FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
Abakada
ng Pag-ibig: Francesca
ABAKADA NG PAG-IBIG: MONIQUE
by Maia Jose
Copyright
Maria Teresa C. San Diego
All Rights Reserved
Published
in print by Valentine Romances
Books
for Pleasure, Inc.
First printing 2000
ISBN 971-502-999-X
TEASER:
Dare! Iyon ang sinabi ng
pintor na si Kino. Nahamon naman si Monique. Pinangatawanan nga niyang maging
modelo para sa nude painting nito.
Pero bakit si Kino naman ngayon ang kinakabahan? Bakit nakadarama na ang binata ng pangangailangang protektahan si Monique? Ayaw na nga nitong ipakita kahit kanino ang mga nude painting ng dalaga.
CHAPTER 1
NAGMAMADALI si Monique. Alas-onse’y medya na’t katatapos lang ng klaseng
tinuturuan niya. Humahangos siyang pauwi sa dormitoryong naroon din sa loob ng
Colegio de Sta. Maria.
Kailangan niyang
makapagpalit agad ng damit. May lunch date sila ng best friend niyang si
Julianna at ayaw niyang pumunta sa Arte’t Kape nang nakauniporme. Sawang-sawa
na siya sa kasusuot ng mga uniporme.
Sa totoo lang, sawang-sawa
na siya sa lahat ng bagay na kaugnay ng Colegio de Sta. Maria. Kaya nga lagi
siyang sabik na sabik na makalabas sa compound na iyon.
Nagmamadali si Monique at
sa loob lang ng limang minuto ay nakapagpalit na siya ng damit. Wala rin naman
kasi siyang ibang mapagpipiliang isuot kundi simpleng slacks at bulaklaking
blusa na may kuwelyo’t manggas. Basta maiba lang sa uniporme ay puwede na sa
kanya.
Patakbo siyang lumabas ng
dorm. Nag-taxi na siya papuntang Malate.
KAPAGTATAPOS lang ni Monique Quejada ng elementarya sa public school
nang ipasok siya ng kanyang Tiya Caring bilang working student sa Colegio de
Sta. Maria.
Ulila na kasi si Monique.
Kaisa-isa siyang anak at sabay na nasawi ang kanyang mga magulang nang maaksidente
ang sinasakyan nilang bus patungong Quezon. Bibisita sana sila sa mga
kamag-anak ng kanyang ina sa Baler.
Isa’t kalahating taong
gulang pa lamang si Monique noon. Parang milagro nga raw na hindi man lang siya
nagalusan samantalang ang lahat ng pasahero sa bahaging iyon ng bus ay nasawi.
Ang kumupkop at nagpalaki
sa kanya ay ang kanyang Tiya Caring, panganay na kapatid ng kanyang ama. Panay
lalaki ang mga anak nito at ng kanyang Tiyo Etoy at gusto rin daw ng mag-asawa
na magkaroon ng kahit anak-anakan na babae.
Malaki ang agwat ng edad
ng kanyang ama at ng kanyang Tita Caring. Labindalawang taon. At dahil may edad
na rin ang kanyang ama nang mag-asawa’t magkaanak, halos parang lola na niya
ang kanyang tiya.
Malaki rin ang agwat ng
edad ni Monique sa kanyang mga pinsang lalaki. Labinlimang taon ang itinanda sa
kanya ng pinakabunso sa apat. Parang mga tiyuhin na niya ang mga ito.
Itinaguyod siya nina
Caring at Etoy kahit kapos din sa buhay ang mag-asawa. Labandera ng mga madre
sa Colegio de Sta. Maria ang kanyang Tiya Caring. Construction worker naman ang
kanyang Tiyo Etoy. Pinilit pa rin ng mga ito na mapag-aral siya kahit sa public
school lamang.
Nang makapagtapos siya ng
elementarya ay kinausap siya ng kanyang Tiya Caring. Hindi na raw kaya ng mag-asawa
na pag-aralin pa siya sa high school. Maging ang sariling mga anak nga ng mga
ito ay pawang naging self-supporting na nang mag-high school. Lahat naman ay
nagtiyaga na makapagtapos kahit hanggang doon lang. Hindi na nakapagkolehiyo.
“Pero sa kaso mo, may
pag-asa tayo,” sabi ng kanyang Tiya Caring. “Dahil babae ka, puwede kitang
ipasok bilang working student sa Colegio de Sta. Maria. Makakapag-aral ka sa
exclusive school nang libre – kahit hanggang college. Pati board and lodging
mo, libre. May allowance ka pa. Tutulong ka lang sa trabaho sa kumbento. At
dahil naroon naman ako araw-araw, parang hindi rin tayo magkakalayo.”
Pumayag agad si Monique.
Wala naman talaga siyang mapagpipilian.
Kung tutuusin, masuwerte na
siya. Hindi naman mabigat ang kanyang trabaho sa kumbento. Bilang pinakabatang
working student, iyong mga pinakamagagaan na trabaho sa kusina ang laging
natotoka sa kanya.
At dahil likas na matalino
si Monique, hindi siya nahirapang makaagapay agad sa high standard ng pagtuturo
sa Colegio. Hindi man siya nakakabilang sa honor roll ay lagi naman siyang nasa
star section – iyong section ng mga pinamatatalinong estudyante.
Nasa ikawalang taon na siya
sa kumbento nang makasama niya si Julianna Llamanzares.
Noong simula, akala niya’y
hindi sila magkakasundo. Paying resident kasi ng dormitoryo si Jolen.
Anak-mayaman na iniinterna sa mga madre dahil naulila sa ina at ang ama naman
ay may kinakasama nang bagong babae.
Pero napatunayan ni
Monique na hindi pala astang-mayaman si Jolen. Mabait ito’t mapagpakumbaba.
Kung tutuusin ay siya pa nga itong mas mataray kaysa sa bagong dating.
Magkaedad sila’t
magkaklase pa. Pinagtabi rin sila ng kama sa pangwaluhang silid-tulugan. Panay
college students na ang mga kasama nila – magkakahalo ring working students at
paying residents.
Doon nagsimula ang pagiging
mag-best friends nina Monique at Jolen. Naging para nga silang magkapatid.
Si Jolen ang naging
karamay niya nang masawi sa aksidente sa construction site ang kanyang Tiyo
Etoy noong huling taon nila sa high school. Si Jolen din ang naging sandalan
niya nang mamatay sa atake sa puso ang kanyang Tiya Caring noong sila’y nasa
third year college.
Ulilang lubos na nga
talaga si Monique. Una, sa tunay niyang mga magulang. Nitong huli naman, sa
nakagisnan niyang mga magulang.
Ang kanyang mga pinsang
lalaki ay nagkanya-kanya nang landas. Ang panganay ay nasa Cebu, nagsasaka sa
bukid ng napangasawang Cebuana. Ang pangalawa’y nasa Pangasinan dahil tagaroon
naman ang napangasawa. Ang pangatlo ay nagtatrabaho sa Italy bilang domestic
helper, kasama rin ang asawa. Ang bunso nama’y binata pa’t nagtatrabaho sa
Saudi bilang driver.
Nag-iisa na lamang sa
buhay si Monique. Tanging si Julianna ang maituturing niyang kapamilya.
Nalungkot nga siya noong
umalis si Jolen sa dorm. Kapagtatapos lang nila noon sa college. Pumisan na ito
sa kapatid na lalaki at bagong hipag, kasama ang amang noon pa lamang
magbabagong-buhay.
Pero tulad ng ipinangako
ni Jolen, hindi siya nito pinabayaan. Nanatili ang kanilang pagiging parang magkapatid.
Araw-araw rin silang magkasama – lalo pa’t pareho silang naging pre-school
teacher sa Colegio.
Nang mag-asawa naman si
Jolen, nagpasya itong mag-resign sa pagtuturo. Gusto raw nitong pagtuunan ng full
concentration ang pagbubuntis at pagiging ina. Gusto rin daw nitong tulungan
ang asawang si Jules sa pag-aasikaso ng kanilang negosyo – ang Arte’t Kape. Isa
iyong coffee shop at art gallery sa Malate na may mga function rooms na ipinaaarkila
para sa mga art-related events.
Nalungkot na naman si
Monique.
Oo, masaya siya para kay
Jolen. Gustung-gusto niya ang magkakasunod na magagandang pangyayari sa buhay
ng kanyang best friend. Ang pag-settle down ng Kuya Lyon nito na dating lagalag
at walang direksiyon ang buhay. Ang pagbabago ng daddy nito na dati ring patapon
na ang buhay. Ang muling pagkabuo ng pamilya Llamanzares na kasama na ang
napangasawa ni Lyon na si Gwen. Ang pagsilang ng anak nina Lyon at Gwen.
Parang hindi nga maubus-ubos
ang suwerte ni Jolen. Napangasawa pa nito ang best friend ni Lyon na si Jules.
At ngayo’y malapit na itong maging ina.
Totoong masaya si Monique
para kay Jolen. Pero sa bawat magandang pangyayari sa buhay ng kanyang best
friend ay parang lalo rin niyang nararamdaman ang sarili niyang kawalan.
Nag-iisa pa rin siya sa
buhay. Mas nag-iisa pa nga siya ngayong may sarili nang pamilya si Jolen.
Siyempre ay hindi na sila pwedeng laging magkadikit. Kailangan niya itong
bigyan ng espasyo. Higit na mas may karapatan sa panahon nito’t atensiyon si
Jules at ang sanggol na nasa sinapupunan pa lamang.
Itinuturing na rin naman
siyang kapamilya ng pamilya ni Jolen. Noong unang Pasko na nagkasama-sama ang
mga Llamanzares sa bahay na ipinundar nina Lyon at Gwen, doon din pinatira si
Monique nang dalawang linggo. Kasama siya sa pagselebra ng mag-anak ng Pasko at
Bagong Taon. Nitong nakaraang Pasko
at Bagong Taon ay doon uli siya pinatira nang dalawang linggo sa bahay nina
Lyon. Ipinagamit sa kanya ang dating kuwarto ni Jolen. At araw –araw ay naroon
din sina Jolen at Jules – kahit pa hirap na noon si Jolen sa paglilihi.
Parang inampon na nga si
Monique ng pamilya ni Jolen. Pero siyempre, hindi naman siya pupuwedeng
makitira na lang doon sa buong taon. Nahihiya rin siya.
Naiinggit si Monique kay
Jolen. Hindi sa masamang pakahulugan ng salitang “inggit”. Siya pa nga mismo
ang nagsasabing deserving naman talaga ang kanyang best friend sa lahat ng
blessings na natatanggap nito.
At hindi niya
kinaiinggitan ang mga bagay na mayroon ngayon si Jolen. Magkaiba naman kasi
sila ng gusto sa buhay.
Naiinggit siya kay Jolen
sa pakahulugang inaasam-asam din niyang makamtan ang lahat ng sarili naman
niyang mga pangarap.
Unang-una, gusto na rin
niyang makalaya mula sa Colegio de Sta. Maria. Lalo na ngayong hindi na rin
naman doon nagtuturo si Jolen. Wala na talaga siyang dahilan para manatili pa
sa Colegio.
Tumatanaw din naman siya
ng utang na loob sa Colegio de Sta. Maria. Hinding-hindi niya makakalimutan na
kung hindi sa institusyong ito ay hindi siya magiging propesyunal.
Pero ang pagtanaw ng utang
na loob ay hindi naman nangangahulugan ng habambuhay na pagpapatali sa Colegio.
Sa palagay ni Monique ay sapat na ang kanyang naipagsilbi. Panahon na para
atupagin naman niya ang kanyang sarili.
Nang makapagtapos ay
nagturo na agad siya sa pre-school ng eskuwelahan. Magmula noon ay naging
professional resident na siya sa dorm. May sariling kuwarto na kanyang-kanya
lang. Nagbabayad na kasi siya sa presyong pang-professional. May discount nga
lang siyempre bilang guro ng Colegio.
Malaking pagbabago na iyon
kung ikukumpara sa dati niyang estado. Kung tutuusin ay maalwan na rin ang
kanyang pampinansiyal na katayuan. Kahit hindi kalakihan ang kanyang suweldo,
wala naman siyang gaanong pinagkakagastusan. Mura ang bayad niya sa dorm para
sa board and lodging. Hindi na siya kailangang mamasahe sa pagpasok sa trabaho.
Libre rin naman ang uniporme ng mga guro. Regular tuloy siyang nakapaghuhulog
sa banko at may malaki-laki na rin siyang savings.
Pero hindi pa rin iyon
sapat para kay Monique. Pakiramdam niya’y unti-unti siyang nasasakal. Kapag
nagtagal pa siya sa Colegio ay baka tuluyan nang mamatay ang mga pangarap na
kaytagal na niyang inaruga sa kanyang isipan.
Pangarap ni Monique na
makaalpas sa lahat ng mga limitasyon ng buhay-kumbento. Gusto niyang maranasan
ang mamuhay nang walang mga restriksiyon. Iyong puwede niyang subukin ang
anumang gusto niyang subukin. Tikman ang anumang gusto niyang matikman.
Pangarap niyang maging
sikat at mayaman. Maging celebrity na kabilang sa sirkulo ng elite. Fame and
fortune – kaya niyang abutin iyon. Pero hindi sa pagiging pre-school teacher sa
Colegio de Sta. Maria.
Hindi pa siya sigurado
kung paano pero alam niyang kapag nakalabas na siya sa kumbento ay may matitisod
din siyang pagkakataon. Kailangan nga lang na ma-expose siya sa maraming bagay
at sitwasyon. Maging listo siya para hindi masayang ang kahit pinakamaliit na
pagkakataong maaaring makatulong sa pagpapatupad sa kanyang pangarap.
Desidido na si Monique.
Tatapusin na lamang niya ang school year at magre-resign na rin siya sa
pagtuturo. Ngayon pa nga lang ay naghahanap na siya ng mapapasukang trabaho.
Iyong may maximum exposure sa iba’t ibang klase ng tao at sitwasyon.
Noong ikuwento niya kay
Jolen ang kanyang balak, nangako itong tutulungan siyang maghanap ng
malilipatang trabaho. Kaya nga excited si Monique sa pagkikita nilang ito.
Bukod sa nami-miss na niya ang kanyang best friend ay umaasa rin siyang may
maibibigay itong panibagong tips sa kanyang job hunting.
“UY, ang laki naman yata ng inilaki ng tiyan mo since last week,”
bungad ni Monique pagkakita kay Julianna. “Hindi mo na talaga maitatagong
buntis ka nga.”
“Siyempre naman, ano,”
nakangiting sagot ni Jolen. “Two months na ito, e. Pero totoo nga, bigla itong
lumaki this week. Parang hinipan. Gustung-gusto ko nga e. Hindi na alangan na
magsuot ako ng maternity dress. Feeling buntis na talaga ako.”
“Ikaw nga ang tipong enjoy
na enjoy maging buntis,” sabi ni Monique. “Hindi ko ma-imagine ang sarili ko na
ganyan. Parang ang weird ng feeling.”
“Ay, hindi,” iling ni Jolen.
“Actually, it’s very fulfilling. Kahit mahirap maglihi, masarap pa ring maging
buntis. Reyna ang turing sa akin ng lahat. Kahit nga iyong ibang tao na hindi
ko kakilala, kapag nakikitang naka-maternity dress ako, nagiging mabait at
maasikaso. Sa supermarket, todo-alalay ang mga bagger. Sa department stores,
sweet sa akin ang mga salesladies. Siyempre, mas lalo pa si Jules. Spoiled na
spoiled ako sa kanya ngayon.”
“Hmm, lagi ka naman
talagang spoiled sa asawa mo kahit hindi ka buntis,” sagot ni Monique.
“Kunsabagay,” natatawang
sang-ayon ni Jolen.
Nakaupo sila sa
pandalawahang mesa sa isang sulok ng Arte’t Kape. Nagsasalo sa seafood paella
at chicken pesto salad. Ang inumin ay sariwang katas ng kahel.
“Iba talaga ang atmosphere
dito,” pabuntonghiningang sabi ni Monique. “Ibang-iba kaysa sa Colegio. Pag
andito tuloy ako, parang ayoko nang bumalik doon.”
“Iyan nga ang pag-uusapan
natin ngayon, e,” nakangiti pa ring sagot ni Jolen. “Gusto mo, dito ka na tumira?”
Natawa si Monique.
“Aampunin na naman ninyo
ako?” sabi niya. “Abuso de kumpiyansa na iyon. May hiya rin naman ako, ‘no?”
“Ano’ng aampunin?” sagot
ni Jolen. “Ba’t ka naman namin aampunin e, magkaka-baby na nga kami? I’m offering
you a job, loka. Type mo bang maging social directress ng Arte’t Kape?”
Tumaas pang lalo ang kilay
ni Monique.
“At ano naman ang ginagawa
ng social directress?” tanong niya. “Parang ngayon lang ako nakarinig ng
ganoong job title, a.”
“It describes the job
perfectly,” sagot ni Jolen. “Ang kailangan kasi namin ay iyong isang tao na
magma-manage ng mga bookings para sa Arte’t Kape. Hiwalay iyon sa pagma-manage
nitong kainan. Hiwalay rin sa pagma-manage ng art gallery. Panay events lang
ang hahawakan mo. Iyong pag-book at pag-supervise sa mga events na gagawin sa
function rooms sa second and third floors at pati na rin sa roof garden.
Kayang-kaya mo iyon.”
Umilaw ang mga mata ni
Monique.
“Enjoy na trabaho iyon, a,”
sabi niya. “Pero teka... Bakit ako? Kayang-kaya n’yo rin naman ‘yon, a.”
“Dati,” sagot ni Jolen.
“Noong hindi pa ako buntis. Ngayon, kailangan ko nang mag-slow down. E, di lalo
na pagkapanganak ko. Full-time mommy na talaga ang papel ko by that time. Si
Jules naman, busy sa over-all management nitong buong Arte’t Kape. Hindi na
niya kayang tutukan pa ang maliliit na detalye. Kaya nga naisip naming lagyan
ng kanya-kanyang manager ang kainan, ang art gallery at ang function rooms. At
ikaw nga ang naisip naming bagay na bagay na maging social directress.”
“Wow,” iling ni Monique.
“Parang dream job. Alam ko namang panay kilala at respetadong mga artist ang
nagbu-book ng mga activities dito. Iyon lang mismong makipag-coordinate sa kanila,
exciting na. Makakahalubilo ko ang elite
ng Manila art circle.”
“At kasama sa privileges
mo ang libreng board and lodging,” dagdag pa ni Jolen. “Bibigyan ka ng sarili
mong kuwarto sa pension house. Di magkakasama uli tayo.”
Ang pension house na tinutukoy
ni Jolen ay ang Casa Hermosa. Pag-aari iyon ng pamilya ni Jules at kadikit
mismo ng Arte’t Kape. Doon nakatira ang mga magulang ni Jules at pati na rin
ang mag-asawa.
“Alam mo, feeling ko,
talagang gumawa lang kayo ng job opening para sa akin,” maluha-luhang sabi ni
Monique.
Namasa rin agad ang mga
mata ni Jolen.
“Nami-miss na kasi kita,
e,” amin na nito. “At nakita ko rin namang gustung-gusto mo rito sa Arte’t Kape.
Mas akma pa nga sa personality mo itong lugar na ito kaysa sa akin. You’re
perfect for the job. Ako naman, mas masaya akong maging full-time wife and
mother. Narito pa rin pero mas nakatutok sa pamilya kaysa sa business. This
would be the perfect set-up for all of us.”
“Thanks so much, Jolen,”
taos-pusong sabi ni Monique. “Pakisabi rin kay Jules. Hindi lang trabaho itong
ibinigay ninyo sa akin. You’ve set me free.”
KAYBAGAL ng pag-usad ng mga sumunod na araw para kay Monique. Enero
lang nang ialok sa kanya ni Jolen ang trabaho sa Arte’t Kape. Kailangan pa
nilang hintayin ang pagtatapos ng klase sa Marso bago siya pupuwedeng makaalis
nang ganap sa Colegio.
Pero Sabado’t Linggo ay
naroroon na siya sa Malate. Sinimulan na agad ang kanyang job training.
Tumulong na sya sa pag-aasikaso sa mga naka-book na events sa mga function
rooms. At hindi pumayag sina Jolen at Jules na hindi siya suwelduhan sa
part-time niyang pagtatrabaho roon.
Sa on-the-job training pa
lang ay nag-enjoy na nang husto si Monique. Hindi na rin naman kasi bago sa
kanya ang mga nagaganap sa Arte’t Kape. Matagal na siyang isinasama roon nina
Jolen at Jules, kahit noong hindi pa kasal ang dalawa. Marami na rin siyang
naging kaibigan sa sirkulong iyon.
Pagdating ng katapusan ng
Marso, pagkatapos na pagkatapos niyang maisumite ang lahat ng kailangan niyang
isumiteng requirements bilang guro sa Colegio de Sta. Maria, nag-resign na si
Monique. Inempake na rin niya ang lahat ng kanyang gamit at tuluyang nilisan
ang dormitoryong naging tahanan niya sa loob ng sampung taon.
Wala siyang nadamang
anumang kalungkutan sa paglabas niya ng compound na iyon. Parang gusto pa nga
niyang magsasayaw at magtatalon sa tuwa. Malaya na siya!
MULA sa bahagi ng kanyang savings ay nag-shopping si Monique. Naisip
kasi niya na bilang social directress ng Arte’t Kape ay kailangan niyang
magkaroon ng bagong image. Iyong chic. Hip. Makabago. Pero dapat ay may sarili
rin siyang identity. May unique style.
Kumuha siya ng mga basic
pieces sa neutral colors. Tank tops na silk. Tube tops na stretch velvet.
Fitted baby t-shirts na cotton. Satin capri pants. Stretchy bootleg pants. Silk
slacks. Silk sarong skirts. Long dresses. Karamihan ay itim pero mayroon ding
dark brown, silver gray, white, deep red, burgundy, royal blue, moss green at
golden yellow. Karamihan din ay plain. Mangilan-ngilan lang ang printed.
Ang plano niya ay gawing mix-and-match
ang kanyang wardrobe. Puwedeng pagpalit-palitin ang pagkakaterno at iba na ang
ang kanyang look. At para talagang magkaroon siya ng sariling identity, kumuha
siya ng mga kakaibang accessories. Mga scarf na ethnic ang prints na puwede
ring gawing belt. Mga silver jewelry na simpleng-simple ang disenyo pero
malakas ang dating. Mayroon ding beads na ginawang hikaw o kuwintas o pulseras.
Ngayon lang niya maisusuot
ang mga outfit na matagal na niyang gustong maisuot. Dati kasi ay palagi siyang
nakauniporme kaya’t iilan lang din ang kanyang damit. At bilang pre-school
teacher sa Colegio de Sta. Maria ay puwersado siyang sumunod sa konserbatibong
image ng paaralan. Hindi siya puwedeng lumayo roon kahit gusto niya. Kaya nga
kahit isinasama siya noon ni Jolen sa Arte’t Kape ay simpleng-simple lang din ang
mga suot niya.
A, hindi na ngayon.
Ngayo’y puwede na siyang makipagsabayan sa mga artist na nakakasalamuha niya sa
kanyang bagong trabaho.
Kayang-kaya naman niyang
dalhin ang anumang outfit. Pareho sila ni Jolen na matangkad at halos perpekto
ang proporsiyon ng katawan. Magkaiba nga lang ang tipo ng kanilang kagandahan.
Mahinhin ang dating ni Jolen. Pilya naman ang dating niya. Iyong sa tamang
pag-aayos ay maaaring maging sopistikada.
Hindi masyadong gumastos
si Monique dahil sinuyod niya ang iba’t ibang mga tiyangge at ang Divisoria.
Maraming mabibili roon na mura pero maganda. Nasa sa paghahanap lang.
Hindi niya pinagupitan ang
mahaba niyang buhok. Sa halip ay kinulayan niya ito. Salit-salitang mga hibla
ng golden blonde at reddish gold na pasilip-silip sa natural niyang dark brown
na buhok. Pinagtiyagaan niyang gawin iyon nang mag-isa sa sarili niyang banyo
sa Casa Hermosa.
Iyon nga ang isa pang
bagay na ikinasiya ng dalaga sa bago niyang buhay. Iyong parang hotel suite ang
kanyang quarters sa pension house. Ngayon lang niya nararanasan ang magkaroon
ng pribadong toilet and bath. May bathtub pa.
Pakiramdam ni Monique ay
nakayakap na siya sa unang baitang ng kanyang papanhiking pangarap.
(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento