “Natural sa tao ang magalit. Natural din iyong nakakapag-isip tayo
ng masama kung minsan. That’s normal and healthy. Pero ang mga negatibong emosyon
at kaisipan ay kailangan nating agad na mapakawalan. Kung hindi ay magiging
parang lason ang mga ito na naiipon sa ating katauhan. Ilabas mo. Siyempre,
gagawin natin ito sa paraang hindi bayolente at hindi nakakasakit sa kapwa o sa
ating mga sarili.”
“Madaling sabihin,” sagot ni Krizha.
“At mahirap gawin,” sang-ayon ni
Gabriel. “Kaya nga madalas magkasakit ang tao, e. Kaya rin kahit simple lang
ang solusyon ay mahirap ipatupad. Pero hindi imposible. Nasa iyo lang ang pagpapasya.
Kung determinado ka, magagawa mo.”
“May mas detalyado bang gabay na puwede
mong ibigay sa akin?” tanong ni Krizha. “Kailangan ko yata ang specific
instructions. Masyadong general ang mga sinasabi mo. Hindi ko alam kung saan at
paano ako magsisimula.”
“Bibigyan kita ng specific guidelines,”
sagot ni Gabriel. “Magsisimula tayo sa pagpapaliwanag ng mga chakra o energy
centers ng katawan.”
Muling itinapat ni Gabriel ang mga palad
mga anim na pulgada mula sa kanyang katawan, pero sa tapat ng sugpungan ng kanyang
mga hita.
Napalunok si Krizha.
“Ito ang unang chakra,” sabi ng binata.
“Katapat ito ng base ng spine. Dito nakasentro ang ating pakikipag-ugnay sa
pamilya, tribu, o lipunan. Dito natin matututunan na tayo ay bahagi at kaisa ng
sangkalahatan.”
Muling nadama ni Krizha ang init na nanunuot
sa kanyang kalamnan sa bahaging iyon ng kanyang katawan.
“Sa iyong meditation, tutukan mo ang
bahaging ito,” pagpapatuloy ni Gabriel.
“Itanong mo sa iyong sarili kung may mga isyu ka na kaugnay ng iyong pamilya. May
mga problema ba na hindi pa rin resolbado sa iyong isip o damdamin? May mga
paniniwala ba ang iyong lipunan na nakakabagabag sa iyo? Halukayin mo ang
nakaraan. May kaugnayan pa rin iyon sa iyong kasalukuyan at maging sa
hinaharap.”
May kumurot sa puso ni Krizha, pero mabilis
niya iyong pinalis sa isipan.
Umakyat ang mga palad ni Gabriel.
Tumapat sa kanyang puson.
“Ito ang pangalawang chakra,” sabi ng
binata. “Ito ang sentro ng sex, ng reproduction. Dito nagmumula ang continuity
o pagpapatuloy ng ating lahi. Ito rin ang sento ng pagkamalikhain o creativity,
ng materyalismo at ng pansariling paninindigan o personal code of honor. Dito
natin matututunan ang pagbibigay-galang sa isa’t isa.”
Muli, parang kinabahan si Krizha, pero
hindi pa rin siya nagpakita ng anumang reaksiyon.
“Sa iyong meditation, tutukan mo ang
bahaging ito,” pagpapatuloy ni Gabriel. “Kumusta ang iyong personal ethics o
paninindigan? Hindi ka ba napangingibabawan ng sobrang materyalismo?
Nabibigyang-buhay mo ba ang iyong pagkamalikhain? Itanong mo sa iyong sarili kung
may problema kang kaugnay ng sensuwalidad – at kung bakit. Kumportable ka ba sa
iyong sensuwalidad?”
Napalunok uli si Krizha.
Tumaas pa ang mga palad ng binata. Nasa
tapat na ng kanyang sikmura.
“Ito ang pangatlong chakra,” sabi nito.
“Ito ang sentro ng personalidad o ego. Dito natin matututunang buuin ang ating
sarili. Bigyang respeto at dignidad ang ating sarili. Mahalin ang ating
sarili.”
Tumango si Krizha. A, dito siya walang
problema. Malakas ang kanyang personalidad, hindi ba?
“Sa iyong meditation, maging maingat ka
sa pagsuri sa bahaging ito,” pagpapatuloy ni Gabriel. “Alamin mo kung gaano ka
katapat sa iyong sarili. Kung gaano mo kakilala ang iyong sarili. Wala ka bang
mga itinatago o itinatangging katotohanan? Tanggap mo ba ang lahat sa iyong
sarili – kasama pati ang iyong kahinaan?”
Muling sumikdo ang puso ni Krizha.
Mukhang may sabit pa rin pala siya.
Tumaas na naman ang mga palad ng binata.
Tumapat sa kanyang puso.
“Ang pang-apat na chakra,” sabi nito. “Ang
puso. Sentro ng mga emosyon at damdamin. Sentro ng pag-ibig. Dito natin
matututunan na ang pag-ibig ay sagradong kapangyarihan. Pag-ibig lang ang
maaaring magpahilom sa lahat ng sugat at sakit.”
Naisip ni Krizha, paano kung hindi pa
siya kailanman umibig?
“Maraming uri ng pag-ibig,” pagpapatuloy
ni Gabriel. “Sakop nito hindi lang ang pag-ibig sa pagitan ng isang lalaki at
isang babae. Kasama rin ang pag-ibig sa sarili, pag-ibig sa pamilya, pag-ibig
sa kapwa, pag-ibig sa Diyos. Lahat ng iyon ay may kaugnayan sa kung paano iibig
ang isang tao sa kanyang magiging kabiyak sa buhay.
“Sa iyong meditation, tutukan mo ang
iyong sariling puso,” payo ng binata. “Itanong mo sa iyong sarili kung paano
kang umibig. Anu-anong mga emosyon ang
naging kaugnay ng iyong mga relasyon – sa iyong pamilya, sa iyong mga kaibigan,
sa iyong kapwa? Paano kang umiibig sa loob ng isang relasyon? Handa ka ba na
magbigay ng unconditional love – pag-ibig na walang mga kondisyon o
limitasyon?”
May mga alaalang dumaan sa isip ni Krizha.
Parang piniga ang kanyang puso.
Agad din niyang itinaboy ang masasamang
pangitain.
Tumapat ang mga palad ni Gabriel sa
kanyang lalamunan.
“Ito ang panlimang chakra,” sabi nito.
“Ito ang sentro ng pagpapasya o willpower. Napakahalaga nito sa atin dahil ang
bawat pagpapasiyang ating ginagawa ang siyang bumubuo ng ating kasunod na
realidad. By our choices we create our own reality. Dito natin matututunan na
ang pinakamahusay na pagpapasya ay iyong nakabatay sa ikabubuti ng lahat.”
Siyempre, sagot ng isip ni Krizha. Lagi
naman akong nasa panig ng kabutihan, a.
“Sa iyong meditation, suriin mong mabuti
ang iyong mga pagpapasya,” pagpapatuloy ni Gabriel. “Ano ba talaga ang naging
batayan ng iyong mga pasya? Iyon bang makabubuti sa lahat? May mga pasya ka bang
nabatay sa galit? Sa paghihiganti? Sa inis? Sa pansariling kapakanan lamang?
Napag-iisipan mo ba talaga nang malaliman ang iyong bawat pasya?”
Oops, sabi ni Krizha sa kanyang sarili.
Tumapat ang palad ni Gabriel sa kanyang
noo.
“Ang pang-anim na chakra,” sabi nito.
“Ang sentro ng kaisipan, kaalaman at kamulatan. Narito ang tinatawag na third
eye – ang sentro ng intuition o pandama. Dito natin matututunan ang kahalagahan
ng pagtuklas sa katotohanan, kahit mahirap o masakit para sa atin.”
Napakislot si Krizha.
“Sa iyong meditation, huwag kang bumitiw
sa pagiging makatotohanan,” pagpapatuloy ni Gabriel. “Huwag mong itanggi ang
katotohanan. Huwag mong katakutan ang iyong matutuklasan tungkol sa iyong
sarili. Huwag mong talikuran ang ganap na kamulatan.”
Sinisimulan nang pagpawisan ang dalaga.
Tumapat ang palad ni Gabriel sa ituktok
ng kanyang ulo.
“Ito ang ikapito at panghuling chakra,”
sabi nito. “Ito ang sentro ng pagiging isprituwal. Ang ating koneksiyon sa
Maykapal. Dito natin matututunan ang tunay na kahulugan ng pagdarasal, ng
pakikipag-usap sa Diyos. Walang kailangang mga pormula. Walang kailangang
memoryahin. Hindi mahalaga kung ano ang kinabibilangang relihiyon. Basta’t
bukas ang kalooban at bukal sa puso ang panalangin, siguradong may madaramang koneksiyon.”
Walang reaksiyon si Krizha. Hindi naman
kasi niya naging ugali ang magdasal . Pero nagulat siya sa sumunod na sinabi ni
Gabriel.
“Maaaring hindi mo pa napapansin na may
kakulangan sa buhay mo ngayon. Pero sa iyong meditation, bakit hindi mo subukang
hanapin ang iyong pagiging espirituwal? I assure you, hindi ka mahihirapang
kumonekta. It’s our natural birthright. Lahat ng tao ay may direct line sa
Diyos. Hindi iyon maaaring maputol anuman ang mangyari. Kung minsan lang, tayo
ang hindi nakikinig o hindi tumatawag. Pero madali iyong ma-reactivate sa
anumang sandali na muli tayong makaalala sa Kanya. Baka magulat ka sa iyong
mararanasan kapag ikaw ay in touch. Masarap ang pakiramdam. Magaan. Masaya.”
“Hindi ko nakasanayan iyan,” sagot ng dalaga.
“Sa public school ako nag-elementary at high school. Sa UP ako nag-college.
Hindi ako relihiyosa.”
“Ganyan din ako noon,” pakli ni Gabriel.
“Pero hindi naman pinag-uusapan dito ang relihiyon. God is universal.
Ecumenical. Kung gusto mo, ituring mo Siya bilang kinatawan ng Pure Love.
Positive Energy. Your Best Friend. Siya rin naman ang lahat ng iyon at higit
pa. Siya ang lahat-lahat. Everything you can imagine and more. Kaya wala kang
dapat ikabahala. Nauunawaan ka Niya. At
magmula noon hanggang ngayon, nandiyan Siya sa puso mo. Naghihintay lang na
pansinin mo.”
Nagkibit-balikat si Krizha.
“Wala tayong pagtatalunan,” sabi niya.
“Hindi ko masyadong pinag-iisipan ang mga bagay na iyan kaya wala akong
depinidong opinyon.”
“Then just give it a try,” payo ni
Gabriel. “Wala namang masama, hindi ba? Walang mawawala sa iyo.”
“Sige,” sagot niya. “Pero paano ba
talaga ang meditation?”
“Halika, mahiga tayo sa banig at
tuturuan kita,” sagot ng binata.
“Mahiga?” namimilog ang mga matang ulit
ni Krizha.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento