Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Martes, Abril 25, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Niandra Chapter 2

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 2

IBINABAD ni Niandra ang kanyang hapong katawan sa mainit na tubig sa bathtub. Habang naroon siya’y iniisip pa rin niya si Matt.

        Parang kailan lang nang una niya itong makita.

        First time niya noon na maging soloist ng choir. Pista pa mandin ng Sta. Cecilia. Kinakabahan na nga siya sa gagawing pagkanta sa harap ng buong bayan sa simbahan, nakita pa niya ang grupong iyon ng mga estrangherong binatilyo. Nakaupo ang mga ito sa ikatlong hilera ng mga upuan – mismong katapat ng puwesto ng choir.

        Halatang taga-Maynila ang mga binatilyo. Mapoporma at astang mayaman. Kasama ang mga pinagkakatiwalaang plainclothes security men ng Hacienda Cecilia.

        Hindi pa nagsisimula ang misa kaya nagawa niyang sikuhin ang katabing si Carmela.

        “Mga Miravilla ang mga iyan, ano?” bulong niya sa kaibigan.

        “’Yung dalawa lang,” pabulong ding sagot nito. “’Yung naka-blue, anak ni Sir Henry – si Harry. Iyong nakaputi naman, anak ni Sir Mike – si Matt. Parehong Atenista ang mga iyan sa Maynila. Mga kabarkada siguro iyang mga kasama. Nakikiusyoso dito sa pista.”

        Katulong sa malaking bahay ng mga Miravilla sa Hacienda Cecilia ang isang tiyahin at isa ring pinsan ni Carmela kaya marami itong alam tungkol sa pinakamayamang pamilya sa lugar nila.

        Bihirang may naliligaw na Miravilla sa bayan ng Sta. Cecilia. Kumpleto palibhasa sa loob ng hacienda. May sariling simbahan. May pribadong eskuwelahang pang-elementarya at pang-high school. May klinikang mas moderno pa kaysa health center ng bayan. May wet-and-dry market na kumpleto sa paninda maging hanggang damit at sapatos. May sinehan.

        Paano namang hindi magkakaganoon samantalang nabuo nga lang ang bayan ng Sta. Cecilia dahil mismo sa Hacienda Cecilia.

        Panahon pa ng mga Kastila nang itatag ang Hacienda Cecilia. Dugong-Kastila ang ninuno ng mga Miravilla. Sa pagdaan ng panahon at patuloy na pag-unlad ng Hacienda, pati ang katabi nitong baryo ay umunlad na rin at naging bayan. Isinunod pa nga sa pangalan ng hacienda ang pangalan ng bayan ng Sta. Cecilia.

        Pero sa pagdaan din ng panahon, dumami na nang dumami ang mga Miravilla.

        Noong panahong iyon, noong thirteen years old si Niandra, walong magpipinsang Miravilla ang nagmamay-ari ng Hacienda Cecilia.

        Kung tutuusin, higit pang mas marami roon ang tunay na Miravilla heirs. Ibinenta na lamang ng iba pa ang kani-kanilang shares sa walong iyon.

        Kabilang sa walo ang mga nabanggit ni Carmella na sina Henry at Mike Miravilla. Pero ang full time na nangangasiwa sa hacienda ay ang mag-asawang Pete at Neny Miravilla. Ang mga ito lamang ang naninirahan sa Hacienda Cecilia. Ang iba pa sa magpipinsan ay Manila-based na.

        Ang mga anak ng mga nagmamay-ari sa hacienda ay bihira ring makadalaw roon. At kung makadalaw man ay hindi na nagagawi sa bayan ng Sta. Cecilia.

        Liban nga lang sa pagkakataong iyon.

        Kaya naman naging center of attention sa simbahan ang grupo ng mga binatilyong taga-Maynila.

        Obvious na may mga Miravilla sa grupo dahil nakabantay sa mga ito ang ilang miyembro ng private security force ng hacienda.

        “Bakit naman ngayon pa naisipan ng mga iyan na mag-usyoso rito?” daing ni Niandra. “Lalo tuloy akong ninenerbiyos.”

        “Ba’t ka naman nenerbiyusin?” pakli ni Carmela. “Ang ganda-ganda nga ng boses mo, e. Puwede kang ilaban kay Regine Velasquez. Malay mo, ma-discover ka pa niyang mga taga-Maynila.”

        “Sus, mga totoy lang ang mga iyan, ano?” irap ni Niandra. “Malay ba ng mga iyan na mang-discover? Estudyante lang din ang mga iyan, sabi mo nga. Baka mamintas pa nga sila sa akin mamaya.”

        “Dedmahin mo na lang,” payo ni Carmela.

        Kung tutuusin, ang tinawag niyang mga totoy ay matanda pa sa kanila nang dalawang taon. Pare-parehong nasa third year high school na noon sa Ateneo de Manila ang mga binatilyo sa grupong iyon. Magkakaklase. Panay kinse anyos.

        At mula sa grupong iyon, isa ang naging kapansin-pansin kay Niandra. Iyong nakaputing t-shirt na anak daw ni Mike Miravilla. Si Matt Miravilla.

        Paano naman, magmula nang magsimulang kumanta si Niandra, hindi na naalis ang pagkakatitig sa kanya ni Matt. Mabuti na nga lang at hindi siya pumiyok kahit conscious na conscious na siya.

        At sino namang trese anyos na dalagita ang hindi mako-conscious kay Matt Miravilla nang mga panahong iyon? Mukha itong artista. Guwapo. Matangkad. Maganda ang pangangatawan. Kayumanggi ang balat pero lutang pa rin ang dugong-Kastila.

        Pagkatapos ng misa, nilapitan siya ni Matt.

        “Hi,” nakangiting sabi nito. “I’m Matt Miravilla. Gusto lang kitang i-congratulate. Ang galing-galing mong kumanta.”

        Walang anumang bahid ng hiya o pagbabantulot ang paglapit at pagkausap nito sa kanya. Parang sanay nang lumapit at kumausap sa kahit na sinong babaing hindi nito kakilala.

        Hindi ganoon ang mga teenagers sa Sta. Lucia. Kahit nga magkakakilala na sila sa bayang iyon ay nagkakahiyaan pang madalas ang mga lalaki’t babae.

        Hindi tuloy malaman ni Niandra kung paano niya sasagutin ang binatilyong taga-Maynila.

        “Thank you,” matipid na sabi na lang niya sa tinig na malakas lang nang kaunti sa bulong.

        Pero hindi pa umalis si Matt.

        “Puwedeng malaman ang name mo?” tanong pa nito.

        Natuliro si Niandra.

        Kung taga-Sta. Cecilia ang gumawa ng ganito, kaiinisan na niya at tatawaging presko. Sa kabilang banda, parang siya naman ang lalabas na walang modo kung hindi niya sasagutin ang binatilyo.

        “Niandra,” sagot na rin niya.

        “Niandra,” ulit ni Matt. “Unique. Ngayon lang ako nakarinig ng ganyang pangalan.”

        Hindi na siya sumagot. Ano nga ba ang isasagot niya roon?

        “Nag-aaral ka rito?” tanong pa ulit ni Matt.

        Tumango siya.

        “Saan?” pangungulit pa nito. “Sa St. Cecilia Academy?”

        Ang pribadong paaralang nasa loob ng hacienda ang tinutukoy nito.

        Umiling siya.

        “Sa public school,” pagtatama niya. “Sa Sta. Cecilia High.”

        “Ano’ng year mo na?” kumportableng-kumportableng pagpapatuloy ni Matt.

        “First year,” sagot niya.

        “Freshman ka lang?” gulat na sambit nito “Bakit, how old are you ba?”

        “Thirteen,” sagot niya.

        “You don’t look thirteen,” sabi ni Matt. “Akala ko nga, magka-age tayo. I’m fifteen. Third-year high school sa Ateneo. Sa Manila.”

        Hindi uli siya sumagot.

        Hindi na talaga siya kumportable. Alam niyang kahit nagkukunwari ang mga kasama niya sa choir na busy sa pagliligpit ng kanilang mga gamit, ang totoo’y nakatutok sa kanila ni Matt ang atensiyon ng lahat. Pinapanood sila’t pinakikinggan.

        “First time kong mamiyesta dito sa inyo,” pagkukuwento pa ni Matt. “Dati kasi, pag nagbabakasyon kami, nandoon lang sa loob ng hacienda. Mabuti pala, naisipan naming gumala.”

        Tumango lang nang bahagya si Niandra.

        Nilapitan na si Matt ng pinsan nitong si Harry.

        “Come on, Matt,” pagyayaya na nito. “May palaro pa raw sa plaza. I really want to see this. May pakakawalan daw na biik. Really gross, huh?”

        Hinatak pa nito sa braso ang pinsan.

        “Sige, Niandra,” paalam na ni Matt. “See you.”

        Pag-alis ng mga bakasyunista, kinantiyawan na agad siya ni Carmela at ng iba pa nilang mga kasamahang babae.

        “Uy, ha, type ka ni Matt Miravilla.”

        “Sosyal ang fan mo, Niandra.”

        “Baka ligawan ka no’n.”

        Inirapan niya ang mga kasama.

        “Tigilan n’yo nga ako,” sagot niya. “Ganoon lang talaga ang mga taga-Maynila. Masyadong friendly kahit sa hindi kakilala.”

        “Huuu,” sabi ni Carmela. “E bakit ‘yung mga kasama niya, ang yayabang? Hindi namamansin. Akala mo kung sino.”

        “Kasi naman, totoong kung sino talaga sila,” biro ng kasama nilang si Glenda. “Mga Miravilla yata ang mga iyon. Mga heredero. Atenista pa. Kita mo nga, sa sobrang tangos ng mga ilong, kulang na lang singhutin tayo.”

        Tawanan sila, pati na si Niandra.

        Kung tutuusin nga, silang mga hindi taga-hacienda ay mas nakakadistansiya na sa kapangyarihan ng pamilyang iyon. Kaya na nilang magbiro ng tungkol sa mga Miravilla – bagay na parang malaking kasalanan na para sa mga nabubuhay nang nakasandal sa Hacienda Cecilia.

        Ang pamilya ni Niandra ay isa sa mga dayo sa Sta. Cecilia. Dating bus driver ang kanyang tatay noong binata pa. Ang rutang nilalagare nito noon ay dumadaan sa bayang iyon. Kaya naman nakita ni Caloy Moran ang potensiyal ng pagtatayo ng turu-turo sa mismong gilid ng highway. Iyong tipong puwedeng tigilan ng mga bus para makapag-CR at makapagmiryenda ang mga pasahero.

        Nang mag-asawa si Caloy ay dinala nito ang misis na si Nelia sa Sta. Cecilia. Pinagtulungan ng dalawa na itayo ang isang kainang nagsimula lang sa isang maliit na puwestong yari sa kawayan at pawid. Ang mahalaga’y may sarili iyong palikuran sa likod at maraming mesa’t bangko para sa mga kakain.

        Bunso si Niandra sa apat na magkakapatid. Nang mag-first year high school siya ay konkreto na ang puwesto ng kanilang “C ‘n N Eatery.”

        Kahit simple lang ang kanilang kabuhayan, ipinagmamalaki ni Caloy na kanilang-kanila iyon. Kabilang ang pamilya Moran sa iilang mga taga-Sta. Cecilia na hindi umaasa sa mga Miravilla.

        Kaya nga ganoon na lang ang pagkakasalubong ng kilay ni Caloy nang lapitan siya mula sa kabilang bahagi ng simbahan. Kasabay nito si Nelia.

        Paglapit ng mag-asawa’y isa-isa nang nagpaalam agad si Carmela at iba pang mga kasama ni Niandra.

        “Sino iyon?” tanong agad ng kanyang ama.

        Obvious na ang tinutukoy nito ay ang kausap niya kanina na estranghero.

        “Si Matt Miravilla raw po siya,” kinakabahang sagot ng dalagita. “Basta na lang ako kinausap. Nagpakilala.”

        “Hmp,” ismid ni Caloy. “May kapreskuhan iyang mga taga-Maynila. Miravilla pa naman. Mag-iingat ka.”

        “Opo,” mabilis na sagot niya.

        “Pero tama lang na kinausap mo nang maayos,” salo naman ni Nelia. “Huwag mong pagsusupladahan at baka ka bastusin. Mahirap na.”

        “Opo,” alisto pa rin niyang sagot.

        Hindi malaman ni Niandra kung ano ang madarama niya sa pangyayaring iyon.

        Sa isang banda’y ikinainis niya na napagsabihan siya ng kanyang mga magulang dahil sa isang bagay na hindi naman niya kagustuhan.

        Hindi naman niya ginustong mapagdiskitahan siya ng Matt Miravilla na iyon, a. Kasalanan ba niya kung nagandahan ito sa boses niya? Kung malakas ang loob nito na lumapit at magpakilala sa kanya?

        Naging tampulan pa tuloy siya ng panunukso ng mga kasama na siguradong hindi basta-basta titigil hanggang sa susunod pang mga araw.

        Pero sa kabilang banda ay kilig na kilig din si Niandra.   Tama ang sinabi ni Glenda. Sosyal nga ang fan niya. Biro mong ma-impress sa kanyang pagkanta ang isang Atenista? Aba, mataas yata ang standards ng mga ito.

        At hindi lang basta Atenista. Mukhang heartthrob pa.

        Hindi niya akalaing hindi pala matatapos doon ang interes ni Matt sa kanya.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento