Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Sabado, Abril 22, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Monique Chapter 7

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 7

HINDI uli nakauwi si Monique sa Casa Hermosa nang ikalawang gabing iyon.

        “Baka kailangan ko nang tumawag kay Jolen,” pag-aalala niya.

        “Tinawagan ko na si Jules kagabi,” sagot ni Kino. “Bahala na siyang magpaliwanag kay Jolen. Don’t worry, hindi raw niya babanggitin na nalasing ka. At hindi nila tayo panghihimasukan. After all, we’re both adults.

        “Mabuti kung makumbinse ni Jules si Jolen,” natatawang sabi ng dalaga. “Pero mas kilala ko ang kaibigan ko. Kahit hindi na kikibo iyon, alam kong poproblemahin pa rin ako. Magkaiba talaga kami ng pagtingin sa maraming bagay, e.”

        “Just let her know that you’re happy,” payo ni Kino. “Siguro naman sapat na iyon para maging masaya na rin siya para sa iyo.”

        “I hope so,” sabi ni Monique.

        Dahil kinain na nila sa pananghalian ang pagkaing hindi nila naubos nang nakaraang gabi, tumawag na lang si Kino sa paborito nitong restaurant sa Town Center at nagpa-deliver ng kanilang hapunan. Sa pagkakataong iyon ay wala silang itinira. Kapwa sila pagod sa maghapong paghaharutan kaya pareho ring gutom na gutom.  

Huwebes na nang madaling araw nang ihatid ni Kino si Monique sa Casa Hermosa. Hindi pa siya huli para sa kanyang trabaho sa Arte’t Kape.

        “See you,” paalam ng dalaga pag-ibis niya mula sa kotse.

        “Sooner than you think,” sagot ni Kino.

        Hindi niya masyadong pinansin ang mga salitang iyon. Hindi niya akalaing tototohanin ng binata.

 

NAGPASALAMAT si Monique na nakapanhik siya sa kanyang kuwarto nang hindi nakasalubong ang mag-asawang Jolen at Jules o ang mga magulang ni Jules. Hindi pa siya handang makipag-usap kaninuman.

        Pagdating sa silid ay hinarap ni Monique ang kanyang sarili sa salamin. Tinitigan niya ang kanyang sarili.

        May naiba ba sa kanya? Parang wala naman liban sa bahagyang pamamaga ng kanyang mga labi. Ang iba pang parte ng katawan na bahagya ring namamaga ay nakatago naman.

        Sa panlabas na anyo ay hindi nga halata ang malaking pagbabagong naganap sa kanyang buhay.

        Namukadkad ang isang matamis na ngiti sa mga labi ng dalaga. Ito na yata ang pinakamagandang pagbabagong naganap sa buhay niya.

        Mahalaga kay Monique na naganap iyon nang ayon sa pansarili niyang desisyon. Sa sarili niyang kagustuhan. Hiwalay sa maraming mga dapat sa lipunan.

        Pakiramdam ng dalaga, nakapuntos siya laban sa mundo. Isa na naman itong malaking hakbang sa kanyang tinatahak na landas.

        Ano pa nga ba ang mahihiling niya? Ibinigay sa kanya ng tadhana si Kino, isang lalaking kakaiba rin sa karaniwan. Ni hindi pa man lang naabot ng dati niyang pantasya ang tindi ng kaligayahang naipadama sa kanya ni Kino sa kanilang makailang ulit na pagniniig kahapon at kagabing magdamag. Hindi na niya kailangan pang hanapan ito ng commitment kasabay ng kaligayahang iyon. Sapat na ang malaman niyang hindi napawi ng una nilang pagsasama ang matinding pagnanasa ni Kino sa kanya.

        At matutupad na rin ang kanyang pangarap na maging sikat. Oras na matapos at mailabas ang nude painting niya na gagawin ng binatang pintor, siguradong magiging instant celebrity rin siya. At marami pang mabubuksang oportunidad para sa kanyang patuloy na pag-unlad.      

        Samantala, kailangan na niyang magbihis para sa isa na namang araw bilang social directress ng Arte’t Kape.

 

“KUMUSTA na?” simpleng tanong ni Jolen nang una silang magkita muli ni Monique.

        Sa likod ng katanungang iyon ay napakarami pang itinatanong ang mga mata nito.

        Dahil nagkakasarilinan naman silang magkaibigan sa isang sulok ng Arte’t Kape, nagtapat na rin si Monique.

        “It was even better than I imagined it could be,” sagot niya. “Hindi ako nagsisisi, Jolen. He’s worth it.”

        “Kahit ganoon siya?” tanong ni Jolen. “Kahit walang maibibigay sa iyo na commitment? Kaya mo ba talaga ang ganoong set up?”

        “Don’t worry, masaya ako,” giit ni Monique. “Pag dumating ang oras na hindi na ako masaya, di aayaw na ako. Iyon nga mismo ang advantage ng set up namin, e. I can say no anytime.”

        “Sana nga,” sabi ni Jolen. “At sana, huwag kang masaktan. Pero paano kung magbuntis ka?”

        “Pinaghandaan siyempre ni Kino iyan, ano,” sagot ni Monique. “He made sure na meron kaming protection.”

 

NANG hapong iyon, dumating si Kino sa Arte’t Kape.

        “Miss Social Directress, magpapa-book ako,” nakangiting sabi nito sa paglapit sa kanya.

        “Really?” nakatawang sagot niya.

        Buong akala niya’y nagbibiro ito.

        “May bakante bang kuwarto sa itaas?” tanong ng binata. “Iyong wala pang future bookings.”

        “May dalawa,” nakakunot-noong sagot niya. “Bakit?”

        “I-book mo sa akin ‘yung isa,” sabi ni Kino. “Initially for one month, pero renewable.”
        “Mag-e-exhibit ka?” nagtatakang tanong ni Monique. “Pero bakit sa itaas? Bakit hindi rito sa gallery tulad ng dati?”

        “Hindi exhibit,” iling ni Kino. “Gagawin kong extension studio.”

        “Ha?” lalong pagtataka ni Monique. “E bakit dito ka magtatrabaho? Ang laki-laki naman ng studio mo sa bahay.
        “Kumuha rin kasi ako ng kuwarto sa kabila, e,” sagot ng binata. “Diyan na muna ako  tutuloy sa pension house most of the time. So, mas convenient na may studio ako rito.”

        Natigilan si Monique.

        Nangiti naman uli si Kino.

        “Huwag ka nang mag-isip ng kung anu-ano,” sabi nito. “Basta i-book mo na sa akin ang isang kuwarto sa itaas. Babayaran ko for a month. Okay?”

        Tumango na lamang siya.

 

IPINAPAALALA ni Monique sa kanyang sarili na dapat niyang pakinggan ang sinabi ni Kino. Hindi siya dapat mag-isip ng kung anu-ano.

        Malay nga ba niya kung bakit biglang nagpasya ang binata na tumira muna sa Casa Hermosa at kumuha ng studio sa Arte’t Kape? Hindi awtomatikong dahil iyon sa kanya. Para mapalapit sa kanya. Delikadong isipin niya iyon. Baka magkaroon siya ng kung anu-anong  mga ekspektasyon.

        Ang dapat niyang pakatandaan ay wala silang anumang relasyon. Wala siyang karapatang maghanap ng kahit na ano mula kay Kino.

        Pero nang umuwi siya sa kanyang kuwarto sa Casa Hermosa nang gabing iyon at katukin siya roon ng binata, agad niya itong pinatuloy.

        Ni wala nang kinailangan pang sabihin si Kino. Nang magsara ang pinto ng silid ay kusa na silang nagyakap. Kabisado na ng kanilang mga labing hanapin ang isa’t isa.

        Mayamaya’y kumalas si Monique.

        “Kailangan ko munang mag-shower,” sabi niya.

        “Ako’ng magpapaligo sa iyo,” pagboboluntaryo ni Kino. “Ikaw naman ang magpaligo sa akin.”

        Inabot tuloy ng isang oras ang pagpapaliguan nila.

        Pagkatapos niyon, nagtuloy pa ang kanilang paglalaro sa higaan. Kakaunti lang ang kanilang naging tulog sa buong magdamag.

        Nang bumangon si Monique kinaumagahan, kinontrata siya ni Kino.

        “Simulan na natin ang painting mo next Tuesday, ha? Pero doon tayo sa bahay. Mas libre tayo roon.”

        Nangiti ang dalaga.

        “Bakit, libre rin naman tayo rito, a,” sagot niya. “Ano pa ba ang tawag mo sa ganito?”

        “Iba talaga pag doon,” giit ni Kino. “Para tayong nasa sariling mundo.”

        “Kung ganoon, bakit ka pa kumuha ng studio sa kabila?” diretsahan nang tanong ni Monique.

        “Para mapalapit sa iyo,” diretsahan ding sagot ni Kino.

        Natigilan ang dalaga.

        “Alangan namang every Tuesday and Wednesday lang tayo magkakasama,” dagdag pa ng binata. “I can’t wait that long.”

        Nagtaas ng kilay si Monique.

        “Bakit, ina-assume mo bang permanente na tayong ganito?” sabi niya. “Akala ko ba, no commitments? You may be presuming too much, Mr. Sandoval. Hindi automatic na papayag ako sa ganito every time. Hindi mo naman ako girlfriend. Lalong hindi mo ako mistress.”

        “Alam ko,” nakangiting sagot ni Kino. “You’re not my wife, nor my mistress nor my girlfriend. You’re this beautiful, irresistible woman I want to make love to. And I know the attraction is mutual. Iyon lang naman ang pinagbabatayan ko, e. Kapag hindi na mutual ang attraction, di hindi na mangyayari ito. But for as long as we want each other this much, I intend to be here by your side – to make the most of our time together.”

        “Isa lang ang hihilingin ko sa iyo, Kino,” seryosong pahayag ni Monique. “Honesty. Maging honest tayo sa isa’t isa all the time. Kung ayaw mo na o kung ayaw ko na, maging tapat tayo sa pagsabi sa isa’t isa. Then, we can part as friends. Gusto ko, ‘yung friendship natin, laging intact. Kahit hindi na tayo ganito.”

        “I’d like that, too,” tango ng binata. “I wouldn’t want to lose your friendship, ever.”

 

SA araw, walang nakakahalata sa nagaganap sa pagitan nina Monique at Kino. Para pa rin silang ordinaryong magkaibigan lang na tulad ng dati. Mas madalas na nga lang si Kino sa coffee shop dahil nga may studio na ito sa pangalawang palapag ng Arte’t Kape.

        Kapag tinatanong ang binata kung bakit kumuha ito ng kuwarto sa pension house at studio sa Arte’t Kape, ang laging isinasagot nito ay, “Kung minsan kasi gusto ko ring narito ako sa sentro ng lahat. Masyadong malayo ang Alabang para araw-araw akong magparoo’t parito.”

        Sa gabi, parang walang nakakaalam sa pagtulog ni Kino sa kuwarto ni Monique. Kung may nakakatunog man sa staff ng pension house, sinasarili na lang marahil ang kaalamang iyon.

        Siyempre, posibleng alam na rin nina Jolen at Jules. Hindi na lang kumikibo ang mag-asawa.

 

NANG sumunod na Martes, maaga pang umalis sina Monique at Kino pauwi sa Alabang. Pandalawang araw na damit na ang baon ng dalaga.

        Dumaan muna sila sa supermarket at delicatessen para bumili ng kanilang kakainin sa susunod na dalawang araw. Iyong mga hindi na mahirap iluto. Apat na balot ng fresh whole wheat bread. Isang buong litson manok. Isang kilo ng roast beef. Sariwang gulay mula Tagaytay para gawing salad. Ready-made salad dressing. Maraming prutas.

        Pagdating sa pad ni Kino, iniligpit lang nila ang kanilang mga dala bago sinimulan na agad ang painting session.

        “Buong linggo kong pinaghandaan ito,” sabi ng binata. “Now I know exactly what I want.”

        Nang makapaghubad si Monique, pinahiga siya nito sa kama. Ipinataas uli ang kanyang dalawang kamay – isang nakapatong sa tabi ng kanyang tainga. Ang kanyang mga binti ay magkadikit pa rin. Ang isa’y nakadiretso at ang isa nama’y nakatukod nang bahagya sa higaan at nakatabing nang bahagya sa kanyang kaselanan.

        “This time, I want you to look at me,” sabi ni Kino. “Iyong ngiti mo na kaunting-kaunti lang. I love that look.”

        Hindi nahirapang sumunod si Monique. Relaxed na relaxed na kasi siya sa piling ni Kino. Wala na siyang mga pag-aalinlangan.

        Malaking canvas na nga ang ginamit ng binata.

        Nagsimula ito sa pencil sketch lang muna. General outlines. Pagkatapos, unti-unti nang inilatag ang mga pangunahing kulay ng acrylic paint.

        Nang mag-break sila para sa pananghalian ay may porma na kahit paano ang painting. Nakikita na ni Monique ang hugis ng katawan niya. Kulang na lang sa mga detalye lalo na sa gawing mukha.

        “Kaya palang tapusin ang ganitong painting sa isang upuan lang,” gulat na sabi ng dalaga.

        “Hindi naman,” sagot ni Kino. “Puwede kong matapos hanggang mamaya ang mga generalities. Pero bukas ko pa talaga mapipino ang lahat ng detalye. Actually, for a nude portrait, mabilis na rin iyon. Kasi inspirado ako at napaghandaan ko nang mabuti ang concept. Isa pa, kilalang-kilala na kita. Alam na alam ko na kung anu-anong mga bahagi ng character mo ang gusto kong ma-capture sa partikular na painting na ito. Mahalaga iyon. It gives depth to the work of art.”

        “Paano kung hindi naman kakilala no’ng painter iyong modelo?” tanong ni Monique. “Nangyayari iyon, hindi ba? Kung minsan, professional model ang kinukuha ng mga grupo ng mga pintor. At nakakatapos sila ng at least tig-isang painting sa isang session lang.”

        “In that case, kanya-kanyang interpretasyon na lang ang bawat artist,” paliwanag ni Kino. “Kaya nga makikita mo pagkatapos ng session na kahit iisa lang naman ang modelo, magkakaiba pa rin ang mga paintings na nagagawa ng mga pintor. Bawat isa kasi, may kanya-kanyang tingin sa modelong iyon. Ang problema lang sa ganoon, umaasa na lang ang pintor sa mga stereotypes. O kaya’y sa sarili niyang mga biases. Kaya halata rin sa lumalabas na painting – kulang sa depth. Walang soul. Kaya rin ayokong gumawa ng ganoon.”

        “Ano naman kayang bahagi ng character ko ang lalabas diyan sa painting mo?” tanong ni Monique.

        “Ang gusto kong ma-capture dito ay ‘yung contrasting aspects ng iyong personality,” sagot ni Kino. “Your body is lush and provocative in its near perfection. In contrast, very vulnerable ang pose mo na nakataas ang dalawang kamay. May hint of shyness naman ang position ng iyong mga binti. Finally, mas nakakaloko pa kaysa sa Mona Lisa ang iyong half-smile. Alangang nahihiya na alangang nang-aakit. Kaya nga hindi ko ma-resist.”

        Natawa si Monique.

        “Ganoon ba iyon?” sabi niya. “Hindi ko naman sinasadya iyon, a.”

        “Exactly,” tango ni Kino. “Kaya nga mas irresistible. Kung sadya kasi iyon, halatang fake. Iba ang dating.”

        “Naku, ha?” sabi ni Monique. “Baka naman ma-conscious na ako niyan.”

        “Basta gawin mo lang kung ano ang natural sa iyo,” payo ni Kino. “I want to capture the real you in my paintings.”

        “Paintings?” ulit ni Monique. “As in plural?”

        “Of course,” sagot ng binata. “Series of nudes itong gagawin natin. Hindi iisa lang.”

        “Ilan?” parang hindi makapaniwalang tanong pa ni Monique.

        “At least twelve,” sagot ni Kino. “Maybe more.”

        “Isang buong exhibit na iyon, a,” manghang sambit ng dalaga.

        “Marami akong naiisip na compositions para sa iyo, e,” sabi ni Kino. “I want to capture your many moods and emotions. These past few days and nights, inobserbahan kita. Ang dami kong nakita na gusto kong ma-interpret on canvas.”

        Naglaro na ang imahinasyon ni Monique – isang exhibit ni Kino Sandoval na kung saan ang lahat ng paintings ay mga nudes na siya ang modelo. Siguradong dudumugin ng tao at ng media ang kauna-unahang exhibit ng mga nude paintings na gawa ng hinahangaang pintor. Siguradung-sigurado na rin ang kanyang katanyagan.

        Maligayang-maligaya si Monique.

        Hindi pa niya alam na ang mismong kasikatan din ni Kino ang magbibigay sa kanya ng sama ng loob.


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento