Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Abril 19, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Krizha Chapter 9

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 9

 

GANAP nang gumanda ang pakiramdam ni Krizha sa buong maghapon. Parang mas lalo nga siyang sumigla kaysa dati. May mga naisip pa siyang paraan para mapadali ang pagpapasok ng mga bagong ideya ni William Lizano sa naihanda na nilang presentasyon.

        “Ang galing mo talaga, Gabriel,” sabi niya sa binata nang magkita sila sa kanyang meditasyon kinagabihan.

        “Magagawa mo rin ‘yon on your own,” sagot nito. “Magtiwala ka lang sa sarili mong kakayahan.”

        “Hayaan mo, pagsusumikapan ko ang aking pagsasanay,” pangako ni Krizha. “Para naman hindi na ako palaging nagmomolestiya sa iyo.”

        “Kahit naman marunong ka na on your own, makikisingit pa rin ako sa meditation mo,” sagot ni Gabriel. “Maganda kang gumawa ng scenery, e. At saka masarap kang kausap. Palibhasa’y napaka-creative mo, makulay na makulay ang iyong mundo.”

        “Madaya ka lang, e,” reklamo ni Krizha. “Kapag ganitong ikaw ang pumapasok sa aking kamalayan, open book ako sa iyo. Lahat na yata ng sikreto ko, nalalaman mo. Samantalang ako, wala pang masyadong alam tungkol sa iyo. Ganito ba talaga ang relasyon ng teacher at estudyante? Puwede mong malaman ang lahat tungkol sa akin pero may limitations ang puwede kong malaman tungkol sa iyo?”

        “Hindi,” iling ni Gabriel. “At isa pa, hindi ko naman itinuturing na teacher ako’t estudyante kita. We’re equals. Marami rin nga akong natututunan sa iyo, e. Kaya nga gustung-gusto kong pumupunta rito sa iyo.”

        “Kailan mo naman kaya ako kukumbidahing mamasyal sa iyong kamalayan?” diretsahang tanong ni Krizha. “Kaya ko na bang gawin iyon?”

        “Kaya mo na,” sagot ng binata. “Hindi lang kita niyayaya dahil hindi ako sigurado kung talagang handa ka nang malaman ang lahat-lahat tungkol sa akin.”

        “Bakit, may madidiskubre ba akong nakakatakot?” tanong niya.

        “Wala naman,” iling ni Gabriel. “Kung tutuusin, lahat ng matutuklasan mo’y alam mo na rin naman – in a way. Baka lang hindi mo pa gaanong napagtutuunan ng pansin o napag-iisipan.”

        “Iniintriga mo naman ako,” sabi ni Krizha. “Parang ang dami mong misteryo.”

        “Hindi,” tanggi ng binata. “Kung talagang gusto mo, tena. Ngayon na.”

        “Paano?” tanong niya.

        “Isunod mo lang ang kamalayan mo sa akin,” sabi ni Gabriel.

        Hinawakan nito ang kamay niya’t sa isang iglap ay para silang napaligiran ng makapal na usok na puti. Bago nakakurap si Krizha ay nagbago na ang kanilang paligid.

        Wala na sila sa dalampasigan. Sa halip ay nasa isang hardin. Hindi iyong maayos na hardin na nakakorte pati ang mga pananim. Ito’y animo gubat na maaliwalas. Magkakalayu-layo ang mga puno na hitik na hitik ng mga bulaklak. Nasasapnan ng makapal na damo at mga ligaw na bulaklak ang lupa. Nagliliparan ang mga ibon. Nagkakantahan. May malinaw na sapang dumadaloy sa gawi roon. May mga kulay asul na kabundukan na matatanaw sa malayo. Presko ang simoy ng hangin.

        “Ito ang aking sanctuary,” sabi ni Gabriel.       “Parang paraiso,” sagot ni Krizha.

        “At sino tayo – sina Adam and Eve?” tanong ni Gabriel.

        Lumipad ang paningin ni Krizha patungo sa binata.

        “Hindi ko na po gawain ang manukso ng lalaki,” nakalabing pahayag niya. “At hindi rin ako magpapauto sa ahas.”

        “Di baguhin natin ang kuwento,” sagot ni Gabriel. “Bakit ba isasali pa natin ‘yong ahas at iyong panunukso? Bakit hindi na lang sila magmahalan and live happily ever after? Pribado naman ang paraisong ito. We make all the rules.”

        Natigilan si Krizha.”

        “A-ano’ng ibig mong sabihin?” tanong niya.

        Bilang tugon, naglahad ng kamay si Gabriel.

        “Come.. share my life,” anyaya nito.

        Napamulagat si Krizha.

        Ngumiti naman ang binata.

        “Gusto mong malaman ang lahat tungkol sa akin, hindi ba?” sabi nito. “Well, tayo na. I’ll take you on a guided tour. Uncensored. All of my life. All my secrets. All my deepest feelings.”
        “Lahat?” parang paniniguro ni Krizha.

        “Lahat,” nakangiting tango ni Gabriel. “It’s only fair. After all, sa tuwing naroroon ako sa dalampasigan mo, nababasa ko ring lahat ang buong buhay mo. All your secrets. All of your deepest feelings.”

        Namilog ang mga mata ni Krizha.

        Samakatuwid ay alam na nga ni Gabriel ang lahat? Bistado na nito ang kanyang damdamin. Kung gaano niya ito hinangaan. Kung gaano unti-unting lumago ang paghangang iyon hanggang sa hindi na niya kayang maipaliwanag ngayon ang tindi ng kanyang nadarama para sa binata. Hindi na lamang simpleng paghanga. Malalim na.

        “Ayaw mo bang malaman naman ang mga sikreto ko?” parang nanunuksong tanong ni Gabriel.

        Kasabay niyon ay may ipinahihiwatig na magandang pangako ang mga mata ng binata.

        Buong tiwalang inilagay ni Krizha ang kanyang kamay sa nakalahad nitong palad.

        “Let’s go,” sabi niya.

        Paghatak sa kanya ni Gabriel nang payakap ay may parang ipu-ipong nagtangay sa kanila kung saan. Nagdilim ang paligid.

        Hindi malaman ni Krizha kung para siyang nanonood ng sine o parang naipasok sa loob ng isang pinapanood na pelikula. Basta’t wari’y tumigil ang pag-inog ng oras at napunta siya sa ibang dimensiyon na kung saan niya naranasan ang buong buhay ni Gabriel. Kung minsan ay napapanood niya ang eksena. Kung minsan nama’y parang kaisa-isa siya ng binata dahil nababasa niya ang iniisip nito at nadarama niya ang nadarama nito.

        Dinaanan niya iyong panahong nagpatiwakal ang Kuya Migo ni Gabriel. Nadama niya ang hirap ng loob ng batang si Gabriel. Ganoon din ang namuong galit at pagrerebelde sa mura nitong damdamin.

        Lahat ng karanasan ng binata hanggang sa kasalukuyan ay ipinamalas sa kanya. Hanggang sa una nilang pagkikita.

        Namangha is Krizha. Dahil sa unang pagkakita pa lamang pala ni Gabriel sa kanya ay may sumikdo na sa puso ng binata.

        Iyon palang inakala niyang kawalan nito ng interes sa kanya’y bunga lang ng matinding disiplina ni Gabriel sa sarili. At noong pagsabihan siya nito na sa araw na lamang ng Sabado pumunta sa bahay ng binata – noon pala’y pinag-iingatan lang nito na hindi sila matukso sa isa’t isa nang wala sa panahon.

        Natunghayan niya kung paano rin lumago at lumalim ang damdamin ni Gabriel para sa kanya. Kung paano nito pinanabikan ang kanyang pagtawag gabi-gabi. Kung paano nito ninanamnam ang bawat sandaling magkasama sila sa kanyang kamalayan – at lalung-lalo na iyong kakaunting mga oras na aktuwal silang nagkasama.

        Natapos ang lahat sa kasalukuyan. Sa mga sandaling inilagay niya ang kanyang kamay sa palad ng binata. At kung gaano ang tuwa nito sa kanyang pagtitiwala.

        Muli silang nabalot ng dilim. Muling tinangay ng ipu-ipo.

        Nang magliwanag ang paligid ay naroon uli sila sa mala-paraisong hardin. Yakap-yakap siya ni Gabriel.

        Pinangiliran na ng luha si Krizha.

        “O... bakit?” tanong ng binata habang pinapahid ng mga daliri ang kanyang mga luha.

        “Hindi ko kasi alam,” bulong niya. “A-akala ko... ako lang.”

        “Hindi ko rin naman agad nasiguro ang feelings natin sa isa’t isa, kahit pa nakita ko na,” amin ni Gabriel. “Kaya nga nag-ingat ako nang husto. Ayokong magkamali ang isa man sa atin at may masaktan. Pareho tayong naninibago sa ganitong mga damdamin. I wanted to make sure. Ginawan ko ng paraan para mas makilala natin ang isa’t isa. Tamang-tama naman na tinawag mo ako sa iyong meditation. What better way to get to know each other more kung hindi sa ating mga kamalayan? Safe pa tayo sa pisikal na tukso – which, by the way, was very difficult for me to overcome. Kasi naman, ang ganda-ganda mo.”

        Napangiti si Krizha.

        “Akala ko nga, wala akong ka-appeal-appeal sa iyo,” sabi niya.

        “Inisip mo pa noon na kung hindi ako bakla, baka naman impotent,” natatawang paalala sa kanya ni Gabriel. “Mabuti na lang, hindi ako pikon.”

        “Nalaman mo ‘yon?” hiyang-hiyang sabi ng dalaga.

        “Sa tuwing pumapasok ako sa kamalayan mo, nararanasan ko ang tulad ng naranasan mo ngayon,” sagot ni Gabriel. “Kaya lagi akong updated tungkol sa iyo. Tungkol sa lahat ng nadarama’t naiisip mo tungkol sa akin.”

        “Madaya ka talaga,” pagmamaktol ni Krizha. “Hindi ko akalain na ganoon kakumpleto ang nalalaman mo.”

        “Ganoon ka na rin naman ngayon sa akin, a,” sagot ng binata. “May mairereklamo ka pa ba ngayong alam mo na kung gaano kita kamahal?”

        Pabuntonghiningang inihilig ni Krizha ang kanyang ulo sa dibdib ni Gabriel. Nakayakap ang kanyang mga bisig sa beywang nito.

        “Parang panaginip,” sabi niya.

        “Then let’s make it real,” sagot ni Gabriel habang hinahaplos siya sa likod at sa buhok. “Ang ibig kong sabihin, kumpletuhin na natin ito. Hindi lang dito sa ating kamalayan.”

        Dahan-dahang kumalas sa kanya ang binata. Hinawakan siya sa baba at itinaas ang kanyang mukha.

        “It’s time to go back, Krizh,” sabi nito habang nakatitig sa kanyang mga mata. “Hintayin mo ako sa townhouse mo. Doon natin ituloy ang pa-uusap na ito. In the flesh.”

        “Ngayong gabi?” tanong niya.

        “Ngayon mismo,” tango ni Gabriel. “Darating ako.”

        At hinagkan siya nito sa noo bago ito naglahong kasabay ng mala-paraisong hardin.

        Nagising si Krizha sa sariling higaan na baon pa ang mainit na bakas ng mga labi ng binata sa kanyang noo.

        Parang tulalang nakatitig lang siya sa kisame. Nakangiti.

        Tumunog ang telepono. Awtomatikong iniangat niya ang awditibo sa kanyang tainga.

        “Hello?”

        “Hindi iyon panaginip, Krizh,” masayang bungad ni Gabriel. “Maghanda ka. I’m on my way there.”

        “Gabi na, a,” sagot ng dalaga. “Hindi mo pa alam puntahan itong bahay ko.”

        “Kung nahanap kita sa kamalayan, mahahanap ko rin ang address mo,” sagot ni Gabriel. “Sige na. Aalis na ako. See you in a few minutes.”

        “Ingat!” pahabol ni Krizha.

        Nagmamadali nang bumangon ang dalaga para magbihis.       
        Leggings at t-shirt ang napili niyang isuot. Pagkatapos, muli niyang sinuklay ang nagulo na niyang buhok.

        Nagsusuklay siya nang biglang bumagsak mula sa kanyang dresser ang kanyang hand mirror. Basag.

        Biglang kinabahan si Krizha.

        Paanong babagsak ang maliit na salamin gayong hindi naman niya ito natabig? Ni hindi siya nakadikit sa tokador.

        Naisip niya agad si Gabriel.

        Nangangatog ang mga tuhod na naupo ang dalaga. Pumikit.

        “Gabriel...” tawag niya. “Gabriel...”

        May kumislap sa kanyang kamalayan. Isang nakapanghihilakbot na eksena. Si Gabriel, nakahandusay sa lupa, duguan.

        “Krizha...” halos pabulong na daing nito.

 

HALOS paliparin ni Krizha ang kanyang kotse patungong Frisco. Mabuti na lamang at wala nang trapik sa ganoong oras na mag-aalas-dose ng hatinggabi.

        At nakumpirma nga ang kanyang pangitain. Inabutan niya si Gabriel sa may labas lang ng pinto ng bahay nito, nakahandusay sa lupa, duguan.

        “Gabriel...” nangangatal ang buong pagkatao na tawag ng dalaga habang maingat na iniaangat ang ulo ng binata. “Gabriel... dadalhin kita sa ospital.”

        Saglit lang na nagmulat ng mga mata ang binata.

        “Krizh...” sambit nito nang makilala siya.

        Pero agad ding nawalan uli ng malay.

        Sinubok niyang alsahin ang binata pero napakabigat nito. Ibinaba na lang muli ni Krizha si Gabriel. Patakbong nagbalik siya sa kanyang sasakyan. At paulit-ulit niyang diniinan ang kanyang busina. Matagal. Malakas.

        Naglabasan ang mga kapitbahay ni Gabriel. Nabulabog.

        “Tulungan n’yo ako!” sigaw ni Krizha. “Tulungan n’yo kami.”

        Sa tulong ng mga kalalakihan sa kapitbahayan ay nadala si Gabriel sa ospital. May malalim itong saksak sa dibdib kaya itinuloy agad ang binata sa operating room.

        Naupo si Krizha sa waiting area. Pumikit.

        “Gabriel...” tawag ng isip niya. “Gabriel, lumaban ka. Huwag kang susuko. Huwag mo akong iiwan. Nangako ka, hindi ba? Magsisimula pa lang tayo. Huwag kang bibitiw sa iyong ipinangako. Don’t let me down. Please, Gabriel. Please!”

        Kung gaano katagal ang operasyon ay ganoon din katagal ang paglilitanya ni Krizha. Hindi niya tinantanan ang kamalayan ng binata. Hindi man ito tumutugon ay patuloy niya itong tinatawag at pinakikiusapan.

        Pagkaraan ng halos isang oras ay lumabas na ang doktor na tumingin kay Gabriel.

        “Masuwerte siya,” sabi nito. “Maselan ang pasok ng patalim pero hindi tumama sa puso, sa baga o sa buto. Malalim na flesh wound lang. Nothing serious. Pero nawalan siya ng maraming dugo. At kung nagtagal-tagal pa siguro, baka doon siya nadale sa loss of blood. Mabuti at nadala siya agad dito.”

        Ikinuha ni Krizha ng suite si Gabriel. Pero dahil magtatagal pa ito sa recovery room, siya na muna ang nagpahinga roon.

        Nagsiuwi na ang mga barangay tanod na sumama sa kanya sa ospital. Nangako naman ang mga ito na babantayan na muna ang bahay ni Gabriel habang hindi pa nakakauwi ang binata. Sa katunayan, may mga tanod na rin na naiwan kanina para magbantay sa bahay nang papunta pa lamang sila sa ospital.

        Nahiga si Krizha sa daybed na nasa kuwarto ni Gabriel. Parang ngayon pa lang niya totoong naramdaman ang pagod at panlalata dahil sa pangyayari.

        Napapipikit siyang muli.

        At sa kauna-unahang pagkakataon ay naramdaman niya ang tawag ni Gabriel. Sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi siya ang tumawag dito.

        “Gabriel...” tugon agad niya.

        Pinakawalan niya ang kanyang kamalayan para hanapin ang pinagmumulan ng tawag nito.

        Ang narating niya ay ang mala-paraisong hardin ng binata.

        Naroon si Gabriel. Nakangiti. Malusog na malusog.

        Patakbong niyakap ito ni Krizha. Nakangiti rin siya pero umiiyak.

        “Kumusta ka na?” pahikbing tanong niya.

        “Huwag kang mag-alala, ligtas na ako, thanks to you,” masiglang sagot ng binata bago siya hinagkan sa noo.

        “Takot na takot ako kanina,” sabi ni Krizha. “Akala ko, iiwanan mo na ako.”

        “Lumaban ako, Krizh,” sagot ni Gabriel. “Hindi kita kayang iwanan. Pero malaking tulong din iyong tuluy-tuloy mong pagsuporta sa akin habang inooperahan ako. Ang lakas ng energy na itinutok mo sa akin.”

        “Ano ba talaga ang nangyari?” tanong ng dalaga. “Sino ang sumaksak sa iyo?”

        “Naalala mo ba ‘yung ikinuwento ko sa iyo na naging girlfriend kong abogada?” sagot ni Gabriel. “Iyong nagtangkang mag-suicide no’ng hiniwalayan ko?”

        Tumango si Krizha.

        “Kapatid niyang lalaki ‘yong sumalubong sa akin kanina paglabas ko ng bahay,” pagpapatuloy ng binata. “Hindi na raw kasi naka-recover si Lila kahit noong nasa States na. Naging alcoholic pa nga. At nagtangka na naman daw magpakamatay noong isang linggo. Naagapan din naman. Pero galit na galit pa rin sa akin ‘yong kapatid – si Carl. Naiintindihan ko naman, e. Ganoong-ganoon din ang galit ko noong mamatay si Kuya Migo.”

        “Pero hindi ka naman nagtangkang pumatay,” sabi ni Krizha.

        “Hindi rin naman mamamatay-tao si Carl,” pagbibigay-katwiran ni Gabriel sa salarin. “Nabigla lang siya kanina. Pagkatapos nga no’ng isang tarak ng patalim niya sa akin, nagulat siya. Nakita kong nanghilakbot siya sa kanyang ginawa. Siya na nga ang kusang umatras.”

        “Paano kung napatay ka niya?” umiiyak na uli na sabi ng dalaga.

        “Hindi ko pa oras,” sagot ni Gabriel. “May sariling plano para sa atin ang kapalaran. Kasama siya roon. Ako ang naging turning point sa buhay niya tulad ng kung paanong si Lila ang naging turning point sa buhay ko. Dahil sa nangyari kay Lila, nagbago ako. I’m sure, dahil sa panghihilakbot niya kanina sa nagawa niyang pagsaksak sa akin, may malaking pagbabago ring naganap sa buhay ni Carl. Nabuo na ang sirkulo ng magkakaugnay naming kapalaran.”

        “Pero kung hindi kita nakita sa aking vision na duguan, hindi kita masasaklolohan,” sabi ni Krizha. “Wala ring kaalam-alam ang mga kapitbahay mo sa pangyayari. Imagine, kung inabot ka pa ng umaga sa ganoong kalagayan, siguradong napahamak ka na nang tuluyan.”

        “Exactly,” sagot ni Gabriel. “Kaya alam mo na ngayon ang kahalagahan ng papel mo sa buhay ko. Literal na ikaw ang karugtong ng buhay ko, Krizh. Sadyang itinakda ng kapalaran na magkaugnay ang ating kamalayan. Ikaw ang mismong itinalaga para magligtas sa aking buhay.”

        Napamaang si Krizha.

        “Napakarami ngang milagro sa buhay,” sabi niya pagkaraka.


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento