FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 4
NAGULAT si Monique nang tumigil ang kotse ni Kino sa tapat ng isang
malapad na gate.
May inilabas na maliit na
electronic device ang binata. May pinindot na buton.
Mayamaya lang ay may
lalaking nagbukas ng gate. Nang makapasok ang kotse ay kinawayan ito ni Kino.
Muli namang isinara ng lalaki ang gate.
Malawak na lupain ang
tumambad sa paningin ng dalaga. Parang isang malaking bloke ng subdivision ang
sakop ng bakuran.
May tinatahak silang
sementadong daan. Sa magkabila nito’y maraming mga puno. Sari-sari. Ang lupa
nama’y nasasapnan ng malusog na carabao grass.
Sa pinakadulo ng daan ay
may natatanaw siyang dalawang mababang istrukturang puti. Magkatabi.
“Akala ko ba, sa Pad ka
nakatira?” pagtataka ni Monique.
Ang inaasahan talaga
niyang pupuntahan nila ay townhouse o condominium unit.
“Pad ko nga iyong nasa
dulong iyon,” sagot ng binata. “Studio ko naman iyong katabi.”
“Property mo itong buong
ito?” manghang sambit ni Monique. “Ang laki-laki naman para sa isang bachelor’s
pad.”
“I wanted space,”
paliwanag ni Kino. “Iyon bang may privacy ako mula sa mga kapitbahay. Hindi
iyong halos nagkakarinigan na kami. Sa halip na pribadong buhay ng kapitbahay
ko ang nakikita ko pagtanaw ko sa labas ng bintana, ang gusto ko’y greenery ang
nabubungaran. Green grass. Fruit-bearing trees. Katulad ng mga iyan. Niyog,
mangga, santol, sampalok, bayabas, kalamansi at iba pa.”
“Para kang may orchard sa
loob ng subdivision,” sabi ni Monique.
“Nakakapagpapresko ng hangin
ang mga puno,” paliwanag pa ni Kino. “Bukod sa lilim, they give off a lot of
oxygen. Kaya nga masarap ang hangin dito. Nakakaalis ng pagod at stress.
Nakakabuhay ng dugo. Nakaka-inspire sa aking pagpipinta.”
“Gaano kalaki itong lote
mo?” tanong ni Monique.
“Two thousand five hundred
square meters,” sagot ng binata. “Eighty squares meters lang ang aking
one-bedroom pad. Ganoon din kalaki iyong katabing studio. Doon sa dulo ng lote,
sa likod, may forty square meters naman na bahay ang dalawa kong katiwala.
Iyong natitirang two thousand three hundred square meters, open space na.”
“Grabe!” iling ni Monique.
“Actually, hindi naman
siya mukhang eskandaloso, di ba?” habol na paliwanag pa ni Kino. “Simple lang
ang pad at studio ko. Very plain. Iyan namang lawn, carabao grass lang. At iyang
mga punong itinanim ko, panay kapaki-pakinabang. Pag nakakaani ng marami-raming
prutas, nakakapagbenta pa ang mga katiwala ko. Pandagdag sa pocket money nila.”
“Ilan kayong nakatira
rito?” tanong ni Monique. “Akala ko ba, sabi mo kanina, mag-isa ka lang sa
bahay.”
“Sa pad, mag-isa lang
ako,” sagot ni Kino. “Iyon namang dalawa kong katiwalang lalaki, may sarili
ngang quarters sa dulo ng property. At saka hindi sakop ng trabaho nila ang pad
at studio ko. Iyong maintenance lang ng grounds ang gawain nila. Like I also
said earlier, I value my privacy. I enjoy living alone. Alam nila iyon. Hindi
sila nagtatrabaho nang malapit sa bahay at studio kapag narito ako.”
Nang makarating sila sa
dulo ng mahabang daan, nakita ni Monique na totoo ngang simpleng-simple lang
ang dalawang magkatabing istrukturang naroon. Parang dalawang kahon na parehong
tig-iisang palapag lamang. Yari sa semento at kahoy na sa labas ay pininturahan
ng puti.
“Gusto mong makita ang
studio ko?” tanong ni Kino pag-ibis nila.
“Sige,” tango ng dalaga.
Tumuloy sila sa
istrukturang nasa gawing kanan. Nang buksan ni Kino ang malapad na pinto ay
nakita ni Monique na parang bodega lang ang loob. Iisang malapad na espasyo
lang. Pulang Vigan tiles ang sahig. Sementong pininturahan ng puti ang mga
dinding. Maraming bintana na panay walang tabing na kurtina. Barnisadong kahoy
ang kisame.
Nasa sahig ang maraming
painting, nakasandal sa dingding. Nasa harap naman ng isang bintana ang easel
na may nakasalang na blangkong canvas.
Itinuro ni Kino ang kinaroroonan
ng easel.
“Ganyan ako kung
magpinta,” sabi nito. “Nakatanaw sa mga puno sa labas. Kung minsan, inilalabas
ko na mismo ang easel. Sa labas na ako nagpipinta. Kahit sa mga pagkakataong
hindi naman iyong mga punong iyon ng subject na ipinipinta ko, inspirasyon ko
pa rin sila.”
“Iba ka nga talaga,” iling
ni Monique. “I should have known. Bakit ko nga ba inasahang nakatira ka sa
isang typical townhouse o condo unit? Siyempre, lagi kang lumilihis sa
kalakaran. Tulad nitong set-up mo. Alam kong mahal ito. Mataas ang halaga ng
lupa sa lugar na ito. Pero nakakatuwa na gumastos ka nang ganoon kalaki para
lang makamtan ang mga napakasimpleng kaligayahan. Carabao grass at mga native
fruit bearing trees. Pati na itong studio at bahay mo. Kung titingnan, bare na
bare. Hindi bahay-mayaman.”
“Lahat naman halos ng mga
painter, simple lang ang studio,” sagot ni Kino. “Nasa utak ng pintor ang mga
kulay at disenyo. At sa canvas namin inilalabas.”
Tumango si Monique.
“Bagay ngang simple lang
ang studio mo,” sabi niya. “Iyan na mismong mga paintings mo ang nagbibigay-kulay
rito. Para na ring blank canvass itong mga dingding ng studio. Naghihintay ng
panibagong stroke ng iyong paintbrush.”
Napatingin sa kanya si
Kino.
“Alam mo, bagay na bagay
ka nga rin sa trabaho mo ngayon,” sabi nito pagkaraka. “You understand artists
so well.”
Napangiti ang dalaga.
“Hindi naman sa lahat ng
oras,” sagot niya. “But I try my best. Gustung-gusto ko kasi ang sirkulo ninyo,
e, masarap maging bahagi ng art world, kahit hindi ako artist.”
“Aba, hindi matatawaran
ang papel mo sa art circle,” pahayag ni Kino. “Major player na ang Arte’t Kape
sa Manila art scene. Malaking bagay iyong nabibigyan ninyo ng maganda at
popular na venue ang mga artist para sa iba’t ibang klaseng activities.
Nailalapit ninyo ang sining sa mga tao.”
“Kaya nga bilib na bilib
ako sa concept ni Jules, e,” sang-ayon ni Monique. “At talaga namang
nagpapasalamat ako sa kanila ni Jolen sa pagbibigay nila sa akin ng ganitong
opportunity kahit na wala akong formal training sa art.”
“Bakit, ako rin naman
walang formal training, a,” paalala ni Kino sa kanya. “Ang mahalaga, handa
tayong matuto.”
“Speaking of which... baka
makalimutan natin na narito ako para matutong uminom,” nakangiting paalala
naman ni Monique.
“Hindi ko nakakalimutan
iyon,” sagot ng binata. “Halika, doon na tayo sa kabila.”
Kinuha muna ng binata ang
pagkain sa kotse bago sila tumuloy sa pad nito.
Mas maayos lang nang
kaunti ang bahay kaysa sa studio ni Kino. Parang isang kahon lang din ito na
nilagyan lang ng partisyon para sa maliit na toilet and bath. Wala nang mga
dibisyon ang tulugan, kainan, kitchenette at salas.
Katulad ng sa studio,
pulang Vigan tiles ang sahig ng pad. Sementong pininturahan ng puti ang mga dingding.
Barnisadong kahoy ang kisame. Mas kakaunti nga lang ang mga bintana sa pad. At
may mga tabing na native blinds.
Lahat ng muwebles ay yari
sa kahoy. Simpleng-simple lang ang disenyo. Ang kama ay parang pamprobinsiyang
papag na malapad, sinapnan lang ng kutson na nakabalot sa katsa. Ang mga upuan
sa salas ay malalapad at mabababang bangko na may sandalan. Sa kanto ng
dalawang mahahabang bangko ay may mababang corner table. Mas mataas naman ang
mga bangkong nakapaikot sa kuwadradong mesang kainan na pang-walo katao.
Pandalawahan ang bawat bangko.
“Gawa ko ang lahat ng
furniture dito,” pagmamalaki ni Kino. “Ako lang mag-isa from start to finish.
Mula sa pagpili ng kahoy hanggang sa kahuli-hulihang pagbabarnis.”
“Mahirap na trabaho iyon,
a,” gulat na sagot ni Monique. “Mabibigat iyang mga muwebles na iyan.”
“Bakit, mukha ba akong
wimp?” natatawang pakli ng binata. “Akala ko ba bilib ka sa aking physique? Let
me assure you, hindi pamporma lang ang katawang ito. Sayang naman ang regular
kong pagwo-workout kung hindi ko kayang magtrabaho nang mabibigat.”
Nangiti si Monique.
“Nasaling naman agad ng
macho pride mo,” kantiyaw niya. “Sorry na. Siyempre, alam kong kayang-kaya mong
gawin ng mga iyan. Nagulat lang ako na pagtitiyagaan at paghihirapan mo pang
gawin samantalang kayang-kaya mo namang
bumili ng kahit gaano kamahal na furniture. Kung talagang type mo lang ang ganyang
style, may nabibili rin namang ganyan, hindi ba?”
“Hindi iyon, e,” iling ni
Kino. “Iba siyempre iyong satisfaction ng sarili kong gawa. Art form din iyan.
Parang sculpture. Iyan ang art na mas kapaki-pakinabang. Hindi tinitingnan
lang.”
“Oo nga, ano?” tango ni
Monique. “Dapat pala, may signature mo rin ang mga mesa at silyang iyan. Aba,
mas mataas pa ang halaga niyan kaysa sa mga paintings mo. Mas nakakapagod gawin
ang furniture, hindi ba?”
“Priceless ang mga iyan
dahil hindi ko naman balak na ibenta kahit kailan,” sagot ng binata. “Para lang
talaga sa sarili kong fulfillment iyan.”
“Aba, masuwerte pala ako’t
makakaupo ako sa mga silyang ito,” biro ni Monique. “Napaka-exclusive pala ng
mga ito.”
“Mas masuwerte naman ang
mga silyang iyan dahil mauupuan mo,” pilyong pakli ni Kino.
Tinawanan lang ito ni
Monique.
“Feel at home,” dagdag pa
ng binata. “Ihahain ko lang itong food natin. Ilalabas ko na rin ang drinks.”
“Puwede ba akong mag-smoke
dito?” paalam ni Monique. “Nagdala ako ng isang pack, e.”
Nagulat si Kino.
“Naninigarilyo ka ba?”
sabi nito. “Hindi pa kita nakitang nag-smoke sa Arte’t Kape.”
“Isa nga ito sa mga
pag-aaralan ko pa lang na gawin,” paliwanag ni Monique. “Naisip kong dito na
rin simulan. Ikaw nga pala, hindi rin kita nakikitang naninigarilyo.”
“I stopped smoking years
ago,” sagot ng binata. “At kung ako sa iyo, hindi ko na pag-aaralan pa iyan.”
“Alam ko na, it’s bad for my
health,” pairap na sagot ni Monique.
“And for other people’s
health,” dagdag ni Kino. “Pati mga taong nakapaligid sa iyo, apektado ng usok
ng sigarilyo mo. Mas nakaka-cancer pa nga ang second hand smoke, e.”
“So no smoking pala rito
sa bahay mo,” mabigat ang loob na sabi ng dalaga.
“Puwede naman kung
talagang gusto mo,” sagot ni Kino. “Pero sayang. Makakasira iyan ng complexion
mo. Makakapagpaitim ng lips. Makakapagpadilaw ng ngipin. At saka mas masarap
hagkan ang bibig na hindi amoy-yosi.”
Namula nang malalim si
Monique. Para na ring sinabi ng binata na balak nitong hagkan siya.
“Killjoy ka, alam mo ba?”
kunwa’y napipikon na sabi na lang niya para mapagtakpan ang pagka-conscious.
“Akala ko pa naman, ikaw itong taong walang mga ipinagbabawal. Akala ko, puwede
kong matutunan ang lahat sa iyo...”
Ooops... natigilan si
Monique. Wrong choice of words. Nadudulas ang dila niya.
At hindi iyon nakaligtas
sa pandinig ng binata.
“Mas marami pa akong
maituturo sa iyo na mas magugustuhan mo kaysa sa paninigarilyo,” nakangiting tugon
nito. “Just you wait and see.”
Lalong lumalim ang
pamumula ni Monique.
Dahil hindi na siya
mapakali, nang ilapag ni Kino sa mesang kainan ang isang pitsel ng screwdriver
– tinimplang orange juice at vodka – ay agad siyang nagsalin sa baso. Napalaki pa
ang kanyang unang lagok.
“Hey... dahan-dahan lang,”
awat ng binata. “Kumain ka muna bago ka uminom. Mild sa panlasa iyang
Screwdriver pero malakas din ang sipa niyan lalo na on an empty stomach. Here,
have some finger food.”
May inilapag din ito sa mesa
na mga bandehado ng sari-saring appetizers. Cheese lumpia. Deviled quail eggs.
Bacon-wrapped chicken liver na nakatuhog sa toothpick. Calamares.
Kumuha si Monique ng isang
cheese lumpia. Kumagat siya. Malutong iyon. Malagkit at malinamnam ang lamang
melted cheese.
Lalo siyang inuhaw. Lalong
naparami ang kanyang paglagok ng malamig na Screwdriver.
“Iinitin ko lang itong
pasta sauce,” paalam ni Kino. “Mas mabuti siguro na mag-early dinner na tayo.”
“Sige, okey lang ako
dito,” sagot ng dalaga. “Sinisimulan ko na itong pulutan, e.”
Pero habang kumikilos si
Kino sa maliit na kitchenette, panay-panay ang pagsalin niya ng inumin sa
basong parang kaybilis maubusan ng laman.
Sa kabila ng mga paalala
ng binata, hindi siya nagpreno. Parang punch lang naman kasi ang panlsa niya sa
kanyang iniinom. Parang ordinaryong malamig na fresh orange juice lang na may
kaunting pait. Kung ganito rin lang ay kayang-kaya niya. Mamaya pa siguro sila
mag-iinuman nang totohanan.
Nang dalhin ni Kino sa
mesa ang mainit nang Angel Hair Pasta in White Clam Sauce, napataas ang kilay
nito sa pitsel na halos wala nang laman.
“Monique, naubos mo ang
isang pitsel na Screwdriver?” sumbat nito.
Nagkibit-balikat siya. At
hindi niya napigil na mapahagikhik.
“Sorry...” sagot niya.
“Nauhaw yata ako sa biyahe, e. Hindi bale, gawa uli tayo. Sabi mo, magaling ka
namang magtimpla ng drinks, di ba? Pero iba naman ang timplahin mo para ma-try
ko rin iyong drinks.”
“You’re tipsy,” pansin ng
binata. “Sinabi ko na kasing huwag munang uminom nang hindi pa kumakain.”
Napansin ni Monique na
medyo kakaiba nga ang kanyang pakiramdam. Pero para lang naman siyang relaxed
na relaxed.
“Tipsy na ba ito?”
tumatawang sagot niya. “Hindi. Feeling at home lang ako. Relaxed. Very relaxing
pala iyong Screwdriver, ano? Gusto ko ‘yan. Pero gusto ko namang matikman iyong
talagang straight na hard drinks. Ano ba’ng sunod na ise-serve mo sa akin?”
“Iyon na iyon,” pahayag n
Kino. You’ve had more than enough. Baka hindi mo pa lang nararamdaman ang tama
ng ininom mo.”
“Iyon na ba iyon?”
nakasimangot na sagot ni Monique. “Iyon lang? Bitin naman. Parang pang-high
school na punch lang iyon, a. Puwede ba, Kino? I’m an adult. Kaya ko nang
uminom nang totohanan. Get me a real drink.”
Napailing ang binata.
“That was a real drink,” sabi
nito. “Matapang na nga ang timpla kong iyon. Kaya hindi iyon dapat iniinom na
parang juice lang. Isinasabay iyon sa pagkain. And it should be savored.
Dahan-dahan. Unti-unti. That’s how you enjoy your drink. At sa ganoon, mararamdaman
mo rin kapag nagsisimula nang umepekto sa iyo. You’ll know when to stop.”
“Well, I still don’t want
to stop,” parang batang nakalabing pahayag ni Monique. “Pero kung ayaw mo na
akong painumin, kakain na lang ako.”
Inabot niya ang isang
platong nasa mesa at nagsimula siyang kumuha ng pasta.
“Don’t eat too much,”
paalala ni Kino. “Naunahan na ng vodka ang sikmura mo. Halos hindi naman
nabawasan itong kaharap mo kanina na finger foods. Pagkatapos, ngayon ka kakain
nang heavy. Masama iyon. Baka mabigla ang tiyan mo.”
“Sus, karami mo namang
rules and regulations,” irap ni Monique. “Akala ko pa naman, cool ka. Iyon
pala, marami ka ring mga dapat at hindi dapat. Para pa rin akong nasa
kumbento.”
At itinuloy niya ang
pagkuha ng pagkain. Gutom na gutom pa naman siya.
Napailing na lang uli si
Kino.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento