FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 3
“MAY napapansin ako sa iyo,” sabi ni Monique isang gabing nagkukuwentuhan
sila ni Kino sa Arte’t Kape. “Hindi ka umiinom. I mean, hindi ka umiinom ng
alcohol.”
“Iniiwasan ko na talaga,”
sagot ng binata. Napagdaanan ko na iyan, e. Nagsawa na ako.”
Tumaas ang kilay ni
Monique.
“Ganoon ba iyon?” sabi
niya. “Ang bata mo pa naman yata para magsawa sa kahit na ano. Ako nga,
nag-aaral pa lang na uminom. Akala ko noon, dito ako matututo. Hindi pala.
Paano, lagi naman akong on duty. Siyempre hindi ko puwedeng pagsabayin ang
pag-inom at ang trabaho.”
“Pero bakit gusto mong matutong
uminom?” tanong ni Kino.
“Siyempre naman, ano,”
sagot ni Monique. “Hindi na ako minor, e. Siguro naman, may karapatan na akong
matutong uminom. Para naman hindi ako magmukhang tanga. Social directress pa
man din ako ng Arte’t Kape. Dapat, sanay ako sa maraming bagay. Hindi
inosente.”
Nangiti si Kino.
“E, paano mo naman balak
na matutunan ang pag-inom?” tanong pa nito.
“Iyon na nga, e,” pabuntonghiningang
sagot ng dalaga. “Weird itong sitwasyon ko. Nagtatrabaho nga ako sa isang cafe
na may bar pero hindi ako puwedeng uminom ng alcohol dito. Hindi ko naman
puwedeng yayain si Jolen na uminom sa labas dahil buntis. At saka kahit hindi
iyon buntis, hindi talaga ako sasabayan niyon.”
“Ako, puwede kitang
sabayan,” sabi ni Kino.
“Akala ko ba, iniiwasan mo
ang pag-inom?” gulat na pakli ni Monique.
“Hindi ko naman sinabing
hindi na talaga ako umiinom kahit kailan,” katwiran ng binata. “Pinipili ko
lang ang okasyon.”
“At ano naman ang okasyon
para samahan mo ako sa pag-inom?” tanong ni Monique.
“Wala lang,” sagot ni
Kino. “Desidido kang matutong uminom, e. At naghahanap ka ng makakasama. So,
I’m offering my services. Sa palagay ko, daig ko pa ang mga bartender ninyo
kung sa paramihan lang ng alam na timplahing drinks. Kaya kung maghahanap ka ng
magtuturo sa iyo, dito ka na sa eksperto.”
“Ganoon?” sabi ng dalaga.
“At saka kung gusto mo
talagang matuto, hindi tayo dapat mag-inuman in public,” dagdag pa ni Kino.
“Kailangan, nasa bahay ka. Malasing ka man, hindi ka magkakalat.”
“Sa bahay?” ulit ni
Monique. “E di diyan din iyon sa kabila. Hindi puwede. Nakakahiya rin kung
diyan ako malasing.”
“E, di doon tayo sa pad
ko,” sabi ni Kino. “Ano’ng araw nga ba ang day off mo?”
“Tuesday and Wednesday,” sagot
ni Monique. “Iyon ang medyo matumal na araw, e. Biyernes hanggang Linggo ang
mga laging puno ng events. Lunes naman ang madalas na pagdating ng mga booking.
Huwebes dumarating yung mga biglaang booking.”
“Tuesday evening then,”
sabi ng binata. “Susunduin kita ng mga five in the afternoon. With the rush
hour traffic, mahigit isang oras siguro aabutin ang biyahe natin mula rito
hanggang sa pad ko.”
“Bakit, nasaan ba ang pad
mo?” tanong ni Monique.
“Sa Alabang,” sagot ni
Kino.
“Ang layo pala,” sabi ng
dalaga.
“Problema ba iyon?” sagot
ni Kino. “Susunduin naman kita at ihahatid dito.”
“Okay,” parang balewalang
tango ni Monique. “It’s a date.”
SA totoo lang ay hindi magkandatuto sa excitement ang dalaga. First
date ba naman niya ito sa buong buhay niya.
Marami na ang nagtangkang
mangumbida sa kanyang lumabas mula nang
magtrabaho siya sa Arte’t Kape. Marami na ang nagtangkang manligaw. Pero wala
siyang natipuhan. At ang paniniwala ni Monique ay huwag nang paasahin ang mga
wala namang maaasaan. Agad niyang pinaprangka ang mga ito.
Ngayon lang siya pumayag
na sumama sa lalaki sa labas ng Arte’t Kape.
“Pero bakit si Kino pa?”
sabi ni Julianna nang magkasarilinan na ang magkaibigan. “At bakit ka pumayag
na sumama sa bahay niya? Matindi pa naman ang crush mo sa lalaking iyon.
Delikado ka. Madali ka niyang mase-seduce.”
Natawa si Monique.
“Baka maunahan ko pa nga siya, e,” sagot niya.
“Monique, hindi mo ba alam
ang reputasyon ni Kino Sandoval sa mga babae?” sabi ni Julianna. “He doesn’t
believe in commitment. Hindi siya nakikipagrelasyon nang matino. Panay fling
lang.”
Nagkibit-balikat ang
dalaga.
“Okay lang,” sagot niya.
“Wala naman akong hang-up pagdating doon.”
“Monique!” parang nanay na
saway ni Julianna.
“Jolen, magkaiba tayo,”
paliwanag naman niya. “Alam mo namang kahit noong nasa Colegio pa ako, sabik na
sabik na akong makalabas sa mas malawak na mundo. I want to have a taste of
everything. Lahat ng bagay na out of my reach noon. Isa na siyempre dito ang
men. Don’t get me wrong. Hindi ko naman balak na magwala sa kung kani-kaninong
lalaki. Mataas nga ang standards ko, e. He has to be extraordinary. And Kino
more than fits that description. Alam kong marami siyang maituturo sa akin.
Hindi lang ang pag-inom. At hindi ko rin naman siya hahanapan ng long-term
commitment. After all, marami pa rin akong gustong gawin sa buhay ko.”
“Madaling sabihin iyan,”
sagot ni Julianna. “Pero mag-iingat ka. Tandaan mo, bagito ka pa rin sa mundong
gusto mong suungin. Hindi mo pa tantiyado ang sarili mo sa ganoong larangan.
Akala mo simple lang ang pakikipagrelasyon sa lalaki. No strings attached.
Paano kung ma-in love ka sa kanya? Masasaktan ka lang.”
Nagpakailing-iling si
Monique.
“Hindi ako mai-in love,”
pahayag niya. “O, kung mangyari nga iyang sinasabi mo, I assure you, kaya kong
suhetuhin ang puso ko. Mas mapapangibabaw ko pa rin ang utak ko. I can take
care of myself.”
SA kabila ng lahat, kabadung-kabado pa rin si Monique habang papasakay
sa kotse ni Kino.
Kaninang umaga pa lang ay
hindi na siya mapakali. At habang naghihintay sa binata ay palamig nang palamig
ang kanyang mga palad. Sinasabi niya sa kanyang sarili na iyon ay dahil lamang
sa excitement at antisipasyon. Ayaw niyang aminin na talagang ninenerbiyos
siya.
“Ready for your lessons?”
tanong pa ni Kino nang magkita sila.
“I’m ready,” nakangiting
sagot niya.
Nakahanda na nga naman
siya sa anumang maaaring maganap. Sa anumang maituturo sa kanya ng binata. Iyon
nga mismo ang nakapagpapalamig sa kanyang mga palad.
“Pasensiya ka na, ha?”
sabi ni Kino habang inilalapag sa back seat ng kotse ang nakabalot na pagkaing
inorder nito mula sa Arte’t Kape. “Dito na rin ako nagpaluto ng hapunan at
finger food natin. Siniguro ko naman na maiba ang menu. Kinausap ko mismo ‘yong
chef ninyo. Hindi ito iyong mga madalas mo nang natitikman sa cafe.”
“Okey lang,” sagot ni
Monique. “Hindi naman ako mapili sa pagkain.”
Nang umaandar na ang
kotse, may isinunod siyang tanong sa binata.
“Wala ka bang tagaluto?”
“Mag-isa lang ako sa
bahay,” sagot nito.
“Paano sa pang-araw-araw
mo?” tanong pa niya. “Ikaw lahat? Marunong ka bang magluto, maglinis ng bahay,
maglaba’t mamalantsa?”
Nagkibit-balikat si Kino.
“Madali namang
mag-maintain ng linis ng bahay,” sagot nito. “Maliit lang ang pad ko at may
vacuum cleaner naman. Iyong laundry, dinadala ko sa laundromat. Kasama na ang ironing
services. Iyong pagluluto, hindi rin problema. Pag nasa bahay lang ako’t
nagtatrabaho, madalas ay prutas lang ang kinakain ko. Lagi rin akong may whole wheat
bread sa ref. Nakakabusog na rin iyong bagong init na tinapay at brewed coffee.
Bumabawi na lang ako pag nasa labas.”
“Kaya pala trim na trim ka,”
pansin ni Monique.
Naging pilyo ang ngiti ni
Kino.
“I’m flattered that you
noticed,” sabi nito.
Hindi napigil ang dalaga
ang biglang pamumula ng kanyang mga pisngi. Pinilit pa rin niyang makabawi.
“Talaga namang napapansin
ko ang lahat ng lalaking maganda ang physique,” kunwa’y balewalang sagot niya.
Tumawa na nang malakas si
Kino.
“Iilang babae lang ang
umaamin nang ganyan,” sabi nito.
“Magkakasundo kayo ni Paula.”
“Si Paula Montelibano – the
lady sculptor?” sagot ni Monique. “Aba, idol ko siya. Bilib na bilib ako sa kanyang
mga male nude sculptured pieces. Kahoy man o marmol, kayang-kaya niyang
bigyang-buhay.”
Tumango si Kino.
“She knows the male
physique so well,” sabi ng binata. “Ikaw ba, masasabi mo rin iyon about
yourself?”
Mas lumalim ang pamumula
ni Monique.
“Hindi naman ako artist,”
sagot niya. “Pero marunong akong tumingin. Alam ko kung ano ang maganda. I know
what I like.”
“Masuwerte pala ako,” nakangiti
uling sabi ni Kino. “Nagustuhan mo ang aking physique. Tatandaan ko ‘yan sa tuwing
tinatamad akong mag-workout. Para naman ma-motivate ako.”
“Bakit, ako pa lang ba ang
nagsabi sa iyo ng ganoon?” hamon ni Monique. “Oh, come on. Ang dinig ko, pila ang
female admirers mo. I’m sure, sawang-sawa ka nang makarinig ng ganoong
compliment.”
“Bistado mo na pala ako,”
tatawa-tawa pa ring sagot ng binata. “Pero hindi naman totoo iyong pila.
Exaggeration na iyon.”
“Pa-humble ka pa,” sabi ni
Monique. “Hindi bagay sa iyo. Alam ko namang hindi ka sanay na nagpapaka-good
boy kuno.”
“Bad boy ba talaga ang
image ko sa iyo?” nakataas ang kilay na tanong ni Kino.
“Hindi naman bad,” sagot
ng dalaga. “Naughty lang.”
“Hmm, I think I like
that,” sabi ni Kino.
Pagkatapos, sumulyap ito sa
kanya.
“Alam mo, naunahan mo
ako,” sabi nito. “Baka tuloy isipin mong napipilitan lang akong ibalik sa iyo
ang compliment. Pero totoo ito. I think you’re sexy. Pang-nude model ang figure
mo. Slim pero full-bodied. Voluptuous.”
“Para naman tayong may mutual
admiration society nito,” sagot ni Monique.
“Iyan na nga ba ang
sinasabi ko, e,” iling ni Kino. “Hindi ka na maniniwala sa akin.”
“O, sige, thanks for the
compliment,” sabi na ng dalaga. “Coming from an artist, nakaka-flatter talaga.
Lalo pa iyong sinabi mo na pang-nude model ang figure ko. Kung sa ibang lalaki
nanggaling, baka mabastusan ako. Pero from an artist’s point of view, it’s an
honor. Puwede ko na palang pangarapin na maging model ng isang classical nude
painting.”
“Why not?” sagot ni Kino.
“I’d like to paint you in the nude. Wala pa akong ganoong painting dahil wala
pa akong nakitang babae na gusto kong igawa ng ganoon – until I saw you. Will
you dare?”
Iyon ang magic word. Kapag
nakakarinig si Monique ng salitang “dare” ay talagang nahahamon siya.
“Baka hindi ka seryoso,
mapasubo ka,” sagot agad niya.
“Aba seryoso ako,” sagot
din agad ng binata. “Ikaw ba seryoso ka?”
“Hindi mo siguro alam na
pantasya na yata ng halos lahat ng babaing nakapanood ng Titanic ang maging
modelo ng nude painting, ano?” nakangiting sabi ni Monique. “Pero ako, hindi
lang ‘yung pelikulang iyon ang nakapagbigay sa akin ng ganyang ideya. Noong
araw pa – noong nag-aaral ako ng Humanities sa college – kapag nakakakita ako
ng classical nude paintings, gandang-ganda ako. Naiisip ko na noon na
napakasuwerte no’ng modelong napili ng mga masters. Biro mo, na-immortalize ang
kanilang beauty. Naging ehemplo sila ng kagandahan through the years.”
“And you deserve to be one
of them,” sabi ni Kino. “Of course, hindi ko naman sinasabi na isa rin akong
master sa painting.”
“But you’re one of the
best,” dugtong ni Monique. “Sa bagay na ‘yan, puwede ka talagang magyabang
dahil may maipagmamayabang ka naman.”
“Thank you,” sabi ng
binata. “Pero tatandaan ko iyong sinabi mo tungkol sa pagmomodelo para sa
painting ko. Sisingilin kita one of these days.”
“Sabihin mo lang kung
kailan,” sagot ni Monique.
Kampanteng-kampante ang
boses niya. Hindi lang alam ng binata kung gaano kabilis ang pintig ng kanyang
puso.
Alukin ba naman siyang
maging nude model sa isang painting ni Kino Sandoval. Aba’y hinding-hindi niya
tatanggihan ang karangalang iyon. Siguradong ito na ang hinihintay niyang
pagkakataong makapagpapasikat sa kanya.
Hindi na bale ang kanyang
nerbiyos. Bahala na kung paano niya kakayanin ang paghuhubad sa harap ng
lalaking ito.
Kunsabagay, higit pa nga
sa pagmomodelo nang hubad ang mga eksenang naglaro sa kanyang isipan magmula
noong pumayag siyang sumama kay Kino. Kung nakahanda siya sa hanggang doon ay
bakit naman siya matatakot sa pagmumodelo lang?
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento