FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
Abakada
ng Pag-ibig: Francesca
ABAKADA NG PAG-IBIG: KRIZHA
by Maia Jose
Copyright
Maria Teresa C. San Diego
All Rights Reserved
Published
in print by Valentine Romances
Books
for Pleasure, Inc.
First printing 1999
ISBN 971-502-974-4
TEASER:
Powerful. Sexy. Seductive. Iyon ang mga
katagang madalas gamitin sa paglalarawan kay Krizha. Nakasanayan na iyon ng
matagumpay na advertising executive.
Pero may lihim ang dalaga. Pakitang-tao
lang ang kanyang senswalidad. Ang totoo, siya’y frigid. Hindi tumutugon ang
kanyang emosyon at katauhan kaninumang lalaki.
Iyon ang akala niya. Hanggang sa
makilala niya si Gabriel.
CHAPTER 1
“WELL, Mr.
Lizano, I guess that wraps it up,”
pagtatapos ni Krizha sa dinner business meeting ng Millennium
Advertising at Quadrant Group of Companies sa Herbal Garden Restaurant ng New Haven
Spa Hotel sa Makati. “Makakaasa kang eksakto sa gusto mo ang promotional
campaign na isusumite namin two weeks from now.”
Iniurong niya ang kanyang silya nang
palayo sa pandalawahang mesa, senyales na handa na siyang tumayo.
“Thank you for your time,” sabi pa ng
dalagang executive vice-president ng Millennium Advertising habang naglalahad
ng kamay. “Good night.”
Kinuha ni William Lizano ang kanyang
kamay, pero hindi sa isang pangkaraniwang pakikipagkamay. Pinisil nito ang
kanyang palad at pinatungan ng isa pa nitong kamay.
“That just wraps it up for the business
side of our discussion, Krizha,” nakangiting sabi ng senior vice president ng
Quadrant Group of Companies. “Now it’s time for pleasure. Why don’t we move on
to the music lounge for some drinks... for starters?”
Mainit at malagkit ang pagkakatitig ni
Mr. Lizano sa dalaga.
Kanina pa diring-diring si Krizha sa mga
titig na iyon. Kung hindi nga lamang napakalaking account ang kinakatawan ng
lalaki ay hindi siya papayag na makipag-pulong dito sa ganitong oras at lugar.
Kung tutuusin, napag-usapan na sa mga
nakaraang meeting ang promotional campaign na inihahanda ng Millennium
Advertising para sa Quadrant Group of Companies. May mahahalagang punto lang
daw na ihahabol ang senior vice-president ng Quadrant kaya humingi ito ng
dinner meeting sa kanya. Pero sa loob ng mahigit tatlong oras na nilang
pag-uusap, napatunayan ng dalaga na mga palabok lang naman pala ang idadagdag
ni William Lizano sa kampanya. Halatang-halata na nagdahilan lang ito para makumbida
siya sa isang dinner date.
Kung sabagay, hindi na nagugulat si
Krizha. Sanay na sanay na siya sa mga lalaking katulad ni William Lizano.
Nginitian niya ito, kahit pilit.
“I’m really sorry,” sagot niya habang
binabawi ang kanyang kamay. “Since this was supposed to be a business meeting,
I’ve made other plans for after dinner.”
“Ganoon ba?” masama ang loob na sagot ng
lalaki. “Hindi ba medyo masikip yata na scheduling ‘yon? Two activities in one
night?”
Nagkibit-balikat si Krizha.
“Actually, I don’t usually do that,”
sagot niya. “Isiningit ko nga lang ang request mo sa schedule ko. Since you
said you had very important points that you needed to explain to me, and since
you didn’t have any other free time, pumayag ako sa business meeting na ito over
dinner. I had to adjust my own schedule.”
“I’m sorry,” iling ni Wiliam Lizano. “Oo
nga naman. This was supposed to be a business meeting. But let me make myself
clear this time. Gusto uli kitang kumbidahin for dinner, Krizha. And this time,
walang kinalaman sa business. It will be purely pleasure. Pupuwede ba?”
“Why, of course,” nakangiting sagot ng
dalaga. “It will be my pleasure to join you and Mrs. Lizano for dinner. Just
give me a call. I’d really love to meet your wife.”
Parang binuhusan ng malamig na tubig si
William Lizano.
Suwabeng-suwabe namang tumayo na si
Krizha. Nakangiti pa rin siya nang tumalikod at lumakad nang papalayo.
Lahat na yata ng mga mata sa restaurant
ay tumuon sa kanya – lalaki man o babae, mula sa mga guests hanggang sa mga
waiter.
Sino ba ang hindi mapapalingon kay
Krizha Coronel?
Pang supermodel ang kanyang height. Maalindog
ang mga kurba ng kanyang katawan. Maging ang mga braso niya’t binti ay mahubog
at kaakit-akit.
Napakakinis ng kanyang kutis. Natural na
mamula-mula ang kanyang mga pisngi at mga labi. Mapang-akit ang kanyang mga
matang napapaligiran ng malalantik na pilikmata. Makapal at makintab ang buhok
niyang lampas-balikat ang haba.
At hindi lang iyon. Mas imposibleng hindi
maging kapansin-pansin ang buong katauhan ni Krizha Coronel dahil sa kasuotan
ng dalaga.
Form-fitting tube top na yari sa itim na
stretch velvet, pinatungan ng itim ding see-through blazer na yari sa malambot
na chiffon. Paldang yari sa itim na satin, maikling-maikli, makipot at may slit
sa tapat ng magkabilang hita. Itim na wedge sandals, four inches ang taas ng
takong. Magkaternong shoulder bag at attache case na yari sa itim na crocodile
skin.
Idagdag pa ang kanyang makumpiyansang tayo
at lakad – taas-noo at nakaliyad ang dibdib.
Ganoon palagi si Krizha Coronel. Malakas
ang dating. Hindi lang napakaganda at napakaseksi. Seductive pa.
Wala siyang kasuotang matatawag na
ordinaryo. Laging mas maikli sa karaniwan o mas mababa ang neckline, mas mataas
ang slit, mas makatawag-pansin sa kanyang mga alindog.
Pero hindi lang naman iyon ang kanyang
maipagmamalaki. Napakatalino rin ng dalaga at napakagaling sa kanyang trabaho.
Pruweba nito ang kasaysayan ng kanyang propesyon – naging senior vice-president
ng isang malaking advertising agency noong siya’y 23 taong gulang pa lamang, at
ngayo’y executive vice-president at stockholder na rin ng Millenium Advertising
sa edad na 25.
Sa kabila ng kanyang talino’t galing,
mas napapansin pa rin si Krizha dahil sa kanyang hitsura. Alam ng dalaga na
pinagpapantasyahan siya ng karamihan ng mga lalaking nakakakita sa kanya. At
hindi lang iilan ang sumubok na maisakatuparan ang mga pantasyang iyon.
Tulad nga ni William Lizano.
Akala yata ng mga lalaki, game siya sa
ganoon. Na kung ano ang kanyang ayos ay ganoon din mismo ang kanyang pagkatao.
Doon sila nagkakamali.
Tuluy-tuloy si Krizha sa pinakamalapit
na ladies’ room. Pagdating sa loob ay tuluy-tuloy siya sa lababo. Binuksan niya
ang gripo, isinahod ang isang palad at inihilamos ang malamig na tubig sa
kanyang mukha.
Naduduwal pa rin siya.
At parang mabibiyak ang kanyang ulo sa
sakit.
Bago pa man sila nagkita ni William
Lizano ay nagsisimula nang sumakit ang kanyang ulo. Uminom na nga siya ng gamot
kanina. Akala niya’y sapat na iyon para maawat ang kanyang migraine. Hindi
pala. At lalo pang tumindi ang sakit ng kanyang ulo sa may tatlong oras na
pakikinig sa mga walang katuturang pinagsasabi ng kanyang kausap.
Dumiretso ng tayo si Krizha. Pinakikiramdaman
ang sarili.
Parang nanlalaki ang kanyang ulo.
Sumasabay sa pintig ng kanyang pulso ang bumabayong sakit. Pinagpapawisan na
rin siya nang malamig.
Hindi na siya puwedeng magmaneho nang
pauwi sa Quezon City. Delikado na. Mas nakakatakot naman kung magta-taxi siya
pauwi. Mag-aalas-onse na ng gabi. Naglipana na ang mga halang ang kaluluwa. Sa
ganitong kondisyon ay hindi pa naman niya kakayaning ipagtanggol ang kanyang
sarili.
Nagpasya ang dalaga.
Tumuloy siya sa front desk. Dala naman
niya ang kanyang mga credit cards. Kukuha siya ng kuwarto. Magpapalipas na lang
siya ng gabi sa hotel.
Pumipirma siya sa guest card nang dumaan
sa tabi niya si William Lizano.
“Checking in?” nakataas ang kilay na
sabi nito. “Dito rin pala ang next appointment mo. Who’s the lucky guy?”
Nang-iinsulto ang tinig nito’t ngiti.
“Nobody you know,” pataray namang sagot ni Krizha.
“Well, see you next time,” paalam ng
lalaki.
“Don’t forget to bring your wife,”
pauyam na sagot ni Krizha.
Pero kahit kanya ang huling salita, hanggang
makapanhik sa kuwarto ay nanggigigil pa rin sa inis ang dalaga. Patindi naman
nang patindi ang sakit ng ulo niya.
Nang maikandado ang pinto ay agad siyang
naghubad. Isusuot pa niya bukas ang kanyang damit. Hindi dapat malukot ang mga
ito nang husto.
Gustuhin man niyang maligo ay hindi niya
magawa. Nagmamadaling kinuha ng dalaga mula sa kanyang bag ang laging baon –
isang maliit na bote ng Oil of Wintergreen. Halos ipaligo niya ang laman nito
sa kanyang anit.
Mag-iisang taon nang laging inaatake ng
migraine si Krizha. At sa kabila ng iba’t ibang gamot na nasubok na niyang
inumin, itong Oil of Wintergreen lang ang napatunayan niyang medyo
nakapagbibigay ng agarang ginhawa mula sa matinding sakit ng kanyang ulo.
Ibinabanyos niya ito sa kanyang anit, sabay tulog.
Ang problema’y hindi naman niya ito
pupuwedeng gawin kapag inaatake siya sa labas ng bahay o kapag paalis na siya
ng bahay. Bukod sa hindi siya puwedeng matulog ay hindi rin niya kayang gawing
“pabango” ang matapang na amoy ng Oil of Wintergreen. Mas madalas pa naman
itong naiuugnay sa matatandang may rayuma. Hindi bagay sa porma niya.
Ito nga ang isang dahilan kung bakit
nagpasya si Krizha na kumuha na lamang ng kuwarto sa hotel. Gustung-gusto na
niyang maglagay ng Oil of Wintergreen sa anit at mamaluktot sa higaan.
Ganito siya kapag nasa townhouse niya sa
Sikatuna Village sa Quezon City. Mag-isa lang naman kasi siyang nakatira roon.
Hindi na niya kailangang pumorma.
At lagi namang diretso ang kanyang uwi sa townhouse mula sa
trabaho. Liban nga lang ngayon.
Kung alam lang ng William Lizano na iyon. Malayung-malayo ang
totoong Krizha Coronel kaysa sa pinapantasya nito.
Kunsabagay, pairap na sabi ni Krizha sa
sarili, hayaan mo nga ang lalaking iyon na mag-isip ng kung anu-ano. Mabuti nga
para lalong manggigil. Lalong mabitin. Magdusa siya.
Ganoon lang at binura na ng dalaga sa
kanyang isip ang isa pang lalaking nagkamaling mahumaling sa kanyang
kagandahan. Pinilit na lang niyang makatulog para matakasan ang bumabayong
sakit ng kanyang ulo.
PARANG kapipikit
pa lang niya nang muling magmulat ng mga mata si Krizha.
Umaga na. Naaaninag niyang mataas na ang
araw sa labas ng makakapal na kurtina na nakatabing sa bintanang salamin ng
silid. Hindi nga lang niya alam kung anong oras na.
Itinaas niya ang kanyang kaliwang braso
para tingnan ang oras sa suot pa ring relo.
Parang kaybigat-bigat ng kanyang braso.
At halos wala siyang lakas para itaas iyon. Parang pagod na pagod siya.
“Heto na naman kami,” pabuntonghiningang
sabi ng dalaga sa sarili.
Ilang beses na niyang naranasan ang ganito.
At laging kinaumagahan ng matinding atake ng kanyang migraine. Nanlalata siya
nang husto. Parang nauubusan ng lakas gayong wala naman siyang ginawang lubhang
nakakapagod nang nakaraang araw.
Nagawa rin naman niyang itaas nang
dahan-dahan ng kanyang braso.
Alas-onse na pala ng umaga. Posibleng
nalipasan na rin siya ng gutom. Kaya lalo siyang nanghina. Mabuti na lang at
Sabado. Walang pasok sa opisina.
Unti-unting ikinilos ni Krizha ang bawat
bahagi ng kanyang katawan. Medyo masakit pa rin ang kanyang ulo. Pero higit na
nananakit ngayon ang kanyang kalamnan mula leeg hanggang talampakan.
Pinilit pa rin niyang bumangon.
Hinay-hinay lang. Narating din niya ang banyo.
Kumpleto naman ang mga gamit doon. May
selyadong toothbrush at lahat ng kakailanganin niyang toiletries.
Nagsepilyo muna siya bago tumapat sa
shower. Pinaulanan niya ng mainit na mainit na tubig ang kanyang batok at
likod. Aah! Parang minamasahe na rin siya.
Ilang minuto ring nakatayo lang si Krizha
sa ilalim ng shower. Pabiling-biling ang ulo. Pinaiikot ang mga balikat.
Iniinat ang likod at beywang. Pinagagalaw-galaw ang mga braso’t binti.
Hinintay niyang magkabuhay nang kaunti
ang kanyang buong katawan bago siya nagsimulang magsabon at mag-shampoo.
Paglabas niya ng banyo ay medyo matatag
na ang kanyang mga hakbang. Tumawag naman siya sa room service. Umorder ng
pagkain.
Mag-a-ala-una na ng hapon nang
mag-check-out si Krizha.
Mabagal lang ang takbo ng kotse niya
pauwi. Nag-iingat pa rin siya. Hindi pa
ganap na nagbabalik ang kanyang sigla.
Pagdating sa tapat ng kanyang townhouse,
kinailangan niyang umibis para buksan ang gate. Wala naman siyang katulong na
maaaring gumawa niyon.
Habang binubuksan niya ang kanyang gate,
bumukas naman ang pinto ng katabi niyang unit. Lumabas ang kapitbahay niyang si
Niandra, naka-lounging robe. May kasamang may-edad nang babae.
“Hi, Krizh!” masiglang tawag ni Niandra.
Katulad ng dati ay maliwanag ang ngiti
nito.
“Hi!” nakangiti ring sagot niya.
“Krizh, si Manang Susan,” sabi ng
kapitbahay niya habang itinuturo ang kasama. “Siya iyong ikinuwento ko sa iyo
na nagho-home service sa akin ng reflexology at full body massage.”
Nginitian siya ni Susan.
“Ikaw ba ‘yon?” interesadong sagot ni
Krizha. “Naku, ang sarap nga sanang magpamasahe.”
“Gusto mo?” tanong ni Niandra. “Walang
kasunod na appointment si Manang Susan ngayon.”
“Puwede?” tanong din niya.
“Sige,” tango ng masahista.
“Halika, tuloy ka, Susan,” sabi ni
Krizha. “Ipapasok ko lang muna ang kotse, ha? Thanks, Niandra. This is just
what I need.”
“Mawiwili ka niyan, I’m sure,” sagot ni
Niandra. “Kung gusto mo, i-book mo na rin si Manang Susan every Saturday
morning para magkasunod ang schedule natin. Kaninang alas-otso pa siya nandito,
e. Nagkasarapan lang kami ng kuwentuhan pagkatapos ng session kaya dito ko na
rin siya pinag-lunch.”
“Palagay ko nga magpapa-schedule na rin
ako,” sang-ayon niya.
“INAANTOK ako,”
sabi ni Krizha nang matapos ang kanyang isang oras na reflexology session at
full body message.
“Ganyan talaga,” sagot ni Susan.
“Paglabas ko, mag-lock-up ka na at matulog nang maghapon. Paggising mo, mas
mataas na ang energy level mo, makikita mo.”
“Kailangan ko nga siguro ang ganitong
session every week,” sabi niya. “Isunod mo na ako sa schedule ni Niandra, ha?
At laging ganito – reflexology at full body massage. Bakasakaling mapagaling mo
ang migraine ko, pati na rin itong laging pananakit ng katawan ko’t panlalata.”
“Sige,” sagot ng masahista.
“Matutulungan kita. Pero ngayon pa lang, sasabihin ko na sa iyo na hindi kita
kayang pagalingin nang tuluyan. Mas malalim ang problema mo, e. Nakikita ko sa
aura mo.”
“H-ha?” gulat na sabi ni Krizha.
Napabilis ang kanyang pagsusuot ng roba.
“Aura?” ulit niya.
Tumango si Susan.
“May mga narinig o nabasa ka naman siguro
tungkol sa aura ng tao, hindi ba?” ganting tanong nito.
“Medyo,” sagot niyang nakakunot ang noo.
“Nakikita ko ang aura ng mga tao,” paliwanag
ni Susan. “Para itong makulay na anino. Iba’t-iba ang mga kulay, depende sa
kalagayan ng mga emosyon at niloloob ng tao. Ang aura mo, hindi matingkad ang
kulay. Medyo madilim. May problema. Iyon ang ugat ng mga karamdaman mo. Hindi
ko kayang gamutin. Pero may kilala ako na makakatulong sa iyo.”
“Faith healer?” tanong ni Krizha.
“Hmm, puwede mo siguro siyang ituring na ganoon,” sagot ni Susan. “Pero hindi lang tulad ng karaniwang faith healer si Gabriel. Higit pa siya roon. Makikita mo. Subukan mo siyang puntahan.”
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento