FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
Abakada
ng Pag-ibig: Francesca
ABAKADA NG PAG-IBIG: LORRAINE
by Maia Jose
Copyright
Maria Teresa C. San Diego
All
Rights Reserved
Published
in print by Valentine Romances
Books
for Pleasure, Inc.
First printing 1999
ISBN 971-502-984-1
TEASER:
Kahit malayo sa Maynila ang Paraiso, kumpleto
si Lorraine sa lahat ng romance novel ng paborito niyang author na si Dana
Amor. Katugma kasi ng isinusulat nito ang mga pangarap at pantasya ng kanyang
puso.
Pero nagulat ang dalaga nang dumating sa
Paraiso ang nobelista at nalaman niyang ito pala sa tunay na buhay ay si Adan
Amor – guwapo, makisig, pilyo at walang inhibisyon.
Parang biglang nabigyang-buhay ang mga
secret fantasies ni Lorraine.
CHAPTER 1
“SA patio na
tayo mag-coffee, Dan,” anyaya ni Bobby. “Mapag-usapan na tuloy natin ang aking
proposal.”
“Sige,” tango ni Adan Amor. “Join us,
Francesca?”
Umiling ang magandang maybahay ni Bobby.
“No, thanks,” nakangiting sagot nito.
“Baka hinahanap na ako ni Rock. Nangako akong babasahan ko siya ng bedtime
story right after we fInish our dinner. Hindi matutulog iyon hangga’t hindi ko
natutupad ang pangako ko.”
“Kiss him good night for me,
Sweetheart,” sabi ni Bobby. “Dadaan ako sa kuwarto niya mamaya, kahit tulog na
siya.”
“As always,” tango ni Francesa. “Sana
magkasundo kayong dalawa ni Dan sa pag-uusapan ninyo.”
“I’ll make him an offer he can’t refuse,”
sagot ni Bobby, sabay kindat sa asawa.
“Parang kinakabahan na tuloy ako, a,”
tumatawang sabi ni Dan.
“Good night, Dan,” nakangiting paalam ni
Francesca habang sabay-sabay nilang iniwan ang hapag-kainan.
“Good night, Francesca,” sagot ng
binata. “And thanks for the wonderful dinner. Alam na alam mo talaga na
lumalambot ang puso ko sa masarap na tsibugan. Baka mapa-oo agad ako sa anumang
proposal nitong asawa mo. Pinagkakaisahan ninyo ako, ano?”
“Obvious ba?” tumatawang sakay ni
Francesca. “Kaya nga nagpa-cater pa ako ng pagkain, e. Alam ko namang kapag ako
ang nagluto, tagilid kami sa iyo.”
Tawanan ang dalawang lalaki. Kabisado
palibhasa ng mga ito na walang kahilig-hilig ang magandang aktres sa kusina.
Matagal nang magkakaibigan ang tatlo –
ang mag-asawang artista na sina Bobby Bauzon at Francesca Fortuna Bauzon, at
ang scriptwriter na si Adan Amor. Makailang beses na kasi silang nagkasama-sama
sa mga proyekto. Si Dan ang scriptwriter ng pelikula at sina Bobby at Francesca
naman ang bida.
“Ano ba itong proposal na binanggit mo?”
halatang naiintrigang tanong agad ni Dan pagkaupong-pagkaupo ng dalawang lalaki
sa garden set na nasa patio.
“Nagparehistro kami ng sarili naming
production company, pare,” sagot ni Bobby. “Kasosyo ang parents ko, ang half-sister
kong si Irene at ang husband niya.”
“Aba, maganda ‘yan,” tango ni Dan.
“Dapat nga, noon pa ginawa iyan nina Tito Robert at Tita Laila. Mga poste na
kayo ng industriya, e. Imagine, dalawang henerasyon na kayong pawang mga
de-kalibreng artista.”
“Actually, ang naging pangunahing
dahilan namin ay para makapamili na kami ng mga proyektong gagawin,” paliwanag
ni Bobby. “Iba rin siyempre ‘yong satisfaction no’ng ikaw mismo ang pumili ng
tema, kuwento, scriptwriter, direktor, mga makakasamang artista at iba pang
aspects ng pelikula.”
“Oo nga naman,” sang-ayon ni Dan.
“Isa pa, gusto namin ni Francesca na
mag-cut down sa aming mga gagawing pelikula nang makapag-concentrate kay Rock
at sa mga darating pa naming mga anak,” pagpapatuloy ni Bobby. “Para magawa namin
iyon, kailangang may iba pa kaming mapagkakakitaan bukod sa mismong pag-arte sa
harap ng kamera. With the production company, pupuwede kaming behind-the-scenes
most of the time.”
“So where do I come in?” tanong ni Dan.
“May naiisip akong possible story na
gusto kong ialok sa iyo,” sagot ni Bobby. “Wala pa naman akong specific story
line. Location lang. Iyong bayan ng Paraiso.”
“Iyong kinaroroonan ng half-sister mong
si Irene?” tanong ni Dan.
“Iyon na nga,” tango ni Bobby. “Hindi ba
naikuwento ko na sa iyo kung gaano kami na-impress sa lugar noong pumunta kami
roon? Hindi nga kataka-taka na nag-decide si Irene na doon na magpakasal at
tumira. Mas maganda pa kaysa sa Vigan, pare. Mas luma ang simbahan at ilang mga
bahay. Para namang Baguio ang klima at ang makulay na paligid. Bagay na bagay
nga sa bayang iyon ang pangalang Paraiso.”
“So you want me to write a script based
on that place,” sabi ni Dan.
“That’s the idea,” tango ni Bobby. “Gusto
kong gumawa ng pelikula sa Paraiso. Bahala ka na sa kuwentong babagay sa lugar.
Of course, kakailanganin mo munang ma-experience ang Paraiso para masagot mo
kung magagawa mo nga ba ang hinihiling ko. Kaya heto ang aking proposal – I’m
offering you a month-long vacation in Paraiso. All expenses paid plus payment
for your time, of course. Magiging guest ka nina Irene at Ding.
“Within that month, you can decide
whether the project is possible or not. Kung sa palagay mo ay wala kang
makukuhang kuwento roon, okay lang. No strings attached. I’ll still pay you for
your time spent there. Pero kung sa tingin mo ay may mabubuo kang script, you
can stay on for as long as necessary – kahit six months pa, also fully paid
liban pa sa ibabayad namin sa mabubuong script. Basta exclusive sa amin ang
maisusulat mong movie script. Wala tayong magiging problema sa iyong fee.
Itataas ko pa kaysa sa usual mo. At iyong-iyo pa rin ang rights ng kuwento kung
gusto mo itong ilabas bilang romance novel.”
Kakaunti pa lang kasi ang nakakaalam na
si Adan Amor – ang guwapo, makisig at lalaking-lalaking scriptwriter ng mga
pelikulang action at drama – ay nagsusulat din ng mga romance novel sa
pangalang Dana Amor.
Hindi napapansin ng madla ang bagay na
iyon palibhasa’y gumagamit din ng nom de guerre o alias ang binata sa pagiging
scriptwriter. Adan Roma ang lumalabas sa credits ng kanyang mga pelikula. Kapag
nananalo siya ng awards bilang scriptwriter, ang pangalang iyon ang tinatawag
sa entablado at naisusulat sa mga lathalain.
Hindi rin siya naglalagay ng litrato sa
pabalat ng kanyang mga libro o sumasama sa mga autograph signing sessions ng
kanyang publisher. Naniniwala siyang mas mananatili ang interes ng kanyang mga
mambabasa sa kanyang mga nobela kung inaakala ng mga ito na isa siyang babae.
“Aba, hindi ako tatanggi sa libreng
bakasyon sa Paraiso,” sabi ni Dan. “I can hit three birds with one stone.
Unang-una, kailangan ko talaga ng pahinga. Pangalawa, a good location can
almost always inspire a good movie script. Pangatlo, naghahanap din ako ng
bagong maisusulat para sa aking nobela.”
“Good,” masayang tango ni Bobby.
“Sinasabi ko na nga ba – it’s an offer you can’t refuse.”
“ODETTE, may
bago na ba?” tanong agad ni Lorraine pagpasok na pagpasok pa lamang niya sa The
Book Shop.
“Meron na at kanina pa nakatabi itong kopya
mo,” nakangiting sagot ng dalagang may-ari ng bookstore.
Kinuha nito mula sa ilalim ng counter
ang pinakabagong nobela ni Dana Amor.
“’Ayan, nakareserba na iyan sa iyo,” dagdag
pa ni Odette. “As if naman mauubusan ka, e, wala namang puwedeng mauna sa iyo
sa pagbili ng nobela ni Dana. Kaaalis nga lang no’ng karterong nag-deliver
nito, ano? At alam ko namang binabantayan mo ang lahat ng deliveries ko.”
Natawa si Lorraine.
Palibhasa’y nasa iisang gusali ang The Book
Shop at ang sarili naman niyang flower shop na Las Flores Del Cielo,
kitang-kita nga niya ang bawat pagdating ng delivery ng mga stocks ni Odette.
At buwan-buwan ay inaabangan niya ang pagdating ng nobela ng paborito niyang si
Dana Amor.
“Akin na’t nang masimulan ko na,” sabik
na hiling ni Lorraine habang iniaabot sa kaibigan ang eksaktong halaga ng
libro. “Huwag mo nang ibalot.”
“Kahit siguro itaas ko nang doble ang
presyo niyan, kakagat ka pa rin, ano?” natatawang sabi ni Odette habang
ipinapasok sa cash register ang bayad niya.
“Gagawin mo ba naman iyon sa akin?”
sagot ni Lorraine. “Alam mo namang ito lang ang bisyo ko.”
“Kaya tuloy hinahanap mo sa tunay na
buhay ang tipo ng lalaking nababasa mo riyan,” parang paninita ni Odette. “Boring
na para sa iyo ang mga lalaking tagarito.”
“E hindi nga ba?” nakataas ng kilay na
sagot niya. “Ikaw rin naman, a. Pareho lang tayong masugid na tagasubaybay ng
romance novels, ano? At wala ka pa ring nagugustuhan sa mga manliligaw mo
rito.”
“Mao-old maid tayong dalawa sa libangan
nating ito, e,” iling ni Odette.
“Ewan ko nga ba,” pabuntonghiningang
sabi rin ni Lorraine. “Ang pangako ko noon sa sarili ko, eventually pipili rin
ako mula sa aking mga manliligaw. Darating din siguro ang panahon na talagang
gugustuhin ko nang mag-asawa at magkaanak – kahit na hindi masyadong romantic o
exciting ang mapapangasawa ko. Bahala na kung sino man sa mga suitors ko ang
handang magtiyaga sa paghihintay sa akin. Pare-pareho naman kasi sila na kaibigan
na natin mula pa noong kindergarten. At wala naman akong maipintas sa kanila.”
“Liban nga lang sa hindi sila
kasing-romantic o kasing-exciting ng ating mga romance novel heroes,” pabuntonghininga
ring dugtong ni Odette.
Magkaibigang matalik ang dalawang
dalagang taga-Paraiso. Magkaklase na sila mula pa sa kindergarten hanggang
kolehiyo. Nang makapagtapos naman ng B.S.E.E.D. sa Colegio del Paraiso, pareho
nilang ipinasyang magtayo ng sariling negosyo sa halip na magturo sa
eskuwelahan.
Palibhasa kapwa rin naman nagmula sa
nakaririwasang angkan, natulungan ang dalawang dalaga na maipatupad ang kanilang
mga pangarap. Hindi nag-alinlangan ang banko na pautangin sila ng kapital. Ang
Castillo Building naman na kinaroroonan ng The Book Shop at Las Flores Del Cielo
ay pag-aari ng pamilya ni Lorraine.
Gayunpama’y pinanindigan ng magkaibigan
ang kani-kanyang negosyo. Hindi sila umasa lang sa suporta ng kanilang mga
pamilya. Nagbabayad sila ng tamang upa sa gusali at hindi pumapalya sa paghulog
sa kanilang kanya-kanyang utang sa banko. Maganda naman ang takbo ng kanilang
mga negosyo kahit na magdadalawang taon pa lamang.
Magkatugma nga ang dalawang dalaga sa
maraming bagay. Itong hilig nila sa pagbabasa ng mga romance novel ay nagsimula
noong nasa high school sila. Noon nadiskubre ni Lorraine ang mga nobela ni Dana
Amor.
Ang kapwa pagiging romantic ang isa sa
mga naging batayan sa pagpili nina Lorraine at Odette ng papasukang negosyo.
Ang mga magulang ni Odette, na
nagmamay-ari ng pinakamalaking tindahan ng dry goods sa Paraiso, ay dati nang
dealer ng mga diyaryo, magasin, komiks at iba pang babasahin. Kaya naman naging
natural din na magtayo ang dalaga ng bookstore na magbebenta ng mga paborito
niyang nobela at iba pang libro.
Malawak naman ang lupain ng pamilya ni
Lorraine. Mayroon silang mga fruit orchard, bangus pond at prawn farm. Naging
natural din na imungkahi ng dalaga na ipatanim sa bahagi niya sa lupaing iyon ang
mga bulaklak na siya naman niyang
ibinibenta sa kanyang flower shop at sa mga biyaherong galing pa ng Maynila.
Ang akala ng lahat ay nalilibang lang
nang husto ang magkaibigan sa kanilang mga sariling negosyo kung kaya’t hindi
pa nakakaisip na makipagnobyo man lang. Hindi lang nila alam na may iba pa
palang hinahanap ang dalawa.
“Kaya nga bago tayo mag-decide na mag-asawa,
i-enjoy na muna natin itong mga paborito nating nobela,” sabi ni Lorraine. “At
least, sa mga pocketbook ni Dana Amor, parang nae-experience ko na rin kung
paano ang ibigin ng isang dashing and debonair hero. Iyon bang tall, dark and
handsome, napakapilyo at walang mga inhibisyon. He’ll fall madly in love with
me at luluhod siya sa aking paanan, asking me to marry him.”
“In our dreams,” iling ni Odette. “Wala
namang ganoong lalaki sa mga manliligaw natin. Mayroong tall, mayroong dark, mayroong
handsome, pero laging kulang ang kombinasyon. At mga walang karoma-romansa sa
katawan. Hindi mo rin sila maaasahang lumampas sa mga inhibisyon na itinakda ng
konserbatibong lipunan dito sa ating mahal na bayan ng Paraiso. Ang takot lang
ng mga iyon na gumawa ng eskandalo.”
“Kaya nga lagi akong sabik na sabik sa
mga nobela ni Dana,” sagot ni Lorraine. “Siya lang ang nakakaunawa sa aking mga
secret fantasies. Kuhang-kuha niya sa kanyang mga libro.”
“HELLO, Irene?”
sabi ni Bobby sa kanyang long distance call. “May good news ako.”
“Alam ko na yata iyan, Kuya,” sagot ng
kapatid nitong nasa Paraiso. “Natapos na ang mga papeles ng ating production
company, ano?”
“Hindi lang iyon,” pakli ni Bobby.
“Nakuha ko pa ang isa sa mga pinakamagaling na scriptwriters sa bansa para
igawa tayo ng script – si Adan Amor.”
“Adan Amor?” ulit ni Irene. “Hindi ko
yata siya kilala. Sorry, Kuya, peo hindi kasi ako ganoon kapamilyar sa lahat ng
taga-showbiz.”
“Hindi mo nga siya makikilala,” sabi ni
Bobby. “Mas kilala siya sa nom de guerre na Adan Roma. Iyon ang ginagamit niya
sa credits sa pelikula.”
“A, oo,” sagot na ni Irene. “Now I
recognize the name. Multi-awarded scriptwriter siya, hindi ba?”
“Magaling talaga si Dan,” sabi ni Bobby.
“In fact bestseller din ang kanyang mga romance novels. Ang pen name naman niya
roon, pangalang babae. Dana Amor.”
“Siya si Dana Amor?” manghang sambit ni
Irene.
“Bakit, fan ka rin ba ng mga nobela
niya?” natatawang sabi ni Bobby.
“Hindi ako,” sagot ni Irene. “Pero may
kilala ako rito na talagang avid fan daw niya magmula pa noong high school. Si Lorraine.
Nakilala mo na siya, hindi ba?”
“Iyong maid of honor mo?” sabi ni Bobby.
“Oo, natatandaan ko siya. Siya rin iyong tita mo na mas bata pa sa iyo, hindi
ba?”
“Right,” sagot ni Irene. “Naku, kumpleto
ang koleksiyon ni Lorraine ng mga nobela ni Dana Amor. Inuulit-ulit pa ang pagbasa.
Sa kanya nga lang ako nakabasa ng ganoong mga nobela, e. Magaganda naman pala
talaga.”
“So, tagahanga ka rin nga ni Dana Amor,”
panunukso ni Bobby.
“In a way, oo,” amin ni Irene. “Hanga ako
sa galing niya. Pero hindi ako tulad ni Lorraine na talagang die hard fan.”
“Matutuwa si Lorraine kapag nalaman
niyang darating diyan si Dan sa weekend,” pahayag ni Bobby.
“Darating dito?” ulit ni Irene.
“Pinangunahan ko na kayo ni Ding kaya
hindi na kayo makakaatras,” sabi ni Bobby.
Ipinaliwanag nito ang deal na
sinang-ayunan na ni Adan Amor nang nagdaang gabi.
“Sa weekend, ihahatid namin siya riyan,”
pagtatapos ni Bobby. “Isang baranggay uli kami, ha? Kasama sina Francesca’t
Rock, at pati sina Mama’t Papa. Bibiyahe kami nang Sabado.”
“Walang problema roon,” sagot ni
Irene. “Alam mo naman itong asawa ko,
laging handa na magpa-impress sa kanyang cooking skills. Gustung-gusto nga niya
kapag may bisita kaming taga-Maynila. May magsasabi na naman na ala-five star
gourmet restaurant ang kanyang inihahandang pagkain.”
“Totoo naman kasi,” sang-ayon ni Bobby.
“Isa nga iyan sa mga dahilan kung bakit sasama kaming lahat sa paghahatid kay
Dan. Gusto uli naming makita ang Paraiso at matikman ang luto ni Ding. Siyempre,
nami-miss ka na rin kasi namin.”
“Hmm, pinakahuli na lang pala ako sa
listahan ninyo ng priorities,” kunwa’y pagtatampo ni Irene.
“Huwag ka nang magsentimyento,” lambing
ni Bobby. “Para namang hindi mo alam kung gaano ka namin nami-miss. Ang taas
nga ng bill namin sa telepono magmula noong tumira ka riyan. Halos araw-araw pa
rin tayong nagtatawagan, a. Pero siyempre, iba pa rin ‘yung nagkakasama talaga
tayo.”
“Siyempre,” sagot ni Irene. “At talagang
kayo na nga lang ang puwedeng dumalaw dito. Ganitong buntis ako’t nanganganay,
ibinawal muna sa akin ang magbiyahe.”
“Hintayin n’yo na lang kami riyan,” sabi
ni Bobby. “Sabihan mo na rin si Lorraine. Pero siya lang, ha? Hindi
ipinagsasabi ni Dan na siya si Dana Amor. Sikreto iyon. Atin-atin lang. Kapamilya
naman si Lorraine kaya okay lang na malaman niya.”
“Hindi ko na muna sasabihin sa kanya,”
sagot ni Irene. “Saka ko na siya sosorpresahin. Kapag kaharap na niya si Adan.”
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento