FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 9
HINDI sila
nagkasya sa minsan lang. Sa maghapong iyon ay naulit pa nang naulit ang ganap
na pagtatalik nina Lorraine at Adan.
Ala-una pa umalis ng flower shop ang
dalaga kung kaya’t marami silang panahon. Kadarating lang niya sa cottage nang
dumating naman si Adan. Tulad ng dati’y sa likod bahay ito nagdaan. Malayo sa
paningin ng mga nagtatrabaho sa taniman.
Alas-singko na nang makadama sila ng
gutom. Sabay silang bumangon at nagpunta sa kusina. Nakatapi lang ng tuwalya si
Adan. Nakabalot ng kumot si Lorraine.
Gumagawa sila ng sandwich at
naghaharutan pa nang biglang bumukas ang front door.
Dahil sanay si Lorraine na walang basta
na lang lumalapit sa kanyang cottage ay madalas niya itong makalimutang i-lock.
Nagulat na lamang sila ni Adan nang
biglang tumambad sa pinto si Rodie. Kasunod ang matronang si Mrs. Henson.
Napamulagat si Rodie pagkakita sa kanila
– at sa kanilang mga ayos.
Napa-“Susmaryosep” si Mrs. Henson.
Bago nakahuma si Lorraine ay nasugod na
ni Rodie si Adan. At naunahan ng suntok.
Palibhasa’y nabigla at ni walang maayos
na saplot, hindi agad nakaporma si Adan. Ni hindi nakapagdepensa sa sarili.
Sapul agad ito sa mukha.
Nang bumalandra si Adan sa may lababo ay
saka lang nakakilos si Lorraine. Niyakap niya agad ang binata. Iniharang ang
kanyang katawan sa muling pag-atake ng kanyang kapatid.
“Stop it, Kuya!” sigaw niya. “Tama na!”
“Layuan mo ang walanghiyang iyan,
Lorraine!” nanlilisik ang mga matang sigaw ni Rodie. “Harapin mo ako, hayup ka.
Huwag kang magtago sa likod ng kapatid ko, duwag!”
Nagtangka si Adan na tumayo pero hindi bumitiw
si Lorraine sa pagkakayakap dito.
“Huwag mo siyang patulan, Adan,”
pakiusap niya.
“Sa labas tayo magtuos, Adan Amor,”
hamon ni Rodie. “Papatayin kita!”
“Kuya!” umiiyiak nang awat ni Lorraine.
“Please, tumigil ka na. Walang kasalanan si Adan.”
“Anong wala?” lalong nanggagalaiting
sagot ni Rodie. “Binaboy ka na’t lahat, ipinagtatanggol mo pa?”
“Hindi totoo ‘yan!” galit nang tanggi ni
Lorraine. “Desisyon ko rin ito, Kuya. Buhay ko ito. Huwag mong panghimasukan.”
“Lorraine!” naeeskandalong sabad ni Mrs.
Henson. “Pinagmamalasakitan ka lang ng sarili mong kapatid. Siya pa ba ang
mamasamain mo?”
Naningkit sa galit ang mga mata ng
dalaga.
“Excuse me, Mrs. Henson,” sabi niya sa
tinig na gumagaralgal dahil din sa galit. “Wala kang pakialam sa bagay na ito.”
“Hmp!” ismid ng matrona bago tumalikod
at lumabas.
“Ano na ba ang nangyayari sa iyo, Lorraine?”
pang-uusig ni Rodie.
“I’m a woman now, Kuya,” matatag na
sagot ng dalaga. “May sarili rin akong pasya.”
“Kalokohan!” sigaw na naman ni Rodie.
“Inuuto ka lang ng demonyong iyan. Papatayin kita, Adan!”
Akmang susugod uli ito pero humakbang na
rin nang pasalubong si Lorraine.
“Patayin mo na muna ako, Kuya,” sabi
niya.
Natigilan si Rodie.
“Please, Kuya, umalis ka na,” pakiusap
ng dalaga. “Mag-usap tayo nang matino kapag reasonable ka na.”
“Hindi namin palalampasin ito,
Lorraine,” sagot ni Rodie. “Alam mo ‘yan.”
Tumalikod na ito’t lumabas.
Sumunod pa si Lorraine sa may pinto para
siguruhing talaga ngang umalis ang kapatid, kasama si Mrs. Henson.
Halos takbuhin ni Rodie ang patungo sa sasakyang nakahimpil pala sa
malayong dulo ng taniman kaya hindi nila naulinigan. Hirap na hirap sa paghabol
ang matrona.
Nang nasa malayo na sina Rodie ay
binalingan ni Lorraine si Adan.
“Dali,” sabi niya. “Magbihis na tayo.
Kailangang maihatid kita agad kina Ding. Doon ka lang magiging safe.”
“A-ano?” sagot ni Adan habang hinihimas-himas
ang napuruhang pisngi.
“Sige na,” sabi ni Lorraine habang
itinutulak ang binata nang pabalik sa kuwarto.
Siya na ang pumulot sa sahig ng panloob
nito, pantalon at pang-itaas.
“O, isuot mo na,” sabi niya. “Doon ka na
kina Ding maligo. Baka maabutan pa tayo rito nina Papa. Siguradong susunduin ni
Kuya Rodie sina Papa at Kuya Ronnie. Baka magsama pa ng mga tauhan.”
“Hindi ako natatakot sa kanila,”
kampanteng sagot ni Adan. “Wala akong dapat ikatakot.”
“Hindi mo kilala kung paano magalit
ang mga lalaki sa pamilya namin,” paliwanag ni Lorraine habang nagbibihis na
rin. “Sina Ding nga, matagal nilang kinaaway dahil lang sa history ng mga
ninuno namin. Ni wala nga kaming kinalaman doon. Ito pa? Talagang papatayin ka
nila.”
“Paninindigan ko,” sagot ni Adan.
“Huwag kang magpakamartir, puwede ba?”
pakiusap ni Lorraine. “For me. Please. Kumilos ka na. Dan, please.”
“Okay,” tango na rin ng binata. “Just to
calm you down.”
Ito ang nagmaneho patungo kina Ding. Ang
sabi kasi nito’y masyadong natataranta si Lorraine. Baka pa sila madisgrasya.
Pero kulang na lang ay tapakan ni
Lorraine ang gas pedal. Panay ang untag niyang bilisan pa ni Adan ang sasakyan.
Pagdating kina Ding ay halos kaladkarin
niya si Adan paakyat ng bahay.
“Irene! Ding!” parang maghihisterya nang
sigaw ng dalaga.
Agad naman silang sinalubong ng
mag-asawa.
“Bakit?” tanong ni Irene. “Ano’ng
nangyari?”
“Relax, Irene,” sabi agad ni Adan.
“Masama sa iyo ang mag-panic. Everything’s under control.”
“What’s under control?” tanong ni Ding.
“Ano’ng nangyayari?”
“Itago ninyo si Dan,” sagot ni Lorraine.
“Susugurin siya nina Papa, Kuya Rodie at Kuya Ronnie. Baka saktan siya. Baka
pagtangkaan ang buhay niya.”
“Ha?” sabi ni Irene. “Bakit?”
“Nakita kami ni Kuya Rodie na magkasama
sa cottage,” sagot ni Lorraine na namumula ang mukha. “In a compromising
situation.”
Tumaas ang kilay ni Irene.
“Aba’y susugod nga ang mga iyon,” sabi
ni Ding. “Kailangan ninyong mag-explain.”
“Sabi ko nga kay Lorraine, doon na sana
namin sila hinintay sa cottage,” sagot ni Adan. “Handa naman akong humarap sa
kanila at magpaliwanag.”
“Hindi nila pakikinggan ang paliwanag
mo,” sabi ni Lorraine. “At least, dito, mas protektado ka. Hindi ka nila
magagalaw. Mapipilitan silang makipag-usap lang.”
Hindi nga nagtagal at dumating na ang
van ng mga Castillo. Umibis sina Ado, Rodie at Ronnie.
Sinalubong ni Ding ang tatlo.
“Ding, ilabas mo ang lalaking iyon,”
utos ni Ado.
“Nasa itaas sila, Lolo Ado,” sagot ni
Ding. “Tuloy ho kayo. Maging mapayapa lang sana tayo. Buntis ho si Irene.”
“Kaya hindi dapat nagtago dito sa poder
mo ang duwag na ‘yon,” sabi ni Ado. “Palabasin mo na lang siya, Ding. Hindi na
kayo kailangang madamay sa bagay na ito.”
“Lolo Ado, responsibilidad ko rin ho ang
aking bisita,” pangangatuwiran ni Ding.
Bumungad si Lorraine sa may itaas ng
hagdan.
“Papa, huwag naman ninyong ipitin si
Ding,” pakiusap niya. “Pag-usapan natin ito nang maayos.”
“Bumaba ka rito, Lorraine!” utos ni Ado.
“Uuwi ka sa bahay.”
“Mangako muna kayo na hindi ninyo
sasaktan si Adan,” sagot niya. “Wala naman siyang kasalanan. Hindi niya ako
pinuwersa. May sarili akong pag-iisip at pagpapasya. Kung anuman ang nangyari,
kagustuhan ko rin iyon.”
“Ipinagmamalaki mo pa!” galit na sigaw
ni Ado.
Lumantad si Adan sa tabi ni Lorraine.
“Ipinagmamalaki ko ho talaga na
nagmamahalan kami ni Lorraine,” matatag na pahayag ng binata.
Napalingon si Lorraine kay Adan.
Namimilog ang mga mata.
Iniisip niya, nagdadrama lang ba ito?
Naghahanap ng lusot?
Sinalubong ni Adan ang kanyang tingin.
“I love Lorraine,” pahayag pa nito. “At
ginagawa ko ang lahat para makumbinse siyang pumayag na magpakasal sa akin.”
Kumunot ang noo ng dalaga. Ano itong
pinagsasabi ni Adan? Hindi ba nito naiisip na maaari itong masukol sa ganoong
pananalita?
At iyon din nga mismo ang mapang-uyam na
isinagot ni Rodie.
“Madaling sabihin iyan ngayong nasukol
ka na! Baka akala mo, makakalusot ka pa.”
“Mapapatunayan ko ang aking mga
intensiyon,” panatag pa ring sabi ni Adan. “Kinuha ko na sa Maynila ang lahat
ng kakailanganin kong papeles para sa pagpapakasal. Any day now, darating ang
order kong diamond engagement ring. You can confirm that with Mrs. Ramos of
Crown Jewels. Nagkapirmahan na rin kami ni Mr. Romales para sa one hectare piece
of land na binili ko bilang wedding gift para kay Lorraine. It’s that part of
the Romales land just beside her flower farm. Nasa akin na ang titulo.”
Napasinghap si Lorraine.
“Binili mo ang lupang iyon?” hindi
makapaniwalang sabi niya.
“Iyung-iyo na,” nakangiting
pagkukumpirma ni Adan. “Masosolo mo na talaga ang iyong favorite spot. At doon
din tayo magtatayo ng bahay.”
“B-bakit ngayon mo lang sinabi ang lahat
ng ito?” naguguluhang tanong niya.
“Hinihintay ko lang sana na makarating
ang singsing bago ako mag-propose sa iyo,” paliwanag ng binata. “Tamang-tama
ang timing, e. Patapos na ang sinusulat ko. Maganda sana kung makapagpapakasal
muna tayo bago magsimula ang shooting. That way, magkasama na tayo all the
time.
“Napabilis na rin lang ang mga pangyayari,
itatanong ko na kahit wala pa ang singsing,” pagpapatuloy ni Adan. “Lorraine,
will you marry me?”
In shock pa rin si Lorraine. Hindi siya
makapagsalita.
“Huwag mong sabihing tatanggi ka pa,”
sigaw ni Ado.
Pero wala na ang galit sa tinig nito.
Napakurap si Lorraine.
“M-magpapakasal tayo?” litong tanong
niya kay Adan.
“Kung tatanggapin mo ako,” nakangiting
sagot nito. “Please say yes.”
“Of
course,” sagot niyang pahikbi na.
Niyakap siya ni Adan.
Isinubsob niya ang kanyang mukha sa
dibdib ng lalaking kanyang pinakamamahal. At doon niya inilabas ang lahat ng
naipon niyang mga emosyon – pinaghalong agam-agam at, sa wakas, ganap na
kaligayahan.
Umiyak si Lorraine. Umiyak nang umiyak.
Yumakap din si Irene kay Ding.
“Pati tuloy ako, naiiyak,” reklamo ng
buntis.
“O, easy ka lang,” sabi naman ni Ding
habang hinihimas ang likod ng asawa.
Pumanhik si Ado. Kasunod sina Rodie at
Ronnie.
Tinapik ni Ado si Ding sa balikat.
“I’m sorry, iho,” sabi ng matanda.
“Naiintindihan namin kayo, Lolo,” sagot
ni Ding.
“Ding, pasensiya na,” sabi ni Rodie.
“Wala iyon,” sagot ni Ding.
Si Ronnie, nakipag-high five lang dito.
Nagkaintindihan na sila.
Kay Adan ay walang sinabi si Ado. Sapat
nang pinisil nito sa balikat ang mamanugangin.
Tumango naman si Adan. Puno ng respeto
at pagpapakumbaba.
Si Rodie ang nagsalita pa rin.
“Brod, aalagaan mo siya,” bilin nito.
Tumango uli si Adan.
Si Ronnie ay ngumiti lang kay Adan at sumenyas nang thumbs-up.
Ngumiti rin si Adan.
Siya namang dating ng isa pang sasakyang
minamaneho ng isang tauhan ng mga Castillo. Umibis sina Lorena at Fe. Nagmamadali.
“Ado!” sigaw ni Lorena. “Ado, tama na.”
Natawa si Ronnie.
“Huli ka na, Mama,” sabi nito. “Happy
ending na. Magpapakasal na sila.”
“Ay, salamat sa Diyos!” sabi ng humahabol
na si Fe.
Si Lorena naman ay natigilan at
napatingin sa magkayakap na magkatipan.
“Ikakasal na ang baby ko?” sabi ng ina
sa tinig na nagsisimula nang gumaralgal.
NAUNANG umuwi
sina Ado. Nagpaiwan muna si Lorraine.
“Mag-uusap lang ho muna kami ni Dan,” paalam niya sa mga magulang.
“Ihahatid ko ho siya pauwi,” sabi ni
Adan.
“Sa bahay ka na maghapunan, iho,” sabi
ni Lorena.
Nang makaalis ang mga ito, pinahiram ni
Irene ng bihisan si Lorraine. At doon na siya naligo sa silid ni Adan. Kasabay ng
katipan.
Pero bago pa man sila naligo, sa
sandaling nagkasarilinan sila’y nanumbat na agad si Lorraine.
“Bakit ganoon ka? All the while, akala
ko, hindi mo ako sineseryoso. Kanina nga, parang puputok na ang puso ko sa sama
ng loob. Akala ko pagkatapos ng sinusulat mo, aalis ka na nang tuluyan. Akala
ko, iyon ang dahilan kaya itinuluy-tuloy mo na.”
“How can you think that?” sagot ni Adan.
“Pagkatapos ng lahat ng nangyari sa atin? Ano ako, monster?”
“You never told me you loved me,”
paalala ni Lorraine.
“Hindi ko pa ba naipadarama iyon?” sagot
ni Adan. “Hindi mo pa ba alam ‘yon?”
“Natakot akong umasa,” sabi ni Lorraine.
“It was too much to hope for.”
Umiling si Adan.
“I’m sorry,” buong pagsisising pahayag
nito. “Dapat nga ay sinabi ko. Hindi ko alam na pinahihirapan ko pala ang loob
mo. I love you, Lorraine. I love you so much. At katulad ng sinabi ko noon,
ikaw lang. Ikaw lang ang minahal ko. Ikaw lang ang mamahalin ko. At sasabihin
ko ito sa iyo sa bawat araw ng ating buhay.”
“Ang sarap pakinggan,” naluluha uling
sagot ni Lorraine. “Nakakapawi ng lahat ng sakit sa damdamin. Iyan lang ang
kailangan kong marinig. Because I love you so much, Dan.”
Sinelyuhan nila ng isang madamdaming
halik ang kanilang mga pahayag.
At sinikap nilang makapaligo, makapagbihis
at makalabas ng silid sa loob lamang ng tatlumpung minuto.
EPILOGO
DAHIL kay Mrs.
Henson ay natsismis pa rin sina Lorraine at Adan. Mabuti na lang at kasunod na
agad ang balita tungkol sa kanilang nalalapit na pagpapakasal.
Ganoon pa man, kinailangan ni Lorraine
na magtapat nang buung-buo sa best
friend niyang si Odette, lalo pa’t ito ang kinuha niyang maging maid of honor.
Sa panahong iyon ay hindi na siya
nahihiyang magkuwento sa kaibigan ng tungkol sa mga naging lihim na mga
pagtatagpo nila ni Adan.
“Ay, exciting!” pigil ang tiling sabi ni
Odette. “Nakakainggit ka naman. Parang romance novel ang love story mo. Para kasing
romance novel hero iyong mapapangasawa mo.”
“Hindi mo lang alam kung gaanong
paghihirap ng loob ang tiniis ko,” sagot ni Lorraine. “Buong akala ko nga,
tragic ang magiging ending ng kuwento ko. Posible pang naging dalagang-ina
ako.”
“Pag-ibig nga naman,” sabi ni Odette.
“Saan kaya ako maghahanap ng tulad niya?”
“Magbasa ka na lang ng mga nobela ni
Dana Amor,” sagot ni Lorraine.
SIMPLENG
kasalan lang sana ang gusto ng magkatipan. Pero
gaano man kasimple ang kanilang piniling mga kasuotan, dekorasyong
bulaklak at pagkain ay hindi naman nila magawang liitan ang kanilang guest
list.
Sa isang bayang tulad ng Paraiso,
maraming magtatampo kung hindi makukumbida. Halos parang open house na ang
bawat kasalan. Parang pista.
Ibinulong pa nina Bobby kay Adan ang
pangangailangang kumbidahin ang ilang itinuturing na mga ‘poste’ ng industriya
ng pelikula bilang paghahanda sa paggawa nila sa pelikulang Eden – ang pinakabagong obra ni Adan
Roma.
Sa mismong kasalan ay kinailangan nilang
gamiting reception place ang parish center na katabi ng antigong simbahan ng
Paraiso. Wala kasing ibang lugar na pagkakasyahan ng halos dalawang libong bisita.
Dumating siyempre – isang linggo pa nga
bago ang kasalan – ang pamilya ni Adan.
Ang ina nito, ama-amahan at tatlong nakababatang kapatid sa ina.
Hindi pumayag sina Ding at Irene na
hindi rin sa bahay ng mga ito patuluyin ang buong mag-anak.
“Magkakapamilya na tayo ngayon,” sabi ni
Irene.
Kinuha ni Adan bilang best man si Rodie.
Veil sponsor si Ronnie, katuwang ng kapatid ni Adan na si Betsy. Matron of
Honor si Irene. Coin bearer si Rock, akay-akay ni Francesca.
Kabilang sa mga ninong at ninang sina
Robert at Laila Bauzon.
Kung noong nagdaang taon ay naging
wedding of the year ang kasalang Irene at Ding, sa taon namang iyon ay natutok
ang spotlight kina Lorraine at Adan.
Ang honeymoon ng mga bagong kasal ay
isang mahabang tour ng mga pinakamagandang beach resort sa buong bansa. Si Adan
ang nakaisip niyon.
“Ipapasyal kita sa buong Pilipinas,”
sabi nito kay Lorraine.
Hindi pa nga kasi siya nakakalabas man
lang ng Paraiso.
HUSTONG
dalawang linggo pagkatapos ng kasalan, kababalik pa nga lang ng mga bagong kasal
mula sa Honeymoon, nalaman nilang buntis si Lorraine.
“We hit the jackpot the first time we
made love, sweetheart,” tuwang-tuwang
sabi ni Adan. “Masuwerte talaga ang araw na iyon.”
“Kahit noong araw ding iyon nagkagulo?”
tumatawang paalala ni Lorraine.
“Oo naman,” sagot ni Adan. “Maganda nga
ang kinalabasan, e. Napaaga ang proposal ko sa iyo at ang pagpapakasal natin.”
HALOS kasabay
ng balita tungkol sa pagbubuntis ni Lorraine ang panganganak naman ni Irene.
Lalaki ang bata. Pinangalanang Archie.
HINDI pa rin
nila ipinagsabi na si Dana at si Adan ay iisa. Kaya naman ganoon na lang
pagkagulat ni Odette nang dumating ang pinakabagong nobela ni Dana Amor kung
saan nakabandera sa back cover ang litrato nina Adan at Lorraine, magkayakap.
Dana Amor is the pen name of Adan Amor,
also known as film scriptwriter Adan Roma. The author is shown here with his
permanent inspiration – the love of his life, his wife, Lorraine.
Kuha ang litrato sa honeymoon ng mga
bagong kasal.
“Ang daya-daya mo,” sumbat ni Odette sa
kaibigan. “Paano naman palang hindi ako maiinggit sa nangyari sa inyo ni Adan
e, ito pala mismong romance novelist ang napangasawa mo. Aba’y natural na
masasapawan pa nga ninyo ang mga kathang isip na sinusulat niya sa kanyang mga
libro.”
“Nagulat din nga ako na inilagay niya
ang litrato niya sa likod ng libro,” sagot ni Lorraine. “Isinama pa ako.
Napaka-romantic talaga nitong mahal ko.”
BUNTIS si
Lorraine nang simulan ang shooting ng pelikulang Eden. Palibhasa epic ang
kuwento na nagsimula pa noong panahon ng mga Kastila at nagtuloy hanggang sa
kasalukuyan, nagtagal nang sampung buwan ang kabuuang production. Sininop
talaga nina Bobby ang pagkakagawa nito.
Kasama sa cast sina Robert, Laila.
Kasama rin sina Bobby at Francesca, pero guest roles lang sa hulihan ng pelikula
ang mag-asawa. Tinotoo na ng mga ito ang planong maglaan ng mas maraming oras
para kay Rock.
Nakapanganak na si Lorraine ay nasa pre-production
stage pa ang Eden. Sa binyagan tuloy
ay nauna pang i-launch ang batang babaing si Eden Lorena Amor.
Nang ipalabas naman ang pelikula ay
naging hit sa takilya. Tinangkilik pa ito ng mga eskuwelahan bilang isang
educational film.
Muling na-nominate si Adan ng iba’t
ibang award-giving bodies. Nakilala rin ang Bounty Productions nina Bobby
bilang pinakabagong production company na maaasahang maglalabas ng quality
films.
NAGING hit din
siyempre ang romance novel version ng Eden.
Sinabayan pa ito ng paglalahatlaha ng isinalibrong screenplay mismo ng
pelikula. Lalong pumaimbulog ang kasikatan ni Adan bilang manunulat.
Sa tuwing tatanungin siya sa mga
interview kung ano ang sikreto ng kanyang tagumpay, ang isinasagot ni Adan ay,
“Nagsimula ang tunay kong tagumpay nang marating ko ang Paraiso. There I found
my life’s greatest joy and fulfillment, and I married her.”
WAKAS
Basahin ang kwento ng pag-ibig
ng best friend ni Lorraine sa
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento