Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Biyernes, Abril 21, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Lorraine Chapter 4

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

 CHAPTER 4 

KAMUNTIK na siyang himatayin sa kanyang kinatatayuan. Pakiramdam ni Lorraine ay sabay na nag-init at nanlamig ang kanyang buong katawan.

        Malaman ba naman niyang kaharap niya mismo ang kanyang pinakaiidolong manunulat.

        Higit pa roon ang kanyang pagkabigla na si Dana Amor pala ay isang Adan. Isang napakaguwapo at napakakisig na Adan.

        Ang mga inilarawan pala nitong mga bidang lalaki sa mga isinusulat na nobyela ay batay sa sarili nitong anyo. Maging ang kapilyuhang kumikislap sa malamlam nitong mga mata at ang panunuksong hatid ng kaakit-akit nitong ngiti ay katulad na katulad ng sa mga paborito niyang karakter sa nobela.

        Ganoon din kaya kung umibig itong si Adan Amor?

        “Maupo nga muna kayong dalawa,” tumatawang sabi ni Irene. “Nabigla yata nang husto si Lorrraine sa revelation mo, Dan.”

        Naupo nga ang dalaga sa katabi niyang armchair.

        Naupo rin si Dan sa silyang katapat ng sa kanya.

        “Are you disappointed?” tanong nito. “Kaya nga ba ayokong ipinaaalam sa readers na ako at si Dana ay iisa.”

        “H-hindi,” agap ni Lorraine. “Of course, I’m not disappointed. Nagulat lang ako. Hindi ko akalain na lalaki ang sumusulat ng mga nobelang iyon.”

        “Kasi nga, noon pa sinasabi ni Lorraine sa akin na kuhang-kuha ni Dana Amor ang emotions ng kababaihan,” dugtong ni Irene. “That’s amazing, considering that you’re a man. At binata pa man din.”

        Lalong namula si Lorraine.

        Paano’y para na ring ibinisto ni Irene ang palagay niya na kuhang-kuha ng paborito niyang nobelista ang kanyang pinakatatagu-tagong mga emosyon at pantasya.

        Para na ring inamin niya na ang mga isinulat ni Adan sa mga nobela nito’y siya rin niyang mga pinapantasya.

        Wala sanang problema kung kapwa niya babae ang manunulat. Pero ang malaman iyon ng isang binatang tulad ni Adan – nakakahiya.

        Pakiramdam ni Lorraine ay para na ring nabasa ni Adan Amor ang kanyang mga pribadong diary. Parang nasilip nito ang kanyang mga lihim na pangarap.

        “Hindi naman kasi nagkakalayo ang mga emotions ng lalaki at babae kung pareho silang sensitive sa kapwa,” sagot ni Adan. “Inilalagay ko lang ang aking sarili sa lugar ng aking mga karakter – lalaki man o babae. In a way, puwede nga sigurong sabihing kasama ang bahagi ng aking pagkatao sa aking bawat nobela. Na kung nagkataong nalagay ako sa puwesto ng aking mga karakter ay ganoong-ganoon din ang magiging damdamin ko at ang gagawin ko.”

        Napakurap si Lorraine. Parang hindi siya makapaniwala sa kanyang narinig.

        Ganito ba talaga ka-ideal ang lalaking ito? Kung totoo ang ipinahayag nito’y ito na nga yata ang kumakatawan sa lahat ng mga hinangaan niyang karakter na lalaki sa mga nobelang nabasa niya. Sa pisikal na anyo, sa pag-iisip at sa damdamin ay parang nagkabuhay kay Adan Amor ang ideal man ng kanyang secret fantasies.

        “Alam mo ba, Lorraine, kung bakit narito si Adan?” nakangiting tanong ni Irene. “He’ll be staying with us for a month, habang pinag-aaralan niya kung may maisusulat ba siyang romance novel at movie script na ang setting ay ito mismong Paraiso. Exciting, di ba?”

        “G-ganoon ba?” nakuha lang niyang isagot.

        “Nagtayo na kasi sina Kuya Bobby at sina Papa ng sariling production company,” pagkukuwento pa ni Irene. “Kasosyo kami ni Ding. Si Adan naman ang kinuha namin para magsulat ng aming first venture. That is, kung magugustuhan niyang magsulat ng isang kuwento tungkol sa Paraiso. Magiging romance novel at pelikula ito.”

        “Sa unang impressions ko pa lang sa lugar na ito at sa mga nakilala ko rito, impressed na agad ako,” sabi ni Adan. “Baka nga hindi lang iisang kuwento ang magawa ko rito. Malamang ay makagawa pa ako ng series.”

        “Aba, mas maganda iyon,” tuwang-tuwang sagot ni Irene.

        Pero lalo namang nataranta ang damdamin ni Lorraine. Isang buwan palang mananatili rito sa Paraiso si Adan Amor. Ibig sabihin ay malaki ang posibilidad na magkita pa silang muli, lalo pa’t bisita ito nina Irene.

        At magsusulat daw si Adan ng nobelang nakabatay sa mismong bayang ito? Nangatal si Lorraine. Kung doon nga sa mga nobela ni Adan na nakabatay sa malalayong lugar na hindi pa niya napupuntahan ay apektadung-apektado na siya, paano pa kaya kung sa nobela na nitong nakabatay mismo sa sarili niyang bayan?

        Kahit nga wala pa ang nobela ay gumagana na ang imahinasyon ng dalaga. Hindi mahirap mangyari iyon ganitong kaharap niya ang lalaking parang kumakatawan sa lahat ng bidang lalaki sa kanyang mga pantasya.

        Para na ring unti-unting nabubuo’t nagkakabuhay kay Lorraine ang isang romance novel. Ang bidang lalaki ay si Adan. At ang bidang babae naman siyempre ay walang iba kundi siya.

        May dumating na mga sasakyan. Tumigil sa parking area sa may labas lang ng bakuran.

        “May mga bisita pa ba?” gulat na tanong ni Lorraine kay Irene.

        “Oo,” tango nito. “Kinumbida na namin ang halos buong bayan para maipakilala si Adan bilang movie scriptwriter. Kailangan kasing magkaroon siya ng permisong makapag-ikut-ikot nang hindi mapagkakamalang estranghero. He needs to absorb everything about Paraiso.”

        “Sweetheart, salubungin natin ang mga bagong dating,” tawag ni Ding sa asawa.

        “Excuse me,” paalam naman ni Irene kina Lorraine at Adan.

        Hindi na mapakali si Lorraine nang maiwan silang dalawa. Kahit nasa malapit lang naman ang sarili niyang pamilya, pakiramdam pa rin niya ay parang silang dalawa lang ang naroon.

        “I’m surprised na nakakarating pala rito ang aking libro,” saad ni Adan.

        “Mukha lang isolated ang Paraiso dahil well-preserved ang mga antigong buildings at maraming bagay rito,” sagot ni Lorraine. “Aside from that, up-to-date naman kami sa nangyayaring developments sa Metro Manila. Kahit maliliit kung titingnan ang mga tindahan dito, you can order anything you need. Maghihintay ka nga lang ng ilang araw bago iyon makarating mula sa Maynila. Puwede rin namang umorder sa mga tindahan dito ng mga items direct from abroad. So, siyempre, up-to-date din kami sa lahat ng babasahin. Pati na rin books from abroad. Mismong best friend ko nga ang nagmamay-ari ng bookstore na pinagkukunan ko ng mga libro.”

        “Di lalo pala akong dapat na ma-flatter na binabasa mo ang mga libro ko,” sabi ni Adan. “Imagine, I had to compete with everything else that’s available here.”

        Namula na naman si Lorraine.

        “Nasa high school pa kasi ako noong una akong ma-hook sa mga nobela ni Dana Amor,” paliwanag niya.

        Natawa si Adan.

        “Para namang ang tanda-tanda ko na niyan,” sabi nito. “I’d lke you to know that I was only eighteen when I began writing those books. Sophomore lang ako noon sa college. Kinailangan kong suportahan ang aking sarili kaya nagsulat ako ng mga nobela.”

        Mabilis na nagbilang ang isip ni Lorraine. Apat na taon lang pala ang tanda sa kanya ni Adan. Samakatuwid ay twenty six pa lang ito ngayon.

        “Ang galing mo naman pala talaga,” sabi niya. “Eighteen ka lang noong sulatin mo ang mga unang nobela mong nabasa ko?”

        “Kung nasa high school ka pa lang noon, madali ka pang ma-impress kaya napabilib ka sa isinulat ng isang eighteen-year-old,” natatawa pa ring sagot ni Adan.

        “I still have those books,” sabi ni Lorraine. “At kahit na ngayon ko basahin uli, masasabi kong maganda pa rin ang pagkakasulat. You really have a gift.”

        “Thank you,” seryoso nang sagot ni Adan. “Ang ganyang mga reviews ang nagbibigay sa akin ng inspirasyon para patuloy na magsulat.”

        “Bakit ayaw mong ipaalam na ikaw si Dana?” tanong ni Lorraine. “Bakit kailangan mo pang gumamit ng pen name? Babae pa.”

        “Noong simula, requirement iyon ng aking publisher,” paliwanag ni Adan. “Tradisyon na raw na laging babae ang authors ng romance novels kaya ang mga lalaking authors ay kailangang gumamit ng pen name. Siyempre, dahil bagito pa ako noon, kailangan kong sumunod. Nang lumaon, nagkaroon na ng malaking following ang pangalang Dana Amor kaya nakapanghihinayang nang bawiin.”

        “Pero iyong ibang romance writers na lalaki, naglalagay pa ng kanilang mga litrato sa likod ng libro kahit pambabae ang ginagamit na pen name,” sabi ni Lorraine. “Natatanggap na sila ng readers.”
        “Oo naman,” tango ni Adan. “Personal preference ko lang talaga na huwag magpakilala. Napaka-intimate na kasi ng koneksiyon ko sa reader sa pamamagitan ng aking mga nobela. At dahil babae ang karamihan sa aking mga readers, I prefer to keep a certain distance. I just reveal myself to special people. Like you.”

        Napalunok si Lorraine.

        Bakit ba itinanong pa niya iyon? At bakit kinailangan pang gamitin ni Adan ang salitang “intimate”? Sapol na sapol pa naman ng salitang iyon ang koneksiyong nadarama niya ngayon sa binata dahil sa mga nobela nitong nabasa niya. Para kasing sa pamamagitan ng pagbabasa ay nakasama niya ang manunulat sa bawat romantikong eksena sa mga nobelang iyon.

        Namataan niya ang anak nina Francesca na si Rock, ipinapasok ng yaya sa salas. Agad itong sinalubong ng kanyang Tita Fe.

        “Ay, si Rock,” sabi ng dalaga. “Excuse me, ha? Miss ko na ang batang ito, e.”

        Ang totoo’y ginamit lang niyang dahilan ang bata para makalayo muna sa binatang masyadong nagpapainit sa kanyang pakiramdam.

        Halos tumakbo si Lorraine patungo sa tiyahing may kalong na apu-apuhan.

        “Hello, Rock,” sabi niya. “Remember me? I’m your Tita Lorraine.”

        “Tata!” nakangiting sagot ng bata.

        “O, natatandaan ka raw niya,” tuwang-tuwang sabi ni Fe. “Listong bata talaga ito.”

        Kahit aliw na aliw sa bata, hindi pa rin maalis ang tutok ng atensiyon ni Lorraine kay Adan. Sinisiguro niyang lagi siyang nakatalikod sa kinaroroonan ng binata pero conscious na conscious pa rin siya rito.

        Iniisip niya, masyado ba siyang naging obvious kanina? Halata bang nataranta siya? Biglang-bigla ba ang ginawa niyang pagtalilis? Hindi kaya natatawa lang sa kanya si Adan Amor?

        Ibang-iba nga si Adan sa mga lalaking kilala niya rito sa Paraiso. Sa mga kalalakihang parang mga kapatid na rin niya kung ituring palibhasa’y nakasama na niya mula nang sila’y mga uhugin pa.

        Si Adan Amor, misteryoso. May kakaibang aura ng sensuwalidad. Exciting. Tulad ng mga sinusulat nitong romance novel heroes.

        Pero kung kailan siya nakatagpo ng lalaking tulad ng kanyang laging pinapantasya ay saka naman parang tinakasan si Lorraine ng lahat ng lakas ng loob. Hindi niya yata kayang pakiharapan ang lalaking ito. Nakakanerbiyos.

        Hindi nagbalik si Lorraine sa tabi ni Adan.

        Marami pang nagsidatingang mga bisita. Nagmistulang pista ang pagtitipon.

        Maya-maya lang ay naglagay na ang mga tauhan ni Ding ng mahahabang mesa sa ibaba ng bahay. Napuno iyon ng pagkain. Mayroon pang litsong baka at ilang lechon de leche. Inihain din ang mga dala nina Rodie at Ronnie na bangus at sugpo.

        Sa karamihan ng tao, hindi na nahirapan si Lorraine na umiwas sa kinaroroonan ni Adan. Basta’t lagi niyang tinatanaw kung nasaan ang binata. Sinisiguro naman niyang nasa malayo siya.

        Dumating din si Odette, kasama ng mga magulang nito’t dalawang nakababatang kapatid.

        Sinalubong ni Lorraine ang kaibigan.

        “Sino ba itong VIP na bisita nina Irene?” tanong agad ni Odette sa kanya. “Scriptwriter daw?”

        “Ayun, o,” sagot niya habang disimuladong itinuturo ang kinaroroonan ni Adan.

        Ipinakikilala nina Ding at Irene si Adan sa mga taga-Paraiso. Naipakilala na kasi sa mga tagaroon ang mga mag-asawang Robert at Laila at Bobby at Francesca noon pang ikasal sina Irene.

        Patungo na ang mga magulang ni Odette sa kinaroroonan nina Irene, Ding at Adan.

        “Baka gusto mong maipakilala siya sa iyo, humabol ka na muna roon,” sabi ni Lorraine sa kaibigan.

        “Ay, nakakahiya naman,” iling ni Odette. “Ipakilala mo na lang siya sa akin later. Kuwentuhan mo muna ako. What’s the big deal about him ba?”

        “Well, big time scriptwriter nga kasi siya,” nag-aalangang sagot ni Lorraine. “Nagtayo ng production company ang mga Bauzon, kasosyo sina Irene, at si Adan Amor ang kinuha nila para sumulat ng una nilang project. It’s supposed to be about Paraiso.”

        “E, bakit ganyan ang reaction mo?” pagtataka ni Odette. “Don’t you like him?”

        “H-ha?” sagot ni Lorraine.

        Nangiti si Odette.

        “Mm-hmm, alam ko na,” bulong nito. “Baka naman you like him too much.”

        “Luka-luka!” sagot niya.

        Sinulyapan ni Odette si Adan Amor.

        “May tipo nga naman,” sabi nito. “Baka siya na ang iyong hinihintay na mysterious stranger.”

        “Tama ka na nga, Odette,” natatawang iling ni Lorraine. “Huwag mo akong gatungan at kanina pa ako natutuliro.”

        Natawa na rin nang tuluyan si Odette.

        “O di umamin ka rin,” sabi nito. “Mabuti ka pa, may na-meet nang prospect. Wala ba siyang kasamang kaibigan?”

        “Hay naku, it’s not that simple,” pabuntonghiningang sagot ni Lorraine. “Kanina ko pa nga siya iniiwasan, e.”

        “Bakit naman?” tanong ni Odette. “You’ve been waiting for someone like him all these years, hindi ba?”

        “Akala ko rin noon, handang-handa na ako sa lalaking tulad niya,” sagot ni Lorraine. “Pero hindi pala. Natuturete ako pag kaharap ko siya. Nakaka-conscious. Nagmumukha tuloy akong tanga.”

        “Akala mo lang iyon,” salo ni Odette.

        “He’s a man of the world, Dette,” paalala niya sa kaibigan. “Samantalang ako, probinsiyana. Kahit pa sabihing highly-educated nga ako, neneng-nene pa rin ako sa paningin niya. Baka nga natatawa  lang siya sa akin, e.”

        “On the other hand, ibang-iba ka rin sa mga babaing nakakahalubilo niya sa Maynila,” sagot ni Odette. “Hindi ba lagi nating nababasa na naghahanap din ang mga sophisticated men ng mga babaing simple lang?  That’s your ace, my dear. Gintung-ginto ka sa kanya precisely because you’re a probinsiyana.”

        “Ganoon ba ‘yon?” tanong ni Lorraine.

        “Hay, naku, kung mawawalan ka ng self-confidence, wala na ngang mangyayari,” iling ni Odette. “Sayang naman itong pagkakataong ito. Kailan ka pa kaya uli maa-attract sa isang lalaki? Ni hindi ka nga nagkaka-crush sa mga binatang taga-Paraiso. Pagbigyan mo naman ang sarili mo. Go for it.”

        “Pero paano?” tanong ni Lorraine.

        Si Odette naman ang napabuntonghininga.

        “Naku, sa bagay na iyan, you’re on your own,” sagot nito. “Ako pa ang tinanong mo, e, pareho naman tayong panay pagbabasa lang ang alam.”


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento