Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Sabado, Abril 22, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Monique Chapter 10

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 10

 

NAGKAGULO na sa Arte’t Kape. May kumontak kay Jules. May nagsabi sa mga magulang ni Jules sa Casa Hermosa. May tumawag sa pamilya ni Jolen. May kumuha sa nakahanda nang hospital bag ni Jolen mula sa pension house.

        Si Monique, nanatili sa tabi ni Jolen. Hangga’t wala si Jules ay hindi niya ito iiwan.

        Mayamaya lang ay nasa tabi na rin nila si Kino.

        “Jolen, I’ll drive you to the hospital,” sabi ng binata. “Doon na raw didiretso si Jules. Pati ang daddy at kuya mo.”

        Tumango lang ang buntis. Hindi na nito kayang magsalita.

        Nagtulungan sina Kino at Monique sa pag-alalay kay Jolen patungo sa kotse ng binata. Sumunod na lamang sa kanila ang mga magulang ni Jules – sina Fe at Jim Hermosa – na ipinagmamaneho naman ng isa pang kaibigan ng mag-asawa.

        Malapit lang ang ospital na kanilang tinungo. Hindi sila nagahol sa panahon.

        Pagdating doon, pinayagan si Monique na sumama kay Jolen hanggang sa labor room. Hanggang wala pa lang naman si Jules. Kapag dumating na ito ay magpapalit na sila ng puwesto.

        Nakatala kasi sina Jolen at Jules bilang Lamaze practitioners – iyong nag-aaral ng mga techniques para sa natural childbirth kung saan ang mister ang tumatayong “coach” ng misis sa labor at mismong panganganak. Kapag Lamaze practitioners ang mag-asawa, kasama siyempre ang mister sa labor at delivery rooms.

        Sa mga pagkakataong hindi nakakarating ang mister, pinapayagang may hahalili rito. At kahit wala namang alam si Monique tungkol sa Lamaze, hiniling ni Jolen na siya muna ang makasama nito.

        “Just stay with me,” sabi ng buntis habang mahigpit na nakahawak sa kamay niya. “Malaking moral support na iyon sa akin habang wala pa si Jules.”

        “Hindi ako aalis hangga’t wala pa siya,” pangako ni Monique.

        Pero halos maiyak siya sa awa sa kanyang best friend na habang nakikita ang paghihirap nito. Kahit pala nakapag-aral na ng Lamaze ay talagang grabe pa rin ang inaabot ng isang magiging ina sa ganoong mga sandali.

        Mabuti na lang at nakarating din agad si Jules. Halos nilipad yata nito ang mula sa Quezon City nang matanggap ang tawag ng isang taga-Arte’t Kape.

        Hinagkan pa ni Monique sa noo si Jolen bago iniwan ang mag-asawa.

        “Kaya mo ‘yan,” sabi niya sa kaibigan.

        Pagbalik niya sa waiting area ay inabutan naman niya ang nag-aalalang mga magulang ng mag-asawa at ang Kuya Lyon ni Jolen.

        Nagmano si Monique kay Daddy King Llamanzares – ang ama ni Jolen na para na rin niyang pangalawang ama.

        “Don’t worry, Daddy King,” sabi niya. “Well-prepared naman sina Jolen at Jules para rito.”

        “Kumusta na siya?” alalang-alalang tanong ng matanda.

        “She’s okay,” sagot ni Monique. “Kaya niya ito.”

        “Mabuti na lang, nandoon ka,” sabi ni Lyon. “Nataon pang wala si Jules nang magsimula ang labor niya.”

        “At the very first sign, alam na niyang iyon na iyon, e,” pagkukuwento ng dalaga. “Kaya nga hindi kami kinapos ng oras sa pagparito.”
        “Umuwi ka na muna, Monique,” sabi ni Daddy King. “Kami na lang dito.”

        “Hihintayin ko ho munang makapanganak si Jolen, Daddy,” sagot niya.

        Napansin niyang wala na ang taga-Arte’t Kape na naghatid sa mga magulang ni Jules. Pero naroon pa rin si Kino.

        Nakaupo lang ito sa isang tabi. Tahimik. Parang may malalim na iniisip.

        Mga tatlong oras pa silang naghintay. Madilim na nang lumabas si Jules para ibalitang nakaraos na si Jolen.

        “We have a baby boy!” pagmamalaki nito. “Nakangiti na si Jolen. They’re both okay.”

        “Salamat sa Diyos!” sambit ng ina ni Jules.

        Nagbalik agad ang bagong ama sa piling ni Jolen sa recovery room.

        “Monique, sumama ka na kay Kino pabalik sa Casa,” sabi ni Fe Hermosa. “Hanggang mamaya pa kami rito, e. Sasabay na lang kami kina Lyon pauwi.”

        “S-sige ho,” napilitang isagot ng dalaga.

 

NANG nagkakasarilinan na sila, walang kibuan sina Monique  at Kino.

        Sa kauna-unahang pagkakataon, nakita ni Monique ang binata na kakaiba ang ekspresyon ng mukha. Sa halip na iyong dating parang buung-buo ang kumpiyansa sa sarili at walang kaproble-problema, ngayo’y parang gulung-gulo ito at nakalubog sa malalim na pag-iisip.

        Siya naman, kunwa’y walang pakialam. Sumandal siya sa kanyang kinauupuan at pumikit sa kabuuan ng biyahe.

        Hindi niya alam na naidlip pala siya. Puyat nga naman siya nang nagdaang gabi. Napagod pa siya sa kabuuang tensiyon nang maghapon.

        Nang dumilat si Monique, tumatakbo pa ang sasakyan. Pero nagulat siya sa kanyang nakita sa tabing daan. Hindi na sila patungong Malate. Patungo na sila sa Alabang. Malapit na nga silang makarating sa bahay ni Kino.

        “Ano ba?” sabi agad niya sa binata. “Bakit hindi mo ako inihatid sa pension house?”

        “Kailangan pa nating mag-usap,” simpleng sagot nito.

        “Di doon na sana tayo nag-usap,” sabi niya.

        “I need privacy,” sabi ni Kino.

        “Ni hindi mo muna ako tinanong kung gusto kong sumama sa iyo,” galit na pang-uusig ni Monique.

        “I’m sorry,” walang kagatul-gatol na sagot ng binata. “Idagdag mo na lang ito sa listahan ng mga pagkakamali ko.”

        “Itigil mo ang kotse,” utos niya. “Bababa ako.”

        “No,” mariing sagot ni Kino.

        At binilisan pa nito ang kanilang takbo.

        “This is kidnapping,” sabi ni Monique.

        “Idemanda mo ako,” sagot ng binata. “Pagkatapos nating mag-usap.”

        Tumahimik na si Monique.

        Pagdating nila sa tapat ng pad, hindi siya tuminag sa kanyang kinauupuan.

        “Puwede bang sa loob tayo mag-usap?” hiling ni Kino sa mas mapagkumbaba nang tinig. “Please?”

        Nakasimangot at padabog niya itong pinagbigyan.

        Sa totoo lang, kinakabahan talaga si Monique.

        Ito nga msmo ang iniiwasan niya. Ang magkasarilinan sila nang ganito. Hindi kasi niya alam kung mapanghahawakan ba niya ang kanyang sarili. Sa ganitong sitwasyon ay hindi niya basta-basta magagawang talikuran at takbuhan na naman si Kino kapag masyado nang lumalabas ang tunay niyang damdamin.

        Pagpasok na pagpasok pa naman niya sa bahay ay sinalubong na siya ng mga alaala. Lalo pa’t punung-puno ang mga dingding ng kanyang mga nude paintings. Mangiyak-ngiyak na agad si Monique.

        “Sabihin mo na ang gusto mong sabihin,” padaskol niyang baling kay Kino.

        Katatapos lang nitong isara ang pinto ng bahay.

        Sa halip na sumagot ay nilapitan siya nito’t kinabig ng yakap. At bago pa siya makatanggi ay naangkin na ng mga labi nito ang kanyang mga labi.

        Sa simula’y gustong magmatigas ni Monique. Gusto sana niyang itulak ang binata. Ayaw niyang ibuka ang kanyang mga labi.

        Pero hindi rin niya nalabanan ang sariling damdamin.

        Nang madama niya ang pananabik ng mga halik ni Kino, bumigay na rin siya. Inamin na rin ng kanyang mga labi ang kanya ring pananabik.

        Higit pa roon – ang lahat na ng kanyang naipong mga emosyon. Ang pag-ibig na kaytagal niyang itinanggi.

        Magkayakap pa rin sila’t magkahinang ang mga labi nang igiya siya ni Kino patungo sa higaan. Bago sila bumagsak doon ay hinuhubdan na nila ang isa’t isa.

        Hindi na sila nagbitiw ng anumang mga salita. Katawan na lamang nila ang nag-usap. Bukas at tapat. Wala nang itinatago. Wala nang itinatanggi.

        Higit pa nga silang mapusok ngayon kaysa dati. May kakaibang apoy sa kanilang pagniniig. May kakaibang kapangyarihan.

        Sa simula’y parang kapwa sila nagmamadali. May hinahabol. May kailangan nang makamtan.

        Mas matindi rin kaysa dati ang narating nilang kaganapan. Kapwa sila halos kapusin ng hininga. Parehong pawisan.

        Pero hindi sila natapos doon. Hindi pa rin sila  nagbitiw.

        Parang wala na silang intensiyong bitiwan pa ang isa’t isa. Humihingal pa’y  magkalapat na uli ang kanilang mga labi. Sinusuyo na uli ng kanilang mga kamay ang isa’t isa.

        Apat na oras ang nagdaan bago sila iginupo ng pagod at panghihina. Ni hindi nila napansing nilipasan na sila ng gutom nang walang hapunan. Basta na lang sila nangipuspos. Nanlalatang bumagsak nang magkabuhol pa rin ang mga katawan.

        Pagkaraan lang ng ilang saglit ay bumagsak na ang mga luha ni Monique.

        “Napatunayan mo na ang gusto mong patunayan,” sabi niya sa tinig na wala nang lakas. “Na hindi nga kita kayang ma-resist.”

        Ganoon din ang pagod na nasa boses ni Kino nang sumagot ito.

        “As far as I’m concerned, ang napatunayan natin ngayon ay walang nagbago sa ating nararamdaman sa isa’t isa,” sabi ng binata. “We still want each other so much. Mas tumindi pa nga.”

        “That doesn’t change our situation,” sabi ni Monique. “Hindi pa rin mabubura ng katotohanang iyon ang ating basic problem. We may be so compatible this way pero magkasalungat ang ating pagtingin at paniniwala tungkol sa relasyon.”

        “I can change,” pahayag ni Kino.

        Dahan-dahang sinalubong ni Monique ang tingin nito.

        “Pinag-isipan ko ang pinag-usapan natin kanina,” papapatuloy ng binata. “Naiintindihan ko na ang point of view mo. Unfair nga na sagkaan ko ang kalayaan mo. So, if you’ll still have me, I’d like to make our relationship more formal. At kung gusto mong i-exhibit ko ang paintings mo, gagawin ko. Kung gusto mo ring mag-pose para sa ibang artists, hindi na ako hahadlang. Kahit mahirap para sa akin. Kahit totoong nagseselos ako. I won’t restrict your freedom. I’ll just make damn sure that you’ll stay safe.”

        Napakurap si Monique.

        Nagpatuloy pa si Kino.

        “Hindi mo kailangang alalahanin na magkakaroon pa ng ibang babae sa buhay ko. From now on, ikaw lang. I don’t think I’ll ever want anybody else. I just want you – forever.”

        Napaawang ang bibig ni Monique.

        “I love you,” pahayag na ng binata. “That’s what I realized this afternoon. Hindi ko kaya na mawala ka sa buhay ko. And I’ll do anything, give everything, to win you back. Dahil nararamdaman ko namang may lugar din ako sa puso mo. Napatunayan nga natin ngayon, hindi ba? This isn’t  just sexual compatibility. Hindi lang ganoon kababaw ito. Admit it. When we make love, it’s not just with our bodies. It’s with our hearts and souls.”

        Muling nangilid ang mga luha ni Monique. Mas marami.

        Kinabig pa siyang lalo ni Kina. Masuyo nitong hinagkan ang kanyang mga luha.

        “I’m sorry for being such an insensitive brute,” bulong nito.

        “Sorry rin sa naging katarayan ko,” pahikbi niyang sagot.

        “Nagpapasalamat nga ako sa naging katarayan mo,” nakangiting sabi ni Kino. “Kung hindi dahil doon, hindi ako magigising sa katotohanan.”

        “Papayag ka ba talaga na i-exhibit ang paintings ko?” tanong ni Monique. “At papayag ka rin na mag-pose ako para sa nude painting na iba ang artists?”
        Napabuntonghininga si Kino. Napalis ang ngiti. Sumeryoso.

        “Aaminin kong mabigat sa loob ko,” sagot nito. “Masakit dito, sa dibdib. Pero kung iyon ang magbibigay sa ‘yo ng fulfillment, hindi kita pipigilin – like I promised.”

        Hinaplos ni Monique ng hintuturo ang pisngi ng bagong katipan.

        “I love you,” buong puso niyang pahayag. “And because I love you, I don’t want to hurt you. Hindi naman ganoon kahalaga sa akin ang mga bagay na iyo, e. Masaya nga ako na gusto mong sarilinin itong mga intimate paintings ko. At ayoko naman talagang maghubad sa harap ng ibang painters. Nasabi ko lang iyon kanina sa galit ko sa iyo. I’m sorry kung nasaktan kita. Pero dahil doon, nalaman ko kung gaano ka magmahal. Hindi biro na payagan mo ako kahit masakit sa loob mo. I’ll always cherish that gesture. But I promise – I’ll never do it.”

        Parang nabunutan ng tinik sa dibdib si Kino. Kayliwanag ng ngiti nito.

        “Thank you,” sabi nito bago siya niyakap nang pagkahigpit-higpit.

        Nakatulugan na nila ang ganoong pagkakayakap. Mahimbing na mahimbing. Kapwa may mga ngiti sa labi. May baong kaligayahan at malalim na kapanatagan ng loob sa kanilang mga panaginip.


EPILOGO

 

SA pamamagitan ng pagkuha ng serbisyo ng isang mahusay na wedding organizer, nailunsad sa loob lamang ng apat na linggo ang isa sa pinakamarangyang kasalan ng 1999.

        Malugod namang tinanggap ng pamilya Sandoval si Monique bilang mapapangasawa ni Kino. Nagbigay pa si Franco Sandoval ng malaking engagement party na siya na ring pormal na nagpakilala kay Monique sa pinakamataas na social circles.

        Magmula noon hanggang sa mismong kasalan ay naging laman ang magkatipan ng mga magasin at pahayagan. Nakumbida rin sila sa ilang TV talk shows – hindi nga lang sa City Nights.

        Natupad din ang pangarap ni Monique na maging sikat at mayaman. Ang kakatwa ay hindi na mahalaga sa kanya ang mga bagay na iyon. Basta maligayang-maligaya na siya sa piling ni Kino.

        Nauna lang nang isang linggo sa kasalan ang binyag naman ni Julio Jaime Francisco Hermosa – ang anak nina Jolen at Jules. Siyempre pa, kabilang  sa mga ninong at ninang sina Monique at Kino.

        Pagkatapos ng kasal na naganap nang Setyembre, nagtuloy ang mga bagong-kasal sa isang tour of Europe. Doon na sila nagmula patungo naman sa exhibit ni Kino sa New York nang sumunod na buwan.

        Disyembre na nang magbalik sila sa Pilipinas para dito mag-Pasko.

        At sa pagsalubong nina Monique at Kino sa taong 2000, may kasama na silang apat na buwan na sanggol sa sinapupunan.

 

WAKAS

Abangan ang kuwento ng pag-ibig

ng babaeng eskultor ng male nudes sa

Abakada ng Pag-ibig: Paula


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento