FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 5
MASARAP ang Angel Hair Pasta with White Clam Sauce. At dahil para ngang
gutom na gutom si Monique, kumain siya nang marami.
Sinabayan siya ni Kino sa
pagkain, pero halatang inoobserbahan siya nito.
Sa kung anong dahilan ay
hindi nakadama si Monique ng hiya sa binata. Inis pa nga siya rito kaya hindi
niya ito pinapansin.
Nakadalawang servings siya
ng pasta. Nasa ikalawang serving na siya nang makaramdam ang dalaga ng
pangangailangang pumunta sa banyo.
“Excuse me,” sabi niya kay
Kino. “I have to go to the bathroom.”
Tumayo agad si Kino para
alalayan siya.
“What a gentleman,”
natatawang panunuya ni Monique. “Para hayan lang ang CR mo, e. Kaya ko namang
pumunta diyan nang mag-isa, ano?”
Pero patayo pa lang siya
ay umikot na ang kanyang paningin. Pakiramdam niya ay gumewang ang sahig na
kanyang niyayapakan. Parang matutumba ang mesang kanyang kinakapitan.
“Aay...” sambit ni
Monique.
Maagap naman siyang nasalo
ni Kino.
“Easy...” sabi nito habang
yakap ng isang braso ang kanyang beywang.
Napasubsob siya sa dibdib
ng binata. Pero patuloy na umikot ang kanyang mundo. Pakiramdam niya’y pareho
silang mabubuwal.
Naramdaman ni Monique na
umaakyat sa kanyang lalamunan ang kanyang kinain. Tinangka niya itong pigilin.
“Mmp...” sabi niya habang
tinatakpan ng kamay ang kanyang bibig.
Mabilis siyang inakay ni
Kino patungo sa banyo. Mabuti na lang at umabot pa sila sa lababo.
Hindi na napigil ni
Monique ang kanyang sarili. Lumabas nga ang lahat ng laman ng kanyang sikmura.
Hindi siya binitiwan ng
binata. Nakayakap pa rin ito sa kanyang beywang. Hinahawi ng isa pang kamay ang
mahaba niyang buhok.
“Sige, ilabas mo lang,”
sabi pa nito. “You’ll feel better afterwards.”
Hindi naniwala si Monique.
Pakiramdam niya, mamamatay na siya.
Parang kaytagal bago wala
na siyang mailabas. Pero mas tumindi pa ang kanyang pagkahilo. Hindi na talaga
niya kaya ang kanyang sarili.
Si Kino na ang nag-abot sa
kanya ng basong may tubig na pangmumog. Ito na rin ang umakay sa kanya patungo
sa higaang papag.
“Itulog mo muna ‘yan,”
sabi ng binata.
Iyon na lang ang huling
narinig ni Monique. Nagdilim na ang kanyang paningin.
NAPABUNTONGHININGA si Kino.
Hindi ganito ang inakala
niyang magganap sa kanila ni Monique. Oo nga, naisip na niyang maaaring malasing
ang dalaga. Pero sa kanyang pantasya, hindi ganito ang eksena. Mas maganda nang
di hamak.
Bumalik siya sa banyo.
Kumuha ng face towel at maliit na basinette na may maligamgam na tubig.
Dinala niya iyon sa tabi
ni Monique. Naupo siya sa gilid ng kama at sinimulang punasan ang mukha ng
dalaga.
Gandang-ganda talaga siya
sa mukha ni Monique. Kahit pala tulog ito – kahit ganitong bahagyang nakakunot
ang noo at halatang balisa – ay maganda pa rin. Kahit nabura na ng face towel
ang kahuli-hulihang make-up nito.
Nang matapos siya ay
nilinis naman ni Kino ang banyo. Pagkatapos ay niligpit niya ang kanilang
pinagkanan.
Kahit hindi pa siya tapos
kumain ay nawalan na rin siya ng gana. Sayang lang ang mga ipinahanda niya.
Ibang klase pala kasi
itong si Monique. Parang bata. Kapag may gustong gawin ay masyadong excited. At
nalingat lang siya ay tumodo na. Hayan tuloy.
Sinadya na nga niya na
Screwdriver lang ang ihandang inumin.
Naisip niyang bagay iyon sa isang nagsisimula pa lang na matutong uminom. Parang
ladies’ drink talaga. Suwabe sa panlasa. Pero malakas din naman ang tama.
Kung sinunod lang ni
Monique ang payo niya, na-enjoy sana nito ang kauna-unahang pag-inom ng vodka.
Pagkaubos ng isang baso ay unti-unti na nitong mararamdaman ang epekto ng alkohol.
Pero kung hindi naman binigla ang pag-ubos sa isang basong iyon ay banayad lang
din ang madarama nitong epekto. Masarap pa sa pakiramdam.
Mula roon ay matututo na
sana itong makiramdam sa sarili. Kung hanggang saan ang kaya nito.
Ang balak niya ay kakain sila
ng maagang hapunan. Sa ganoon, hindi agad magiging tipsy ang dalaga. Mas marami
pa silang maiinom. Pagkatapos, magsasalang sana siya ng romantic music. At
yayayain niya itong magsayaw.
Magiging napakanatural na
sana ng susunod na mga eksena.
Muling napailing at
napabuntonghininga ang binata. Sayang.
Nang matapos ang kanyang
pagliligpit, muli niyang binalingan ang dalaga. Malalim na ang tulog nito.
Tinawagan ni Kino si
Jules.
“Pare, nalasing si
Monique,” sabi niya. “She’s asleep right now. Hindi ako sigurado kung makakauwi
siya ngayong gabi. I just wanted you to know para hindi kayo mag-alala.”
Natawa lang si Jules.
“Alam ko kung sino ang
inaalala mo,” sagot nito. “Si Jolen. Hayaan mo, sasabihin kong tumawag ka. Pero
hindi ko muna babanggitin na nalasing ang best friend niya at baka yayain akong
bigla na sunduin namin diyan si Monique. Alam mo naman itong sweetheart ko.
Basta bahala ka na kay Monique, ha?”
“Kilala mo ako, pare,”
sabi ni Kino. “I never take advantage kung walang consent. Otherwise...”
“Monique knows what she’s
doing,” sabad ni Jules. “Pareho kayong adults. Kahit mahal ni Jolen ang
kaibigan niya, we have no right to intrude. Monique should make her own
decisions. At kilala nga kita. Alam kong walang mangyayari na hindi niya kagustuhan.”
“Sige, pare,” sabi ni
Kino. “Salamat.”
Muli niyang tinapunan ng
tingin ang dalagang natutulog sa kanyang kama. Pagkatapos ay pumunta si Kino sa
banyo para mag-cold shower.
PAGGISING ni Monique, ang sama-sama ng pakiramdam niya. Ang una niyang
naisip ay para siyang may trangkaso. Ang sakit-sakit ng ulo niya.
Nang magbukas siya ng
kanyang mga mata, ang nakita niyang dingding ay kulay puti sa halip na kulay
rosas. Bakit wala siya sa kanyang kuwarto sa pension house? Nasa ospital ba
siya?
Saka naalala ni Monique
ang nangyari kagabi. Bigla siyang napaupo.
Para namang pinukpok ng
martilyo ang ulo niya sa ginawa niyang pgkilos. Sobra ang tindi ng sakit.
Napapikit tuloy ang dalaga. Napangiwi ang mukha.
“Hinay-hinay lang ang kilos,”
narinig niyang payo ni Kino. “Lalong sasakit ang ulo mo kung pabigla-bigla ka.”
Hindi pa muna dumilat uli
ang dalaga.
Isa-isang bumabalik sa
kanyang alaala ang mga detalye ng naganap. Hindi siguro sapat ang kanyang
kalasingan para makalimutan niya ang lahat. Pero sapat na iyon para mapahiya
siya nang todo.
Nakakahiya talaga. Nagkalat
siya.
Naalala niya iyong mga
sinabi niya kay Kino. Walang preno ang kanyang bibig kagabi. Walang
pakundangan.
Pagkatapos, nagsuka pa
siya. At si Kino pa ang umalalay sa kanya habang nagaganap iyon. Diring-diri na
siguro ito sa kanya.
Wala. Sirang-sira na ang
papel niya kay Kino Sandoval. Disaster ang pangyayaring ito.
Lalong sumakit ang ulo ni
Monique.
Naramdaman niya ang
pagdikit ng mainit na face towel sa kanyang noo. Dumilat siya.
“Makakatulong iyan nang
kaunti for the meantime,” nakangiting sabi ni Kino habang inilalapat ang
nakatiklop na face towel sa kanyang noo. “Inumin mo rin itong brewed coffee.
Pasensiya ka na, it has to be black para sa kondisyon mo. No cream nor sugar.”
“Thank you,” halos
pabulong na sagot ni Monique.
Inabot niya ng isang kamay
ang mug ng kape habang hinahalinhan naman ang kamay ni Kino na may hawak na
face towel.
Nakita niyang nakapambahay
na ang binata. Shorts at t-shirt. Basa pa ang buhok na parang kapapaligo lang.
Mukhang preskong-presko.
Lalong napahiya si Monique.
Suot pa rin niya ang damit niya mula kagabi. Parang kaylagkit-lagkit tuloy ng
pakiramdam niya. Parang ang dumi-dumi at ang bahu-baho niya.
“Pagkaubos mo ng coffee, take
a long, hot shower,” para namang sinadyang dagdag pa ni Kino. “Iabot mo sa akin
ang iyong hinubad na damit, including your underwear. Isasalang ko sa washer
and dryer. Sandali lang iyan sa gentle cycle. Paglabas sa dryer, maisusuot mo
na. Manipis lang naman ‘yan, e.”
Hindi na tumanggi si
Monique. Kahit nakakahiya para sa kanya ang ipaubaya pati mga panloob na
hinubad sa binata, ano pa ba ang magagawa niya? Pagkatapos ng pagkakalat niya
kagabi, pupuwede pa ba siyang magmalaki kay Kino?
Para siyang maamong kuting
na sumunod sa bawat sabihin nito. Pagkaubos niya ng kape ay nagtuloy siya sa
banyo. Sa loob siya naghubad pero nagtapi lang ng tuwalya at iniabot na niya sa
binatang naghihintay sa labas ng pinto ang kanyang damit at mga panloob.
“Don’t lock the door,”
sabi pa ni Kino. “Mahirap na, e. Baka mahilo ka’t matumba. Don’t worry. Hindi
naman kita papasukin diyan kung hindi rin lang emergency.”
Hindi nga siya nag-lock.
Tumapat siya sa shower na
malakas at mainit. Hinayaan niyang masahihin nito ang ituktok ng kanyang ulo,
ang kanyang batok, ang kanyang mga balikat, ang kanyang likod.
Naramdaman niyang
unti-unti siyang naginhawahan. Kinuskos
niya ng shampoo ang kanyang buhok. Sinabon niyang mabuti ang kanyang katawan.
At habang nagbabanlaw ay iniisip niyang sana ay ganito lang din kadaling
hugasan at burahin ang mga pangyayaring naganap kagabi.
Kumatok si Kino.
“Monique, are you okay?”
tanong nito.
Pinatay niya nang saglit
ang shower.
“Okey lang ako,” sagot
niya.
“Just checking,” sabi ng
binata. “Hindi kita minamadali. Take your time.”
Pero natapos na rin naman
siya.
Tinuyo niya ng tuwalya ang
kanyang sarili at isinuot na muna ang bathrobe na ipinahiram ni Kino.
“Giveaway lang iyan ng
isang hotel abroad kaya medyo manipis,” paliwanag ng binata kanina. “In fact, ikaw
ang unang gagamit niyan. Paglabas ko naman kasi ng banyo, walang ibang
makakakita sa akin dito – so why should I need a bathrobe?”
Oo nga naman. Pero naglaro
pa rin ang imahinasyon ni Monique. Ang ibig bang sabihin ni Kino ay lumalabas
ito ng banyo na walang saplot.
Sayang. Sayang lang ang
kanyang mga pantasya. Pagkatapos ng kanyang mga ginawa kagabi, pihadong
na-turn-off na sa kanya nang ganap si Kino.
Ganoon ang iniisip ni
Monique kaya hindi na niya alintana ang kanyang ayos. Basta’t ibinuhol na lamang
niya nang mahigpit ang tali ng bathrobe sa kanyang beywang. Inililis niya ang
mahahaba nitong manggas.
“BREAKFAST is ready,” pahayag ni Kino.
Isusunod na sana niyang
sabihin na handa na rin ang bihisan ni Monique. Ilalabas na lang sa dryer. Pero
nang makita niya ang dalaga, natigilan siya.
Hindi niya akalaing puwede
palang maging napaka-sexy ng isang babaing nakasuot ng oversized bathrobe.
Lalong tumingkad ang liit ng beywang ni Monique sa higpit ng pagkakatali ng
sash nito. At sa ibabaw niyon, bakat na bakat ang malusog na dibdib ng dalaga.
Aba’y bakit naman niya gugustuhing
pagbihisin agad ito? Mas magiging maganda at magana ang kanyang almusal kung
ganito ang kanyang kaharap.
Hindi magawa ni Kino na
hindi pansinin ang pag-indayog ng dibdib ni Monique kasabay ng pagkilos nito.
Mabuti na lang at hindi naman siya napapansin ng dalaga.
Mukhang masama pa rin ang
pakiramdam ni Monique. Medyo na-guilty tuloy ang binata sa pinaroroonan ng mga
mata’t imahinasyon niya.
“Kumain ka para makainom
ka ng paracetamol pagkatapos,” sabi ni Kino.
“Medyo nabawasan na nga ng
headache ko, e,” sagot ni Monique habang papaupo sa harap ng hapag-kainan.
“Pasensiya ka na, ha? Nakakahiya itong nangyari sa akin.” “Nagdaan din ako sa ganyan,” sabi ni
Kino habang naupo sa tapat ng dalaga. “Hindi nga lang minsan. Maraming beses
pa. Kaya nga alam ko kung ano ang dapat gawin kapag may hang-over.”
“Kaya ba ayaw mo nang
uminom?” tanong ni Monique.
“Kaya umiinom na lang ako
kapag hinihingi ng pagkakataon,” sagot ng binata. “Bihira lang iyon. At
sinisiguro ko na hindi ako malalasing. I stay well within my limits. These days
naman, hindi na weird ‘yung hindi umiinom, e. Mas marami na kasi ngayon ang
health conscious. At totoo naman kasi na walang maidudulot na maganda sa katawan
natin ang alcohol.”
“And I should have
listened to you,” pagsisisi ni Monique.
“Mabuti na rin iyong
na-prove mo sa iyong sarili,” sabi ni Kino. “At least now, you know how it
feels. Hindi ka na magdadalawang-isip na umiwas. Or, at least, alam mo na kung
hanggang saan ang kaya mo at kung paano ka dapat uminom.”
“Sana sinubok ko na lang
nang mag-isa sa kuwarto ko para hindi mo ako nakitang nagkakalat,” pagsisisi pa
rin ng dalaga. “Diring-diri ka siguro sa akin after last night, ano?”
Mangiyak-ngiyak na ito.
“Iyon ba ang inaalala mo?”
sagot ni Kino. “Wala iyon. Natural na epekto iyon ng kalasingan. Nangyayari rin
sa akin iyon. Nakukuha naman sa paligo, e. Kita mo nga, fresh na fresh ka na
uli ngayon.”
Tumingin sa kanya si
Monique. At nakita niyang napingasan nga nang malaki ang kumpiyansa nito sa
sarili.
Hindi mapapayagan ni Kino
na mangyari ang ganoon. Hindi dapat magbago ang personalidad ng dalaga dahil
lang sa maling akala.
“Iniisip mo ba na dahil
lang nag-throw up ka kagabi, nagbago na ang tingin ko sa iyo?” pagpapatuloy
niya. “Of course not. Kung may nabago man, mas naging desirable ka pa nga sa
paningin ko. And it has nothing to do with what happened last night.”
Biglang napatingin si Monique sa
sariling harapan kung saan lumapat ang mga mata ng kausap. Nang makita nito ang
tinititigan ni Kino ay namula nang malalim ang dalaga.
“After breakfast, kung
magaling na ang headache mo, puwede kaya
nating simulan iyong pinag-usapan nating nude painting mo?” tanong pa ni Kino.
“Kahit ilang pencil sketches lang muna para magamit ko sa pag-conceptualize
no’ng actual paintings.
“N-ngayon na agad?”
halagang nabiglang sagot ni Monique.
“Kung kaya mo lang naman?”
sabi ng binata.
“B-baka kayanin ko na,”
sagot ni Monique.
PAANO namang hindi niya susunggaban ang pagkakataon? Pagkatapos ng
lahat ng naganap, napatunayan niyang hindi nasira ang pagtingin sa kanya ni
Kino Sandoval. At kung ibabatay sa init ng titig nito sa kanyang dibdib, totoo
nga yatang mas lalo pa itong humanga sa kanyang katawan.
Kung hindi na makapaghintay
si Kino na iguhit ang kanyang katawan, pagbibigyan ito ni Monique. Sisiguruhin
niyang wala na talagang makahahadlang sa kanyang pagiging bahagi ng
kauna-unahang nude painting ng sikat na pintor.
(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento