Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Biyernes, Abril 21, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Lorraine Chapter 6

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 6

 

NANG magmulat siya ng mga mata’y napatunayan ni Lorraine na hindi siya nagpapantasya lamang. Si Adan nga ang nakatunghay sa kanya.

        Imposibleng nananaginip lang siya dahil nararamdaman pa niyang nababasa siya ng tubig na mula sa buhok nito’t katawan.

        Saka lang napansin ni Lorraine na nakahimlay siya sa mga bisig ni Adan. Na ang likod niya’y sinusuportahan ng nakaluhod nitong mga binti.

        “Lorraine... okay ka na?” nag-aalalang tanong ng binata.

        Napakalapit ng mukha nito sa mukha niya. Sa pagsasalita nga nito’y nararamdaman na niya ang mainit nitong hininga.

        Ayaw pa sanang magbalik ng dalaga sa reyalidad. Mas masarap isipin na isa pa rin itong pantasya. Na puwede niyang iyakap ang kanyang mga bisig sa leeg ni Adan para kabigin itong mas papalapit. Kaysarap sigurong mahagkan ng mga labi nito.

        “Lorraine... naririnig mo ba ako?” tanong ng binata.

        Napakurap na si Lorraine.

        “A-anong ginagawa mo rito?” bulalas niya.

        “Iyan nga rin ang itatanong ko sa iyo, e,” sagot ni Adan. “Pero teka muna, medyo alanganin yata itong puwesto natin.”

        Napansin ni Lorraine, hubad nga pala ang dibdib na kanyang kinasasandalan. Bigla niyang naalala – hubad nga pala ang lalaking nakita niya sa gilid ng sapa.

        Napaigtad ang dalaga.

        Inalalayan siya ni Adan nang patayo. Patalikod dito.

        “Huwag ka munang iikot,” sabi nito. “Magbibihis lang ako.”

        Pulang-pula ang mukha ni Lorraine. Parang nakaukit pa sa kanya ang alaala ng nakita niya kanina bago siya nawalan ng malay.

        Kumpletong-kumpleto ang kanyang nakita. Una’y nakatalikod. Pagkatapos ay nakaharap.

        Ngayon lang siya nakakita ng lalaking walang saplot sa katawan. Nakapanlalambot pala ng tuhod.

        Paano pa kaya niya matitingnan nang diretso si Adan gayong mananatiling nakakintal sa kanyang isipan ang hubad na larawan nito?

        “Pasensiya ka na,” sabi ng binata mula sa kanyang likuran. “Akala ko kasi, walang pumupunta rito. E ang linaw-linaw ng tubig. Naakit akong lumusong. Wala naman akong dalang swimming trunks. Kaysa mabasa itong damit ko, I decided to go all the way.”

        Hindi pa rin makakibo si Lorraine.

        Narinig niya ang tunog ng zipper na isinasara. Napalunok siya.

        “Puwede ka nang umikot,” sabi ni Adan pagkaraka.

        Dahan-dahan pa rin ang ginawa niyang pagharap dito. At sa lupa pa rin nakatutok ang kanyang mga mata.

        “Huwag kang mag-alala, disente na ako,” natatawang sabi ng binata.

        Napilitang mag-angat ng paningin si Lorraine.

        Nakabihis na nga si Adan. Pantalong maong at t-shirt na asul na walang kuwelyo. Sandalyas. Backpack.

        “S-sorry, ha?” sabi ni Lorraine. “Hindi ko rin kasi akalaing may tao pala rito. Dati, ako lang ang nakakaalam sa lugar na ito, e.”

        “Secret spot mo pala ito,” sagot ni Adan. “I’m sorry if I tresspassed. Sakop na ba ito ng farm ninyo? Akala ko, sa kabila pa kayo.”

        “Sa kabila pa nga,” sagot niya. “Pero ilang metro na lang mula rito. This is actually still within Romales lands. Trespasser din ako.”

        “Sa pagkakaalam ko naman, hindi uso ang salitang trespassing dito sa inyo,” sabi ni Adan. “Binigyan nga ako ng mga tagarito ng permisong mag-explore kahit saan. Actually, iyon ang ginawa ko kanina. Naglakad-lakad ako. Naisip kong mag-shortcut sa farm ng mga Romales patungo sa flower farm mo. Binigyan ako ni Ding ng mapa, e. Makikiusyoso lang sana ako. Pero nang makita ko itong sapa, nasabit na ako.”

        “Mahirap naman talagang i-resist itong lugar na ito,” sagot ni Lorraine. “Ilang taon ko nang pinangalagaan itong sikretong ito kahit wala akong karapatan dito. Siguro nga, it’s about time na may makadiskubre na ring iba.”

        “Huwag kang mag-alala. Hindi ko ito ipagsasabi,” pangako ni Adan. “I’ll keep your secret the way you’ll keep mine. Patas lang tayo.”

        “S-sige, maiwan na kita,” paalam ni Lorraine.

        “Teka, akala ko ba’y naparito ka para maligo sa sapa,” sabi ni Adan.

        “Sa susunod na lang,” sagot niya.

        Napangiti ang binata.

        “Wala kang dalang swimsuit,” pansin nito. “Unless naka-swimsuit ka na sa loob ng shirt at shorts mo. Ibig sabihin ay balak mo rin sanang gawin ang ginawa ko, right?”

        Namula si Lorraine.

        “Of course not,” sagot niya. “Hindi naman ako ganoon, ano.”

        Natawa na nang tuluyan si Adan.

        “Bakit naman parang eskandalung-eskandalo ka?” sabi nito. “What’s wrong with shedding your clothes kung may privacy naman? Ibig mong sabihin, lumulusong ka sa sapa with all your clothes on?”

        Nagkibit-balikat si Lorraine. Ayaw niyang amining nakapanloob lang siya kapag lumulusong sa tubig. Hindi na baleng magmukha siyang masyadong konserbatibo.

        “Sige, uuwi na ako,” paalam uli niya.

        “Pupuwede ba akong sumabay?” tanong ni Adan. “Like I said earlier, patungo talaga ako sa flower farm mo.”

        “S-sige,” napilitang isagot ni Lorraine.

        “Naibida na sa akin ni Irene ang tungkol sa business mo,” sabi ng binata habang naglalakad sila. “Alam mo, impressed ako. Iyong iba kasing katulad mo na ipinanganak sa may kayang angkan, nakukuntento nang maging socialite na lang. Hindi na nakakaisip na magtayo ng sariling business.”

        “Hindi naman kami ganoon kayaman,” sagot ni Lorraine. “Parang malaki lang kung titingnan ang mga lupaing ito pero hindi naman humahakot ng pera. Ako, itong taniman lang ng mga bulaklak ang share ko sa lupa. Itong flower business ko lang talaga ang matatawag kong kayamanan. Isa pa’y wala namang mga socialite dito sa Paraiso,” dagdag niya. “Kahit na iyong mga babaing maykaya at full-time housewives, laging may pinagkakaabalahang makabuluhan. Hindi lang panay sosyalan.”

        “I’m beginning to like this town more and more,” sabi ni Adan.

        Narating nila ang cottage ni Lorraine.

        “Ito ba ang sinasabi ni Irene na cottage mo?” tanong ni Adan. “It’s so pretty.”

        “Naikuwento na yata ni Irene sa iyo ang lahat-lahat tungkol sa akin,” hindi napigil sabihin ni Lorraine.

        “Does that bother you?” tanong ni Adan. “Kasalanan ko. Tanong ako nang tanong sa kanya, e. I was curious about my number one fan.”

        Sumalubong sa kanila ni Kitten. Pumulupot sa mga binti ni Lorraine.

        Kinarga niya ang alaga.

        “Ito si Kitten, I suppose,” sabi ni Adan.

        Natawa nang tuluyang si Lorraine.

        “Ito nga,” sagot niya.

        “At iniregalo siya sa iyo ni Irene kasabay ng blessing nitong cottage,” dagdag ni Adan.

        “Ganyan ba talaga ang mga writers?” tanong ni Lorraine. “Tsismoso?”

        Natawa si Adan.

        “Saan pa nga ba ako makakakuha ng ideas na pinagtatagni-tagni ko sa aking mga scripts at nobela kung hindi sa real life?” sagot nito. “Kailangan talagang maging usisero ako at super-observant sa lahat ng bagay.”

        “At gusto mo ngayong usyusohin ang flower farm,” sabi ni Lorraine habang muling ibinababa ang kargang pusa. “Halika, doon tayo sa taniman.”

        Sadyang inilayo niya si Adan sa cottage. Mas ligtas ang kanyang pakiramdam kung nasa labas sila.

        Malas lang niya na nagkataong wala na ang mga tauhan nilang nag-aasikaso sa mga bulaklak. Nakauwi nang lahat. Hindi naman kasi dinidiligan o ginagalaw ang mga pananim kapag ganoong kainitan ng araw sa hapon. Tuloy, dadalawa lang silang nag-ikot sa halamanan.

        “Panay roses lang ba ang itinatanim n’yo?” tanong ng binata.

        “Itong area na ito, panay roses,” sagot niya. “Sa banda roon, mayroong daisies, carnations at iba pang mga bulaklak.”

        “How about tulips?” tanong ni Adan. “Mahal iyon, hindi ba?”

        “Pinag-aaralan pa namin ang pag-grow ng tulips,” sagot ni Lorraine. “Tinutulungan nga kami ni Ding sa research. Alam mo bang agriculturist siya?”

        Tumango si Adan.

        “Oo nga pala,” sabi ni Lorraine. “Kung naging curious ka tungkol sa akin, di lalo na siguro sa iyong mga hosts. I suppose pupuwede ka nang magsulat ng autobiography nina Irene at Ding.”

        “A, oo,” may pagmamalaking sagot ni Adan. “Alam ko na nga ang tungkol sa inyong Lola Irenea at sa Lolo Arcadio ni Ding, e. Iyong dati silang magnobyo na hindi nagkatuluyan. Pero binuo  naman nina Irene at Ding ang naunsyami nilang love affair.”

        “Pati ‘yon?” gulat na sambit ni Lorraine. “Naku, para ka palang investigative reporter.”

        “Huwag ka nang mahiya, diretsahin mo na ako,” tumatawang sabi ni Adan. “Baka mas gusto mong sabihin na para akong showbiz reporter.”

        “Ikaw ang nagsabi niyan, hindi ako,” natatawa ring sagot ni Lorraine.

        Inikot nila ang kabuuan ng taniman ng mga bulaklak. Panay ang tanong ni Adan. Kung anu-ano. May tungkol sa flower business. Maraming tungkol sa bayan ng Paraiso.

        Napanatag ang loob ni Lorraine. Naisip niyang talagang nangangalap lang ng impormasyon ang binatang manunulat.

        Nang makabalik sila sa harap ng cottage ay kapwa na sila pawisan. Humugot si Adan ng malapad na panyo mula sa bulsa ng dalang backpack. Ipinunas iyon sa mukha at leeg.

        Nangibabaw ang kabutihang asal kay Lorraine.

        “Halika, mag-iced tea muna tayo,” anyaya niya sa binata.

        “That sounds good,” sagot naman nito.

        Pagpasok ni Lorraine sa cottage ay sumunod si Adan sa loob. Nahiya na tuloy siyang magsabing sa front porch na lang ito maupo.

        “Maupo ka muna,” sabi na lang niyang itinuturo ang sofa sa salas. “Kukunin ko lang ang drinks natin.”

        Pero sa halip na maupo ay nagtuloy ang binata sa may bookcase. Sa mismong kinaroroonan ng kanyang Dana Amor collection.

        “Totoo nga pala,” sabi nito. “Kumpleto ka sa mga libro ko.”

        Tumuloy na si Lorraine sa may refrigerator para maitago ang pamumula ng kanyang mukha. Naging abala siya sa pagtitimpla ng iced tea.

        Inisa-isa naman ni Adan ang mga titulo ng pocketbooks na nasa estante. Parang sinisigurong kumpleto ngang talaga.”

        “Here’s your drink,” sabi ni Lorraine habang iniaabot ang mataas na baso sa binata.

        Nang kunin iyon ni Adan ay saglit na nagdikit ang kanilang mga daliri. Patay-malisyang binawi agad ng dalaga ang kanyang kamay.

        Kinuha niya ang kanyang inumin at siya na ang naupo sa sofa.

        “Aling nobela ko ang paborito mo?” tanong ni Adan.

        “H-ha?” natatarantang sagot ni Lorraine. “A... marami, e.”

        May paborito siya pero hindi niya kayang aminin. Masyado kasing sexy ang love scenes sa nobelang iyon.

        “Personal favorite ko ang Diwata,” sabi ni Adan.

        Lumipad ang tingin ni Lorraine sa mukha ng binata. Iyon kasi mismo ang nobelang nasa sa isip niya.

        Nangiti si Adan.

        “Gusto mo rin ‘yon?” tanong nito sa tonong alam na ang kasagutan.

        “Lahat naman ng mga nobela mo, gusto ko,” mabilis na pagtatakip ni Lorraine.

        Lumapit si Adan sa sofa at naupo sa tabi niya.

        Nagsisi si Lorraine na hindi siya sa armchair naupo. Huli na para lumipat pa siya. Masyado nang obvious na naduduwag siyang mapalapit sa binata.

        “May napapansin yata ako,” sabi ni Adan. “Embarassing ba para sa iyo na umamin na nagbabasa ka ng nobela ko?”

        “H-ha?” sagot ni Lorraine.

        “Malaswa ba ang mga nobela ko?” tanong pa ni Adan.

        “Of course not,” mabilis niyang sagot. “Magugustuhan ko ba ang mga iyon kung malaswa?”

        “Exactly,” tango ni Adan. “Kaya nga natutuwa akong malaman na isa ka sa mga loyal readers ko, e. Napatunayan kong ang taste ko pala sa pagsusulat ay katugma ng taste ng isang babaing katulad mo – young, highly educated, reserved and very beautiful.”

        Namula si Lorraine.

        Flattered siya sa mga tinuran ng binata. Pero ano naman kaya ang kinalaman ng pagiging ‘beautiful’ daw niya sa taste niya sa nobela?

        “I’m sure, you’re also very sensitive,” pagpapatuloy ni Adan. “Very emotional. Very private.”

        Napabuntonghininga si Lorraine. Nagbaba ng paningin. Tugmang-tugma kasi ang mga sinasabi ng binata sa kanyang personalidad. Nako-conscious tuloy siyang lalo.

        “Ikaw na ikaw ang bidang babae sa mga nobela ko,” pagtatapos ni Adan.

        Napatingin uli siya sa binata.

        Nakatitig si Adan sa kanya. May kakaibang emosyong nasasalamin sa mga mata nito.

        Sa titig ni Adan, nadama ni Lorraine kung paano ang sambahin at panabikan. Nakalalasing pala ang ganoong pakiramdam. Hindi tuloy niya naitago ang katugong damdaming nasasalamin din sa kanyang mga mata.

        Natagpuan na lamang nila ang kanilang mga sarili na unti-unting lumalapit sa isa’t isa. Hanggang sa ganap na magpang-abot ang kanilang mga labi.

        Pumikit si Lorraine. Nagpaubaya. Iyon lang naman ang alam niyang gawin.

        Masuyo ang unang mga halik  na idinampi ni Adan sa nakapinid niyang mga labi. Parang mga halik sa isang pinakamamahal na sanggol.

        Kayang suklian ni Lorraine ang ganoong halik. Ang ganoong pagsuyo. Tumugon siya.

        Sa kanyang pagtugon ay nadiskubre niyang habang tumatagal ay nagbabago ang kanyang pakiramdam. Nadadarang siya. Nag-iinit. Kinakapos ng hininga.

        Ganoon din marahil ang nadarama ni Adan dahil naging mas mahigpit ang pagkakayakap nito sa kanya. At naging mas mapangahas ang mga labi ng binata.

        Sinuyo nito ang kanyang mga labi hanggang sa kusa niya itong ibuka. Mula roon ay dahan-dahang sinakop ni Adan ang kanyang bibig. Nilaro. Tinukso.

        Hindi nagtagal at natutunan din ni Lorraine ang larong iyon. Hanggang sa pati siya ay nangangahas na ring manakop sa bibig ng binata.

        Para silang naghahabulan. Nagtataguan. Naging malikot at maharot ang pinagsasaluhan nilang mga halik.

        Hindi nila napansing bahagya na silang nakahiga sa sofa. Nakapailalim si Lorraine. Nasa itaas si Adan.

        Nagselos si Kitten kaya bigla itong tumalon sa lkod ng binata, kasabay ang malakas na ngiyaw.

        Nagulantang ang dalawa. Naghiwalay ang mga labi.

        At kapwa sila nabalik sa reyalidad.

        Kapwa nangangatal.

        Si Adan ang unang naupo nang maayos. Inalalayan nito si Lorraine.

        Hiyang-hiya ang dalaga. Hindi niya malaman ang gagawin.

        Si Adan pa ang humawi sa nagulo niyang buhok na bumagsak na’t tumabing sa kanyang mukha. Ito pa ang nag-ayos sa nagkalukut-lukot niyang blusa.

        Pagkatapos ay muli siya nitong hinaplos sa pisngi.

        “I think I better go now,” masuyong paalam ng binata.

        Tango lang ang kaya niyang isagot.

        Isa pang mabining halik ang iginawad nito sa kanyang pisngi bago tumayo.

        “Take care of her, Kitten,” bilin pa nito sa pusang nagsumiksik sa kanyang tabi.

        At lumabas na ng cottage si Adan.

        Naiwang nakatulala si Lorraine.

        Ganoon pala ang mahagkan. Nararamdaman pa niya ang parang kuryenteng rumaragasa sa kanyang buong pagkatao hanggang sa kadulu-duluhan ng kanyang mga daliri. Habol pa rin niya ang kanyang paghinga.

        Hinagkan siya ni Adan. Nadama niya ang pagsamba sa mga mata nito. Ng mga labi. Ng bibig. Nadama niya kung paanong mabihag sa makapangyarihan nitong mga bisig.

        Gusto siya ni Adan.

        Sa kabilang banda’y may gumugulo sa isip ni Lorraine. Hindi ba napakabilis naman yata ng mga pangyayari? Kahapon lang sila nagkakilala. At ni hindi siya nililigawan ni Adan Amor. Paanong naganap agad ang naganap kanina?

        Para siyang nagpatangay sa isang ipu-ipo. Wala siyang kontrol.

        Ito na nga ba ang kinatatakutan niya. Hindi niya kayang panghawakan ang kanyang sarili sa harap ni Adan.

        May isang bahagi ng utak niyang nagsasabi na mali ang naganap kanina. Dapat siyang magalit. Dapat niyang pagsisihan. Ano na lang ang sasabihin ng mga makakaalam?
        Pero agad ding kumukontra ang puso ni Lorraine. Alam niya ang totoo. Hindi siya nagsisisi na naganap ang naganap sa pagitan nila ni Adan. Isa iyong napakagandang karanasan. Napakatamis na alaala.

        At bakit siya magagalit? Hindi naman siya pinuwersa ni Adan. Nagpatangay man siya’y sa sarili rin niyang damdamin. Sa sarili niyang kagustuhan.

        Pero bitin siya. Hindi niya alam kung ano ang kahulugan ng naganap sa kanila. Wala namang bintiwang salita si Adan.

        Paano na ngayon? Magkaanu-ano na ba sila? Ang ibig bang sabihin ng halik na iyon ay magnobyo na sila? Ganoon ba sa Maynila?

        Litung-lito si Lorraine.

        Pero nakakasiguro siya. Lalong tumindi ang kanyang nadarama para kay Adan.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento