Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Sabado, Abril 22, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Monique Chapter 2

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

 CHAPTER 2

ISA si Kino Sandoval sa mga kinikilalang fast rising young stars sa sirkulo ng mga may pangalang pintor sa Manila art circle. Sa katunayan ay napakarami nang mga timpalak na napagwagihan ng binata, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa Asya at Europa.

        Magaling ang binatang pintor. May sariling estilo na may tatak Pinoy pero kaiba sa ibang mga batikang pintor na Pilipino. Hasa sa klasikong pamamaraan pero may hagod na makabago.

        Ang kakatwa’y hindi naman nag-aral nang pormal si Kino. Hindi sa Fine Arts. Ang tinapos niya’y Business Administration and Accounting at isa siyang certified public accountant.

        Hindi kataka-taka na iyon ang tinapos ni Francisco Noel Sandoval, bunsong anak ng napakayamang industriyalistang si Franco Sandoval. Kahit nagpahayag na agad si Kino sa kanyang ama na wala siyang interes sa kanilang malalawak na mga negosyo ay ipinilit pa rin nito na mapag-aralan niya ang wastong pangangasiwa sa kanyang mamanahing parte sa kanilang kayamanan.

        “Sobra-sobra ang mamanahin mo at hindi mo na kailangan pang magtrabaho,” pahayag ni Franco Sandoval sa anak. “I’m giving you the freedom to do what you want with your life. Isa iyan sa mga pribilehiyong mapapasaiyo kasama ng iyong mana. Pero kakabit din ng pribilehiyong iyan ang mabigat na responsibilidad. Kailangan mong ingatan at hangga’t maaari ay palaguin pa ang iyong mamanahin para naman sa iyong mga magiging tagapagmana. At magagawa mo lang iyan kung may sapat kang kaalaman sa business administration and accounting.”

        Nakumbinse ng ama si Kino. At dahil talagang matatalino ang mga Sandoval ay nanguna pa rin siya sa kanyang klase sa UP College of Business Administration kahit na obligasyon lang ang turing niya sa kanyang pag-aaral. Maging sa pagkuha ng board exams ay naging topnotcher ang binata.

        Marami tuloy ang nanghihinayang na hindi naupo si Kino sa board of directors o naging presidente ng alinman sa kanilang mga kompanya.

        Iba naman ang katwiran niya. Ayaw niyang maupo roon bilang obligasyon lamang.

        “Maaaring maipatupad ko nga nang maayos ang aking trabaho batay sa aking pinag-aralan, pero para ko na ring dinaya ang kompanya, Dad,” sabi niya sa ama. “I’ll just be going through the motions. Magiging automatic na lang ang paggalaw ko. Mas malamang na may mga bagay na makalalampas sa aking atensiyon to the detriment of the company. Iba siyempre kung uupo riyan ay iyong may tunay na interes at dedikasyon sa kanyang ginagawa. Iyong naka-focus talaga sa kompanya.”

        Hindi siya pinilit ni Franco. May apat pa naman siyang mga kapatid na pawang interesado sa pagtataguyod ng kanilang mga negosyo. Masaya na ang matanda sa ginawa niyang pagtatapos sa Business Administration and Accounting at pagiging number one sa CPA board exams. Kampante na ito na mapangalagaan niya ang kanyang mamanahin kahit na hindi sa pagiging tradisyunal na businessman.

        Silent investments nga ang ginawa ni Kino sa bahagi ng mana niyang ipinaubaya na agad sa kanya ng ama. Bumili siya ng stocks hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa Estados Unidos. Iyong mga sigurado lamang. Iyong hindi mamimiligro ang kanyang pera.

        Bukod doon ay may isa pa siyang pinaglagyan ng salapi. Hindi pagkakakitaan kundi pagtulong sa kapwa.

        Nagtayo si Kino ng isang foundation na magbibigay ng scholarships sa mga dukhang may likas na kakayahan sa pagpipinta. Alam niyang magastos pag-aralan ang painting. Mahal ang mga materyales bukod pa sa matrikula. Kaya nga kahit na maraming mga Pilipinong may likas na galing sa sining, iilan ang ang natutuloy sa pagiging ganap na artist. Sayang.

        Dadalawang batch pa lamang ang mga scholars ni Kino. Mga freshmen at mga sophomore pa lang sa kolehiyo.

        Ang kakatwa nga ay iyong siya mismo ay hindi naman nag-aral ng Fine Arts. Nag-self-study lang siya. Dumalo sa iba’t ibang art workshops. Nagbabad sa mga museum at art galleries sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Nagpraktis at nag-experiment.

        Kaya nga siya naging malapit na kaibigan ni Jules Hermosa. Kahit noong mga panahong wala pa ang Arte’t Kape ay tumatambay na si Kino sa coffee shop ng Casa Hermosa. Naging kilala na kasi ang lugar na iyon bilang hang-out ng magagaling na artist.

        Sa dami ng sinalihan niyang workshop at mga napagwagihang timpalak ay nakilala na nga si Kino Sandoval at natanggap sa sirkulo ng mga respetadong pintor at iba pang alagad ng sining na madalas nagkikita-kita sa Casa Hermosa.

        Nang itayo ni Jules ang Arte’t Kape, para na rin nitong ipinagpatayo ng sariling tahanan o cultural center ang grupong iyon.

        Isa si Kino sa mga pintor na regular na nakapaglalagay ng mga obra sa art gallery ng Arte’t Kape. Bihira namang nagtatagal ang kanyang mga painting sa dingding. Talagang inaabangan na ito ng mga art enthusiast at madalas ay napag-aagawan pa.

        Hindi palibhasa tumatanggap si Kino ng mga commissioned work o iyong “made-to-order” kumbaga sa muwebles. Ayaw niyang pinangungunahan ang kanyang pagkamalikhain. Basta’t gagawin niya kung ano ang magustuhan niyang gawin sa bawat pagkakataon. Hindi rin sigurado kung ibebenta ba niya ang matatapos niyang obra o itatago na lamang para sa kanyang private collection. Kaya tuloy nagkakagulo ang mga buyers sa tuwing may iniaanunsiyong exhibit ang binata.

        At habang pataas nang pataas ang presyo ng mga painting ni Kino Sandoval ay parami rin naman nang parami ang kanyang mga tagahanga. Sa anggulong iyon ay para na ring stock market ang art circles. Tulad ng mga stocks, habang tumataas ang presyo ng isang pintor ay lalo itong nagiging kaakit-akit. Siguradong mas lalo pang tataas ang halaga ng mga obra nito sa hinaharap kaya’t ang lahat ay nagkukumahog na makabili agad sa lalong madaling panahon.

        Gintung-ginto ang kinang ni Kino Sandoval nang makilala siya ni Monique.

 

“MONIQUE, natatandaan mo si Kino Sandoval?” tanong ni Jules habang ipiniprisinta ang binata sa kanya.

        Nakatayo ang dalaga sa may bar ng Arte’t Kape nang lapitan ng dalawang lalaki.

        “Of course,” nakangiting sagot niya. “We’ve met here before. Ikaw rin ang nag-introduce sa amin sa isa’t isa.”

        Makakalimutan ba naman niya ang isang katulad ni Kino Sandoval? Bukod sa sikat na sikat ito’y talaga namang malakas ang dating.

        Matangkad si Kino. Bakat na bakat ang muscles nito sa dibdib at mga braso sa suot na fitted-round-necked t-shirt na itim. Naninikip din ang pantalon nitong maong. Lalo tuloy kapansin-pansin ang mabilog nitong pang-upo, siksik na mga hita at mahahabang binti.

        Hindi malaman ni Monique kung alin ang mas kaakit-akit – ang napakagandang physique ng binata o ang mukha nitong may kakaibang karakter.

        Hindi matatawag na guwapo si Kino sa ordinaryong depinisyon ng pagkaguwapo. Kung mag-aartista ito’y mas malamang na makuha bilang character actor kaysa leading man. Lalo pa’t masyadong intense kung makatitig ang mga mata ng binata habang may kakaiba namang misteryo ang ngiti nito. Para bang laging may pinaplanong kalokohan. Balbas-sarado pa ito. Parang sinasadyang magmukhang pilyo.

        Kaya naman lalong naakit si Monique sa pintor. Ito na yata ang kumakatawan sa lahat ng hinahanap niya sa isang lalaki. Sikat. Mayaman. May angking kakaibang talino. Hindi pangkaraniwan. Hindi nagpapatali sa tradisyon. May sariling landas na tinatahak at walang pakialam sa mga kumbensiyon ng karamihan. Pagkatapos ganito pa ang hitsura.

        “Natatandaan ko rin noong ipakilala tayo sa isa’t isa,” nakangiting tango ni Kino sa kanya. “Kabubukas pa lang nitong Arte’t Kape noon. The early days. And you were with Julianna. Pagkatapos, noong ikasal sila ni Jules, ikaw rin ang maid of honor.”

        Natuwa si Monique. Kahit paano’y tumatak din pala siya sa isip ng binata.

        “Si Monique na ang bagong social directress ng Arte’t Kape, pare,” pahayag ni Jules. “From now on, kung kailangan mong mag-book ng function room, you’ll have to coordinate with her. Siya na rin ang mag-aasikaso sa lahat ng mga pangangailangan ng bawat activity.”

        “I’ll remember that,” sagot ng binata.

        “O, maiwan ko na muna kayo,” paalam ni Jules. “May titingnan lang ako sa kitchen.”

        “Nakaorder ka na ba ng drink?” tanong ni Monique nang makaalis si Jules.

        “Hindi pa nga, e,” sagot ni Kino.

        “Have a seat,” sabi niyang itinuturo ang pinakamalapit na bar stool.

        “Will you keep me company?” tanong ng binata.

        “Iyon lang pala, e,” sagot niya.

        Pag-upo nila’y sinenyasan ng dalaga ang bartender.

        “Fresh lemonade lang, please,” sabi ni Kino nang lumapit  ito. “Iyong lagi kong order – honey instead of sugar. And please serve the honey on the side. Ako na ang magtitimpla.”

        Nagulat si Monique na non-alcoholic drink ang inorder nito.

        Tumingin sa kanya si Kino.

        “May I buy you a drink?” tanong nito.

        Natawa siya.

        “I can have all my drinks on the house,” sagot niya. “In fact, I’ve just had one. Thanks, anyway.”

        Fresh lemonade din nga ang katatapos lang niyang inumin. Iyon din ang paborito niyang hingin sa bar.

        “You look different,” sabi ni Kino nang makalayo na ang bartender.”

        “Really?” kunot-noong sagot ni Monique. “Paanong different?”

        “Noon kasi, iyong ayos mo, talagang pang-teacher,” sagot ng binata. “Pareho kayo ni Jolen.”

        Natawa uli siya.

        “Talaga naman kasing teacher pa ako noon,” sagot niya. “Pre-school teacher pa. Ibang-iba naman ang trabaho ko ngayon. Siyempre, nag-iba rin ang aking look.”

        “Mas bagay sa iyo itong look mo ngayon,” sabi ni Kino. “Mas tugma sa iyo.”

        “Thank you,” sagot niya.

        Hindi lang alam ng binata kung gaano siya kinilig sa tinuran nito.

 

MAGMULA nang gabing iyon ay napadalas pang lalo ang pagpunta ni Kino sa Arte’t Kape. Hindi niya alam kung bakit pero parang araw-araw ay hinahatak siyang magpunta roon – at hindi para makigrupo sa kanyang mga kaibigan kundi para makita, makasama at makausap ang bagong social directress ng Arte’t Kape.

        Naiintriga si Kino kay Monique.

        Kahit noong una niya itong makita, noong kasama pa ito ni Julianna, naakit na agad ng dalaga ang kanyang pansin. Pero noon, akala niya ay natatawa lang siya o naaawa pa nga kay Monique.

        Halatang-halata kasi niya noon na manghang-mangha ito sa lahat ng nakikita’t naririnig sa Arte’t Kape. Hindi ito tulad ni Julianna na kahit alam niyang naninibago rin sa ganoong kapaligiran ay cool na cool pa rin.

        Para kay Kino ay napaka-transparent ng kaibigan ni Jolen. Tingin niya rito noon ay parang isang bata na sa kauna-unahang pagkakataon ay nakatuntong sa karnabal. Tuwang-tuwa. Excited.

        Kahit ang ayos ni Monique noon ay kakatwa para sa kanya.

        Kung tutuusin, walang ipinagkaiba ang bihis nito kaysa kay Jolen. Pero ang bihis ni Jolen ay natural sa personalidad nito. Ang kay Monique ay pilit na pilit.

        Tingin noon ni Kino, parang mismong si Monique ay asiwang-asiwa sa suot nitong maluwang na slacks, blusang estilong pang-opisina at flat shoes. Hindi iyon bagay sa personalidad nito na mukhang sabik na sabik na makipagsapalaran sa mundo. Sabik na sabik na makapaglayag sa kung saan-saan.

        Kahit ang buhok ni Monique ay katulad ng personalidad nito. Mahaba na alun-alon. May tendensiya na maging wild. Pero mas bagay rin na hinahayaang nakalugay nang natural kaysa katulad noon na laging nakatali o nakaipit sa gawing batok.

        Nang muli niyang makita si Monique – nitong naging social directress na ito ng Arte’t Kape – nagulat si Kino sa mga pagbabagong naganap sa anyo ng dalaga. Ibang-iba na ito. At umangkop na ang ayos nito sa tunay na personalidad.

        Matatawag nang daring kung manamit ang bagong Monique. Laging bare. Kung hindi man naka-spaghetti straps ay naka-tube blouse. At laging may statement ang kulay ng suot. Kung hindi all black o all brown ay contrasting colors naman ang ipinagpapares.

        Iyon nga yata ang ganap na nakabighani kay Kino.

        Kung noon ay naakit na siya sa naaaninag pa lamang na katauhan ni Monique sa likod ng asiwa nitong ayos, ngayo’y hindi na niya magawang talikdan ang natural nitong kariktan. Parang gayumang humihigop sa kanya ang katauhan ng dalaga.

        Gayunpama’y hindi handang manligaw si Kino Sandoval. Malayo iyon sa kanya namang personalidad.

        Mula’t sapul ay wala pang babaing nakapagsabing nobyo nito si Kino Sandoval. Wala pa siyang binigyan ng ganoong pribilehiyo.

        Kabi-kabila ang kanyang mga relasyon, pero panay mga fling lamang. Hindi man mga one night stand ay wala namang napanghahawakang anumang commitment ang mga babaing nakikipag-ugnayan sa kanya.

        Hindi nang-aagrabyado ng babae si Kino. Wala siyang pinaasang babae. Maliwanag sa mga nakikipag-ugnayan sa kanya na hanggang doon lang ang handa niyang ibigay. Mutual enjoyment for the moment. No commitments.

        Wala siyang balak magpatali kaninuman. Itinuturing niya ang kanyang sarili na isang free spirit at dahil dito’y pinangangalagaan niya ang kanyang kalayaan sa lahat ng bahagi ng buhay.

        Siguro’y iyon din ang isa pang pang-akit sa kanya ni Monique. Nakikita niya sa dalaga ang kanyang sarili. Ang kaibahan lang nila’y papunta pa lamang si Monique samantalang pakiramdam niya’y makailang ulit na siyang nakapagpabalik-balik sa mga sanga-sangang daan ng buhay.

        Nauunawaan niya ang excitement ni Monique. Ang pananabik nitong makipagsapalaran sa mundo.

        May kutob siya na magkakasundo sila. Na tulad din ng mga babaing naging panandaliang bahagi ng kanyang buhay ay papayag si Monique sa kanyang sistema ng pakikipagrelasyon.

        At iyon ay hindi nangangailangan ng panliligaw.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento