FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 8
MULA Lunes
hanggang Biyernes, hindi nakakaligtaan ni Krizha ang kanyang meditasyon bago
matulog. Hindi rin naman pumapalya ng pagdating si Gabriel sa kanilang
dalampasigan.
Marami silang napagkuwentuhan.
Minsan, nagtanong ang dalaga.
“Paano mong nalaman kung ano ang mga
dapat itanong sa akin noong tinulungan mo ako sa aking self-examination?
Tinanong mo pa ako tungkol sa tunay kong mga magulang. Pati tungkol kina Tita
Diding at Tito Bert. Paano mong nalaman ang lahat ng iyon.”
“Tinawag mo ako, hindi ba?” sagot ni Gabriel. “Humingi ka ng tulong
sa akin. Sa ginawa mong iyon, nagbigay ka rin ng pahintulot na mabasa ko ang
iyong kamalayan. Nang mga sandaling iyon, naging parang open book sa akin ang
iyong buong buhay. Highlighted na agad iyong mga bagay na kailangan mong
maproseso. Kaya rin iyon ang mga ipinaaalala ko sa iyo.”
“Alam mo na pala ang lahat,” sabi ni
Krizha. “Nakakahiya. Kapag binabalikan ko ngayon, I realize kung gaano kakitid
ang naging pag-iisip ko noon. Nakakatawa ‘yung mga ikinilos ko. Imagine, para
akong bold star na sadyang nang-provoke ng mga lalaki. Mabuti na lang, hindi ako
napahamak.”
“Huwag kang mahihiya,” sagot ng binata.
“Lahat naman tayo, may pinagdaanang pagkakamali. Ako man, naging makitid din
ang isip noon. Alam mo ba kung ano ako bago ko natutunan ang meditation?”
“Isa kang scholar na champion pa sa martial
arts,” sagot ni Krizha.
“Hindi lang iyon,” sabi ni Gabriel. “Ang
totoo niyan, may masamang motivation ang lahat ng iyon. Gusto kong ipaghiganti
ang eldest brother namin. Eight years older siya sa akin. Nasa grade five pa
lang ako noong magpakamatay siya. Nasa third year college siya noon.”
“Nagpakamatay?” nanghihilakbot na ulit
ni Krizha. “Bakit?”
“Masyado siyang in-love sa kanyang
girlfriend,” pagkukuwento ni Gabriel. “Ang masakit, biglang na-in love naman
‘yung girl sa iba. May nakilala kasi na mas matalino sa kuya ko. Mas magaling pa
sa sports. Pakiramdam ni Kuya, wala na talaga siyang pag-asa. So he ended his
life.”
“How sad,” iling ni Krizha.
“Nagalit ako nang husto noon,”
pagpapatuloy ni Gabriel. “Nangako akong mag-aaral na mabuti para maging topnotcher
palagi sa klase. Pumili rin ako ng sport kung saan ako magiging champion. Iyong
pinaka-macho na sport. Kaya nga martial arts ang pinasok ko. As expected,
naging attractive ako sa mga babae. At doon ko na ipinaghiganti si Kuya. Ako
naman ang nagpaibig nang nagpaibig ng mga babae. Kung kailan naman in-love na
in-love na sila sa akin, I dropped them just like that.”
Nagulat si Krizha.
“Sounds familiar,” sabi niya.
“Magkapareho lang pala tayo noong araw.”
“Ang hindi ko lang ginawa ay iyong
pagsamantalahan nang pisikal ang babae,” sabi ni Gabriel. “I never went that
far. I never touched any of them.”
“Kahit pa,” sagot ni Krizha. “Kasintindi
rin naman ang emotional pain ng rejection kahit walang namagitan sa inyo.”
“I know,” tango ni Gabriel. “Pero natauhan
lang ako noong may doctorate na ako’t marami nang hawak na championships sa
martial arts. May naging girlfriend akong abogada. Ang yabang ko dahil nakaloko
ako ng ganoon katalinong babae. Then, like all the others, I dropped her. Sa
tindi ng sama ng loob, tinangka niyang magpakamatay.”
“Oh no,” sambit ng dalaga.
“Mabuti na lang, naagapan,” pagpapatuloy
ni Gabriel. “Dinala siya ng parents niya sa States para makalimot. Ang laking
pasasalamat ko na nabuhay pa siya. Doon ako nagising. I realized that what I
was doing was wrong. Inosente ang mga babaing sinaktan ko.
“Isa
pa, walang kinalaman sa kinabukasan ko ang nangyari kay Kuya. In the first
place, hindi siya dapat nagpakamatay. At ang kahinaan niyang iyon ay
dinugtungan ko pa ng mas maraming pagkakamali.
“Noong
mamulat ako sa katotohanan, naghanap ako ng paraan para maituwid ang aking
sarili. That was when I discovered
meditation and prayer. So you see, wala kang dapat ikahiya sa akin.”
“That makes me feel a lot better,” sagot
ni Krizha. “Mas naiintindihan ko na rin ngayon kung bakit napakaingat mo sa
pakikitungo sa akin. Ganyan ka na siguro sa lahat ng babae, ano? You’re always
the perfect gentleman.”
“Ayoko nang makasakit ng damdamin
ninuman, lalo na ng babae,” amin ni Gabriel. “Talagang nag-iingat ako.”
Sa pamamagitan ng ganoong mga
kuwentuhan, mas nakilala pa nina Krizha at Gabriel ang isa’t isa.
Pagkatapos ng kuwentuhan, sabay rin
nilang itinuloy ang seryosong pagninilay-nilay. At palagi, si Gabriel ang
tagapagpaalala kung oras nang bumalik sa kani-kanilang reyalidad.
Sa araw naman, sa pagitan ng kanyang
pagtatrabaho, ipinagpapatuloy ni Krizha ang pagbabasa ng tungkol sa mga paksang
sakop ng gawain ni Gabriel. Nang matapos niya ang mga librong ipinahiram nito,
namili pa siya ng iba sa bookstore.
Sa pamamagitan ng pagbabasa, natutunan
niya ang maraming bagay tungkol sa astral travel, telekinesis, visualization,
natural healing, crystals, herbal
medicine at marami pang iba. Kapag mayroon siyang mga katanungan, itinatanong
niya kay Gabriel sa kanilang pagtatagpo sa meditasyon.
Sabado ng hapon, pagkatapos ng session
ni Krizha ng reflexology at full body massage kay Manang Susan, doon na niya
pinakain ng tanghalian ang matrona sa kanyang townhouse. Pagkatapos ay
sabay silang nagpunta sa bahay ni
Gabriel.
“Lagi na nating gawin ang ganito,” udyok
niya kay Manang Susan. “Sa bahay ka na
lagi mananghalian. Tutal naman, iisa rin ang pupuntahan natin pagkatapos.”
“Aba, di lagi pala akong makakalibre ng
pananghalian,” tuwang-tuwang sagot ng matrona. “Payag ako. Pero ipagdadala rin
kita ng mga luto ko.”
“Kung ganoon, yayain na rin natin si
Niandra na makisalo sa atin,” dagdag ni Krizha. “Lagi ring nag-iisa iyon sa
bahay, e.”
“Papayag iyon,” tango ni Manang Susan.
Pero maging sa matrona ay hindi ikinuwento
ni Krizha ang tungkol sa kakaibang mga pagkikita nila ni Gabriel – kahit pa
alam niyang hindi na nito ikagugulat ang ganoong kababalaghan.
Napakaraming tao sa bahay ng binata
pagdating nila roon. Sa kabila ng kaabalahan, sinalubong sila ni Gabriel sa
tarangkahan. Malayo pa lang ay nakangiti na ang binata kay Krizha.
Kakaiba naman ang pakiramdam ng dalaga.
Para bang sabik na sabik siyang makasama si Gabriel.
Bakit ganoon? Gabi-gabi naman silang
nagkikita’t nagkakausap sa kanilang kamalayan. Bakit parang lalo iyong nakapagpasabik
sa kanya na makapiling ang binata sa reyalidad?
At sa nakikita niya sa mukha ni Gabriel
ay parang ganoon din ang nadarama nito sa mga sandaling iyon.
“Heto na ang hinihintay mo,” may
panunuksong sabi ni Manang Susan paglapit ng binata.
Talagang malakas din ang pandama ng
matrona.
“Hi, Manang Susan,” sagot ni Gabriel.
“Hello, Krizha.”
“Hi,” parang biglang nahihiyang sagot
niya.
“Halika, ipakikilala kita sa kanila,”
sabi ng binata.
“Paano, ikaw na ang bahala kay Krizha,
ha?” sabi ni Manang Susan. “Tutuloy na ako sa grupo ko.”
“Sige ho,” sagot ni Gabriel.
“Sige lang, Manang,” sabi rin ng dalaga.
Iniikot siya ni Gabriel sa mga naroroon.
“Iba’t ibang grupo ito,” paliwanag ng
binata.
”Depende sa paksang pinag-aaralan.”
Sari-saring tao ang naipakilala sa
kanya. May disisais anyos pa lamang. May otsenta anyos na. May mga estudyante
sa kolehiyo. May mga propesyunal. May elementarya lang ang natapos. May mahirap.
May mayaman.
Ang lahat ay sabik na matuto. Handa rin
namang magbahagi ng anumang nalalaman. Nagtutulungan.
“Ang sarap naman pala talagang
makihalubilo rito,” sabi ni Krizha. “Tama ka. Kailangan ko nga ito. Malaki ang
maidadagdag ng ganitong interaction sa mga natututunan ko sa iyo sa meditations
natin.”
Tiningnan siya nang matiim ni Gabriel.
“Hindi ka pa ba nagsasawa sa presence ko
sa beach mo?” tanong nito. “Baka overstaying na ako roon?”
“Ako naman ang tumatawag sa iyo, di ba?”
sagot niya. “Baka nga ako na ang masyadong nakakaistorbo sa iyo. Sabihin mo lang.”
“Hinihintay ko na nga ang tawag mo
gabi-gabi,” amin ng binata. “Sinisiguro ko na maaga akong magpapahinga para
laging handa ako sa tawag mo.”
Nangiti si Krizha. Maligayang-maligaya.
Sa maghapong iyon, naupo siya sa iba’t
ibang grupo. Saan man naroroon si Gabriel ay isinasama siya nito. Palibhasa’y
napakarami na rin niyang nabasa’t napag-aralan sa nakaraang linggo, hindi
nahuli ang dalaga sa mga pinag-uusapan. Marami pa nga siyang natutunang mga
karagdagang kaalaman.
Nang mag-uuwian na’y kinumusta siya ni
Gabriel.
“Naulit ba ang sakit ng ulo mo?”
Kagabi lang kasi ay naikuwento niya rito
na sumakit na naman nang hapong iyon ang kanyang ulo – peo hindi gaanong
matindi.
“Hindi na naulit,” sagot ni Krizha. “Baka
huling hirit na iyon.”
“Kapag sumakit nang grabe, tawagin mo
ako sa isip mo,” bilin ng binata. “Aalalayan kita. Hangga’t maaari, huwag ka
munang iinom ng pain killer.”
“Sige,” sagot naman niya.
Martes ng tanghali ay nangyari nga. Nasa
opisina si Krizha. Tanghaling tapat. Lunchbreak.
Bigla ang dating ng sakit ng ulo niya.
Katatapos lang kasi ng isang mabigat na meeting tungkol sa advertising campaign
para sa Quadrant Group of Companies. May mga ipinadalang bagong instruksiyon si
William Lizano na nagpapabago sa ilang mahahalagang bahagi ng kampanya. Malaking
problema iyon dahil patapos na ang orihinal nilang presentasyon. Uulitin na
naman.
Ang mas nakaapekto pa kay Krizha ay ang
ideyang maaaring gumaganti lang sa kanya si William Lizano kaya nito pinapahirapan
ang Millennium Advertising.
Kung hindi na lang kasi sana niya ito
pinikon noon. Tinanggihan na lang sana niya ang lalaki sa paraang hindi ito
masyadong nasupalpal. Pero ano pa nga ba ang magagawa niya ngayon?
Pagkatapos na pagkatapos ng meeting
ay sumakit na nga ang ulo ni Krizha. Matindi.
Tinanggihan na niya ang anyaya nina GM
na mananghalian sa labas. Sa halip ay nagkulong siya sa kanyang pribadong
opisina.
Gusto na nga sana niyang uminom ng gamot
at magbuhos ng Oil of Wintergreen sa kanyang anit. Pero naalala niya ang bilin ni
Gabriel.
Sumandal siya sa swivel chair. Pumikit.
Huminga nang malalim.
“Gabriel...” tawag ng isip niya.
“Gabriel...”
Hindi nagtagal at naramdaman niyang
parang may umaakay sa kanyang kamalayan. At nagisnan na lang niya ang kanyang
sarili sa dalampasigan. Kasama si Gabriel.
Nakaupo siya sa buhangin. Nakaupo rin
ang binata sa tabi niya.
“Relax...” bulong nito habang minamasahe
ang kanyang mga sentido at noo.
Doon pa lamang ay parang naginhawahan na
nang malaki si Krizha.
Minasahe pa ni Gabriel ang kanyang ulo
mula bumbunan hanggang sa may batok. Minasahe ang kanyang mga balikat. Ang
kanyang buong likod. Ang kanyang mga braso. Pati na ang kanyang mga palad at
mga daliri. Maingat pero mariin ang mga hagod nito. Hindi nagmamadali.
Unti-unting parang nalusaw ang sakit na
kanina lang ay nakadaklot sa ulo ni Krizha.
Hanggang sa natapos si Gabriel. At
natagpuan ng dalaga ang kanyang sarili na nakasandal sa dibdib nito.
“Wala na ang sakit,” sabi niya.
“Napagaling mo ako.”
“Tense na tense ka lang kanina,” sagot ng
binata. “Marami ka na namang mga ipinagsisintir.”
Ikinuwento ni Krizha ang naganap sa
pinanggalingan niyang meeting. Ang tungkol kay William Lizano.
“Hayaan mo na ‘yon,” payo ni Gabriel.
“Kaya naman siguro ng kompanya ninyo na umangkop sa kanyang demands. Huwag ka nang
ma-guilty sa ginawa mo. Tapos na iyon. Alam mo nang mali and you’ve learned
your lesson. Tanggapin mo na lang ang consequence na ito and go on from here.
Next time, alam mo na kung paano mong iha-handle ang mga tulad niya. Hindi ka
na maaapektuhan nang personal.”
“Hindi na talaga ako tatanggap ng
ganoong tipo ng meeting, kahit pa business-related,” pasya ni Krizha. “Ipapasa
ko na lang kay GM. Basta ako, hanggang legitimate meetings na lang kapag office
hours at sa tamang lugar.”
“O, ‘ayan, relaxed ka na,” sabi ni Gabriel. “At dahil nauunawaan mo
ang puno’t dulo ng iyong headache, sa palagay ko’y hindi mo na mararanasan ang
dating kasunod niyan na panghihina at pananakit ng katawan. Resolbado na ang
pinuproblema mo, e.”
“Thanks, Gabriel,” sabi ni Krizha. “Ang
dami ko nang perhuwisyo sa iyo. Katulad ngayon, tanghaling tapat, inistorbo
kita. Teka, oras nga pala ng meditation mo ngayon, a.”
“Kaya nga madali rin kitang narinig,”
sagot ng binata. “Mabuti na nga lang at ganoon. Naagapan natin ang headache mo.”
“Lagi na lang kitang hinahatak,” iling
ni Krizha. “Nakakahiya na sa iyo.”
“Alam mo, sa palagay ko’y alam ko na
kung bakit napakabilis ng connection natin,” sagot ni Gabriel. “Nagkataon din
kasi na sa tuwing tinatawag mo ako, iniisip naman kita. Talagang in tune tayo
sa isa’t isa.”
Natigilan si Krizha.
“G-ganoon ba iyon?” sabi niya pagkaraka.
“Ahm... nasa opisina ka nga pala, hindi
ba?” bigla namang pagbabago ng binata ng paksa. “I think it’s time to go back.
Kailangan mo ring mag-lunch. Baka sumakit naman ang ulo mo niyan dahil sa
gutom.”
“Oo nga pala,” sagot niya. “Ikaw rin,
hindi ka pa siguro kumakain.”
“See you tonight?” tanong ni Gabriel.
“Of course,” sagot ng dalaga.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento