Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Biyernes, Abril 21, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Lorraine Chapter 5

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 5

 

KATULAD ng madalas mangyari sa mga pagtitipon sa Paraiso, ang nagsimula nang pananghalian ay umabot na hanggang hapunan. Alas-nuwebe na nang gabi nang makauwi si Lorraine.

        Sa kabila ng pinag-usapan nila ni Odette, iniwasan pa rin niya si Adan Amor nang buong maghapon hanggang gabi. Hindi pa rin kasi niya alam kung paano ito pakikiharapan.

        Nang magpaalam na ay binulungan siya ni Irene.

        “Hindi mo ba nagustuhan ang sorpresa namin?” tanong nito.

        “A-ano’ng hindi nagustuhan?” sagot niya.

        “Napansin kong iniiwasan mo si Adan,” sabi ni Irene.

        “Naiilang ako sa kanya, e,” amin ni Lorraine. “Akala ko kasi talaga, babae si Dana Amor. Iyon pala, lalaking-lalaki.

        Natawa si Irene.

        “Mas nakakakilig nga, hindi ba?” panunukso pa nito.

        Namula si Lorraine.

        “Nailang din ako kina Kuya,” amin pa niya. “Alam mo naman ang mga iyon. Masyadong protective.”

        “Bakit ba? Dalaga ka naman at binata si Dan,” sagot ni Irene. “Naku, kaya tumatandang binata ‘yang mga kuya mo, e. Hayaan mo nga sila.”

        “Ikaw, ha?” natatawang sabi ni Lorraine. “Inirereto mo yata ako.”

        “Alam ko namang type mo si Dan, e,” diretsahan nang sabi ni Irene. “Nabasa ko yata ang mga nobela niya na paboritong-paborito mo, and he’s just exactly like his heroes. O, hindi ba?”

        “Kaya nga ako naiilang, e,” pabungisngis na sagot ni Lorraine. “Baka bigla na lang akong mag-swoon sa harap niya. Nakakahiya.”

        Bungisngisan na silang dalawa.

        Pagkatapos ay sineryoso na siya ni Irene.

        “Huwag kang mag-alala tungkol sa pagkatao ni Adan,” sabi nito. “He comes highly recommended. Good friend siya nina Kuya Bobby at Ate Francesca. Siguradong binata siya at mabuting tao.”

        “Kayo talaga,” iling ni Lorraine. “Para namang nakasisiguro kayo na magugustuhan ako no’ng tao.”

        “Aba, why not?” pahumindig na sagot ni Irene. “Ang ganda-ganda mo. Matalino ka pa at maabilidad. Masaya kang kasama’t kausap. Wala nang hahanapin pa sa iyo ang isang binata. Lalo na kung ikaw ang kanyang number one fan.”

        “Naku, iyon nga ang nakakahiya, e,” sabi ni Lorraine. “Bistado na niyang idol ko siya.”

        “Ano naman ang nakakahiya roon?” sagot ni Irene. “Gustung-gusto nga niya iyon, I’m sure. Just give yourselves a chance. Malay natin kung ano ang ma-develop.”

        “Ewan,” iling pa rin ni Lorraine.

        Pero siyempre, kinailangan uli niyang makaharap si Adan bago umalis.

        “I hope to see you again, soon,” sabi ng binata. “Papasyalan ko ang flower shop mo.”

        Nagulat si Lorraine kung paanong nalaman ni Adan ang tungkol sa kanyang shop, pero hindi na siya nagtanong.

        “Sige,” sagot na lang niya. “Kung nasa poblacion ka, just drop by.”

        Nang papasakay na siya sa van ay kinindatan pa uli si Lorraine ni Irene.

 

MADALING-ARAW. Ang pinakaabalang oras para sa flower farm. Doon kasi mismo direktang kumukuha ng mga bulaklak ang mga wholesaler na biyaherong paluwas sa Maynila. Alas-tres pa lang ay may namimili na.

        Palibhasa’y panay advance orders naman ang mga iyon na bayad na rin ng postdated check kay Lorraine, hindi na siya kailangang naroon pa sa ganoong oras ng umaga. Ipinagkakatiwala na niya sa mga well-trained na tauhan ang pag-aasikaso sa kanilang mga suki.

        Pero nang umagang iyon ng Lunes, talagang mas maaga kaysa dati dumating si Lorraine sa flower farm. Alas-singko’y medya pa lamang ay humimpil na ang kanyang sasakyan sa tapat ng kanyang cottage.

        Hindi kasi siya gaanong nakatulog ng magdamag. Iniisip niya pa rin si Adan Amor. Bumabalik-balik din sa kanyang alaala ang iba’t ibang eksena sa mga paborito niyang nobela. Iyon nga lamang, may tunay na mukha’t katawan na ang bidang lalaki. Si Adan. At siya naman ang bidang babae.

        “Hello, Kitten,” sabi niya nang salubungin ng kanyang alagang pusa.

        Kinalong niya ito bago siya naglakad nang patungo sa taniman. May namataan pa kasi siyang buyer.

        “Good morning ho, Mrs. Torres,” tawag ni Lorraine.

        “Good morning, iha,” sagot ng matanda. “Ang ganda-ganda mo naman kahit bagong gising. Iba na talaga ang batambata pa’t fresh na fresh.”

        Nagulat si Lorraine. Ang alam kasi niya’y puyat siya kaya’t dapat sana’y nangangalumata.

        “Naku, thank you ho,” sabi na lang niya sa matanda. “Kumusta naman ang flowers namin? Nagustuhan ba ninyo ang harvest?”
        “Top quality pa rin na tulad ng dati,” tango ng matanda. “Kaya nga ba talagang inaabangan ito ng mga suki namin sa Maynila. The best ang flowers n’yo.”

        “Mabuti naman ho at satisfied kayo sa produkto namin,” sabi ni Lorraine. “Talaga namang patuloy kaming nagsisikap para mapangalagaan ang mga bulaklak.”

        Nailulan na sa sasakyan ng matanda ang lahat ng order nito.

        “O, paano, lalakad na kami, Lorraine,” paalam ni Mrs. Torres. “Mahaba pa ang biyahe. Tinatanghali na nga kami, e.”

        “Sige, ho, ingat kayo,” sagot ng dalaga.

        Nang makaalis ang matanda ay binalingan niya ang kanyang pinakakatiwala  sa flower farm.

        “Manong Tobias, okay ba ang mga pick-up kanina?”

        “Walang problema, Lorraine,” sagot ng matandang lalaki. “Mayamaya lang,  ide-deliver na rin iyong mga para sa shop.”

        Sa flower shop naman kasi kumukuha iyong mga retail buyers nila na taga-Paraiso o karatig-bayan lamang. Doon na rin nagmumula ang mga order na flower arrangements.

        “Susunod na lang ako sa shop,” bilin ng dalaga. “Sina Lyn at Beng naman ang magbubukas doon. Sa cottage ho muna ako.”

        “Sige, ineng,” sagot ni Manong Tobias.

        Bumalik sila ni Kitten sa cottage.

        “Mag-almusal na muna tayo,” sabi niya sa pusa.

        Ipinaghain niya ito ng pagkain. Pagkatapos ay nagsalang siya ng brewed coffee para sa sarili.

        Habang hinihintay ang kape ay pinuntahan ni Lorraine ang kanyang Dana Amor collection. Iyon naman talaga ang ipinunta niya nang maaga sa cottage.

        Kinuha niya ang kauna-unahang libro ni Dana Amor na nabasa niya. Ang kauna-unahan ding libro na nasulat ni Adan.

        Hindi siya makapaniwalang disiotso lang ito nang isinulat ang nobelang iyon. Makailang ulit na kasi niya itong nabasa at kahit nitong nasa ganitong edad na siya’y naaantig pa rin siya sa kuwento.

        Napabuntonghininga si Lorraine habang hinahaplus-haplos ang libro.

        Iba talaga ang tama sa kanya ni Adan. Kahit kahapon lang niya ito nakaharap, pakiramdam niya’y napakatagal na nilang magkakilala.

        Sa kabilang banda, may pakiramdam din siya na ito ang tipo ng lalaki na kahit makasama niya nang habambuhay ay hindi pa rin niya lubos na makikilala. Hindi pa rin niya ganap na matatantiya.

        Hindi nga yata niya kaya ang isang lalaking tulad ni Adan. Hanggang pantasya na lamang niya ito.

        Mabigat ang loob ni Lorraine nang ibalik niya sa bookcase ang libro.

        Isinalin niya ang kanyang kape sa tasa at mabilis na inubos.

        Nang matapos kumain si Kitten ay nilinis na niya ang pinagkanan nito bago siya nagpaalam. Magpapakaabala na lamang siya sa flower shop. Bakasakaling mawala ang kanyang pagkabalisa.

       

NAGING abala nga si Lorraine nang buong umaga. Inayos nila nina Lyn at Beng ang mga regular orders na flower arrangements para sa mga restaurant at travel lodge ng Paraiso. May ilan ding order para sa mga pribadong bahay. May isang pang-birthday greeting. At siyempre, ang pang-araw-araw na libreng offering nila sa simbahan.

        Pero gamay na gamay na nilang tatlo ang mga regular orders na iyon. Iisa lang naman ang pumasok na call-in order – iyon ngang pang-birthday. Ni hindi sila nataranta o nagahol sa oras.

        Alas-onse pa lang ay wala na silang ginagawa.

        “Wala ba tayong puwedeng ihandang ribbons man lamang?” tanong ni Lorraine.

        Kapag kasi may naka-schedule silang malaking order sa mga susunod araw – tulad ng kasalan o debut – ay maaga nilang sinisimulan ang paggawa ng satin ribbons na ikinakabit sa mga bulaklak.

        “Next week pa iyong susunod nating kasalan, Ate,” paalala ni Lyan. “Baka mapipi lang ang mga ribbon kung gagawin na natin agad.”

        “Oo nga,” tango rin niya. “Bored lang kasi ako. Naghahanap ako ng gagawin.”

        “Mag-cottage ka na lang muna, Ate,” sabi ni Beng. “Kami na ang bahala rito.”

        “Siguro nga,” sagot niya. “Mag-aayos na lang muna ako sa cottage.”

        Bumalik nga siya kay Kitten.

        “Heto na naman ako, baby,” sabi niya sa pusa. “Hindi malaman kung saan susuling.”

        Ang pinagbalingan niya ay ang paglilinis ng bahay. Inilabas niya ang vacuum cleaner at sinimulang suyurin ang lahat ng sulok ng cottage.     Sa unang pag-andar pa lamang ng maingay na appliance ay tumalilis na si Kitten para magtago sa hardin. Galit na galit talaga ito sa ingay ng vacuum cleaner.

        Nilinis din ni Lorraine ang kusina at banyo. Iniskoba ang lahat ng tiles.

        Para makumpleto ang general cleaning, pinalitan niya ang lahat ng kurtina, seat covers, throw pillow cases at pati na rin beddings kahit bihira naman niyang magamit ang kanyang daybed.

        Inilagak niya sa likod ng jeep ang mga labahin para maiuwi sa malaking bahay at doon na palabhan.

        Pagkatapos ay naglunoy si Lorraine sa bathtub.

        Mag-aala-una na nang matapos siyang maligo’t makapagbihis. Wala siyang ganang kumain kaya isang bread toast lang ang kanyang naging pananghalian.

        Sa kabila ng lahat ng kanyang ginawa, naroon pa rin ang kanyang pagkabalisa.

        “Dito ka muna, Kitten,” sabi niya sa kanyang pusa. “Maglalakad-lakad lang ako.”

        “Ngiyaww...” daing ng kanyang alaga.

        “Stay here,” ulit ni Lorraine.

        Sumunod pa rin ang pusa hanggang sa hangganan ng hardin. Pero nang makita nitong hindi siya sa flower farm patungo ay hindi na ito humabol pa. Takot din itong gumala sa hindi nito kabisadong lugar.

        Ang tinungo kasi ni Lorraine ay ang gawing likuran ng kanyang cottage. Patungo na iyon sa lupain ng mga Romales.

        Ni walang bakod sa pagitan ng lupa nina Lorraine at ng mga Romales. May mga mohon lang na siyang nagtatakda ng hangganan ng bawat farm.

        Hindi na rin naman pinapansin ng mga Romales ang gawing iyon ng farm ng mga ito. Medyo masukal na kasi ang bahaging iyon. Kaya nga naging paborito iyong pasyalan ni Lorraine noong nagsisimula pa lamang siyang magdalaga at madalas maghanap ng pribadong lugar na kung saan siya maaaring mapag-isa.

        May nadiskubre siyang napakagandang pahingahan sa sulok na iyon ng lupain ng mga Romales.

        Mayroong isang maliit lang na sapa na tumutulay sa maraming farm sa Paraiso. Hindi sapat ang tubig nito para gawing patubig sa mga pananim. Kaya nga hindi na ito napapansin. Nagiging tambayan na lang ng mga bata sa ilang lugar.

        Ang bahagi ng sapa na nasa sulok na nadiskubre ni Lorraine ay nakakubli sa lahat. Napapaligiran kasi itong malalagong punong kawayan.

        Pero sa likod ng mga kawayan, ang maliit na sapa ay nagkaroon ng parang maliit na dam. Isang mistulang pambatang swimming pool na halos bilugan – mga tatlong metro kuwadrado sa pinakamalapad na bahagi – ang nalikha ng kalikasan.

        Mga apat na talampakan din ang lalim ng tubig. Tamang-tama lang sa paglulunoy.

        Walang pinagsasabihan si Lorraine sa lugar na ito hanggang ngayon. Noong araw, kapag bumabalik siya sa farm nila na basa ang buhok, sinasabi lang niyang naglaro siya sa sapa. Buong akala ng lahat ay doon siya naglaro sa bahagi ng sapa na nasa kinasasakupan nila.

        Maging nitong dalagang-dalaga na siya ay madalas pa ring mamasyal si Lorraine sa kanyang secret spot. Ito nga ang naging dahilan kung bakit itong bahaging ito ng farm ang pinili niya nang maghatian na silang magkakapatid sa lupa. Kaya naman dito nailagay ang kanyang flower farm at dito rin siya nakapagpatayo ng cottage.

        Kahit na may sarili na siyang cottage ay iba pa rin ang kaligayahang naidudulot sa kanya ng kubling bahaging ito ng sapa. Sa sarili nga niya’y itinuturing niya ito na isang private resort.

        Tinungo ni Lorraine ang sapa sa pag-asang makakalma rito ang kanyang pagkabalisa.

        Kahit kapapaligo lang niya’y handa siyang maglunoy uli sa tubig. Sa lugar na ito ay hindi siya takot na lumusong nang nakapanloob lamang. Iniiwan niya sa batuhan ang kanyang damit. Wala naman kasing makakakita sa kanya. At dahil malapit lang ang kanyang cottage, nakakauwi siya agad para magbanlaw at magbihis.

        Kabisadung-kabisado na ni Lorraine ang kanyang patutunguhan kaya halos awtomatiko na ang kanyang mga hakbang. Ang isip naman niya’y lumilipad pa rin.

        Nasa batuhan na siya sa gilid ng sapa nang maalimpungatan si Lorraine.

        May tao. May tao sa sapa.

        May lalaking nakatayo sa gilid ng sapa. Nakatalikod sa kanya. Hubad.

        Sa pagkabigla’y hindi nakakilos o nakakibo man lang ang dalaga.

        Pero napakiramdaman yata ng lalaki ang kanyang pagdating. Humarap ito.

        Namilog ang mga mata ni Lorraine.

        Narinig na lamang niya ang kanyang sarili na tumitili. Pagkatapos ay nagdilim na ang kanyang paningin.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento