Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Biyernes, Abril 21, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Lorraine Chapter 8

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 8

 

INARAW-ARAW na ni Adan ang pagdalaw sa bahay nina Lorraine. Sa malaking bahay.

        Lagi itong dumarating nang pagkatapos nilang maghapunan, bandang alas-otso. May bitbit na matamis.

        Abut-abot tuloy ang panunuksong natatanggap ni Lorraine.

        Pero magaan ang loob ng pamilya niya kay Adan. Kasundo ito ng lahat sa kuwentuhan.

        Hindi rin inaasahan ni Lorraine na makakagaanan niya ng loob si Adan sa kanilang gabi-gabing kuwentuhan ng kung anu-ano lang. Kung minsa’y kababawan. Kung minsa’y tungkol sa buhay-buhay. May panahon pa ngang nadadako sila sa usaping pampulitika o pilosopiya.

        Pero wala silang napag-uusapan tungkol sa kanilang dalawa. Kung ano ba itong namamagitan sa kanila. Kung saan sila patungo.

        Ni hindi nila napag-uusapan ang kanilang patuloy na lihim na pagtatagpo sa cottage at sa sapa.

        Doon, hindi alam ng dalaga kung kailan basta na lang susulpot si Adan. Kung minsan, dalawang araw ang lumalampas bago ito dumarating uli. Kung minsan, tatlo.

        Basta’t kapag naroon si Adan, walang ipinagkakait si Lorraine. Ang nakapagtataka’y hindi pa rin siya inaangking ganap ng binata.

        May nabago lang sa kanilang ginagawa. Pagbabagong si Lorraine ang naglakas-loob na nagsimula.

        Kababalik lang nila noon sa cottage mula sa sapa. Sa kusina sila nagtuloy. At doon, muli siyang hinubdan ni Adan.

        Inihiga siya sa mesa. Hinaplos. Sinuyo sa buong katawan. Sinamba ng mga palad, daliri at bibig. Hanggang sa muli’t muli na naman siyang nawala sa sarili. Muli’t muling naihatid sa kaganapan.

        Nang siya na mismo ang nakiusap na hindi na niya kaya, niyakap siya ni Adan. Kinuha nito ang isa niyang kamay at ipinatong sa umbok nito sa pantalon. Ganoon lang.

        Si Lorraine na ang gumawa ng sunod na hakbang. Kahit nangangatal pa ang kanyang buong katawan ay maingat siyang  bumangon. Lumuhod siya sa harap ni Adan at dahan-dahan niyang hinubdan ito ng pantalon at panloob.

        Nang gawin niya sa binata ang katugma ng madalas nitong gawin sa kanya, naramdaman ni Lorraine ang kapangyarihang makapagdulot ng kaganapan. Ibang klase rin pala ang luwalhati sa sandaling madama niyang naabot na ni Adan ang sukdulan.

        May kakaibang tamis ang pinagsaluhan nilang halik pagkatapos niyon.

        At naging bahagi na iyon ng kanilang susunod pang mga pagniniig.

        Nang lumaon ay wala nang nadaramang pagka-guilty si Lorraine kaninuman. Ang katwiran niya, pribado naman ang kanilang ginagawa. Wala silang sinasaktan, tinatapakan o minomolestiyang tao.

        Iyong iba niyang mga manliligaw ay isa-isa na niyang tinapat na walang maaasahan mula sa kanya. Ginawa niya ito noon pang pagkatapos na may mamagitan sa kanila ni Adan sa sapa sa kauna-unahang pagkakataon. Kahit walang nakakaalam sa pangyayari ay ayaw pa rin niyang manlinlang ng kapwa. Hindi na siya ang Lorraine na dating kilala ng kanyang mga manliligaw na kababata.

        Kung ano man ang kahinatnan niya pag-alis ni Adan ay pansariling problema na niya. Wala nang pakialam ang sinuman.

        Basta’t masaya siya ngayon. Masaya sila.

        Sa paglipas ng mga araw, kahit wala silang depinido o pormal na pag-uusap tungkol sa kanilang estado ay naging kumportableng-kumportable na sina Lorraine at Adan sa isa’t isa.

        Sa kanilang mga lihim na pagtatagpo ay lagi silang excited. Parang nasa honeymoon. Hiwalay sa mundo. May sariling reyalidad.

        Kapag naman dumadalaw si Adan sa malaking bahay nina Lorraine o kinukumbida siya ng binata na kumain sa isa sa mga restaurants sa Paraiso, para lang silang karaniwang dalaga’t binata. Ang alam ng lahat ay masugid niyang manliligaw si Adan.  Na malaki ang pag-asa.

        Hindi na naiilang si Lorraine sa binata. Hindi na niya  nararamdamang “hindi niya kaya” si Adan.

        Pero habang nagiging kumportable sila sa isa’t isa at sa kanilang kakatwang kalagayan ay para namang bumibilis ang pagdaan ng mga araw.

        Huling linggo na ni Adan sa Paraiso sa pagkakaalam ni Lorraine, batay sa sinabi noon ni Irene na isang buwan lang ito sa bayan nila.

        “Aalis ka na next week,” kunwa’y kampante lang na paalala niya sa binata minsang magkatabi silang nakalublob sa sapa.

        “Bakit naman pinaaalis mo ako?” sagot ni Adan.

        Nagtaka si Lorraine.

        “Iyon ang sabi ni Irene noon, hindi ba?” katwiran niya. “Isang buwan ka raw dito.”

        “That is, kung wala akong maisusulat na screenplay at nobela,” paliwanag ni Adan. “Otherwise, I’m supposed to stay indefinitely.”

        Nagkaroon ng pag-asa si Lorraine.

        “Ibig  mong sabihin, may maisusulat kang script at nobela?” tanong niya.

        “Of course,” sagot ng binata. “Sa ganda ba naman nitong Paraiso at sa inspirasyong ibinibigay mo sa akin, wala akong maisusulat?”

        “Then you’ll be staying indefinitely,” paniniguro ni Lorraine. “At least, hanggang matapos mo ang mga isinusulat mo.”

        “Definitely... indefinitely,” nakangiting sagot ni Adan. “Puwede ngang... for good. Parang masarap yatang magkabahay dito.”

        “Ikaw? Nag-iisip na magkabahay?” gulat na ulit ni Lorraine. “Parang out of character yata.”

        “We’ll see,” misteryosong sagot ng binata bago siya kinabig at niyakap at hinagkan nang buong tamis.

        Ganoon na lang ang tuwa ni Lorraine kahit patuloy pa rin niyang pinagsasabihan ang kanyang sarili na huwag umasa. Na maging handa sa anumang oras. Maaari pa ring magpasya nang biglaan si Adan. Maaaring basta na lang mag-alsa-balutan.

        Sa pangalawang buwan ni Adan sa Paraiso, nangyari ang kinatatakutan ni Lorraine. Nagpaalam sa kanya ang binata.

        “Luluwas ako ng Maynila bukas,” sabi nito.

        “Bukas na agad?” hindi niya napigil na maibulalas.

        Sa kabila ng kanyang paghahanda, pakiramdam pa ring ng dalaga’y pinagsakluban siya ng langit at lupa.

        “Kailangan kong mag-submit ng nobela,” paliwanag ni Adan. “Hinihintay na ito ng publisher.”

        “Natapos mo na ang nobela?” dismayadong sabi ni Lorraine. “Iyong tungkol sa Paraiso?”

        “Iba ito,” sagot ni Adan. “Pero dito ko na rin ito nabuo’t naisulat. Mag-iiwan ako ng manuscript copy sa iyo. Sana magustuhan mo.”

        Hindi makangiti si Lorraine. Wala palang halaga sa kanya ang nobela ni Dana Amor kung ang katapat ay ang pag-alis naman ni Adan.

        “Kailangan ko rin kasing maipakita kina Bobby itong first draft ng screenplay ko,” paliwanag ni Adan. “Ito na ‘yung tungkol sa Paraiso. Pag-uusapan lang namin. Malamang, after three days, narito na uli ako.”

        Kamuntik nang mapasigaw si Lorraine sa tuwa.

        “Babalik ka rito?” sabi niya.

        “Oo naman,” sagot ni Adan. “Siyempre.”

        “A-akala ko kasi, tapos na ang lahat ng sinusulat mo,” pagdidisimula ng dalaga.

        “First draft pa lang itong screenplay,” sagot ni Adan. “Pag screenplay nakakailang revisions. Matagalang pagsusulat pa ito. Iba pa iyong romance novels ko. Iyon, talagang kailangan kong i-submit nang buwan-buwan. Pero hindi ko pa susulatin ‘yung romance novel na tungkol sa Paraiso hangga’t hindi nabubuo ang screenplay.”

        Parang nasinagan ng ilaw si Lorraine mula sa langit.

        Tinupad nga ni Adan ang pangako. Tatlong araw lang itong nawala. At sa pagbabalik nito, may dala pang mga pasalubong para sa kanyang pamilya. Puro pagkain.

        Siyempre, may pasalubong din si Adan para sa kanya. Sa harap ng kanyang mga magulang, ang ibinigay nito sa kanya ay mamahaling chocolates at pastries.

        Pero nang magkita sila sa cottage, may mga ipinasukat pa ito sa kanya – iba’t ibang sexy lingerie. Maikling nightie na wala na rin namang itinatago. May katernong mga panloob na mas nagpapakita kaysa nagtatakip sa mga kaselanan.

        “Ano ba naman ang mga ito?” natatawang sabi ni Lorraine habang iminumodelo ang bawat isa. “Pinagsuot mo pa ako, e, para rin namang wala.”

        Ang higit na nakapagpatawa kay Lorraine ay ang isinukat naman ni Adan para sa kanya. Iba’t ibang bikini briefs na may disenyong tulad ng leopard skin o zebra stripes.

        “O, sexy ba?” pabirong tanong ng binata.

        Tawa nang tawa si Lorraine.

        “Hubarin mo nga,” sagot niya. “Para sa akin, mas sexy ka pa rin kung wala ang mga iyan.”

        Pagkatapos niyon, hindi na natakot si Lorraine nang muli’t muling lumuwas nang Maynila si Adan. Lagi naman itong nagpapaalam at nangakong babalik.

        Sa lobo ng sumunod na tatlong buwan ay nakatatlong biyahe rin ang binata. Tigatlong araw lang din.

        Sa tuwing may matatapos na nobela si Adan, bago ito mag-submit sa Maynila ay ipinababasa muna iyon kay Lorraine. May iniiwan pang kopya sa kanya.

        At dahil alam na niyang hindi iyon kapalit ng pag-alis ng binata, ganoon na lang ang katuwaan ni Lorraine.

        “Biro mo, hindi na lang mga libro ni Dana Amor ang nasa koleksiyon ko ngayon,” sabi niya. “May original manuscripts pa.”

        “Hindi lang ‘yon,” sagot ni Adan. “You can honestly say na ikaw ang inspirasyon sa mga nobelang sinulat ko.  At kung gusto mo, ihilera mo na rin ako mismo diyan sa mga koleksiyon mo. I’m all yours.”

        Natawa si Lorraine.

        “Kung puwede nga lang ba kitang ilagay nang permanente sa display window, e,” sabi niya. “At sa ganyang ayos, ha? In your birthday suit.”

        “Basta ba ikaw lang ang titingin, e,” sagot ni Adan.

        “Ow? Bakit?” tanong ni Lorraine. “Shy ka ba? Akala ko, wala ka talagang inhibitions kahit kanino.”

        “Akala mo ganito ako sa lahat ng tao?” nakakunot ang noong sabi ni Adan. “Hindi, ha. Sa iyo lang.”

        “Sa akin lang?” hindi makapaniwalang ulit ni Lorraine.

        Napailing si Adan.

        “Mahina pa rin pala ako sa iyo.” Parang pagtatampo nito. “Wala ka pa ring tiwala sa sinasabi ko.”

        “Hindi naman,” agap ni Lorraine. “Iniisip ko lang kasi – kung ibabatay ko ba naman sa mga nasulat mo sa mga nobela mo, di ang lawak-lawak na talaga ng mga karanasan mo sa buhay.”

        “Hindi naman porke nasulat ko’y naranasan ko na mismo,” sagot ni Adan. “Iyon ba ang akala mo? How can I ever live up to that? Nabasa ko lang din ang marami sa mga iyon. Nakuha sa research – pero in theory lang, ha? Hindi in practice.”

        Gustong itanong ni Lorraine, “Kung ganoo’y ilan lang ba talagang babae ang nagdaan sa buhay mo? At ano ang ibig mong sabihin na sa akin ka lang ganito?”

        Pero hindi pa rin niya magawa. Wala siyang karapatang magtanong. At hindi niya yata gustong malaman ang sagot. Mas mabuti na iyong malabo na lang. Pupuwede pa niyang bigyan ng pinakamagandang kahulugan ang mga sinabi ni Adan. Iyong pabor sa kanya.

        Nang papatapos na ang ikaanim na buwan ni Adan sa Paraiso, saka muling kinabahan si Lorraine.

        “Final revisions na ba ang ginagawa mo sa iyong script?” tanong niya kay Adan isang hapong dumating ito sa cottage.

        “Sana nga,” sagot ng binata. “Gusto ko na ang version na ito, e. Naipasok na rin ang lahat ng input ni Bobby at ni Direk Manny.”

        “Di matatapos na pala,” matamlay na sabi ni Lorraine. “Pag na-finalize mo iyan, I’m sure sandali mo na lang gagawin iyong version na pangnobela. Mabilis ka namang magsulat ng nobela, hindi ba?”

        Tumango si Adan.

        “Mas magaan at mabilis ang pagsusulat ko magmula noong nakasama kita,” sagot nito.

        Napabuntonghininga si Lorraine.

        “Salamat naman na may nai-contribute pala ako sa buhay mo,” sabi niya. “Bakasakaling iyan ang laging makapagpaalala sa iyo ng tungkol sa akin.”

        “Hindi ko na kailangan ng pagpapaalala sa akin kung ikaw ang pag-uusapan,” pahayag ni Adan. “Sa palagay mo ba, pupuwede pa kitang makalimutan? At kung sakali mang hindi ako ganoon kapermanente sa iyong memory banks, I’ll make sure that you’ll never forget me.”

        Pagkasabi niyon ay hinagkan siya ni Aadn nang mariin.

        Nang hapong iyon, ibang-iba si Adan. Mas mapusok. Mas mainit kaysa dati.

        Kung noon ay kung saan-saang bahagi sila ng cottage naghaharutan, ngayo’y dinala siya agad nito sa kanyang siid. Maingat na inihiga sa kama.

        Sinuyo pa rin siya ni Adan na tulad ng lagi nitong ginagawa. Sinamba ang bawat bahagi ng kanyang katawan. Paulit-ulit siyang pinakalimot sa kanyang sarili.

        Pero nang siya naman ang nagtangkang gumawa ng dati na niyang ginagawa inawat siya ng kaniig.

        “This time, I want to make love to you all the way,” pahayag ni Adan. “Tatanggapin mo ba ako? All of me?”

        Namilog ang mga mata ni Lorraine.

        Gusto niyang itanong, “Bakit ngayon lang?”

        Pero natatakot siyang baka ang isagot ni Adan ay “Because this is goodbye.”

        Hindi na siya nagtanong.

        Tumango na lamang siya. Tumango nang hilam sa luha ang mga mata.

        Muli siyang hinagkan ni Adan. Mariin. Muling sinuyo. Inihanda.

        Hindi na sila nagtagal dahil noon pa handang-handa si Lorraine sa pagkakataong ito. Noon pa niya ito hinihintay. Pinananabikan.

        Hindi niya inakalang kasabay ng pinakamaligaya niyang sandali ay ang pinakamasakit din. Hindi na bale. Siguro’y talagang magkakawit iyong dalawa. Ligaya’t pagdurusa.

        Sa mismong saglit ng ganap na pagsasanib ng kanilang mga katawan, pangalan ni Adan ang naisigaw ni Lorraine.

        At sa pagdating ni Adan sa sukdulan, ang naidaing nito’y “Lorraine...”

        Kaytamis ng mga sandaling iyon. Ang pagsalin ng mainit na binhi sa kanyang sinapupunan. Bahagi ng pagkatao ni Adan. Ngayo’y kaisa na ng kanyang katawan.

        Alam ni Lorraine na maaaring magbunga ang sandaling iyon. Nang pumayag siya sa kahilingan ni Adan ay alam niyang wala silang nakahandang proteksiyon. Pero handa siya sa maaaring maganap.

        Magiging mahirap. Magiging kumplikado. Pero kakayanin niya. Ipaglalaban niya. Ikaliligaya niya ang maging ina ng anak ni Adan. Kahit pa dalagang-ina.

        Nang muling magtama ang kanilang paningin, nakita ni Lorraine na hindi lang siya ang luhaan. Maging si Adan ay may luha rin sa mga mata.

        Naantig ang puso ng dalaga.

        Kahit paano’y nadama niyang mahalaga rin siya kay Adan. Na masakit din sa binata ang kanilang paghihiwalay.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento