FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 4
NASA bahay na
si Krizha ay natatawa pa rin siya kapag naaalala niya ang kanyang naging
reaksiyon kaninang hapon nang sabihan siya ni Gabriel na mahiga.
“You and your dirty mind,” sumbat niya
sa kanyang sarili.
Palibhasa’y wala talaga siyang tiwala sa
mga kalalakihan, nakalimutan na agad niya na Diyos ang kanilang pinag-uusapan
bago siya sinabihan ng binata na mahiga. Tuturuan lang naman pala siya nito ng
mga meditation techniques.
Ginabayan pa nga siya ni Gabriel sa
isang oras ng meditation. Isa-isang pinag-relax ang bawat bahagi ng kanyang
katawan, mula sa mga daliri ng kanyang mga paa hanggang sa kanyang anit.
Ngayon lang niya nalaman na puwede pala
niyang turuang mag-relax ang kanyang anit.
Pagkatapos, nang para nang nalulusaw na
ice cream ang pagkaka-relax ng kanyang katawan sa banig, pinag-imagine naman
siya ng binata. Isipin daw niya ang pinakamaganda at pinakapayapang lugar sa
kalikasan.
Ang nailarawan niya sa kanyang isip ay
isang dalampasigang may puting buhangin at asul na tubig. Walang mga
istruktura. Walang tao liban sa kanya.
Umaga. May araw na pero hindi pa mainit.
Hindi pa nakakasunog ng balat. Ang tanging naririnig niya ay ang paghampas ng
mga alon sa buhanginan.
Ang sarap-sarap sa lugar na iyon.
Parang sasandali pa nga lang siyang naroroon
nang muli siyang tawagin ni Gabriel nang pabalik sa realidad. Binilangan siya
ng tatlo at dumilat na ang kanyang mga mata. Isang oras na pala ang lumipas.
Bago siya umalis ng bahay ni Gabriel ay
binigyan siya ng binata ng kodigo. Naka-print out mula sa computer. Naroon ang lahat
ng itinuro nito sa kanya – ang mga chakra o energy centers ng katawan at ang
mga paksang kaugnay ng mga ito, pati na rin ang meditation techniques na
ginamit nila.
“How much do I owe you?” tanong niya
rito. “Wala,” iling ni Gabriel.
“Pupuwede ba naman ‘yon?” sabi niya.
“Dapat may professional fee ka. Libre bang lahat ang serbisyo mo?”
“May mga formal classes ako na talagang
may bayad,” paliwanag ng binata. “Later on, kung gusto mong mag-enroll sa yoga
o meditation o sa alinmang klase ko, you’re welcome. Pero hindi pa ngayon. Subukan
mo munang gawin ‘yang meditation na yan in your own. Meditate on your chakras.
Itanong mo muna sa iyong sarili ang mga nararapat na katanungan. Tingnan mo ang
mangyayari. That’s the first step. Hindi pa tayo nakasisiguro kung magagawa mo
nga. O kung babalik ka pa rito matapos mong maranasan ang self-examination na
iyan. Kaya wala kang dapat bayaran.”
“Marami bang hindi na bumabalik?”
naiintrigang tanong niya.
“Mas marami ang hindi na bumabalik,”
sagot ni Gabriel. “Pero iyong mga bumabalik ay patuloy pa ring bumabalik-balik
hanggang ngayon. Magmula nang makilala nila nang ganap ang kanilang mga sarili
at ang kanilang direksiyon sa buhay, hindi na sila lumihis. Iyong mga matagal
ko nang kasama ay may mga kanya-kanya na ring ginagabayan.”
Walang binitiwang pangako si Krizha.
Hindi rin siya nakasisiguro sa kanyang sarili.
Pero hanggang makauwi nga ng bahay ay si
Gabriel ang laman ng kanyang isip.
Hindi naman pala nasayang ang kanyang maghapon.
Hindi nga pangkaraniwang faith healer ang Gabriel Celestial na iyon. Biruin
mong may doctorate degree sa Psychology. Full professor sa UP. Aba’y mataas na
agad ang kredibilidad nito sa kanya.
Nagsimula lang daw ang lahat sa pagiging
martial arts expert ng binata. Nasa elementarya pa ito nang magkahilig sa iba’t
ibang klase ng oriental martial arts. Dahil hindi naman nakasama sa pag-aaral
nito ang libangang iyon, sinuportahan na rin ito ng mga magulang at kapatid.
Hanggang noong kumukuha na si Gabriel ng
Psychology sa UP ay tuloy pa rin ang hilig nito sa martial arts. Sa katunayan
ay naging champion pa nga ito nang makailang beses sa iba’t ibang tournament.
Naisip tuloy ni Krizha, wala naman
palang ibabatbat ang mga nalalaman niya sa Taekwondo kung ang kakalabanin niya
ay si Gabriel. Mabuti na lang at hindi sila magkatalo.
Pero hindi naging sapat iyon para sa
binata. Kahit noong nakakuha na ito ng doctorate degree sa Psychology at
nakatanggap naman ng maraming tropeo sa kinahiligang martial arts, patuloy itong
naghanap ng makakapuno sa kakaibang kakulangang nadarama sa buhay. Hanggang sa
may makilala itong martial arts master na siyang unang nagturo rito ng Zen
meditation.
Nabago raw ang buhay ni Gabriel mula
nang matuto ito ng meditasyon. Maging ang hilig nito sa martial arts ay nabaling
sa mga di-palaban na mga porma ng ehersisyo na tulad ng qigong, tai chi at
yoga.
Palibhasa’y iskolar nga, nagbasa na nang
nagbasa si Gabriel tungkol sa sanga-sangang mga paksa na kaugnay ng meditasyon.
At kung paano nito nakamtam ang pinakamataas na antas sa pag-aaral sa
unibersidad ay ganoon din nito pinagsumikapang maging eksperto sa iba’t ibang aspeto
ng tinatawag nitong mind-heart-body-spirit connection.
Ayon pa kay Gabriel, ito raw ang
direksiyon ng bagong millennium – ang pagkakaugnay-ugnay at pagkakaisa ng mga
usaping intelektuwal, emosyunal, pisikal at espirituwal.
Kaya nga noong ipinagtataka ni Krizha
ang kanyang pagkakaroon ng mga karamdaman gayong regular naman siyang
nag-eehersisyo sa kanyang home gym ay nangiti lang ang binata. Ipinaliwanag
nitong hindi sapat ang physical fitness kung hindi kaakibat ng emotional,
mental at spiritual fitness.
At para makita raw ni Krizha ang kanyang
kalagayang emosyonal, pangkaisipan at espirituwal, kailangan daw talaga niyang
gawin ang iniatas nito sa kanya na self-examination sa pamamagitan ng
meditasyon.
Nahahamon si Krizha. Lalo pa dahil sa
sinabi ni Gabriel na mas marami ang hindi na bumabalik dito dahil sa antas na
ito. Marahil ay naduwag na sumubok. O sumubok nga pero hindi nagustuhan o hindi
matanggap ang mga nadiskubre tungkol sa sarili.
Hindi rin naman siya nagtataka sa mga
naging reaksiyon ng karamihan. Siya man ay may pag-aatubili.
Bakit naman kasi ganoon ang mga
katanungang iyon? Parang patama ang lahat sa kaso niya.
Sinadya kaya ni Gabriel na iakma ang mga
katanungan sa kanya? Nang mabasa nito ang kanyang aura, nabasa rin kaya nito
nang detalyado ang kanyang buong pagkatao? Hanggang saan ang nalalaman nito
tungkol sa kanya?
Ang daya naman kasi. Lahat na lang yata,
pabor kay Gabriel.
Wala itong reaksiyon sa kaseksihan niya.
Panay aura lang yata ang nakikita. Hindi ang kanyang katawan o mukha. Kapag
tumitig sa kanyang mga mata, parang umaabot hanggang sa kanyang kaluluwa.
At siya pa ang natataranta. Siya pa itong
hindi makaiwas sa pagpansin sa kaguwapuhan ng binata. Sa kakisigan nito.
Kailan pa ba siya naging mahilig sa
guwapo? Hindi ba’t siya nga itong pinagkakaguluhan ng mga lalaki? At siya ang
dating bumabalewala sa kahit gaano pa kaguwapo o kakisig na lalaki.
Minsan lang siyang humanga sa isang
lalaki. Kay George Milan – noong binata pa ito.
Boss niya si GM. May-ari ng Millennium
Advertising. Humanga siya sa katalinuhan nito. Sa galing sa pagpapalakad ng kompanya.
Sa pag-iisip nitong di-tradisyunal. Sa pakikitungo nito sa kapwa – kliyente man o empleyado o
kahit sino.
Pero hindi umabot sa pisikal na
atraksiyon ang paghanga niya kay GM. Kaya nga naging matalik niya itong
kaibigan, pati na rin ang napangasawa nitong si Hiyas.
Ngayon yata’y nakatagpo na siya ng
katapat.
Napahanga siya sa galing ni Gabriel
Celestial. Iyon lang mismong naging full professor at doctorate degree holder
sa pinagmulan din niyang pamantasan ay sapat na para maka-impress sa kanya.
Idagdag pa ang malawak nitong kaalaman sa sari-sariling mga paksa. Maging ang simple
nitong pamumuhay at malalim na pilosopiya’t paninindigan.
At hindi niya inaasahan sa lahat – ang
pisikal nitong pang-akit.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakadama
siya ng pisikal na atraksiyon sa isang lalaki.
Ngayon lang siya nakakita ng mukha na
parang hindi niya pagsasawaang titigan. Ng katawang gusto pa niyang mapagmasdan
sa ganap na kahubdan.
Ano ba naman itong mga naiisip niya?
Bakit niya pinagpapantasyahan si Gabriel?
Hindi niya malimutan ang kanyang mga nadama
kaninang hinahaplos nito ang kanyang aura. Kakaiba. Parang may tagong bahagi ng
kanyang pagkatao na noon lang nagising.
Noon lang nakiliti nang ganoon.
May nagbabago ba sa kanya? Posible kaya?
Biglang-bigla parang nahimasmasan si
Krizha. Ang tanong nga pala’y kung papayagan ba niyang may mabago sa kanya.
Hindi basta na lamang sumulpot sa
katauhan ng dalaga ang pagiging malamig sa kalalakihan. Ang kawalan ng tiwala
sa kalalakihan. Ang pagiging frigid.
Ito ang kanyang pinakatagu-tagong
sikreto. Na ang napakaganda, napakaseksi at napaka-seductive na si Krizha
Coronel ay frigid. Walang kakayahang tumugon sa lalaki sa paraang seksuwal.
Ang sikreto niyang ito’y may malalim na
pinag-ugatan. At naging bahagi ng kanyang pagkatao sa sarili na rin niyang kagustuhan.
Katulad ng kung paano niya sinasadyang
magbihis at kumilos nang sobrang mapang-akit. Kung paano niya sadyang tinutukso
at pagkatapos ay sinusupalpal ang mga lalaki.
Ang lahat ng ito ay mga reaksiyon ng
isang babaing masyadong nasaktan sa kanyang kabataan.
Muling nagbalik ang mga alaalang ayaw na
sanang matunghayan pa ni Krizha.
LUMAKI si
Krizha Coronel nang walang natikmang pagmamahal mula sa ina man o ama. Hindi
siya minahal dahil hindi naman daw siya bunga ng pag-ibig. Resulta siya ng isang
panggagahasa.
Mahirap daw na pamilya ang pinagmulan ng
kanyang ina. Sa gulang na trese, palibhasa’y malaking bulas, ay ipinasok na si
Lilay bilang katulong sa isang may-kayang pamilya sa bayan nila sa Marbel, sa
South Cotabato.
Kinse na si Lilay nang magbakasyon sa
pamilyang pinaglilingkuran nito ang isang binatang taga-Maynila. Ang bisita ang
sumalbahe sa magandang katulong.
Ang masaklap, hindi pinakinggan ng
mag-anak ang sumbong ni Lilay. Pinalayas pa ito dahil ipinahiya raw ang mga amo
sa bisita.
Umuwi si Lilay sa kanilang baryo nang
may dinadala na pala sa sinapupunan. Makailang beses nitong tinangkang ilaglag
ang dinadala, pero sadyang makapit ito.
Nang ipanganak si Krizha, itinuring
siyang malas ng kanilang angkan. Ipinaubaya na lamang siya sa komadrona. Kahit
daw lunurin siya nito sa ilog ay wala silang pakialam.
Naging
problema pa tuloy si Krizha ng matandang komadrona. Ang ginawa naman nito’y
inilako siya bayan.
Palibhasa’y magandang bata, nakatuwaan
siya ng matandang dalagang guro sa public high school. Inampon siya ni Cristeta
Coronel. Ito ang nagbigay sa kanya ng napakagandang pangalan na Krizha.
Tatlong taon ding inaruga ni Crising si
Krizha bago biglaang namatay ang guro sa atake sa puso. Halos hindi na nga
matandaan ni Krizha ang ina-inahan.
Dahil legal na inampon ni Crising si
Krizha, sa kanya dapat napunta ang naipundar ni Crising na bahay, lupa at mga gamit.
Pero palibhasa’y menor de edad pa siya, tumayo bilang kanyang guardian ang
kaisa-isang kapatid ni Crising na si Diding.
Sa simula’y estranghera sa kanya si Diding.
Noong buhay pa kasi si Crising ay ni hindi nito kinakausap ang kapatid.
Nagkasira ang dalawa nang pumatol si
Diding sa isang mayamang negosyanteng may-asawa. Naging kabit si Diding ng
negosyante gayong naroon din sa kanilang bayan at hindi naman nito
hinihiwalayan ang legal na pamilya. Natsismis si Diding sa buong bayan – bagay
na lubos na ikinahiya ng gurong si Crising.
Nang mamatay si Crising, iniwan ni
Diding ang inuupahang apartment at inako na nga ang bahay ng kapatid. Doon na ito
dinadalaw ng kalaguyo. Nakamulatan na ni Krizha na kasama ang kanyang Tita
Diding at Tito Bert.
Ang kaso’y walang kahilig-hilig sa bata
si Diding. Maingat na maingat nga ito na hindi magkaanak. Kaya ang turing nito
kay Krizha ay istorbo sa buhay.
Palibhasa’y wala namang trabaho at
umaasa lang sa allowance na mula sa kalaguyo, naging maramot sa pera si Diding.
May mga panahong halos wala nang makain si Krizha. Nagluluto lang kasi ng
masarap ang babae kapag nariyan si Bert.
Nang mag-anim na taong gulang na si
Krizha, pinuntahan si Diding ng mga dating co-teacher ni Crising.
Pinaalalahanang ipasok siya sa eskuwela. Naawa ang mga ito sa kanya dahil alam
na mahal na mahal siya ng yumaong ina-inahan.
Napilitan si Diding na payagan siyang
mag-aral. Kunsabagay ay libre naman sa public school. Gayunpama’y ni hindi siya
nito binibigyan ng baon. Mabuti na lang at malapit ang bahay nila sa
eskuwelahan. Nilalakad na lamang niya.
Sa eskuwela naman, lagi siyang
binibigyan ng pagkain ng mga guro. Kapag may mga kailangang pagkagastahan ay
nag-aambagan na lang din ang mga ito. Kapag napapansing gula-gulanit na ang
kanyang mga damit ay ipinanghihingi siya ng mga pinagkalumaan ng mga may-kayang
pamilya.
Kung hindi sa tulong ng mga dating
kasamahan ng kanyang Mama Crising ay hindi sana nakatapos ng hanggang high
school si Krizha.
Siniguro naman niyang mabigyan ng
konsuwelo ang kanyang mga guro. Sa kabila ng kanyang kalagayan ay lagi siyang
nasa top ten. Siguro, kung hindi lang ganoon kasalat ang kanyang buhay, maaaring siya pa ang naging valedictorian mula grade
one hanggang fourth year high school.
Hindi na nga nagtaka ang lahat nang
pumasa siya sa admission test para sa UP Diliman. Nakakuha pa siya ng
scholarship mula sa isang organisasyon – ang Citizen’s Outreach Club.
Ang COC na ang bahala sa kanyang
pamasahe patungong Maynila. Pagdating sa lunsod, ititira siya sa dorm na
sadyang ipinatayo para sa mga iskolar ng organisasyon na nagmula sa iba’t ibang
probinsiya.
Dahil qualified si Krizha sa libreng
tuition at allowance mula sa pamantasan, ibibigay na lang din sa kanya bilang
karagdagang allowance ang perang dapat sana’y toka ng COC para sa kanyang
tuition.
Magaang na rin ang pagkokolehiyo ng
dalaga.
Pero umalis siya ng Marbel na may
malalim at nagnanaknak na sugat sa kanyang pagkatao. Bukod sa naikuwento na sa
kanya ang trahedya ng nakaraan, naging kalbaryo rin ang lahat ng panahong
ipinanatili niya sa piling ni Diding.
Noong maliit pa siya, pinabayaan siya
nito. Madalas ay nakatulugan na lang niya ang pag-iyak sa gutom. Napapakain,
napapaliguan at nabibihisan lang siya nang medyo maayos kapag nariyan si Bert.
Ayaw kasi ni Diding na mag-ingay siya sa kaiiyak o kakalat-kalat siya sa bahay
nang nangangamoy-mapanghi.
Noong magsimula na siyang mag-aral,
sinimulan na rin siyang gawing katulong sa bahay ni Diding. Sa simula’y
tagalinis pa lang. Habang lumalaki siya’y napunta na rin sa kanya ang lahat ng
gawain – paglilinis, paglalaba, pamamalantsa, pamamalengke, pagluluto.
Labing-isang taong gulang pa lamang si Krizha
at nasa grade five ay dalagang-dalaga na ang kanyang pangangatawan. Doon lalong
naging mala-impiyerno ang kanyang buhay.
Nanibugho sa kanya si Diding. Magmula
noo’y tinuruan na siyang magbigkis nang mahigpit sa kanyang dibdib. Hindi siya puwedeng
lumabas sa kuwarto nang hindi nakabigkis nang pagkahigpit-higpit ang kanyang
dibdib para magmukha itong patag. Para raw hindi siya maging tukso sa kanyang
Tito Bert.
Ang kanyang mahabang buhok ay ipinagupit
ni Diding nang pagkaikli-ikli. Gupit-lalaki.
Hindi siya pinapayagang magsuot ng
bestida. Pupuwede siyang magpalda kung iyong maluluwang at halos hanggang
bukung-bukong na ang haba. Kahit blusa’t pantalon ay kailangang maluwang. Hindi
siya puwedeng magsuot ng anumang damit na nagpapahiwatig sa kanyang katawang babae.
Ganoon ang naging hitsura ni Krizha mula
grade five hanggang fourth year high school. Sadyang pinapangit siya ni Diding
sa mga panahon pa naman na ang isang dalagita’y natututo nang magdalaga.
Kapag nasa bahay pa nila si Bert, hindi
siya dapat naglalalabas ng kanyang kuwarto. Para siyang preso.
Ang laging ipinananakot ni Diding sa
kanya ay “Gusto mo bang ma-rape na tulad ng iyong ina?”
Ayon kay Diding, lahat ng lalaki ay
manyakis.
“Kita mo nga ‘yang si Bert,” sabi nito.
“Mahal na mahal ang misis niyang tabatsoy pero hindi naman makatiis na hindi
umuwi dito sa akin. Paano, mas maganda ako at mas seksi. Ngayon, kung
didispley-displey ka riyan at magpapaseksi, baka pati ikaw ay gawing number
three. Ay, magkakapatayan na tayong tatlo pag nagkaganoon. Alam mo namang mahal
ko ang unggoy na iyon. Tinitiis ko nga ang lahat ng panlalait dahil sa kanya.
Pinagtitiyagaan ko ang kakarampot na allowance na ibinibigay niya sa akin.
Tinatanggap kong hindi na niya maiiwan ang kanyang pamilya. Hanggang ganito na
lang talaga ako. Pero gagawin ko ang
lahat para hindi rin niya ako iwan. Kaya nga sinisiguro kong lagi siyang
natataranta sa aking kaseksihan.”
Kay Diding natutunan ni Krizha ang lahat
ng kanyang mga batayang pananaw sa buhay.
Noong patungo na siya ng Maynila,
tuwang-tuwa ang babae.
“Mabuti naman at malalayo ka na kay
Bert,” hayagang sabi nito. “Doon mo sa Maynila gamitin iyang mukha mo’t
katawan. Sigurado ako, may mabibingwit ka roon na higit pa kay Bert. Mas mayaman.
Huwag kang mai-in love sa pipitsugin. Sayang iyang ganda mo’t katawan. Lalo na kapag
naka-graduate ka pa sa college. Naku, tataas ang kalidad mo. Siguradong
matataranta sa iyo ang mga lalaki. Ganoon naman ang mga iyan kapag nakakita ng
bata, maganda at seksi. Pero kung mai-in love ka, doon na sa binatang mayaman
para naman sulit ang lahat ng pagsisilbi mo.”
Isang bagay lang ang hindi sinang-ayunan
ni Krizha. Nangako siya sa kanyang sarili na hinding-hindi siya iibig.
Hinding-hindi siya paaalipin sa pagsisilbi sa kaninumang lalaki.
Lalaki ang pinag-ugatan ng lahat ng paghihirap
niya sa buhay. Iyong lalaking gumahasa sa tunay niyang ina. Itong si Bert na siyang
dahilan ng pagpapahirap ni Diding sa kanya.
Sumumpa si Krizha. Kapag kaya na niya, siya naman ang magpapahirap sa mga lalaki.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento