FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 3
MADILIM na nang
makauwi ang dalaga sa lumang bahay.
“Kanina ka pa hinahanap ni Irene,”
bungad sa kanya ng kanyang mama. “Nakadalawang tawag na nga.”
“Bakit kaya?” tanong ni Lorraine.
“Nangungumbida,” sagot ng kanyang Tita
Fe. “Darating kasi sina Bobby galing Maynila. Isasama raw ang buong pamilya,
pati ang mag-asawang Robert at Laila. Kaya kumbidado tayong doon mananghalian
sa Linggo. Huwag na huwag ka raw mawawala.”
“Aba, talagang hindi ako aabsent,”
nakangiting pahayag ni Lorraine. “Gustung-gusto ko yatang makakain uli ng mga
specialty dishes ni Ding.”
Pinsang-buo ng kanyang papa ang kanyang
Tita Fe. Lola naman ito ni Irene. Dahil matanda nang di hamak sa kanyang papa
ang kanyang Tita Fe, at dahil maagang nag-asawa ang kanyang Tita Fe, samantalang
halos matandang binata na ang kanyang ama nang magpakasal, mas matanda pa sa
kanya nang dalawang taon ang pamangkin niyang si Irene.
Ang ina ni Irene na si Cari ay naglayas
sa Paraiso nang ito’y disisais anyos pa lamang. Nagpunta ito sa Maynila at
napariwara. Doon ito nagkaroon ng relasyon sa artistang si Robert Bauzon – na
sa panahong iyon ay kasal na kay Laila Bauzon at may isa nang anak na si Bobby.
Nang mamatay sa drug overdose si Cari sa
mismong panganganak nito kay Irene, kinontak ng mag-asawang Robert at Laila si
Fe. Lumuwas ang matanda para alagaan ang apo. Sinuportahan naman ito nang husto
ng mag-asawang Robert at Laila. Nagbagong-buhay na kasi si Robert at naging mas
matibay pa ang relasyon ng mag-asawa.
Noong isang taon lang umuwi sa Paraiso ang
maglolang Fe at Irene. Dito naman nakilala ni Irene si Ding, na siya nitong
napangasawa.
Nakatira na si Irene sa farm ni Ding.
Naiwan naman si Lola Fe sa lumang bahay, kasama ni Lorraine, ng mga magulang
niyang sina Ado at Lorena, at ng mga kuya niyang sina Rodie at Ronnie.
Isang malaki at masayang pamilya sila, karugtong
na rin ang mga Bauzon na taga-Maynila.
VAN ang
sinakyan ng mga Castillo patungo sa farm nina Irene at Ding. May mga dala
silang halabos na sugpo at inihaw na bangus – bagong hango mula sa kanilang
fishpond at prawn farm. May dala rin silang ilang basket ng mga sariwang prutas
na bagong pitas mula sa kanilang orchard. Siyempre pa, may pasalubong si Lorraine
na isang malaking fresh flower arrangement para sa bahay ni Irene.
“Naku, makakalaro ko na naman si Rock,”
sabi ni Fe. “Miss na miss ko na siya. Sa Maynila kasi, hindi lumalampas ang
isang linggo na hindi kami nagkakasama. Parang apo ko na rin talaga ang batang
iyon.”
“Nakaka-miss naman talaga si Rock,”
sang-ayon ni Lorraine. “Kahit nga isang linggo lang sila rito noong ikasal si
Irene, nagkaroon na agd ako ng attachment sa kanya. Ang cute-cute na bata, e.
Napakalambing pa.”
“Lumalabas lang kay Rock ang ugali ng
pamilya niya,” sagot ni Lorena. “Ganoon talaga ang bata. Kapag lumaki na
napapaligiran ng pagmamahal, nagiging malambing din.”
“Kaya nga inip na inip na ako sa
panganganak ni Irene,” sabi ni Fe. “Biro mo, magkakaapo na ako sa tuhod.”
“Ako rin nga, naiinip nang magkaapo,”
sabi ni Lorena. “Ito naman kasing sina Rodie at Ronnie, ayaw pang magsipag-asawa.”
“Aba, si Rodie pa lang naman ang
tumatandang binata, a,” sagot ni Ronnie. “I’m only twenty-eight. Siya, thirty
three na.”
“E bakit si Papa, thirty six na noong
nag-asawa,” sabi naman ni Rodie.
“Ibig mong sabihin, tatlong taon pa pala
ang hihintayin namin,” iling ni Lorena. “Baka naman hindi na namin kayaning
makipaglaro sa aming mga apo, anak.”
“At saka kaya lang naman ako umabot sa
ganoong edad ay dahil napakahirap ligawan nitong Mama ninyo,” nakangiting
pahayag ni Ado.
“Hmmmp,” irap naman ni Lorena. “Ang
sabihin mo, natorpe ka kasi noon kaya hindi mo agad ako naligawan. Akala ko
nga, tatandang dalaga na ako sa kahihintay sa panliligaw mo, e.”
“Naku, talagang torpe iyang si Ado noong
araw,” sang-ayon ni Fe. “Nasa high school ka pa lang, Lorena, dead na dead na
iyan sa iyo, e. Pero naghintay pa nang halos sampung taon bago ka niligawan.
“Kasi nga sampung taon ang agwat ng edad
namin,” katwiran ni Ado. “Baka hinabol ako ng itak ng tatay niya kung niligawan
ko agad siya noong disisais anyos lang siya samantalang twenty-six na ako’t
teacher na sa high school.”
“Ay, kahit sa panahong ito, bawal iyon,
Papa,” tumatawang sabi ni Lorraine. “Madedemanda ka ng sexual harassment.”
Tawanan sila.
“Kaya nga hinintay ko munang maging teacher
na rin siya bago ko niligawan,” sagot ni Ado sa pagkaraka.
“Ako, Mama, kapag sinagot ni Lia,
yayayain ko na agad siyang pakasal,” singit ni Ronnie.
“Kailan pa kaya iyon?” kantiyaw ni
Rodie. “Sagutin ka pa kaya no’n? Aba’y dalawang taon mo nang nililigawan, a.”
“Nagpapakipot lang ‘yon,” makumpiyansang
sagot ni Ronnie. “Kung babastedin ako ni Lia, sana noon pa. Sinusubukan lang
niya kung kaya kong magtiyaga sa paghihintay.”
“Ganyan din ang tantiya ko, Kuya Ron,”
tango ni Lorraine. “Kaya huwag na huwag kang mawawalan ng pag-asa.”
“Mm-hmm, at ano naman ang malay mo sa
mga bagay na ito?” tanong ni Rodie sa bunsong kapatid.
“Kuya Rod naman,” sagot ni Lorraine.
“Twenty two na ako, ‘no? Hindi na ako teenager.”
“Pero hindi ka pa rin naman
nagkaka-boyfriend,” paalala ni Rodie. “At wala ka pang siniseryoso sa mga
manliligaw mo.”
Napakarami niyang manliligaw, oo.
Magmula noong maging dalagita pa lang siya. Napakaganda naman kasi talaga ni
Lorraine. Sa kanya lumabas ang lahing Kastila ng kanilang angkan. Pati buhok
niya ay natural na kulay buhok ng mais. Pero wala talaga siyang nagustuhan sa
kanyang mga manliligaw.
“Malay n’yo,” pagkikibit-balikat ng
dalaga para lang makapang-asar.
“Aba, may itinatago na yata itong dalaga
natin,” sabi ni Ronnie.
“Sino sa kanila, ha, Lorraine?” tanong
naman ni Rodie.
“Hayaan n’yo nga siya,” sabad ni Lorena.
“Tama naman si Lorraine. Dalaga na siya. Marunong na siyang dumiskarte sa
sarili.”
“Baka naman unahan mo pa kami, ha?” sabi
ni Ronnie.
“Malamang nga, maunahan ka pa,” natatawang
kantiyaw pa rin ni Rodie.
“At least, ako, may hinihintay,” sagot
ni Ronnie. “E, ikaw. Sa kapipili mo ng liligawan, baka maiwan ka ng biyahe.”
“O, tama na bago kayo magkapikunan,”
saway ni Ado.
Nakatingin si Lorraine sa labas ng
bintana ng van, kunwa’y nanonood sa dinaraanan nila. Ang totoo’y may binuhay na
namang lungkot sa puso niya ang kanilang pinag-uusapan.
Oo nga’t masasabi niyang marami na
siyang alam tungkol sa pag-ibig. Marami nang naituro sa kanya ang mga nobela ni
Dana Amor. Pero hanggang pagbabasa at pagpapantasya na lang ba siya?
Ang masaklap pa ay kapag umabot na rin
siya sa edad na kung kailan baka mapilitan na rin siyang pumili ng isa sa
kanyang mga manliligaw. Pangarap din kasi niya ang magkaroon ng sariling
pamilya.
Hindi pa niya masiguro kung alin ang mas
masaklap. Ang mabuhay nang laging naghahanap at naghihintay sa isang romansang nakabatay
sa pantasya? O ang magkasya na lamang sa kung ano ang nariyan kahit na bitin
iyon sa kanyang inaasahan?
Bahala na. Bata pa naman siya. Marami pang
maaaring maganap sa kanyang buhay.
Pagtigil ng van sa may bakuran ng
antigong bahay nina Ding at Irene Amores, agad na sumalubong ang mag-asawa sa
mga bisita.
Unang nagyakap sina Irene at Fe.
“O, kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong
agad ng matanda.
“Hindi na ako gaanong naduduwal,” sagot
ni Irene. “Lumilipas na rin yata ang paglilihi ko.”
“Mabuti naman,” tango ni Fe.
“Pinahakbang ko nga siya sa akin nang
sadya, Lola, para malipat na sa akin ang mga discomfort niya sa paglilihi,”
pagkukuwento naman ni Ding matapos din itong yumakap pa at humalik sa noo ng
matanda. “Hindi naman yata totoo ang kasabihang iyon. Wala naman akong
nararamdaman, e.”
“Naku, nagpapaniwala ba naman kayo sa
ganoon,” sagot ni Lorena.
Yumakap at humalik din dito ang
mag-asawa. “Nagbabakasakali lang
ho ako,” sabi ni Ding.
“Ganyan din ako noon,” sabi ni Ado
habang ito naman ang pinagmamanuhan ng mag-asawa. “Natataranta rin ako tuwing
buntis itong si Lorena. Kung pupuwede nga lang na ako na ang magbuntis para sa
kanya, gagawin ko.”
“Oo nga, ho,” tango ni Ding.
“Aba, hindi ninyo kaya ang magbuntis at
manganak,” pahayag ni Fe. “Mas kaya ng kababaihan ang ganoong pagtitiyaga at
pagtitiis. Ginawan na ng maraming studies ang bagay na iyan, e. Superior ang
kalalakihan sa mga gawaing nangangailangan ng isahang buhos ng lakas. Pero sa
mga gawaing nangangailangan ng tiyaga at long-term resistance, lamang kaming
mga babae. So don’t argue with nature. Alam ng kalikasan kung sino ang may
kakayahang magbuntis at manganak. Pero, siyempre, kailangan din ng mga buntis
ang complete support ng mister. Kaya nga sa makabagong paraan ng panganganak,
isinasama na ang mister sa delivery room. Siya mismo ang coach ni misis sa
labor. You’re on the right track, Ding. Just be there for your wife.”
“Pinag-aaralan nga ho namin ‘yung
naorder kong VHS tape tungkol sa Lamaze childbirth,” pagkukuwento ni Ding.
“Nakausap na rin namin si Dra. Coronel. Sinusuportahan din naman niya ang
method na iyon.”
“Hindi naman nalalayo ang Lamaze method
sa sinaunang sistema ng hilot na sa bahay lang nagpapaanak,” sabi ni Lorena.
“Walang ginagamit na anaesthesia. Mas scientific na nga lang itong Lamaze. May
na-develop na silang mga tamang breathing techniques para mabawasan ang pain.
Napag-aralan na rin nila ang mga paraan para mas mapabilis at mapadali ang
paglabas ng bata. Of course, mas safe na rin dahil sa ospital nanganganak. May naka-stand
by na facilities in case of complications.”
Habang nag-uusap sila’y inilabas nina
Rodie at Ronnie ang mga dala nilang pagkain at bulaklak.
“Naku, nag-abala pa kayo,” sabi ni
Irene. “Wow, ang gaganda naman nitong flowers, Lorraine.”
“Ako mismo ang nag-arrange niyan,”
pagmamalaki ng dalaga. “Siyempre, laging special pag para sa iyo.”
“Thank you,” sabi ni Irene. “At thank
you rin dito sa pagkain, Kuya Rod, Kuya Ron.”
“Pangtabla lang namin ito dahil alam
n’yo naman kung gaano kami kalakas kumain ng mga luto ni Ding,” biro ni Rodie.
“Mahirap na. Baka maubusan ang iba ninyong bisita.”
“Isa pa, madali kasing iluto itong mga
produkto namin,” sabi ni Ronnie.
“Halabos lang at inihaw, maipagmamayabang na namin ang sarap kahit hindi
kami marunong ng gourmet cooking na katulad ni Ding.”
Natawa si Ding.
“Huwag kayong mag-alala, marami akong
iniluto, hindi tayo mabibitin,” sagot nito. “Pero okay itong dala ninyo. Wala
akong inihandang isda o hipon kaya tamang-tama na pambalanse ito sa menu. At
gustung-gusto ito ng mga taga-Maynila.”
“Tena sa loob,” sabi ni Irene.
Pagkatapos ay tumabi ito kay Lorraine sa
paglalakad. Nagpahuli sila sa grupo.
“May sorpresa ako sa iyo,” bulong ni
Irene.
“Galing Maynila?” tanong ni Lorraine.
“Dala nina Kuya Bobby?”
Natawa si Irene.
“Definitely,” sagot nito.
“Ano kaya ‘yon?” sabi ni Lorraine.
“Excited na ako, a.”
“Hindi, ano,” sagot ni Irene. “Ang
itanong mo ay kung sino.”
“H-ha?” sambit ni Lorraine.
Tamang-tama namang papanhik na sila ng
antigo na ring bahay ng mga Amores. Natanaw agad ni Lorraine sa salas nina
Bobby at Francesca, katabi nina Robert at Laila Bauzon. Nagkakagulo ang mga ito
sa pakikipagbatian kina Fe, Lorena, Ado, Rodie at Ronie.
Pero may isa pang taong naroon na hindi
niya kilala. Lalaki. Ipinakilala ni Bobby sa mga bagong dating.
Biglang bumilis ang pintig ng pulso ni
Lorraine. Hindi niya inaasahan.
Guwapo ang lalaki. Matangkad. Makisig at
matipuno ang pangangatawan. Pero hindi lang iyon ang nakaagaw ng pansin ng
dalaga. Ang nakapagpabilis ng pintig ng kanyang pulso ay ang malamlam na mga
mata ng lalaki na waring may itinatagong kapilyuhan at ang ngiti nitong parang
nanunukso.
“S-sino siya?” tanong niya kay Irene.
“He’s the surprise,” nakangiting sagot
ni Irene, sabay kindat.
At hinatak siya nito sa kamay patungo sa
salas.
Siyempre, bumati muna si Lorraine kina
Robert, Laila, Bobby at Francesca.
“Ate Francesca, si Rock?” tanong pa
niya.
“Hinahanap nga rin ni Lola Fe,” sagot ng
aktres. “Darating na ‘yon. Ipinasyal lang muna sa labas. Sabik na sabik kasi
‘yong bata na makatakbo sa open spaces, e. Malilim naman doon sa likod-bahay
kaya pinayagan na namin.”
“Excuse
me, Ate Francesca,” singit ni Irene. “May ipapakilala lang kami kay Lorraine.”
“Oo nga pala,” nakangiting sagot ng
aktres, sabay kindat kay Lorraine. “You’ll just love this surprise.”
Hinatak uli ni Irene ang dalaga patungo sa
kabilang bahagi ng salas, malayo sa matatanda at sa kanyang mga kuya.
Sumunod sa kanila si Bobby, hatak-hatak
naman ang lalaking hindi pa niya kilala.
“May ipapakilala nga pala kami sa iyo,
Lorraine,” sabi ni Bobby. “We’d like you to meet Adan Amor. As a movie
scriptwriter, kilala siya bilang si Adan Roma. Dan, this is Lorraine. Tita siya
ni Irene, technically, but she’s younger.”
Tulad ng hinihiling ng kabutihang-asal,
ang dalaga ang unang naglahad ng kamay.
Nagpapasalamat siya at sa kabila ng kanyang
pagkataranta ay gumagana pa ang kanyang utak. Naalala pa niya kung paano at saan
niya narinig ang pangalang Adan Roma.
“Please to meet you,” sabi niya. “Palagi
kong nababasa ang pangalan mo sa diyaryo.Tuwing may movie awards night, laging
nominated ang scripts mo at madalas ding nananalo.”
“Thank you,” sagot ni Adan habang
mahigpit na nakikipagkamay sa kanya. “I’m flattered that you recognize my
scriptwriting pen name. And I’m even more pleased to meet you. Paganda yata
nang paganda ang mga kababaihang nakikilala ko sa pamilyang ito.”
Namula si Lorraine. Nagbawi ng kamay.
“Lalo kang matutuwa, Dan, kapag nalaman
mong avid fan si Lorraine ni Dana Amor,” sabi ni Irene.
“Really?” nakangiting sagot ni Adan.
“Kumpleto si Lorraine ng lahat ng mga
nobela ni Dana Amor,” dagdag ni Irene. “Lagi siyang up-to-date sa latest novels
ni Dana.”
Parang may kumislap sa utak ni Lorraine.
At kinabahan siya.
“Are you related to Dana Amor?” tanong
niya kay Adan.
Ang ikinatatakot niya ay malamang misis
nito ang hinahangaan niyang nobelista.
Lumapad ang ngiti ni Adan.
“Ang lagi kong isinasagot sa katanungang
iyan ay kakambal ko si Dana,” sagot nito.
“Kakambal?” ulit ni Lorraine.
Kapatid pala, sabi naman ng isip niya.
Para siyang nahugutan ng tinik sa dibdib.
“In a way, that’s true,” sabi ni Adan. “But
I’ll let you in on a secret. Ipagkakatiwala ko sa iyo ang sikreto ko. Pen name
ko rin ang Dana Amor. Ako ang nagsusulat ng mga binabasa mong nobela.”
“Ikaw?”
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento