FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 2
“PAANO, girls,
bahala na muna kayo rito sa flower shop, ha?” paalam ni Lorraine.
“Sige, Ate,” sagot ng assistant niyang
si Lyn. “Kayang-kaya na namin ito.”
“Basta pabasa rin niyang pocketbook
kapag tapos ka na, ha, Ate?” paglalambing naman ng assistant niyang si Beng.
“Oo naman, as usual,” sagot ni Lorraine.
“Lahat ng pocketbooks ko ni Dana ipinahihiram ko sa inyo, hindi ba? Maingat
kayo, e. Marunong kayong mag-alaga ng libro. At alam ninyo kung gaano kahalaga
sa akin ang koleksiyon ko.”
“Siyempre naman, Ate,” sabi ni Lyn.
“Fans din yata kami ni Dana Amor.”
“O, sige, maiwan ko na kayo’t excited na
akong mabasa itong latest novel niya,” sabi ni Lorraine. “Tutuloy ako sa
cottage.”
“Saan pa nga ba?” nakangiting sagot
ni Beng. “Happy reading, Ate.”
Kabisado na ng dalawang assistant ni
Lorraine ang sistema niya. Kapag may bagong libro si Dana Amor, maaga siyang
umaalis ng flower shop. Nagtutuloy siya sa kanyang maliit na cottage sa farm
para mapag-isa at magbasa.
Isang taon pa lang ang cottage niyang
ito. Ang itinuturing niyang sanctuary. Personal space. Pahingahan ng isip, emosyon
at katawan.
Hanggang ngayo’y nakatira pa rin naman
ang dalaga sa piling ng kanyang mga magulang, kapatid at tiyahin sa lumang
bahay na ipinundar pa ng kanilang mga ninuno. At masaya siya roon.
Pero sa kabila ng pagkakaroon ng
masayang tahanang inuuwian ay nakadama rin si Lorraine ng pangangailangan na
magkaroon ng sariling hideaway bukod sa kanyang silid-tulugan.
Iyon nga kasing bahay nila ay antigo na.
Sinauna ang disenyo. Siyempre, kahit ano pa ang gawin ni Lorraine na pag-aayos
sa sarili niyang silid, hindi naman niya iyon puwedeng baguhin nang husto. Ayaw
rin naman niyang sirain ang makasaysayang orihinalidad ng bahay.
Isa pa’y parang nararamdaman niya kung
minsan na may mabigat na enerhiya na nakalambong sa bahay nila. Pinag-usapan nga
nila iyon ni Irene. At napagkuro nilang ang nararamdaman nila’y naipong
enerhiya ng maraming henerasyong nabuhay sa bahay na iyon. Parang nag-iwan ng
kanya-kanyang tatak ng bawat kaluluwang natira roon.
Hindi nga kasi maganda ang pinagsimulan
ng bahay na iyon. Ipinundar iyon ng Lolo ng ama ni Lorraine para sa maybahay
nito na pinilit lamang na maipakasal dito. Hindi naging masaya ang pagsasama ng
mag-asawa. Namatay ang kanilang Lola Irenea na may baong malalim na kalungkutan
dahil iba ang minamahal.
Hindi naman haunted house ang bahay ng
mga Castillo. Wala pa namang nakita o narinig si Lorraine na dapat niyang
ikatakot. Isa lang ‘yong pakiramdam na hindi niya matukoy.
Kaya naisipan niyang magtayo ng sariling
cottage sa kanyang flower farm. Iyong kanyang-kanya lang. Siya mismo ang magdidisenyo’t
mag-aayos ayon sa kanyang personalidad.
Nasa malayong dulo na ng kanilang
malawak na lupain ang flower farm. At walang nakatira roon. Pinupuntahan lang
ng kanilang mga tauhan ang taniman ng mga bulaklak para asikasuhin.
Hindi ipinalagay ni Lorraine ang kanyang
cottage sa mismong kalagitnaan ng taniman. Ang hinahanap nga kasi niya ay
privacy. Pumili siya ng lugar na kung saa’y natatanaw niya ang kanyang flower fields pero may sapat
pa ring distansiya para hindi maistorbo ng mga nagtatrabaho roon. Siniguro rin
niyang napapaligiran ng mayayabong na mga puno at malalagong halaman ang
kanyang ipinatayong bahay.
Maliit lang naman ang cottage. Iisang
palapag. Anim na metro kuwadrado. May isang silid tulugan, modernong toilet and
bath na may bathtub pa, kitchenette, dinette, sala at front porch.
Yari ito sa kahoy at pininturahan ng
puti. Maaliwalas at napaka-feminine ng dating. Karamihan ng muwebles ay gawa sa
rattan. Floral ang disenyo ng mga dekorasyon. Laging puno ng sariwang bulaklak
ang buong bahay.
Puwedeng-puwedeng ilaban ang cottage ni
Lorraine sa mga litrato ng summer cottages na inilalathala sa mga de-klaseng
magasin.
Ang permanenteng nakatira sa cottage ay
si Kitten – ang puting pusang alaga ng dalaga. Iniregalo ito sa kanya ni Irene
kasabay ng blessing ng cottage.
Dahil na rin kay Kitten, araw-araw ay
nasa cottage si Lorraine. Sa umaga, mula sa bahay ay dumadaan muna siya rito
para pakainin at kalaruin ang kanyang alaga bago magtuloy sa flower shop. Sa
hapon naman, dumadaan din muna siya sa cottage bago umuwi.
Magmula nga nang maipagawa niya ang
cottage ay nakadama na ang dalaga ng kakaibang uri ng kalayaan. Maaari kasi
siyang magpunta rito para mapag-isa anumang oras niyang naisin. At narito ang
lahat ng mga pinakamamahal niyang posesyon. Pangunahin na si Kitten, at
siyempre pa ang mga koleksiyon ng mga romance novel ni Dana Amor.
Talagang dito siya nagpupunta para
magbasa. Kahit nga wala pang bagong nobela ang paborito niyang author ay
pumaparito siya para ulit-ulitin nang basa ang mga luma nitong nobela.
Isa sa mga natatanging kaligayahan ni
Lorraine sa buhay ang makapagbasa ng mga nobela ni Dana. Dito lang kasi niya
nararanasan kung paano ang ma-in love.
Sa mga karakter ng mga kuwento ni Dana,
nakikita ni Lorraine ang kanyang sarili. Kuhang-kuha ng manunulat ang kanyang
emosyon. Parang alam na alam nito ang kanyang mga minimithi at pinapantasya.
Sa mga karakter din ng mga kuwento ni
Dana, nakikita ni Lorraine ang lalaking kanyang pinapangarap. Isang lalaking
hindi lang guwapo at makisig kundi matalino at may prinsipyo rin. Isang
lalaking hindi natatakot lumihis sa agos ng karaniwan.
Kapag umibig ang lalaking ito ay walang
hangganan. Walang mga patakaran. Walang makahahadlang.
Sa unang pagkakita pa lamang niya sa
lalaking ito’y bibilis na ang pintig ng kanyang pulso. May kakaiba kasi itong
aura. Malakas ang tiwala sa sarili. Sigurado sa pagkilos. Banayad ang
pananalita pero may awtoridad. Malamlam ang mga mata pero makahulugan ang bawat
mga sulyap. Kapag tumitig ay nakakapaso.
Malapit na ngang maubusan si Lorraine ng
pag-asa na may makakatagpo siyang lalaking ganito. Ni minsan kasi ay wala pang
lalaking nakaapekto sa pintig ng kanyang pulso.
Hindi bale. Narito naman ang mga nobela
ni Dana Amor. Pumupuno sa kanyang puso.
Pagtigil ng jeep na minamaneho ni
Lorraine sa tapat ng cottage, agad na lumabas si Kitten. Nakakalabas-pasok ito
ng bahay kahit nakakandado ang pinto dahil may ipinasadya ang dalaga na
swinging door na pagkakasyahan lang ng pusa. Wala iyong lock kung kaya’t nakakapamasyal
ang kanyang alaga sa hardin at doon na rin dumudumi. Hindi naman ito lumalayo
sa cottage. Madalas ay nagpapaaraw lang sa front porch.
Pag-ibis ni Lorraine ay lumapit at
kumiskis sa kanyang binti ang pusa, sabay ngiyaw.
“Hi, Kitten,” nakangiting sabi ng
dalaga. “May pasalubong ako sa iyo na canned tuna. Halika, ise-serve ko na para
manahimik ka habang nagbabasa ako.”
Pumasok sila sa cottage. Binuksan agad
ng dalaga ang malalapad na mga bintana para maglagus-lagusan ang preskong
hangin. Naka-screen ang mga iyon kaya’t hindi nakakapasok ang mga lamok at mga
insekto.
Tumuloy sila sa kitchenette. Binuksan ni
Lorraine ang de-lata at isinalin sa mangkok ng pusa. Pinalitan din niya ang tubig nitong inumin.
“Ayan, ha, may suhol na ako sa iyo,” sabi
niya habang inilalapag sa sahig ang
pagkain at inumin. “Huwag mo muna akong iistorbohin sa pagbabasa, okay?”
Nang makapaghugas ng kamay ay binalikan
na ni Lorraine ang kanyang bag na inilapag sa mesita sa munting salas. Inilabas
niya ang pocketbook. Pagkatapos ay naghubad siya ng sandalyas at nahiga sa
sopa. Sinimulan na niya ang pagbabasa...
LUMABAS si Laura mula sa kanyang silid. Madilim ang kusina’t komedor.
Ang salas ay naaaninag lang mula sa liwanag ng buwan na tumatagos sa bintanang
salamin.
Nasa salas pa si Don.
Nakaupo sa silyang nasa pinakamadilim na sulok. Halos hindi nga niya ito
makita.
Nilapitan ni Laura ang
asawa.
“Ano’ng kailangan mo?”
malamig na tanong nito bago pa man siya makalapit nang husto.
“Naglalasing ka na naman,”
sagot niya.
“Umiinom lang,” sagot ni
Don. “Iba naman ang umiinom sa naglalasing. I never get drunk. I know my
limits.”
“Pero napapadalas ang inom
mo,” sabi ni Laura. “Gabi-gabi na. Makakasama rin iyan sa iyong katawan.”
“Napapansin mo pala,” pakutyang
sagot ni Don. “Akala ko, wala kang pakialam sa akin. Wala na tayong pakialamanan,
hindi ba? Iyon ang kondisyon na inilatag mo sa pagtira ko uli dito sa bahay mo.
So why the sudden concern for my health?”
“Nagmamagandang-loob lang
ako,” taas-noong sabi ni Laura.
“Spare me your kindness,”
sarkastikong asik ni Don. “Hindi ko kailangan ang pagmamagandang-loob mo. Kung
gusto mo akong tulungan, invite me to your bedroom. Make love to me. Iyon ang
kailangan ko ngayon. At sa tantiya ko, iyon din ang kailangan mo.”
Napahumindig si Laura.
“How dare you...” ngatal
ang tinig na sagot niya.
“I dare,” sagot agad ni
Don. “Asawa pa rin kita. Hindi annulled ang kasal natin. Hindi tayo legally
separated. At sa pagkakaalam ko’y wala pang diborsyo sa Pilipinas.”
“May kasunduan tayo,” paalala
ni Laura, “Pinayagan kitang magbalik sa bahay na ito pero walang mamamagitan sa
atin bilang mag-asawa.”
“E, di isipin mo na lang
na hindi mo ako asawa. Think of me as your lover,” nakangiting sabi ni Don. “I
can be anything you want me to be. Hindi mo na kailangan ang mga DI na
binabayaran mo.”
“Napakarumi talaga ng isip
mo,” nanggagalaiting sagot ni Laura. “Wala akong ginagawang masama. Purely
professional ang pakikitungo ko sa mga DI na nagtuturo sa akin ng ballroom
dancing. Libangan ko lang iyon. Kailangan ko ng outlet sa aking mga problema.”
“Lilibangin kita kung iyon
ang gusto mo,” sabi ni Don. “Kaya kitang i-entertain. Makakalimutan mo ang
lahat ng iyong problema.”
“Ikaw ang pinakamalaki
kong problema,” sagot ni Laura.
“Bakit? Dahil nami-miss mo
rin ang mga yakap ko at halik?” tanong ni Don. “Iyan din ang problema ko, e.
Hindi ko makalimutan ng mga intimate moments natin. At kapag ganitong
abot-kamay ka lang, matinding torture.”
“Kung babastusin mo rin
lang ako, diyan ka na,” galit na sagot ni Laura. “Uminom ka hanggang gusto mo.”
Tumalikod siya’t humakbang
nang palayo.
Pero sumunod pa si Don.
Pinigil siya nito sa braso.
“I’m sorry...” seryoso
nang sabi nito.
Natigilan si Laura.
Napabuntonghininga.
“Hindi kita binabastos,”
pagpapatuloy ni Don. “Hinding-hindi ko magagawa ‘yon. Sagrado sa akin ang mga
alaala nating dalawa. Kahit binabalewala mo ‘yon.”
“Oh come on Don,” sagot
niyang bumubulwak na ang luha. “Huwag mo na akong bolahin. Alam natin pareho
kung bakit mo ako pinakasalan. Sumunod ka lang sa utos ni Papa, kapalit ng
pagpapamana niya sa iyo ng kalahati ng kompanya. Nabisto na kita, remember?”
Hanggang ngayo’y
sariwang-sariwa pa sa alaala’t damdamin ni Laura ang gabing iyon kung kailan
niya nadiskubre ang panloloko ng asawa. Ang pinakamasakit ay katatapos lang
nilang magtalik nang makita niya sa attache case ni Don ang papeles na
nagsasaad ng huling habilin ng kanyang papa, at nangangako ng pagsalin sa
lalaki ng kalahati ng kanilang kompanya oras na mapakasalan siya.
“Hindi mo na kailangang
magkunwari pa,” pagpapatuloy niya kay Don. “Ipinauubaya ko na nga sa iyo ang
iyong mana, hindi ba? Hindi mo na kailangang magpatali pa sa akin. Kung hindi
nga lang dahil dito sa ating kinakaharap na business crisis, ipapa-annul ko na
ang kasal natin. Rest assured, as soon as malampasan natin itong krisis na ito,
makakalaya ka na nang ganap.”
“Hindi ganoon kadali iyon,”
iling ni Don. “Akala mo, pinakasalan kita dahil sa kompanya. The truth is, I
don’t really care about the company as a possession, Laura. Ang
pinagmamalasakitan ko ay ikaw at ang papa mo. Pinaghirapan niya ang kompanyang
ito. Pinalaki mula sa wala para maipanustos sa kanyang kaisa-isang anak.
Ngayong nasa kabilang buhay na siya, ito ang isang napakakonkretong simbolo ng
pagmamahal niya sa iyo. Ayokong mapunta sa wala ang lahat ng kanyang
pinaghirapan. Iyon ang dahilan kung bakit tinanggap ko ang responsibilidad na
pagyayamanin ang kompanya bilang president and chief executive officer, kapalit
niya. Alam ko kasing wala kang hilig sa business. I would gladly do the work
for you.”
“Siyempre naman,” ismid ni
Laura. “Ibinigay yata sa iyo ang kalahati ng kompanya. Natural gusto mong
pangalagaan at palaguin pa.”
“Sanay akong mabuhay nang simple
lang,” nakatiim-bagang na sagot ni Don. “Mas gusto ko ngang mabuhay nang
ganoon. Iyong walang isinusumbat sa akin maya’t maya. Akala mo ba, madali sa
akin ang sumunod sa kagustuhan ng papa mo? Akala mo, hindi masakit sa akin ang
tawaging gold digger? Maipapaliwanag ko ba sa lahat ng tao ang tunay na dahilan
kung bakit ko gustong sagipin ang Delmundo Enterprises?
“Masasabi ko ba sa lahat
na ginagawa ko lang ito dahil mahal ko si Laura Delmundo? Na gagawin ko ang
lahat – kahit isuko ko ang aking pagkatao – para sa kanyang kapakanan? Kaya nga
heto pa rin ako ngayon. Kahit ipinagtabuyan mo na ako noon at tinawag na ahas,
narito pa rin ako sa oras ng iyong pangangailangan. Pumayag akong magbalik sa
bahay na ito sa ilalim ng iyong mga kondisyones para lang maipakita sa business
community na hindi on the rocks ang ating marriage. Na matibay at matatag pa
rin ang Delmundo Enterprises at hindi kayang lamunin ng mga nagtatangkang
bumura sa ipinundar ni Don Diego Delmundo.”
“Ginagawa mo ‘yan dahil
ayaw mong malugi ang kompanyang ipinamana sa ‘yo,” sumbat ni Laura.
“I’ll make you a deal,
Laura,” sagot ni Don. “Ibibigay ko sa iyo ang ipinamana sa akin. Isosoli ko
nang buung-buo. Para naman talaga iyon sa iyo, e. Ang hinihiling ko lang ay
i-retain mo ako bilang president and CEO. Suwelduhan lang. Mapangalagaan ko lang
ang ibinilin sa akin ng papa mo. Para rin sa iyo.
Napamaang si Laura.
“Gagawin mo ‘yan?” sabi
niya pagkaraka.
“I’ll put it in writing,
signed and notarized, bukas na bukas din,” sagot ni Don. “Huwag mo lang munang
ipagkakalat para hindi makaapekto sa ating business.”
“P-paano ka?” naguguluhang
tanong ni Laura.
Natawa si Don.
“Sobra-sobra na sa akin
ang sinusuweldo ng isang president and CEO ng kompanya,” sagot nito. “Alam mo
naman ang lifestyle ko. Simple lang.”
Napailing si Laura.
“No, it’s too good to be
true,” sabi niya.
“Hindi ka makapaniwala?”
nakakunot ang noong tanong ni Don. “Hindi ka makapaniwalang nagsasabi ako ng
totoo? Mas gusto mo pang paniwalaan na niloloko lang kita. Na walang halaga ang
mga pinagsaluhan nating mga sandali.”
Napakagat-labi si Laura.
“May isa pa pala akong
kondisyon,” pahabol ni Don.
“Sinasabi ko na nga ba,”
sabi ni Laura. “There has to be a catch somewhere.”
“Ibabalik ko sa iyo ang
kabuuan ng kompanya pero mananatili tayong mag-asawa,” sabi ni Don. “Pipirma tayo
ng agreement na wala akong magagalaw ni isang kusing sa iyong kayamanan, pero
magiging mag-asawa uli tayo sa lahat ng bagay. Hindi ko kailangan ang iyong
pera, but you’ll be mine again, Laura. All mine. The way you own me – body, heart
and soul.”
Nakatitig sa kanya si Don.
Ipinaaabot ng mga mata nito ang katotohanang ipinahahayag ng mga salita.
Gustong umiwas ni Laura
dahil napapaso siya, nadadarang. Pero hindi niya magawang magbawi ng tingin.
Hindi niya kaya.
Hinaplos ng hintuturo ni
Don ang kanyang pisngi.
“Mahal na mahal kita,”
bulong nito. “Ikaw ang mahalaga sa akin.
You’re the only treasure I ever wanted. The only one I’ll ever want.”
Muling bumagsak ang mga
luha ni Laura.
“Don’t cry,” sabi ni Don
habang pinapalis ng mga daliri ang kanyang mga luha. “Ang tangi kong ginusto ay
ang mapaligaya ka. I never meant to hurt you. I’m sorry... I’m so sorry...”
“I’m sorry, too,”
pahikbing sagot niya. “Alam kong nasaktan ka sa mga sinabi ko.”
“Puwede ba tayong
magsimulang muli?” tanong ni Don.
“Burahin natin ang lahat ng hinanakit. Balikan natin ang ating pag-ibig. It
will see us through everything.”
Hilam sa luha na tumango
si Laura bago kusang yumakap sa asawa.
Hinagilap ng mga labi ni
Don ang kanyang mga labi. Puno ng pananabik ang halik nito. Muli’t muling
nagpapahayag ng damdamin.
Sabik na sabi na rin si
Laura sa mga yakap at halik ng kanyang asawa. Ng tanging lalaking kanyang
minahal. Kaytagal niyang iniyakan ang alaala ng mga sandali nilang ganito. Na
akala nila’y hindi na mauulit pa.
Sinalubong niya ng init
ang mga labi ni Don. Tinugon niya ang nag-aalab nitong damdamin.
Pero maya-maya’y kumalas
ang mga labi ni Laura.
“Welcome home, love,”
bulong niya sa kabiyak. “Tena sa bedroom natin...”
HILAM din sa
luha ang mga mata ni Lorraine nang ibaba niya nang pataob sa kanyang dibdib ang
pocketbook. Humugot siya ng malalim na buntonghininga para pagluwagin ang
kanyang dibdib na naninikip sa emosyon.
“You did it again, Dana,” bulong niya.
“You’ve written another winner.”
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento